G. I. Orihinal na tumutukoy ang salitang G.I. at binibigkas paraang Ingles na “gyi ay” sa mga galvanized iron o yerong ginagamit na pambubong sa mga estrukturang madaliang itinatayô ng pangkating militar sa Estados Unidos. Sa mga panahon ng Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging inisyals ito para sa Government Issue, na nakatatak sa mga kagamitan ng mga sundalong Amerikano. Ang ibig sabihin, “mula sa pamahalaan” o “pag-aari ng gobyerno” ang naturang kagamitan ng mga sundalo. Sa paglaon, ito ang naging bansag mismo sa mga sundalong Amerikano. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tinawag na “G.I. Joe” ang mga Amerikanong sundalo at ginamit namang pamagat ito sa isang istoryang deserye sa komiks na nagtatanghal sa pangkat ng mga sundalong Amerikano na may kahanga-hangang tapang at naglilingkod para sa kapayapaan ng mundo. Sa ngayon, may bumabaybay sa G.I. na wala nang tuldok “GI.” Ginagamit din itong bansag sa ibang bagay. Isang popular na G.I. ang inisyals para sa “Genuine Ilocano” na may mapagbirong pagtukoy sa katangiang “lubhang matipid” ng mga Ilokano. (MJCT) ed VSA

gába Ang gába ay isang sinaunang paniniwala ng mga Bisaya. Para sa kanila, anumang gawing masamâ ng tao nang walang maayos na dahilan ay pinarurusahan ng Langit sa pamamagitan ng gaba. Maaaring magkasakit ang táong nagaba o kayâ may mangyaring hindi inaasahan sa pamilya. May paniwala din na higit na mabigat ang parusa kaysa ginawang masamâ. Dahil naman sa mga kuwento ng gaba na naipon sa matagal na panahon ay tumitingkad ang halos pagsampalataya at tákot ng mga tao sa gaba. Isang pananakot at paalala ang ekspresyon na “Gabaan ka.” Pananakot dahil may paniwala ngang higit na mabigat ang aabuting higanti ng kapalaran sa sinumang magaba. Paalala dahil nagsisilbi itong gabay ng tao upang huminahon at pag-isipang mabuti ang anumang gagawin, lalo na’t may kaugnayan sa kapuwa tao. Sa Negros Occidental, ginagamit ang gaba bilang isang mahalagang bagay na dapat iwasan upang hindi na makapinsala. Nagiging sentral din sa mga Negrense ang gaba upang gumawa ng mabuti sa tao sa sa kalikasan. (SJ)

Guhit ni Ricarte Puruganan

gabbáng Ang gabbáng ay siloponong blade o tekladong gawa sa kawayan. Binubuo ito ng mga nakahanay na teklado ayon sa sukat, maliliit mula kaliwang bahagi at papalaki papunta sa kanang bahagi. Nakapatong ang mga ito sa isang rektanggulong kuwadro na gawa sa kahoy. Tinutugtog ito sa pamamagