Jose Abad Santos (19 Pebrero 1886-2 Mayo 1942) Si Jose Abad Santos (Ho·sé A·bád Sán·tos) ay isang kagawad ng gabinete, estadista, at ang ikalimang punòng mahistrado ng Korte Suprema. Nagsilbi rin siyáng Acting President ng bansa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at naging martir sa kamay ng mga Hapones. Ipinanganak si Abad Santos noong 1886 sa San Fernando, Pampanga, at pampito sa sampung anak nina Vicente Abad Santos at Toribia Basco. Nagaral siyá bilang pensiyonado sa Estados Unidos, nagtapos ng abogasya sa Santa Clara College at Northwestern University sa Illinois noong 1908 at master sa batas sa George Washington University nang sumunod na taon. Napangasawa niyá si Amanda Teopaco noong 1918 at lima ang naging anak nilá: Jose, Jr., Osmundo, Luz, Amanda, at Victoria. Naging instrumental si Abad Santos sa pagsulat ng mga tuntunin at konstitusyon ng Philippine Women’s University, ang unang pribado at sektaryong pamantasan para sa kababaihan sa buong Asia. Siyá rin ang naging unang Filipinong abogadong pang-korporasyon ng Philippine National Bank. Naging tagapayong teknikal siyá ng misyong pangkasarinlan ng Filipinas sa Estados Unidos noong 1919, humawak ng iba pang mga tungkulin sa pamahalaan gaya ng abogado ng Manila Railroad Company noong 1920, punò ng misyong pang-edukasyon sa Estados Unidos noong 1926, at kalihim ng katarungan noong 1931. Noong 1942, isinasáma siyá ni Pangulong Manuel Quezon sa paglikas ng pamahalaang Komonwelt sa Australya ngunit pinili niyáng manatili sa Filipinas. Inatasan siyá ni Quezon na maging Acting President at mangasiwa sa mga bahagi ng bansa na hindi pa nasasakop ng mga Hapones. Nahúli siyá ng mga Hapones sa Cebu, kasáma ang anak na si Jose Jr. o Pepito, noong 11Abril 1942. Hinatulan siyá ng kamatayan dahil ayaw makipagtulungan sa mga mananakop. Bago siyá barilin noong 2 Mayo 1942 sa Malabang, Lanao (Lanao del Sur ngayon), sinabi niyá kay Pepito: “Huwag kang umiyak. Ipakita mo sa mga táong ito na matapang ka. Isang karangalan ang mamatay para sa iyong bayan.” Ilang pangunahing lansangan sa mga lungsod ng bansa ang ipinangalan sa kaniya; kabílang dito ang isang abenida sa Maynila na kinatitirikan ng Abad Santos LRT Station. (PKJ) (ed VSA)

Pédro Abád Sántos (31 Enero 1876-15 Enero 1945) Si Pédro Abád Sántos ay isang doktor, abogado, at lider manggagawa. Itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas noong 1929 at ang Aguman Ding Maldang Talapagobra noong 1930. Isinilang siyá noong 31 Enero 1876 sa San Fernando, Pampanga, panganay sa sampung anak nina Vicente Abad Santos at Toribia Basco. Kapatid siyá ni Jose Abad Santos na naging punong mahistrado ng Korte Suprema ng Filipinas. Nagtapos siya ng sekundarya sa Colegio de San Juan de Letran. Nag-aral siya ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas. Matapos ang ilang taón, nag-aral naman siyá ang abogasya. Siyá ay naging medyor ng hukbong Filipino, sa ilalim ni Hen. Maximino Hizon, noong Digmaang Filipino-Amerikano. Nahúli siyá at nahatulan ng 25 taóng pagkabilanggo dahil sa kaniyang pagkakasangkot sa gerilya. Nakalaya siyá sa tulong ng Amerikanong abogado na si John Haussermann. Noong 1906, pumasá siyá sa bar examination at nagsimula ng kaniyang karera sa politika: naging justice of the peace ng kaniyang bayan mula 1907 hanggang 1909; konsehal ng kaniyang bayan mula Enero 1910 hanggang Marso 1912; kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga sa Philippine Assembly noong 1916-1922; miyembro ng Philippine Independence Mission sa Estados Unidos, sa pamumunò ni Sergio Osmeña, noong 1922. Noong 1926, naging undersecretary ng Department of Justice ang kapatid niyang si Jose hábang natalo naman siyá sa pagkagobernador sa Pampanga. Mula noon ay hindi na siyá naglingkod bilang opisyal ng pamahalaan. Sa mga panahong iyon, sumama siyá sa mga kaibigang sina Crisanto Evangelista, Antonio de Ora, at Cirilo Bognot para mag-aral sa Moscow, Russia. Noong ika-26 ng Oktubre 1932, itinatag niya ang Partido Sosyalista ng Pilipinas. Nang sumunod na taón ay itinatag naman niya ang Aguman Ding Maldang Talapagobra na naglayong humingi ng reporma sa lupa at proteksiyon laban sa abuso ng mga nagmamay-ari ng lupa. Noong 7 Nobyembre 1938 itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas at naihalal siyá bilang bise presidente hábang si Crisanto Evangelista ang naging pangulo at si Guillermo Capadocia naman ang naging pangunahing tagapangasiwa. Noong 25 Enero 1942, hinúli siyá ng mga Hapon kasama ang ibang lider ng bansa. Ikinulong siya sa Fort Santiago hábang ang kaniyang kapatid na si Jose, na naging Punòng Mahistrado ng Korte Suprema noong Disyembre 1941, ay pinatay ng mga Hapon. Pinakawalan siyá dahil sa sakit sa tiyan

noong 1944. Sumama naman siyá sa Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) na itinatag ni Luis Taruc. Noong 15 Enero 1945, ikinamatay niya ang kaniyang sakit sa tiyan sa isang base ng gerilya sa Minalin, Pampanga. (KLL)

Juan Abad (8 Pebrero 1872-24 Disyembre 1932) Si Juan Abad (Hu·wán A·bád) ay isang makabayang mamamahayag at mandudula. Naging mahalaga siyá sa teatrong Filipino dahil sa kaniyang mga patriyotikong dula na Ang Tanikalang Guinto at Isang Punglo ng Kaaway. Isinilang siyá noong 8 Pebrero 1872 sa Sampaloc, Maynila kina Ambrosio Abad, isang bookbinder, at Bonifacia Domingo. Ang kaniyang unang dulang Suenos dela mala fortuna ay itinanghal sa Dulaang Arevalo sa Sampaloc noong 1895, noong siya ay 23 taóng gulang. Kompositor siyá sa isang palimbagan ng mga Heswita nang magsimula ang Himagsikang 1896. Noong 1898, naging kasapi siyá ng La Independencia sa Malolos, Bulacan at ng La Republica Filipina sa San Fernando, Pampanga. Bago matapos ang 1899, bumalik siyá sa Maynila, at naging kasapi ng Ang Kapatid ng Bayan. Noong 30 Disyembre 1899, kasáma sina Jose Palma, Faustino Salomon, Emilio Reyes, at Felipe Mendoza, inilathala niya ang Laong-Laan. Siyá at si Palma ay inaresto nang lumabas ang Laong-Laan. Pinalaya rin silá at isinailalim sa probasyon. Nagsulat muli si Abad ng dula. Binuo niya, kasáma sina Mariano Sequera at Honorio Lopez, ang organisasyong La Juventud Filipina na naglayong paunlarin ang patriyotikong drama at kontrahin ang komedya. Inimbestigahan ang ilang miyembro ng Juventud, kasáma si Abad na inaresto rin dahil sa hindi nitó pagsasagawa ng oath of allegiance sa Estados Unidos. Ipinatapón siyá sa Olongapo kasáma si Honorio Lopez. Ang mga naging karanasan niya sa Olongapo ang naging materyales sa kaniyang Manila-Olongapo na itinanghal sa Teatro Zorrilla noong Hunyo 1901. Noong 7 Hulyo 1902, umani ng papuri at pagkilála si Abad dahil sa naging matagumpay na pagtatanghal ng kaniyang Ang Tanikalang Guinto sa Teatro Libertad. Noong 10 Mayo 1903, nang itanghal ito sa Batangas, inakusahan siyá ng sedisyon. Nahatulan si Abad ng dalawang taóng pagkabilanggo at minultahan ng dalawang libong dolyar. Nang makapagpiyansa, at hábang naghihintay ng desisyon sa kaniyang kaso, isinulat niya ang Ang Punglo ng Kaaway na itinanghal sa Teatro Rizal, Malabon noong 8 Mayo 1904. Muli siyáng dinakip. Nailathala lámang niya ang Ang Tanikalang Guinto noong 1907. Naging editor siyá ng Araw, ang diyornal ng Legionarios del Trabajo, at noong 1928 ay ipinadalá sa China para sa isang misyon. Ilang kaibigang Tsino ang nag-imbitang muli sa kaniya sa China. Hindi na siyá nakauwi dahil nagkaroon ng problema sa kaniyang pasaporte. Namatay siyá noong 24 Disyembre 1932 sa Xiamen. (KLL)

Sina Amado Alvarez bilang K. Ulayaw at Casiana de Leon bilang Liwanag sa unang pagtatanghal ng Ang Tanikalang Guinto.

Alejandro G. Abadilla (10 Marso 1906-26 Agosto 1969) Si Alejandro G. Abadilla (A·le·hán·dro A·ba·díl·ya) ang kinikilalang “Ama ng Modernistang Pagtula sa Tagalog.” Bukod sa pagiging makata, isa rin siyáng nobelista at kritikong pampanitikan. Sa kaniyang mga akda, hinahamon at sinasalungat ni Abadilla ang dekahong paggamit ng tugma at sukat sa tula at ang labis na romantisismo sa panitikang Tagalog. Isa siyá sa mga tagapagtatag ng Kapisanang Panitikan, at editor-tagapaglathala ng magasin nitóng Panitikan upang isulong ang pagpapaunlad ng di-lumalagong panitikang Tagalog. Itinuturing ang tula niyang ”Ako ang Daigdig” na hudyat ng pagsilang ng Modernistang pagtula sa Tagalog bukod sa lumikha ito ng malaking kontrobersiya sa nilalaman at sa anyong may malayang taludturan. Ang kaniyang mga aklat ng tula ay Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955), Piniling mga Tula ni AGA (1965), at Tanagabadilla (1964, 1965); ang kaniyang mga nobela ay Sing-ganda ng Buhay (1947) at Pagkamulat ni Magdalena (1958). Siyá ang editor ng mga antolohiyang Parnasong Tagalog, ang unang pagtitipon sa isang aklat ng mga pangunahing tula ng mga makatang Tagalog mula 1800 hanggang 1940s, Mga Kuwentong Ginto (1936, kasama si Clodualdo del Mundo Sr.), Ang Maikling Kathang Tagalog (1954, kasama si Federico Sebastian at A. D. G. Mariano), at Maikling Katha ng 20 Pangunahing Awtor (1957, kasama si Ponciano B. P. Pineda). Nagsimula siyáng makilála bilang kontrobersiyal na manunulat noong buksan niya ang isang kolum sa pamimilì ng mahuhusay na maikling kuwento at tula. Pinamagatan niya ang kolum na Talaang Bughaw at minarkahan sa pamamagitan ng isa hanggang tatlong asterisko ang ipinalalagay niyang husay ng isang nalathalang akda. Maraming nagalit na katandaan at popular na manunulat dahil malimit na mababà ang kanilang markang asterisko. Sinundan ito ng pagtatatag niya ng Kapisanang Panitikan, na binubuo ng mga kabataan noong manunulat, at nagsimula ng mga gawaing tahasang sumasalungat sa panitikang popular noon. Isinilang siyá sa Salinas, Cavite noong 10 Marso 1906 sa isang simpleng pamilya. Nagtapos siyá sa Mababang Paaralan ng Baryo Sapa at sa Mataas na Paaralan ng Cavite. Pagkatapos ay lumipad siyá sa Seattle, Washington sa Estados Unidos upang magtrabaho sa isang maliit na palimbagan. Naging patnugot siyá roon ang seksiyong Filipino ng Philippine Digest, naging tagapangasiwang editor ng Philippine American Review, at itinatag

ang Kapisanang Balagtas na “naglalayong paunlarin ang wikang Tagalog.” Pagbalik sa Filipinas, nakamit niya ang titulong Batsiler sa Sining ng Pilosopiya mula sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1931. Nagsilbi siyáng konsehal sa munisipyo ng Salinas hanggang 1934, at pagkaraan ay naglako ng seguro para sa Philippine-American Life Insurance. Nagkaroon siyá ng walong anak sa asawang si Cristina Zingalava. Pumanaw siyá noong 26 Agosto 1969. (PKJ)

abaká Ang abaká (Musa textilis) ay isang halamang hemp o napagkukunan ng himaymay. Berde ang mga dahon nitó na kawangis ng dahon ng saging. Bagaman nakakatulad ang anyo ng saging, madaling makilala ang abaka sa pamamagitan ng ilang katangian nitó. Una, ang dulo ng dahon ng abaka ay mas patulis kompara sa saging. Pangalawa, ang ibabang bahagi ng dahon nitó ay hindi pantay. Pangatlo, ang magkabilâng bahagi ng dahon nitó ay parehong makintab at madulas. Ang taas ng punòng abaka ay umaabot nang apat hanggang walong metro. Katutubo sa Filipinas ang halamang ito at pinaniniwalaang nagmula sa rehiyong Bicol. Maraming kapakinabangang pang-ekonomiya ang abaka. Ang mga himaymay o hibla nitó ay hinahabi upang maging tela na ginagamit sa paggawa ng damit o kortina. Ginagawa rin itong lubid, basket, at katulad. Ang himaymay ay makukuha hindi sa mga dahon nitó kundi sa pinakakatawan ng halaman na tinatawag ding saha. Ginagamit din ito sa paggawa ng kilalang papel na kung tawagin ay papel de manila o manila paper. Ang punòng abaka pati na ang puting himaymay na nagmumula rito ay tinatawag ding ibilaw, labayo, lain, at paguwa. (SAO) (ed GSZ)

abakáda Abakáda ang tawag sa pangkat ng mga titik o letra sa wikang Tagalog at kumakatawan ang tawag sa apat na unang titik nitó (A-Ba-Ka-Da). Ang abakáda ay binubuo ng 20 titik: A,B, K, D, E, G, H, I , L, M, N, Ng, O, P, R, S , T, U, W, Y. Lima rito ang patinig (A, E, I, O , U) at labinlima ang katinig. Ang mga titik na ito ang ginamit sa pagtuturo ng Wikang Pambansa bilang pagsunod sa atas ng 1935 Konstitusyon. Ginamit ang abakada sa aklat ng balarila ni Lope K. Santos at ilang henerasyon ng mga mag-aaral ang natuto ng Wikang Pambansa sa pamamagitan nitó. Sinusundan ng abakada ang papantig na pagbigkas ng mga titik ng wikang Tagalog na kalapit na kalapit rin sa mga sagisag ng baybáyin, ang sinaunang paraan ng pagsulat ng mga Tagalog. Mapapansin lamang na ang E-I at O-U ay kinakatawan ng isang tunog sa baybayin kayâ tatlo lamang ang patinig ng lumang alpabetong ito. Nagdulot ito ng kalituhan noon at hanggang ngayon dahil hindi nabibigkas nang magkaiba ang E sa I at ang O sa U. Sa pagbabago ng konsepto ng Wikang Pambansa tungo sa Pilipino at sakâ Filipino ay nadagdagan rin ang titik ng abakada. Pinalitan ito ng pinagyamang alpabeto na may 31 titik noong dekada 1970. Labing-isang titik ang idinagdag mula sa alpabetong Espanyol. Kaugnay ng 1987 Konstitusyon at ng pagpapahayag sa Filipino bilang Wikang Pambansa, nirebisa at naging 28 ang titik ng alpabeto ng wikang Filipino. Pinanatili ang 20 titik ng abakada kasáma ang mga titik na C, F, J, Ñ, Q, V, X, Z at tinawag alinsunod sa alpabetong Ingles maliban sa katutubong NG at Espanyol na Ñ. Idinagdag ang naturang mga titik upang kumatawan sa mga tunog na wala sa orihinal na abakada ngunit nasa Ingles at Espanyol at sa ilan sa mga katutubong wika ng Filipinas. Halimbawa, ang F at V ay may tunog na nasa pangalan na ng Ifugaw at Ivatan. (JGP) (ed VSA)

abakús Ang abakús ay isang kasangkapang ginagamit sa pagkukuwenta. Tinatawag din itong ábakó sang-ayon sa Espanyol. Madalas na gumagamit ito ng kawayan bilang kuwadro at ng maliliit, karaniwang bilugan at may bútas na piraso ng mga bato, matigas na kahoy o katulad na tinutuhog ng mga kawad o alambre. Ilang siglo nang ginagamit ang abakús sa ilang bahagi ng Asia bago pa man ang malawakang pagsusulat ng mga bílang. Nahahati sa dalawang bahagi ang mga piraso ng bato sa loob ng abakús. Ang bawat batong nása itaas ay may halagang lima (5) at bawat batong nása ibabâ ay may halagang isa (1). Kasáma sa pagbibilang ang bawat batong nakadikit sa kahoy na naghahati sa dalawang bahagi ng abakús. Nagagamit ito sa pagdaragdag, pagbabawas, paghahati, at pagpaparami ng mga bilang. Nagmula umano ang salita sa Griyegong abakos na nagmula naman sa abax na tumutukoy sa sapad at manipis na piraso ng kahoy na karaniwang parihaba at nalalagyan ng buhangin o alikabok na ginagamit sa pagguguhit ng mga pigura ng heometriya at sa pagbibilang o pagkukuwenta. Maraming pag-aaral ang nagsasabing nakatutulong ang paggamit ng abakús sa pagpapatalas sa isipan ng isang tao kayâ’t patuloy itong ginagamit sa maraming paaralan sa buong mundo. Mas mainam na pamalit umano ito kaysa kinasasanayan sa kasalukuyang pagmememorya ng multiplication table. Malimit makita ito ngayong ginagamit sa mga tindahang Tsino. (ECS) ed VSA

abalóryo Ang abalóryo (na mula sa salitang Espanyol) ay isang maliit at bilugang butil na babasagin at karaniwang ginagamit bilang palamuti. May bútas ito sa gitna at tinutuhog o pinagsasáma-sáma upang makabuo ng isang bagay, tulad ng kuwintas, pulseras, at hikaw, o kayâ ay pandekorasyon sa mga bagay na tulad ng bag at damit. Madalas na gawa sa salamin ang mga abaloryo ngunit maaari ring yari sa ginto, kristal, pilak, bato, at hiyas. Tinatawag din itong batek,butil, lusok, at manik, at madalas na isinasaling bead sa Ingles. Matagal nang ginagamit ang mga abaloryo ng mga Filipino. May panahong ginagamit na tila abaloryo ang iba’t ibang uri ng kabibe, gaya ng natagpuan sa mga yungib sa Cagayan, Palawan, at Sorsogon. Ang kabibeng kabya ay tinutuhog matapos butasin sa gitna. Sa mga kasuotan naman ng mga pangkating etniko sa Filipinas, karaniwang ginagamit ang mga abaloryo bilang bahagi ng mga kasuotan sa ulo, kuwintas, hikaw, at iba pa. Sa pamamagitan ng pagsasáma-sáma at pag-aayos ng mga abaloryo, nakabubuo ang mga ito ng sari-sari at makukulay na disenyo at padron. (MJCT) ed VSA

abaníko Mas kilalá sa tawag na pamaypáy, ang abaníko ay gamit para magbigay ng hangin sa naiinitan lalo sa panahon ng tag-init. Ang abaniko ay orihinal na habi mula sa halamang abaniko (Balamcanda Chinensis o blackberry lily). Ito ay hugis sagwan, puso o bilog kung permanenteng nakabukás. Marami na rin ang abanikong natitiklop na gawa sa iba’t ibang materyales, katulad ng papel, balahibo, tela, plastik, at iba pa. Hango sa salitâng Espanyol (‘abanico’), ang abaniko ay sagisag na ng pagkamalikhain ng mga Filipino. Ang uri ng materyales na gamit na may matitingkad na kulay, at ang disenyo ng habi at hugis ay nagpapahiwatig sa kulturang Filipino na pinanggalingan nitó. Halimbawa: ang abaniko ng mga Ivatan (Batanes) ay hugis bilóg na may mga tulis kada pagitang dalawang pulgada sa palibot at may maliliit na bútas bagama’t masinsin ang pagkakahabi ng parang yantok na materyalea. Ang abaniko ng mga Chavacano naman ay hindi pangkaraniwan dahil ito ay may dalawang gamit: pamaypay at sombrero. Kung pamaypay, ito ay naititiklop na katulad ng gamit ng mga Espanyolang babae at Hapones; kung sombrero naman, ito ay binubuksan at pinagdidikit ang magkabilang dulo para maihugis sombrero. Ang materyales ay batik na tela na nakadikit sa manipis at malambot na kawayan. Bukod sa ang abaniko ay madalas na kaugnay ng baro’t sáya ng magagandang dilag Filipina, marami ring kahulugan at mensahe ang naipapaabot sa pamamagitan ng paghawak ng abaniko. Halimbawa, mensahe ng kahinhinan ang itakip ang abaniko sa dibdib ng isang dilag; mensaheng pag-ayaw o pagkainis kapag namaypay nang mabilis ang isang babae; at sa eskrima, ang aksiyon ng pagbukás ng abaniko ay signal ng kahandaan ng magkalaban sa martial arts. (PGD)

ábay Ang ábay ay ang mga katuwang ng magkasintahan sa pagdaraos ng kanilang kasal lalo na sa tradisyong Katoliko sa Filipinas. Maaaring maigrupo ang mga abay ayon sa kasarian at sa kanilang mga papel sa mga seremonya ng kasal. Ang mga abay na babae ay pinangungunahan ng pangunahing abay na babae o maid/matron of honor. Kalimitang siyá ang pinakamalapit sa babaeng ikakasal kung kayâ maaaring siyá ang kapatid o matalik na kaibigan nitó. Ang pangunahing abay ang katuwang sa paghahanda sa lahat ng mga pangangailangan ng ikakasal bago, habang nagaganap, at matapos ang seremonya. Kailangan niyang tiyakin na naihanda ang lahat ng kagamitang pangkasal lalo na ang trahe at singsing. Sa mismong kasal, tinitiyak niya ang maayos na paglakad ng babaeng ikakasal sa altar at ang anumang pangangailangan nitó habang idinaraos ang seremonya. Samantala, ang best man o pangunahing abay na lalaki naman ay karaniwang matalik na kaibigan o kapatid ng lalaking ikakasal. Tungkulin niyang tulungan ang ikakasal na maihanda ang lahat ng kailangan para sa seremonya. Siyá ang unang-unang lumalakad sa prusisyon ng mga kalahok sa kasal bilang tagapaghanda sa pagdating ng lalaking ikakasal. Kapuwa ang best man at maid of honor ang namamahala sa pagpapapirma sa kontrata ng kasal sa mga ninong at ninang matapos ang seremonya. Silá rin ay naaatasang magbigay ng maikling talumpati o mensahe para sa bagong kasal sa panahon ng reception o palatuntunan sa kainan. Abay rin ang tawag sa mga magkaparehang lalaki at babaeng naatasang mag-ilaw ng kandila, maglagay ng belo at ng tali sa mag-asawa sa seremonyas ng kasal. Silá ang tinatawag na secondary sponsor. Samantala, bukod sa kanila ang mga katuwang ng best man at maid of honor ay tinatawag ring abay. Silá ang bridesmaids at groomsmen na maaaring isa hanggang lima o higit pa depende sa nais ng ikakasal. Isang uri rin ng abay ang mga batàng katuwang sa seremonyas gaya ng mga batang lalaking tagapagdala ng singsing at aras at ng mga batang babaeng nagdadalá ng mga bulaklak. (WFF) ed VSA

kuha ni Toni Narvaez

Bonifacio Abdon (14 Mayo1876-23 Abril 1944) Si Bonifacio Abdon (Bo·ni·fás·yo Ab·dón) ay isang mahusay na biyolinista, konduktor, kompositor, at guro ng musika at kinikilála bilang “Ama ng Makabagong Kundiman.” Ang kaniyang komposisyon na “Kundiman” ang unang kundiman na nakalimbag sa papel. Binigyan niya ng pormal na estruktura ang kundiman bilang isang anyo ng komposisyong itinatanghal at higit sa kalagayan nitó noon bilang popular na awiting-bayan. Karamihan sa mga komposisyon ni Abdon ay ginamit sa mga sarsuwela sa wikang Tagalog. Lumikha siyá ng musika para sa kaniyang bayaw na si Patricio Mariano, na sumusulat ng mga dula para sa mga teatro sa Maynila noong unang bahagi ng dekada 1900. Nagdirihe rin siyá ng orkestra. Sinulat niya ang musika para sa mga dula ni Aurelio Tolentino na La Rosa (1908), La Boda Maldita (1908), Manila Cinematografica (1908), at Crimen sobre Crimen (1909). Itinatag niya ang Orchestra Oriental noong 1910 at naging unang direktor ng musika ng Asociacion Musical de Filipinas noong 1912. Nagturo siyá ng biyolin sa kaniyang bahay sa Quiapo, Maynila na magiging Escuela de Violin kinalaunan. Hinirang siyá bilang guro ng biyolin sa Konserbatoryo ng Musika ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1920. Noong sumunod na taón, isa siyá sa mga naging kasaping tagapagtatag ng Manila Chamber of Music. Isinilang siyá noong 14 Mayo 1876 sa Santa Cruz, Maynila kina Gregorio, isang karpintero at panday ng ginto, at Juliana Abdon. Sa kaniyang kabataan, tumira si Abdon kasáma ang kaniyang lolo sa Pandacan, na tinatahanan ng ilan sa mga tanyag na musikero noon. Nag-aral siyá ng solfeggio sa isang bulág na guro na kilalá bilang Mandong Bulag. Pagkaraan, nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila at naging bahagi ng koro nitó. Sa edad trese, natuto siyáng tumugtog ng biyolin, at pagkaraan, komposisyon, kay Ladislao Bonus. Nagprisinta siyá bilang valet sa mga bumisitang pangkat ng opera mula Italya upang matuto mula sa mga maestro nitó. Nagkaroon siyá ng limang anak sa asawang si Felisa Mariano. Pumanaw siyá noong 23 Abril 1944 at inilibing sa Manila North Cemetery. (PKJ)

Nicanor Abelardo (7 Pebrero 1893-21 Marso 1934) Kinikilala si Nicanor Abelardo (Nikanór Abelárdo) bilang isa sa “Tatlong Haligi ng Musikang Filipino.” Kasama sa tatlo sina Francisco Santiago, unang Filipinong Direktor ng UP Konserbatoryo ng Musika, at Antonio Molina na ginawaran ng Gawad sa Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1973. Si Abelardo ang unang Filipinong kompositor na lumikha ng Concerto in B Flat Minor para sa piyano at orkestra noong 1923, na gumamit ng mga temang batay sa awiting-bayan. Higit na kilala si Abelardo sa kaniyang mga likhang awit na kadalasan ay siyá rin ang sumulat ng titik. Kabílang sa mga awit sa estilong kundiman na kaniyang nilikha ang Nasaan ka Irog? (titik: Nemesio Asistio), Kung Hindi Man , Magbalik Ka Hirang (titik: Filomena Alcanar), Himutok, Paghanga, Sa Libingan ng Irog (titik: Pedro Icasiano), at Kundiman ng Luha (titik: Jose Corazon de Jesus). Ang kundiman ayon kay Abelardo, ay “isang awit na nagtatampok sa isang lalaking nagmamahal na nagdedeklara ng pagkakait sa sarili upang sundin ang nasa ng babaeng minamahal.” Ang halimbawa naman ng mga awit na may makabayang titik na nilikha niyá ay Ang Aking Bayan at Ultimo Adios (titik: Jose Rizal). Lumikha rin siyá ng musika para sa mga sarsuwelang Tagalog. Kabílang dito ang Sumilang ni Basilio Lanuza at Dakilang Punglo ni Servando de los Angeles. Ang kilalang awit na Bituing Marikit ay nilikha ni Abelardo para sa sarsuwelang Dakilang Punglo. Tinagurian din siyáng “Ama ng Filipinong Sonata” para sa kaniyang mga obrang Sonata in G Major (1921), Sonata for violin and piano (1931), at Sonata for String Quartette (1932). Isinilang siyá sa San Miguel de Mayumo, Bulacan noong 7 Pebrero 1893. Ang bulto ng komposisyon niyá ay nasa anyo ng awit. Marahil, dahil kabataan pa siyá’y mang-aawit na at piyanista. Noong 1931-1932, nag-aral siyá bilang pensionado sa Chicago Musical College at dito’y lumikha siyá ng mga komposisyong pang-instrumento. Nagtangka rin siyáng lumikha ng Symphony na hindi natapos dahil sa kaniyang maagang pagkamatay bilang mahusay na guro sa UP Konserbatoryo ng Musika. Namatay si Nicanor Abelardo noong 21 Marso 1934 nang hindi natapos ang operang noong 1934. Florante at Laura, Concerto para sa biyolin at piyano, at ang nabanggit Bukod sa pagiging mahusay na kompositor ay kinikilala rin si Ablelardo nang Symphony. (RCN) (ed GSZ)

Manuel Abella (1828-4 Enero 1897) Isa sa mga “Martir ng Bikol” at binitay noong 4 Enero 1897, si Manuel Abella (Man·wél A·bél·ya) ay isang eskribano (klerk sa hukuman) at mariwasang magsasaka at hinahangan sa kaniyang katapatan sa tungkulin at kaisipang liberal. Isinilang siyá sa isang mariwasang pamilya noong 1828 sa Cayanauan, Tayabas (Quezon ngayon) at nag-aral ng pagpapari sa Naga. Umalis siyá sa seminaryo at noong 1875 ay isa nang eskribano sa Naga. Bukod doon, nagsaka siyá ng palay at abaka at naging isa sa pinakamayaman sa Bikol. Ngunit kinainggitan siyá, lalo na ng mga Espanyol, na natatákot din sa impluwensiya at ng kaniyang mga edukadong anak. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, dinakip siyá at mga anak na Ramon na isa ring malaking may-ari ng lupain; Domingo na isang surveyor at totoong kasapi sa Katipunan; at Mariano na isang abogado, kaibigan ng mga Luna, at hukom sa Naga. Dinakip din noong 16 Setyembre ang pari ng Naga na si Padre Inocencio Herrera, Padre Gabriel Prieto ng Malinao, Albay, potograpong si Camilo Jacob, parmasyutikong si Tomas Prieto, hepe ng mga guwardiyang panggabi na si Macario Valentin, Cornelio Mercado, Mariano Melgarejo, at Mariano Ordenanza. Si Tomas Prieto diumano ang may sinumpaang pahayag sa gobernador hinggil sa pagpupuslit ng armas mulang Cavite at ipinamahagi sa mga dinakip. Noong 20 Setyembre, dinalá ang mga bilanggo sa Bilibid, Maynila at nilitis. Kahit hindi napatunayang sangkot silá sa Katipunan, hinatulan silá ng bitay sa pamamagitan ng pagbaril. Noong 4 Enero 1897, binitay sina Manuel at Domingo Abella, Padre Herrera, Padre Prieto, Padre Severino Diaz, Camilo Jacob, Tomas Prieto, Florencio Lerma, Macario Valentin, Cornelio Marcado, at Mariano Melgarejo. Nahatulang mabilanggo ang iba. Si Leon Hernandez ay namatay si piitan sa Naga noong Oktubre 1897. Si Mariano Ordenanza, na nahatulang ng 20 taóng bilanggo, ay namatay si Bilibid. Sina Ramon Abella at Mariano Araña ay ipinatápon sa bilangguang Fernando Po sa Afrika at dahil sa dinanas na sobrang pahirap ay nangamatay sa sakit noong 1897 o 1898. Pinakamasuwerte si Mariano Abella, na isang abogado, at hindi binitay, naging delegado sa Kongresong Malolos, naging gobernador ng Camarines Norte noong Disyembre 1898 hanggang Pebrero 1900, isa sa nagtatag ng Partido Federal, dalawang ulit pang nahalal na gobernador sa ilalim ng mga Amerikano. (GSV)

abokádo Ang abokádo (Persea americana) ay kabílang sa pamilya ng mga halamang namumulaklak. Nagmula ito sa bansang Mexico. Karaniwan itong itinatanim sa mga klimang tropiko at mediterraneo sa buong mundo. Ang punò ng abokádo ay may malalagô at berdeng dahon. Lumalaki nang 12 sentimetro ang mga dahon at pasalit-salit ang pagkakaayos sa tangkay. Tumataas ang punò hanggang 20 metro. Kulay dilaw ang maliliit na bulaklak nitó. Kapag malakas ang hangin, natutuyo ang mga ito. Ang hugis itlog na prutas ng abokado ay may laking 7-20 sentimetro at bumibigat hanggang isang kilo. Mayroon itong isang buto. Inaani ang mga prutas nang hindi pa nahihinog. Nakaaani ng pitóng toneladang abokádo bawat ektarya ng taniman. Ang pamumunga nang dalawang beses sa isang taón ay hindi nakabubuti para sa mga susunod na produksiyon. Mabuting anihin ang bunga ng abokado kapag mayroon na itong hanggang 23 porsiyentong tuyong laman. Madalas na nilalagyan ng ethylene ang prutas ng abokado na hindi pa nahihinog bago dalhin sa pamilihan upang pabilisin ang paghinog at pagbebental nitó. Kapag madami ang bunga ng abokado, iniiwan sa punò ang mga bungang sobra sa káyang ipagbili. Magandang katangian ng abokado ang kakayahan nitóng mapanatili ang prutas sa punò nang hindi nabubulok sa loob ng ilang buwan. Nakababawas ito sa pagkalugi ng magsasaka matapos ang panahon ng anihan. Ikinakalakal ang prutas ng abokado sa iba’t ibang bansa sa mundo dahil sa mabubuting gamit nitó. Masustansiya ang prutas ng abokado. Ang 100 gramo nitó ay mayroong 35 porsiyentong potassium na higit kaysa prutas ng saging. Mayaman din ito sa bitamina B, E, at K. Ang himaymay nitó ay nakapagpapababà ng cholesterol. Mabisàng lunas din ito sa mga sakit tulad ng allergy at panlaban sa pagkakaroon ng cancer. Hindi lahat ng tao ay maaring kumain ng abokado. May dalawang uri ng allergy sa pagkain ng abokado. Ang isa ay ang sakit sa bibig at lalamunan na mararanasan ilang minuto lámang matapos kumain ng abokado. Ang isa pa ay pagsusuka at pagsakit ng tiyan. Nakalalason sa mga hayop na tulad ng pusa, áso, báka, kambing, kuneho, daga, ibon, isda, at kabayo ang pagkain ng dahon, balát ng sanga, at ubod ng abokado. Maaari itong makaapekto sa sistema ng katawan ng hayop o maging sanhi ng kamatayan (SSC).

Napoleon V. Abueva (26 Enero 1930—) Itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining para sa Eskultura noong 1976 si Napoleon V. Abueva (Na·pol·yón Vi Ab·wé·va). Sa edad na 46, siyá ang pinakabatang nagkamit ng parangal na ito. Kinikilala rin siyáng Ama ng Makabagong Eskultura sa Filipinas. Bihasa si Abueva sa iba’t ibang larangan ng eskultura. May kakayahan din siyáng gamitin ang iba’t ibang uri ng materyales tulad ng kahoy, metal, at bato. Ilan sa mga obra ni Abueva na matatagpuan sa mga espasyong publiko ay ang sumusunod: Transfiguration (1979), isang matayog na pigurang Kristo sa Eternal Gardens Memorial Park sa Caloocan; magkabilaang krusipiho, altar (1957) at busto ni Padre Delaney sa Chapel of the Holy Sacrifice sa kampus ng UP Diliman; labing-apat na estasyon ng krus ng Kapilya ng Paaralang Claret sa Teacher’s Village, Diliman at ng EDSA Shrine; Siyam na Musa sa UP Faculty Center (1994); rebulto ni Teodoro M. Kalaw sa harap ng Pambansang Aklatan; marmol na miyural sa Bantayog ng mga Bayani sa Bundok Samat, Bataan; at Sunburst sa Peninsula Manila Hotel (1994). Maibibilang naman sa kaniyang mahahalagang obra ang mga sumusunod: Allegorical Harpoon, kabílang sa limang gawa niyá na lahok ng Filipinas sa XXXII Venice Biennale noong 1964; Kaganapan (1953), itinuturing na pinakamaestilo sa kaniyang mga likha; Halik (adobe), nagtamo ng ikalawang gantimpala sa ika-4 taunang eksibisyon ng Arts Association of the Philippines, 1951; lumulutang na eskulturang Moses (1951); Kiss of Judas (kahoy), nagwagi ng unang gantimpala sa Eksibisyon ng mga Relihiyosong Likhang Sining sa Detroit, Michigan, USA (1955); Water Buffalo (Marmol), itinanghal sa St. Louis , Missouri, USA (1956); at Unknown Political Prisoner, ginawaran sa Internasyonal na Patimpalak sa Noong 1978, hinirang si Abueva bilang Dekano ng College of Fine Arts Eskultura ng Institute of Contemporary Arts, London (1953). sa Unibersidad ng Pilipinas, at nanatili sa posisyong ito hanggang 1989. Naging kabiyak niyá si Sergia Valles na naging Kalihim ng National Maaga siyáng naulila ng mga magulang na sina Kongresista Teodoro Center for Mental Health. May tatlo silang anak, sina Amihan, Mulawin Abueva ng Tagbilaran, Bohol at Purificacion Veloso ng Cebu na pinaslang at Duero. ng mga Hapones noong 1944 dahil sa pagiging mga gerilya. Nakapagaral siyá at nagtamo ng digri sa Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas sa Kabílang sa iba pa niyáng nakamit na parangal ang mga sumusunod: mga pamamagitan ng iskolarship mula kay Pura Villanueva Kalaw. Nagtapos gawad mula sa Art Association of the Philippines (1951, 1952, 1953, 1954, siyá ng Master sa Sining sa Cranbrook Academy of Art sa Michigan, USA 1958, 1974 at 1977); Natatanging Alumnus ng School of Fine Arts, UP noong 1955 bilang iskolar ng Fulbright/Smith-Mundt. Nagpatuloy pa siyá Golden Jubilee (1958); Republic Award para sa Eskultura (1959); Ten ng pag-aaral ng Ceramics sa University of Kansas at Kasaysayan ng Sining Outstanding Young Men of the Philippines (1959); Cultural Heritage sa Unibersidad ng Harvard sa Estados Unidos. Award (1966). (RVR) (ed GSZ)

Abunnawas Si Abunnawas ang popular na pilyong tauhan sa mga katakata, kuwentong bayan ng mga Tausug at Samal. Hindi tulad ng ibang uri ng panitikang oral ng mga Tausug at Samal, isinasalaysay lamang ang mga katakata at hindi inaawit. Isinasalaysay rin ang mga ito bilang pampalipas-oras. Sa lahat ng mga kuwento ni Abunnawas, lagi niyáng naiisahan ang sultan sa mga pagsubok at pagtatangkang gawing katatawanan si Abunnawas. Isang kuwento ni Abunnawas ay pinamagatang Lumakad si Abunnawas sa Ibabaw ng Kawayan. Sa nasabing kuwento, nang napadaan si Abunnawas sa kaharian ng sultan, kaniyang ibinida na nakapaglakad siyá sa ibabaw ng kawayan. Hindi naniwala ang sultan kayâ hinamon niyá si Abunnawas na maglakad sa ibabaw ng kawayan mula sa bahay nitó hanggang sa kaharian. Kapag nagawa ito ni Abunnawas, bibigyan siyá ng salapi ng sultan ngunit kapag hindi niyá natugunan ang hamon ng sultan ay kamatayan ang parusa. Kaagad na umuwi si Abunnawas at naghanda ng tayakád, mga piraso ng kawayan na itinali nang mahigpit sa isa’t isa at may nakausling bahagi ng kawayan upang may mahawakan ang pilyong tauhan. Sunod, nagtungo siyá sa kaharian at nang matapat na sa bintana na tanaw ng sultan, kaniya itong tinawag upang tingnan siyá. Nagulat ang sultan at hinangaan na lamang ang katalinuhan ni Abunnawas. Kawangis ng pag-uugali ni Abunnawas ang iba pang popular na tauhan sa iba’t ibang kuwentong-bayan, gaya ni Juan Púsong ng mga Bisaya at Juan Usong ng mga Bikol. Ngunit, ayon sa mga iskolar ng panitikan ng Tausug, taliwas sa kaugalian ng pangkat-etniko na maging masunurin ang asal ni Abunnawas. (SJ) (ed VSA)

Lumakad si Abunnawas gamit ang tayakad, Guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

Acta de la proclamación de independencia del pueblo Filipino Ang Acta de la proclamación de independencia del pueblo Filipino (ák·ta de la prok·la·mas·yon de in·de·pen·dén·si·yá del pu·wé·blo Fi·li·pí·no) ay ang kasulatang binása sa araw ng deklarasyon ng kasarinlan at kalayaan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 sa bahay ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite. Sa panulat sa Espanyol ni Ambrosio Rianzares Bautista, kilalá bilang Don Bosyong, sinulat ang proklamasyon mula Mayo hanggang Hunyo 1898 at nilagdaan ng 98 tao. Nilalaman ng proklamasyon ang pagmimithi ng kalayaan ng bansa mula sa kolonisasyon ng Espanya. Ang proklamasyon ay isang napakahalagang pangyayari pagkatapos bumalik ni Aguinaldo mula sa destiyero sa Hong Kong at bahagi ng planong wakasan ang pananakop ng mga Espanyol sa Filipinas. Bumalik si Aguinaldo na sakay ng bapor na Amerikano at taglay ang paniwalang magiging kaalyado ang Estados Unidos sa pagpapaalis ng mga Espanyol. Sa hápon ng Hunyo 12, iwinagayway ang Pambansang Watawat ng Filipinas na tinahi nina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo, at Delfina Herboza sa Hong Kong. Tinugtog din ang Marcha Filipina Magdalo, kilalá ngayon bilang Pambansang Awit na “Lupang Hinirang,” na binuong musika ni Julian Felipe. Hindi kinilála ng Espanya ang deklarasyon sa Cavite Kayâ nagpatuloy ang itinuturing na ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino. Ngunit lumitaw ding higit na nais sakupin ng Estados Unidos ang Filipinas mula sa Espanya, na luminaw sa pagpasok ng hukbong Amerikano sa Maynila, at nang lumaon, sa pagkakaroon ng Tratadong Paris. Sa naturang kasunduan, ipinagbili ng Espanya ang Filipinas sa Estados Unidos. Sa panahong iyon, hawak na ng Republika ng Filipinas na itinatag sa Malolos ang halos buong kapuluan. Ipinagpatuloy ng mga Amerikano ang layuning mapanakop at humantong sa Digmaang Filipino-Amerikano. Nagwagi ang mga Amerikano ngunit nangakong ihahanda ang mga Filipino tungo sa pagsasarili. Ibinigay ng Estados Unidos ang kasarinlan ng Filipinas noong 4 Hulyo 1946. Ngunit sa panahon ng pamumunò ni Pangulong Diosdado Macapagal, inilipat niya ang Araw ng Kasarinlan sa Hunyo 12 bilang pagkilála sa proklamasyon sa Kawit, Cavite noong 12 Hunyo 1898.. Sa kasalukuyan, ang dokumento ng deklarasyon sa Cavite ay nakatago sa Aklatang Pambansa ng Filipinas. (CID) ed VSA

Acta de Tejeros Ang Acta de Tejeros (ák·ta de te·hé·ros) ay isang kasulatang nilagdaan ni Andres Bonifacio upang mapawalang-bisà ang halalan ng mga opisyal ng bagong rebolusyonaryong gobyerno noong 22 Marso 1897 sa Kumbensiyong Tejeros sa San Francisco de Malabon, Cavite. Sa naturang kumbensiyon, nagkasundo ang mga dumalo na magtatag ng bagong pamahalaang mapanghimagsik at igalang ang magiging resulta ng halalan ng mga bagong pinunò. Nahalal sa eleksiyon sina Emilio Aguinaldo bilang Presidente; Mariano Trias bilang Bise Presidente; Artemio Ricarte bilang Kapitan Heneral; Emiliano Riego de Dios bilang Direktor ng Digma; at Andres Bonifacio bilang Direktor Panloob. Ang totoo, ang Kumbensiyon sa Tejeros ay isang pagpupulong ng Magdiwang at Magdalo—dalawang balangay ng Katipunan na binuo noong Abril 1896 sa magkahiwalay na seremonyang pinasinayaan ni Bonifacio. Dahil sa patuloy na paglaki ng dalawang grupo, idineklara ang mga itong Sangunian Bayan—isang estado ng pagsasarili sa mga pook na saklaw— hanggang sa nagkaroon ng kani-kaniyang pamunuan. Sa Kapulungan ng Imus noong Disyembre 1896, sinimulan ang pag-uusap kung pananatilihin ang sistema ng Katipunan o kung bubuo ng rebolusyonaryong gobyerno. Nagkaroon ng debate dahil hati ang dalawang panig: gusto ng Magdiwang ang una, gusto ng Magdalo ang pangalawa. Sa hulí, naipasiyang si Bonifacio ay mamumunò ng isang Lupong Tagapagbatas. Pagdating ng22 Marso 1897, nagkaroon muli ng pagpupulong at ito na ang Kumbensiyong Tejeros, masasabing teritoryo ng Magdiwang. Layunin ng pulong na isaayos ng dalawang grupo ang pagpapalaya sa Cavite laban sa mga Espanyol. Ngunit nagulo ang kumbensiyon nang magsalita si Daniel Tirona at hinahadlang ang pagkahalal kay Bonifacio bilang direktor. Nagalit si Bonifacio at idineklarang walang-bisà ang kumbensiyon at halalan. Kinabukasan, 23 Marso, binuo at pinirmahan ni Bonifacio at ilang mga namumunò sa Magdiwang ang Acta de Tejeros na nagsasabing hindi lehitimo ang nangyaring eleksiyon dahil sa posibilidad ng dayaan. Kasabay nitong nangyari ang panunumpa sa posisyon nina Aguinaldo, Trias, at Riego de Dios sa isang kumbento sa Tanza. Si Artemio Ricarte naman ay sumunod sa kumbento matapos pumirma sa Acta. (CID) ed VSA

adárna Ayon sa mga paniniwala ng mga Tagalog, isang maalamat na ibon ang adárna. Batay sa mga deskripsiyon, ang tuka nitó ay hindi gaanong matulis, may makulay na balahibo at mahahabà ang balahibo sa bandang puwitan nitó. May kakayahan ang adarna na makapagpagaling ng anumang sakit kapag ito’y humuni at umawit na. Dahil dito, pílit na hinuhuli ng mga tao ang mitolohikal na ibon. Sa koridong Ibong Adarna, naging mahalaga ang ibon sa pagpapagaling sa hari ng Berbania, si Haring Fernando. Ngunit, hindi naging madali ang paghuli sa ibon. Sa tamis ng huni at pag-awit ng ibon, nakakatulog ang sinumang nakarinig nitó at kapag nataehan ng ibon ay nagiging bato. At iyon nga ang nangyari sa dalawang anak ni Haring Fernando, sina Prinsipe Pedro at Prinsipe Diego, na naging bato matapos makatulog nang marinig ang pagkanta ng ibon at mataehan nitó. Ngunit, ang bunsong anak ni Fernando na si Prinsipe Juan ay naging matagumpay matapos mapayuhan ng matandang pulubi sa dapat gawin upang hindi makatulog at maging bato at kung paanong makababalik ang dalawang kapatid niyá mula sa pagiging bato. Binigyan siyá ng labaha at kalamansi. Sa bawat awit, hinihiwa niyá ang bisig at pinapatakan ng kalamansi. Dahil sa kirot, hindi siyá nakatulog hanggang matapos ang pitong awit ng adarna.Nang mahuli na ni Juan ang ibon at bumalik mula sa pagiging bato ang dalawa niyáng kapatid, umuwi na ang tatlong prinsipe sa kaharian. Mahabà pa ang mga sumunod na pangyayari sa korido. Ginagamit na ang adarna bilang pangngalang pantangi ng iba’t ibang institusyon sa bansa. Una, ang Adarna Publishing House, ang kaunaunahang lathalaan ng mga aklat pambata sa Filipinas. Ang UP Cine Adarna (dating UP Film Center) na teatro para sa mga pelikula sa Unibersidad ng Pilipinas. Ipinangalan din sa ibon ang proyektong ADARNA o Aerial Dynamic Assessment Robot for National Advancement ng Pamantasang De La Salle. (SJ) (ed VSA)

ádat Ang ádat sa wikang Arabe ay “kaugalian.” Sa mga pangkating Muslim sa Filipinas, ito ang kabuuan ng di-nakasulat na mga hálagáhan at pamantayan ng asal at kilos sa lipunan. May ádat ukol sa tradisyonal na pananamit. May ádat hinggil sa paraan ng paglutas ng usaping panlipunan. Halimbawa pa, sa mga Tausug sa Lungsod ng Zamboanga, ang salitâng ádat ay karaniwang ginagamit sa “pang-adatan pangalay” (kinaugaliang sayaw), “pang-adatan pagkawin” (banal na gawain na ginagawa tuwing kasal), “malingkat adat” (magandang pag-uugali) at “mangi adat” (masamâng pag-uugali). (RBT) (ed VSA)

adélpa Ang adélpa (Nerium oleander) o oleander ay palumpong na tumataas nang 1-3 m, balahibuhin ang hugis sibat na dahon, at may dilaw, putî, o puláng bulaklak. Isa ito sa mga nakalalasong halamang ornamental. Matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng mundo at hindi pa natutukoy ang tiyak na pinagmulan. Dinala ito ng mga Espanyol sa Filipinas at ngayon ay itinatanim na sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa kaniyang Mga Pagsusuri sa mga Halaman (ca 300 BCE), inilarawan ni Theophrastus ang isang palumpong na nakaaapekto sa isipan at tinawag itong onotheras. Sinasabing ang ang alak na may halò ng ugat nitó ay nakapagpapahinahon at nakapagpapasayá. Ang adelpa ay itinuturing na opisyal na bulaklak ng Hiroshima dahil ito ang unang namulaklak matapos ang pagsabog ng bomba atomika noong 1945 sa naturang siyudad. Itinuturing na nakalalason ang adelpa dahil nagtataglay ito ng cardiac glycosides na nagiging lason kapag naparami ang konsumo ng mga mammal tulad ng aso at tao. Bagaman mayroon itong nakalalasong katangian, wala namang naiuulat na pagkalason o pagkamatay mula sa pagdikit sa mismong halaman hanggang sa paggamit ng mga pamahid sa balát mula dito. Pinaniniwalaang nakapagpapagaling ito ng hika, buni, ketong, herpes, eksema, almoranas, kagat ng ahas, malarya, at sakit sa puso at puson. Sa ilang pagkakataon, ginagamit din ito sa pagpapatiwakal at pagpapalaglag. (KLL) ed VSA

adóbe Ang adóbe ay isang uri ng matigas ngunit natatabasang bato at hinuhubog sa mga pirasong parihaba upang gamitin sa paggawa ng esttrukturang tulad ng bahay o gusali. Karaniwan itong pinagpapatong-patong upang maging dingding o inihahanay nang patag upang maging sahig. Ginagamit din itong pader sa moog o bakuran at sahig sa lansangan at bangketa Ang salitang adobe ay nagsimula bilang “dj-b-t” sa wikang Ehipto noong 2000 B.C hanggang naging “tobe” noong 600 B.C. Hiniram ito sa wikang Arabe bilang “al-tub” hanggang naging salitang “adóbe” sa Espanyol. Hiniram naman ito ng wikang Ingles bilang “adobe” noong ikalabingwalong siglo. Ang lahat ng mga pagsasaling ito mula “dj-b-t” hanggang “adobe” ay nangangahulugang tipak ng batong luad. Ito ay madalas ginagamit sa mga bansang may mataas na temperatura kung umaga at mababàng temperatura kung gabi dahil na rin sa mataas nitóng thermal mass at makapal na kabuuan. Sa konseptong ito, ang pader na adobe ay may kakayahang pigilan ang pagpasok ng init o lamig sa loob ng bahay o gusali. Ilan sa mga bansang gumagamit ng adobe ay Kanlurang Asia, Hilaga at Kanlurang Aprika, Timog Amerika, at Silangang Europa. Ang mga sinaunang sibilisasyong gumamit nitó ay ang mga grupo sa Mesoamerica at Andes. Nagsimula itong gamitin sa Espanya bago ang ikawalong siglo BC at naging karaniwan sa mga bahay sa Filipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. May malaking reserba ng materyales para sa adobe sa hilagang bahagi ng bansa. (CID) ed VSA

adóbo Isang putaheng karne na tinimplahan ng sukà, asin, bawang, at paminta. Sa Espanyol, ang orihinal na adóbo ay tinimplahan sa langis, bawang, at oregano. Ngunit marami ang nagpapalagay na ang putaheng ito ng mga Filipino ay mulang Mexico. Sa Oaxaca, Mexico ang karne ay ibinababad sa sili, bawang, sidrang sukà, tomílyo (thyme), dahon ng lawrel, dahon ng abokado, oregano, itim na pamintang buo, at kanéla. Sa kabilâng dako, marami din ang nagtuturing na “pambansang ulam” ang adobo. Narito na ito diumano at tinawag lámang na “adobo” ng mga Espanyol dahil kahawig ng alam nilá. Hindi rin magkasundo sa mga rekado nitó. Iginigiit ng mga tradisyonalista na dapat itong lagyan ng asin, isang sangkap na napalitan ng toyo at ipinalalagay na impluwensiya ng mga Tsino. Iba-iba ang adobo sa iba-ibang kusinera at iba-ibang lugar. Isang restoran ang sikát sa adobong baboy na may pritong taho, at pusit na pinakuluan sa sukà at toyo. Sa Batanes, ang lúnyis o adobo ng mga Ivatan ay may asin lámang. Mabisàng paraan ang adobo para sa pag-iimbak ng karne para hindi ito masira noong wala pang repridyireytor. At kahit ngayon kung walang imbakan. Maaaring adobuhin ang karneng baboy, báka, manok, isda, at kahit gulay. Maaasahang handa ito sa mga tahanan kung pista at báon sa piknik o mahabàng biyahe. Noong 1898, sa inaugurasyon ng Unang Republika ng Filipinas ay nása wikang Pranses ang menu ng grandeng hapunan. Isa sa handa ang “Abatis de Poulet a la Tagale” na kung isasalin ay “adobong atay at balumbalunan.” Kataká-taká bang tawaging “Adobo Country” ang Filipinas? (VSA)

Marcelo Q. Adonay (6 Pebrero 1848-8 Pebrero 1928) Kilalang musiko sa pagtatapos ng siglo 19, si Marcelo Q. Adonay (Marsélo Kyu Adónay) ay isang kompositor, organista, direktor pangmusika, at guro. Noong 1856, walong taon lamang si Adonay nang dalhin siyá ng kaniyang tiyuhin sa Maynila upang pag-aralin sa kumbento ng Simbahang San Agustin. Sa kumbento ay pormal niyáng natutuhan ang pagtugtog ng piyano, organo, at kaalaman tungkol sa mga pangunahing tuntunin ng armonya. Noong 1870, bukod sa pagiging organista ng Simbahang San Agustin, ay iginawad kay Adonay ang titulong “Maestro di Capella.” Ang responsabilad na ito ay ginampanan niyá hanggang 1914. Noon ding 1870 ay binuo niyá ang orkestra ng kumbento na may kabuoang 20-25 miyembro, bukod pa ito sa orkestra ng Katedral na lingguhan niyáng ineensayo. Bukod sa mga gawaing pansimbahan, nagturo rin si Adonay sa mga paaralang Colegio de Santa Catalina, Colegio de Santa Rosa, Colegio de San Sebastian, at La Campañia de Jesus. Nagturo rin siyá ng solfeggio, armonya at komposisyon sa Centro de Bellas Artes. Kinikilala si Adonay bilang prinsipe ng musikang pansimbahan ng Filipinas. Panrelihiyon ang tuon ng kaniyang musika, ngunit mayroon din siyáng mga likhang sekular na musika. Narito ang ilang likhang musikang pansimbahan ng maestro: Benedictus, para sa tenor at orkestra; Libera Me Domine, para sa mga boses at doble bajo; Gazos a la Santissima Virgen (a Nuestra Sra. de la Consolacion), para sa koro at organo o harmonium; Gazos a la Santissima Virgen de Remedios, para sa koro at orkestra; Pequeña Misa Solemne sobre Motivos de la Missa Regia del Canto Gregoriano, para sa koro at orkestra; Rosario Difunto, para sa koro at maliit na orkestra; Salve Regina, para sa isang boses at piyano. Narito naman ilang musikang sekular: Martsa, alay kay Anotnio Luna; Rizal Glorified, unang itinanghal noong 30 Disyembre 1911 sa Manila Grand Opera House para sa paggunita ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal (kinomisyon ang musikang ito ni Pablo Ocampo para sa nasabing okasyon); La Procesion de Turumba en Pakil, para sa banda at mga boses; Ang Querot ng Reuma, na nilikha niyá noong 1912 marahil bilang pag-aalaala sa sariling karanasan sa sakit; Tocata para sa organo, ibinigay niyá kay Col. Walter Loving nang dumalaw ang koronel sa kaniyang bahay at humingi ng orihinal na komposisyon para sa nabanggit na instrumento. Noong 1983, bilang pag-alaala sa ika-135 kaarawan ni Maestro Marcelo Q. Adonay, ay nagtayo ng isang panandang

paggunita sa Pakil, Laguna bilang pagkilala sa kontribusyon ng maestro sa pagpapayaman ng musikang pansimbahan ng Filipinas. Ipinanganak siyá noong 6 Pebrero 1848 sa Pakil, Laguna at yumao noong 8 Pebrero 1928 sa kaniyang tahanan sa Malate, Maynila. Panganay na anak sa labing-isang magkakapatid. Ang kanyang mga magulang ay sina Mariano Adonay at Prudencia Quinteria na pawang magsasaka. (RCN) (ed GSZ)

Macario G. Adriatico (10 Marso 1869-14 Abril 1919) Si Macario Gonzales Adriatico (Ma·kár·yo Gon·zá·les Ad·ri·yá·ti·ko) ay isang iskolar, peryodista, manunulat, at politiko na kinikilála bilang “Ama ng City Charter ng Maynila.” Lumaban si Adriatico noong Himagsikang Filipino, at pagkaraan ay naging Comandante de Estado Mayor ng hukbong Filipino sa Panay noong Digmaang Filipino-Amerikano. Naging abogado si Adriatico pagkatapos pumasá sa bar exam noong 1902. Noong panahong iyon, hindi pinahihintulutang magtatag ng mga pahayagan o samahang pampanitikan ang mga Filipino, ngunit binuo pa rin niya ang isang lihim na samahan ng mahigitkumulang 50 kasapi, ang Akademya ng Wika at Panitikang Espanyol. Bilang manunulat, naging patnugot siyá ng Diario de Filipinos ng Partido Conservador at nagkapag-ambag din sa mga pahayagang La Moda Filipina, La Independencia, El Renacimiento, La Cultura Filipina, El Ideal, at Domus Aurea. Bilang pagkilála sa kaniyang panulat at pagkabihasa sa wikang Espanyol, nagwagi siyá ng ilang akademikong karangalan at naging miyembro sa Real Academia ng Madrid. Bilang mambabatas, naging kinatawan siyá ng Mindoro sa Asemblea ng Filipinas noong 1907. Siyá ang may-akda ng unang charter ng Maynila, at isa sa naghain ng panukalang gawing dalawang distrito ang lungsod. Hinirang siyá ng pamahalaan bilang unang Filipinong direktor ng Pambansang Aklatan at Museo (ngayon ay hinati na bilang Pambansang Aklatan, Pambansang Museo, at Pambansang Sinupan), isang posisyong hinawakan niya noong 1917-1919. Isinilang siyá noong 10 Marso 1869 sa Calapan, Mindoro kina Luciano Adriatico, isang empleado ng pamahalaan, at Natalia Gonzales. Nag-aral siyá sa pribadong eskuwelahan ni Hipolito Magsalin sa Maynila bago pumasok sa Instituto Burgos ni Enrique Mendiola. Noong 1889, nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte sa Colegio de San Juan de Letran nang may pinakamataas na karangalan. Sa Unibersidad ng Santo Tomas, kumuha muna siyá ng medisina bago lumipat sa abogasya, pilosopiya, at letra. Nagkaroon siyá ng sampung anak, walong babae at dalawang lalaki, sa asawang si Paula Lazaro ng Bocaue, Bulacan. Pumanaw siyá noong 14 Abril 1919. Bilang pagkilála, ipinangalan sa kaniya ng Lungsod ng Maynila ang Kalye Dakota sa Ermita. (PKJ) ed VSA

Adwána Tinatawag na Adwána ang ahensiya o opisina ng pamahalaan na may tungkuling mangolekta ng mga ipinapataw na buwis sa mga kalakal na ipinapasok mula sa ibang bansa at ng bayad para sa paggamit ng mga kasangkapan at serbisyo sa mga piyer at paliparan. Pinamamahalaan at kinokontrol din nitó ang pagpasok at paglabas sa bansa ng iba’t ibang uri ng produkto kagaya ng mga personal na kagamitan, sasakyan, pagkain, hayop, halaman, at iba pang gamit na maaaring patawan ng buwis. Mula ito sa Espanyol na aduana at may gayunding kahulugan. Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol nagtatag ng opisina upang maningil ng kaukulang buwis sa mga tao at kalakal na nagdaraan sa mga piyer ng Maynila. Ang Kawanihan ng Adwana (Bureau of Customs) ngayon ang may ganitong tungkuling mag-inspeksiyon at magtása sa mga kalakal na pumapasok sa Filipinas. Nagiging bahagi ang nalilikom na salapi ng pambansang pondo ng gobyerno para sa mga proyektong pambayan. Mayroon nang sariling sistema ng adwana ang mga katutubong Filipino bago pa dumating ang mga Espanyol. Nagbibigay ng buwis noon pa ang mga dayuhang mangangalakal sa naghaharing raha o datu ng barangay. Ipinagpatuloy ng mga mananakop na Espanyol ang ganitong kalakaran sa pamamagitan ng pagpataw ng buwis na ad valorem sa lahat ng kalakal. Noong panahon ng pananakop ng Estados Unidos, nagbalangkas ang Philippine Commission ng mga batas na gagabay sa pangongolekta ng buwis sa mga inaangkat na kalakal. Sa kasalukuyan, ang sistema ng adwana sa Filipinas ay ginagabayan ng Tariff and Customs Laws of the Philippines. Ang Kawanihan ng Adwana sa Filipinas ang isa sa pinakamalaking pinagkukunan ng pondo ng gobyerno. Nakalilikom ito ng mahigit isang bilyong piso taon-taon mula sa ipinapataw ng buwis sa mga inaangkat at iniluluwas na kalakal. (SMP) (ed VSA)

Gusali ng Bureau of Customs, Maynila 1945-1947 Retrato ni John T Pilot

agímat Agímat ang tawag sa anumang bagay na pinaniniwalaang nagtataglay ng kapangyarihang nakapagbibigay ng pambihirang lakas at iba pang kakayahang higit sa taglay ng karaniwang tao. Sinasabing nakaugat angagimat sa relihiyon ng mga sinaunang Filipino na naniniwalang ang lahat ng bagay na likas ay may kaluluwa kung kayâ’t maging hanggang sa kasalukuyan, ang maliliit na bato o piraso ng kahoy, lalo na iyong mga nakuha sa sagradong lugar o kakaibang paligid, ay itinuturing na makapangyarihan. Dulot na rin ng impluwensiya ng Kristiyanismo sa bansa, maging ang mga kuwintas na krus at eskapularyo ay itinuturing kung minsan na agimat. Sa katunayan, maraming nabibiling agimat maging sa tabi ng simbahan sa Quiapo. Tinatawag din itong anting-anting, o kayâ ay alipugpóg sa Iloko, dagón sa Sebwano, galíng sa Tagalog, Iloko, Kapampangan, at Pangasinan, samantalang ang mga terminong amuléto at birtúd ay mula sa Espanyol. Bagaman nasasaksihan na lamang sa mga pelikula at telebisyon, o nababasa sa mga kuwentong kababalaghan at komiks, bahagi rin ang agimat ng maraming epikong Filpino at kuwentong bayan. Sa katunayan, nagiging bahagi rin ito ng kasaysayan ng Filipinas. Hindi maihihiwalay, halimbawa, ang pagkabantog ni Macario Sakay sa damit niyáng kinasusulatan ng Latin at may mga dibuhong relihiyoso na sinasabing nagsanggalang sa kaniya laban sa mga bala ng kaaway na Espanyol at Amerikano. (GAC) (ed GSZ)

Gregorio Aglipay (5 Mayo 1860-1 Setyembre 1940) Si Gregorio L. Aglipay (Gre·gór·yo El Ag·lí·pay) ay isang makabayang lider ng mga paring Filipino at unang Obispo Maximo ng Iglesia Filipina Independiente, ang simbahang kilalá ngayon sa tawag na “Simbahang Aglipay.” Ipinanganak si Aglipay noong 5 Mayo 1860 sa Batac, Ilocos Norte. Sa muràng edad ay naulila siyá at lumaki sa mga sakahan ng tabako. Sa edad katorse, nakulong siyá dahil hindi nakamit ang takdang dami ng aning tabako. Nag-aral siyá ng pagpapari sa seminaryo ng mga Agustino sa Vigan at ng mga Dominiko sa Colegio de San Juan de Letran sa Maynila. Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Espanyol, isa na siyáng kura paroko at hindi ito nakasagabal para kumilos siyá at tumulong sa mga Katipunero. Noong 1898, hinirang siyá ni Hen. Emilio Aguinaldo na Vicario General Castrense ng rebolusyonaryong pamahalaan. Ibig sabihin, siyá ang pinunòng espiritwal ng mga Filipino at doon nagsimula ang tinatawag ngayong rebolusyong panrelihiyon sa bansa. Nang panahong iyon, nakita niyá na walang karapatan ang mga paring Filipino, hawak ng mga fraile ang malalaking lupain, at walang hinihirang na obispong Filipino ang Papa. Dahil dito, siyá at ang iba pang paring Filipino ay humiwalay sa Simbahang Katoliko. Itinatag nilá noong 26 Oktubre 1902 ang Iglesia Filipina Independiente. Noong Enero 1903, hinirang siyá bilang Obispo Maximo ng bagong simbahan ng mga obispo ng Maynila, Cavite, Nueva Ecija, Isabela, Cagayan, Pangasinan, at Abra. Tatlumpu’t walong taon niyáng pinamunuan ang simbahang ito. Bago namatay, kumandidato siyáng presidente sa eleksiyon ng Komonwelt (kasama si Norberto Nabong ng Partido Komunista bilang bise-presidente) pero natalo kina Manuel L. Quezon at Sergio Osmeña. Noong 1939 ikinasal siyá kay D. Pilar Jamias y Ver. Namatay siyá noong 1 Setyembre 1940. Hanggang ngayon, ang simbahang itinatag niyá ay nananatiling simbolo ng pagnanais ng mga Filipino na maging malaya mula sa mga dayuhan. (PKJ) (ed VSA)

ágnos Ang ágnos ay palawit sa kuwintas na may nilalamáng banal na relikaryo o alaalang mula sa isang tagpo o bagay na nabanggit sa Bibliya. Nagiging mamahálin ang kuwintas sa relikaryong nilalamán ng palawit, bukod pa sa paniniwalang inangkat ito mula sa Hesrusalem at benditado sa Roma. Itinuturing na isang mahalagang hiyas ang ágnos sa lipunan ng mga relihiyoso noong panahon ng Espanyol. Isang makabuluhang ágnos sa panitikan ang kuwintas na iniregalo ni Kapitan Tiago kay Maria Clara pagdating sa San Diego. Sa Kabanata 28 ng Noli me tangere, inilarawan ni Rizal na inihandog ng ama sa anak “ang isang magandang agnos na ginto at may pahiyas na brilyante at esmeralda bukod sa naglalaman ito ng isang tatal mula sa bangka ni San Pedro, sa dakong inupuan ng Ating Panginoon noong mangisda silá.” Kaagad itong isinuot ni Maria Clara at nagpatingkad sa kaniyang ganda hábang namamasyal sa plasa kasama ang mga kaibigan. Sa kabanata ding iyon ay nawala kay Maria Clara ang agnos. Naawa siyá sa isang ketonging pulubi at dahil walang pera ay ang agnos ang ipinalimos. Hindi rin doon natapos ang kuwento ng agnos. Sa El filibusterismo, lumitaw ito sa kamay ni Huli. Isasangla sana ito ng dalaga kasáma ng ibang hiyas ngunit pinigil ang sarili dahil regalo ito sa kaniya ng kasintahang si Basilio. Ibinayad ang agnos kay Basilio ng ketongin matapos niya itong gamutin. Sa Kabanata 10 ng Fili, nakita ni Simoun ang agnos at inalok si Kabesang Tales ng malaking halaga kapalit nitó. Hindi tinanggap ni Kabesang Tales ang salapi, ngunit iniwan kay Simoun ang agnos kapalit ng rebolber nitó. Waring sa pamamagitan ng agnos ay sinikap isalaysay ni Rizal ang mga kasawian at karangalan ng Filipino sa panahong iyon. (VSA)

bahagi ng guhit ni Simon Flores y de la Rosa

agóho Ang agóho (Casuarina equisetifolia) ay isang laging-lungting punongkahoy o hindi nagbabago ang kulay ng mga dahon sa buong taon. Umaabot hanggang 30 talampakan ang taas ng punò ng agoho. Kahawig ng punongkahoy ng agoho ang punòng pino. Korteng cone ang bunga ng punongkahoy at mala-karayom din na hugis ang mga dahon nitó. Makinis ang balát ng mga batàng punongkahoy samatalang makapal, maraming kulubot at natutuklap naman ang matandang punò ng agoho. Malimit itong makita sa mabubuhanging lugar, gaya ng mga tabing dagat. Kadalasan din itong itinatanim at ginagawang palamuti sa mga pasyalan o parke at sa mga tabi ng daan. Itinatanim din ang agoho sa matataas na lupa para maiwasan ang pagguho. Madalas din na gawing bonsai ang punò ng agoho, lalong-lalo na sa timog-silangang Asia at Carribean. Matatagpuan ito sa mga bansa mula Aprika hanggang Polynesia. (ACAL) ed VSA

Felipe Agoncillo (26 Mayo 1859-29 Setyembre 1941) Si Felipe Agoncillo (Fe·lí·pe A·gon·síl·yo) ang abogadong kumatawan sa Filipinas sa talakayan sa Paris, Pransiya na nagwakas sa Kasunduang Paris noong 1898 na tumapos sa Digmaang Espanya-Amerika. Inatasan siyá ng Republikang Malolos noon na itaguyod ang pagkilála ng ibang bansa sa kasarinlan ng Filipinas. Dahil dito, itinuturing siyá ng marami bilang unang natatanging diplomat ng bansa. Isinilang siyá noong 26 Mayo 1859 sa Taal, Batangas kina Ramon Agoncillo at Gregoria Encarnacion. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila bago lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas, na pinagtapusan niya ng abogasya at ginawaran ng lisensiya sa hurisprudensiya nang may pinakamataas na grado. Bumalik siyá sa kinalakhang bayan ng Taal, Batangas at naghandog ng libreng serbisyong legal sa mga dukha at aping kababayan. Dahil sa kaniyang mga makabayang gawain, inakusahan siyáng filibustero ng kura paroko. Napilitan siyáng lumisan patungong bansang Japan bago tumuloy sa Hong Kong at nakiisa sa iba pang mga makabayang Filipino. Pagkatapos malagdaan ang Kasunduang Biak-na-Bato, pinangunahan ni Agoncillo ang komite sentral ng rebolusyon at nangasiwa sa tanggapan ng propaganda ng pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Inatasan siyáng maging embahador na maglulunsad ng mga tratado sa ibang bansa. Lumisan siyá patungong Estados Unidos kasáma si Sixto Lopez upang ipaglaban ang kasarinlan ng mga Filipino, ngunit hindi silá hinarap ng Pangulong William Mckinley. Sumubok muli siyáng ipaglaban ang kaniyang bansa sa pagpupulong sa Pransiya para sa magiging tadhana ng Kuba at Filipinas. Hindi siyá binigyang ng kaukulang pansin ng mga Europeo. Dalawang araw pagkatapos ang paglagda sa Kasunduang Paris, bumalik si Agoncillo sa Amerika upang subuking harangin ang pagpapása ng tratado ng Amerikanong Senado. Naghain siyá ng pormal na protesta na pinamagatang Memorial to the Senate. Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niya ang pagiging abogado sa Maynila. Kinuha niya ang bar exam noong 1905 at pumasá sa markang 100 porsiyento, na hindi pa napapantayan hanggang sa kasalukuyan. Noong 1907, inihalal siyá bilang kinatawan ng Batangas sa Asamblea ng Filipinas. Naglingkod siyá bilang Kalihim Panloob (Secretary of the Interior) sa pamahalaan ni Gobernador-Heneral Leonard Wood, at ipinaglaban niya ang Filipinasyon ng serbisyo sibil. Nagkaroon siyá ng anim na anak sa asawang si Marcela Mariño. Pumanaw siyá noong 29 Setyembre 1941 sa Manila Doctors Hospital, Lungsod Maynila. (PKJ)

Marcela M. Agoncillo (24 Hunyo 1860-30 Mayo 1946) Si Marcela Mariño de Agoncillo, o mas kilalá bilang Marcela Agoncillo (Mar·sé·la A·gon·síl·yo) ang pangunahing tagahabi ng una at opisyal na watawat ng Filipinas. Dahil dito, binansagan siyá bilang “Ina ng Watawat ng Filipinas.” Sa gulang na 30, ikinasal siyá kay Felipe Agoncillo, ang abogadong kakatawan sa Filipinas sa Kasunduang Paris noong 1898 na tatapos sa Digmaang Espanyol-Amerikano. Nang nadestiyero si Felipe sa Hong Kong pagsiklab ng Himagsikang Filipino, sumáma sa kaniya si Marcela at kanilang mga anak. Habang naroon, pinakiusapan ni Heneral Emilio Aguinaldo si Marcela na humabi ng watawat na sasagisag sa bansang Filipinas at ayon sa disenyo ni Aguinaldo. Gamit ang sedang binili niya sa Hong Kong, hinabi ni Marcela, kaniyang anak na si Lorenzana, at kaibigang si Delfina Herbosa de Natividad (na pamangkin ni Jose Rizal sa kapatid niyang si Lucia) ang watawat sa loob ng limang araw. Noong Mayo 1898, inihatid ni Agoncillo ang watawat kay Aguinaldo, na siyá namang nagdalá nitó pabalik ng Maynila. Ito ang bandilang iwinagayway mula sa kaniyang bahay sa Kawit, Cavite sa pagpapahayag ng kasarinlan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 sa saliw ng Pambansang Awit. Hindi nga lamang ito nasaksihan ni Agoncillo, na nanatili sa Hong Kong kas►ma ang kabiyak. Isinilang siyá noong 24 Hunyo 1860 sa Taal, Batangas kina Francisco Mariño at Eugenia Coronel. Nag-aral siyá sa Colegio de Sta. Catalina, isang ekslusibong paaralan para sa mga babae, sa Intramuros, Maynila. Nagkaroon siyá ng anim na anak, pawang mga babae, kay Felipe Agoncillo. Pumanaw siyá noong 30 Mayo 1946 at inilagak kasáma ang mga labi ng kaniyang asawa sa Sementeryong La Loma sa Maynila. Sangayon sa kaniyang hulíng hiling, ginawang museo ang kanilang bahay sa Taal, na ngayon ay nakapangalan sa kaniya. Tampok din ang larawan ni Agoncillo sa sining biswal; dalawang mahusay na halimbawa nitó ay ang pinturang “The Making of the Philippine Flag” ni Pambansang Alagad ng Sining Fernando Amorsolo, at ang eskulturang “Three Women Weaving the Filipino Flag” sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ni Pambansang Alagad ng Sining Napoleon V. Abueva. (PKJ) ed VSA

Teodoro A. Agoncillo (9 Nobyembre 1912-14 Enero 1985) Pambansang Alagad ng Agham, si Teodoro Agoncillo (Tyo·dó·ro A·gon·síl·yo) ang kinikilálang ama ng makabansang pananaw sa pagsulat ng kasaysayan. Iginiit niyá na dapat sulatin ang kasaysayan ng Filipinas ng isang Filipino at sa pananaw na Filipino at ipinakita ito sa kaniyang mga aklat, upang matigil ang lubhang pananalig noon sa historyang likha ng mga dayuhan. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist), postumo, noong11 Hulyo 1985. Si Agoncillo ang pangunahing may-akda ng History of the Filipino People. Ito ay naging pamantayang sanggunian sa pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas. Bahagi ng kaniyang umaabot sa 22 aklat ang Filipino Nationalism 1872-1971, Malolos: The Crisis of the Republic, The Fateful Years: Japan’s Misadventure in the Philippines, at The Burden of Proof: The Vargas-Laurel Collaboration, na kinikilala ngayon bilang mga saligang babasahin upang maunawaan ang naratibo ng bansang Filipinas sa modernong panahon. Ang librong The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan ang itinuturing na pinakamahalagang akda ni Agoncillo sa larangan ng makabayang historyograpiya. Umani ito ng maraming papuri ngunit binatikos ng mga konserbatibong historyador ang kaniyang makabayan at radikal na naratibo ng kasaysayan. Dahil sa mga kontrobersiya, ipinatigil ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1948 ang pagpapalimbag sa aklat. Nalathala lámang ito noong Pebrero 1956. Nagkamit si Teodoro Agoncillo ng mga parangal, at tampok sa mga ito ang Republic Cultural Award (1967), UNESCO Prize for Best Essay (1969), at ang Diwa ng Lahi (1982) -- ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng Lungsod ng Maynila. Ipinanganak si Agoncillo noong 9 Nobyembre 1912 sa Lemery, Batangas. Nagtapos siyá ng batsilyer sa pilosopiya (1934) at masterado sa sining (1935) sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagsimula siyáng makilála bilang makata at kritiko sa panitikan, naging pundador na kasapi ng Kapisanang Panitikan, ngunit higit na natuon ang isip sa kasaysayan nang magturo sa UP. Naging punò siyá ng Kagawaran ng Kasaysayan sa UP at naging University Professor, pinakamataas na ranggong akademinko sa UP. Namatay siyá sa sakít noong 14 Enero 1985. (SMP) (ed VSA)

Faustino Aguilar (15 Pebrero 1882-24 Hulyo 1955) Itinuturing na haligi ng panitikang Tagalog bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, si Faustino Aguilar (Faws·tí·no A·gi·lár) ay isang nobelista, peryodista, at lider-manggagawa. Ipinanganak siyá noong 15 Pebrero 1882 sa Malate, Maynila at anak nina Claro Vergara Aguilar at Juana Ongjoc de los Santos. Sa gulang na 14 taón, nasaksihan niyá ang pamamalò ng mga fraile sa kaniyang ama at sinasabing may malaking impluwensiya sa kaniyang pakikibáka laban sa kolonyalismo. Nagsimulang maging bahagi ng Katipunan si Aguilar bilang mensahero ni Vicente Fernandez, isang Katipunerong kinupkop ng kaniyang pamilya. Pagkaraan, naging kawani siyá ng Kalihim ng Digmaan at naging Kalihim Panloob ng Republika ng Malolos noong 1899. Napiit siyá noong 1899. Nalingkod din siyá laban sa mga Amerikano sa Digmaang FilipinoAmerikano at ipinagpatuloy ang pakikibáka sa larangan ng peryodismo. Naging editor siyá ng seksiyong Tagalog ng pahayagang La Patria noong 1902; pangkalahatang editor ng pahinang Tagalog ng El Renacimiento. Siyá ang kahuli-hulihang editor ng pahayagang Muling Pagsilang at naging unang editor ng pumalit na pahayagang Taliba. Naging aktibo si F. Aguilar sa mga usaping pangmamagawa kayâ naging pangalawang direktor siyá ng Bureau of Labor noong 1913 at pagkaraan ay naging direktor nitó sa panahong 1918-1923. Naging kalihim siyá ng Senado mula Enero 5, 1923 hanggang mabalik siyá sa Kagawaran ng Paggawa at maging pangalawang kalihim sa mga taóng 1933-1939. Nagpakasal siyá kay Isidora Ortiz Alonzo noong 1904 at nagkaroon silá ng apat na anak. 1949 nang muli siyáng mag-asawa at nagpakasal kay Emilia Warren. Yumao siyá noong 24 Hulyo 1954 sa Maynila. Ang malasákit niyá sa kapakanan ng manggagawa ay nakatampok sa Pinaglahuan (1907), itinuturing na pangunahing nobela niyá at hinggil sa malungkot na kapalaran ng lider-manggagawang si Luis Gatbuhay. Tinalakay pa niyá ang masaklap na búhay ng karaniwang tao sa mga nobelang Busabos ng Palad (1909) na tungkol sa isang anak-mayamang tinakwil ng lipunan nang piliing maging mananayaw; Nangalunod sa Katihan (1911) na ukol kay ni Dimas-ilaw, isang lalaking namunò sa pakikibáka laban sa masamâng pamahalaan at simbahan; Sa Ngalan ng

Diyos (1911) na nagsalaysay naman sa mga paraan ng pamamalakad ng mga Heswita upang magpayaman; at Kaligtasan (1951) na naglalahad sa mga tunggaliang bunga ng urbanisasyon ng isang maliit na bayan. Ang Lihim ng Isang Pulo (1927) ay ukol sa alamat ng magkasintahang naging punò ng aguho ngunit katangi-tangi dahil sa ekperimento sa paggamit ng dalisay na wikang Tagalog. (JGP) (ed VSA)

Jose V. Aguilar (23 Marso 1900-31 Enero 1980) Si Jose Vasquez Aguilar (Ho·sé Vás·kez A·gi·lár) ay isa sa mga unang Filipino na nakatanggap ng Ramon Magsaysay Award for Government Service noong 1959. Ang paggagawad ay pagkilála sa kanyang mga naging kontribusyon sa sistema ng edukasyon sa Filipinas. Pinangunahan niya ang pagsasaayos ng pampublikong edukasyon para umangkop sa pamumuhay ng mga nása kanayunan. Ipinangananak si Aguilar noong 23 Marso 1900 sa baryo ng Caduhaan, Cadiz, Negros Occidental sa mag-asawang Martin Aguilar, Sr. at Sofia Vasquez. Nang magtapos sa Cadiz Central School noog 1915, agad siyáng nagturo sa maliit na paaralan ng baryo sa loob n isang taon. Nagtapos siyá ng edukasyong sekundarya sa Negros Occidental High School noong 1920 at ng batsilyer sa pilosopiya sa Unibersidad ng Denison sa Ohio noong 1925. Tinustusan niya ang sariling edukasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng iba’t ibang trabaho. Sa kanyang pagbabalik sa bansa noong 1925, agad siyáng ginawang guro ng Ingles sa Negros Occidental High School. Inihalal siyang academic supervisor ng Masbate noong 1926 at ng Cebu noong 1927. Naging division superintendent siya ng Camarines Norte noong 1928 at ng mga probinsiya ng Antique, Samar, Capiz, at Iloilo sa mga sumunod na taon. Pagkatapos niyang magbigay ng serbisyo sa mga rural na lugar, kinuha siyáng tagapayo ng edukasyong elementarya sa UNESCO Consultative Education Mission sa Filipinas. Pagdating ng 1945, itinalaga siyang kinatawan ng bansa para sa pagsasaayos ng sistema ng pampublikong edukasyon sa Tsina. Nadagdag dito ang mga hinawakan niyang posisyon sa akademya, lalo na sa Unibersidad ng Pilipinas. Ipinakita ni Aguilar ang pagpapahalaga sa mga paaralang rural kahit sa kaniyang mga sinulat, gaya ng “Development of Community School Concepts in Other Countries”at “Community Schools of the Philippines.” Isinulat rin niya noong 1948 ang nobelang The Great Faith, isang kuwentong umiikot sa pagbabago ng mga tradisyon ng Filipinas sa pagdating ng mga pagsasaka ng palay at ito ay itinuro nilá sa buong probinsiya sa tulong Hapones. ng 1,200 pang mga guro at tagasuporta. Kasabay ng pag-aaral ng mga Pinasimulan niya ang idea na gawing mas praktikal ang edukasyon depende magsasaka ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Ginamit nina Aguilar ang sa ginagalawang lugar o pamayanan ng paaralan. Noong 1938, bumuo siyá wikang Hiligaynon na lokal sa lugar ng mga mag-aaral. Ang mga ginawa ng isang programang pang-agrikultura sa isang maliit na paaralan sa Aklan, niya sa sistema ng edukasyon sa Filipinas ay nagsilbing modelo ng iba Capiz. Isang magsasaka ang nagkuwento sa kaniya ng mas produktibong pang proyekto. Namatay siya noong 31 Enero 1980. (CID) ed VSA

Emilio F. Aguinaldo (26 Marso 1869-6 Pebrero 1964) Si Emilio Famy Aguinaldo (E·míl·yo Fá·mi A·gi·nál·do) ang una’t hulíng pangulo ng Unang Republika ng Filipinas. Ipinanganak si Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 26 Marso 1869 kina Carlos Aguinaldo at Trinidad Famy. May kabuhayan ang pamilya niyá, ngunit tumigil sa pag-aaral sa Aguinaldo noong nása ikatlong taon ng segunda enseñanza at tumulong sa negosyo ng mga magulang. Noong 1895, nahalal siyá ng Kawit na capitan municipal, ang binagong tawag sa gobernadorsilyo o punò ng bayan sa ilalim ng Batas Maura. Ikinasal din siyá kay Hilaria del Rosario. Nang mabalitaan ang Katipunan, nagpunta siyá ng Maynila at nanumpang kasapi. Pagsiklab ng Himagsikang 1896, nakilála siyá sa mga matagumpay na labanan sa Cavite. Nang magkaroon ng halalan sa Tejeros noong 22 Marso 1897, siyá ang nahalal na pangulo ng binagong pamahalaang mapanghimagsik. Inilipat niyá ang himpilan ng pamahalaang mapanghimagsik sa Biyakna-bato, San Miguel de Mayumo, Bulacan. Doon din siyá lumagda sa kasunduan, ang Kasunduang Biyak-na-bato noong 14-15 Disyembre 1897, na pansamantalang nagtigil sa himagsikan hábang kusa siyáng nadestiyero sa Hong Kong kasáma ang iba pang lider rebolusyonaryo. Pagkaraan ng ilang buwan, bumalik si Aguinaldo sa Filipinas, ipinahayag ang kasarinlan ng Filipinas noong 12 Hunyo 1898 mula sa kaniyang tahanan sa Kawit, at sinimulan ang ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino. Noong 23 Enero 1899, pormal na ipinahayag ang Unang Republika ng Filipinas sa Malolos, Bulacan. Halos kasunod nitó ang pagsiklab din ng Digmaang FilipinoFilipino noong Pebrero 1899 na nauwi sa pag-urong ng hukbong Filipino pa-Hilagang Luzon. Nadakip si Aguinadlo sa Palanan, Isabela noong 23 Marso 1901 at tuluyang bumagsak ang Republikang Malolos. Nabiyudo siyá noong 1921 at pinakasalan si Hilaria Agoncillo noong 1930. Kumandidato siyáng pangulo ng pamahalaang Komonwelt ngunit tinálo ni Manuel L. Quezon. Namatay siyá noong 6 Pebrero 1964 ngunit naabutan pa niyáng ipinahayag ni Pangulong Diosdado P. Macapagal ang Hunyo 12 bilang Araw ng Kalayaan ng Filipinas. (VSA)

águng Ang águng, na kilala rin sa pangalang blowon, bua, gaggung at sembakung, ay isang pares ng nakasabit na gong. Ito ay may bilog na umbok sa gitnang bahagi at may malapad na papaloob na tagiliran. Karaniwang makikita ang agung sa katimugang bahagi ng Filipinas—Palawan, Mindoro, at mga isla ng Sulu, Mindanao, at sa kalookan nitó—Ata, Bagobo, Bukidnon, Higaonon, Mandaya, Mangguangan, Manobo, Mansaka, Matigsalog, Subanon, Tagakaolo, Tiboli, at Tiruray. Kinabibilangan din ng Mamanwa, Tiboli, Hanunuo, Bagobo, Magindanaw, Mëranaw, Tagbanua, Tiruray, at Yakan ang iba pang Filipinong gumagamit ng tradisyonal na instrumentong agung. Sa okasyon ng Batak sa Palawan, tinutugtog ang agung kasaliw ng gimbal, isang uri ng tambol, hábang nanggagamot ang mga babaeng babaylan. Ang gawaing ito ay halaw sa Tagbanwa ng Palawan. Sa Tiboli naman, ang isang kasiyahan katulad ng moqninum, na pagdiriwang ng anibersaryo ng kasal ng kilalang mag-asawa, ay okasyon upang tugtugin ang agung. May iba’t ibang uri ng agung: ang mabigat na tembag na hindi tinutugtog ngunit prominenteng makikita sa tahanan bilang simbolo ng kayamanan ng may-ari nitó. Malaking porsiyento nitó ay gawa sa tingga at maliit lamang na bahagi nitó ang tanso. Ang benegulitok ay katulad ng tembaga ngunit mas magaan. Tinutugtog ito kasama ng gong na tinatawag na sembakung. Ang blowon naman ang pinakamagaan at pinakamakinis na gong. Kompara sa Mindanao at Palawan, ang gong ng Hanunuo ay mas maliliit. Nakasabit ang pares ng agung at magkaharap ang umbok ng mga ito. Sa pagtugtog, hábang pinupukpok ng mga patpat ng isang musiko ang parehong umbok, may isa o dalawa pang pumupukpok naman sa gilid ng mga instrumento—dalawa ang ritmong lumalabas dito, ang mabilis na binalinsay at ang mabagal na dinulut. Ang tugtog na ito ay idinaraos sa sayaw ng kalalakihan. Ang musika ng agung ay tinutugtog sa kasiyahan matapos ang anihan na tinatawag na panludan. Bukod sa mga agung, ang iba pang instrumentong maririnig sa pagdiriwang ay plawta, gitara, at mga patpat na perkusyon. Sa Tiruray, ang salitang agung ay maaaring mangahulugang tono ng gong. At agung din ang titulo ng isang uri ng musikang tinutugtog sa tangunggu. (RCN) (ed GSZ)

agunyás Mula sa salitang agonias ng wikang Espanyol, ang agunyás ay tumutukoy sa tugtog ng kampana ng simbahan para sa namatay ang agunyas. Tinutugtog nang mabagal ang batingaw sa mismong araw ng pagkamatay ng isang miyembro komunidad lalo na,t isa itong táong kilalá. Sa kasaysayan, mahalaga ang ritwal na ito sa pagtugtog ng agunyas para sa tatlong paring martir nang bitayin silá noong 1872 sa Bagumbayan. Hindi sana dapat ipagluksa ang kamatayan ng Gomburza dahil binitay silá sa pagkakasalan laban sa pamahalaan. Subalit ipinatugtog ang mga kampana sa Katedral at sinundan ito ng ibang simbahan. Na isang pahiwatig na hindi lubusang naniniwala ang Arsobispo sa gawa-gawang paglilitis at sa hatol ng mga nagsabwatang fraile at opisyal ng pamahalaan. Bukod sa pagluluksa, ang agunyas para sa Gomburza ay naging simbolo ng pagtutol laban sa walang-katarungan pagpatay sa mga lider ng sekularisasyon. Sa nobelang El Filibusterismo, ang agunyas para sa pagkamatay ni Maria Clara ay naghudyat ng pagkasawi ng mga plano ni Simoun na nang lumaon ay naging sawimpalad rin. Lahat ng balak ni Simoun nang bumalik sa Filipinas ay maghiganti at mabawi si Maria Clara. Buong-buo na ang kaniyang planong himagsik at pagmasaker sa mga lider ng pamahalaan. Ngunit iginupo siyá ng pagtugtog ng agunyas kay Maria Clara at ipinatigil ang nakahanda nang pagsalakay. Ang agunyas ay tinutugtog din kapag dapithapon upang ihudyat ang pagwawakas ng araw. Sa mga lalawigan hanggang ngayon ay hudyat ito upang tumigil sa maghápong gawain, humarap sa dakong simbahan, at saglit na mag-alay ng panalangin. Isang ritwal itong hinding-hindi na napapansin sa magulo’t nagmamadalîng búhay sa lungsod. (WFF) ed VSA

guhit ni Carlos V. Francisco

Agyu Si Agyu ang pangunahing bayani ng sinaunang epikong-bayan na Olaging at Ulahingan sa Mindanaw. Olaging ang tawag sa epikong-bayan ng mga Bukidnon at sinasabing ukol lámang ito sa búhay at pakikipagsapalaran ni Agyu. Sa kabilâng dako, ayon kay Elena G. Maquiso (1977), ang Ulahingan ay isang sanga ng epikong-bayang Bendigan at nakaukol sa búhay ni Agyu at kaniyang angkan. Ang Bendigan diumano ay epikongbayan ng mga Manobo at may sanga ito na tinatawag na Tulalangan at hinggil naman sa bayaning si Tulalang. Malimit na ang paksa ng Ulahingan ay ang paglalakbay ni Agyu, angkan, at mga alagad upang hanapin ang Nalandangan o Nelendangan. Nagsisimula ito sa pagdating ng isang malupit na kaaway o mananakop kayâ kailangang tumakas ng komunidad ni Agyu. May episodyo tungkol kay Mungan, asawa ng kapatid ni Agyu na si Vanlak. Nagkasakit ng ketong si Mungan at nagpasiyang magpaiwan. Ngunit pinagaling siyá ng mga naawang diwata at tinuruan pa kung paanong makaliligtas ang komunidad ni Agyu. May episodyo din sa mga kapatid ni Agyu na gaya nina Tabagka at Lena, gayundin sa anak niyáng si Bayvayan. Isang lumilipad na malaking bangka, ang sarimbar, ang sinakyan nina Agyu upang makaligtas. Sa dulo, narating nilá ang pangakong lupain, ang Nalandangan, at doon naghari si Agyu sa habang-panahon kasáma ang mga adtulusan o pinagpalà. Gayunman, may nakararating ding kaaway at ibang problema sa Nalandangan. Sa isang Olaging na nakolekta ni Ludivina R. Opeña (1972), inilarawan ang isang malaki’t madugong labanan nang lusubin ng mga kaaway ang Nalandangan. Nagwagi ang mga taga-Nalandangan dahil sa kapangyarihan ni Agyu at sa husay niyá sa pakikidigma. Ang isang katangitangi sa Olaging na ito ay ang paglalarawan sa tila-paraisong kalagayan ng Nalandangan at sa malaking bahay ni Agyu. (VSA)

guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

Akadémya Militár ng Filipínas Mas kilala sa maikling Ingles na daglat—PMA (Philippine Military Academy)—ang Akadémya Militár ng Filipínas ang institusyong nagsasanay ng mga kadete na magiging opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Filipinas para sa tatlong sangay ng serbisyo nitó—ang hukbong katihan (army), hukbong dagat ( navy), at hukbong panghimpapawid (air force). Matatagpuan ang PMA sa Fort del Pilar, Lungsod Baguio, may sampung kilometro mula sentro ng siyudad. Nag-umpisa ang PMA bilang Akademya Militar sa Malolos, Bulacan noong 25 Oktubre 1898 sa katulad na layunin. Tumagal lámang ang Akademya hanggang 20 Enero 1899 dahil sa pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano. Nagbukás itong muli bilang Officer’s School ng Philippine Constabulary noong 17 Pebrero 1905 hanggang 1908 sa Intramuros, Maynila. Sa bisà ng Philippine Legislature Act No. 3496 binuo ang Philippine Constabulary Academy noong 8 Setyembre 1926 para maghandog ng tatlong taóng pagsasanay. Pormal na pinangalanan itong Philippine Military Academy noong 21 Disyembre 1936 ng Commonwealth Act No. 1, at pinayagan ding maghandog ng apat na taóng kurikulum para sa mga magsasanay bilang mga opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Filipinas. Nang magkaroon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945, maagang pinagtapos ang batch ng 1942 at 1943 na mga kadete para maitalaga sa mga lugar ng tunggalian katulad ng Bataan. Sa pagkakataóng ito marami sa kanila ang nasawi. Matapos ang digmaan nagbukás muli ang Akademya sa Camp Henry T. Allen sa Lungsod Baguio noong 5 Mayo 1947. Hindi pa nagtagal, inilipat ito sa Fort del Pilar dahil kinailangan ang mas malaking lugar para sa lumalaking populasyon ng estudyante. Ito ngayon ay nása 373 ektaryang espasyo. Kung noong mga naunang kasaysayan ng PMA ang mga tinatanggap lamang ay mga lalaki, nag-umpisa noong 1993 tumanggap ang Akademya ng mga babaeng kadete, isang makabuluhang simbolo ng pagkilala sa pantay na katayuan ng dalawang kasarian sa lipunan. Sinasanay ang mga kadeteng lalaki at babae sa Akademya alinsunod sa pamantayan ng dangal ng isang magiging opisyal ng militar—ang motto niláng Courage, Loyalty, at Integrity. (PGD)

akapúlko Ang akapúlko (Cassia alata Linn.) ay isang tuwid na punò na may magaspang na balát at mga sanga na may palumpong na mga dahong kulay berde. Ang dahon ng akapulko ay may kulay kahel sa gitna nitó at may mga 16-28 maliliit na dahon. Nagkakaroon ito ng axis na tinutubuan ng mga bulaklak nitá na kulay dilaw, may apat na sisidlan ng mga buto, at naglalaman ng mga 50 hanggang 60 lapad at hugis triyanggulong mga buto. Ang bulaklak naman ng akapulko ay napapalibutan ng kulay dilaw hanggang kulay kahel na pinaliit na dahong sumusuporta sa bulaklak nitó at kusang nalalagas pagdating ng tamang oras. Sa Filipinas, ang akapúlko ay ginagamit bilang halamang-gamot. Ang dahon nitó ay maaaring gamitin sa mga sakit sa balát at pampurga. Ginagamit din itong halamang-gamot para sa mga may hika at brongkitis. Ang akapulko ay ginagamit na sangkap para sa paggawa ng sabon, syampu, at losyon. Katunayan, ang Philippine Council for Health Research and Development ay tumulong sa pagsúlong ng teknolohiya para sa paggawa ng losyon na akapulko. Madalîng paramihin ang punó ng akapulko sa pamamagitan ng pagtatanim ng buto o kayâ naman ay pagtatanim ng pinutol na parte ng katawan nitó. Dahil hindi ito maselang halaman, madalî itong buhayin. Sa Filipinas, ang akapulko ay kilalá sa iba’t ibang pangalan na gaya ng antsarasi, andadisi, andalan, bayabasin, bikas-bikas, buni-buni, kapis, kapurko, kasitas, pakayomkom-kastila, at sunting. Mula ang pangalang “akapúlko” sa Acapulco, isang lungsod sa Mexico. (ACAL)

akásya Ang akásya (order Fabales) ay isang uri ng punò na nabubuhay sa mga tropiko at maiinit na lugar. Ang pangalan nitóng “akasya” ay nagmula sa salitâng Griyego na akis o tinik. Ang kakaibang katangian ng akasya ay ang pagkakaroon nitó ng mga maliit at pinong dahon. Sa mga tuyong lugar, hindi sapat ang kaunting dahon upang mabúhay ang isang malaking punò ng akasya, kayâ’t ang mga sanga ang nagsisilbing tila mga dahon na gumagawa ng mga gawain nitó. Pahiga ang oryentasyon ng mga dahon nitó na nagsisilbing proteksiyon ng punò laban sa matinding sikat ng araw. Kapansin-pansin din ang mababangong bulaklak na kulay dilaw, pulá, o lila depende sa lugar na pinagmulan nitó. Lulan nitó ang maliliit na buto na may kabagalan ang pagsibol. Inilalahok ang mga parte ng akasya sa paggawa ng mga pagkaing ipinoproseso, tulad ng beer, cola, at mga inuming nagbibigay enerhiya. Ang mga buto ng akasya ay iniluluto upang gawing pampalasa. Ginagamit din ang akasya sa paggamot ng mga sakit na tulad ng rabies. Maganda ang kahoy ng akasya kayâ ginagamit ito na materyales sa paggawa ng mga kagamitan sa bahay na tulad ng mesa, papag, at upuan. Sa Indonesia, ginagamit ang akasya sa paggawa ng papel. Ang kagandahan ng mga hibla nitó ang nagpapalambot sa mga papel na ginagamit sa pagggawa ng Bibliya, diksiyonaryo, at ensiklopidya. Nakakapagpalambot din ito sa paggawa ng mga tisyu. Dahil sa magaganda nitóng mga bulaklak at makikintab na dahon, ginagamit din itong halaman na pandekorasyon, lalo na sa mga lugar pasyalan. Ang iba naman ay gumagawa ng pabango mula sa mga bulaklak. Sa Ehipto, tinatawag ang punò ng akasya na punò ng buhay. Ginagamit nila ito sa iba’t ibang ritwal, tulad ng pagpapaalis ng masamâng espiritu. (ACAL)

Aklátang Báyan Ang Aklatang Bayan noong 1930.

Isang malaki’t pangunahing kapisanan ng mga manunulat ang Aklátang Báyan na naitatag sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano noong 1910 sa Tondo, Maynila. Naging pangulong tagapagtatag si Rosauro Almario samantalang naging kalihim naman si Gerardo Chanco. Sinundan ni Precioso Palma si Almario bilang pangulo, at pagkatapos, ni Julian Cruz Balmaceda na naging pangulo noong 1920 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1947. Maraming sumulpot na samahang pangmanunulat sa Filipinas, lalo na sa Kamaynilaan, sa panahong iyon. Ngunit sa Aklátang Báyan natipon ang mga unang haligi ng panitikang Tagalog na gaya nina Lope K. Santos, Carlos Ronquillo, Faustino Aguilar, Severino Reyes, Iñigo Ed. Regalado, Hermenegildo Cruz, Patricio Mariano, at marami pa.

Tagalog bilang wikang pambansa sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal. Nanguna ito sa pagdiriwang ng mga araw nina Balagtas, Bonifacio, at Plaridel, at kaipala ay pangunahing kasangkot sa pag-iisip at pagdaraos ng unang balagtásan. Sa hanay nitó hinugot ang mga kilaláng nobelista, sarsuwelista, makata, at peryodista sa bungad ng ika-20 siglo.

Nanguna din ang mga kasapi ng Aklátang Báyan sa pagsusúlong ng panitikang makabayan at laban sa Amerikanisasyon. Narito ang kontradiksiyon sa tinatawag ni Virgilio S. Almario na taglay niláng diwa ng “Balagtasísmo.” Sa isang bandá, masigasig siláng buhayin ang mga adhikang mapagpalaya ng Himagsikang 1896. Sa kabilâng bandá, sa pagsalungat nilá sa modernisasyong hatid ng mga Amerikano ay nasadlak Naging makabuluhan ang Aklátang Báyan sa pagsusúlong ng kapakanan naman silá sa lubhang konserbatibong pagkupkop sa anumang tradisyonal, ng wika’t panitikan sa Tagalog. Nagdaos ito ng mga tertulya at programa gaya ng tugma at súkat, at lubhang pagmamahal sa nakalipas. (SJ) (ed para sumigla ang mga manunulat. Nanguna ito sa pagkampanya para sa VSA)

aklé Ang aklé (Albizzia acle Merr) ay matigas na punongkahoy na ginagamit sa pagtatayô ng bahay at paglikha ng muwebles. Mayroon itong katamtamang taas na 25-30 m at diyametro na 70-120 sm. Nalalagas ang dahon tuwing tag-init at malapit nang mamulaklak at hindi nakatatagal sa lilim. Ang bole nitó ay silindriko, karaniwang maiksi at baluktot, at mayroong 40-60 sm na diyametro at taas na 10-18 m. Ang mga dahon nitó ay magkakatapat sa bawat tangkay at ang mga bulaklak ay putîng berde. Ang punò nitó ay walang pansuhay ngunit may malalaking ugat. Ang tuktok ay nakabuka nang palapad. Ang balát ng kahoy ay kayumanggi, marupok, at putî kapag bagong tabas na nagiging manilaw-nilaw na pulá kapag nahanginan na. Mabagal ang paglaki ng akle. Karaniwang ang 25 taóng gulang na punô ang tumataas nang mga 16 m at lumalaki nang mga 23 sm ang diyametro. Ang kahoy nitó ay ginagamit sa paggawa ng aparador dahil sa taglay nitóng kulay, magandang hilatsa, at tibay. Bukod dito, ginagamit din ito sa pag-uukit, eskultura, paggawa ng mga instrumento, bahay, barko, at iba pang katulad na konstruksyon. Matatagpuan ang akle sa sa mga kagubatang mababà at mahalumigmig ng Albay, Bataan, Bulacan, Camarines Norte, Camarines Sur, Capiz, Palawan, Cebu, Davao, Ilocos Norte, Masbate, Mindoro Occidental, Negros Oriental, Nueva Ecija, Surigao, Tarlac, at Zambales. (KLL) edVSA

“Akó ang Daigdíg” Maituturing ang tulang “Akó ang Daigdíg” bilang pinakatanyag na likha ni Alejandro G. Abadilla, na siyáng kinikilálang “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog.” Una itong nalathala sa Liwayway noong Kabilang ito sa unang aklat ng mga tula ni Abadilla, ang Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955). Isa ito sa laging-sinisipi at inilalathalang akda sa mga antolohiya ng tulang Filipino, tulad ng sa Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas ng Pambansang Alagad ng Sining Virgilio S. Almario. Mahalaga ang tula sa kasaysayan ng panitikang Filipino. Masasabing kinakatawan nitó ang isang pangunahing hangarin ni Abadilla sa kaniyang mga akda, ang paghámon at pagsalungat sa de-kahong paggamit ng tugma at sukat sa tula at ang labis na sentimentalismo sa panitikang Tagalog. Kayâ dapat asahan ang kontrobersiyang sumalubong sa pagkalathala nitó at nadagdag sa kontrobersiyal nang karera ni A.G. Abadilla bilang makata at kritiko. Ang mismong kasáma niya sa samahang Panitikan, si Clodualdo del Mundo ay dagling bumigkas ng isang panayam na hindi ito tula. Narito ang panimulang saknong ng tula: ako ang daigdig ako ang tula ako ang daigdig ang tula ako ang daigdig ng tula ang tula ng daigdig Ang retorikong pag-uulit ng unang mga salita lamang ay isang maituturing na bagong paraan sa kasaysayan ng pagtula sa Filipinas. Ang diwa ng tula ay mistulang isang manipesto laban sa namamayaning konserbatismo sa panahong iyon na pinaghaharian ng mga tinatawag ni V.S. Almario na mga ”Balagtasista.” (PKJ) ed VSA

alagáw Ang alagáw (Premna odorata blanco) ay isang halamang medisinal, maliit na punongkahoy na tumataas nang tatlo hanggang walong metro, balahibuhin ang ibabaw ng dahon, mapusyaw na lungti hanggang putî ang bulaklak, malaman na lila ang bilugang prutas, at nabubuhay sa aplaya. Matatagpuan ito sa halos lahat ng bahagi ng Filipinas. Ginagamit ang murang dahon nitó sa pagluluto ng paksiw at bopis. Ang pinakuluang dahon na may halòng kalamansi at asukal ay nakapagpapagalíng ng ubo, lagnat, at sakit ng tiyan. Ang pinakuluang ugat, dahon, bulaklak, at bunga ay gamot pampapawis, pampaihi, at pantanggal ng sakit ng dibdib. Ang dinurog na dahon ay mainam pampahid sa sakit ng ulo. Ang paglunok ng laway na nalikha mula sa pagnguya ng ugat nitó ay pinaniniwalaang nakapagpapagalíng ng sakit sa puso. Ginagamit din ang dahon at bulaklak nitó bilang pampaligo ng mga sanggol at panlinis ng puwit at ari ng babae. Ang dahon ay isa sa pitóng sangkap ng pitó-pitó. (KLL) ed VSA

álak Ang álak ay anumang inuming matapang at nakalalasing, tulad ng vino, serbesa, at wiski. Sinasabing mahilig uminom ng alak ang mga Filipino, kung kayâ naman hindi nakapagtataká na mayroon táyong ilang katutubong uri nitó. Ilan dito ay ang basi, tuba, lambanog, at tapuy. Ang bási ay alak mula sa katas ng tubó. Kapag pinatagal ang pagbuburo sa basi, ito ay magiging sukà. Maituturing itong inuming pambayan ng rehiyong Ilocos sa hilagang Luzon. Malaki ang ginampanan ng alak na ito sa kasaysayan. Noong 1808, nag-alsa ang mga taga-Ilocos Norte sa tinatawag na ”Pag-aalsang Basi” nang ipinagbawal ng mga Espanyol ang pribadong paglikha ng basi. Ang tubâ ay mabulâng alak mula sa katas sa sasâ o niyog. Tulad sa basi, kapag pinatagal ang pagbuburo, ito ay magiging sukà. Tinatawag din itong palm wine sa ibang bahagi ng mundo. Tulad ng tubâ, ang lambanóg ay alak na mula sa katas ng sasâ at niyog. Dinadalisay ang tuba upang makuha ang alkohol nitó, at tanyag ang lambanog bilang malakas na alak. Tinatayang 30 galon ng tuba ang kinakailangan para makagawa ng 5 galon ng lambanog. Kilalá ang lalawigan ng Quezon bilang pagawaan ng lambanog, dahil na rin sa matatagpuan dito ang pinakamaraming taniman ng niyog sa Luzon. Tinatawag na ”putuhan” ang gawaan ng lambanog sa Quezon. Ang tápuy (o tapey, tapuey) ay alak na gawa sa binurong bigas. Kilalá ang rehiyong Cordillera sa alak na ito, at mahalaga itong bahagi ng kultura at kabuhayan ng mga katutubong pangkat ng Cordillera. Iniinom ang tapuy sa mga kasalan, seremonya ng anihan, at iba pang okasyon. Hindi ito hinahaluan ng asukal at tubig. Ang paggawa ng tapuy ay isang tradisyon, at ipinapása ang kaalaman ukol dito sa bawat henerasyon. Sa kasamaang palad, naging saksi ang mga hulíng taon sa pagbawas ng gumagawa ng tapuy, dahil madalî nang makabili ng mga komersiyal na tapuy bukod sa higit nang nahihilig ang mga taga-Cordillera sa inuming tulad ng hinyebra. Dahil na rin sa pag-unlad ng teknolohiya at pag-unlad ng panlasa ng mga manginginom, mabibili na ang mga katutubong alak ng Filipinas sa iba’t ibang lasa, tulad ng mangga, strawberry, bubblegum, at tsokolate. Gumagawa naman ngayon sa Filipinas ng vino (wine). gawa sa prutas sa Filipinas, tulad ng atis, bignay, dalandan, duhat, guyabano, kalumpit, lipote, mangga, mangosteen, passion fruit, pinya, saging, at sampalok. Mayroon ding alak na gawa sa kape! Tagay! (PKJ)

alakáak Ang isdang alakáak ay kabilang sa pamilya Sciaenidae. Ito ay kilalá rin sa tawag na abo, gulama, o lagis. Matatagpuan ito sa mga karagatang Atlantiko, Pasipiko at Indian, mula India at Sri Lanka hanggang silangang bahagi kasáma ang timog Tsina, Filipinas, at Indonesia. Naglalagi ito sa estuwaryo at baybay. Ang palikpik sa likod ay mahabà, at may malalim na bingaw sa pagitan ng matinik at malambot na rayo. Ang matinik na bahagi ay may 13-16 tinik at ang malambot naman ay may isang tinik. Ang palikpik sa puwit ay kadalasang may 1-2 mahihinàng tinik. Ang linya sa gilid ng katawan ay umaabot sa dulo ng buntot. Ang bukana ng hasang ay may kapirasong buto sa itaas. May mga ilang uri na isa lang ang barbel o kayâ naman ay may patse ng mga maliliit na barbel sa may babà. Ang nguso at ibabâ ng panga ay may mga napakaliit na butas. May ilang uri ng alakáak at ang pangkaraniwan ay ang Dendrophysa russelii. Ang katawan ay bahagyang pikpik at pabilog, at ang lalim ay 3-4 ng kabuoang habà ng katawan. Ang nguso ay pabilog at medyo nakausli lagpas sa dulo ng itaas na panga. Ang bibig ay mababà, ang taas na panga ay mas maliit sa kalahati ng ulo, at may nag-iisang barbel sa babà. Hindi masyadong makikilála ang pagkakaiba ng malalaki at maliliit na ngipin. Hindi malawak ang pagitan ng malaking ngipin at bumubuo ng hanay sa labas ng itaas na panga. Walo ang ibabâng kalaykay sa hasang. Ang pantog panlangoy ay kahugis ng isang karot na may 15 pares ng karagdagang bahagi na kahawig sa isang punò. Labing-isa ang kabuoang tinik sa palikpik sa likod samantalang dalawang tinik naman ang sa palikpik sa puwit. Ang likod ng katawan ay kulay abo at nagiging putî papuntang tiyan. Ang itaas na gilid ng palikpik sa likod ay maitim. Ang karaniwang habà ay 15 sentimetro at ang pinakamalaking naitala ay 25 sentimetro. Ang espesye na ito ay pinaniniwalaang may aparato na lumilikha ng tunog kapag oras ng pangingitlog na nagaganap tuwing tag-init. Kadalasan ay lumalangoy ito nang magkakasáma. Kumakain ito ng alimasag, hipon, uod, at mga isda. Ito ay sikat pagkain ng tao at karaniwang ibinebenta nang sariwa o tuyo. (MA) ed VSA

alamát Ang alamát ay isang mahalagang bahagi ng panitikang-bayan na nagsasalaysay sa pinagmulan ng bagay-bagay sa daigdig. Itinuturing itong paraan ng pagpapaliwanag ng ating mga ninuno sa kanilang kaligiran sa abot ng kanilang kaalaman at sa kanilang pinagmulan sa abot ng kanilang alaala. Karaniwang isang salaysay ito hinggil sa tunay na mga pook, mga bahagi ng kalikasan, mga pangyayari, at mga tao. Marami sa mga ito ang nakabatay sa kasaysayan at nakaugnay sa sinaunang mito at kuwentongbayan. May katumbas itong leyénda sa Espanyol at legend (lé·dyend) sa Ingles. Malimit na may sangkap na kagila-gilalas ang alamat. Ngunit malimit ding nagdudulot ito ng makabuluhang aral sa búhay, kayâ mainam na kasangkapan sa edukasyon ng musmos at kabataan. Halimbawa, ang alamat ng pinya. Isang istorya ito tungkol sa isang batàng tamad at laging nagdadahilan na hindi makita ang inuutos ng ina. Bilang parusa ng engkantada, bigla siyáng naging bunga na maraming matá. Ipinaliliwanag ng alamat kung bakit maraming tila “matá” ang bunga ng pinya. Ngunit nagdudulot din ito ng aral laban sa katamaran. May taglay na hálagáhang panlipunan at pangkultura ang halos lahat ng mga alamat hinggil sa pinagmulan ng isang pook o halaman. Isang popular na alamat ang tungkol sa Bulkang Mayon, na bunga diumano ng nasawing pag-ibig ni Daraga Magayong dahil sa isang sakim na datu. Naging simbolo naman ng pag-asa ang bahaghari dahil sa alamat kung paano tumubò ang unang bahaghari sa mundo. Kinatatakútan naman ang pating dahil sa alamat na mula ito sa isang isinumpang usurero. May alamat na nagsisiwalat sa paniwala’t kaugalian ng lahi o pangkat ng tao. Isang alamat ang nagkukuwento kung paanong nilikha ni Bathala ang unang mga tao sa pamamagitan ng paghubog sa luad at pagluluto sa nabuong anyo upang tumigas. Gayunman, dahil hindi pa sanay sa pagluluto ay nagkaroon ng iba’t ibang kulay ang nalikhang tao. Ang unang anyong tao ay lubhang nagtagal sa kalan kayâ nasúnog at pinagmulan ng lahing Itim. Ang ikalawang anyong tao naman ay agad inalis sa kalan ni Bathala sa tákot niyang masúnog muli ito. Nahilaw ang ikalawa kayâ pinagmulan ng lahing Putî. Sa ikatlong pagkakataón, bihasa na si Bathala. Timplado ang luto niya sa ikatlong anyo, hindi sunóg at hindi rin hilaw, at pinagmulan ito ng lahing kayumanggi—ang mga Filipino. (VSA) Pinagsama-samang guhit ng ilang paboritong tagpo sa mga alamat ng Filipinas (Aklat Adarna)

alamíd Ang alamíd (Paradoxurus philippinensis) ay isang ilahas na pusa, maliit sa karaniwan, itim ang kulay, at nakatira sa kagubatan. Tumitimbang mula dalawa hanggang limang kilo. Ang katawan ay may habàng 53 sm at nababalot ng magaspang at gusot-gusot na balahibong batik-batik at kulay abo at itim. Ang buntot ay halos kasinghabà ng katawan nitó na 48 sm. Ang mukha naman ay nagtataglay ng tila putîng maskara. Nakatira ang alamid sa magubat na pook. Maaari rin itong matagpuan sa mga hardin na may matataas na punò at sa mga lugar na maraming pananim. Matalas ang mga kuko nitó kayâ madalî itong nakakaakyat sa punongkahoy at mga alulod ng bahay. Ang pangunahing pagkain ng alamid ay mga hinog na prutas tulad ng berries. Kumakain din ito ng tsiko, mangga, rambutan, at kape pati maliliit na hayop at insekto. Ang alamid ay mahilig mag-isa maliban na lamang kung naghahanap ito ng kapareha sa panahon ng pagpaparami ng lahi nitó. Mas gisíng ito sa gabi kaysa araw. Kapag may panganib, naglalabas ito ng mabahòng amoy mula sa puwit nitó bilang depensa sa sarili. Mahilig ding mag-iwan ng marka ang alamid sa pamamagitan ng pagdumi, pag-ihi, at paglalabas ng matapang na amoy nitó. Malaki ang naitutulong ng mga alamid sa pagpapanatili ng mga punongkahoy at halaman sa paligid dahil naikakalat ngmga ito ang buto ng mga prutas at halamang kinakain. Karaniwang matatagpuan sa Timog at Timog-Silangang Asia, katutubo ito sa mga bansang India, Nepal, Bangladesh, Bhutan, Myanmar, Sri Lanka, Thailand, Singapore, Malaysia, Brunei, Darus-salam, Laos, Cambodia, Vietnam, Tsina, Indonesia, at Filipinas. Dinala rin ito sa Japan. Sa Filipinas, tinatawag itong alamír, alimús, amíd, garóng, milô, mirô, pásla, púsang-gúbat, at singgalong. Sa Ingles naman ay Asian palm civet o toddy cat. (KLL)

alampáy Ang alampáy isang balabal o piraso ng damit na isinasampay sa balikat o ipinapatong sa isa pang damit sa may bandáng balikat. Kilalá rin ang alampay bilang ablay sa Waray, alikboy sa Bikol, baksa sa Sinaunang Tagalog, baliog sa Aklanon, kagay sa Ilokano at kulibengbeng sa Pangasinan. Maaaring gawa sa iba’t ibang tela ang alampay ngunit madalas na gawa sa himaymay ng pinya ang ipinapares upang higit na maging marangya ang baro’t sáya o terno ng kababaihan. Sa katunayan, kabilang ang alampay sa apat na bahagi ng isang terno; ang tatlo pa ay ang kamisa, sáya, at tapis. Ngunit nagsimula ang alampay bilang praktikal na bahagi ng kasuotan. Isinasampay ito sa balikat upang protektahan ito sa lamig. Kapag totoong malakas ang hangin, ang alampay ay ibinabálot sa paligid ng leeg at hanggang sa ibabâng bahagi ng mukha. May nakahandang piraso ng damit ang mga magsasaka at manggagawa na palagiang nakasampay na tila alampay sa kanilang balikat na ginagamit upang ipampunas ng pawis at ipansanggalang sa init o usok. Sa kasalukuyan, ang kulay at disenyo ng alampay ay ginagamit na simbolo ng ilang lider at aktibista upang ipakatawan ang kanilang paninindigang pampolitika at isyung ipinaglalaban. (MJCT) ed VSA

albuláryo Ang albuláryo ay tumutukoy sa manggagamot na gumagamit ng sinaunang paraan ng panggagamot. Kabílang sa mga pamamaraang ito ang pagtatapal ng mga halamang gamot at langis, pag-oorasyon o pagbulong, pagtawas, pagbabanyos o pagpunas sa maysakit. Bago ang pananakop ng mga Espanyol, ang tungkulin ng panggagamot ay nakaatang sa babaylan o ang pinunòng espiritwal ng katutubong pamayanan. Naisantabi ang mga babaylan nang ipakilala ng mga Espanyol ang bagong relihiyon. Kasunod nitó’y lumitaw ang mga arbularyo. Ang mga dating inuusal ng mga babaylan ay nahalinhan ng mga Kristiyanong orasyon at dasal, at sa gayo’y napaglangkap ng arbularyo ang katutubo at ang bagong paniniwala. Mga matandang babae o lalaki ang kalimitang nakikilalang albularyo na sa tuwi-tuwina ay matatagpuan sa mga liblib na lugar at malayo sa kabihasnan. Karaniwang iniaasa nila sa pananalig o pananampalataya ang bisa ng kanilang gawain kasama ang malawak na karanasan sa pagpapabuti ng isang may karamdaman. Laganap ang albularyo sa buong kapuluan ng Filipinas lalo na sa mga lugar na hindi naaabot ng makabagong medisina. Tinatawag din silang erbolaryo at baglan sa wikang Iloko. (JCN) (ed GSZ)

Larry Alcala (18 Agosto 1926-24 Hunyo 2002) Si Lauro Zarate Alcala (láw·ro zá·ra·té al·ka·lá) o mas kilala bilang si Larry Alcala ay isang nangungunang editorial cartoonist at ilustrador sa Filipinas. Tinatayang nakagawa siyá ng mahigit 500 cartoon characters, 20 comic strips, 6 pelikula, 2 murals, at 15,000 na nailimbag na pahina mula sa kaniyang 56 taon ng pagiging propesyonal na kartunista. Isinilang siyá sa Daraga, Albay noong 18 Agosto 1926 kina Ernesto Alcala at Elpidia Zarate. Nakapagtapos siyá ng kursong Bachelor of Fine Arts in Painting sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1950 sa ilalim ng scholarship mula sa pabliser na si Ramon Roces. Tumanggap din siyá ng Australian Cultural Award kasabay ng isang travel study grant noong 1975. Nagturo siya sa UP mula 1951 hanggang 1981. Nagsimula ang kaniyang karera bilang kartunista noong 1946 habang nag-aaral pa lamang. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nilikha niya ang kaniyang kauna-unahang comic strip na pinamagatang Siopawman na nailimbag sa komiks na Halakhak noong 1947. Sa naturang taon din niya nalikha ang Kalabog en Bosyo na gumamit ng Taglish bilang wika ng mga tauhan. Ito ang pinakamahabang seryeng kartun na ginawa ng isang Filipino. Naisapelikula ito noong 1957 ng Sampaguita Pictures na ginampanan nina Dolphy at Panchito Alba. Ang Slice of Life naman ang pinakasikat na seryeng kartun ni Alcala na sumasalamin sa mga katangi-tanging aspekto sa araw-araw na buhay sa Filipinas. Noong 1988, tumanggap ito ng parangal na Best in Humor dahil sa paglalarawan nito ng kakayahan ng mga Filipinong tawanan ang kanilang sarili anuman ang kanilang danasin sa buhay. Ang Mang Ambo naman, mercial art sa Filipinas, naitatag ang Visual Communication Department ayon mismo sa kaniya, ay larawan ng isang Filipinong nanatiling tradisyo- sa UP College of Fine Arts noong dekada 50. Isinulong naman niya ang nal kahit na may nagaganap na urbanisasyon sa kaniyang paligid. pagbuo ng grupo ng mga ilustrador ng mga pambatang libro at tinawag itong Ang Ilustrador ng Kabataan (INK) noong 1991. Naging aktibong Ang ilan pang likha niya ay ang Tipin (1951-1965); This Business of Liv- lider siyá sa mga organisasyong gaya ng Samahang Kartunista ng Pilipiing (1961-1972); Loverboy (1964-1969); Project 13 (1966-1972); Barrio nas bilang pangulo 1979-1989 at bilang adviser 1989-2002; Art Directors Pospak (1966-1972); Kongressman Kalog (1966-1972); Kalambogesyons Club of the Philippines bilang pangulo 1963-1964; Society of Philippine (1966-1972); Smolbateribol (1972-1984); Mod-Caps (1974-2002); Snick- Illustrators and Cartoonists bilang ikalawang pangulo 1962-1963. Dahil erteens (1973-1984); Asiong Aksaya (1976-1984); Bing Bang Bung (1978- sa hindi matatawarang dedikasyon, nakatanggap siya ng maraming paran1989); at Laugh and Live, Life Today (1981-2002). gal mula sa iba’t ibang organisasyon gaya ng UP College of Fine Arts, UP Alumni Association, Philippine Board on Books for Young People Si Alcala ang nagpasimula ng paggamit ng animated cartoons sa mga tele- (PBBY), Archdiocese of Manila, Komiks Operation Brotherhood (Kovision commercial gaya ng Caltex noong 1965 at Darigold Milk noong mopeb), Society of Philippine Illustrators and Cartoonists, Gawad CCP, at 1957. Dahil sa kaniyang kampanya sa pagpapaunlad ng ilustrasyon at com- iba pa. (KLL) ed VSA

Arturo Alcaraz (22 Marso 1916-10 Marso 2001) Si Arturo Alcaraz (Ar·tú·ro Al·ka·ráz) ay isang bulkanólogó (volcanologist) na kinikilála bilang “Ama ng Pagsulong ng Enerhiyang Heotermal” ng Filipinas. Ang kaniyang mga pag-aaral sa mga bulkan ng kapuluan at ang enerhiya na maaaring makuha mula sa mga ito ang pumukaw sa pambansang interes hinggil sa geothermal energy. Malaki ang ginampanan niya sa pagtitirik ng mga plantang heotermal sa buong bansa, tulad sa Tiwi, Bundok Makiling, Bundok Banahaw, at Leyte. Masasabing inihanda ng kaniyang pagpupursigi ang bansa laban sa mga krisis enerhiya (i.e., sa krudo) na tumama dito, at nagpasibol sa isang industriyang lumikha ng maraming trabaho. Noong 1942, siyá ang naging Chief Geophysicist ng Philippine Weather Bureau. Noong 1951, hinirang siyáng Chief Volcanologist ng bagongtatag na Commission on Volcanology. Noong 1955, ginawaran siyá ng Guggenheim Fellowship. Noong 1967, kabilang si Alcaraz sa mga nagpailaw ng bombilya gamit ang enerhiya mula sa isang bulkan malapit sa Tiwi; ito ang unang nilikhang heotermal na enerhiya sa bansa. Noong 1968, ginawaran siyá ng Presidential Award of Merit. Noong 1982, hinirang siyáng Ramon Magsaysay Awardee for Government Service. Isinilang siyá noong 21 Marso 1916 sa Maynila kina Conrado Alcaraz at Paz Pineda. Nag-aral siyá ng elementarya sa Lucena, Quezon, at hay-iskul sa Camarines Norte at Baguio. Sa huling lugar, na siyáng nagtatamasa noon ng kasagsagan sa pagmimina, napukaw ang kaniyang hilig sa pagmimina at heolohiya. Nagtapos siyá ng BS Mining Engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1937, at MS Geology sa University of Wisconsin noong 1941. Pagkaraan ay nag-aral din siyá sa University of California at Berkeley at ginawaran ng Certificate in Volcanology. Nagkaroon siyá ng tatlong anak sa asawang si Lilia Salas. Pumanaw siyá noong 10 Marso 2001. (PKJ)

Ramón Alcaráz (31 Agosto 1915-25 Hunyo 2009) Nitong 6 Mayo 2012, ipinahayag ni Pangulong Benigno aquino III na pangangalanan ang ikalawang Hamilton Class Cutter ng hukbong dagat na BRP Ramon Alcaraz at marami ang nagtanong. Sino ba si Ramón Alcaráz? Isa siyáng ipinagmamalaking bayani ng hukbong dagat noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at may maningning na rekord ng paglilingkod hanggang magretirong komodor noong 1966. Ipinanganak si Alcaraz noong 31 Agosto 1913 sa Plaridel, Bulacan. Kumuha siyá ng pagsusulit para sa PMA noong 1936, nakapasá, at nagtapos kasáma ng 79 na bumubuo sa Class 1940. Pitó siláng sumapi sa Off-Shore Patrol. Pagsiklab ng digma, nadestino si Alcaraz sa First Q-Boat Squadron na binubuo ng mga torpedo boat. Siyá ang itinalagang komander ng Q-112 (Abra). Noong 17 Enero 1942, nakasagupa ng Q-112 ang siyam na dive bomber ng mga Hapones. Agad nagpaputok sina Alcaraz at tatlo sa mga eroplano ang tinamaan bago lumipad palayô. Dahil sa katapangan, ginawaran si Alcaraz ng Silver Star at itinaas sa ranggong unang tenyente. Nabihag ng mga kaaway si Alcaraz sa Paombong pagkaraang mapalubog ang Q-112 sa baybayin ng Bataan noong 10 Abril 1942. Ipiniit siyá sa Malolos. Nang palayain, sumapi siyá sa Philippine Constabulary ngunit ginamit itong panlilinlang para sa kaniyang pagtulong sa mga gerilya ng Bulacan at Hilagang Luzon. Pagkatapos ng digma, bumalik siyá sa hukbong dagat at ipinadalá sa Estados Unidos noong 1950 upang pag-aralan ang organisasyon ng US Marines. Noong 1952 at sa kainitan ng rebelyon ni Hajji Kamlon, inatasan si Alcaraz magpatrulya sa Dagat Sulu at matagumpay namang napayapa niya ang rehiyon. Dahil dito, sinabitan siyá ng Military Merit Medal. Noong 1964, hinirang siyáng punò ng Naval Operations Force at nakaharang ng libo-libong pisong halaga ng puslit na sigarilyo. Hindi kinilála sa panahon ni Pangulong Marcos ang kaniyang tagumpay hanggang magretiro. Naging kritiko siyá ng mga pambansang patakarang militar. Nang ideklara ang Batas Militar, inaresto si Alcaraz at napilitang umalis ng bansa. Namatay siyá noong 25 Hunyo 2009 sa Orange County, Timog California. (EGN ed VSA)

Federico A. Alcuaz (6 Hunyo 1932-2 Pebrero 2011) Si Federico A. Alcuaz (Fe·de·rí·ko Ey Al·ku·wáz) ay isang prolipikong pintor, eskultor, at tanging Filipinong artista na nagkamit ng pinakamaraming gantimpala at parangal sa internasyonal sa larang ng pintura. Nominado siyá para maging Pambansang Alagad ng Sining sa Sining Biswal noong 2009. Isa siyá sa mga itinuturing na maestro ng abstraksiyon. Kung ang karamihan ng mga artist sa kaniyang panahon ay naging alagad ng modernismo at abstraksiyon dahil sa ito ang napapanahon, si Alcuaz ay nagsimula at nagpakahusay muna sa klasikong estilo bago tuluyang naging bihasa at nakilala sa abstraksiyon. Una siyáng Filipino na nagwagi ng Prix Francisco Goya (1958). Sa Espanya, natamo rin niyá ang prestihiyosong Premio Moncada (1957), nagkamit siyá ng unang gantimpala sa Pintura Sant Pol del Mar (1961), at ikalawang gantimpala sa Premio Vancell sa Fourth Biennial ng Tarrasa, Barcelona (1964). Dito, gagamitin ni Alcuaz ang apelyido ng kaniyang ina upang makilala siyá sa iba pang Aguilar na kasama niyá sa grupong La Puñalada at apelyido ng karamihan noon sa Barcelona. Sa gulang na 24, itinanghal si Alcuaz na pinakabatang nagkaroon ng eksibit sa prestihiyosong Sala Direccion General, Museum of Contemporary Art sa Madrid. Susundan pa ito sa Galerias Layetanas at Galerias Manila sa Barcelona. Sa Pransiya ay pinarangalan siyá ng Diploma of Honor sa International Exhibition of Art Libre (1961), Decoration of Arts, Letters and Awards na may ranggong Chevalier mula sa pamahalaang Pranses (1964) at Order of French Genius (1964). Si Alcuaz lamang ang tanging Filipino na nagkaroon ng mga pagtatanghal sa Alemanya, Pransiya, Amerika, at Espanya. Bagaman mahabàng panahon naglagi siyá sa Europa, di niyá nalimot bumalik sa Filipinas. Nakamit niyá dito ang maraming karangalan, kabílang ang Republic Cultural Heritage award, 1965; Araw ng Maynila Award, 1966, Outstanding Manileño, 2001; at Presidential Medal of Merit, 2006. Isang aklat na pinamagatang Parallel Texts sa panulat din ni Alcuaz at Rod isang abogado siyá ngunit nanaig ang hilig sa sining. Ikinasal siyá kay Ute Paras-Perez ay inilathala ng Artlink Group Inc. Gisela Schmitz, ang Alemang kumukuha ng kursong business at languages na nakilala niyá sa Barcelona. Nagkaroon sila ng tatlong anak—sina Isinilang siyá sa Santa Cruz, Maynila noong 6 Hunyo 1932 kina Mariano Christian Michael, Andreas Frederic, at Wolfgang Matthias. Pumanaw si Aguilar, isang abogado at Encarnacion Alcuaz. Layon ng amang maging Alcuaz noong 2 Pebrero 2011. (RVR) (ed GSZ)

Jose Alejandrino (1Disyembre 1870-1 Hunyo 1951) Si Jose Alejandrino (Ho·sé A·le·han·drí·no) ay isang hinahangaang heneral ng Himagsikang Filipino, propagandista, at senador. Naging kasapi siyá ng kilusang propagandistang La Solidaridad hábang nag-aaral sa Espanya. Bilang malapit na kaibigan ni Jose Rizal, siyá ang pinagkatiwalaan nitó na magdalá ng manuskrito ng El Filibusterismo sa palimbagan at mamahagi ng kopya. Noong 1896, naatasan siyáng magtungo sa Hong Kong upang bumili ng mga dinamita at armas para sa Himagsikang Filipino. Pagbalik sa bansa, naglingkod siyá sa Kongresong Malolos at itinalagang direktor ng agrikultura at hepe ng mga inhinyero ng hukbong katihan ng Filipinas. Pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano, hinirang siyáng heneral at namunò sa mga sundalong nakatalaga sa Gitnang Luzon. Naging gobernador-militar siyá ng Pampanga pagkaraan. Nagsilbi rin siyá bilang kalihim ng digmaan ng pamahalaang rebolusyonaryo. Noong 1923, sa panahon ng pananakop ng Amerikano, itinalaga siyáng senador ng Mindanao at Sulu. Noong 1934, nahalal siyá bilang kinatawan ng Pampanga sa Kumbensiyong Konstitusyonal. Sumulat din siyá ng aklat na pinamagatang La Senda del Sacrificio na naglalarawan ng kaniyang mga pakikipaglaban noong Himagsikan. Isinilang siyá noong 1 Disyembre 1870 sa maykayang pamilya sa Binondo, Maynila. Nakamit niya ang Batsilyer sa Arte sa Unibersidad ng Santo Tomas bago nagtungo sa Espanya, at tumuloy sa Belgium upang ipagpatuloy ang pagpapakadalubhasa sa larang ng chemical engineering sa Unibersidad ng Ghent. Pumanaw siyá noong 1 Hunyo 1951. (PKJ)

Jose Alejandrino at maybahay

alferéz Sa panahon ng kolonyalismong Espanyol, ang alferéz (binabaybay ding alperés o alpirés sa Tagalog) ay pinunò ng hukbong militar sa isang munisipalidad. May totoong ranggong militar ito na tenyente o kapitan, depende sa laki ng bayan at laki ng hinahawakang pangkat ng guwardiyá sibíl (mula sa Espanyol na guardia civil). Sa nobelang Noli me tangere ni Jose Rizal, malinaw na ipinakita ang absolutong kapangyarihan ng isang alferez. Walang maaaring pumigil sa kaniyang utos o nais. Kahit ang kura ng San Diego, na ipinakilála rin ni Rizal na isang hari-harian sa bayan, ay maaaring salungatin ng alferez. Kailangang pati siyá ay linlangin ni Padre Salvi upang maging katulong sa planong pagwasak sa búhay ng bidang si Crisostomo Ibarra. Gayunman, ang alferez sa nobela ni Rizal ay binigyan ng asawang abusada at lasengga, si Donya Consolacion, at katawa-tawa ang kanilang eksena. Ang orihinal na alferez sa Espanya ay isang mataas na opisyal sa korte ng hari. Nagmula ang katawagan sa Arabe na al-faris, na nangangahulugang “kabalyero,” bagaman isinalin din ito sa Latin na armiger o armentarius, na nangangahulugan namang “tagapagdalá ng armas.” Karaniwang ang alferez ay pangalawa sa majordomo, ang pinakamataas ang ranggong opisyal sa kabahayan ng hari. Karaniwan ding pinunò ito ng mesnáda o pribadong hukbo at personal na mga ayudanteng kabalyero ng hari, at maaaring pati ng armori at guwardiya ng hari. Sumusunod siyá sa hari sa mga kampanya at sa labanan. Nag-umpisa ang titulong alferez sa panahong Midyibal. Nauna noong ika-10 siglo ang kahariang Navarra at sinundan noong ika-11 siglo ng mga kahariang Castilla at Leon. Karaniwang iginagawad ang titulo sa kabataang maharlika ng korte, na nagiging hakbang tungo sa pagkakaroon ng ranggong dúke (duque sa Espanyol). Nása kasaysayan ang gawad ni Haring Alfonso VIII ng Castilla ng isang bayan kay Alvaro Nuñez de Lara bilang gantimpala sa pagdadalá nitó ng kaniyang estandarte sa Labanang Las Navas Tolosa. (VSA) guhit ni Francisco V. Coching

Jose Algue (22 Disyembre 1856-27 May 1930) Si Jose Algue (Ho·sé ál·ge) ay isang Heswitang naging kilaláng meteorologo at siyentista. Naging direktor siya ng Manila Observatory at namunò ng unang Philippine Weather Bureau noong Panahon ng mga Amerikano. Isinulat niya ang Baguios o Ciclones Filipino noong 1897 at La Nubes en el Archipelago Filipino noong 1899, mga unang pag-aaral sa bagyo sa bansa. Kilalá siyá sa kaniyang imbensiyong barocyclonometer noong 1897. Isinilang siyá noong 22 Disyembre 1856 sa Manresa, Espanya, nag-aral sa eskuwelahang Espanyol, at pumasok na Heswita noong 17 Hulyo 1871 sa Andora. Noong 1889, nakilála niya ang Heswitang si Fr. Federico Faura, isa ring siyentista. Noong 1891, ipinadalá siyá sa Georgetown University sa Washington DC para palawakin pa ang kaniyang pagaaral sa meteorolohiya, seismolohiya, at astronomiya. Kasáma si Fr. Faura, pumunta silá sa iba’t ibang obserbatoryo sa Amerika at Europa, at dumating sa Filipinas noong 3 Pebrero 1894. Ang kaniyang Baguios o cyclones Filipinos: Estudio teorico-practico noong 1894 ang unang saliksik hinggil sa mga bagyo sa bansa. Noong 1897, naimbento niya ang barocyclonometer para sa mga bagyo sa Filipinas at Asia. Kinilála ng mga Amerikanong militar ang halaga ng pag-aaral ni Algue kayâ personal siyang dinalá kay Admiral Dewey. Mula noon, si Fr. Algue at ang Manila Observatory ay naging mahalaga sa kolonyalismong Amerikano. Noong 1899, inirekomenda nina Dean Conant Worcester at Charles Denby ng Schurmann Commission ang pagtatayô ng Philippine Weather Service at si Fr. Algue bilang unang direktor nitó. Noong 1900, sa ilalim ng direksiyon ni Algue, inilabas ang atlas ng Filipinas, isang resulta ng maraming taón ng kaniyang pag-aaral. Noong 22 Mayo 1901, sa ilalim ng Act. No. 131 ng Philippine Commission, ang Manila Observatory ay naging Philippine Weather Bureau. Noong 1905, bumalik sa bansa si Algue at nagkaroon ng unang warning system para sa mga bagyo ang Weather Bureau. Sa mga huling taón ng kaniyang pamamalagi sa bansa, nakapagpagawa siyá ng 159 weather station, pati na ang 2 magnetic and seismic station. Noong 1924, nagretiro siyá sa Manila Observatory, nagbalik sa Tortosa, at namatay noong 27 Mayo 1930. Ang Manila Observatory ay nasira noong World War II. Sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 78 noong Batas Militar ay pinalitan ito bilang PAGASA. (KLL)

alibangbáng Ang alibangbáng ay malaking punongkahoy (Bauhinia malabarica). Mula ito sa family na Fabaceae o Leguminosae—mas kilala bilang legume, pea, o bean—na kinabibilangan ng mga halamang namumulaklak. Mula sa genus na Bauhinia—kilala rin bilang Mountain Ebony, Orchid, at Kachnar—na ang bulaklak ay may limang talulot, 7-12 sm na diyametro, kulay pulá, dilaw, rosas, kahel, o lila, at kadalasang mabango. Dilaw kayumanggi ang balát ng B. malabarica at mayayabong ang sanga. Ang mga dahon ay may habà na 5-10 sm. Ang bulaklak ay malalaki at mapuputi. Karaniwang matatagpuan ito sa mga lugar na may mahahabàng tag-araw sa Luzon, partikular sa Ilocos Norte hanggang Laguna. Maaaring magamit bilang pampatunaw ng pagkain, pampapurga, pamparegla, antibacterial, antioxidant, antifungal, at pumipigil sa pag-ulit ng sakit. Nagagamit ang dahon nito bilang pansigang bukod sa gamot sa lagnat, kolera, at sugat. Ang “alibangbáng” ay salitâ ring Sebwano para sa paruparo. Maaaring ito ang pagkakahawig ng punongkahoy sa kulisap, dahil hugis paruparo ang dahon ng punongkahoy.(KLL)

Aliguyon Si Aligúyon ang lalaking bayani sa Hudhud, ang epikong-bayan ng mga Ifugaw sa kabundukang Cordillera. Sa salaysay, ipinanganak siyá kina Amtulao at Dumulao, ang pinakamariwasang mag-asawa sa bayan ng Hannanga. Kahit musmos pa ay nagpakita na ng natatanging talino, liksi, at lakas si Aliguyon. Nang pitóng gulang pa lamang siyá ay sinasamahan na niya ang ama sa pangangaso. Mahilig kuwentuhan si Aliguyon ng kaniyang ama, at laging nauuwi ang kuwento kay Pangaiwan, ang mortal na kalaban ni Amtulao sa bayan ng Daligdigan. Kailangang mapuksa si Pangaiwan bago pumanaw si Amtulao nang mapayapa. Kung kayâ’t nang nagbinata siyá, nagtungo si Aliguyon, kasáma ang kaniyang mga kaibigang lalaki, sa Daligdigan upang hamunin si Pangaiwan sa isang labanan. Ngunit matanda na ang hulí, at humalili sa kaniya sa laban ang anak na si Pumbakhayon, isang mandirigmang kasinlakas at kasintalas ni Aliguyon. Ngunit dahil hindi nakaaangat ang isa sa isa, at kahit ang kani-kaniyang kaibigan ay magkakasinlakas, tumagal ang labanan nang tatlong taon. Walang nagwagi o lubhang nasugatan. Sa hulí, napagod na rin ang dalawang panig. Naibigan na rin ng mga tagaDaligdigan sina Aliguyon dahil sa ipinamalas niláng katapangan at patas na pakikipaglaban, at ang mga taga-Hannanga naman ay naibigan ang mga mayuyuming binibini ng Daligdigan. Nagpasiya ang dalawang kampo na itigil ang hidwaan. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang. Hindi nagtagal ay umibig si Aliguyon kay Bugan, ang babaeng anak ni Pangaiwan, at hiningi ang kamay nitó. Nang nag-isang-dibdib sina Aliguyon at Bugan, bumalik silá sa Hannanga upang ipaalam kay Amtulao na “pinaslang” na ni Aliguyon ang kaniyang katunggaling si Pangaiwan nang ginawa niya itong kaibigan. Mula noon ay namuhay nang masayá at mapayapa ang mga tauhan sa dalawang bayan. Bilang isang natatanging tauhan sa panitikang Filipino, patuloy na nababanggit at muling nagagamit bilang karakter si Aliguyon sa mga kontemporaneong akda, tulad ng sa Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas Kong Mahal, isang makabagong epiko ng Pambansang Alagad ng Sining Rio Alma (Virgilio S. Almario). (PKJ) ed VSA

Álim Ang Álim ang isa sa dalawang epikong-bayan ng mga Ifugaw. Isa itong epikong panrelihiyon na inaawit kapag may namatay o kapag mayroong may sakit sa pamilya. Inaawit din ang Alim kapag inilalagay ang hagabi o ang bul-ul sa tahanan ng mga Ifugaw. Kasabay ng pag-awit ng Alim ay ang pagdaraos ng kanyaw. Nagsisimula ang epikong-bayan sa panahong masagana ang pamumuhay ng mga tao. Nakakukuha ng pagkain ang mga tao kailanman nilá ito naisin at naibibigay ng kalikásan ang kanilang nais. Ngunit dahil sa pagmamalabis ng tao, nagalit ang mga diyos. Nagkaroon ng malaking bahâ at namatay ang lahat ng tao, maliban kay Bugan na umakyat sa Bundok Kalawitan. Nang humupa ang bahâ, inakala ni Bugan na siyá na lámang ang natirang tao. Sa kaniyang paghahanap ng makakain, kaniyang natagpuan na buháy rin ang kaniyang kapatid na si Wigan. Magkasáma siláng naghanap ng makakain. Tumira silá sa tabi ng ilog upang mas madalî siláng makakuha ng pagkain. Ilang araw ang lumipas, nalaman ni Wigan na nagdadalangtao siyá. Nagpunta si Bugan sa tabing-ilog upang magpakamatay dahil sa kahihiyan na nabuntis niyá ang kapatid. Ngunit, nagpakita ang diyos na si Makanungan upang pigilin siyá. Ikinasal ni Makanungan ang dalawa at nagkaroon ng siyam na anak. Nagkaroon ng taggutom sa kanilang lugar. Nag-alay ang mag-asawa ng dagâ upang matigil ang kahirapan ngunit hindi pa rin nawala ang taggutom. Ipinasiya ng mag-asawa na ialay ang kanilang bunsong anak na si Igon. Hindi natuwa si Makanungan sa ginawa ng mag-asawa. Bilang parusa, kaniyang ipinaghiwalay ang mga tao sa iba’t ibang bahagi ng kalupaan at isinumpang mag-aaway silá sa tuwing magkakatagpo. (SJ) (ed VSA)

Guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

alimángo Ang alimango [Scylla serrata (Forsskal)] ay kabilang sa pamilyang Portunidae. Ito ay tinatawag ding alama, rasa, o kangreho. Ito ay makikita sa Indo-Pasipiko, mula Hapon, Tsina, Filipinas, mga isla ng Hawaii hanggang Australia, Indonesia, silangan at timog ng Aprika. Ito ay dinalá rin sa Mexico. Ang talukab ng alimángo ay hugis pamaypay na may makinis na balát at ang paligid ng harapan ay may anim na tinik sa pagitan ng mga matá at siyam na tinik naman sa gilid na loob. May malalim na hugis H sa gitnang bahagi. Minsan ang talukab ng malalaking lalaki ay higit sa 20 sentimetro ang lapad na may bigat na 1.5 kilo. Ito ay nagtataglay ng matibay na sipit na pansunggab na kung tawagin ay cheliped. Ang cheliped ay matigas at matipuno. Tulad ng ibang miyembro ng pamilyang Portunidae, ang hulíng pares ng binti na mala-sagwan ang hugis ay ginagamit panlangoy. Ang sipit ng lalaki ay nagiging malaki. Ito ay kulay berdeng abo o kayumangging lila. Ang alimángo ay naninirahan sa maputik na ilalim ng tubig sa may pampang, bakawan, at bunganga ng ilog. Ito ay aktibo at agresibo. Ito ay isang karniboro at kumakain ng molusko, krustaseo, uod, halaman, at mga labí ng hayop. Hinuhúli sa pamamahitan ng pante, bintol, o kulungan na may paing isda o anumang klaseng karne at ito ay nakalagay sa ilalim ng tubig. Ang babaeng may magulang na obaryo ay mas mahal ang presyo at masarap samantalang ang mga lalaki naman ay múra kahit gaano kalaki. Ito ay kadalasang ibinebenta nang buháy. (MA)

alimásag Ang alimásag (Portunus pelagicus Linnaeus, 1758) ay kabilang sa pamilya Portunidae. Ito ay tinatawag ding ‘kasag’ sa Bisaya. Ito ay matatagpuan sa Indo at kanlurang bahagi ng Karagatang Pasipiko, mula Japan, Filipinas at sa buong Timog Silangang Asia hanggang Indonesia, Silangan ng Australia, at mga isla ng Fiji. Ang talukab ay malapad, magaspang, at may mga batik. Karaniwang sukat ng talukab ng lalaki ay pitóng sentimetro samantalang 6.5 sentimetro naman ang sa babae. Ang harapang bahagi ay may apat na ngiping hugis tatsulok at siyam na ngipin naman sa may gilid. Ang pinakalabas na ngipin ay 2-4 na mas malaki kaysa susunod. Ang sipit ay pahabâ (mas marami ang sa lalaki kaysa babae) at may ngipin na korteng apa sa ilalim ng mga galamay. Ang mga binti ay pahabâng unat at ang dalawang bahagi ng hulíng pares ay hugis sagwan. Ito ay nagtataglay ng matibay na sipit na pansunggab at kung tawagin ay chelipeds. Ang chelipeds ay mahabà, matigas, matinik at magulugod. Ang lalaki ay makulay at may mga asul na marka samantalang ang babae ay kulay mapusyaw na lungtian. Ang alimasag ay matatagpuan sa mga mabuhangin at maputik na bahagi ng tubig, sa lalim na 10 hanggang 50 metro, malapit sa mga tangrib, bakawan, at lusayan. Ang batàng alimasag ay kadalasang naglalagi sa mas mababaw na bahagi ng tubig. Ito ay matanda na kapag sumapit ng isang taon. Ito ay isang karniboro at kumakain ng iba’t ibang uri ng organismo, tulad ng maliliit na alimasag, molusko, uod. Bihira itong kumakain ng mga halaman. Hinuhúli ito sa pamamahitan ng pante, bintol, o kulungan na may paing isda o anumang klaseng karne at ito ay nakalagay sa ilalim ng tubig. Ang Filipinas ay isa sa mga bansang may pinakamaraming húli ng alimasag. Ito ay ibinebenta nang sariwa o inilagay sa yelo sa mga palengke o pabrika na nagdede-lata ng mga alimasag. Mas múra ang presyo nitó kaysa alimango. (MA) ed VSA

alitaptáp Ang alitaptáp (pamilyang Lampyridae sa order Coleoptera) o firefly sa wikang Ingles ay isang uri ng kulisap na karaniwang lumilipad sa gabi at may sangkap sa gawing ibabâ ng tiyan na nagbibigay ng kukuti-kutitap na liwanag. Kilala ito sa nililikhang ritmikong pagkislap ng ilaw sa gabi. Ang totoo, ang naturang kutitap ay isang paraan ng hudyatan ng mga alitaptap at sistema ng pag-akit sa magkaibang kasarian. Karaniwang kulay kayumanggi ang alitaptap at may malambot na katawan. Kahit na may pagkakatulad ang itsura ng babaeng alitaptap sa lalaki, ang babaeng alitaptap ay maaaring makilala dahil sa mga compound eyes nitó. Karamihan sa alitaptap ay nocturnal, isang katangian ng hayop na gising sa gabi at tulog sa umaga. Nangangalap ang nocturnal ng pagkain sa gabi. Ang iba namang alitaptap ay maituturing na diurnal, isang katangian ng mga hayop na gising sa umaga at tulog naman sa gabi. Ang mga alitaptap na maituturing na diurnal ay maaari pa rin namang lumikha ng liwanag sa madidilim na lugar. Ilang araw matapos ang pagtatalik ng lalaki at babaeng alitaptap, ilalagay ng babaeng alitaptap ang mga itlog nitó sa ilalim o sa ibabaw ng lupa. Ang mga itlog ay mapipisa sa loob ng tatlo hanggang apat na linggo. Aninipot ang tawag sa alitaptap ng Sebwano samantalang luciernaga naman ang katumbas nitó sa wikang Espanyol. May isang matandang tugmang pambatà, sa anyong tanagà, na tungkol sa alitaptap, at ganito ang sinasabi:

Nas’an ang alitaptap? Nasa punò ng dapdap. Bakit di lumilipad? Bali-balî ang pakpak.

Makabuluhan ito ngayon dahil sa malinaw na paglalahò ng alitaptap sa mga lungsod at itinuturing na bunga ng polusyon at pagkasirà ng kalikásan. Isa sa ipinagmamalaki sa Dongsol, Sorsogon ang pamamasyal sa isang ilog doon kung gabi upang magmasid sa kagila-gilalas na mga malakihang kumpol ng alitaptap na lumiligid sa mga punongkahoy.(IPC)

alkálde Ang alkálde ay nagmula sa salitang Espanyol na alcalde at tumutukoy ngayon sa pinunò ng isang munisipalidad 0 lungsod Tinatawag na alkaldésa kung babae, at ginagamit din ito para sa asawang babae ng alkálde. Sa kasalukuyan, tinatawag ding méyor, mula sa Ingles na mayor, ang punò ng isang lungsod o munisipalidad. Noong panahon ng kolonyalismong Espanyol sa Filipinas, unang ipinantawag ang “alkalde” sa alkálde mayór na pinunò noon ng isang alkaldíya o ang pamahalaang sibil ng isang lalawigan. Itinatalaga ito ng gobernador heneral. Hinati noon ang bansa sa labindalawang probinsiya na pinamumunuan ng labindalawang alkalde mayor. Kabilang sa tungkulin niya ang pangangasiwa sa pamahalaang sibil, pagpapatupad ng hustisya sa nasasakupan, pangongolekta ng buwis, at pagtatanggol ng alkaldiya sa pag-atake ng mga táong-labas. Hinahawakan ang posisyong ito sa loob ng tatlo hanggang anim na taon. Upang maitalaga bilang alkálde mayor, kinakailangang may dugong Espanyol, at dalawang taon nang nakapagtapos ng abogasya. Maaaring bilhin ang posisyon o igawad sang-ayon sa pagtangkilik sa hari ng Espanya. Sa paglipas ng mga taon, dahil sa matinding pag-abuso sa posisyon, kinailangang maglagak ng pera ng ibig maging alkalde mayor lalo pa’t siyá rin ang magsisilbing ingat-yaman at tagakolekta ng kinita ng bayan. Bago ang 1844, maraming alkalde mayor ang mangangalakal na ginamit ang posisyon upang kumita ng salapi, sang-ayon sa indulto de comercio na nagbigay-karapatan sa mga alkalde mayor na makipagkalakalan. Nagbukás ito ng pagkakataon upang magtatag ng monopolya ang namumunò sa nasasakupan. Makalipas ang 1844, ipinagbawal ang pagsangkot sa negosyo ng alkalde mayor. Sa bandang dulo ng pananakop ng mga Espanyol, naging ganap na huwes ang mga alkalde mayor. Sa panahon ng Amerikano nallipat ang pangalang alkalde sa pinunò ng bayan o lungsod. Sa panahon ng Espanyol, ang pinunò ng bayan ay tinatawag na gobernadorsilyo. Samantala, sa panahon ng Amerikano, ang pinunò ng lalawigan ay tinawag na gobernadór at governor sa Ingles. (ECS) ed VSA

Alkalde Arsenio Lacson

Virgilio S. Almario (9 Marso 1944—) Si Virgilio S. Almario (Ver·híl·yo Es Al·már·yo) ay isa sa mga nangungunang makata, iskolar, at kritiko sa bansa, bukod sa pagiging mahusay na propesor, tagasalin, pabliser, editor, leksikograpo, at tagapamahalang pangkultura. Dahil sa mga naiambag niyá sa iba’t ibang larangan ng sining at kulturang Filipino, lalo na sa larangan ng panitikan, kinilala siyáng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 2003. Bilang makata, kilala siyá bilang si Rio Alma. Inilathala niyá noong 1967 ang kaniyang unang koleksiyon ng mga tula, ang Makinasyon at Ilang Tula. Sinundan ito ng sampu pang koleksiyon. Lahat ng nailathala niyáng tula ay tinipon ng U.P. Press at inilimbag sa dalawang tomong Una Kong Milenyum. Isa rin si Almario sa pinakamasigasig na iskolar at kritiko sa panitikan ng Filipinas, lalo na sa panulaang Tagalog. Noong 1972, inilathala niyá ang Ang Makata sa Panahon ng Makina, isang kalipunan ng mga panunuring pampanulaan. Sinundan pa ito ng mga pag-aaral hinggil sa kasaysayang pampanulaan at mga pananaliksik tungkol sa katutubong tradisyon ng pagtula, kabílang ang Taludtod at Talinghaga (1965; 1991), Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino (1981), Balagtasismo Versus Modernismo (1984), Kung Sino ang Kumatha Kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, atbp. (1992), Panitikan ng Rebolusyon (g 1896) (1993), at Pag-unawa sa Ating Pagtula (2006), Mahigit Sansiglo ng Makabagong (1989), Dangal ng Lipi Award (1993; 2008) ng Bulacan; Gawad Patnubay ng Sining (1992) ng Lungsod Maynila; Gantimpalang Quezon (1993) ng Tula sa Filipinas (2006). Lungsod Quezon. Pinakahuling pagkilalang natanggap niyá ang Gawad Ang kaniyang pagsubaybay sa wikang Filipino ay makikita sa Filipino Diwa ng Lahi ng Lungsod Maynila (2010). ng mga Filipino (1993; 2009) at Tradisyon at Wikang Filipino (1998), Patnubay sa Masinop na Pagsulat (1981), isang manwal sa estilo, at Ipinanganak si Almario sa Camias, San Miguel de Mayumo, Bulacan UP Diksiyonaryong Filipino (2001; 2010), ang maituturing ngayong kina Ricardo Almario at Feliciana Senadren. Nagtapos siyá ng A.B. pinakakomprehensibong monolingguwal na diksiyonaryo sa wikang Political Science sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1963 at naging guro pambansa. Nagsalin din si Almario ng mga halimbawa ng pinakamahuhusay sa San Miguel High School, na kaniya ring pinagtapusan ng kaniyang na akda ng daigdig at inilibro sa Makabagong Tinig ng Siglo (1989). sekundaryang pag-aaral. Pagkaraan, nagturo siyá sa Department of Nagsalin din siyá para sa teatro, at isinalin ang Noli at Fili (1999) ni Rizal, Philippine Studies ng Pamantasang Ateneo de Manila noong 1969. Nang na kinilala bilang pinakamahusay sa larangan ng pagsasalin ng Manila magturo siyá sa Philippine Science High School, kumuha siyá ng M.A. Critics Circle. Bukod dito, naging lider siyá sa akademya, at sa mga sa Filipino sa U.P. at natamo niyá ang digri noong 1974. Noong 2009, organisasyong pangkultura, at naging guro ng mga kabataang manunulat pinagkalooban siyá ng honoris causa ng University of Regina Carmeli ng Bulacan at sa kasalukuyan, siyá ay professor emeritus sa U.P. gaya sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo). Dahil dito, tumanggap siyá ng maraming gawad at gantimpala, gaya ng TOYM para sa panitikan (1983), Southeast Asia Write Award of Bangkok

Ikinasal siyá kay Emelina B. Soriano at biniyayaan ng tatlong anak, sina Asa Victoria, Ani Rosa, at Agno Virgilio. (GSZ)

almasíga Katutubong punongkahoy ng Filipinas ang almasíga (Agathis philippinensis) at malaganap na ginagamit ang tabla sa industriya ng konstruksiyon. Dahil lubhang ginagamit sa paggawa ng bahay, nanganib itong mawala, kayâ ipinagbawal ng pamahalaan ang pagputol ng almasiga. Ang dagta ng almasiga, na tinatawag na resin, ay sinasahod din at ginagamit noon pa upang gamiting pampaningas at insenso. Hinigpitan din ng pamahalaan ang pag-ani ng resin bukod sa itinuro ng Forest Products Research and Development Institute (FPRDI) ang teknolohiya ng ligtas na pag-ani ng dagta nang hindi napipinsala ang punongkahoy. Ang almasiga ay malaking punongkahoy, tumataas nang mahigit walong metro, laging-lungti, tuwid ang punò, makinis ang balát na kulay kayumanggi at may mga patseng putî at abuhin. Maaari itong tumanda ng ilang sansiglo. Magandang lilim ito sa bakuran o sa tabing lansangan. Ang resin ay tinatawag ngayong Manila Copal at hilaw na sangkap para sa barnis, pintura, insenso, at iba pa. Ang tabla ay ginagamit sa paggawa ng bangka, panloob na dingding, playwud, at muwebles. (VSA)

Pédro Almazán (namatay 1661) Si Pédro Almazán ang pinunò ng unang pag-aalsa sa Ilocos laban sa mga Espanyol. Isa siyáng mayamang mamamayan sa San Nicolas, Ilocos Norte ngunit poot sa pang-aapi ng mga Espanyol kayâ nag-isip ng pag-aalsa. Una niyang kasáma sa planong pag-aalsa si Juan Magsanop, isang lider sa Bangui, at nagkasundo siláng ipakasal ang mga anak upang tumibay ang kanilang pagkakaisa. Naging magandang pagkakataón ang pag-aalsa ni Andres Malong sa Pangasinan na ipinroklamang hari noong Disyembre 1660. Dahil natutok ang pansin ng militar kay Malong, hinimok nina Almazan ang mga tao para maghimagsik na rin. Pumayag si Gaspar Cristobal ng Laoag at pati ang mga pinunò ng Kalinga at Isneg hanggang Cagayan. Noong 31 Enero 1661, pinasok ng mga rebelde ang simbahan ng Claveria, binihag ang Dominikong si Fray Jose Santa Maria, at pinugutan. Kinabukasan, nlusob naman ng mga rebelde ang Narvacan, nabihag ang Agustinong si Fray Jose Arias at pinugutan din. Ipinadalá ang ulo ni Arias kay Magsanop, na dinalá naman ito kay Almazan. Nagtipon ang mga pangkat ng rebelde at ipnroklama si Almazan na Hari ng Ilocos. Isang korona, na nakuha sa isang estatwa sa simbahan, ang ipinutong kay Almazan. Pagdating ng Pebrero, nagpadalá ng hukbo ang pamahalaang Espanyol sa pamumunò ni Lorenzo Alqueros. Binuo ito ng ilang Espanyol at mahigit sanlibong katutubong sundalo. Hinihintay noon nina Almazan ang malaking pangkat ng mga tagapagtaguyod mulang Ilocos Sur. Subalit mabilis na sumalakay si Arqueros at napilitang tumakbo sa gubat ang nabiglang hukbo ni Almazan. Sa tulong ng mga kolaboreytor na Ilokano, natunton si Magsanop at nagpakamatay ito bago mabihag. Ipinagpatuloy ni Almazan ang pakikibáka. Nang masusukol na, sinabing sumakay siyá sa kabayo at lumusob sa mga kaaway. Nabihag siyá at binitay sa plasa ng bayan. (VSA)

Natividad Almeda-Lopez (8 Setyembre 1892-23 Enero 1977) Kinikilálang “Dekana ng mga babaeng hukom,” ipinanganak si Natividád Alméda sa Maynila noong 8 Setyembre 1892 at panganay sa anim na anak nina Koronel Manuel Almeda y Gomez at Severina Lerma. Naging lisensiyado siyá sa hurisprudensiya noong 1913 at pumasá sa bar sa sumunod na taón, isa sa unang abogadong babae. Limang taón siyá sa pribadong pag-aabogado bago pumasok sa gobyerno noong 1919 nang hirangin siyáng special attorney sa Bureau of Justice. Naharap siyá sa mahigpit na pakikipagkumpetensiya laban sa mga lalaki. Gayunman, noong 1922, naging assistant attorney siyá sa opisina ni Leonard Wood at patuloy na tinangkilik ng mga sumunod na attorney general hanggang maging assistant attorney general. Noong 1931, hinirang siyáng acting judge sa hukuman ng Maynila ni Justice Secretary Jose Abad Santos. Naging permanenteng hukom siyá noong 1936 at naglingkod hanggang 1951. Samantala, noong 1937 at 1938 , natamo niya ang masterado sa batas at ang doktorado sa batas sibil mula sa Unibersidad ng Santo Tomas. Noong 1952, nahirang siyáng executive judge ng Manila Municipal Courts. Noong 1956, nahirang siyáng presiding judge ng Juvenile and Domestic Relations Court, ang unang babaeng humawak ng posisyong ito sa Filipinas, at maging sa buong Asia. Noong 1961, nadagdagan ang kaniyang rekord nang mahirang siyáng unang babaeng associate justice sa Court of Appeals. Hindi niya nalimot ang gawaing sibiko sa kabilâ ng mabigat na tungkulin sa hukuman. Naglingkod siyá sa mga samahang nagsusulong sa mga karapatan ng kababaihan. Isang samahan, ang La Proteccion de la Infancia, ang pinaglingkuran niya bílang pangulo sa loob ng dalawang dekada. Isa sa mga proyekto niya dito ang Manila Children’s Lying-In Hospital. Kasal siyá kay Domingo Lopez, dating gobernador ng Tayabas (binubuo ng Quezon at Marinduque noon). Tumanggap siyá ng mga mataas na gawad, kasáma ang presidential award of merit, bago namatay noong 23 Enero 1977. (GVS)

almirés Hango sa wikang Espanyol, ang almirés (o almeres) ay isang gamit sa kusina na pinagdidikdikan ng mga sangkap sa pagkain o mga rekado na katulad ng paminta at bawang. Ito ay karaniwang gawa sa bato, kahoy, o tanso. Sa mas komersiyalistang layunin, fiberglass ang ginagamit para sa mas matagalang paggamit. Sa itsura, ang almires ay kahawig ng lusóng (sa sinaunang Tagalog) o alsóng (sa Ilokano) na gamit kapag nagbabayó ng palay o mais .Sa sukat at laki, ang almires ang maliit at dahil na rin para ito sa mas maliit na kantidad ng dinidikdik. Sa kasalukuyan, marami nang may gamit ng almires para sa iba’t ibang pangangailangan. Para sa matatanda, ang almires ay mahalagang gamit nilá para sa paggawa ng kanilang ngangà. Para naman sa isang mahilig magluto, ang almires ay maluwag na rin niyang gamit pandikdik sa mani bilang rekado ng lumpiang sariwa, sa iba’t ibang dahon na pantimpla sa mga ulam, at pati na sa kung ano-anong buto na nanaisin niyang madurog bago lutuin. Para sa isang malikhaing tao, gamit niya ang almires para durugin ang mga bagay-bagay na materyales niya para sa pagbuo ng isang mosaic o sining na multimedia. (PGD)

almúgan Ang almúgan ay isang mahiwagang ibon na nakapagsasalita. Katumbas ito ng limókon ng mga Mangyan na naniniwalang nagmula sa itlog nitó ang sinaunang tao sa mundo. Para sa mga Bilaan, isang pangkating etniko na matatagpuan sa Davao del Sur, itinatakda ng almúgan ang lupang pagtataniman. Nagdadalá ang isang lalaking Bilaan ng apat na kawayang may 60 sentimetro ang habà sa gubat at hinihintay ang tunog ng almúgan na nagsasabi kung mabuting pagtamnan ang lugar o hindi. Maaaring magtagal ang paghihintay, subalit sa sandaling lumikha ng tunog ang almúgan, ihihilera ng lalaki ang kawayan sa lupa nang nakaturo ang direksiyon nitó sa pinagmumulan ng tunog. Kapag matuwid ang pagkakatindig ng mga kawayan, magiging mabuti ang ani sa lupang iyon; kapag yumuyuko ang mga ito, kailangan niyang maghanap ng ibang lugar na mapagtataniman. Nag-aalaga rin umano ang mga Bilaan ng almúgan na inilalagay nilá sa isang kulungang isinasabit malapit sa bintana. Ito ang nagbibigay ng babala kapag may parating na kaaway o hindi kakilala. Kapag lumikha ito ng ingay nang tatlong beses, babala umano iyon laban sa binabalak na paglalakbay. Kapag lumilikha naman ng ingay ang almúgan sa gabi, may masamâ umanong nakapaligid sa tahanan. Sa pagdiriwang sa Pistang Kalilangan ng mga Bilaang nakatira sa Lungsod General Santos, itinatampok ang tunog ng almúgan sa pamamagitan ng sayawan at musika kasabay ng mga pag-aalay para sa pagtataboy ng salot sa mga pananim. (ECS) edVSA

Teodóra Alónso (9 Nobyembre 1827-23 Agosto 1911) Napakahalaga ng tungkulin ni Teodora Morales Alonso Realonda y Quintos o Teodóra Alónso sa paghubog ng kamalayan ng kaniyang anak na si Jose Rizal. Sinasabing ang kalipunan ng mga libro ni Donya Lolay ang isa sa pinakaekstensibong koleksiyon ng kaniyang panahon. Ang kaniyang pagmamahal sa sining at panitikan gayundin ang kaniyang pagiging disiplinado sa pagtupad sa oras ang naipása niyang katangian sa kaniyang mga anak, lalo na sa pambansang bayani. Sa isang liham ni Jose Rizal kay Ferdinand Blumentritt, kaniyang sinabi na ang “Ang nakuha kong edukasyon noong batà ang humubog sa aking mga ugali sa kasalukuyan.” Ipinanganak si Teodora Alonso sa Meisik, Maynila noong 9 Nobyembre 1827. Bunso sa limang anak nina Lorenzo Alberto Alonso, isang surveyor at dating capitan municipal ng Biñan, Laguna, at ni Brigida de Guintos, si Donya Lolay ay lumaki sa Biñan at nag-aral sa eskuwelahan ng mga pari. Nang magdalaga, pinadalá siyá ng mga magulang sa Maynila upang mag-aral sa Colegio de Santa Rosa. Noong mga panahong iyon, bibihira lámang pag-aralin ang mga babae kayâ masasabing isa sa iilang edukadong kababaihan ng kaniyang panahon si Donya Lolay. Ikinasal si Donya Lolay kay Francisco Mercado noong 28 Hunyo 1848. Nagkaroon silá ng 11 anak: siyam na babae at dalawang lalaki. Nanirahan silá sa bayan ni Francisco Mercado sa Calamba. Siyá ang namamahala sa mga itinitindang bigas, mais, at asukal mula sa kanilang lupain kasabay ng pagnenegosyo niya ng tela at paggawa ng arina. Nagbukás din si Donya Lolay ng maliit na tindahan sa ibabâ ng kanilang bahay-na-bato. Mayroon ding puwesto ng tindahan sa palengke ang mag-anak na Rizal na si Donya Lolay mismo ang nagpapatakbo. May mapait ding karanasan si Donya Lolay sa kamay ng mga Espanyol. Noong 1871, inakusahan si Donya Lolay ng tangkang paglason sa kinakasama ng kaniyang kamag-anak na si Jose Alberto. Kahit na idinulog at napawalang-sala ang matanda, napiit siyá sa bilinggauan ng Sta.Cruz, Laguna nang dalawang taón. Matapos ang halos tatlong dekada, muling nasangkot si Donya Lolay sa isang kontrebersiya. Hinúli ang matanda dahil malî ang dalá-dalá niyang sedula. Iba ang kaniyang pangalang nakalagay sa sedula kaysa kaniyang kinagisnang pangalan. Sa halip na Teodora Alonso Realonda de Rizal, kaniyang ginagamit lámang ay Teodora Alonso. Kahit na 64 na taóng gulang na, pinalakad pa rin si Donya Lolay mula bayan ng Calamba hanggang Sta. Cruz. Nahabag ang opisyal ng pamahalaan sa kalagayan ng matanda kayâ ipinag-utos na palayain ito agad.

Bago barilin si Jose Rizal sa Bagumbayan, nagmakaawa si Donya Lolay kay Gobernador Heneral Ramon Blanco. Sinasabing ang malaking hagdanan sa Palasyo ng Malacañang ay inakyat ng matanda nang paluhod upang humingi lamang ng pardon. Ang nasabing kilos ni Teodora Alonso ay siyá ring ginagawa ngayon ng mga bagong halal na pangulo ng Filipinas sa kanilang unang pag-akayat sa Malacañang bilang presidente. Isa itong simbolo ng pagtanggap sa hámon na palayain ang bansa sa kinasasadlakan nitóng hirap. Namatay si Teodora Alonso noong 23 Agosto 1911. (SJ)

alpahór Ang alpahór ay pangunahing tumutukoy sa isang lutuin na may sumusunod na sangkap: sago, gata ng niyog, biló-biló, at asukal. Karaniwan itong mabigat na meryenda. Sa paghahanda ng alpahor, inilulutò ang mga sago (na maaaring may iba’t ibang kulay at laki) sa pinakuluan at pinaghalòng gata ng niyog at asukal. Susunod na isinasáma ang mga bilo-bilo, na malalaman kung lutô na kapag lumulutang na ang mga ito. Linalagyan pa ito ng gata ng niyog upang lumapot at asukal upang tumamis ayon sa gustong lasa. Bukod sa mga nabanggit na sangkap, madalas ding idinadagdag ang mga hiniwang kamote, saging na saba, gábe, o ube. Upang magkaroon ng mas mayaman pang lasa ay isinasáma rin ang mga dahon ng pandan at banilya. Dahil sa naturang mga sangkap na itinuturing na mabigat na meryenda o himagas ang alpahor. Nakabubusog ang pag-ubos sa kahit isang munting mangkok nitó. Lalo na’t sinabayan ito ng isang hiwang biko. Sa ibang lugar, tinatawag itong bilo-bilo o kayâ ginatang bilo-bilo. (MJCT) ed VSA

alugbáti Ang alugbáti o alukbáti ay may malambot, makinis, at matubig na sangang gumagapang. Mabilis ang paglago nitó. Hindi nitó kailangan ang masusing pag-aalaga. Nabubuhay ito sa mga tropikon na lugar tulad ng Asia at Aprika. Ang mga dahon nitó ay malaman, hugis puso at manipis na tulad ng okra at saluyot. Nagkukulay berde o lila ang kulay nitó depende sa edad. Ang mga tangkay nitó ay patusok ang mga dulo at lumalaki hanggang 12 sentimetro. Ang bunga ng alugbati ay matubig, walang tangkay, at hugis biluhaba. Kulay lila ito kapag magulang na. Namumulaklak din ang alugbati at ang nagiging bunga nitó ay nagkukumpol-kumpol kapag tumanda na. Paborito din itong pagkain ng mga ibon. Ang alugbati ay may kalsiyum, iron, at mga bitamina A, B at C. Ang mga dahon, sanga, at buto nitó ay makakain lahat. Ginagamit naman ang dagta sa paggamot ng acne. Ang mga dahon na kulay lila ay ipinanggagamot sa sakit ng ulo at tiyan. Kinukuha naman ang katas ng mga dahon at inilalahok sa langis para gamiting gamot sa pasò. Maaari din itong pampakinis ng pisngi at labì. Ang natural na kulay nitó ay ginagamit na pangkulay sa iba pang pagkain. Bukod pa sa mga ito, maganda ding ipandisenyo ang alugbati sa mga hardin. May iba’t ibang tawag din ang alugbati sa Filipinas, gaya ng arogbati sa Bikol, dundul sa Sulu, ilaibakir sa Iloko, at libato at grana sa Tagalog. (ACAL)

alumáhan Ang alumáhan (Rastrelliger kanagurta) ay kabilang sa pamilya Scombridae. Ito ay matatagpuan sa kanlurang Indo-Pasipiko, mula Red Sea at Silangang Aprika hanggang Indonesia, hilaga ng mga isla sa Ryukyu at Tsina, timog Australia, Melanesia, at Samoa. Ito ay mahalagang komersiyal na espesye ng isda sa Filipinas. Ang katawan ng alumáhan ay bahagyang malalim at ang lalim sa gilid ng talukap ng hasang ay umaabot sa 4.0-4.8 na beses ng habà ng sanga sa buntot. Ang likod ay malalungtiang itim, kulay pilak ang gilid na malaginto. May makipot at maitim na linya sa itaas ng katawan at isang itim na batik malapit sa ibabâ ng palikpik sa pektoral. Ang ulo ay mas mahabà kaysa lalim ng katawan. Ang panga ay bahagyang nakatago, binabalutan ng isang buto at umaabot sa likod ng matá. May mahahabàng kalaykay sa hasang na makikita kapag ang bibig ay nakabukás. Ang balahibo sa mahahabàng kalaykay ng hasang ay may bilang na 105 sa alumahan na may laking 12.7 sentimetro, 140 para sa 16 sentimetro, at 160 naman para sa 19 sentimetro ang laki. Ang bituka ay 1.3-1.7 na beses mas mahaba kaysa habà ng katawan. Ang likod na palikpik ay may 8-11 tinik. Ang tinik sa palikpik sa puwit ay hindi pa ganap na buo. Ang karaniwang laki ng alumahan ay 2025 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 35 sentimetro. Ang alumáhan ay matatagpuan sa baybayin, look, puwerto, kadalasan sa malalabòng pook ngunit sagana sa pagkain. Nagsasáma-sámang lumangoy ang mga alumahang magkakasinlaki. Kalimitang kinakain ay plangkton at maliliit na hipon at isda. Ito ay ibinebenta nang sariwa, inilagay sa yelo, de-lata, tuyo, inasnan, at pinausukan. Ito ay ginagawa ring patis. (MA) edVSA

Alunsína Isang sinaunang alamat sa Panay ang naniniwalang walang langit at lupa noong araw hanggang biglang lumitaw sina Tungkúng Lángit at Alunsína. Niligawan ni Tungkung Langit si Alunsina, at nang magkaibigan ay nanirahan silá sa isang pook na maluwalhati. Doon sa ang tubig ay laging maligamgam at ang simoy ay laging malamig. Ngunit masipag na bathala si Tungkung Langit at malimit na naglalakbay sa malayò sa pagsasaayos ng bagay-bagay sa santinakpan. Malimit sa gayong maiwang mag-isa si Alunsina at sa dulo’y naging panibughuin. Isang araw na mag-away silá ay biglang nagpasiyang lumayas si Alunsina at hindi na nagbalik. Malumbay na naiwan si Tungkung Langit at naghintay. Nang hindi na makatiis ay hinanap niyá ang asawa. Nabigo siyá. Dahil sa pangungulila, naisip ni Tungkung Langit na lumikha ng bagay-bagay. Una niyáng nilikha ang lupa at dagat. Upang magkabúhay ang lupa, lumikha siyá ng mga hayop at halaman. Hindi pa rin niyá malimot si Alunsina. Sa wakas, kinuha niyá ang mga hiyas ng asawa at ikinalat sa langit sa pag-asa na mapansin ito ni Alunsina. Ang mga butil ng kuwintas ang naging mga bituin, ang suklay ang naging buwan, at ang putong sa ulo ang naging araw. Hindi pa rin bumalik si Alunsina. Ayon sa matatanda, kapag lubhang namamanglaw ay umiiyak si Tungkung Langit. Iyon ang bumabagsak na ulan. Kapag tumangis pa si Tungkung Langit, iyon ang kulog na umalingawngaw sa lahat ng dako upang marinig ni Alunsina. (VSA)

Vicente Alvarez (5 Abril 1862-4 Nobyembre 1943) Matagumpay na pinunò ng Himagsikang Filipino sa Zamboanga, isinilang si Vicente Alvarez (Vi·sén·te Al·va·réz) noong 5 Abril 1862 kina Alejo Villasis Alvarez at Isidora Solis. Dahil malapit ang ama niyá kay Gobernador Heneral Ramon Blanco ay ginawa siyá nitóng segundo oficial mayor sa Malacañang. Malamit siyáng magbiyahe sa Mindanao at Sulu kayâ naging kaibigan siyá sa mga katutubo doon. Ngunit sanhi din ito ng nasaksihan niyáng pagmamalabis ng mga Espanyol sa mga katutubo, bukod sa mababàng trato sa mga Muslim. Sumapi siyá sa Katipunan at nagtatag ng sangay nitó sa Zamboanga. Dahil sa pagsiklab ng Himagsikang 1896 ay hinatak ang mga puwersang Espanyol mulang Zamboanga upang idestino sa Luzon. Sinamantala ni Alvarez ang nabawasang puwersang Espanyol at sinimulan ang pag-aalsa sa Zamboanga noong Marso 1898. Nakuha niyá ang buong peninsula maliban sa mabigat na tanggulan ng daungan ng Lungsod Zamboanga at Fuerza Pilar. Dahil sa kaniyang tagumpay, hinirang siyá ni Pangulong Aguinaldo na lider ng gobyerno sa Zamboanga at Basilan. Pinakamalaking tagumpay niyá ang pagbihag sa 13 bapor pandigma ng mga Espanyol noong 7 Abril 1898. Bahagi ang mga bapor ng plota ni Almirante Patricio Montojo na nakahimpil sa Kipot Basilan. Sa tulong ng dilim, pinangunahan ni Alvarez ang 100 manghihimagsik na lumusob sa mga bapor, pinatay ang mga opisyal, at inilipat ang mga ito sa bayan ng Mercedes. Noong 4 Mayo 1899, kinubkob ng hukbo ni Alvarez ang buong daungan at kuta ng Zamboanga at kinuha ito pagkaraan ng madugong labanan. Dahil dito, iginawad sa kaniya ni Aguinaldo ang ranggong heneral. Noong 1900, inalok siyá ng mga Amerikano ng P75,000 para sumuko. Tinanggihan niyá ang alok. Nabihag siyá sa kabundukan ng Oroquieta, Misamis Oriental noong Marso 1900, dinalá sa Maynila, at ipiniit hanggang sumumpa ng katapatan sa Estados Unidos noong 2 Agosto 1901. Minahalaga ng mga Amerikano ang kaniyang karanasan kayâ binigyan siyá ng posisyon sa pamamahala ng Moro Province. Noong 20 Oktubre 1904, naging opisyal siyá sa Konstabularya ng Filipinas. Namatay siyá sa panahon ng Hapon noong 4 Nobyembre 1943 sa gulang na 81 taón. (VSA)

Encarnacion A. Alzona (23 Marso 1895-13 Marso 2001) Pambansang Alagad ng Agham si Encarnacion Alzona (En·kar·nas·yón Al·zó·na) bilang isang pangunahing historyador at mananaliksik sa kasaysayan. Kilala rin siyáng masugid na tagapagtaguyod ng kagalingan at karapatan ng kababaihang Filipino. Pinangunahan niyá ang paggiit sa karapatan ng kababaihan upang makaboto nang malaya. Bilang pagkilala sa kaniyang natatangi at makabuluhang pag-aambag sa larangan ng historyograpiyang Filipino at paggabay sa mga sumunod na henerasyon ng mga akademiko at historyador, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist) noong 1985. Nilimbag noong 1932 ang A History of Education in the Philippines 15651930. Ito ang kauna-unahang aklat na sinulat ni Alzona. Komprehensibong tinalalakay nitó ang pag-unlad at mga makabuluhang pangyayari sa sistema ng edukasyon at kultura sa Filipinas mula sa pananakop ng mga Espanyol hanggang sa kolonyal na paghahari ng Estados Unidos. Ayon sa mga dalubhasa, ang akdang pangkasaysayan ni Alzona ay maituturing na pinakakompleto at lahatang-panig na pananaliliksik hinggil sa kalagayan ng edukasyon. Naging pangunahin din siyáng tagasalin at tagapagpaliwanag ng mga akda ni Rizal. (SMP) (ed GSZ)

Amá Námin Ang Amá Námin (Pater Noster sa Latin) o kilala rin bilang Panalangin ng Panginoon o sa Ingles bilang The Lord’s Prayer ay ang pinakakilalang panalanging Kristiyano na itinuro ni Hesus ng Nazareth. Mayroon itong dalawang bersiyon sa Bagong Tipan: bilang bahagi ng Sermon sa Bundok sa Ebanghelyo ni Mateo; at bilang kahilingan kay Hesus ng isa sa kaniyang mga disipulo na maturuan silá ng pagdarasal sa Ebanghelyo ni Lukas. Bahagi ito ng halos lahat ng seremonyang Katoliko at ng pagrorosaryo. Nalimbag ang unang salin nitó sa Doctrina Christiana (1593) sa sumusunod na paraan: Ama namin, na sa langit ca ypasamba mo ang ngalan mo, moui sa amin ang pagcahari mo. Ypa sunod mo ang loob mo dito sa lupa parang sa langit, bigyan mo cami ngaion nang aming cacanin, para nang sa araoarao, at pacaualin mo ang aming casalanan, ya iang uinaualan bahala namin sa loob ang casalanan nang nagcacasala sa amin. Houag mo caming aeuan nang di cami matalo nang tocso. Datapouat yadia mo cami sa dilan masama. Amen, Jesus. Sa kaniyang Dasalan at Tocsohan (1888), isang koleksiyon ng mga dasal sa paraang parodya at naglalaman ng mga tuligsa sa ipokrisya at kasakiman ng mga fraile, isa ang Ama Namin sa mga ipinatudyo ni Marcelo H. Del Pilar. Pinamagatan niya itong “Amain Namin”: Amain naming sumasakumbento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, kitlin ang leeg mo dito sa lupa para ng sa langit. Saulan mo kami ngayon ng aming kaning iyong inaaraw-araw at patawanin mo kami gaya ng pagtawa mo kung kami’y nakukuwaltahan mo; at huwag mo kaming ipahintulot sa iyong mapanukso at iadya mo kami sa masama mong dila. Amen. Ipinaimprenta diumano ang Dasalan at Tocsohan ni M.H. del Pilar, lihim na ipinamudmod sa simbahan kapag may misa, at itinuturing na isang marikit na halimbawa ng panitikan ng Kilusang Propagandai (KLL) ed VSA

amarílyo Ang amarílyo (Tagetes patula) ay isang yerba na may halimuyak ang salítsalít na dahon; dilaw, mamulá-mulá, at malago ang bulaklak; at tumataas nang 60 sentimetro. Nagmula sa Espanyol na amarillo ang pangalan nitó at katutubo sa Mexico. Kilala rin ito sa Filipinas bilang márigóld na nása genus na Calendula Tagetes. Ang mga dahong hugis sibat ng amarílyo ay makikitid at may ngipinngipin ang mga gilid; magkakapares ang mga dahon sa bawat tangkay. Ang langis na nagmumula rito ay ginagamit na pampalasa sa pagkain. Paisa-isa naman ang bulaklak sa bawat tangkay na umaabot sa kalahating pulgada ang diyametro ng mga talulot. Makakain ang bulaklak ng amarílyo, at maaaring ihalò sa mga pampalamig. Ang mga natuyong bulaklak ay ginagamit ding pamalit para sa mamahaling saffron, upang magbigay ng kulay-dilaw sa pagkain o tela. Ilan sa katutubong gamit ng amarílyo ay ang pagpapakulo nitó sa tubig para maibsan ang kabag. Ipinaiinom din ang katas nitó para sa mga hindi matunawan, may ubo, nag-iiti, o may apád o pananakit o paninigas ng tiyan. Ipinampapahid din ang langis nitó para magkaroon ng ginhawa sa rayuma. Ang katas naman ay ipanggagamot sa sore eyes o bísil. Ang mga katas ng ugat ng amarílyo ay pinaniniwalaang nakapapatay ng insekto sa lupa gaya ng mga bulate o susô. Ang halimuyak nitó ay nakapagbubugaw din ng mga langaw. Karaniwang itinatanim at pinararami ang amarílyo rito sa Filipinas bilang pampaganda ng kapaligiran. (ECS) ed VSA

ambáhan Nabanggit ni Fray Ignacio Francico Alcina (1668) ang ambáhan bilang isa sa mga sinaunang anyo ng pagtula ng mga Bisaya. Walang dagdag na impormasyon si Alcina. Ngunit naging popular ngayon ang ambáhan dahil kay Antoon Postma at sa kaniyang saliksik sa buhay at kultura ng Hanunoo Mangyan sa Mindoro. Naglabas pa ng isang aklat na koleksiyon ng mga tulang Mangyan si Postma (muling nalathala 1981). Alinsunod sa paliwanag at mga halimbawang tula, ang ambáhan ay isang katutubong anyo ng pagtula ng mga Hanunoo Mangyan at may sukat na pipituhin ang bawat taludtod. Regular ding may tugma ang bawat dalawang magkasunod na taludtod, bagaman walang tiyak na bilang ng taludtod ang bawat magkakatugmang mga taludtod. Wala ding tiyak na bilang ng mga taludtod. May ambáhang tatlo lámang taludtod ngunit may ambáhang umaabot sa 20 taludtod. Binibigkas/inaawit ang tula para sa isang okasyon, mula sa ganitong halimbawa sa mapagbirong pag-aalaga ng batà:

Kaw danga maglumi Kita madnugan kuti Kuti gin sa siyangi Mag-ingaw magyangyangi Kita ud may ibawi Kantam bangkaw nabari Kita utak nalumbi.

Huwag ka ngang umiyak Bakâ magising ang pusa Pusang mula pa sa siyangi Ngumiyaw at mag-ingay Wala kitang pambugaw Sibat natin ay nabali Itak natin ay nabingaw.

Hanggang pangingibig, pagtatrabaho, at paglalarawan ng kanilang daigdig. Hitik ito sa talinghaga, gaya ng sumusunod:

Tigday na nawa naw-an Tigdayan sa daramgan Bag-o tigday sa kaywan Siyan nga panmanlangan Sa kiling sa kawayan.

Ang tabak kung bago pa Ikiskis sa hasaan Itaga sa kakahuyan At sakâ ito subukan Sa pagkayas ng kawayan.

Tula ito hinggil sa edukasyon ng kabataan. Inihambing sa tabak ang mga karanasang kailangang matutuhan at pagdaanan ng kabataan upang higit na maging kapaki-pakinabang sa lipunan. (VSA)

Ambuklao Dam Ang Ambuklao Dam (Am·buk·láw Dam) ay malaking dam na matatagpuan sa kabundukan ng Bokod, Benguet, 36 km mula sa Lungsod Baguio. Bahagi ito ng Ambuklao Hydroelectric Plant, na gumagamit sa Ilog Agno upang makalikha ng koryente. Bukod dito, tumutulong ang dam na kontrolin ang pagbahâ tuwing tag-ulan. Ang Ambuklao Reservoir na naiipon ng dam ay ginagamit bilang irigasyon para sa mga sakahan sa Pangasinan. Ang Ambuklao Dam ang pinakamataas at pinakamalaking dam sa buong Silangang Asia noong dekada 50. Mayroon itong taas na 129 m at habàng 452 m. Ang kalsada sa itaas ng dam ay may elebasyong 756 m. Káya nitóng humawak ng hanggang 327,170,000 metro kubikong tubig. Pagkagawa, nag-ambag ang dam ng 75 megawatt ng koryente para sa buong Luzon; pagkatapos paunlarin noong 2010, umakyat ito sa 105 megawatt. Sinimulan ng National Power Corporation (Napocor) ang pag-aaral para sa pagtatayô ng dam sa Ilog Agno noong 1948 sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Manuel A. Roxas. Nagsimula ang paggawa sa dam noong Hulyo 1950 sa pamahalaan ni Pangulong Elpidio R. Quirino. Ang planta sa Ambuklao ang naging unang pangunahing proyekto ng Napocor. Ang Guy F. Atkinson Company ang nagsilbing contractor, at ang Harza Engineering Company ng Chicago ang nagsilbing engineering consultant. Pagkatapos ng mahigit anim na taóng konstruksiyon, pinaandar sa unang pagkakataón ang planta noong 23 Disyembre 1956, sa panahon ni Pangulong Ramon F. Magsaysay. (PKJ)

Amerikano Ang Amerikáno ay pangkalahatang tawag sa mga tao sa kontinenteng Amerika, bagaman naging karaniwang tawag ito, lalo na sa Filipinas, sa mamamayan ng Estados Unidos (United States o US). May pinaikling tawag pa sa kanila na “Kanô.” May iba’t ibang lahi at etnisidad ang mga mamamayan ng Estados Unidos, mula sa mga katutubong Indian hanggang sa mga líkas mulang Europa at Afrika. Gayunman, malimit na ikinakapit ang Amerikano o Kano sa may kulay na Putì na mamamayan ng US. Ikalawa ang mga Amerikano sa kolonyalistang sumakop ng bansang Filipinas at naganap ito mula 1898 hanggang 1946. (Ikatlo kung isasaalang-alang ang maikling panahon ng pagsakop ng mga Ingles.) Sa pamamagitan ng Kasunduang Paris ng 1898, napasakamay ng Estados Unidos ang Filipinas, Cuba, Puerto Rico, bahagi ng West Indies, at Guam sa halagang $20 milyon. Idineklara noong Disyembre 1898 ni Pangulong William McKinley ng Estados Unidos na magaganap ang isang benevolent assimilation sa Filipinas sa ilalim ng kapangyarihan ng Amerika. Ipinatupad ng mga Amerikano ang mahahalagang batas tulad ng Batas Jones ng 1916 at Batas Tydings-McDuffie ng 1934 na nagdulot ng pagkakatulad ng sistemang pampolitika ng Filipinas at ng Estados Unidos. Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1942, naagaw ng bansang Hapones sa mga Amerikano ang kontrol sa Filipinas. Dahil dito, umalis sa bansa si Heneral Douglas MacArthur at muling bumalik noong 1944. Noong 4 Hulyo 1946 kinilala ng Amerika ang kasarinlan ng Republika ng Filipinas. Maikli lámang ang direktang pamamahala ng mga Amerikano sa Filipinas kung ikokompara sa 300 taón ng kolonyalismong Espanyol. Subalit higit na epektibo ang isinagawang “Amerikanisasyon” sa mga Filipino. Sa loob ng ilang dekada at sa pamamagitan ng mga kasangkapang pangedukasyon ay nagkaroon ng isang henerasyon ng mga Filipino na ganap na sumasamba sa superyoridad at kapangyarihan ng Estados Unidos sa lahat ng aspekto ng pamumuhay. Tinuligsa itong pambansang “mis-edukasyon” ni Renato Constantino, ngunit hanggang ngayon ay maraming isinasaloob ang kanilang bansag na “Amboy” (American Boy) at ipinagmamalaki ang kadalubhasaan sa Ingles at kulturang Amerikano sa kabilâ ng nagdaang matinding panahon ng aktibismo laban sa kolonyalismong Amerikano. (KLL)

amíhan Amíhan ang tawag sa simoy mula sa hilaga o hilagang-silangan. Nagmumula ito sa bahaging Siberia at Tsina. Nagdudulot ito ng katamtamang temperatura, may daláng ulan ngunit madalas ay wala, at hanging mula sa silangan. Nagsisimula ito tuwing Setyembre o Oktubre at nagtatapos ng Mayo o Hunyo subalit maaaring magbago depende sa kondisyon ng panahon sa bawat taon. Tinatawag itong aguy-óy, balás o sabalás ng mga Tagalog at Kapampangan, at amyán ng mga Ilokano, Mëranaw, at Panggasinense. Itinuturing ng sinaunang paniwala na isang mahinhin at mapagpalàng simoy ang amihan, lalo’t humihihip ito sa panahon ng anihan ng palay kung Disyembre. Sa malaking titik, ang Amihan ay isa ring mitikong ibon sa alamat ng mga Tagalog at isa sa mga nilaláng na nabuhay sa santinakpan kasáma sina Bathalà at Amansináya. Ito ang tumuka sa kawayan na nang mabiyak ay naglabas sa mga unang tao sa mundo—sina Malakás at Magandá. (AMP) (ed VSA)

amnestíya Ang amnestíya, mula sa Espanyol na amnestia, ay ganap na pagpapatawad o paggagawad ng kapatawarang may kondisyon sa mga maysála sa pamahalaan. Mula ito sa salitang Griyego na amnasthia, ibigsabihin ay kalimutan, na pinagmulan din ng salitang amnesia. Ang unang naitalang amnestiya ay ang paggagawad ni Thrasybulus ng Athenas ng kapatawaran sa Tatlumpung Tirano matapos magwagi ang kaniyang kampanya laban sa pamahalaang oligarko na ipinatupad ng pananakop ng Sparta. Iginagawad ito ng pamahalaan sa mga maysala kapag ang magiging pagsunod nilá sa batas ay pinaniniwalaang mas matimbang kaysa pagpaparusa sa kanila. Ang ilan sa mga benipisyo ng amnestiya ay ang pag-iwas sa paggastos nang mahal para sa proseso ng gaganaping paglilitis; paghikayat sa mga maysala na sumuko sa halip na tumakas sa awtoridad; at paglikha ng pagkakataóng maiayos ang gusot ng mga maysala at ng pamahalaan. Sa kabilangdako, pinupuna ito dahil nasasakripisyo ang pagpapairal ng hustisya laban sa nagkasala. Sa kasaysayan ng Filipinas, nasasaad mula sa Konstitusyong Malolos hanggang sa kasalukuyang saligang-bayas ang kapangyarihan ng pamahalaang Filipino na magbigay ng amnestiya. Nawala ito noong panahon ng kolonyalismong Amerikano. Sa ilalim ng mga Amerikano, naganap ang unang amnestiya na iginawad ni dating Pangulong Theodore Roosevelt noong 1902 sa mga Filipinong naging bahagi ng rebolusyon. Inilipat naman ang kapangyarihan ng amnestiya sa kamay ng Gobernador Heneral ng Filipinas sa ilalim ng Batas Jones noong 1916. Sa 1935 Konstitusyon, ibinalik ang naturang kapangyarihan sa ehekutibo at lehislatibong sangay ng gobyerno. Sa kasalukuyang 1987 Konstitusyon, magkakaroon lamang ng kapangyarihan ang pangulo na magbigay ng amnestiya kapag sinangayunan ito ng mayorya sa Kongreso. Ang amnestiya ay iginawad ng pamahalaang Filipino sa mga gerilya, miyembro ng HUKBALAHAP, at pinaniniwalaang collaborator noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig; kay Francisco Medrano kasama ng iba pang nag-alsa sa Batangas nang matalo si Jose Laurel kay Elpidio Quirino sa pagkapangulo noong 1949; at sa mga rebeldeng Muslim, komunista, at destiyerong politikal mula sa panahon ng Martial Law hanggang sa kasalukuyan..(KLL) ed VSA

amor propio Isang hálagáhan ang amor propio (a·mór próp·yo) na dahil sa pangalang Espanyol ay agad masasabing pamana ng kolonyalismong Espanyol. Maisasalin itong “pag-ibig sa dangal” at nangangahulugan ng pag-iingat sa sariling karangalan o pagkakaroon ng paggálang sa sarili. Tinatawag din itong orgullo (or·gúl·yo) at dignidád sa Espanya. Ang pagpapahalaga sa sariling dangal ay nakatutulong upang mag-ingat sa pagkilos at pagsasalita ang isang tao. Nagdudulot din ito ng disiplina sa sarili. Nagsisikap siyáng magtagumpay sa pag-aaral, paligsahan, at anumang gawain, ibinubuhos ang talino’t panahon upang umunlad dahil sa lunggating igálang ng kapuwa. Umiiwas din siyáng magkasala dahil sa amor propio. Ngunit maaari din itong magdulot ng sobrang pagmamahal sa sarili, na nauuwi sa pagiging arogante at abusado. Dahil sa labis na pagpaparangalan sa talino o yaman o posisyon sa lipunan ay nagiging sanhi ang amor propio ng pagmamataas, kawalan ng malasakit sa pangangailangan ng kapuwa, at labis na paghahanap ng papuri mula sa ibang tao. Maraming gulo o away ang nangyayari dahil sa hindi diumano iginálang na “reputasyon.” May mga tao namang nagpapakamatay dahil “nasira” ang puri. Nagbubunga ang lisyang amor propio ng korupsiyon. May umaabuso, ginagamit ang kapangyarihan upang mandahas ng kapuwa, dahil “nalasing” sa tinamasang awtoridad. May malaking kaugnayan ang amor propio sa katutubong hiyâ—na isang hálagáhang may maganda at may pangit na mukha. Mabuti ang hiya kung mauuwi sa disiplina sa sarili. Masamâ ang hiya kung pabalat-bunga lang at pagtatanggol ng sarili kahit nagkamali. Ang sobrang amor propio ang kabaligtaran ng kababaang-loob. Ayaw nitóng tumanggap ng anumang puna at itinuturing na paninirang-puri ang kahit wasto at mapagmalasakit na pagsusuri ng iba. Aayaw ito sa trabahong pisikal at mababà ang puwesto kahit kailangan. Ipagkakaila nitó ang sakít dahil ayaw mapagtsismisan. Ito ang katwiran kayâ sinasabi ng maraming sosyologo na hadlang sa kaunlaran ng mga Filipino ang sobrang amor propio. (VSA)

guhit ni Albert E. Gamus

amorséko Ang amorséko (Digitaria) ay isang uri ng ilahas na damó na mabilis dumami kapag tag-araw. Tinatawag din itong mursíkos at tinlóy at crab grass sa Ingles. May dalawang uri ng Digitaria: ang Digitaria sanguinalis na mabalahibo, mataas (umaabot sa tatlong talampakan ang taas), at may dahong maputlang asul-lungtian; at ang Digitaria ischaemum na makinis, maliit (umaabot lámang sa 15 pulgad ang taas), at may dahong madilim na lungtian na humahabà nang apat na pulgada. Ang dalawang uri ay kapuwa may kakayahang magbunga ng 150,000 hanggang 180,000 buto taón-taón at maaaring mabaón sa lupa nang matagal bago magkaugat, kayâ mahirap lipulin ang amorseko. Karaniwang tumutubò ang amorseko sa mga gilid ng kanal, pilapil, at landas sa piling ng ibang ilahas na damo. Kayâ ikinabubuwisit ng taganayon ang pagkapit ng mga buto nitó sa pantalon at palda ng nagdaraan. Isang bugtong na pampatawa dahil sa erotikong pahiwatig ang tungkol sa amorseko ngunit isinasadula ang abálang idinudulot ng amorseko sa sinumang makapitan ng mga buto nitó: Sa bukid nagsaksakan, Sa bahay nagbunutan. Itinuturing na peste ang amorseko sa pag-aalaga ng damuhan o lawn dahil pinapatay nitó at inaagawan ng espasyo ang ibang damo. Makokontrol ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng higit na matibay na uri ng damo at sa paraang higit na makapal. May nabibili ring abono na may halòng pestesayd upang puksain ang buto ng amorseko bago magkaugat. (VSA)

Fernándo C. Amorsólo (30 Mayo 1892-24 Abril 1972) Si Fernándo C. Amorsólo ang pinakaunang ginawaran ng karangalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1972. Si Amorsolo ang pinakamaningning na kinatawan ng panahong klasiko sa sining biswal sa Filipinas. Kinikilala rin siyáng “Ang Maestro” at “Grand Old Man” ng sining sa Filipinas noong nabubuhay pa. Ang malikhaing paggamit ng liwanag, sa partikular, ng backlighting, ang pinakamalaking kontribusyon ni Amorsolo sa pagpipinta sa Filipinas. Ang tingkad ng maningning na liwanag na nagmumula sa likuran ng kaniyang mga paksa ay nagtatampok sa isang bahagi ng kaniyang kambas—sa mga dahon ng mga punò, tikwas ng buhok, ngiti sa mga labì, at umbok ng dibdib ng dalagang Filipina. Masaklaw ang larangan ng mga obra ni Amorsolo— mula sa mga portrait ng mga kilala at mayayamang tao, larawan ng mga tanawin, hanggang sa dibuho sa mga pabalat ng libro at magasin. Ngunit naging tatak ng likhang Amorsolo ang pagtatanghal ng mga payak, payapa, at pang-araw-araw na buhay ng mga naninirahan sa lalawigan. Ang mataas na antas ng kasiningan ay napanatili ni Amorosolo sa kabila ng dalas at dami nitó. Ang mga pinturang oleo pa lamang niyá ay tinatayang aabot na sa libo. Dahil sa mga tiyak na hagod ay mabilis na natatapos ni Amorsolo ang kaniyang mga likha. Ang tatlong malalaking pintura niyá para sa Philippine Pavillion na ginamit sa 1931 Paris Exposition ay natapos niyá sa loob lamang ng isang buwan. Ilan pa sa mga kilalang obra ni Amorsolo ay ang Maiden in a Stream, Dalagang Bukid, Lavanderas, Family in a Banca, Tinikling, Harvest Scene at Barrio Fiesta. Ang Rice Planting na ginawa ni Amorsolo noong 1922 ay naging pinakapopular na hulagway sa panahon ng Komonwelt. Lumikha rin siyá ng mga obrang nagtatanghal sa kasaysayan ng Filipinas gaya ng Early Filipino State Wedding, Traders, Sikatuna, The First Mass in the Philippines, The Building of Intramuros, at Burning of the Idol. Isinilang siyá noong 30 Mayo 1892 sa Calle Herran sa Paco, Maynila sa mag-asawang Pedro Amorsolo at Bonifacia Cueto. Ang malaking bahagi ng kaniyang kabataan ay ipinamalagi niyá sa Daet, Camarines Norte. Nagaral siyá sa Unibersidad ng Pilipinas School of Fine Arts na pinagturuan din ng kaniyang tiyuhing pintor na si Fabian de la Rosa. Isa siyá sa mga pinakaunang nagtapos doon at nagkamit pa ng maraming karangalan.

Self-Portrait (1942)

Kabílang sa mga pagkilalang iginawad sa kaniya ang Outstanding UP Alumnus, 1940; Rizal Pro-Patria Award, 1961; Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod Maynila, 1963; Republic Cultural Heritage Award, 1967; at Gawad CCP para sa Sining, 1972. Lumikha siyá ng mga obra hanggang sa mamatay noong 24 Abril 1972. (RVR) (ed GSZ)

ampalayá Ang ampalayá (Momordica charantia) ay isang halamang gumagapang na nabubuhay sa mga tropikong lugar. Ang baging nitó ay humahabà ng 20 sentimetro. Ang mga dahon ay hugis puso at lumalaki ng hanggang 15 sentimetro ang diyametro. Malaman ang prutas nito na kulay berde at may kulubot na balát. Hábang nahihinog ang ampalaya, nagiging kulay dalandan ito. Lumalaki ang biluhabang bunga ng ampalaya hanggang 30 sentimetro. Sa loob nitó ay may mga buto na tinatanggal bago kainin. Kilalá ang ampalaya sa pagiging mapait. Mabuti ang naidudulot ng ampalaya sa katawan ng tao kayâ naman pinakikinabangan ito bilang pagkain at gamot sa maraming uri ng sakit. Hábang gumugulang ang ampalayá, lalo itong nagiging mapait at ang ubod naman ay nagiging matamis. Kadalasang iniluluto ang bunga at dahon ng ampalaya bago kainin. Sa Tsina, ginagamit ang mapait na lasa ng ampalaya para pasarapin ang mga lutuin niláng nilalahukan ng karne. Ginagawa din itong tsaa. Sa Pakistan, pinakukuluan ito at inihahain kasáma ng giniling na báka at sakâ inuulam sa mainit na tinapay. Sa Filipinas, iniluluto ito na may giniling na báka, itlog, at kamatis. Isang sangkap din ito sa kilaláng luto ng mga Ilokano, ang pinakbet. Ginagamit ang ampalayá na panlunas sa sakit sa tiyan. Binubuksan ang ampalaya at ibinababad sa pulut dahil mabisà itong pamatay sa bulateng nematode, malarya, bulutong, at HIV. Pinagaganda rin nitó ang daloy ng dugo. Mabisàng panlaban sa diyabetis ang ampalaya. Isinasaayos nito ang dami ng insulin na ginagamit sa katawan ng tao. Mula sa pagaaral, nakatutulong din ang ampalaya upang labanan ang sakit na kanser. (ACAL)

amugís Ang amugís (Koordersiodendron pinnatum) ay malaking laging-lungting punongkahoy na 25 m ang taas, may mga dahong nakahanay sa magkabilang gilid ng tangkay, mga bulaklak na putî hanggang madilaw-dilaw na lungtian, mga bungang maliliit, madidilaw, at mapipintog, at katutubo sa Filipinas. Ang pangalang siyentipiko nitó ay nangunguhulugang malabalahibo sa Latin at tumutukoy sa itsura ng mga dahon nitó. Nabibilang ito sa pamilyang Anacardiaceae na mayroong bungang nababalot ang mga buto gaya ng kasoy at mangga. Ang propagasyon nitó ay sa pamamagitan ng buto. Ginagamit ang exudates nitó sa medisina. Ang balát ay pinaniniwalaang maaaring gawing gamot. Ang kahoy nitó ay mainam na sangkap para sa konstruksiyon, paggawa ng sahig, aparador, at iba pang muwebles. Matatagpuan ito sa mga kagubatang hindi pa nagagalaw na may taas na 500 m hanggang 800 m. Matatagpuan ang mga amugis sa halos lahat ng isla at probinsiya ng Filipinas bagaman hindi sa maraming bilang; at sa mga karatig isla ng Borneo, Celebes, Moluccas, at Kanlurang New Guinea. Sa Filipinas, tinatawag din itong bangkalari, bangkasi, dangila, gagil, karogkog, sambulawan, uris, at urisan. (KLL) ed VSA

anáhaw Ang anáhaw (Livistona rotundifolia) ay katutubong palma na may makinis na bunged o punò ng kahoy at may mga dahong nakakumpol sa dulo ng bunged. Itinuturing itong Pambansang Dahon ng Filipinas. Ang dahon ng anahaw ay malapad at pabilog at kulay berde. Ang tangkay ng dahon ay matinik at tumutubò nang paikot sa sariling katawan nitó. Ang anahaw ay umaabot sa taas na 20 metro kung ito ay tumutubò sa likas na kaligiran sa kagubatan. Ngunit kung ito nama’y nasa hardin o iba pang artipisyal na lugar, tila napipigil ang paglaki at pagtaas ng palmang ito. Ang dahon ng anahaw ay maaaring gamitin bilang materyal sa paggawa ng bubong ng mga bahay kubo. Dahil sa kintab at hugis ng dahon nitó, nagagamit din itong pandekorasyon kapag may espesyal na pagdiriwang. Ang dahon nitó ay pinagtatagni at ginagamit noong kalapyaw, ang tawag sa sinaunang kapote. Ang buko nitó ay iginugulay at kinakain. Ang punò ng kahoy o katawan nitó ay ginagamit namang sahig ng mga sasakyang pandagat o pundasyon ng bahay. (SAO) (ed GSZ)

“Anák” Ang “Anák” ay isang awiting Tagalog na isinulat ni Freddie Aguilar. Kabilang ito sa mga nominado para sa kauna-unahang Metropop Song Festival sa Maynila noong 1977. Dahil sa kantang ito, nagkaroon ng kontrata si Aguilar sa VICOR, ang nangungunang record label noon sa Filipinas. Nagkaroon ng mahigit 100 cover versions, 27 salin, at inilabas sa 53 bansa, at nakabenta ng 30 milyong kopya. Tungkol ito sa isang anak na inalagaan ng kaniyang mga magulang noong sanggol pa lamang na kalaunan ay napariwara ang buhay. Narito ang unang bahagi ng awit: Noong isilang ka sa mundong ito Laking tuwa ng magulang mo At ang kamay nila ang iyong ilaw At ang nanay at tatay mo’y di Malaman ang gagawin Minamasdan pati pagtulog mo At sa gabi’y napupuyat ang iyong nanay Sa pagtimpla ng gatas mo At sa umaga nama’y kalong ka Ng iyong amang tuwang-tuwa sa iyo Ngayon nga ay malaki ka na Nais mo’y maging malaya Di man sila payag Walang magagawa Ikaw nga ay biglang nagbago Naging matigas ang iyong ulo At ang payo nila’y sinuway mo. Hango ito diumano sa tunay na buhay ni Freddie Aguilar. Sa gulang na 18, iniwan ni Aguilar ang kaniyang pamilya at huminto sa pag-aaral. Nais ng ama niyang maging abogado siya ngunit hindi ito nangyari. Naglakbay si Aguilar sa malalayong lugar dala lamang ang kaniyang gitara at noon nagsimulang mapariwara. Isinulat niya ang “Anak” bilang isang paghingi ng kapatawaran sa kaniyang mga magulang. Umuwi siyang muli sa kanilang tahanan at tinanggap siya ng kaniyang mga magulang nang walang anumang sama ng loob. Napalapit sila sa isa’t isa ng kaniyang ama nang mabasa nito ang awitin bago sumakabilang buhay.

Sinasabing naging matagumpay ang awitin dahil isinulat sa paraang Kanluranin na may halò ng pasyon, isang anyo at kuwentong kilala ng mga Filipino. Isinapelikula naman ito noong 2000 sa direksiyon ni Rory Quintos at naging mga pangunahing artista sina Vilma Santos, Claudine Barretto, at Joel Torre. (KLL) ed VSA

Anák Dálitâ Idinirihe ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Pelikula Lamberto Avellana ang pelikulang Anák Dálitâ (1956). Hinggil ito sa paghihirap at pagsisikap ng isang beterano ng digmaan sa Korea sa loob ng pamayanang umusbong sa guho ng Intramuros. Nasangkot siyá sa trabahong ilegal at sa pag-ibig ng isang mang-aaliw sa nightclub. Ginampanan nina Tony Santos Sr. at Rosa Rosal ang mga pangunahing tauhan ng kuwento. Ginawaran ang pelikula ng Gantimpalang Gintong Ani para sa pinakamahusay na pelikula ng 1956 Asian Film Festival at naglunsad sa katanyagan ng pelikulang Filipino sa mga internasyonal na timpalak at festival. Bunga ng pagnanais ng ikalawang henerasyong prodyuser na si Manuel de Leon ng LVN Pictures na gumawa ng pelikulang mailalaban sa pamantayang internasyonal hindi man kumita, binigyan ng laya ang direktor sa paglikha. Sa ganitong sistema din nabigyan ng pagkakataon ang tambalan ng dáting kontrabidang si Rosa Rosal at ng dáting tagasuportang aktor lámang na si Tony Santos Sr. Kinikilála ng mga iskolar ang Anák Dálitâ bilang mahalagang pelikula ng Unang Gintong Panahon ng Sineng Filipino. Neo-Realismo ang estilo ng pelikula at naitampok na tagpuan ang sinematikong arkitektura ng mga pook ng karukhaan. Naihahambing ng mga iskolar ang ganitong padron sa ibang mahahalagang direktor sa Filipinas ng mga sumunod pang mga dekada, gaya ni Lino Brocka ng 1970s hanggang 1980s at ni Brillante Mendoza sa kasalukuyan. (GCA) (ed VSA)

andadór Ang andadór ang tradisyonal na kasangkapan para masanay ang isang musmos na lumakad. Kung bagá, ito ang walker ngayon. Karaniwang yari ang andadór sa yantok na hinutok para bumuo ng dalawang singsing—isa ay malaki at nagsisilbing saligan ng andador, at ang ikalawa ay maliit at kasiya ang katawan ng musmos—at mga posteng yantok din o kawayan na may taas na hanggang dibdib ng musmos. Ipinapasok sa loob ng andadór ang musmos ngunit nakalabas ang mga kamay, at pinababayaang “lumakad” paikot-ikot sa sala ng bahay Mula sa wikang Espanyol ang andadór (tagapagpakilos) at nangangahulugan nga ng gayong gamit sa paglakad. Malaking tulong ito sa pagsasanay tumayô at manimbang ng batà, at nalilibre ang tagapag-alaga sa mahabàng panahon ng paghawak sa mga kamay at pag-alalay sa musmos na nagnanais nang lumakad. Naglahò ang andador sa mga tahanan, lalo na kalungsuran, dahil sa komersiyal at plastik na walker. Gayunman, marami ang naniniwala na higit itong ligtas. Una, mas ligtas ang organikong materyales ng andador. Ikalawa, higit na matatag ito kaysa de-gulong na walker. Gayunman, ipinapayo ng mga doktor ang maingat pa ring pagbabantay sa musmos na naglilikot. (VSA)

Ang Kiukok (1 Marso 1931-9 Mayo 2005) Si Ang Kiukok (Ang Ki·yú·kok) ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal noong 2001. Kinikilala siyáng pangunahing modernistang pintor sa Filipinas. Ang likhang Kiukok ay may matingkad na partikularidad sa estilo, disenyo, at pamamaran. Mayroon itong tiyak na kaisahan, identidad na biswal, at sistema ng metapora kayâ ang mga obra niyá ay kagyat na nakikilala. Tanyag sa kaniyang mga ekspresyonistang rendisyon ang karaniwang mga bagay-bagay gaya ng aso, pusa, isda, kalansay, tinik, sabong, basurangpabrika, barb wayr, gayundin ang mga kadalasang tema sa sining na magina, magsing-irog, hubad na katawan, at krusipiho. Sinasabing nagpapahiwatig ng maiigting na damdamin, tulad ng pusok, dahas, hinagpis, pagpapakasakit, at linggatong ang kalakhan ng mga larawang ipininta ni Kiukok. Mga imaheng karima-rimarim at kagila-gilalas ang mahalagang bahagi ng kaniyang mga pinta. Matingkad ang mga kulay, marahas ang hagod ng pinsel, siksik at makipot ang mga espasyo, dinamiko at tensiyonado. Mababanaag ang pagsasanib ng impluwensiyang kubismo, ekspresyonismo, at surealismo sa kaniyang mga likha. Ang mga tauhan sa kaniyang mga pintura ay mga payaso, magbubukid, manggagawa, at mangingisda. Madalas niyáng itinatampok ang tema ng pagkakabitag at pagpupumiglas. Mahalagang bahagi ng mga obra ni Kiukok ay ang serye ng krusipiho. Malayo sa taimtim o realistikong kopya ng importanteng sagisag na ito ng Katolisismo, sa sining ni Kiukok ay naging mabisang pagpapahayag ng pighati at pagpapakasakit ang krusipiho. Naging mabisang behikulo ito sa sining na nakagigitla, umaantig, at sa proseso ay nagmumulat. Hagip ng sining ni Kiukok ang konteksto ng pasismo ng batas militar. Sinagisag ito sa kaniyang mga sundalong unipormado at may aserong helmet na mabalasik at sumisinghal. Ipinahihiwatig sa kaniyang mga Kinatawan niyá ang Filipinas sa maraming internasyonal na pagtatanghal pigurang hubo’t hubad ang paghuhumiyaw, ang pagkalugmok, at pag- pansining sa Asia kayâ naman ang kaniyang mga gawa ay isa sa mga mas kilala sa bahaging ito ng daigdig. alpas. Sina Vicente Ang at Chin Lim, mga migranteng Tsino na nanahanan sa Lungsod Davao, ang kaniyang mga magulang. Nagtapos siyá ng digri sa sining sa UST (1952- 1954). Si Vicente Manansala ay isa sa kaniyang mga naging guro. Kayâ naman mababanaag ang impluwensiya ng kubismo ni Manansala sa kaniyang mga naunang pintura.

Nagtamo na si Kiukok ng mga gawad mula sa Arts Association of the Philippines (AAP), pambansang patimpalak sa sining ng Shell, National Museum of Modern Art sa Hawaii, at Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Kinilala rin siyáng Outstanding Overseas Chinese (1961) at pinagkalooban ng Araw ng Maynila Award (1976). (RVR) (ed GSZ)

Angaló Si Angaló (kung minsan, Angngalo) ang lumikha sa tao sa mitolohiyang Iloko. Bukod kay Lam-ang at Kannoyan, lalaki at babaeng bida ng epikong-bayan ng mga Iloko, sina Angalo at Aran na marahil ang mga tanyag na tauhan sa mga Ilokanong kuwentong-bayan. Maraming bersiyon ng kuwento ni Angalo, at iba-iba ang kaniyang ginagampanan—bilang dakilang manlilikha, bilang anak ng isa pang bathala, o bilang isang mangingisda na hinahanap ang kaniyang nawawalang irog. Sa isang mito, sina Angalo at Aran ay mga higanteng may anyong tao. Sa laki ni Angalo, abot-langit ang kaniyang ulo, daan-daang milya ang saklaw ng bawat hakbang, at naririnig sa lahat ng sulok ng mundo ang kaniyang boses at halakhak. Patag dati ang buong daigdig, at kinalkal niya ang lupa upang bumuo ng mga bundok at lambak, at inihian ang mga hukay upang maging mga dagat at lawa. Mula sa kaniyang dura nagmula ang unang lalaki at babae. Sa ibang kuwento, may tatlong anak na babae sina Angalo at Aran na hindi nilá kasinlaki. Nabuo naman daw ang kapuluang Bisayas nang nagtalo ang dalawa sa mga nakalap niláng perlas; nagkabitakbitak ang lupain at lumubog ang ilang bahagi sa lakas ng kanilang mga dagundong. Sinasabi ding nanahan silá malalaking yungib ng hilagang Luzon, tulad ng sa Abra, Ilocos, at Cagayan. Sa isang salaysay, si Angalo ay isang mortal na tao na naging mangingisda sa pag-asang makikita ang irog na nilisan siyá. Nadesgrasya ang barkong sinasakyan niya at napadpad siyá sa pampang ng Ilocos. Tinulungan niya ang mga Ilokano sa pangingisda at pinuksa ang isang halimaw-dagat na kumikitil ng maraming taumbayan taon-taon. Hindi niya malimot ang kaniyang nawawalang irog, at inukit niya ang malaking imahen ng babae sa dalisdis ng isang bundok. Tuwing pauwi siyá mula sa pangingisda, sinasalubong siyá ng tanawing ito. Sa kasalukuyan, matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos, Cagayan, at Pangasinan ang ang malalaking tipak ng bato na tinatawag na mga ”tugot” (yápak) ni Angalo. Isang halimbawa nitó ay makikita sa bayan ng Sudipen sa La Union, sa Ilog Amburayan. Magpahanggang-ngayon, may naniniwala pa rin na gumagalà ang espiritu nina Angalo at Aran, at maaari siláng magpalit ng anyo ng tao, hayop, o kahit bagay. (PKJ) Si Angalo at Aran (guhit ni Angeli Marie Narvaez)

Angat Dam Ang Angat Dam (Ang·gát Dam) ay matatagpuan sa Norzagaray, Bulacan. Bahagi ito ng Angat Hydroelectric Plant, na gumagamit sa Ilog Angat (Ilog Bulacan) upang makalikha ng koryente, at bahagi ng mas malaking sistema ng mga dam ng Angat-Ipo-La Mesa. Ang Angat Reservoir na naiipon ng dam ang nagtutustos sa humigit-kumulang 90% ng pangangailangan sa tubig ng Kalakhang Maynila. Ginagamit din ito bilang irigasyon para sa 28,000 ektarya ng sakahan sa Bulacan at Pampanga. Bukod dito, tumutulong ang dam na kontrolin ang pagbahâ tuwing tag-ulan. Ang Angat Dam ay may taas na 131 m at habàng 568 m. Káya nitóng humawak ng hanggang 850,000,000 metro kubikong tubig at mag-ambag ng 246 megawatt ng koryente para sa buong Luzon. Ang tubig na dumadaan sa dike ay unang ginagamit para sa koryente. Pagkatapos, sangkatlo nitó ay ginagamit ng MWSS (dáting NAWASA) para sa tubig na maiinom ng mga taga-Kalakhang Maynila. Sangkatlo rin ang ginagamit ng National Irrigation Administration (NIA) para sa irigasyon, at ang hulíng sangkatlo ay bumabalik sa Look Maynila. Sinimulan ang paggawa sa dam noong Nobyembre 1961 at unang ginamit noong 16 Oktubre 1967. Natapos ang konstruksiyon noong Agosto 1968. Ang mga kompanyang Grogun, Inc., Paul Hardeman (Phil.), at Filipino Engineers Syndicate, Inc. ang nagtayô sa dam. (PKJ)

angkák Ang angkák (Monascus purpureus) ay puláng amag ng binurong kanin. Isa itong sinaunang paraan ng pangkulay sa pagkain bukod sa isang sangkap sa gamut para sa sirkulasyon ng dugo. Ang funggus na Monascus na lumilikha ng angkak ay natural at epektibong suplemento para sa pagkontrol ng kolesterol. Sa gayon, ang kulay na idinudulot ng angkak sa pagkain ay hindi lamang nagdudulot ng dagdag na lasa sa pagkain. Nagsisilbi din itong medisina para sa kumakain. May ulat sa panahong Ming na ipinanggamot ang angkak laban sa sakit ng tiyan, pagtatae, anthrax, hang-over, at dyspepsia. Tinatawag itong hung-chu at zhitai sa Tsino at benikoji sa Hapones. Isang matandang kaalaman sa Tsina ang produksiyon ng angkak at sinasabing matagal itong ipinaglihim. Ginagamit ito noon sa paggawa ng keso at ng inuming tinatawag na anchu. Sa Filipinas, ginagamit ang angkak bilang pangkulay ng bagoong at mga inuming kahawig ng anchu. Pinagaaralan din ngayon ang tunay na halaga nitó bilang kapalit ng nitrite sa pagtatapa ng karne. Kapag ibinuburo ang kanin, mapapansin ang aksiyon ng Monascus purpureus sa pagbabago ng kulay ng kanin. Sa umpisa, putî ito, ngunit mabilis na magbabago ng kulay at magiging pink hanggang maging naninilaw na kulay dalandan. Bisà ito ng pag-asim ng kanin. Sa pangwakas na yugto, ang kanin ay magiging mapuláng-mapulá. Lahat halos ng bigas ay maaaring iburo para gawing angkak. Maliban sa malagkit dahil itinuturing na hindi kasiya-siya ang tila madikit na testura nitó. Sa kasalukuyan, may mga eksperimentong ginagawa mula mais dahil higit na múra ito kaysa bigas. (ABSM)

angkát Ang angkát ay isang konsepto sa ekonomiya na nangangahulugang paninda o kalakal na binili mula sa ibang pook, bayan, o bansa. Kabaligtaran nitó ang konsepto ng luwás o pagdadalá at pagbibili ng paninda o kalakal sa ibang pook, bayan, o bansa. Sa Ingles, ang angkat ay import at ang luwas ay export. Ang Filipinas ay nagsasagawa na ng pag-angkat bago pa dumating ang mga mananakop na Espanyol. May mga ulat hinggil sa pakikipagkalan ng mga sinaunang Filipino sa mga dayuhan mulang Tsina, India, at Arabia. Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol at dahil sa Kalakalang Galeon, may panahong ang kalakalan ng Filipinas ay nakasentro sa pagtitipon ng mga kalakal ng bansa at ibang produktong Asyano at pagdadalá ng mga ito sa Mexico upang sa pagbalik ng mga barko ay tumanggap naman ng mga angkat na kalakal mulang Mexico at Espanya. Umunlad ang pakikipagkalakalan nang bumilis ang paglalayag sa pagitan ng Espanya at ng Filipinas dahil sa Kanal Suez at nang buksan ang mga daungan para sa ibang dayuhang mangangalakal. Naging pangunahing luwasan at angkatan naman ng Filipinas ang Estados Unidos mula nang mapailalim ang Filipinas sa mga Amerikano. Malaking problema sa kalakalan ng Filipinas ang pangyayaring higit na malaking porsiyento ng angkat kaysa iniluluwas. Sa kasalukuyan, lumawak ang mga bansang pinag-aangkatan ng Filipinas ng iba’t ibang uri ng produkto, ngunit pangunahing bansang pinag-angkatan noong 2012 ayon sa laki ng halaga ay ang Tsina (10.43%), Hapon (10.15%), Estados Unidos (9.02%), Timog Korea (7.84%), Singapore (7.25%), Taiwan (5.84%), Thailand (4.64%), Saudi Arabia (4.50%), Indonesia (3.74) at Russia (3.66%) . Ang mga pangunahing angkat ng Filipinas noong 2012 ayon sa halaga ay ang sumusunod: kasangkapang elektroniko: 15,822,822,887 (25.64%), petrolyo: 12,551,796,684 (20.34%), transportasyon: 5,117,299,409 (8.29%), mga kemikal: 4,619,921,816 (7.49%), makinarya: 3,601,334,095 (5.84%), iprinosesong pagkain: 2,604,942,342 (4.22%), sariwang pagkain – 2,138,008,810 (3.46%), mineral: 1,963,772,098 (3.18%), bakal – 1,918,049,829 (3.11%). (MJCT) ed VSA

Anilao Ang Anilao (a·ni·láw) ay isang popular na pook-bakasyunan sa bayan ng Mabini, lalawigan ng Batangas. Binubuo ito ng dalawang barangay (Anilao Proper at Anilao East) at matatagpuan sa dulo ng Tangway ng Calumpang. Tanyag ang Anilao bilang isang pook-sisiran (dive spot), at dinadayo ng mga scuba diver at snorkeler mula sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas. Itinuturing itong isa sa mga unang dive spot sa bansa, at nagsimulang sumikat noong dekada sitenta. Paborito ang Anilao at mga karatig-pook (tulad ng mga pulo ng Sombrero at Maricaban) ng mga maninisid mula sa Metro Manila, dahil na rin mas malapit ito sa lungsod kaysa ibang dive spot. Hitik ang dagat sa paligid ng Anilao sa mga lamantubig, tangrib, at maraming uri ng isda. Malinaw din ang tubig. Matatagpuan naman sa dalampasigan ang mga resort. (PKJ) ed VSA

anís Ang anís (Pimpinellaanisum, Glycyrrhizaglabra) ay isang lubigan o herb na may makinis na balát at tuwid na katawan. Marami itong sanga at matabang mga ugat. Lumalaki ito ng tatlong talampakaan. Ang mga lungtiang dahon ng anis ay maninipis at umaabot ng pitóng pulgada ang habà na nagsasangay din ng mas maninipis pa ngunit mas maiikling mga dahon. Ang bulaklak nitó ay maliit, kulay dilaw o putî, at kumpol-kumpol na humahabà kung ito ay nagbunga na. Mabango ang bunga ng anis kahit magulugod ang mga ito. Hugis ipa ng palay ang buto nitó ngunit mas maliit ang sukat. Pinaniniwalaang nagmula sa Meditereneo ang anis. Matatagpuan ang halamang ito sa mga bansang may mainit na klima. Mayaman ang kasaysayan ng mundo na nagpapatunay na maraming gamit ang anis. Mabisà ito sa panggagamot at ginagamit din ito sa pagluluto at iba pa. Lahat ng parte ng halamang-gamot na ito ay may pakinabang. Bukod sa pampalasa sa mga pagkain, ang talbos, bunga, at buto ngaAnis, pamparami pa raw ito ng gatas ng ina at nakakaparegular ng regla. Nakakatulong sa paghinga ang mga talbos nitó samantalang ang ugat naman ay mainam na gamiting pampurga. Ang bungang anis ay mabisà ring carminative o nakakapagpalabas ng hangin mula sa bituka at sikmura. Naitataboy ng amoy ng anis ang mga insekto, naiibsan nitó ang lagnat at sakit ng ngipin. Nalulunasan din nitó ang mabahòng hininga. Mayaman sa anti-oxidants ang anis. Pinaniniwalaang natural na pampalit ito sa mga kemikal na non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID), expectorant, diuretic at antidepressant. Sa India, ginagamit din ang anis na lunas sa mga sexually transmitted diseases. Nakukuhanan din ng lana ang anis na gingamit sa aromatherapy o pangmasahe. Maaari rin itong ipahid sa mga bitag ng daga bilang pampain upang makasilò. (ACAL) ed VSA

aníto Aníto ang tawag sa sinaunang espiritu ng mga ninuno o espiritu ng kalikasan na sinasamba ng mga Filipino noong araw. Itinuturing na mabubuting espiritu, ang mga anito ay nagsisilbing tagapagtanggol laban sa masasamang espiritu sa lawas ng kagubatan. Itinuturing rin sila ng ilang grupong etniko bilang tagapangalaga ng kalikasan at bilang bantay o kawal ng mga di-binyagan. Laganap ang mga anito sa mga agrikultural na pamayanan ng Luzon. Kalimitang nag-aalay sa mga anito ng pagkain o atang at iba pang bagay ang mga tao para magkaroon sila ng masagana at payapang pamumuhay. Mga anito ang pinaniniwalaan at sinasamba ng mga katutubong Filipino bago dumating ang Espanyol. Ang mga anito ay maaaring katawanin ng anomang bagay: imaheng kawangis ng tao na yari sa kahoy, isang pirasong kahoy, inukit na bato o maaari ring bagay na hindi nahihipo o nakikita tulad ng hangin, liwanag at dilim, o isang tinig. Nang dumating ang mga Espanyol at ipinakilala ang Kristiyanismo, nahalinhan ang mga anito ng pagsamba sa Diyos at iba pang mga santo. Gayunman, masasabing ang ilang paniniwala kaugnay ng anito ay maaaring nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan. Dahil dito, may ilang Filipinong iskolar na naglarawan sa relihiyong ipinakilala ng mga Espanyol na isinapraktika ng mga Filipino bilang Folk Christianity. (JCN) (ed GSZ)

anónas Ang anónang/anónas (Annona reticulata) ay palumpong na may taas na aabot hanggang sampung metro at nakakain ang bunga. Ang mga dahon nitó ay makikintab at biluhaba na may patusok sa dulo; may habàng 20 sm at lapad mula dalawa hanggang limang sentimetro. Ang mga bulaklak nitó ay may kulay na lungtiang dilaw, mabango, at may habàng dalawa hanggang dalawa’t kalahating sentimetro. Ang itsura ng panlabas na talulot ay kawangis ng atis samantalang ang panloob naman ay napakaliit at palapad na bilog. Ang mga bunga nitó ay hugis-puso, kayumangging dilaw at may diyametrong walong sentimetro o higit pa. Ang balát ng bunga ay manipis na bumabalot sa lamang kulay krema, makatas, at matamis. Nabubuhay ito sa mga lugar na may klimang tropikal. Kinakain ang bunga nitó kapag hinog. Ang pinatuyo at pinulbos na bungang hilaw naman ay mainam gawing gamot sa pagtatae, pampahilom ng sugat, at pampuksa ng parasito. Ang pinainitang dahon ay maaaring gawing pampuksa sa parasito at lunas sa mga hindi natutunawan ng pagkain. Ang mga balát ng punò ay maaaring gawing gamot sa sugat at inuming pampagising. Ang pinulbos na mga balát ng kahoy ay ginagamit panggamot sa pagtatae at íti. Kapag malala ang pagtatae ng isang pasyente, samasamang pinakukuluan ang hilaw na bunga, balát ng punò at mga dahon sa isang litrong tubig sa loob ng limang minuto saka ipaiinom sa pasyente. Ang mga ugat ay gamot sa epilepsiya. Maaari ring makakuha ng asul at itim na pangkulay at matitibay na hibla mula sa anonas. Dinalá ito ng mga Espanyol sa Filipinas mula sa bahaging tropikal ng Amerika. Tinatawag din itong ánat, bullock’s heart, custard apple, nanas, at sari-káya. (KLL)

ansisit Ang ansisit ay Ilokanong salita para sa nuno. Katulad ng iba pang nilaláng sa mitolohiyang Filipino, gaya ng engkantada at diwata, ang ansisit ay mayroon ding mahiwagang kapangyarihan. Kahalintulad niya ang maliit na pangangatawan ng duwende ngunit mas negatibo ang ugali. Ang ansisit ay naninirahan sa punso, malalaking bato, matatandang puno, tabing-ilog, kuweba, at sa likod-bahay. Hindi siya nakikita ng tao kayâ agad niyang pinaghihigantihan ang hindi nagpasintabi o nagsabi ng “Tabi, tabi po, nuno” sa kaniyang pinaglalagian. Gamit ang kaniyang pandudura, sarisari ang kaniyang puwedeng gawing sumpa sa makaaapak o makatatabig sa kaniyang tirahan. Ang táong hindi magpasintabi ay puwedeng mamaga ang anumang bahagi ng katawan, magsuka ng dugo, umihi ng itim na likido, at tubuan ng labis na buhok sa likod. May paniniwala na ang mga sumpang ito ay hindi maipaliliwanag ng doktor o ospital kayâ’t isinasangguni ito sa katutubong medisina. Dinadalá sa albularyo ang maysakit at tinatawas siyá para malaman kung anong engkanto ang nagbigay ng sumpa sa kaniya. Ang tawas ay ikukrus sa ulo ng pasyente at pagkatapos ay paiinitan sa bága. Pagkaraan ng ilang minuto, tatanggalin sa bága ang tawas at ang kinalabasang anyo nitó ang sasabihing nakaengkangto sa maysakit. Upang maalis ang sumpa, kailangang mag-alay ng pagkain at humingi ng tawad para sa naapakang punso. Mahalaga ang paglapit sa ansisit para hindi maging permanente ang pagsanib ng masamâng espiritu. Pinaniniwalaan din na maaaring hulihin ng albularyo ang ansisit sa pamamagitan ng pagpisà sa ulo nitó gamit ang mga daliri. Mas delikado ang paraang ito dahil maaaring magalit ang mga kasáma ng ansisit at lalong maghiganti. (CID) ed VSA

Antipólo Ang Bírheng Antipólo o Nuestra Señora dela Paz y Buenviaje (Ang Mahal Nating Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalayag) ay dinalá ng mga misyonero buhat sa isang parokya sa Acapulco, Mexico. Makailang beses itong nagparoo’t parito noong panahon ng Kalakalang Galeon. Sa tuwing may mahalagang produkto o tao na lulan sa barko, isinasáma ang birhen upang magkaroon ng ligtas na paglalakbay. Iyon ang ugat ng pangalan nitó bilang patrona para sa mabuting paglalakbay. Unang naglayag ang imahen noong 1626 kasáma ang Gobernador Heneral Juan Nino de Tabora at panghulí noong 1746 sa hiling ng Gobernador Heneral Arrechedera. Sinasabing iisa ang kahoy na pinagmulan ng Birheng Antipolo at ng imahen ng Poong Nazareno sa Quiapo kayâ tuwing ika-29 ng Abril, dinadalá ang Birhen ng Antipolo sa Simbahang Quiapo bago iahon muli sa Lungsod Antipolo. Ang gawaing ito ay tinatawag na Ahunan. Gayundin, noong ika-17 siglo, dinadalá ang Birhen ng Antipolo sa Ternate, Cavite upang saksihan ang pagbebendisyon ng mga barkong ginagawa upang gamitin sa paglalayag. Inilalagay ang Birhen sa parokya na kinaroroonan din ng imahen ng Santo Niño. Kawangis ng Birhen ng Antipolo at Hesus Nazareno ang Santo Niño sa kulay at pinaniniwalaan ding nagmula sa iisang punongkahoy. Nang malipat sa mga Heswita ang pangangalaga sa imahen, inilagay ang imahen sa bulubunduking parokya ng Sta.Cruz sa Morong (Rizal ngayon) na noo’y pinagsisilbihan ni Fray Pedro Chirino. Palaging nawawala ang imahen at natatagpuan sa punò ng tipolo kayâ nagdesisyon ang kura parokong si Fray Diego Garcia noong 1603 na magpatayô ng kapilya para sa imahen sa lugar na laging kinatatagpuan nitó. Ginamit ang punòng tipolo sa paggawa ng retablo hábang sawali lámang ang dingding ng maliit na simbahan. Nang magdesisyon ang mga Heswita na magpatayô ng simbahang bato, si Fray Juan de Salazar ang namunò sa paggawa ng Simbahang Antipolo. Nagsimulang gawin ito noong 1630 at natapos noong 1653. Isa sa mga pambihirang estruktura sa Filipinas ang Simbahang Antipolo. Ang arkitektong si Jose de Ocampo ang nagdisenyo ng simbahan. Modernista ang disenyo nitó na may dome-shaped na bubungan at napapalibutan ng mga stained glass ang ilalim. May laking 40 metro sa diyametro, ang simboryo ng Antipolo ang isa sa pinakamalaki at pinakaengrandeng estruktura na naitayô noong 1954. Ang unang lay-out ng simbahan ay pakrus, kagaya ng mga simbahan na matatagpuan sa Europa

at Amerika Latina noong panahong iyon. Ayon kay Padre Murillo, walang kasingganda ang Simbahang Antipolo noong ika-18 siglo. Bahagyang nasira ang simbahan sa mga lindol noong 1645, 1824, at 1863 ngunit nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Muling ipinagawa ito ni Padre Francisco Avendano sa tulong ng kaniyang kaibigang si Jose de Ocampo. Noong 2002, pinalitan ang sahig nitó ng marmol. Noong 2004, sinimulang baguhin ang disenyo ng harapan sang-ayon sa disenyo ni Joey Amistoso. Si Nemesio Miranda, isang artist ng Angono, ang nagpinta ng Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo. Kasabay ng pagdiriwang sa kapistahan ng San Jose Manggagawa tuwing 1 Mayo, ang Simbahang Antipolo ay dinarayo ng mga mananampalataya upang magdasal sa Birheng Antipolo. Dahil dito, binansagan ang Lungsod Antipolo na “Pilgrimage City of the Philippines.” (SJ)

Pablo S. Antonio (25 Enero 1901-14 Hunyo 1975) Isang arkitekto si Pablo S. Antonio (Páb·lo Es An·tón·yo) at itinuturing na tagapaghawan ng landas para sa modernong arkitektura na umaangkop sa kaligiran, kaugalian, at pangangailangan ng mga Filipino. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura noong 1976. Sa kaniyang mahigit 43 taon sa larangan ng arkitektura, ang kaniyang mataas na kalidad ng paggawa at walang kapares na pagpapahalaga sa propesyon ay katangi-tangi at nagsilbing inspirasyon sa mga sumusunod sa kaniyang yapak. Pinili niyá na gumawa nang may pagpapahalaga sa kalikasan. Kilalá ang likhang Antonio sa paggamit ng natural na liwanag at bentilasyon at kung gayon ay walang pag-aaksaya sa enerhiya, malilinis at makikinis na mga linya, mga kurbang nakapaloob sa mga estruktura, at malalaking bukás na espasyo at mayayabong na hardin. Naniniwala siyá na ang mga Filipino ay mga bukás na tao, hindi nakagawian ang harang o hanggahan. Kayâ naman ang mga bahay na likha ni Antonio ay may malawak na sala na nakaugnay sa iba pang parte ng bahay nang walang harang o dibisyon. Binago ni Antonio ang mukha ng Kamaynilaan. Si Antonio ang namahala sa konstruksiyon ng Executive Building sa Taft Avenue kanto ng P. Burgos St. (ngayon ay National Museum). Siyá ang arkitekto ng maraming gusali ng mga paaralan-Nicanor Reyes Hall, Administration Building, Home Economics Building, at Girls High School ng Far Eastern University; Auditorium at Executive Offices ng University of the East; at Afable College of Medicine. Itinayô rin niyá ang mga opisina, ospital, at iba pang gusaling pampubliko tulad ng PNB head office at mga branch offices, Singer Sewing Machine Office, mga estasyon at terminal ng Manila Railroad Company, Cartimar Shopping Center, Bel-Air Apartment na matatagpuan sa Roxas Blvd., Taliba-Vanguardia-Times Annex Bldg, Ramon Roces Publications Building (ngayon ay Guzman Institute of Technology), Manila City Hospital (ngayon ay National Children’s Hospital), at De La Works upang matustusan ang sariling pag-aaral sa paaralang sekundarya Salle Chapel. at sa Mapua Institute of Technology hanggang makatapos ng kursong Arkitektura. Kumuha siyá ng karagdagang pag-aaral sa University of Ipinanganak siyá noong 25 Enero 1901 sa Balanga, Bataan. Nakaisang- London sa England sa tulong ni Don Ramon A. Arevalo. Sa kompanya dibdib siyá ni Marina Reyes, isang bantog na pangalan sa haute couture ni Don Ramon na Sta. Clara Lumber Company maglilingkod si Antonio noon at biniyayaan ng anim na anak. Tatlo rito ay naging mga arkitekto rin, bilang ganap na arkitekto hanggang sa maitayô nitó ang sariling kompanya. sina Pablo Jr., Luis, at Ramon. Naging draftsman siyá sa Bureau of Public (RVR) (ed VSA)

Galicano Apacible (25 Hunyo 1864-2 Marso 1949) Si Galicano Apacible (Ga·li·ká·no A·pa·síb·le) ay isa sa mga tagapagtatag ng La Solidaridad at naging unang pangulo nitó. Naging politiko siyá at kasapi Partido Nacionalista sa panahon ng pamahalaang kolonyal ng Amerika. Naging gobernador siyá sa Batangas at naging representante ng unang distrito ng Batangas. Isinulat niya ang To the American People, an Appeal, isang pangangatwiran sa mga mamamayan at pamahalaan ng Estados Unidos na huwag alisan ng kasarinlan ang Filipinas. Isinilang sa Balayan, Batangas noong 25 Hunyo 1864, si Kanoy ang bunso sa tatlong anak nina Don Vicente Apacible at Catalina Castillo. Walong taon siyá nang matapos ang elementarya. Itinuloy niya ang pag-aaral sa Maynila—una sa pribadong eskuwelahan ni Benedicto Luna at pagkatapos ay pumasok sa Colegio de San Juan de Letran. Kasama ng nakatatandang kapatid na si Leon at ang pinsang si Jose Rizal, nanirahan silá sa isang paupahan sa 15 Kalye Anda sa Intramuros. Nag-aral siyá sa Unibersidad de Santo Tomas ng medisina. Nakagalit niya ang isang paring Dominiko doon kayâ nagpasiya siyáng ipagpatuloy ang pag-aaral sa Europa. Natapos niya ang kaniyang Bachiller en Artes sa Instituto del Tarragona at ang kaniyang Licenciado sa medisina at pagtistis sa Universidad de Barcelona noong Nobyembre 1889. Itinuloy niya ang kaniyang doktorado sa medisina sa Universidad Central de Madrid. Naging aktibo siyá sa mga kilusang politikal sa Espanya. Nang magbalik sa Filipinas noong 1892, nalaman niyang ipinatapon ang kapatid niyang si Leon sa Lepanto habang si Rizal ay sa Dapitan. Pinagsospetsahan siyá ng pamahalaan dahil sa pagiging aktibo sa mga kilusang politikal sa Espanya at gayundin sa pagiging Mason. Nagpunta siyá sa Hong Kong kasama ang pamilya ni Rizal upang makaiwassa pagdakip. Sa Hong Kong, naging tagapayo siyá ng Alto Consejo de los Revolucionarios at naging tagapamahala ng Comite Central Filipino. Noong 1899, ipinadala siyá sa Estados Unidos kasama si Rafael del Pan bilang kinatawan ng pamahalaang Rebolusyonaryo ng Filipinas upang makipag-usap sa pamahalaang Amerikano. Noong 1903, nagbalik siyá sa Manila at nagsimulang manggamot. Nagtrabaho siyá sa San Lazaro Hospital 1906-1907. Nagsimula rin ang kaniyang karera bilang politiko. Naging gobernador ng Batangas noong 1907, representante ng unang distrito ng Batangas 1909-1912, bise presidente ng Partido Nacionalista, at unang kalihim na Filipino ng departamento ng agrikultura sa ilalim Naaksidente siyá noong 1944 at nabulag noong 1947. Namatay siyá noong ng pamahalaang kolonyal ng Amerika na iniwan din niya dahil sa 2 Marso 1949 at inilibing sa La Loma Cemetery sa Manila. (KLL) ed VSA karamdaman.

Leon Apacible (25 Oktubre 1861-1901) Isang katangi-tanging ilustrado at Propagandista, si Leon Apacible (Le·ón A·pa·síb·le), kapatid ng bantog ding si Galicano, ay isinilang noong 25 Oktubre 1861 sa Balayan, Batangas, kina Vicente Apacible at Catalino Castillo na kapuwa mulang mariwasang pamilya. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal, kaeskuwela ni Rizal, at tulad ni Rizal ay sobresaliente o may pinakamataas na marka sa lahat ng klase. Naging lisensiyado siyá sa hurisprudensiya noong 1886, nag-abogado sa Batangas, nagtatag doon ng Masoneriya, at nahirang na hukom sa Lungsod Batangas. Napangasawa niya si Matilde Martinez ng Taal at nagkaroon silá ng tatlong anak. Kasáma siyá sa mga dinakip pagsiklab ng Himagsikang 1896 at ipinatápon sa Lepanto (Bontoc ngayon). Nakabalik siyá sa Batangas dahil sa Kasunduang Biyak-na-Bato, at lumahok sa ikalawang yugto ng Himagsikan bilang ayudante ni Heneral Malvar. Pinangunahan niya ang salakay sa Lungsod Batangas. Nahirang siyang kinatawan ng Lepanto sa Kongresong Malolos. Magkasulatan silá ni Galicano, na naging bahagi ng Hong Kong junta. Minsan, naisulat ni Galicano ang kaniyang kabiguan sa Republikang Malolos dahil marami sa mga opisyal ang “inkompetente, tamad, at napakabagal magpasiya sa mabibigat na usapin.” Inalok ni Galicano si Leon na sumáma sa kaniya sa Hong Kong. Ngunit nanatili si Leon sa Filipinas. Sa Digmaang Filipino-Amerikano, umuwi si Leon sa Taal at nagnegosyo. Namatay siyá noong 1901 sa gulang na 40 taón. Isang marker sa kaniyang alaala ang inilagay ng National Historical Institute sa kaniyang bahay sa Taal noong 1970. Noong 1976, ibinigay ng kaniyang apóng si Meyor Corazon Cañiza ang bahay at mga dokumento ni Leon sa gobyerno. Ipinaayos ng NHI ang bahay bílang memoryal. (GVS)

Leon Apacible Ancestral House, Batangas

apáhap Ang apáhap (Lates calcarifer (Bloch)) ay isdang nabibilang sa pamilyang Centropomidae. Ito ay tinatawag ding kakap, bulgan, salongsong, katuyot, matáng pusà. Matatagpuan ito sa mga baybaying dagat, estuwaryo, ilog, batis at lawa, sa malinaw man o malabong tubig. Ito ay pinararami at inaalagaan sa mga palaisdaan ng bansang Thailand, Malaysia, Singapore, Indonesia, Hong Kong at Taiwan. Ang katawan ng apáhap ay siksik na pahabâ. Ang ulo ay patulis samantalang ang likod ay malukong na nagiging matambok sa harap ng palikpik sa likod. Ang bibig ay malaki, bahagyang pahilig, at ang itaas ng panga ay umaabot sa likod ng matá. Ang palikpik sa likod ay may 7 hanggang 9 na tinik. Ang palikpik sa pektoral ay maikli at pabilog hábang ang palikpik sa likod at puwit ay parehong may makaliskis na kaluban. Ang kulay kapag nása dagat ay olibong kayumanggi sa itaas ng katawan at pilak sa gilid at tiyan samantalang ginintuang kayumanggi naman kapag nása tubig tabang. Ang tigulang na apahap ay kulay berdeng bughaw o abo sa itaas at pilak sa ibabâ. Matatagpuan ito sa malawak na bahagi ng tropikal at sub-tropikong kanluraning Pasipiko at Karagatang Indian. Ang batàng apahap ay nananatili sa mga ilog at lawa ng dalawa hanggang tatlong taon bago ito bumalik sa estuwaryo at dagat upang mangitlog. Mabilis itong lumaki, kadalasan ay tatlo hanggang limáng kilo sa loob ng dalawa o tatlong taon. Naitalâ ang pinakamalaking apahap na may sukat na 200 sentimetro samantalang ang pinakamabigat naman ay 60 kilo. Kumakain ito ng mga alga, krustaseo at maliliit na isdang tulad ng sapsap at banak. Ibinebenta ang apahap nang sariwa o elado. Dahil sa mataas na halaga sa pamilihan, ito ay naging kaakit-akit na kalakal sa akwakultura. Gayunman, ang pangunahing hadlang sa pag-aalaga ay ang kakulangan ng suplay ng maliliit na apahap mula sa dagat. (MA)

api-api Ang api-api (Avicenniaalba) ay isang uri ng bakawan. Ito ay kadalasang lumalaki ng dalawampung metro (66 na talampakan). Ang punò nitó ay kulay abo kapag tuyo at kulay itim naman kapag nabasâ ang balát. Ang dahon nitó ay makintab na kulay berde sa ibabaw at maputî naman sa ilalim, kadalasang hugis itlog o hugis sibat na matulis ang dulo. Ang bulaklak ng api-api ay parang mga krus tulad ng inflorescence nitó. Ang mga talulot nitó ay kulay dilaw na may habàng apat na milimetro. Ang kulay ng bunga ng api-api ay maputla na berde, pahabâ, at may mga sumisibol na buto sa loob. Ito ay siksik o maraming palumpong na korona na madalas sumasanga sa katawan ng bakawan. Ang ugat ay mababaw at nagdadala ng maraming bilang na hugis lapis na pneumatophores. Ito ay matatagpuan sa mga nabuong putikan (mudbanks) sa may gilid patungong dagat o sa kahabaan ng ilog. Ito ay umaakit ng mga malilit na kulisap (fireflies). Ang troso ng api-api ay hindi pwedeng gamiting panggatong o uling ngunit ito ay mainam gamitin na pampausok ng goma o ng isda. Ang katas ng heartwood ay ginagamit sa mga herbal na gamot upang makagawa ng isang gamot na pampalakas. Ang abo ng kahoy ng api-api ay maaaring gamitin upang makagawa ng sabon. Ang mga buto naman nitó ay pinakukuluan at kinakain bilang gulay. Paminsan-minsan may mabibili nitó sa mga lokal na pamilihan (ACAL) ed VSA

apítong sIsang uri ng matigas na punóngkahoy ang apítong na katutubo sa TimogSilangang Asia at India. Dipterocarpus grandiflorus ang siyentipikong pangalan nitó. Mainam itong uling at gawing papel. Karaniwang ginagamit na tabla ang kahoy nitó para sa sahig at dingding na panloob ng bahay, pansahig ng trak, at playwud. Ang dagta nitó ay ginagamit na barnis. Samantala, ang punongkahoy mismo ay mahalaga sa pagpigil ng pagguho ng lupa at pagsasaayos ng nitroheno sa lupa. Ang apitong ay tumataas ng 43 metro, walang sanga hanggang 30 metro, at mat balát na bahagyang dilaw. May dahon itong biluhaba at 10-18 sentimetro x 5-12 sentimetro ang laki, at may malaking bulaklak na may samyo. Ang pangalan nitó sa Latin ay tumutukoy sa pagkakaroon ng malaking bulaklak. Nagkakaroon ito ng bulaklak at bungang nuwes taontaón at nahihinog ang bunga sa loob ng 3-5 buwan. Ang isang punongkahoy na nagsisimulang mamulaklak at magbunga bago sumapit ang ika-30 taón nitó. Mainam na proteksiyon ng watershed ang apitong. Nakapag-iimbak ito ng maraming tubig-ulan at natitimpi ang daloy nitó sa mga batis, latian, at mga imbakang-tubig ng irigasyon. (VSA)

apò Sa mga kasapi ng maraming angkang Filipino, karaniwang tumutukoy ang apò sa napakatandang lalaking miyembro. Itinuturing ang isang apò na may maraming kaalaman at karanasang maibabahagi sa iba pang kasapi ng angkan. Sa isang pamayanan, bayan, at maging sa mga organisasyon, itinuturing ding apò ang mga matandang iginagálang ng mga tao o kasapi dahil sa mayamang kaalaman at karanasan. May mga pangalan ng mga lugar sa Filipinas ang nag-ugat sa titulong apò. Isa na rito ang Lungsod ng Olongapo, na sinasabing nagmula sa mga salitang “ulo ng apo”. Sa katunayan, may rebulto ng Ulo ng Apo sa lungsod at ito ay nagsisilbing sagisag ng pagkakaisa ng mga taga-Olongapo. Itinuring namang banal na lugar ng mga katutubong naninirahan ang Bundok Apò at pinaniniwalaang ipinangalan ito kay Apo Sandawa, isang mahalagang ninuno nilá. Isang kilaláng tao na may titulong apò ay si Pangulong Ferdinand E. Marcos. Para sa mga naniniwala, si Apo Marcos ay isang dakilang tao. Marami sa mga naniniwala kay Apo Marcos ay mga Ilokano dahil na rin sa malaking tulong ni Ferdinand Marcos upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay noong pangulo pa ito ng Filipinas. (MJCT) ed VSA

Ulo ng Apo, Lungsod Olonggapo

Cecilio Apostol (22 Nobyembre 1877-17 Setyembre 1938) Si Cecilio Apostol (Se·síl·yo A·pos·tól) ay isang pangunahing makata, mananaysay, tagasalin, at editor sa wikang Espanyol. Isinilang siyá sa Santa Cruz, Maynila noong 22 Nobyembre 1877 kina Jose Pablo Apostol, isang bookkeeper, at Marcelina delos Reyes. Nagkaroon siyá ng anim na anak sa asawang si Margarita San Jose. Noong kaniyang kabataan, mahilig siyáng sumulat ng tula at magpinta. Nagtapos ng batsilyer sa Ateneo Municipal de Manila noong 1894 at pagkaraan ay kumuha ng abogasya sa Universidad de Santo Tomas. Inihinto niya ang pag-aaral ng abogasya upang sumama sa Himagsikang 1896. Nagsimula ang hilig niya sa panitikan sa Ateneo. Sumasama siya sa mga pulong ng mga manunulat sa Intramuros at nahilig magbasá ng panitikang Espanyol. Noong 1899, sumama siya sa La Independencia na itinatag ni Antonio Luna. Nakapagsulat siya sa mga pahayagang nasyonalistiko tulad ng La Patria, La Fraternidad, La Democracia, El Renacimiento, at La Union. Dahil likás na mapag-isa, pinili niyang magtrabaho na lamang bilang manunulat at tagasalin sa city attorney’s office ng Maynila noong 1903 habang ipinagpapatuloy ang kaniyang abogasya sa UST. Bagaman hindi niya nakuha ang kaniyang degree, nakapasa siyá sa bar exam at nakapagtrabaho sa law office ni Vicente Francisco. Ang ilan sa mga una niyang tula gaya ng “El tenor de los Mares Indicos” ay lumabas sa El Comercio noong 1895. Ang mga tanyag niyang katha ay mayroong temang patriyotiko gaya ng “Los martires anonimos de la patria,” “Al Yankee,” at “Rizal” noong 1899. Nagkamit ng gantimpala mula sa Club Internacional ang kaniyang mahabàng tula na “Mi raza.” Nagsulat din siyá ng mga tula hinggil sa mga kilalang personalidad gaya nina Marcelo H. del Pilar, Manuel Ravago, at Wenceslao E. Retana. Ang kaniyang “A Emilio Jacinto” ay nanalo sa isang patimpalak para sa naturang bayani noong 1914 habang ang kaniyang “Sobre el pinto” ang pinag-ugatan ng bansag na Dakilang Lumpo kay Apolinario Mabini. Isinalin niya sa iba’t ibang wika ang ilang kathang Filipino, tulad ng Dekalogo ni Andres Bonifacio sa wikang Pranses at ng epikong Lam-ang sa wikang Espanyol. Tinipon ang kaniyang mga tula sa librong Pentelicas na inilabas noong 1940s.

Dahil sa ipinamalas na husay sa pagtula, minsan nang ginamit ang kaniyang mga akda upang ituro ang wikang Espanyol sa ilalim ng Republic Act No 1881 kahanay nina Jose Rizal, Fernando Ma. Guerrero, Jose Palma, Claro M Recto, at iba pa. Kinikilala din maging sa ibang bansa ang kaniyang husay—isinama ang kaniyang mga tula at talambuhay sa Anthology of Spanish Poetry ni Carl Kjersmeier at sa Enciclopedia España. Namatay siya noong 17 Setyembre 1938 sa Caloocan, Rizal (Lungsod Kalookan ngayon) at ipinangalan sa kaniya ang isang malaking paaralang publiko sa naturang lungsod. (KLL) ed VSA

Gaspar Aquino de Belen Itinuturing na unang pangunahing makatang Tagalog sa panahon ng kolonyalismong Espanyol si Gaspar Aquino De Belen (Gas·pár A·kí·no De Be·lén). Kinikilála siyá sa kaniyang Ang Mahal na Passion ni Iesu Christong P. Natin na Tola, ang unang nalathalang pasyong tula sa bansa. Nalathala ang nasabing pasyon bilang bahagi ng kaniyang librong Manga panalanging pagtatagobilin sa caloloua nang tauong naghihingalo (1703), na salin ng Recomendacion del alma ni Tomas de Villacastin. Naglalaman ito ng mga hakbang sa pagpapahid ng santo oleo sa maysakít at naghihingalo at iba pang ritwal at dasal para sa pagliligtas ng kaniyang kaluluwa. Ito ang dahilan, ayon kay Bienvenido Lumbera, kayâ ang Ang Mahal na Passion ni Aquino de Belen ay sumasaklaw lámang sa hulíng yugto ng búhay ni Hesukristo. Itinatag ng Ang Mahal na Passion ang anyo ng saknong ng pasyón. Binubuo ang saknong ng limang taludtod na may isáhang tugma at ang bawat taludtod ay may súkat na walong pantig. Kinilála rin ni Lumbera ang husay ni Aquino de Belen tungo sa pagsasakatutubo ng ilang diwa ng búhay ni Kristo at nakatulong upang madalî itong maunawaan ng madla. Halimbawa, sinurot ng awtor si Hudas matapos pagtaksilan si Hesus ngunit hindi dahil nagkasála sa Diyos. Sa halip, ang ipinansurot ay ang katutubong konsepto ng utang-na-loob. Ipinaalaala na lumaki si Hudas na matalik na kaibigan ni Hesus, itinuring siyáng “kasambaháy” sa bahay ni Maria, nagsálo silá sa pagkain, at ipinaghahain ng kahit bahaw kapag naligaw sa tahanan nina Hesus. Sa maikling salitâ, sa hálagáhang Filipino, si Hudas ay walang utang-na-loob:

Di cayo,y, nagsasangbahay, Iysa ang inyong dulang? Cun icao ay longmiligao, May laan sa iyong bahao, Canin, at anoanoman.

Walang gaanong ulat sa búhay ni Aquino de Belen. Isinilang siyá sa Rosario, Batangas at naging tagapangasiwa ng imprenta ng mga Heswita sa Maynila mula 1704 hanggang 1716. Bahagi siyá ng principalia at nagkaroon ng edukasyong naghanda sa kaniya bilang isang mahusay na tagapangasiwa ng imprenta. (VSA)

Benigno Aquino Jr. (27 Nobyembre 1932-21 Agosto 1983) Si Benigno Simeon Aquino Jr. (Be·níg·no Sim·yón A·kí·no), mas kilala bilang “Ninoy,” ay isang Filipinong senador na naging pangunahing kritiko laban kay Pangulong Ferdinand E. Marcos noong panahon ng diktadura. Pinaslang siyá sa Paliparang Pandaigdig ng Maynila pagkauwi mula sa destiyero sa Estados Unidos. Ang kaniyang pagkamatay ang nagsilbing mitsa ng pagkakaluklok ng kaniyang maybahay, si Corazon Cojuangco Aquino, bilang Pangulo na pumalit sa 20 taóng rehimeng Marcos. Isinilang siyá sa Concepcion, Tarlac noong 27 Nobyembre 1932 kina Aurora Aquino-Aquino at Benigno S. Aquino Sr., dating Assemblyman. Ang kaniyang lolo, si Servillano Aquino, ay isang heneral sa hukbong rebolusyonaryo ni Emilio Aguinaldo. Pumasok siyá sa Ateneo de Manila upang mag-aral ng batsilyer sa sining. Hindi niyá ito natapos sapagkat pinilìng maging peryodista. Sa edad 17, si Aquino, para sa pahayagang The Manila Times ni Joaquin “Chino” Roces, ang naging pinakabatàng korespondent para sa Digmaang Korea, at sinundan niyá doon ang mga gawain ng mga sundalong Filipino (PEFTOK). Natamo niyá dahil sa Korea ang Philippine Legion of Honor na iginawad sa kaniya ni Pangulong Elpidio Quirino sa edad na 18. Kumuha siyá ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas, ngunit hindi niyá rin ito natapos. Sa edad na 22, nahalal si Aquino bilang alkalde ng Concepcion, Tarlac. Siyá ang naging pinakabatàng bise-gobernador noon ng bansa sa edad na 27. Dalawang taon lang ang lilipas bago siyá maging gobernador ng lalawigan. Noong 1967, sa edad 34, siyá ang naging pinakabatàng halal na senador sa kasaysayan ng Filipinas. Di malaon ay umusbong si Aquino bilang pangunahing kritiko laban kay Marcos at sa asawa nitóng si Imelda. Nang ipahayag ang Batas Militar noong Setyembre 1972, dinakip si Aquino at nakulong ng maraming taon. Nagkaroon siyá ng sakit sa puso at pinahintulutang lumabas ng bansa upang maoperahan sa Estados Unidos. Sinubok niyáng bumalik sa Filipinas noong 1983, ngunit pagtuntong pa lamang niyá sa paliparan ng MIA, binaril siyá sa ulo. Ang pagpaslang sa kaniya ang isa sa mga pangyayaring nagdulot sa People Power (EDSA) Revolution ng 1986 na nagbalik ng kalayaan sa taumbayan, at sa pagkakaluklok sa kaniyang iniwang maybahay na si Corazon Aquino bilang Pangulo ng bansa. Noong 2010, nahalal din bilang pangulo ang

kaniyang anak na si Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III. Bilang pagpapahalaga, ipinangalan ang paliparang tagpo ng kaniyang kamatayan bilang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Makikita ang kaniyang imahen sa 500 pisong papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas, at matatagpuan ang kaniyang monumento sa sentrong distritong pangkalakaran ng Lungsod Makati. (PKJ) (ed VSA)

Benigno Simeon C. Aquino III (8 Pebrero 1960—) Tulad ng kaniyang inang si Pangulong Corazon C. Aquino, isang “diakalaing” pangulo ng Republika ng Filipinas si Benigno Simeon C. Aquino III (Be·níg·no Sim·yón Si A·kí·no) nang kumandidato at magwagi sa halalang 2010. Hindi siyá kasáma sa mga pinagpipiliang kakandidato sa simula ng kampanya para sa eleksiyon. Sa gayon, bukod sa nahulí sa pagtakbo ay minaliit ang kaniyang kakayahan, mahiná ang makinaryang pampolitika, at kulang sa pondo. Ngunit sinasabing dinalá siyá sa tagumpay ng bagong silakbo ng “Cory phenomenom” dahil sa pagpanaw ng ina noong 1 Agosto 2009. Isinilang si Noynoy (ang palayaw niyá) o PNoy (ang itinawag sa kaniya pagkaraang manalo) noong 8 Pebrero 1960 sa Maynila at pangatlo sa limang anak nina Benigno (Ninoy) Aquino Jr at Corazon (Tita Cory) Cojuangco Aquino. Ikaapat na salinlahi na siyá ng mga politiko sa pamilya, mula kay Servillano Aquino na delegado sa Kongresong Malolos, lolong si Benigno Aquino Sr. na ispiker sa Mababàng Kapulungan noong 1943-1944, at mga magulang. Nagtapos siyá sa Ateneo de Manila noong 1981 at kasáma ng pamilya nang kusang madestiyero si Ninoy sa Estados Unidos. Nagbalik siyá pagkatapos paslangin si Ninoy noong 1983 at tahimik na nagtrabaho sa pribadong sektor. Nahalal siyá sa Mababàng Kapulungan noong 1998 at muling nahalal noong 2001 at 2004. Kumandidato siyáng senador noong 2007 at nagwagi. Sa panahong ito, sinabi nang dinalá siyá sa tagumpay ng magkatulong na popularidad ng ina at ng artistang kapatid na si Kris. Umugong ang panawagang kumandidato sa pagkapangulo si Noynoy nang mamatay si Pangulong Corazon Aquino, lalo na upang ituloy ang kampanya noon ni Tita Cory laban sa mapagmalabis na gamit sa kapangyarihan ni Pangulong Arroyo. Matagal bago nagpasiya si Noynoy. Kinailangan pa ang kampanyang lumikom ng sangmilyong lagda ng taguyod sa kaniya. Kumonsulta siyá ng mga tao hanggang Mindanao. Nang tanggapin niyá ang nominasyon sa Partido Liberal, ginawa niyang islogan ang paghanap ng “daang matuwid” para sa pagkakaisa at kaunlaran ng bansa. Ipinamalas niyá ang dibdibang pagsunod sa kaniyang islogan nang ipahayag niyá pagkapanumpa bilang pangulo ang kampanya laban sa ugaling “wangwang.” Sinundan ito ng pag-usig sa sari-saring katiwaliang naganap sa nakaraang administrasyon. (VSA)

Maria Corazon C. Aquino (23 Enero 1933-1 Agosto 2009) Isang “di-akalaing” pangulo si Maria Corazon Cojuangco Aquino (Mar·yá Ko·ra·zón Ko·hwáng·ko A·kí·no) nang iluklok siyá sa Malacañang ng People Power sa EDSA at maging unang babaeng pangulo ng Republika ng Filipinas. Tinapos ng Pag-aalsang EDSA ang mahigit 20 taóng pamumunò ni Pangulong Marcos at ibinalik ng pamumunò ni Pangulong Aquino ang demokrasya sa bansa. “Tita Cory” ang popular na tawag kay Pangulong Aquino. Taglay ng palayaw ang pangyayaring tila isa lámang siyáng tahimik na maybahay ng martir na si Benigno (Ninoy) Aquino Jr. ngunit isinulong sa politika dahil sa pagpaslang kay Ninoy noong 21 Agosto 1983. Isinilang si Tita Cory sa Maynila noong 23 Enero 1933 at anak nina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong na kapuwa mula sa mariwasa at politikong pamilya. Noong 1946, nagpunta sa Estados Unidos ang kaniyang pamilya kayâ doon siyá nagtapos ng mataas na paaralan at ng kursong Batsilyer sa Sining. Bumalik siyá sa Filipinas at kumuha ng abogasya sa Far Eastern University ngunit hindi nakatapos dahil ikinasal kay Ninoy. Nagkaroon silá ng limang anak: sina Maria Elena, Aurora Corazon, Victoria Eliza, Benigno III (Noynoy) na naging pangulo ng Filipinas, at Kristina Bernadette (Kris) na isang popular na artista. Bago ang 1983, isang tapat na maybahay at mapagmahal na ina ang tungkulin ni Tita Cory. Kailangan iyon upang maitaguyod ang masiklab na karera ni Ninoy bilang politiko. Si Ninoy ang itinuturing na nag-iisang tinig ng oposisyon sa panahon ng pamumunò ni Pangulong Marcos. Sa eleksiyong 1967, si Ninoy lámang ang nagwaging kandidatong senador ng tiket Liberal. Si Ninoy din ang patuloy na tumuligsa at nagbubulgar ng mga anomalya sa administrasyon. Nang pairalin ang Batas Militar, isa si Ninoy sa unang-unang dinakip at ipiniit. Pinawalan lámang siyá dahil sa karamdaman at sa kondisyong magtitira sa Estados Unidos. Saksi at nása Pebrero 1986 ay nanumpa na sa umaga ng araw na iyon si Tita Cory bilang likod ni Ninoy si Tita Cory sa buong pangyayari. pangulo. Bumuo ng Komisyong Konstitusyonal si Tita Cory upang bumuo ng bagong Saligang-Batas. Sa kabilâ ng mga kudeta, isa-isang ibinalik ng Nang tumawag ng Snap Elections si Pangulong Marcos noong 7 Pebrero kaniyang administrasyon ang mga demokratikong institusyon. Sinunod din 1986, napagkaisahang ilaban ng oposisyon si Tita Cory. Napasalin sa kaniya niyá ang bagong 1987 Konstitusyon na bumabâ sa tungkulin pagkatapos ang paghanga kay Ninoy. Nang magwagi ang protesta ng taumbayan sa ng anim na taón. Ngunit patuloy siyáng pumatnubay sa takbo ng politika pamamagitan ng mapayapang na People Power (tinatawag ngayong Pag- at hindi lumipas ang kaniyang pambihirang popularidad hanggang igupo aalsang EDSA) at mapatalsik si Pangulong Marcos noong gabi ng 25 ng karamdaman noong 1 Agosto 2009. (VSA)

Melchora Aquino (6 Enero 1812-2 Marso 1919) Binansagang “Tandang Sora” si Melchora Aquino (Mel·tsó·ra A·kí·no) bilang pagkilala sa kaniyang paglilingkod at pagkakanlong sa mga kababayan noong Himagsikang 1896 kahit na siyá ay nasa katandaang gulang na. Itinuturing siyá bilang “Ina ng Rebolusyong Filipino,” “Ina ng Katipunan,” at “Ina ng Balintawak.” Isinilang siyá sa Balintawak noong 6 Enero 1812 sa bayan ng Kalookan (at ngayon ay matatagpuan sa Lungsod Quezon) kina Juan at Valentina Aquino, pawang mga maralita. Sa kaniyang pagtigulang, ikinasal siyá kay Fulgencio Ramos, isang cabeza del barrio. Nagsilang siyá ng anim na anak. Pumanaw si Ramos noong pitong taon pa lamang ang kanilang bunso. Kahit nag-iisang magulang, naging abala si Aquino sa mga pista, binyag, at kasal bilang hermana mayor. Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Espanyol noong 1896 ay 84 taong gulang na si Aquino. Ngunit hindi naging sagabal ang kaniyang edad upang makapaglingkod sa mga Katipunero. Naging kanlungan ng mga hapo at sugatang mandirigmang Filipino ang kaniyang tahanan at munting tindahan, na ginagamit ding lihim na pulungan ng mga ito. Pinakakain sila ni Tandang Sora at pinapupunta sa lugar na ligtas sa pang-uusig ng mga Espanyol. Nangangalap din siyá ng mga damit at gamot para sa kanila. Nasaksihan niyá at ng kaniyang anak na si Juan Ramos ang pagpunit ng mga sedula sa Unang Sigaw. Dahil sa pagkakasangkot sa Himagsikan, hinúli siyá ng guwardiya sibil at dumaan sa interogasyon. Tumanggi siyáng magpahayag ng kaalaman ukol sa mga gawain ng Katipunan. Ipinatapon siyá ng mga Espanyol sa Guam sa Islas Marianas. Nang masakop ng mga Amerikano ang Filipinas noong 1898, kasama si Aquino sa mga pinalaya at pinabalik sa bansa. Namatay siyá noong 1919 dahil sa katandaan at inilibing sa sarili niyáng bakuran, na ngayon ay bahagi na ng Himlayang Pilipino Memorial Park. Ipinangalan sa kaniya ang isang distrito, isang barangay, at isang pangunahing daan ng Lungsod Quezon. Siyá ang kauna-unahang Filipina na mailagay sa salaping papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas (100 pisong papel mula 1951 hanggang 1966); lumabas din siyá sa 5 sentimong barya mula 1967 hanggang 1992.

guhit ni Romulo Olazo

ni Aquino mula sa Himlayang Pilipino patungo sa Pambansang Dambana ni Ipinahayag ang taong 2012 bilang Taon ni Tandang Sora bilang paggunita Tandang Sora sa Banlat Road, Barangay Tandang Sora, Lungsod Quezon. sa ikalawang sentenaryo ng kaniyang kapanganakan; inilipat ang mga labí (PKJ) (ed VSA)

Arábe Ang mga Arábe ay isang pangkating etniko na malaganap sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika. Isa silá sa mga unang dayuhang nakipagkalakalan sa Filipinas. Masigla ang kalakalan ng mga Arabe at mga Tsino nang buksan ang Canton sa dayuhang kalakal. Subalit noong ikasiyam na dantaon, ipinagbawal ng Dinastiyang Tang ang pagpasok ng mga Arabe sa kanilang bansa. Dahil dito, napilitang siláng maghanap ng ibang ruta hanggang sa matagpuan nila ang Calamianes at Mindanao. Nakipagkalakalan silá sa mga katutubo doon na naging unang palatandaan ng kalakalan ng mga Arabe at ng mga Filipino. Hindi naglaon, hindi lamang mangangalakal ang dumating sa Filipinas. Dumating din ang mga misyonerong Arabe upang magpalaganap ng pananampalatayang Islam. Si Karim al-Mukdum ang itinuturing na kaunaunahang misyonerong Arabe na nagpahayag ng mga aral ng Islam noong 1380. Sinundan ito ni Rajah Baguinda noog 1930 at ni Abu Bakr noong 1450. Si Abu Bakr ang nagpatuloy ng pagpapalaganap ng Islam sa Sulu at sa karatig na mga pulo. Higit na napadalî ang pagpapalaganap nang Islam ng pagsama-samahin ang mga barangay na tumanggap nitó at nang itatag ang mga sultanato, isang uri ng pamahalaan na pinamumunuan ng isang sultan. Si Abu Bakr naging kauna-unahang sultan ng Sulu. Bukod sa relihiyong Islam at pamahalaang sultanato, ilan pa sa mga impluwensiya ng mga Arabe ay ang pagbilang, pagsasalita, at pagsulat sa wikang Arabe. Ilan sa mga salita sa wikang Arabe ay naisáma na sa bokabularyong Filipino ay hukom, pilat, salamat, at sulat. Sa musika, maraming instrumento at sayaw ang hango sa mga ipinakilála ng mga Arabe, tulad ng sayaw na singkil. Sa larangan ng panitikan, naging inspirasyon naman sa paggawa ng maraming kuwento ng mga Mëranaw at Tausug ang mga kuwentong bayan sa Arabia. (MJ) ed VSA

Aranéta Coliseum Ang Araneta Center ay ang sentro ng komersiyo sa Cubao, Lungsod Quezon, Kalakhang Maynila. May lawak itong 35 ektarya, at tinatáyang daan-daang libong katao ang bumibisita sa samot-saring opisina, pamilihan, tahanan, at pook-libangan dito araw- araw. Pinakatanyag sa mga gusali nitó ang Araneta Coliseum, ang pinakamalaking pook-libangan sa Asia na binuksan noong 1960 bílang pinakamalaking indoor arena sa buong mundo. Binili ni J. Amado Araneta ang lupang binabakuran ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA), Aurora Boulevard, P. Tuazon, at 15th Avenue, mula sa Radio Corporation of America noong 1952, at mula noon ay hawak na ito ng pamilyang Araneta. Sinimulan ang paggawa sa Coliseum noong 1957, at si Dominador Lugtu ang nagsilbing arkitekto. Ang sahig nitó ay sumasaklaw ng 23,000 metro kuwadrado. Isang laban sa boksing ni Gabriel “Flash” Elorde para sa kampeonato ang nagpasinaya sa arena, at mula noon, iba’t ibang mahahalagang okasyon sa larangan ng isports at libangan ang ginanap dito. Ilan dito ang laban sa boksing nina Muhammad Ali at Joe Frazier na tinaguriang “Thrilla in Manila,” mga pandaigdigang laban sa basketbol, at konsiyerto ng mga sikat na musikero. Mahigit isanlibong laro ng Philippine Basketball Association (PBA) ang naidaos na sa tinaguriang ”The Big Dome.” Depende sa okasyon, káyang magpaupô ng koloseo ng 15,000 hanggang 16,500 katao, at nadadagdagan ito ng mga táong nakatayô sa mga pilìng pagkakataón; halimbawa, maaaring umabot sa halos 24,000 katao ang nanonood sa mga laban para sa kampeonato sa basketbol. Bukod sa Coliseum, matatagpuan din sa Araneta Center ang malalaking pamilihan tulad ng Ali Mall, Farmers Market, Farmers Plaza, Gateway Mall, at SM Cubao. Terminal din ito ng mga bus papuntang Timog Luzon, at nása paligid lámang ng sentro ang iba pang terminal ng bus papuntang Hilaga at Timog Luzon. (PKJ)

Gregorio S. Araneta (19 Abril 1869-9 Mayo 1930) Si Gregorio Soriano Araneta (Gre·gór·yo Sor·yá·no A·ra·né·ta) ay isang abogado at politikona naging pinakabatàng associate justice sa kasaysayan ng Korte Suprema, at unang Filipino na humawak ng mataas na posisyon noong panahon ng pamahalaang Amerikano. Pagkatapos pumasá sa pagsusulit sa abogasya, pumasok siyá sa law office ni Don Jose Ycaza bago maging auxiliary register of deeds ng timog distrito ng Maynila (1894-1895) at nanunungkulang piskal (1896). Noong panahon ng Himagsikang Filipino, nanungkulan siyáng kalihim ng Kongreso ng Malolos at Kalihim ng Katarungan ni General Emilio Aguinaldo. Noong 1899, sa panahon ng Amerikano, itinalaga siyá ni Heneral Elwell Otis bilang Associate Justice ng Korte Suprema. Noong 1901, itinalaga naman siyáng Solicitor General, at noong 1906, Attorney General. Noong 1908, hinirang siyáng kasapi ng Philippine Commission at Kalihim ng Katarungan at Kasapian. Pagkatapos ng kaniyang panunungkulan noong 1913, nagtayô siyá ng sariling law office at nagturo ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Tumakbo siyá bilang Senador noong 1916 ngunit hindi pinalad na magwagi. Nang inalok siyá ni Ispiker Sergio Osmeña na maging Punòng Mahistrado ng Korte Suprema, tinanggihan niya ito upang magbigaydaan kay Manuel Araullo, na pakiramdam niya ay mas karapat-dapat sa posisyon. Isinilang siyá noong 19 Abril 1869 sa Molo, Iloilo kina Felix Araneta at Paz Soriano. Nag-aral siyá sa mga pribado at pampublikong eskuwelahan sa Molo bago mag-aral ng sekundarya sa Ateneo Municipal de Manila. Sa Ateneo din siyá nagtapos ng batsilyer en artes. Noong 1891, nakamit niya ang Licenciado en Derecho sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nagkaroon siyá ng 14 anak sa asawang si Carmen Zaragoza. Pumanaw siyá noong 9 Mayo 1930 sa atake sa puso. Ipinangalan sa kaniya ang isang pangunahing abenida sa Lungsod Quezon at ang De La Salle Araneta University (dating Gregorio Araneta University Foundation). (PKJ) ed VSA

Juan Araneta (13 Hulyo 1852-3 Oktubre 1924) Si Juan Araneta (Hu·wán A·ra·né·ta), kilalá bilang Don Juan, ay lider sa Rebolusyong Negros. Isa rin siyáng tagapanguna sa pagsasaka dahil sa pagdadalá niya ng mga makabagong pamamaraang agrikultural sa bansa. Isinilang siyá noong 13 Hulyo 1852 sa Molo, Iloilo kina Romualdo Araneta at Agueda Torres. Lumipat ang mga Araneta sa Negros at doon na namalagi. Nag-aral siyá ng Komersiyo sa Ateneo Municipal de Manila. Nang magbalik sa Molo, hinirang siyá bilang Capitan del Pueblo. Naghinala sa kaniya ang mga fraile noon ngunit dahil sa mataas na respeto sa kaniya ng mga taumbayan ay hindi siya mapatalsik. Noong 1891, matapos mamatay ng kaniyang asawa, ay nagpunta siyá sa Europa kasáma ang kaibigang si Don Caludio Reina. Nagkaroon siyá ng pagkakataóng makilála ang mga lider na Filipino na nása Madrid, London at Paris. Lalong nag-init ang mga fraile sa kaniya nang siyá ay bumalik sa bansa. Inagaw ang kanilang lupa at kinailangan niyang dalhin sa Bundok Kanlaon ang kaniyang pamilya upang magsimula ng bagong sakahan. Ang kaniyang mga paglalakbay sa Europa ang nagbukás sa kaniya sa mga makabagong kagamitang pang-agrikultura tulad ng sugar mill mula sa Inglatera na inilagay niya sa kaniyang asyenda sa Dinapalan, baler para sa abaca, rice thresher at iba pa. Naging mapaghinala ang mga awtoridad na Espanyol sa mga idinedeskarga sa kaniyang lupain sa Lumangub. Dinakip siyá at dinalá sa Concordia noong Enero 1897. Ipiniit siyá sa Himamaylan, sa Ilog, na kabisera noon ng probinsiya, at sakâ sa Bacolod upang doon pakawalan noong Oktubre 1897. Noong 5 Nobyembre 1898, naging matagumpay ang Rebolusyong Negros. Kasáma si Heneral Aniceto Lacson bilang Presidente, siya ay naging Kalihim ng Digma sa itinatag na Republikang Negros. Nang dumating ang mga Amerikano sa Iloilo, ipinayo niyang sumunod ang Republika sa mga ito. Noong 1904, isa siyá sa mga naging komisyoner sa St. Louis Exposition. Itinanghal niya ang iba’t ibang klase ng bigas, kakaw, abaka, at iba pang ani mula Negros at Panay. Nagpatuloy siyá sa pagpapaunlad ng agrikultura, sa kagamitan man o sa mga itinatanim. Isa siyá sa mga nagtatag ng Ma-ao Sugar Central. Nagkaroon siyá ng 25 anak sa apat na naging asawa na sina Celestina Diaz, Cristeta Sarmiento, Natalia Salsalida, at Juanita Camillarosa. Namatay siyá noong 3 Oktubre 1924 sa Negros Occidental. (KLL)

aránya Ang aránya, mula sa Espanyol na araña, ay isang sanga-sangang kumpol ng mga ilaw na nakasabit sa kisame ng bulwagan o pangunahing pinagtitipunan ng mga tao sa isang gusali. Bukod sa gamit bilang ilaw ay nagsisilbi itong palamuti at tatak ng karangyaan. Mas maraming nakakumpol na ilaw, mas marangya at kahanga-hanga. Tinawag itong aránya dahil tila sápot ng gagamba—na araña din sa Espanyol. Noong araw, kandila ang mga ilaw na itinutulos sa aranya. Ngayon, mga bombilya ang mga ilaw ng aranya, bagaman may mga bombilyang hinubog kandila ang ikinakabit. Karaniwang nakikita ang aranya sa loob ng mga simbahan, palasyo, malalaking modernong gusali, at mansiyon. Hinahangaan din ang disenyo nitó. Isa sa mga hinahangaang aranya ay makikita sa pangunahing lobby ng Sentrong Pangkultura sa Filipinas (CCP). Idinisenyo ni Patricia Keller ang tatlong malalaking aranyang gawa sa 5,000 capiz at prismong kristal. Simbolo ng tatlong pangkat ng mga pulo (Luzon, Visayas at Mindanao) ang tatlong kumpol ng mga ilaw. (MJCT) ed VSA

aráro Isang pangunahin at tradisyonal na kasangkapan sa pagsasáka ang aráro (mula sa Espanyol na arado). May mga varyant itong dáro sa Sebwano at dádo sa Mëranaw at tinatawag na lókoy sa Pangasinan. Ginagamit ito sa pagbungkal ng malaking piraso ng bukirin, lalo na sa kapatagan, at karaniwang hinihila ng kalabaw o báka. May paniwala na ipinakilála lámang ito sa agrikultura ng Filipinas sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Hindi ito ginagamit sa pagbabakál ng bakood at kaingin. Hindi rin gumagamit ng aráro ang pagsasáka noon ng payyo sa Cordillera. Kinailangan ang aráro sa maluluwang at pinatubigang bukirin. Ang tradisyonal na aráro ay binubuo ng bahaging kahoy at bahaging bakal. Apat na piraso ng kahoy ang pinakabalangkas nitó, kasáma ang tinatawag na lúnas, ang nakaarkong kahoy na kinakabitan ng lubid na may singkaw ng kalabaw, at ang mataas na puluhan na tinatawag na úgit. Ang lúnas ay pinakatiyan ng aráro at binubuo ng dalawang maikling piraso ng kahoy na pinaghugpong sa anggulong 90 digri. Sa hugpungan ng lúnas nakakabit ang bahaging bakal, na binubuo naman ng sudsód at lípya. Ang sudsód ay patulís na piraso ng bakal at tulad ng ibig sabihin ng pangalan ay tumutusok sa lupang binubungkal. Ang lípya ay hugis-pusong piraso ng bakal at humahawi sa isang tabi sa mga tiningkal o malalaking piraso ng lupa na iniaalsa ng sudsód. Sa kasalukuyang modernong pagsasáka, pumalit na sa aráro ang mekanisadong traktora bilang pambungkal. May tinatawag na kuliglíg, na tatak ng isang maliit at popular na traktorang-kamay. (VSA)

ar-arosép Isang uri ng kinakaing halamang-dagat ang Caulerpa lentillifera na higit na kilalá sa pangalan nitóng ar-arosép sa Ilokano at lató sa Tagalog. Para itong kumpol-kumpol na berdeng ubas kayâ sea grapes ang tawag sa Ingles. Inalagaan na ito sa maraming pook sa Filipinas at sa Okinawa at kinakain nang hilaw bilang ensalada. Mayaman ito sa iodine, iron, calcium, at mga bitamina A at C. Kilalá itong omi-budo sa Okinawa na “ubas dagat” ang ibig sabihin. Masagana ang ar-arosep sa Pangasinan, lalo na sa mga bayan ng Agno, Lingayen, at Bolinao. Karaniwang isinasawsaw lámang sa sukà ang hilaw na ar-arosep. Ngunit sa Pangasinan, hinahaluan ito ng mga pinirasong kamatis at bagoong (siyempre, bagoong Pangasinan). May matagumpay nang pond cultivation ng ar-arosep sa isla ng Mactan at ipinagbibili ang anis a Cebu at Manila. Umaabot ito sa 400 ektarya at umaani ng 12-15 tonelada ng sariwang damong-dagat bawat ektarya taóntaón. Isang malaking problema ang pagluluwas nitó sa ibang bansa dahil mabilis malanta. Kamakailan, iniluluwas ang inasnang lato sa Japan at Estados Unidos. Lumilitaw sa pag-aaral na bumababà ang kalidad ng lato o ar-arosep dahil sa pagkawala ng tubig na nangangahulugan ng pagkawala din ng iodine at bitamina A. Lumilitaw din sa saliksik na naaapektuhan ang lasa nito ng pagkawala ng tubig. Nababawasan ang pagiging madulas at makatas nitó. Ang malaking problema, higit na malaking bahagi nitóng tubig at iodine ang nawawala kapag malakas ang konsentrasyon ng asin. Sa gayon, hindi nakaiinam ang mataas na konsentrasyon ng asin sa ar-arosep na pangexport. Ngunit kailangan ang malakas na pag-aasin dahil napananatili naman ang kulay, amoy, at itsura ng ar-arosep para sa matagal na biyahe. (VSA)

mula sa Kulinarya, A guide to Philippine Cuisine

aratilés Ang aratilés (Muntingia calabura) ay isang uri ng punongkahoy na namumulaklak, mabilis lumaki, at katutubo sa Gitnang Amerika at Timog Amerika. Tumataas ito nang lima hanggang sampung metro. Ang mga palapad na dahon nitó ay mabalahibo, madikit, salit-salit, biluhaba, may mga pagitan na parang maliliit na ngipin, patulis, at humahabà nang 8-13 sm. Ang mga bulaklak ay may diyametrong dalawang sentimetro, kulay putî, at maaaring mag-isa o may kapares. Ang mga talulot ay may isang sentimetro ang habà. Makinis at bilog ang mga bunga nitóng berde kapag hilaw at pulá naman kapag hinog, matamis, at maraming maliliit na buto sa loob. Nabubuhay ito kahit sa mahinang klase ng lupa at nakakatagal sa mga asido at alkalinong kondisyon, maging sa tagtuyot. Maraming gamit ang aratiles. Ang hinog na bunga nitó ay maaaring kainin. Sa Mexico, ginagawang jam ang prutas nitó at tsaa ang mga dahon. Sa Brazil, itinatanim sa gilid ng mga ilog upang ang mga mahuhulog na bunga ay maging pang-akit sa mga isda. Ang mga bulaklak naman ay ginagamit bilang antiseptiko at panggamot sa sakit sa tiyan at katawan, sipon, at sakit ng ulo. Ang mga balát naman ng kahoy ay ginagawang lubid. Nagbibigay naman ng magndang lilim ang makakapal na sanga at dahon nitó. Popular na pagkain sa mga kabataan sa Filipinas ang mga bunga nitó. Nagmula ang aratiles sa maiinit na lugar sa Amerika at naipakilala sa Thailand at Java, Indonesia. Naturalisado ito sa Filipinas at matatagpuan sa halos lahat ng bayan sa bansa. Tinatawag din itong Jamaican cherry, Panama berry, Singapore cherry, Bajelly tree, Strawberry tree sa Ingles; bolaina, yamanaza, cacaniqua, capulin blanco, nigua, niguito, memizo sa Espanyol; at kersen sa Indones. (KLL) ed VSA

Araw ng Kagitíngan Ang Araw ng Kagitíngan, kilalá rin bilang ”Day of Valor” at ”Bataan Day,” ay isang pambansang araw ng paggunita sa pagbagsak ng Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Idinadaos tuwing ikasiyam ng Abril, isa ito sa mga pambansang pista o holiday ng Filipinas. Noong ikasiyam ng Abril 1942, pagkatapos ng tatlong buwan na Labanang Bataan, isinuko ni Major General Edward King Jr. ng Estados Unidos ang mahigit-kumulang 76,000 sundalo sa hukbong Hapones. Ang mga alyadong sundalo—Filipino, Amerikano, at Tsinoy—ay sapilitang pinalakad, at sa hulíng yugto ay ipinagsiksikan sa mga kotse ng tren, sa umaabot sa 140 km tungo sa Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac. Libo-libo ang binawian ng búhay sa tinatawag na ”Death March” dahil sa uhaw, init, gutom, karamdaman, at pagmaltrato ng mga Hapones. Mahigit-kumulang 54,000 sundalo lámang ang nakaabot nang buháy sa kampo. Sa kasalukuyan, nakapaloob sa Linggo ng mga Beterano ng Filipinas (Philippine Veterans Week) ang Araw ng Kagitingan. Ilan sa mga opisyal na seremonya sa linggong ito ay idinadaos sa Libingan ng mga Bayani, Kampo Aguinaldo, Isla ng Corregidor, Capas, at ang Dambana ng Kagitingan sa Bundok Samat, Pilar, Bataan. Sa karamihan ng okasyong ito, magkakasáma sa paggunita ang mga beterano at kanilang kaanak, mga kinatawan ng Estados Unidos at bansang Japan, mga pinunò ng pamahalaan ng Filipinas, at mga kabataaang Filipino. (PKJ)

Ika-69 Pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan (retrato ni Marcelino Pascua)

Áraw ng Kasarinlán Opisyal at pambansang pagdiriwang ang Áraw ng Kasarinlán tuwing Hunyo 12. Ginugunita sa araw na ito ang pagpapahayag ng kalayaan noong ikaapat ng hápon ng 12 Hunyo 1898 sa Kawit, Cavite. Ginanap ito sa balkonahe ng matandang bahay-na-bato ni Hen. Emilio Aguinaldo na kababalik noon mulang Hong Kong upang ipagpatuloy ang Himagsikang Filipino laban sa mga Espanyol. Bukod sa pagbása ni Ambrosio Rianzares Bautista sa Akta ng Pagpapahayag ng Kasarinlan, iwinagayway sa pagkakataóng ito ang tinatawag ngayong Pambansâng Watáwat at tinugtog ang Marcha Filipina Magdalo na naging musika ng Pambansâng Áwit ngayon. Ang Akta ay nilagdaan ng 98 katao, kabílang ang isang Amerikanong koronel sa hukbo ng Estados Unidos. Noong nása Malolos, Bulacan na ang hukbong Filipino, ipinabago ni Apolinario Mabini ang teksto ng Akta dahil waring ipinaiilalim ang Filipinas sa proteksiyon ng mga Amerikano. Ang pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan tuwing Hunyo 12 ay sinimulan ni Pangulong Diosdado Macapagal sa pamamagitan ng Republic Act No. 4166 noong 4 Agosto 1964. Bago ito, ipinagdiriwang sa Araw ng Kasarinlan ang pagbibigay ng kalayaan sa Filipinas ng Estados Unidos noong 4 Hulyo 1946. (VSA)

Araw ng Paggawâ Ang Araw ng Paggawâ ay ginaganap tuwing unang araw ng Mayo bilang pagdiriwang at pagpapahalaga sa mga manggagawa’t anakpawis. Ang unang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa ay nangyari sa Estados Unidos noong 1882 at itinaguyod ng Knights of Labor, isang samahan ng mga anakpawis. Gayunman, nang lumaon ay ginawang unang Lunes ng Setyembre ang opisyal na pagdiriwang ng araw na ito sa Estados Unidos at Canada. Sa Filipinas, higit na sinunod ang tradisyong namayani sa Europa na ipagdiwang ang araw na ito tuwing unang araw ng Mayo. Ang araw na ito ay unang ipinagdiwang sa Filipinas noong 1903 at ang bansa ay nasa ilalim pa ng Estados Unidos. Mahigit isang daang libong manggagawa ang nagmartsa sa harap ng Palasyo ng Malacañang upang humingi ng mga kondisyon para sa ikabubuti ng lahat ng manggagawa at ito’y pinamunuan ng organisasyong Union Obrero Democratica de Filipinas (UODF). Hudyat ito ng pagtubò ng unyonismo sa Filipinas. Dahil dito ay naalarma ang pamahalaang Amerikano. Sinalakay ng mga Amerikano at Filipinong kabilang sa Philippine Constabulary ang imprenta ng UODF at inaresto ang presidente nitó na si Dominador Gomez sa salang “illegal assembly and sedition.” Pagkaraan ng limang taón, pinagtibay ng Pambansang Asamblea ang Batas Blg. 1818 na nagtatadhanang isang pista opisyal ang unang araw ng Mayo bilang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa. Idinadaos sa araw na ito ang mga parada at palatuntunang pangmadla. Walong taón sng lumipas, 1 Mayo 1913, nabuo ang Congreso de Obrero de Filipinas (COF), na pinamunuan ni Herminigildo Cruz. Ang organisasyong ito ay naglalayon na ipaglaban ang walong oras na pagtatrabaho sa isang araw, ang abolisyon ng pagtatrabaho ng mga batàng wala pa sa wastong gulang, ang pamantayan para sa paggawa ng kababaihan, at ang paglinaw sa mga pananagutan ng mga kapitalista. Simula din noon ay nagbago na ang tradisyon ng paggunita sa Araw ng Paggawa. Kung noong mga nakaraang taón ay ipinagpipista ito sa pamamagitan ng parada, sa ngayon ay ipinagdiriwang ito sa pamamagitan ng pagprotesta ng mga manggagawa. Naging araw din ito ng paglalatag ng mabibigat na isyung pampolitika at suliraning pangkabuhayan at may nagaganap na mga araw ng welga’t rali bago sumapit ang Mayo 1. Karaniwang pinangungunahan ng pederasyon ng mga unyon ng manggagawa ang naturang protesta. (LN) (ed VSA)

Francisco Arcellana (6 Setyembre 1916-1 Agosto 2002) Isang manunulat ng maikling kuwento at sanaysay, peryodista, kritiko, at guro si Francisco Arcellana (Fran·sís·ko Ar·se·lyá·na). Zacarias Eugene Francisco Quino Arcellana ang buo niyáng pangalan. Si Arcellana, na kilala rin bilang Franz, ay isa sa mga tagapanguna sa pagsusulat ng maikling kuwento sa Ingles. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 1990. Nakilála ang kahusayan ni Arcellana sa pagsusulat noong 1932 at estudyante pa lámang sa Torres High School dahil sa pagkakalathala sa Graphic ng kaniyang kauna-unahang katha, “The Man Who Could Be Poe.” Ang kaniyang inilathalang Expression (1934) ay pagsisimulan ng kanilang mahabàng panahon ng pagsusulatan at samahan ni Jose Garcia Villa, isa ring Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan sa wikang Ingles. Bahagi siyá ng Veronicans na binubuo ng 13 manunulat bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig na sumasalungat sa tradisyonal na porma at paksa sa panitikang Filipino. Ang mga akda ni Arcellana ay naisalibro sa The Francisco Arcellana Sampler (1990). Kabílang sa mga kuwento niyáng malimit isáma sa mga antolohiya ang “Divide by Two,” “Flowers of May,” at “The Mats.” Isa namang kuwento niyáng ekperimental ang “Trilogy of Turtles.” Hinahangaan siyá ng maraming kritiko dahil sa masinop at disiplinadong gamit ng wika. Isinilang sa Sta. Cruz, Maynila noong 6 Setyembre 1916, si Arcellana na tinatawag sa pamilya na Paking, ay ikaapat sa 18 mga anak nina Jose Arcellana at Epifania Quino. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Pilosopiya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1939. Naging kagawad din siyá ng Philippine Collegian. Ikinasal siyá kay Emerenciana Yuvienco, na professor emeritus sa UP at may-akda ng The Relevance of Recto Today, at nagkaroon silá ng anim na anak. (1996). Mula 1979-1982, nagsilbing guro si Arcellana sa UP Department of English and Comparative Literature, tagapayo ng Philippine Collegian, direktor ng UP Creative Writing Center, at nagpatuloy magturo hanggang magretiro at sumakabilang-buhay noong 1 Agosto 2002. (RVR) (ed GSZ)

Liwayway A. Arceo (30 Enero 1920-03 Disyembre 1999) Si Liwayway Ablaza Arceo (Li·way·wáy A·blá·za Ar·sé·o) ay isa sa mga nangungunang kuwentista, radio scriptwriter, mananaysay, tagasalin, at editor sa wikang Tagalog. Isinilang siyá noong 30 Enero 1920 sa Tondo, Maynila kina Gregorio Arceo at Amada Ablaza. Nagkaroon siya ng anim na anak sa asawang makatang si Manuel Principe Bautista. Nang makapagtapos sa Torres High school, pumasok siyá sa Balita at naging unang babaeng kawani ng isang pahayagang Tagalog. Gumanap siyá sa pelikulang Tatlong Maria kasama sina Carmen Rosales at Norma Blancaflor noong 1943. Nang muling alukin sa pag-arte, tinanggihan niya ito at mas pinili ang pagsusulat. Noong dekada 50, nagsulat siyá ng mga script para sa Ilaw ng Tahanan, ang unang radio soap opera sa bansa na nagtagal nang halos 10 taon. Siyá rin ang nasa likod ng mga script na binabasa noon ng mga gaya ni Tiya Dely Magpayo sa programang Ang Tangi Kong Pag-ibig at Kasaysayan ng mga Liham ni Tiya Dely noong mga taóng 1960 hanggang 1990; at Helen Vela sa programang Lovingly yours, Helen noong mga taóng 1970. Nakapagsulat siyá nang halos 50 nobela, libong maikling kuwento, sanaysay, at dramang panradyo. Naging pinakatanyag ang kaniyang mga nobelang Canal de la Reina (1972) at Titser (1995). Ang ilan naman sa kalipunan ng kaniyang mga maiikling kuwento ay: Uhaw ang Tigang na Lupa at Iba Pang Katha (1968); Mga Piling Katha (1984); Ina, Maybahay, Anak, at Iba Pa (1990); Ang Mag-anak na Cruz (1991). Naging editor din siyá ng seksiyong Bagong Dugo sa Liwayway at ng seksiyong pangkonsiyumer sa Balita. Marami siyáng isinaling akdang relihiyoso sa wikang Filipino. Ang pinakamalaking proyekto na marahil ay ang pagsasalin ng Bibliya kasama ang kaniyang asawa at iba pang kapuwa manunulat. Naisalin din sa iba’t ibang wika ang kaniyang mga akda tulad ng: Canal de la Reina at Uhaw ang Tigang na Lupa sa wikang Nihonggo at Banyaga sa wikang Bulgaryan, Ruso, at Ingles, at umani ng mga parangal mula sa mga pangunahing institusyong gaya ng Katipunang Pambansa ng Alagad ng Sining, Don Carlos Palanca Memorial Awards, Catholic Mass Media Awards, Cultural Center of the Philippines, Linangan ng Wika sa Pilipinas,Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas, Asian Catholic Publishers, University of the Philippines, at iba pa. (KLL) ed VSA

Tomas Arejola (18 Setyembre 1866-Mayo 1926) Isang makabayang abogado at masipag na Propagandista, si Tomas Arejola (To·más A·re·hó·la) ay isinilang noong 18 Setyembre 1866 sa Nueva Caceres (Lungsod Naga ngayon) sa mariwasang pamilya nina Antonio Arejola at Emeterio Padilla. Nakatapos siyá ng perito agronomo sa Colegio de San de Letran at kumuha ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ngunit nagpunta siyá ng Espanya noong Agosto 1888 at tinapos ang abogasya sa Universidad Central de Madrid. Napalahok siyá sa Kilusang Propaganda nang sumapi sa Asociacion Hispano-Filipino na itinatag ni Miguel Morayta noong 12 Hunyo 1889 at lumakad sa Batas Maura noong 1893. Itinatag pagkuwan ni Tomas ang Circulo Hispano-Filipino na siyá ang unang pangulo at si Mariano Ponce ang kalihim. Naging masipag na manunulat si Tomas sa mga diyaryo sa Espanya at marami sa mga ito ang atake laban sa mga abuso at katiwalaang nagaganap sa Filipinas. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, isinangkot at dinakip siyá at ipiniit sa Carcel Modelo ng Madrid, kasáma ang anim pang miyembro ng Circulo at Mason. Ang kaniyang amang si Antonio Arejola ay dinakip din sa Filipinas at ipinatápon sa Fernando Po sa Kanlurang Afrika. Nang pawalan, ipinagpatuloy ni Tomas ang gawaing propagandista hábang nása Espanya. Nahirang siyáng kinatawan ng Ambos Camarines sa Kongresong Malolos bagaman nása Espanya siyá. Pumunta siyá sa Singapore at sa Hong Kong upang tumulong mag-organisa ng mga Filipino doon. Noong 1902-1906, kasáma siyá ni Mariano Ponce sa Japan. Nang umuwi siyá sa Filipinas, naging aktibo siyáng kasapi ng Partido Nacionalista sa Bikol at nahalal na kinatawan sa Philippine Assembly. Pinakamahalagang ginawa niya ang pagiging isa sa awtor ng Philippine Public Library Act noong 1908. Kumandidato siyáng senador noong 1916 at nagwagi. Gayunman, di siyá nakaupô dahil pinawalangbisa ang halalan dahil sa mga katiwalaan. Nagretiro sa politika si Tomas at namatay noong Mayo 1926. Napangasawa niya si Mercedes Caldera y Olarte ngunit wala siláng naging anak. (GVS)

Deodato Arellano (26 Hulyo 1844-7 Oktubre 1899) Si Deodato Arellano (De·yo·dá·to A·rel·yá·no) ay isang patriyotang Filipino, isa sa mga tagapagtatag ng Katipunan, at naging pangulo nitó. Ipinanganak siyá sa Bulacan kina Juan at Mamerta de la Cruz. Pinalitan ng pamilya ang kanilang apelyido bilang Arellano nang ideklara ng pamahalaang Espanyol noong 1849 na palitan ng mga katutubo ang kanilang apelyido alinsunod sa mga nakalagay sa direktoryo ng Madrid. Nag-aral siyá ng bookkeeping sa Ateneo Municipal de Manila at kalaunan ay nagtrabaho bilang katulong na klerk sa Maynila. Ikinasal siyá kay Hilaria del Pilar, kapatid ni Marcelo H. del Pilar. Kasáma ng mga del Pilar, siyá ay naging aktibong mason. Naging tagakalap siyá ng salapi para sa mga Filipino sa Espanya nang kinailangan ni Marcelo H.del Pilar na tumakas patungong Espanya dahil sa pinaghihinalaang mga subersibong artikulo na lumabas sa Diariong Tagalog. Noong 1892, sumama siyá sa La Liga Filipina, na itinatag ni Jose Rizal nang magbalik sa bansa. Naging kalihim siyá ng samahan. Noong 7 Hulyo 1892, nang ideklara ang pagpapatápon kay Rizal sa Dapitan, itinatag niya kasáma sina Andres Bonifacio, Ladislao Diwa, Teodoro Plata, Valentin Diaz, at Jose Dizon ang Katipunan. Inihalal siyá bilang unang pangulo ng Katipunan. Nang sumiklab ang Himagsikan noong Agosto 1896, nagpunta si Arellano sa Bulacan upang sumáma sa brigada ni Gregorio del Pilar. Nakipaglaban din siyá sa Bulacan noong Digmaang Filipino-Amerikano. Nagkaroon siyá ng tuberkulosis hábang nakikipagdigma sa Cordillera. Inilibing siyá sa La Trinidad, Benguet. (KLL)

Juan M. Arellano (25 Abril 1888-5 Disyembre 1960) Si Juan M. Arellano (Hu·wán eM A·rel·yá·no) ang isa sa pinakamahusay na arkitekto sa kasaysayan ng Filipinas. Marami sa kaniyang mga gusaling nananatiling nakatayô ang itinuturing na dakilang sagisag ng arkitektura at sining na Filipino. Kilalá siyá sa paggamit ng estilong Neoklasiko at Art Deco sa kaniyang mga obra. Ilan sa mga tanyag na likha ni Arellano ay ang: • Metropolitan Theater (1935), Maynila • Legislative Building (1926; ngayon ay kilalá bilang Old Congress Building at tahanan ng Pambansang Museo), Maynila • Manila Central Post Office (1926), Maynila • Negros Occidental Provincial Capitol (1936), Bacolod • Cebu Provincial Capitol (1937), Cebu • Bank of the Philippine Islands Cebu Main Branch (1940), Cebu • Misamis Occidental Provincial Capitol (1935), Oroquieta • Jones Bridge (1916; nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pinalitan ng bagong Jones Bridge) • Center for West Visayan Studies and Museum, UP Visayas (dating Iloilo City Hall), Iloilo • Jaro Municipal Building (ngayon ay tahanan ng pulisya sa Jaro), Iloilo • Malcolm Hall, UP Diliman (Lungsod Quezon) Isinilang siyá noong 25 Abril 1888 sa Tondo, Maynila kina Luis C. Arellano at Bartola de Guzmán. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila. Una niyang hilig ang pagpipinta, at nagsanay siyá sa ilalim nina Lorenzo Guerrero, Toribio Antillon, at Fabian de la Rosa. Pinilì niyang hasain ang talino sa ibang uri ng sining at ipinadala sa Estados Unidos bilang isa sa mga unang pensiyonado sa larang ng arkitektura. Noong 1911, pumasok siyá sa Pennsylvania Academy of the Fine Arts bago lumipat sa Drexel Institute upang tapusin ang kaniyang digri. Nagtrabaho muna siyá sa Lungsod ng New York bago umuwi sa Filipinas. Nanungkulan siyá bilang supervising architect ng Kawanihan ng Pagawaing Bayan kasáma si Tomas Mapua. Bukod sa mga proyektong nakalista sa itaas, lumikha siyá at si Harry Frost ng disenyo para sa Lungsod Quezon, na siyáng magiging bagong kabisera ng bansa. Nagkaroon siyá ng isang anak sa asawang si Naty Ocampo. Ilang taon bago pumanaw, bumalik siyá sa pagpipinta at nagtanghal ng mga obra sa Manila YMCA. Pumanaw siyá noong 5 Disyembre 1960. (PKJ) ed VSA

Manuel E. Arguilla (Hunyo 1911-Disyembre 1944) Isang pangunahing kuwentista sa Ingles si Manuel Estabillo Arguilla (Man·wél Es·ta·bíl·yo Ar·gíl·ya). Nakilála siyá sa kaniyang mga maikling kuwento na nalimbag sa iba’t ibang magasin, tinipon sa koleksiyong How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Stories (1940), at nagwagi ng unang gantimpala sa kategoryang maikling kuwento sa Ingles sa Commonwealth Literary Contest. Itinuturing na pinakamahalaga sa mga kuwento niyá ang “How My Brother Leon Brought Home a Wife,” “Midsummer,” “Long Vacation,” at “Caps and Lower Case.” Walang ulat sa tiyak na araw ng kaniyang pagsilang at kamatayan. Isinilang si Arguilla boobg 1911 sa La Union at anak ng magsasaka at karpinterong si Crisanto Arguilla at ni Margarita Estabillo. Nagsilbing tagpuan ng mga tanawing Ilokano ang kaniyang bayan sa mga hinahangaang kuwento niyá ng katutubong kulay. Mistulang impiyerno naman ang pagtatanghal niyá ng maralita sa lungsod sa “Caps and Lower Case.” Nagtapos siyá ng Edukasyon sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1933. Hábang nag-aaral ay naging kasapi siyá ng U.P. Writers Club at editor ng The Literary Apprentice. Nagturo siyá sa University of Manila at naglingkod na editor ng publikasyon ng Bureau of Public Welfare noong 1943. Naging asawa niyá si Lydia Villanueva na isa ring manunulat. Ang kanilang tirahan sa Ermita, Manila ay tinaguriang “The Porch” dahil nagsilbing tagpuan ng mga artist, manunulat, at patron ng panitikan. Sa panahon ng Pananakop ng mga Hapones ay kumilos siyáng espiya ng mga gerilya, nadakip noong Oktubre 1944, pinarusahan sa Fuerza Santiago, at hindi na nakitang buháy. (JGP) (ed VSA)

arikenkén Isang tradisyonal na sayaw ng mga Ilokano ang arikenkén. Sa ibang bahagi ng Hilagang Luzon, tinatawag itong pandánggo. Malimit na tuwing pista isinasagawa ang arikenken sa harap ng maraming manonood. Sa sayaw na ito, isang pares na lalaki at babae ang tila gumagawa ng pagpapakahulugan sa naririnig niláng sinasabi ng awit na dállot. Naghahabulan ang lalaki at babae sa entablado batay sa takbo at daloy ng ibinabahaging berso. Walang tiyak na kilos sa pagsasayaw ng arikenken maliban sa ginagawang pang-aakit ng babae at ang pagtatangkang makuha ng lalaki ang panyong nakasabit sa balikat ng babae. Nagiging katatawanan ito sa mga tagapanood kapag nahihirapan ang lalaki na makuha ang babae o kung malayòng-malayò ang interepretasyon ng mga mananayaw sa bersong pinakikinggan. Isa na sa matatandang uri ng sayaw ang arikenken. Nagiging iba ito sa mga tradisyonal na sayaw ng bansa, gaya ng kumintang at ng pandanggo sa ilaw, sinasayaw ito sa saliw ng isang uri ng sining, ang dallot. (SJ)

Guhit ni Jose Honorato Lozano

arnís Ang arnís ay isang sining ng pakikipaglaban ng mga Filipino na kapuwa pandepensa at pang-opensa. Bagaman kilala itong gumagamit ng sandata lalo na ng dalawang patpat na karaniwang yari sa yantok o kamagong, ang mga kasangkapang ito ay itinuturing na ektensiyon lamang ng mga kamay at kakayahan ng manlalaro. Nagsimula ang paglalaro ng arnis bago pa dumating ang mga Espanyol. Ginagamit ito ng mga tribu sa pakikipaglaban sa kanilang mga kaaway. Ipinagbawal ito nang dumating ang mga Espanyol. Sa kabila nitó, patuloy ngunit palihim na nagsanay ang mga Filipino sa paglalaro nitó. May mga pagkakataong isinasagawa nila ito sa publiko maging sa harap ng mga Espanyol ngunit sa paraang artistiko, bilang bahagi ng dulang moro-moro. Dito, nakasuot ang mga Filipino ng damit ng mga Espanyol na sundalo na tinatawag na arnes at kunwa’y nakikipaglaban sa mga kaaway. May tatlong pamamaraan sa paglalaro ng arnis: ang espada y daga (espada at punyal), solo baston (isang patpat), at sinawali (maghabi). Sa huli, gumagamit ng dalawang patpat na magkatulad ang habà at iminumuwestra ang galaw ng paghahabi tuwing nakikipaglaban. Sa kasalukuyan, itinuturo ito sa ilang paaralan bilang bahagi ng Edukasyong Pampalakasan. Kabílang sa mga kinikilalang maestro ng modernong arnis sina Venancio “Anciong” Bacon, Dan Inosanto, Cacoy Canete, Mike Inay, Remy Presas, at Ernesto Presas. (GB) (ed GSZ)

aroskáldo Mula sa Espanyol na arroz caldo, ang aroskáldo ay nilutong bigas na may sabaw at sahog na manok at luya. Sa malawak na paraan, isang uri ito ng lúgaw (porridge o congee sa Ingles) na nilutong bigas (kánin sa Tagalog) na may sabaw at sahog. Pinakasimpleng lugaw ang walang anumang sahog. Karaniwang ipinakakain ito sa maysakit.Ngunit sa pagtakbo ng panahon ay lumitaw ang mga lugaw na may iba’t ibang sahog. May lugaw na may sahog na isda, hibi o hebe, itlog, at karne. Ang lugaw na may lamáng-loob (bituka at kalyos) ng báka ay tinatawag na góto. Ang lugaw na may tokwa at baboy ay malimit na tawaging tókwabáboy (itinatawag din ito sa putaheng walang lugaw at nakababad sa toyo). Hindi malinaw kung naimbento lámang ang aroskaldo noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Ngunit itinuturing itong higit na espesyal na lugaw at paboritong ihanda bilang putaheng panghatinggabi sa Bagong Taon. Bago kainin ang lugaw, malimit na tinitimplahan ito ng patis, toyo, bawang, paminta, o kalamansi. Malaganap ang lugaw sa mga bansang bigas ang pangunahing pagkain sa Asia. Tinatawag itong xifan sa Tsina, okayu sa Japan, juk sa Korea, at ganji sa India. (VSA)

mula sa Kulinarya, A guide to Philippine Cuisine

árras Tinatawag ding mga “baryang pangkasal” ang árras binubuo ito ng labintatlong gintong barya na inihahandog ng lalaki sa babae sa loob ng seremonya ng kasal na Kristiyano. Malaganap ang kaugaliang ito sa Espanya, kayâ isang salitâng Espanyol ang arras, Amerika Latina, at Filipinas. Ang orihinal diumanong kahulugan nitó ay “paunang-bayad,” “presyo ng nobya,” o “yaman ng nobya.” Ngunit sa seremonya ng kasal, nangangahulugan ito ng mahigpit na pagkakaisa. Kalakip ng inihahandog na arras ang sumpa ng nobyo na idulot ang lahat ng pangangalaga para sa pangangailangan ng bagong pamilya. Sa Espanya, nakalagay ang arras sa isang munti’t may dekorasyong kahon na tinatawag na madrina de arras. Sa Filipinas, inilalagay ang mga gintong barya sa isang lukbutan o basket. Binabasbasan muna ito ng pari bago ibuhos ng nobyo sa nakabukás na mga palad ng nobya. Bakit labintatlo ang barya? Sumasagisag diumano kay Kristo at sa labindalawang apostoles. Inuugat ang arras sa matandang kaugalian kaugnay ng dóte. Bahagi noon pa ng pag-iisang-dibdib sa Filipinas ang pagbibigay ng “bigay-káya” na binubuo ng salapi o ari-arian mula sa isang panig ng mga pamilya ng ikakasal. Sinasabing mula ang arras sa pagbibigayan ng gintong singsing sa lipunang Visigoth. Sa sinaunang Roma, bahagi ng kasal ang pagbiyak sa ginto o pilak sa dalawang piraso upang paghatian ng ikinakasal. Sa matandang Espanya, ang paghahandog ng mga barya ay kumakatawan sa dote para sa nobya at isang sagisag tungo sa mabilis na prosperidad ng mag-asawa. (VSA)

Gloria M. Macapagal-Arroyo (5 Abril 1947—) Nang patalsikin ng Pag-aalsang EDSA II noong 20 Enero 2001 si Pangulong Estrada, pumalit ang kaniyang pangalawang-pangulo na si Gloria M. Macapagal-Arroyo (Glór·ya Em Ma·ka·pa·gál Ar·ró·yo). Tinapos ni Pangulong Arroyo ang natitirang panahon ni Pangulong Estrada, muling kumandidato at nagwaging pangulo ng Republika ng Filipinas sa eleksiyong 2004. Isinilang si Gloria noong 5 Abril 1947 sa San Juan, Rizal (Lungsod San Juan ngayon) at panganay sa dalawang anak ni Pangulong Diosdado Macapagal kay Evangelina Macaraeg. Taga-Pampanga din ang Macaraeg ngunit nagkaroon ng bahay at ari-arian sa Lungsod Iligan. Malaking bahagi ng kamusmusan ni Gloria ang ginugol sa Lungsod Iligan. Bumalik sa Maynila si Gloria noong 1957, nag-aral sa Assumption College, nag-aral sa Georgetown University noong 1964, nagtapos sa Assumption College ng Batsilyer sa Komersiyo magna cum laude noong 1968, at napangasawa si Jose Miguel (Mike) Tuazon Arroyo. Tatlo ang anak nilá: sina Juan Miguel na naging kongresista, Evangeline Lourdes, at Diosdado Ignacio Jose Maria na naging kongresista din. Nag-Master sa ekonomiks si Gloria sa Ateneo de Manila, at nagdoktorado sa Unibersidad ng Pilipinas. Maligalig ang panunungkulan ni Pangulong Arroyo. Una, marami ang naniniwala na hindi makatarungan at labag sa Konstitusyon ang pagtanggal kay Pangulong Estrada, bukod sa naging biktima lámang ang pinaalis ng sabwatan ng mariwasa’t makapangyarihan sa lipunan. Noong 2003, isang pangkat ng sundalo ang nagsagawa ng Makati Mutiny bilang pagtutol kay Pangulong Arroyo. Nangako siyáng hindi na kakandidato noong 2002 ngunit biglang nagpahayag ng kandidatura para sa eleksiyong 2004. Nilabanan siyá ng popular na artistang si Fernando Poe Jr. Nanalo man si Pangulong Arroyo, lumitaw pagkuwan ang kasong “Hello Garci” at kaugnay ng sinasabing malawakang dayaan sa eleksiyon upang manalo si Pangulong Arroyo at mga kaalyado. Noong 2003, inimbestigahan ng Senado ang kasong “Jose Pidal” at bahagi ito ng mga akusasyon hinggil sa malakihang korupsiyon at pagnanakaw na pinayagan ni Pangulong Arroyo at nagsasangkot sa kaniyang asawa. Ang malawakang pagkatálo ng mga kandidato ni Pangulong Arroyo sa eleksiyong 2010 ay itinuturing na katibayan ng pagbagsak ng kaniyang pangalan sa tingin ng taumbayan. Gayunman, tumakbo siyá at nagwaging kongresista ng Pampanga. (VSA)

arróz ala valenciána Ang arróz ala valenciána, na kilala rin bilang arósbalensiyána, at balensiyána, ay lutong kanin na hinaluan ng karne at iba pang pampalasa. Akmang-akma ang putaheng ito sa hilig ng mga Filipino sa kanin. Dahil sa pagiging hitik nitó sa sahog—pinagsáma na itong kanin at ulam—at dahil hindi rin ganoon kahirap ang paghahanda nitó nang maramihan, malimit ihain ang arroz valenciana sa mga okasyong tulad ng pistang-bayan o bangketeng pampamilya. Puwede rin itong isilid sa mga lalagyan bilang pambaon o pampiknik. Maituturing itong kapatid ng isa pang paborito ng Pinoy, ang paelya, at tulad ng nabanggit ay nagmula sa lutuing Espanyol. Ginagamitan ito ng malagkit o regular na kanin, karne ng manok, tsoriso, at iba pang sahog na tulad ng patatas, sili, at nilagang itlog. Nakaugalian ding ihalò ang gatas ng niyog. Maaari itong lagyan ng serbesa o putîng alak bilang dagdag pampalasa. Sa dami ng kanin at laki ng kawaling ginagamit, natututong ang mga gilid at ilalim ng arroz ala valenciana samantalang nanatiling basâ at malambot ang nása gitna. Malimit na pag-agawan ng mga kakain ang masarap at malutong na tutong! (PKJ)

arsobíspo Ang arsobíspo ay isang miyembro ng kaparian na may mas mataas na ranggo at katungkulan kaysa mga regular na obíspo. Karaniwang siyá ang namumunò sa isang mahalaga o pangunahing diyosesis, at bunga ng lawak o pagiging makasaysayan nitó ay tinatawag na artsidiyosesis. Siyá rin ang namumunò sa mga obispo ng nasasakupan niyang artsidiyosesis. Bagaman walang pagkakaiba ang opisyal na kasuotan ng arsobispo at ng obispo, ang mga arsobispo ng mga arkidiyosesis ay nakikilála sa mga maliturhiyang seremonya gamit ang palyum. Ang arsobispo ay karaniwang may eklesyastikong sombrero na may sampung kalapay sa magkabilang gilid, samantalang ang obispo naman ay may eklesyastikong sombrero na may anim na kalapay. Ang pagkabakante ng puwesto ng arsobispo ay pinupunan sa paraang katulad ng pagpunô sa nawalang regular na obispo. Maaaring ito ay sa pamamaraan ng eleksiyon, presentasyon o nominasyon, o direktang paghirang ng Papa. Kung ang nahirang na bagong arsobispo ay isang pari, siyá ay makatatanggap ng episkopal na konsekrasyon. Kung ang nahirang naman ay isa nang obispo, siyá ay mataimtim na itatalaga sa kaniyang bagong opisina. Ngunit hindi ang konsekrasyon o ang pagtatalaga ang magsasabi na isa na siyáng ganap na arsobispo. Bagkus ito ay ang kaniyang pagkahirang na mamunò sa isang artsidiyosesis. (MJCT) ed VSA

Archbishop Jose S. Palma ng Cebu

Artes y reglas de la lengua tagala Ang Artes y reglas de la lengua tagala (ár·tes i rég·las de la léng·gwa ta·gá·la) ang unang nalathalang pag-aaral sa katangian at gramatika ng isang wikang katutubo. Inilathala ito noong 1610, isinulat ni Fray Francisco Blancas de San Jose, isang misyonerong Dominiko at inilimbag ni Tomas Pinpin sa imprentang Dominiko sa Abucay, Bataan. Nagkaroon pa ng dalawang limbag ang libro noong 1752 at 1832. Tulad ng iba pang unang libro sa gramatika ng ibang wika sa Filipinas, inihanda ni Fray San Jose ang Arte y reglas para sa susunod na mga kapuwa misyonero upang higit siláng mabilis matuto ng wika ng katutubo. Naging patakaran ng mga misyonero sa Filipinas na silá ang mag-aral ng wika sa pook ng kanilang destino sa halip na sapilitan niláng ituro ang Espanyol sa mga Indio. Dahil dito, mga misyonero ang unang nag-aral at sumulat ng gramatika ng mga wikang katutubo na pinagpalaganapan nilá ng Kristiyanismo. Napakahalaga nitó sa naganap na preserbasyon ng mga wikang katutubo sa Filipinas sa kabilâ ng tatlong dantaon ng kolonyalismong Espanyol. Si Fray San Jose ay isinilang sa Navarra, Espanya at dumating sa Maynila noong 1595. Kahanga-hanga ang kaniyang talino sa pag-aaral ng wika. Sa Bataan siyá unang nadestino at sa loob ng tatlong buwan ay nakapagsesermon na sa Tagalog. Dahil sa dalubhasa sa Tagalog, nilagyan niya ng titik na Kristiyano ang mga katutubong awit upang maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng bagong relihiyon. Sumulat din siyá ng mga tula at maituturing na unang makatang misyonerong naglathala ng tula. Lumabas ang mga unang tula niya bilang patulang bersiyon ng mga pagninilay niya sa Sampung Utos sa libro niyang Memorial de la vida cristiana en lengua tagala (1605). Isa rin siyá sa unang nagtipon ng salitâ para sa bokabularyong Tagalog na itinuloy ng ibang mga misyonero pagkamatay niya. (VSA)

arudíng Ang arudíng ay isang instrumentong pangmusika ng mga Tagbanwa, isang pangkating etniko na matatagpuan sa gitna at hilagang Palawan, at karaniwang gawa sa kawayan at hinihipan upang makalikha ng tunog. Katulad ito ng kubíng o kumbíng ng mga Magindanaon at Mëranaw na maliit, manipis, at makitid na instrumentong yari sa kawayan, bronse, o metal, iniipit sa pagitan ng mga labì, kinakalabit ang matulis na dulong may dila upang lumikha ng tunog na umaalingawngaw sa loob ng bibig. Nagbabago ang tono sang-ayon sa pagsasara at pagbuka ng bibig ng nagpapatugtog nitó. Kinikilala ito ng mga Yakan, ang pangkating etniko na matatagpuan sa pulo ng Basilan at karatig na lugar, bilang kulaing. Tinatawag naman itong barimbang ng mga Hanunuo, na isa sa mga pangkating etniko ng Mangyan na matatagpuan sa timog Oriental Mindoro. Sa mga Tinggian, kilala ito bilang kulibaw. Sa pamamagitan ng itak o kutsilyo, inuukitan ang kawayan na karaniwang kalahating talampakan ang habà at nilalagyan ito ng piraso ng batong munti. Madalas na pinagdidikit ang mga ito sa pamamagitan ng pulútpukyutan. Isa ang arudíng sa mga instrumentong itinuturing na taimtim at nauukol sa malalapit na kapamilya o minamahal. Ginagamit din ito ng kalalakihan sa panliligaw. (ECS) ed VSA

asaról Ang asaról, o hoe sa Ingles, ay isang pangunahing kasangkapan sa agrikultura na ginagamit sa pagbungkal ng lupa. Ito ay pangkaraniwang ginagamit sa paghahalaman, una, sa pagbungkal ng lupang gagawing taniman; ikalawa, sa paghukay sa lupang huhulugan ng binhi o tatamnan ng supling; ikatlo, sa pagbungkal ng lupa sa paligid ng halaman at pagaalis ng damo. Ginagamit din ito sa paghukay o pag-ani ng mga halamangugat na tulad ng kamote, ube, at patatas. May iba’t ibang klase ng asarol depende sa anyo at gamit. Halimbawa, ang collinear hoe na may manipis at matalas na talim na ginagamit sa pagtanggal ng mga damong ligaw. Ito ay hindi maaaring gamitin sa pagbubungkal o paglilipat ng lupa. Samantala, ang dego hoe na tipikal na ginagamit sa pagtatanim ay may malaki at malapad na talim at pantay na gilid. Ito ang karaniwang ginagamit sa paghahalaman sa Filipinas. Ilan pa sa mga klase ng asarol ay ang dutch hoe at stirrup hoe. Dapat ding banggitin ang píko na isang kasangkapang may dalawang talim ang ulo. Ang isang talim ng piko ay tulad ng asarol, ngunit may kakambal itong talim na matulis at ginagamit sa pagbasag ng bato at ibang matigas na bagay sa lupa. Bukod sa pagtatanim, karaniwan ring ginagamit ang asarol ng mga propesyonal na arkeologo at maging ng mga minero sa paglilinis ng malalaking lugar. Mas mabilis itong gamitin at nagbubunga ng mas malinis na hukay kaysa iba pang kasangkapan. (MJCT) ed VSA

Asian Development Bank Ang Asian Development Bank (ADB) ay itinatag noong 22 Agosto 1966 upang mapaunlad ang buhay ng mga tao sa Asia at sa Pasipiko. Nilalayon nitóng matulungan ang umaabot sa 1.8 bilyong maralita sa rehiyon sa pamamagitan ng mga grant at pautang. Tumutulong din ang ADB sa edukasyon at pagsasanay ng mga eksperto, pagsusuri sa mga patakarang pangkabuhayan, at pagtulong sa pamumuhunan. Nagsimula ito sa 31 miyembro at tinanggap ang mga miyembro ng United Nations Economic and Social Commission for Asia and the Pacific (UNESCAP). Sa ngayon, may 67 miyembrong bansa ito, na 48 ang mula sa loob ng Asia at 19 ang mula sa labas ng kontinente. Itinulad ang organisasyon nitó sa World Bank, at tulad ng huli, may sistema ito ng tinitimbang na pagboto— ang ibig sabihin ang mga boto ay ipinamamahagi alinsunod sa suskrisyong kapital ng miyembro.Sa ganito, ang Estados Unidos at Japan na may pinakamalaking bahagi ng puhunan ay may pinakamalaking bahagi din ng mga boto. Sumusunod bilang ikatlo at ikapat ang Tsina at India.Aang pangunahing himpilan nitó ay matatagpuan sa Lungsod Mandaluyong, Metro Manila, Filipinas. May mga opisina din ito sa iba pang 26 bansa. Tumutulong ang ADB upang mapaunlad ang iba’t ibang larangan, tulad sa impraestruktura, serbisyong pangkalusugan, at sistemang may kinalaman sa pinansiyang pampubliko. Aktibo ito sa edukasyon ng mga nasyon upang mapaghandaan ang mga panganib na dulot ng climate change at kung paano gagamitin sa tamang paraan ang mga likás na yaman. Noong 2011, halos $21.72 bilyon ang naitulong ng ADB sa iba’t ibang bansa. Sa nakaraang anim na taón lámang, nakapagpaayos ito ng 135,000 silid-aralan, nakapagsanay ng 660,000 guro, nakapagpagawa ng 44,300 kilometro ng kalsada, nag-instala ng 300 megawatt ng bagong kapasidad pang-elektrisidad, at napalaki sa mahigit 2.7 milyon ang mga bagong microfinancing account. (VSA)

asín Putîng-putî at pinong butil na mineral ang asín at karaniwang nagbibigay lasa sa mga pagkaing iniluluto o sa mga pagkaing prutas man o gulay na kinakain nang hilaw katulad ng manga, bayabas, pipino, pinya at iba pa. Mahalagang sangkap ang asin sa preserbasyon ng mga karne, halimbawa sa pagtatapa; ng mga isda, halimbawa sa pagdadaeng; ng mga gulay, halimbawa sa pag-aatsara; at ng mga itlog, halimbawa sa paggawa ng itlog na maalat. Sa mga katutubong kultura sa Cordillera, mahalaga ang asin sa bundok sa pagprepreserba ng karne na tinatawag nilang etag. May siyentipikong pangalan na sodium chloride sa Ingles, ang asin ay natural na elemento ng tubig alat. Sa Dasol (mula sa pinagsámang da (Eng ‘the’) sol (Esp ‘salt’), ang lugar ng industriya ng asin sa Pangasinan, maraming salt marshes, mga bahagi sa pampang sa tabing dagat na maraming tubig alat at dinadaanan sa prosesong salinasyon upang maihiwalay ang asin sa tubig alat. Sa panahon ngayon ang prosesong ito ay pinapabuti pa sa pamamagitan ng paghahalo ng yodo (iodine) sa asin. Mas kilala sa tawag na iodized salt, ito ang gamot o panlaban sa buklaw o bosyo, isang sakit kapag lumalaki ang thyroid glands sa leeg. (PGD)

áso Isang hayop na naaalagaan ang áso (Canis lupus familiaris), tinatawag na dog sa Ingles at perro sa Espanyol, at may iba’t ibang lahi, laki, at gamit sa tao. Sa taksonomiyang siyentipiko, ang áso ay subspecies ng gray wolf (Canis lupus) na miyembro ng pamilyang Canidae sa order na Carnivora ng mamalya. Ang domestikadong áso ngayon ay ipinalalagay na nagmula sa gray wolf mga 15,000 taón na ang nakararaan, bagaman may mga fosil ng domestikadong áso na natagpuan sa Siberia at Belguim na may edad na 33,000 taón. Maaaring ang áso ang unang hayop na inalagaan at ginamit sa iba’t ibang gawain, mula sa panghuhúli ng ibang ilahas na hayop (“pangangáso” sa Tagalog), paghila ng mabigat na bagay, pagpapastol ng kawan, bantay kung gabi, at kasa-kasáma sa bahay at paglalakbay. Kayâ tinawag itong “Man’s Best Friend” sa Kanluran. Ngayon, ginagamit itong patnubay ng may kapansanan, tagaamoy ng droga at anumang hinahanap ng pulisya. Espesyal din itong putahe sa ilang bansa, gaya sa tinatawag na “asuséna” ng mga lasenggo sa Filipinas, sa kabila ng paghihigpit ng batas laban sa pagkain ng áso. Sa mitolohiyang Griyego, si Cerberus ay isang áso na may tatlong ulo at bantay ng tarangkahan ng Hades. Sa mitolohiyang Filipino, si Kimat ay alagang áso ni Tadaklan, ang bathala ng kulog. Ang áso ay sagisag ng katapatan sa Kristiyanismo. Sa Islam, ang áso ay tinitingnang marumi. Sa mga bansang Asyano, gaya ng Tsina, Korea, at Japan, itinuturing ang áso na tagapagtanggol. May mga lahi ng áso na bantog sa tapang, gaya ng bulldog, at trabaho, gaya ng German Shepherd at Saint Bernard. Pinakamaliit na áso ngayon ang Yorkshire Terrier, pinakamalaki ang English Mastiff, at pinakamataas ang Great Dane. Dahil sa modernong paraan ng pagpapalahi ay nagkakaroon ngayon ng mga áso na iba-iba ang itsura at ugali. Ang sukat ng Chihuahua ay naglalaro sa anim na pulgada hanggang 2.5 talampakan. Ang kulay ng Irish Woldhound ay naglalaro sa putî, abuhin, hanggang itim. May mga klinika ngayon para sa alagang áso. Ipinakabibilin ang pag-iingat na makagat ng áso. Kailangan ding pabakunahan ang alaga laban sa mga sákit at kamandag na naisasalin sa tao. (VSA)

asóge Ang asóge (mula sa Espanyol na azogue), tinatawag ding mercury at quicksilver, ay mabigat na element at metalikong kemikal, may atomic number 80 at symbol na Hg, at likido sa katamtamang temperatura. Ang simbolo nitó ay mula sa salitang Griyego na hydrargyrum (hydra na nangangahulugang tubig o likido at argyros na nangangahulugang pilak). Mayroon itong 38.83 °C freezing point at 356.73 °C boiling point. Karaniwang nása anyong sinabriyo (cinnabar) ang asoge. Nakalalason ang sinabriyo kapag ito ay nasubo o nalanghap ang alikabok mula dito. Nakalalason din ang kontak sa nása anyong likido ng asoge na gaya ng methylmercury, paglanghap ng mercury vapour, at pagkain ng mga lamang-dagat na kontaminado nitó. Mayroong natagpuang asoge sa libingan sa Ehipto na may edad na 1500 BC. Sa Tsina at Tibet, pinaniwalaan noong nakapagpapahabà ng buhay ang pag-inom nitó. Ang mga sinaunang Griyego naman ay ginamit itong pamahid sa katawan habang ang mga sinaunang Ehipsyo at Romano ay inihahalo ito sa mga kosmetiko. Pinaniwalaan noon ng mga alkemista na ang pagsasama ng asoge sa transmutasyon ng mga metal na di-dalisay ay makalilikha ng ginto. Ginagamit ang asoge sa paggawa ng mga kosmetiko at instrumentong gaya ng termometro, barometro, at fluorescent lamp. Naging laganap din ang paggamit sa medisina sa pamamagitan ng dental amalgams, vaccines, at topical antiseptics. Sa kontemporaneong panahon, bagaman laganap na ang kaalaman sa taglay na lason ng mercury at ipinatigil na sa ilang bansa ang paggamit nitó, pinakamalakas pa rin ang produksiyon nitó sa mga bansang gaya ng Tsina, Kyrgyztan, at Peru. Naitala ang ilang malalalâng insidente ng mercury poisoning sa Minamata, Japan noong mga taóng 1950 at sa Iraq noong mga taóng 1970. Mahalaga ang asoge sa industriya ng minahan, partikular sa mga smallscale mining industry sa Filipinas. Ito ang ginagamit upang mapaghiwalay ang ginto sa mga naminang ore sa prosesong tinatawag na amalgamasyon. Popular ang prosesong ito sa mga small-scale mining industry dahil madalî itong gawin at mayroon lamang maliit na puhunan. Mano-mano itong isinasagawa ng mga minero. (KLL) ed VSA

asóhos Ang isdang asóhos ay kabilang sa pamilya Sillaginidae at ang pinakakilaláng uri ay ang Sillago. Matatagpuan ito sa kanluran ng Indo-Pasipiko, mula Red Sea at Knysna, Timog Aprika hanggang Japan at Timog Australia. Ang katawan ng asóhos ay pahabâ, may maliit at matalas na bibig. May dalawang palikpik sa likod, ang unahan ay may 10-13 payat na tinik samantalang ang likod na palikpik ay may isang tinik at 16-27 malambot na tinik. Ang buntot sa puwit ay mahabà at may dalawang tinik. Maraming uri ng asohos at ang pangkaraniwan ay ang Sillago sihama. Ang palikpik sa likod ay may 11-13 tinik samantalang ang palikpik sa puwit ay may 2 tinik. Ang pantog panlangoy ay may tigalawang dugtong sa unahan at hulihan. Mababà ang linya sa gilid ng katawan at may 70 kaliskis. Ito ay may karaniwang habà na 20 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 31 sentimetro. Ang pinakamatanda naman ay pitóng taon. Ang asohos ay naglalagi sa baybayin, buhangin, bakawan, at estuwaryo. Ito ay makikita rin sa mga tubig tabáng. Lumalangoy nang magkakasáma, kapag nabulabog ay inililibing ng mga tigulang ang kanilang sarili sa buhangin. Kumakain ito ng plangkton, uod, maliliit na isda at hipon. Bihira ang nahuhúli ng galadgad. Ito ay ibinebenta nang sariwa o inilagay sa yelo. Sa Filipinas, ang asohos ay kasama sa talaan ng mga isdang pinoprotektahan ng batas sapagkat ito ay naglalakbay sa pagitan ng dagat at mga ilog. Ipinagbabawal ng Philippine Fisheries Code o Republic Act 8550 at Fisheries Administrative Order 217 ang pagtatayô ng kahit na anong uri ng estruktura sa mga ilog at estuwaryo na maaaring humarang sa pagdaan ng mga isdang naglalakbay tulad ng asohos. (MA)ed VSA

asóla Ang asóla o azolla ay kimpal ng yerbang pantubig na may maliit na sanga, at payát ang mga ugat. May pangalang siyentipiko ito na Azolla pinnata. Katutubo ito sa Filipinas, at matatagpuan din sa ilang bahagi ng Aprika, Asia at Australia. Dalawampu hanggang 30 bahagdan ng asóla ay protina kayâ idinadagdag din ito sa patuka ng manok. Nabubúhay ang asóla sa tahimik at may mabagal na agos na anyongtubig, dahil sinisira ng malakas na agos o alon ang halaman. Humahabà nang hanggang 2.5 sentimetro ang patatsulok nitóng sangang maberde na lumulutang sa tubig. Tinutubuan ang sanga-sanga nitó ng bilugan o may kantong mga dahon na nagpapatong-patong at may habàng isa hanggang dalawang milimetro. May kulay na berde ang dahon nitó, na mangasulngasul, o kung minsa’y madilim na pulá na nababalutan ng maliliit na tila buhok kaya may datíng itong tila tersiyopelo. Dahil sa mabuhok na rabaw ng dahon kayâ ito hindi napapasok ng tubig at lumulutang kahit itulak pababâ sa tubig. Inilalayô rin nitó ang asóla sa ibang mga halaman. Nagtataglay ang dahon nitó ng cyanobacterium Anabaena azollae na tumutulong sa pagsasaayos ng nitroheno sa atmospera upang magamit ng halaman. Tinutulungan nitó ang asóla na mamuhay sa mga lugar na may mababàng nitroheno. Humahabà naman ang ugat nitó palalim sa tubig. Madalas na ituring na peste ng daang-tubig ang asóla dahil binabawasan nitó ang oksiheno sa tubig. Samantala, pinatutubò naman ito ng mga magsasaka sa kanilang taniman ng palay dahil nga tumutulong ito sa paglikha ng nitroheno, na nakatutulong naman sa pagpapataba ng lupa. May kakayahan din ang asóla na sumipsip ng polusyong metal, tulad ng tingga, sa tubig. (ECS) ed VSA

asoséna Ang asoséna ay isang pagkain na gawa sa karne ng aso. Mapaglaro ang pangalan ng naturang pagkain.Sa isang bandá, pinagdudugtong nitó ang “aso” at “sena”—mula sa cena ng Espanyol na nangangahulugan ng pagkaing hapunan. Sa isa pang bandá, ipinahihiwatig nitó ang sarap sa halimuyak ng bulaklak na “asusena.” Sinasabing sumikat ang salitang asosena dahil sa pelikulang “Asucena” na isinulat ni Enrique Ramos at idinirehe ni Carlos Siguion-Reyes noong 2000, bagaman matagal na itong nilikhang pangalan sa paboritong pulutan ng mga lasenggo. Karaniwan itong pulutan sainuman. Gayunman, may mga pook na mahilig sa asosena bilang ulam. Sinasabing mainam itong pampababà ng presyon ng dugo. Itinuturing itong di gaanong makolesterol dahil ang karne ng aso ay mapulá-pulá na maputî-putî, may maninipis na tabâ, at medyo matigas at mahibla. Malaganap ang pagpatay at pagkain sa mga aso dahil na rin sa múra ito kaysa iba pang pagkukunan ng karne. Inilalaga ang karne, ngunit higit na popular ang kaldereta, lalo na ang kompleto sa rekadong pampalasa. Ipinagbabawal sa Filipinas simula noong 1998 ang pagkain ng karne ng aso. Ayon sa Republic Act No. 8485 o mas kilala bilang ang Animal Welfare Act, bawal patayin at kainin ang aso maliban na lamang kung bahagi ng mga panrelihiyong ritwal tulad ng mga isinasagawa ng ilang katutubong pangkat sa Hilagang Luzon. Sa Metro Manila, pinagtibay pa ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ordenansa bilang 8205, na nagbabawal sa pagkain at pagbebenta ng karne ng aso. (MJCT) ed VSA

asotéa Ang asotéa, o azotea sa Espanyol, ay isang balkonahe likod o gilid ng bahay-na-bato na karaniwang yari sa bato o kongkreto. Maaaring malapad o maliit ito depende sa lapad din ng bahay. Ginagamit itong pahingahan habang nakatunghay sa malaking bakuran. Binabakuran din ito ng bato o kongkreto at nilalagyan ng mga palamuti tulad ng mga ornamental na halaman. Karaniwang kailangan munang pumapasok sa loob ng ikalawang palapag ng bahay upang marating ang asotea. Ngunit may mga bahay-nabato na may hiwalay na hagdan patungo sa asotea. May mga asotea na may butas para sa pagsalok sa balon sa ibabâ at katabi ng kusina at labahan. Maraming silbi ang asotea. Bukod sa pahingahan, ginagamit itong pook kainan lalo’t mainit ang panahon. Ginagamit din ito sa maliliit na pulong. Isang magandang tagpo sa Noli me tangere ang kabanatang “Suyuan sa Asotea.” Sa nobela, sa asotea nag-usap sina Ibarra at Maria Clara upang magkasarilinan at hindi marinig ng iba ang kanilang pag-uusap. Kadarating ni Ibarra mula sa matagal na pag-aaral sa Europa at halata ang pananabik ng magkasintahan sa isa’t isa. Sa nabanggit ding asotea naganap ang hulíng pag-uusap ng dalawa sa nobela dahil papatakas si Ibarra pagkatapos mabilanggo. (MJCT) ed VSA

aspálto Ang aspálto, karaniwang tinatawag na bitumen sa Europa, ay pinaghalòhalòng alkitran, bato, buhangin, at apog. May melting point o antas ng pagkatunaw ito na 54-173°C at boiling point o antas ng pagkulo na higit pa sa 3000 °C. Dahil na rin sa madikit at malapot nitóng katangian, ang aspalto ay ginagamit na pantambak sa kalye, pantapal sa bubong, at proteksiyon sa mga produkto para hindi pasukin ng tubig o waterproof. Ginagamit din ito bilang pangunahing materyales sa mga pinturang hindi nakasisira sa metal. Ang natural na anyo ng aspalto ay nabuo mula sa mga patay na algae na naipon sa ilalim ng dagat. Sa matinding init at bigat ng pagkakabaón sa putik sa matagal na panahon, nagbabago ang kemikal na komposisyon ng patay na algae hanggang naging aspalto. Madalîng matunaw ang aspalto pag inihalò sa carbon disulfide. Dinadagdagan ito ng kerosin o langis kung kailangang ibiyahe nang malayò para manatili ang tamang lapot. Kailangan ding manatili ang temperatura ng kinalalagyan nitó sa 150°C. Ang purong aspalto ay mabilis masunog. Kayâ kapag inabot ng apoy, hindi ito dapat gamitan ng tubig kundi ng carbon dioxide, dry powder, o foam. (CID) ed VSA

asúkal Ang asúkal, mula sa Espanyol na azucar, ay produkto mula sa tubó, sugar beet, at nakukuha rin sa prutas, pulút, at sorghum. Karaniwang tinatawag na asukal ang kristalinang mga munting butil mula sa katas ng tubó, kinakain, at matamis. Sa wika ng siyentipikong nutrisyon, may tatlong uri ito: ang sucrose, lactose, at fructose. Ang sucrose na karaniwang ginagamit na asukal na pantimpla sa kape at pagkain sa mesa ay makukuha din sa pulút, bungangkahoy, at pakwan at milon. Ang lactose ay karaniwang makukuha sa gatas, samantalang ang fructose ay makukuha sa ibang pagkaing gaya ng prutas. Ang asukal ay itinuturing na carbohydrate at may 15 kalori bawat kutsarita. Ang carbohydrate ay nagdudulot ng lakas sa utak at sa mga masel ng tao. Ang tubó ay isang uri ng damo na malaganap sa Asia. Gayunman, tinatanggap na nagmula ang paggawa ng asukal sa India. Sinasabing iniuwi ito sa Europa ni Alejandro ang Dakila mula sa pagsakop ng India. Sa ika12 siglo, nagluluwas na ng asukal ang Venice. Dinala ito ni Columbus sa Amerika, nagkaroon doon ng malakihang plantasyon ng tubó, at nagbunga ng pag-angkat ng alipin mulang Afrika. Nagmula ang salitâng asukal sa Arabeng sukkar na nagmula sa Persang shakar na nagmula naman sa Sanskritong sharkara. Sa India, tinatawag itong khanda na pinagmulan ng Ingles na candy. Nagkaroon ng malalaking plantasyon ng tubó sa Filipinas noong panahon ng Espanyol at nanatili hanggang ngayon sa Negros at Tarlac na may malalaking asukarera. “Kabyaw” o “kabyawan” ang tawag sa gilingan ng tubó at mula dito ang pangalan ng Cabiao, Nueva Ecija. Sa ngayon, ang binutil na asukal ay putî o repinado at pulá (brown sugar sa Ingles). Higit na malalaki ang butil ng muskobado (muscovado). May inihuhulma ding katas ng tubó sa bao ng niyog at tinatawag na panotsá. May kendi ng asukal na may niyog at tinatawag na bukayò. Ang karamélo ay nilutong asukal at kung minsan ay hinahaluan ng vanilla at butter. “Minatamis” ang tawag sa himagas dahil karaniwang maasukal. Hinihigpitan ngayon ang pagkaing maasukal dahil pinagmumulan ito ng , pagkasirà ng ngipin, labis na pagtabâ, at diyabetes. (VSA)

asukaréra Ang asukaréra ay isang pabrika sa paggawa ng asukal. Karaniwang bahagi ng isang asukarera ang taniman ng tubó, imbakan ng iba’t ibang anyo at produkto na mula sa tubó, at mga makinarya sa pagproseso ng asukal. Ang mga asukarera ay bunga ng paglaki ng pangangailangan sa asukal sa pandaigdigang pamilihan nitóng ika-19 siglo. Ang mga dáting asyendang taniman ng palay o mais ay ginawang mga plantasyon ng tubó. Maraming asendero sa Negros ang higit pang yumaman dahil sa malakas na pagluluwas ng asukal. Sa kabilang bandá, ang asukarera at ang mataas na tore ng pagawaan ng asukal ay nagmistulang simbolo ng kariwasaan sa gitna ng malawak na plantasyon at naghaharing karalitaan sa paligid. Ang malubhang pagsasamantala sa mga magsasaka, ang mapang-aliping relasyon ng asendero at ng mga manggagawa sa asukarera, at iba pang kalupitan sa tinatawag na sakáda ay naging maalingasngas nang maiulat sa mga pag-aaral at artikula noong dekada 60. Sa kabila ng reporma sa lupa at ng malimit na pagbagsak ng presyo ng asukal ay hindi naglahò ang mga hindi makatarungang pamamalakad sa mga asukarera. Matatagpuan ang mga asukarera, na naging malakas sa hulíng bahagi ng pananakop ng mga Espanyol at sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, sa Gitnang Luzon at Kanlurang Kabisayaan. Isang halimbawa ng asukarera ay ang Central Azucarera de Tarlac na makikita sa loob ng Luisita Agro-Industrial Complex sa San Miguel, Tarlac. Naging kontrobersiyal ang asukarerang ito dahil sa pagtanggal ng pamunuan sa mga lider ng unyon na humihingi ng reporma sa pagpapasahod. (MJTC) ed VSA

Jose Maria Asuncion (14 Disyembre 1869-2 Mayo 1925) Isang kinikilálang pintor, naglingkod sa hukbong rebolusyonaryo, at isa sa unang guro sa pintura sa UP School of Fine Arts. Isinilang si Jose Maria Asuncion (Ho·sé Ma·rí·ya A·sun·syón) noong 14 Disyembre 1869 sa Sta. Cruz, Maynila kina Hilarion Asuncion at Marcela Reymundo. Isang mang-uukit sa kahoy ang kaniyang ama at anak ito ng bantog na si Leoncio Asuncion. Nagtapos siyá ng batsilyer sa Ateneo de Manila at nag-aral sa Academia de Dibujo y Pintura. Tinangkilik siyá ni Agustina Medel, mayari ng Teatro Zorilla, hábang nag-aaral sa Paris noong 1890. Doon niya nakilála sina Juan Luna at Feliz R. Hidalgo. Lumipat siya sa Madrid at nag-aral sa Escuea de Bellas Artes, 1891-1895. Tumanggap siyá ng ilang premyo hábang nag-aaral. Bumalik siyá sa Maynila noong 1895 at naging assistant sa Escuela Profesional de Artes y Oficio sa Iloilo hanggang Nobyembre 1898. Lumahok siyá sa ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino at naging tagapangasiwa ng suplay ng hukbo sa Iloilo. Nalipat siyá sa pagtatayô ng tanggulan sa Jaro, La Paz, at ibang pook, at naging kapitan noong Pebrero 1899. Pagkatapos ng Digmaang Filipino-Amerikano, isináma niya ang asawang si Juana Hubero sa Calbayog, Samar at pagkatapos, sa Tacloban Leyte. Apat na taón siyá doon na nagpipinta ng tanawin at talon, at pumasok sa potograpiya para kumita. Bumalik siya sa Maynila noong 1905, nag-aral ng abogasya, naging miyembro ng Partido Independista, at nagsulat sa iba’t ibang peryodiko. Nang buksan ang University of the Philippines School of Fine Arts, tinanggap ni Asuncion ang pagiging guro noong 1 Hunyo 1909 at naging kalihim nitó noong 1911. Itinuturing siyá ni Fabian de la Rosa na natatanging espesyalista sa “still life.” Ang mga pag-aaral niya sa kasaysayan ng sining sa Filipinas at dibuho ng mga tradisyonal na kasuotan ay itinuturing na napakahalaga sa naturang mga paksain. Namatay siyá noong 2 Mayo 1925. (GVS)

Leoncio Asuncion (12 Setyembre 1813-1888) Isang natatanging eskultor ng mga paksaing relihiyoso, isinilang si Leoncio Asuncion (Le·ón·syo A·sun·syón) noong 12 Setyembre 1813 sa Sta. Cruz, Maynila. Noong 1830, naglingkod siyáng eskultor sa Taller de Escultura, at lumitaw pagkuwan na pinakamahusay sa eskulturang relihiyoso sa Filipinas noong ika-19 siglo. Itinayô niya at kapatid na si Manuel, isa ring eskultor, ang isang talyer na naging bantog sa paglikha ng estatwang relihiyoso. Marami sa mga sumikat na eskultor ang naging estudyante ng magkapatid na Asuncion. Nililok ni Leoncio ang bantog na “La Tercera Caida” na naglalarawan sa ikatlong pagkadapa ni Kristo patungo sa Kalbaryo. Ipinuprusisyon ito hanggang ngayon sa paligid ng Simbahang Sta. Cruz. Lumikha rin siyá ng Nakapakòng Kristo sa marmol, at mga estatwa ng santo. Hinahangaan ang mga likha ni Leoncio sa simetriya at nilalik na kagandahan. Sinasabing nadulutan niya ang kaniyang mga likha ng “damdamin at kariktang makasining.” Namatay si Leoncio noong 1888. Nitóng 1983, naglagay ang National Historical Institute ng isang marker sa harap ng Simbahang Sta. Cruz bílang pagpupugay sa kaniyang alaala. (GVS)

aswáng Pinaniniwalaan sa iba’t ibang lugar at bayan, ang aswáng ay isang lalang na bahagi ng kuwentong-bayan ng Filipinas. May kakayahan itong makapagpalit ng anyo, nakalilipad, at nahahati ang sariling katawan. Sinasabing nagnanakaw ito at kumakain ng bangkay lalo na ang puso at atay ng tao. Ang ninakaw na katawan ay hinahalinhan ng katawan ng punò ng saging. May aswang ding tinatawag na mandurugo o yaong parang bampirang sumisipsip ng sariwang dugo ng tao. Kabílang rin sa uri nitó ang mga manananggal at wakwak o kawakwak na nahahati ang katawan at lumilipad. Naiiwan ang baywang nitó at paa at lumilipad ang ulo at katawan upang maghanap ng mabibiktima. Pinansin ng mga kronistang Espanyol na ang aswang ang pinakakinatatakutang lalang ng mga katutubong Filipino kahit pa noong siglo 16. Laganap sa buong Filipinas ang paniniwala rito maliban sa rehiyong Ilocos. Ang katangian ng aswang at mga kakabit na salaysay tungkol dito ay nagkakaiba-iba sa bawat rehiyon. Gayunman, may matutukoy na ilang palagiang katangian. Nagbabago-bago ang hitsura ng mga aswang. Sila ay namumuhay bilang karaniwang tao, tahimik, mahiyain at palaiwas sa tao. Sa gabi, nagbabago sila ng anyo—nagiging pusa, baboy, ibon, o aso. Gustong-gusto nilang kumain ng mga sanggol sa sinapupunan o mga batang paslit. Napahahabà nila ang kanilang dila na ginagamit nila sa pagsipsip ng sanggol sa sinapupunan ng ina. Mayroon ding mapupulang mata ang mga aswang na dulot ng pagkapuyat nila sa paghahanap ng makakain sa gabi. Madalas, kapag may hindi maipaliwanag na pangyayari sa komunidad, ginagawang dahilan ang mga aswang. Halimbawa nitó ang mga nakawan sa mga libingan, pagkawala ng mga bata, di-maipaliwanag na mga ingay, o mga taong may kakaibang galaw o gawi. Pinakalaganap sa Kabisayaan, lalo na sa Capiz, ang mga kuwento tungkol Mula sa Aklat Adarna sa aswang. Sa katunayan, noong 2004, pinasimulan sa Capiz ang Aswang Festival bilang pantumbas sa Halloween. Tinuligsa ang pistang ito ng simbahang Katoliko kayâ itinigil ito ng lokal na pamahalaan noong 2007. Sa ilang bahagi ng Kabisayaan, ang aswang ay tinatawag na tamawo, tumao, kama-kama, at sok-sok. Ang ilan sa mga ito ay nag-aanyong hayop Sa kulturang popular, marami nang pelikula, programa sa telebisyon, at tulad ng tiyu-an na isang baboy, at tik-tik at silik-silik na isang uri naman komiks ang nagtampok sa aswang bilang tauhan. ng ibon. (JCN) (ed GSZ)

asyénda Ang asyénda (mula sa Espanyol na hacienda) ay malawak na lupain na karaniwang pag-aari ng mga táong nakaaangat sa lipunan at ginagamit bilang plantasyon. Umusbong ang mga ito sa Filipinas noong ika-19 na dantaon bunsod ng dalawang pangyayari. Una, ang kolonya ay nagbukas sa kalakalang pandaigdig at pangalawa, naitatag dito ang ekonomiyang cashcrop—isang ekonomiya na nakabase sa mga kalakal na pananim tulad ng abaka, tabako, kape, bigas, at asukal. Sa unang pagkakataon, nabuksan sa kamalayan ng mga tao ang kahalagahan ng lupa. Bunga nitó, nagsimulang mag-ari ng lupa ang mga táong may mataas na estado o uri sa lipunan, at kinalaunan ay tinawag ang kanilang mga lupain na asyenda . Bukod sa mga relihiyosong korporasyon, mga Espanyol, at creoles (mga Espanyol na ipinanganak sa Filipinas), naging aktibo din sa pag-aari ng lupa ang mga mestisong Tsino na sa panahong ito ay nagkaroon na ng sapat na yaman mula sa kanilang mga negosyo upang tustusan ang pagbili ng lupa. Ang paglago ng kanilang lupain ay bunsod ng pacto de retroventa, isang kasunduan na ibinibigay ng táong nangungutang ng pera ang kaniyang lupa bilang kolateral sa táong kaniyang inutangan. Bahagi ng kasunduan ang muling pagbili ng una sa kaniyang lupa mula sa huli sa halagang katumbas ng kaniyang pagbebenta. Gayunman, sa ilalim ng kasunduang ito, hindi na nababawi ng táong nagbenta ang kaniyang lupa. Bukod sa pacto de retroventa, naging daan din ang Batas Maura noong panahong ito sa pag-usbong ng asyenda. Ayon sa batas na ito, may isang taóng palugit lámang ang sinuman upang patituluhan ang kanilang lupa. Sinumang hindi makatupad dito ay mawawalan ng karapatan sa kaniyang pag-aari. Bunsod ng kawalang-alam sa batas na ito, ang lupa na pag-aari ng mga maliliit na tao ay naglaho at napasáma sa titulo ng mga malaking nagmamay-ari ng lupa na nakakaalam sa nasabing batas. Bago pa ang dalawang nabanggit sa itaas, ang mga gawad ng monarkiya (royal grants) at pagbili sa mga lupaing pag-aari nitó (realengas o royal estates) ang nagbigay daan sa paglitaw ng malalawak na lupaing pagmamay-ari ng iilang mariwasang tao sa Filipinas. Sa simula pa lamang ng pananakop, ang mga opisyal na Espanyol ay binibigyan ng karapatang pangalagaan ang malalawak na lupaing tinatawag na engkomiyénda (encomienda). Ang mga lupaing ito ang naging pundasyon ng mga asyenda sa kasalukuyan. Sa Luzon, ang dalawang malaking asyendang Luisita at Esperanza ay bunga ng nabanggit na gawad ng monarkiya. (LN) (ed VSA)

Retrato ni Soliman A. Santos

átang Ang átang ay may dalawang kahulugan na magandang pag-aralan. Sa mga Tagalog, ang átang ay paraan ng pagtulong upang isunong o pasanin ang isang mabigat na bagay. Ginagawa ito madalas ng mga magsasaka kapag binubuhat ang palay, ng mga mangingisda at kargador sa pagpapasan ng mga banyera ng isda, at ng iba pang uri ng manggagawa. Sa ibang pook, ang átang ay isang paghahayin o pag-aalay. Sa Bikol at Pangasinan, tawag ito sa paghahandog ng banal na alay bilang pasalamat sa ani o anumang biyaya. Kapuwa nangangahulugan ang dalawang praktika ng tungkuling pangkomunidad. Ang una ay sagisag ng pagtutulungan sa pagharap sa mabibigat na tungkulin. Ang ikalawa ay pagpapahayag ng nagkakaisang damdamin ng sambayanan, isang sáma-sámang pagdiriwang. Hindi maaaring ganapin ang alinman sa dalawa ng isang tao at nag-iisa. Halimbawa pa, hindi materyal na bagay lámang ang ipinaaatang. Madalas ding ipaatang ang responsabilida na gaya ng pag-aaruga ng panganay sa mga kapatid kapag namatay na ang mga magulang o ng pagbabantay ng kamag-anak kapag nangibang-bansa ang mga magulang. (MJCT) ed VSA

Atí-Atíhan Ang Atí-Atíhan ay isang pista tuwing ikalawang linggo ng Enero sa Kalibo, Aklan sa pulô ng Panay upang gunitain ang kapistahan ng Santo Niño. Ito ay karaniwang ipinagdiriwang pagkatapos ng selebrasyon ng pagdalaw ng Tatlong Hari kay Hesus sa sabsaban. Gamit ang makukulay na maskara, uling sa katawan, at iba’t ibang matingkad na kasuotan, ang mga táong kaisa sa pagdiriwang ay sumasayaw kasabay ang tunog ng mga tambol at sigaw na “Hala, Bira!.” Ang salitâng “Atí-Atíhan” ay may kahulugan na “maging katulad ng isang Ati.” Noong ika-13 siglo, pinaniniwalaang dumating sa Panay ang sampung datu mula sa Borneo at nakipagsundo sa mga katutubong Ati. Ang mga Ati ay mga Negrito o maliliit at maiitim na tao, kulot ang buhok, at naninirahan noon sa Panay. Ayon sa kuwento, binili nina Datu Puti ang ilang bahagi ng lupain kapalit ng salakot na ginto at iba pang hiyas. Magmula noon ay sa kabundukan nanirahan ang mga Ati. Bumababâ silá kapag humihingi ng tulong sa mga datu. Ang mga Ati ay sumasayaw at kumakanta bílang pasasalamat. Itinapat ang Ati-Atihan sa pagdiriwang ng pista ng Santo Niño. Kayâ bahagi ng sanlinggo’t masayáng parada sa Kalibo ang pagtatanghal at pagbubunyi sa imahen ng batàng Hesus, gaya ng ginagawâ ding pagdiriwang tuwing Enero sa “Sinulog” ng Cebu, “Dinagyang” ng Iloilo, “Halaran” ng Capiz, “Maskarahan” ng Bacolod, at “Binirayan” ng Antique. (IPC) (ed VSA)

átis Ang átis (Anona squamosa Linn.) ay isang maliit na punò na may taas na 3 hanggang 5 metro. Ang dahon nitó ay hugis pahabâ na 8-15 sentimetro ang habà. Namumulaklak ito sa pagitan ng mga dahon at tangkay na may habàng 2.5 sentimetro at nagkukulay berde hanggang dilaw. Ang prutas nitó ay may iba’t ibang hugis at laki. Kalimitang bilóg o hugis puso. Ang labas ng prutas ng atis ay maraming bukó na maliliit at magaspang. Malalamang hinog na ang prutas kapag ang kulay ng balát nitó ay nása pagitan ng dilaw at berde. Ang laman ng atis ay maputî, matamis, malambot, at makatas na may masarap na lasa. May matamis din itong amoy. Ang atis ay gáling sa Amerika at dinala ng mga Espanyol sa Filipinas. Ngayon, ito ay nililinang na sa buong bansa. Kinakain din ng ibong kabag ang atis kayâ madalî itong kumalat sa iba’t ibang lugar dahil sanalalaglag na mga buto nitó. Ang punò ng atis ay tumutubò kahit saan maghulog ng buto nitó. Mabilis din itong lumaki. Katunayan, mahigit isang taón lang mula sa pagkakatanim ng buto nitó ay maaari na itong mamunga. Tatlong beses sa isang taón kung mamunga ito pero ang pinakamagandang bunga nitó ay tuwing tag-init. Dahil gusto ito ng mga kabag at ibon, kailangang anihin ang bunga nitó bago ito mahinog sa punò at upang makapag-ani ng magandang mga prutas. (ACAL)

atsára Karaniwang tinatawag na atsára ang pampalasa na gawa sa ginadgad na muràng papaya at ibinabad sa sukà. Gayunman, ang pinagmulan nitóng atchara sa Espanyol ay anumang gulay na ibinabad sa sukà at isang prosesong katulad ng pickle sa Ingles. Ang atsára ay itinuturing na mainam na pampalasa sa inihaw o pritong pagkain, lalo na barbekyu. Ang nakagarapong atsara ay binubuo ng ginadgad na muràng papaya, hiniwang carrot, binlatang mga liha ng bawang, at mga piraso ng luya, sibuyas, at siling pukinggan. May nagdadagdag ng pampatamis na pasas at pinya. Para mas tumapang, dinadagdagan pa ng paminta. Sakâ ibinababad sa solusyong sukà, asukal o sirup, at asin sa loob ng isang garapong mahigpit ang pagkakatakip sa loob ng ilang araw. Kapag binuksan, kailangang itago ang atsara sa loob ng palamigan upang manatili ang lasa at hindi lubhang umasim. May popular ding atsarang labóng ng kawayan. Ang totoo, katumbas na ngayon ang atsara ng gamit nitó sa Espanyol, gaya sa atsarang pipino, atsarang talong, at iba pang gulay. (VSA)

atsuwéte Ang atsuwéte (Bixa orellana Linn.) o achuete ay punongkahoy na umaabot sa anim na metro ang taas at may bungang tila kapsula, mabalahibo at mapulá ang labas ay may maliliit na butong pulá sa loob. Annatto o lipstick plant ang tawag dito sa Ingles. Tumutubò ito sa lahat ng dako ng Filipinas. Itinuturing itong halamang-gamot. Ang dahon ay inilalaga at pantapal sa galos at paltos. Ang sapal ng mga buto ay naipapahid din sa naturang pinsala o kayâ’y ipinapahid sa noo laban sa sakit ng ulo. Itinatapal din ang nilagang dahon laban sa gonorea. Gayunman, higit na kilalá ang atsuwéte bilang pampalasa at pampakulay ng pagkain. Ang mga buto ay nililinis at pinipiga sa tubig hanggang pumulá. Ibinubuhos ang mapuláng tubig sa inilulutong karekare. Múra itong pampapulá sa ispagheti at ibang ulam sa karenderya. Pinaglalaruan din ng mga musmos at ginagamit na kolorete o lip-istik. Sa mga sayaw, ipinangguhit ito ng mukha at ipinangkukulay ng buhok. May malaking komersiyo ng mga buto ng atsuwete sa buong mundo, Brazil ang may pinakamalaking produksiyon, lalo na dahil ginagamit ito sa paggawa ng sabon at ibang kosmetiko. (VSA)

Audiencia Real Ang Audiencia Real (aw·dyén·sya re·ál) o Real Audiencia (Royal Audiencia sa Ingles) ay mataas na hukuman sa Espanya at mga kolonya nitó. May mga hukom itong tinatawag na oidores, literal na nangangahulugang “mga tagadinig.” Ang unang audiencia ay itinatag sa Kaharian ng Castilia noong 1371 at sa Valladolid at dalawang siglong nagsilbing kataas-taasang hukuman. Ang sistemang audiencia ay pinairal sa mga kolonya bagaman nagkaroon ng dagdag na tungkulin at iba’t ibang komposisyon. Sa labas ng Espanya, nagkaroon ito ng trabahong lehislatibo at administratibo bilang kinatawan ng Hari. Iba-iba din ang bilang ng kagawad sa pana-panahon. Sa Mexico, ang unang audiencia ay may apat na oidores, isang presidente at isang piskal, at dumidinig ng lahat ng kasong kriminal at sibil. Pagdating ng ika-17 siglo, nagkaroon ito ng dalawang kamara para sa dalawang uri ng kaso. Ang kamarang sibil ay may walong miyembro at isang piskal. Sa Filipinas, ang Audiencia Real ang itinuturing na unang kataastaasang hukuman sa bansa. Itinatag ito noong 1583 at unang presidente si Gobernador Santiago de Vera. Bukod sa pagdinig sa mga kasong sibil at kriminal, dinidinig din nitó ang ibang kasong administratibong idulog ng gobernador-heneral. Dahil mahirap ang kolonya at kaunti pa ang populasyon, inisip na buwagin ang audiencia noong 1589. Ipinalit ang isang konseho na may 400 miyembro sa ilalim ng gobernador-heneral. Kaagad napuna ang di-kasiya-siyang operasyon ng konseho kayâ muling ibinalik ang audiencia noong 1895 kasáma ng mga dating tungkulin nitó. Nagtakda din ng mga paraan upang masuri ang paglilingkod ng mga miyembro ng audiencia, lalo na ang sa presidente. May tinatawag na residencia (re·si·dén·sya) upang siyasatin ang gobernador-heneral sa katapusan ng kaniyang panunungkulan. Nagpapadalá din ng visita ang Hari upang mag-imbestiga sa kolonya. Bahagi ng Repormang Bourbon ang pagtatalaga ng regente (re·hén·te) bilang punò ng audiencia. Sa ganitong paraan ang gobernador-heneral ay naging presidenteng pandangal lámang ng hukuman. (VSA) retrato ni Gobernador Heneral Narciso Claveria

Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay isang espesyal na rehiyong iniukit sa Mindanao at karatig pulo para sa pamamahala ng mga pook na Muslim ang nakararaming mamamayan. Una itong nilikha noong 1 Agosto 1989 sa bisà ng Batas ng Republika Blg. 6734 bilang pagtupad sa tadhanang konstitusyonal hinggil sa bagay na ito. Isang plebisito ang ginanap sa mga lalawigan at bayan sa Mindanao upang malaman kung nais ng mga residente maging bahagi ng ARMM. Apat na lalawigan ang bumotong maging bahagi ng rehiyong awtonomo, ang Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu, at Tawi-Tawi, at pinasinayaan ang ARMM noong 6 Nobyembre 1990 sa pansamantalang kapitolyo nitó sa Lungsod Cotabato, bagaman hindi ito saklaw ng ARMM. Noong 2001, pinalaki pa ang ARMM ng RA 9054. Sa isang plebisito, bumotong bahagi ng ARMM ang Lungsod Marawi at ang lalawigan ng Basilan (maliban sa Lungsod Isabela). Noong 2006, isang bagong lalawigan, ang Shariff Kabungsuan, ang inihiwalay sa Maguindanao at naging ikaanim na probinsiya sa loob ng ARMM. Gayunman, naglaho ang Shariff Kabungsuan noong 2008 nang ideklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang batas na pinagbatayan ng pagkalikha sa probinsiya. Ang paglikha ng ARMM ay bunga ng mahabàng kasaysayan ng pagtutol ng mga Muslim sa Mindanao na maging bahagi ng Filipinas mula pa noong pananakop na Espanyol. Hindi lubos na napailalim ang mga Muslim kahit sa panahon ng mga Amerikano. Noong mga taóng 1970 ay lumubha ang kaguluhan sa pook dahil sa separatistang Moro National Libration Front (MNLF). Napilitang magpahayag si Pangulong Marcos ng isang awtonomong rehiyon sa Katimugang Filipinas ngunit tinanggihan ito sa isang plebisito. Sa kabilâ ng ARMM, mailap pa rin ang kapayapaan sa buong Mindanao. Napalitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang MNLF bilang pangunahing puwersang sandatahan. Aktibo ang mga terorista sa pangunguna ng pangkating Abu Sayyaf. Samantala, maraming lumitaw nang kaso ng malubhang korupsiyon sa pamahalaang ARMM. Sangkot ang maraming pook ng ARMM sa malawakang dayaan nitong nakaraang mga pambansang halalan. Nitóng Hunyo 2012, ipinatigil ang rehistrasyon para sa eleksiyon sa ARMM dahil kailangang linisin ang listahan ng mga botante. Gayunman, patuloy ang negosasyong pangkapayapaan para mapahusay ang pamamahala sa buong rehiyon at maipatupad ang mga programang pangkaunlaran. (VSA)

Librada Avelino (17 Enero 1873-9 Nobyembre 1934) Si Librada Avelino (Li·brá·da A·ve·lí·no), kilala bilang Maestra Ada, ay isang natatanging guro sa Filipinas. Isa siyá sa mga naging tagapagtatag ng kinikilála ngayong Centro Escolar University. Isinilang siyá noong 17 Enero 1873 sa Quiapo, Maynila kina Pedro Avelino, isang parmasyutiko, at Francisca Magali. Nagsimula siyá ng pormal na edukasyon sa ilalim ni Maestra Luisa Bacho sa isang pampublikong paaralan. Nag-aral din siyá ng wikang Espanyol at musika. Humanga siyá sa nobela ni Jose Rizal, at naging paborito niyang awtor ang naturang bayani. Sa edad na 16, siyá ang pinakabatà na nakatapos ng kurso sa pagtuturo noong panahon ng mga Espanyol. Naipasa niya ang eksamen ng pamahalaan para sa mga guro ng mababàng paaralan sa naturang edad at nagpamalas ng husay sa pagtuturo. Kumuha siyá ng isa pang diploma sa Normal School for Women dahil ambisyon niyang makapagturo sa sekundarya. Noong unang bahagi ng pananakop ng Amerikano, nagtatag siyá ng isang pribadong paaralan sa Maynila ngunit hindi naging matagumpay dahil sa kakulangan sa mga klase sa Ingles. Pumasok siyá sa mga summer school sa Maynila at Hong Kong upang linangin ang sarili sa wikang Ingles. Matapos nitó, ginawa siyáng prinsipal sa isang pampublikong paaralan para sa mga babae sa Pandacan. Siyá ang unang prinsipal na Filipina sa pampublikong paaralan sa Panahon ng Amerikano. Isa rin siyang patriyota. Nagprotesta siya sa isang lektura ni Prescott F. Jernegan hinggil sa mga rebolusyonaryong Filipino. Ipinagtanggol niyang hindi silá mga bandido at sa halip ay mga patriyotang gaya rin ng mga sundalo sa Rebolusyong Amerikano. Nagprotesta rin siyá sa panghihimasok ng isang Amerikanong opisyal ng paaralan sa kaniyang gawaing pampaaralan, na nagdulot ng unang naitalang walkout ng mga estudyante bilang suporta sa kanilang guro. Noong 1907, kasáma sina Carmen de Luna at Don Fernando Salas, itinatag niya ang unang eskuwelahang pambabae na nasyonalistiko at non-sectarian sa Filipinas. Tinawag itong Centro Escolar de Señoritas at siyá ang naging direktor nitó. Nagturo siyá sa kababaihang estudyante na magkaroon ng aktibong interes sa gobyerno. Ang naturang kolehiyo ang unang institusyong non-sectarian na nagbigay ng kurso para sa pilosopiya at edukasyon. Tinawag ito kalaunan bilang Centro Escolar University.

Pinarangalan siyá bilang Master of Pedagogy, honoris causa ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1929 para sa kaniyang naging mahalagang kontribusyon sa edukasyon sa bansa. Siyá ang unang babaeng tumanggap ng naturang karangalan. Namatay siyá sa kanser sa tiyan noong 9 Nobyembre 1934. Ipinangalan sa kaniya ng Centro Escolar University ang Librada Avelino Memorial Awards para sa mga natatanging babaeng lider sa Asia. (KLL)

Daisy Hontiveros Avellana (26 Enero 19170-12 Mayo 2013) Tinaguriang “Unang Ginang” ng Teatrong Filipino si Daisy HontiverosAvellana (Déy·si On·ti·vé·ros-A·vel·yá·na). Isa siyáng aktres, direktor, prodyuser, at manunulat para sa teatro, radyo at pelikula. Lourdes Genoveva Dolores Pardo Hontiveros-Avellana ang kaniyang buong pangalan. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1999. Walang katulad sa husay ang pagganap niyá bilang Candida Marasigan sa dula at pelikulang Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin. Binigyang-buhay rin ni Daisy sa entablado ang tauhang si Doña Lupe (1978) ni Nick Joaquin sa Tatarin; sina Lady Macbeth (1959) at Desdemona (1953) ni William Shakespeare; si Bernarda Alba (1967) ni Federico Garcia Lorca; si Joan of Lorraine (1954) ni Maxwell Anderson; si Mary Tyrone (1958) ni Eugene O’Neil; sina Medea, Eleanor of Aquitaine, Sarah Bernhardt; at, marami pang karakter ng mga dulang lokal at inangkat. Katuwang siyá ng kaniyang asawa na si Lamberto Avellana at may limampung kapanalig sa pagtatatag ng Barangay Theatre Guild (BTG) noong 1939. Ang BTG ang unang organisasyong panteatro sa Filipinas. Itinanghal ng BTG sa kanilang ang unang produksiyon ang Women are Extraordinary ni Wilfrido Ma. Guerrero, The Potboiler ni Gerstenberg, Nerves ni Farrar, at sa mga sumunod ay mga orihinal niyáng akda gaya ng And One was Valiant. Ang una niyáng akda para sa pelikula ay ang Sakay, na ginarawang pinakamahusay na iskrip noong 1939. Sumulat din siyá ng mga pinaikling dula na halaw mula sa Wuthering Heights, Joan of Lorraine, at Cradle Song na isinahimpapawid sa mga programa ng DZPI, DZHF at DZRP. Idinirihe para sa teatro ni Daisy ang Diego Silang (1968), at Walang Sugat (1971-1972). Ang pagtatanghal ni Daisy ng dula ni Severino Reyes na Walang Sugat noong kapanahunan ng pagkakasuspinde ng writ of habeas Hontiveros. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Pilosopiya sa Unibersidad ng corpus ay tumugon sa pangangailangang buhayin ang kaisipan laban sa Pilipinas (1937), Master sa Sining sa UST (1938). Nagsanay siyá ng mga panunupil. estudyante ng drama at nagdirihe ng mga dula sa Centro Escolar University (1938), St. Paul College (1949-1961), St. Theresa’s College, Assumption Tubòng-Lungsod Roxas, Capiz, ipinanganak siyá noong 26 Enero 1917 Convent, St Scholastica’s College, Holy Ghost College, FEU, at UST. at panganay sa magkakapatid na walong lalaki at dalawang babae nina College of Medicine. Namatay si Avellana noong 12 Mayo 2013 sa edad Huwes Jose Hontiveros, huwes ng Korte Suprema, at Vicenta R. Pardo- na 96. (RVR) (ed VSA)

Lamberto V. Avellana (12 Pebrero 1915-25 Abril 1991) Si Lamberto V. Avellana (Lam·bér·to Vi A·vel·yá·na) ay isang mahusay na direktor sa teatro at pelikula. Makabuluhan ang kaniyang mga ambag sa pagpapaunlad ng anyo at laman ng pagtatanghal sa entablado at pinilakang tabing. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Pelikula noong 1976. Sa pelikula, tagapanguna siyá sa sinematikong paraan ng punto-de-bista at mise-en-scene sa paggamit ng kamera. Sa bawat kuwadro ng pelikula at kabuuang eksena ay napapatampok ang damdamin sa pamamagitan ng anggulo ng kamera at komposisyon. Inihatid din niyá sa iskrin ang mga imahen at naratibo ng tunay na buhay ng pangkaraniwang tao, ang kanilang realidad at pagsisikap mabuhay, at sa gayong paraan ay naghandog siyá ng salungat na tunguhin laban sa purong komersiyalismo ng pelikula. Kinilála ng mundo ang kaniyang mga pagsisikap: ang Anak Dalita (1956) ay nagkamit ng Grand Prix bilang pinakamahusay na pelikula sa Asian Film Festival sa Hong Kong; ang Badjao (1957) ay nagbigay sa kaniya ng gawad para sa pinakamahusay na direktor at tatlo pang medyor na parangal sa Asian Film Festival sa Tokyo; nagwagi ng Conde de Foxa Award sa Bilbao, Spain, ang El Legado (1960); ang, La Campana de Baler (1961) ay nagwagi rin ng Conde de Foxa Award, medalyang pilak; at, noong 1969, nakamit niyá ang gawad para sa pinakamahusay na dokumentaryo para sa The Survivor, sa Cambodian Film Festival. Si Avellana rin ang unang Filipinong nagtanghal ng obra sa Cannes International Film Festival, Ang Kandelerong Pilak (1954). May mga pelikula si Direktor Avellana na para sa pangdaigdigang pagtatanghal tulad ng Sergeant Hasan (1967), Destination Vietnam (1969), at The Evil Within (1970). Tampok sa kaniyang mga obra maestra ay ang pagsasapelikula ng ilang mga klasikong dula: ang A Portrait of the Artist as Filipino (1965) ni Nick Joaquin at Walang Sugat ni Severino Reyes. Ipinanganak siyá noong 12 Pebrero 1915 kina Dr. Jose Avellana at Rita Vera. Napangasawa niyá ang Pambansang Alagad ng Sining din na si Daisy Hontiveros at may tatlo siláng anak—Jose Mari, Marivi, at Lamberto Jr. Ang marubdob na pag-ibig sa dulaan ni Avellana ay nagsimula noong estudyante pa lámang siyá ng Ateneo. Siyá ang gumanap na Joan of Arc noong 1935 para sa Diamond Jubilee ng Ateneo sa direksiyon ni Fr. Henry Lee Irwin, S.J. Siyá rin ang katulong na direktor ni Fr. Irwin hábang gumanap na bida sa dula. Sa Ateneo siyá nagtapos ng Batsilyer sa Sining, magna cum laude.

Panandang-bato sa teatro sa bansa ang 1 Marso 1939, nang itinatag ng mag-asawang Lamberto at Daisy at ng may 50 kapanalig na mga aktor, musiko, mananayaw, manunulat, pintor, arkitekto, eskultor, at propesor ang Barangay Theater Guild (BTG). Nagkamit siyá ng maraming parangal bago sumakabilang-buhay noong 25 Abril 1991. (RVR) (ed GSZ)

Aves de Rapiña Editoryal na lumabas sa El Renacimiento, pahayagan sa wikang Espanyol, noong 30 Oktubre 1908. Sinulat ito ng pangalawang editor na si Fidel Reyes. Matinding tinuligsa sa editoryal ang isang mataas na pinunò ng pamahalaang kolonyal ng Amerika sa Filipinas, na pinasaringang “Aves de Rapiña” (Mga Ibong Mandaragit) dahil ginagalugad diumano ang kabundukan ng Benguet, Mindanao, at Mindoro upang tuklasin ang susi sa mga yamang likás ng bansa para sa pansariling pakinabang. Wala mang binanggit na pangalan, tinamaan ang noo’y Kalihim ng Interior na si Dean C. Worcester. Nagsampa ito ng kasong libelo laban sa may-ari ng pahayagan na si Martin Ocampo, sa editor at pangalawang editor na sina Teodoro M. Kalaw at Fidel Reyes, at iba pang pinunò ng pahayagan (na inalis sa demanda nang lumaon). Nanalo si Worcester at naparusahan ng pagmumulta at pagkabilanggo ang mga akusado. Nasara ang pahayagan at naibenta ang imprenta nitó; ngunit naghabol hanggang sa Korte Suprema ng Estados Unidos sina Ocampo, Kalaw, at Reyes. Tumagal ang kaso hanggang 1914, ngunit hindi silá nabilanggo, dahil pinagkalooban silá ng lubusang kapatawaran ng naupông Gobernador Heneral Francis Burton Harrison. Hindi napatunayan ang mga paratang kay Worcester. Ngunit pinatunayan sa kasong ito, minsan pa, kung paanong ginamit ng mga Filipino ang peryodismo para isulong ang adhikang makabansa. (AEB) (ed VSA)

awideng Ang awideng o awedeng ay isang instrumentong pangmusika ng mga Bontok na yari sa metal. Kabilang ito sa pamilya ng mga jew’s harp o kubing (ang pangkalahatang tawag sa Filipinas sa mga ganitong instrumento). Ang awideng ay katulad din ng abilao, abil-law o abellao ng mga Bontok ngunit gawa ang mga hulíng nabanggit sa kawayan. Upang makalikha ng tunog, inilalagay ang awideng sa pagitan ng mga labì o ngipin ng tumutugtog. Ang pagkalabit ng kaniyang daliri (na madalas ay ang hinlalaki), ang paggalaw, panginginig, at posisyon ng kaniyang dila, at ang espasyo sa bunganga ang nagbibigay ng iba’t ibang tunog sa awideng. Madalas ginagamit ang awideng, kasáma ng iba pang instrumento, tulad ng abilao, gangsa, at kullitong, sa pagbibigay ng aliw o kasiyahan kapag nagtatrabaho ang mga Bontk o kayâ ay sa panliligaw.(MJ)ed VS

áwit Ang áwit ay pangkalahatang tawag sa kanta o musikang pamboses. Sangayon sa isang matandang diksiyonaryo maraming inabutang awit ang mga mananakop na Espanyol. Kabílang dito ang diyona (para sa kasal at iba pang pagdiriwang), talingdaw (lumang awitin), indolanin (may malungkot na himig), dolayanin (awit hábang nagsasagwan), hila (awit sa pamamangka), soliranin (awit sa paglalakbay sa karagatan), holohorlo (awit sa pagpapatulog sa sanggol), at iba pang anyong pampanitikang may himig, na maihahambing ngayon sa ablon ng dumagat, bayok ng Mëranaw at Mansaka, darangan ng Mëranaw, at ogayam ng Kalinga. Sinasabi na may awit ang mga Filipino sa bawat okasyon ng kanilang buhay at sa lahat ng kanilang gawain komunal. May awit sa pag-aalaga ng sanggol, may awit sa kasal, may awit sa pagsasaka at pangingisda, may awit sa pangangaso, at may awit sa patay. May mga awit ding gaya ng pamatbat na pasalaysay tungkol sa kaugalian at kasaysayan ng tribu. May awit na sagutang gaya ng talingdaw at may awit na masayang gaya ng seryeng Doon Po sa Amin. Nitóng ika-19 siglo, awit din ang tawag sa isa sa dalawang naging popular na anyo ng metriko romanse. Ang isa pa ay tinatawag na korido. Kapuwa mahabàng tulang pasalaysay hinggil sa mga nakagigilalas na pakikipagsapalaran ng mga prinsipe at kabalyero o mga buhay ng banal

na tao ang awit at korido. Nagkakaiba lamang ang dalawa sa sukat ng taludtod nitó. Ang korido ay may sukat na wawaluhin at ang awit ay lalabindalawahin. Hanggang ngayon, tampok ang awit sa mga kasayahan at pagtitipon katulad ng kasal at kaarawan. Maaari rin itong maging tampok na aktibidad para sa kasiyahan ng mga iginagalang na bisita. Maaari itong awitin ng propesyonal, para sa mga pormal at malalaking pagtitipon. Ngunit sa di gaanong pormal na pagtitipon, halimbawa ay simpleng kasal at kaarawan, ang mismong ikinakasal ang gumagawa nitó upang mabigyan sila ng gala na siyáng salaping regalo ng mga kaanak at kaibigan. Kung kaarawan ang okasyon, ang nagpapasimula nitó ay maaaring makihati sa regalong ibinibigay sa nagdiriwang ng kaarawan. (RCN) (ed GSZ)

ayoweng Ang ayoweng ay ang awit ng mga Bontok at iba pang pangkating etniko sa Cordillera kapag nagtatrabaho sa bukirin, nagbabayo ng palay, o naglalakad papunta sa bukirin. Kinakanta rin ang soweey ng mga Bontok kapag nagbabayo ng palay. Tinatawag ding mangayuweng ang awiting ayoweng. Kabilang ang ayoweng sa maraming awitin ng mga Bontok at iba pang pangkat upang ipagdiwang o gunitain ang mahahalagang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Sa pag-awit ng ayoweng, sinasaliwan ito ng kanilang mga instrumentong pangmusika. (MJCT) ed VSA

ayúngin Ang ayúngin (Leiopotherapon plumbeus) ay kabilang sa pamilya Terapontidae. Ito ay katutubo sa Filipinas at matatagpuan sa mga tubig tabáng sa Luzon. Nanganganib na maubos ang populasyon ng ayungin. Ang katawan ng ayúngin ay maliit at kulay pilak. Ito ay may karaniwang habà na 15.9 sentimetro. Ang itlog ay binabantayan ng lalaki. Kadalasan ang babae ay mas malaki kaysa lalaki. Lumalangoy nang magkakasáma at magkakalapit ang mga ito upang maiwasang makain ng mga dalag at ahas sa tubig. Kumakain ito ng hayop at halamang tulad ng plangkton, maliit na hipon, itlog ng mga isda, lumot, at insekto. Ang ayúngin ay kilaláng nahuhúli sa mga lawa ng Laguna at Taal. Ito ay hinuhúli sa pamamagitan ng bingwit, na ginagamitan ng pinakamaliit na kawit dahil sa napakaliit na bibig. Walang kabuluhang gumamit ng lambat sa panghuhúli dahil ito ay lumalangoy sa gitnang bahagi ng tubig. Ang pinakamainam na pain ay ang maliliit na hipon na kung tawagin ay yapyap. Bagama’t maliit, mataas ang pangangailangan para dito dahil sa malasang laman kompara sa ibang isda na nahuhúli sa tubig tabang. Depende sa panahon, ang presyo ng sariwang ayungin ay PhP300 bawat kilo samantalang ang idinaeng naman ay PhP200 hanggang PhP800 bawat kilo. Noong araw, maraming ayungin ang nahuhúli sa mga ilog at look. Subalit ang walang tigil na panghuhúli para pagkain ng tao at iba pang hayop tulad ng pato ang itinuturong dahilan ng pagkaubos nitú. Sa kasalukuyan, madalang nang makitang ibinebenta ang ayungin sa mga palengke. Upang protektahan at pigilan ang tuluyang pagkaubos nitó at ng iba pang isda na katutubo sa Filipinas, ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang Fisheries Administrative Order 233-1 noong 2010. (MA) ed VSA

ayúntamyénto Ang ayúntamyénto (ayuntamiento sa Espanyol) ay ang sangguniang panlungsod na itinatag ng mga Espanyol. Sa balangkas ng organisayon ng ayuntamyento, pinamumunuan ito ng dalawang alkaldeng napapailalim sa awtoridad ng gobernador-heneral o alkalde mayor ng probinsiya. Kasama ng alkalde ang labindalawang konsehal at mga opisyal na gaya ng alguwasil o hepe ng pulisya at eskribano na tagahawak ng mga talaan. Matapos ang ika-17 siglo, nakapagtatag ang mga Espanyol ng anim na lungsod sa Luzon at Kabisayaan: Maynila, Cebu, Vigan, Nueva Segovia (Lal-lo, Cagayan), Arevalo (Iloilo), at Nueva Caceres (Naga). Hanggang sa kasalukuyan ay tumatayong sentro ang mga ito ng kultura, politika, kalakalan, at relihiyon sa kani-kanilang rehiyon. Ang ayuntamyento ay tumutukoy rin sa casas consistoriales, isang gusali na matatagpuan sa Aduana, Intramuros sa Maynila. Itinatag ang nasabing estruktura noong 1738, at matapos masira ng isang lindol ay muling itinayo noong 1879. Ginamit na gusali ito ng Asamblea ng Filipinas noong panahon ng mga Amerikano. (MBL) (ed GSZ)

Mula sa Philippine Picture Post Cards 1900-1920 (1994)

Azím ud-Din I Si Muhámmad Azím ud-Din I, isinusulat ding Muhámmad Alimuddín, ay sultan ng Sulu at Sabah sa panahong 1735-1748 at panahong 17631773. Anak siyá ni Sultan Badar ud Din I at nag-aral sa Batavia (Djakarta ngayon). Doon siyá natuto ng Arabe at Malay at naging dalubhasa sa Koran. Bumabâ ng trono para sa kaniya ang kaniyang ama dahil sa katandaan noong 1732 ngunit pormal siyáng kinilala bilang sultan noong 1735 nang umatras ang kaniyang pinsang si Nasar ud-Din. Sinasabing isa siyáng matalinong pinunò at alagad ng kapayapaan. Mahalaga siyá sa mga pinunò ng Sulu dahil lahat halos ng datu ngayon ay nakaugnay sa kaniyang angkan. Nagkaroon ng malaking intriga nang diumano’y pahintulutan niyang makapasok sa kaniyang teritoryo ang mga misyonerong Heswita. Nag-alsa ang mga pandita. Sapilitan siyáng pinalitan ng kapatid na si Bantilan bilang sultan at umalis siya ng Jolo kasama ang pamilya at ilang alagad. Dumating siyá sa Cavite noong 2 Enero 1749 at pinarangalan ng mga Espanyol. Noong 1750, nakumbinsi siyá ni Gobernador Juan de Arechederra, na obisbo din ng Nueva Segovia, na magpabinyag. Naganap ito noong 29 Abril 1750. Pinangalanan siyáng Fernando de Alimuddin I, at maituturing na uang sultan ng Sulu na naging Kristiyano. Nagpabinyag din ang mga anak niyang sina Israil at Fatimah. Pinangakuan siyá ng mga Espanyol na ibalik sa kapangyarihan, ngunit pinaghinalaan ang katapatan kayâ ipiniit noong 1751 sa kasalanang pagtataksil. Sa isang bersiyon, nabilanggo siyá hanggang sakupin ng mga Ingles ang Maynila. Tinulungan siyá ng mga Ingles na mabawi ang kapangyarihan noong 1763. Sa ikalawang bersiyon, nagpalit diumano ng gobernador noong 1754. Higit na mabuti ang ginawang trato ni Gobernador Pedro Manuel de Aranda kay Azim ud-Din. Binigyan pa siyá ng pensiyon at pinayagang makabalik sa Jolo. Noong Nobyembre 1773, iniwan niya ang trono para sa kaniyang anak na si Israil. Hindi maliwanag kung tunay siyáng nagpalit ng relihiyon. Nang bumalik siyá sa Sulu ay masayáng tinanggap siyá ng mga sákop at namuhay nang isang Muslim hanggang mamatay. (VSA)

Si Azím ud-Din I habang lumalagda sa unang kasunduan ng pakikipagkaibigan sa mga Espanyol mula sa The Founders of Freedom

SK 2000 A.pdf

ng Filipinas sa Estados Unidos noong 1919, humawak ng iba pang mga. tungkulin sa pamahalaan gaya ng abogado ng Manila Railroad Company.

27MB Sizes 3 Downloads 2196 Views

Recommend Documents

SK 2000 K.pdf
There was a problem loading this page. Retrying... SK 2000 K.pdf. SK 2000 K.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK 2000 K.pdf.

SK 2000 K.pdf
biyolin, mandolin, gitara, cello, baho, banjo, cymbals, kettle drum, ban- durya, at subing. Noong 1935 kasama sina Fernando Alfon at Vicente Castillo, itinatag ...

SK 2000 E.pdf
Whoops! There was a problem loading more pages. SK 2000 E.pdf. SK 2000 E.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Details. Comments. General Info. Type.

SK 2000 Z.pdf
Page 1 of 3. Jacinto Zamora. (4 Agosto1835-17 Pebrero1872). Si Jacinto Zamora (Ha·sín·to Za·mó·ra) ay isang Filipinong paring se- kular (paring hindi kabilang ...

SK 2000 H.pdf
There was a problem loading this page. SK 2000 H.pdf. SK 2000 H.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK 2000 H.pdf. Page 1 of 53.

SK 2000 J.pdf
Ipinangalan din sa kaniya ang paliparan ng bayan (Evelio Javier Airport). (PKJ). Page 4 of 16. SK 2000 J.pdf. SK 2000 J.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In.

SK 2000 Z.pdf
EVENT SCHEDULE - TRACK & FIELD. TUESDAY, AUGUST 1. RUNNING EVENT SCHEDULE. TIME EVENT/AGE GROUP RACE. 8:00 AM 1500M Run TF.

SK 2000 G.pdf
kapalaran sa sinumang magaba. Paalala dahil nagsisilbi itong gabay ng. tao upang huminahon at pag-isipang mabuti ang anumang gagawin, lalo. na't may ...

SK 2000 E.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK 2000 E.pdf.

SK 2000 Y.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK 2000 Y.pdf.Missing:

SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf
Sekretaris Jendral,. Noffendri Roestam, S. Si., Apt. NA. 29111970010829. Page 2 of 2. SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf. SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf. Open. Extract.

SK Kepengurusan.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item.Missing:

SK Radius.pdf
kepada pihak-pihak yang berperxara daram *ir"yan yrridiksi Peng.adilan Agama Gunungsitori seperti terGoui daram lampiran surat keputusan ini. Bahwa radius ...

sk-radius.pdf
Page 1 of 3. KEPUTUSAN KETUA PENGADILAN AGAMA SIBOLGA. Nomor : W2-A5/ 74 /KU.04.2/I/2015. T E N T A N G. PANJAR BIAYA PERKARA, RADIUS PEMANGGILAN DAN. PEMBERITAHUAN KEPADA PIHAK-PIHAK YANG BERPERKARA. DALAM WILAYAH YURIDIKSI PENGADILAN AGAMA SIBOLGA.

SK-PPG.pdf
Loading… Whoops! There was a problem loading more pages. Whoops! There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK-PPG.pdf. SK-PPG.pdf. Open. Extract. Op

SK PPID.pdf
Lembaran Negara Nomor a$a+l;. 2. Undang-undang Nomor L4 Tahun 2008 tentang Keterbukaan. Informasi Publik (Lembaran Negara Tahun 2008 Nomor 61,.

sk add.pdf
работе. sharp 25an1 инструкция. apexi auto timer for na lt turbo инструкция. мануал для asus m2n x. должностная инструкция заместителя заведующей по ...

SK SPIP.pdf
H. ABRARUDDIN ANWAR. NIP. 19610305 199203 1 005. Tembusan : Yth. Ketua Pengadilan Tinggi Agama Medan. Page 3 of 4. SK SPIP.pdf. SK SPIP.pdf.

SK Monitoring.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK Monitoring.

SK Tentang Mediator.pdf
Page 3 of 3. SK Tentang Mediator.pdf. SK Tentang Mediator.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK Tentang Mediator.pdf. Page 1 of 3.

SK PNJR NEW.PDF
ketentuan untuk menjamin tercapainya pelayanan prima terhadap. masyarakat pencari keadilan; 6. Bahwa dengan. dis.e.suaikannya keputusan Ketua ...

SK ISI OK.pdf
berwenang menerbitkan sertifikasi profesi geomatika'. 2. Anggaran Rumah Tangga lSt Pasal 16 tentang Badan Sertifikasi Asosiasi (BSA-lSl). Memperhatikan: 1.

SK S1 Manajemen.pdf
Page 3 of 3. SK S1 Manajemen.pdf. SK S1 Manajemen.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK S1 Manajemen.pdf. Page 1 of 3.

RAC SK Mondal.pdf
ration. S, IAS. ns. orking as a. -1992, 1994. P)refrigerator+ 1. P)refrigerator. at pump, if. efrigerator + 1. es of 27°C. 0 Wand 10. [GATE. rature lim. heat engin. ion is equa. ter 1. n. S). a heat. 4, 2000]. 1. f same. and –. 000 W,. E-2003]. mi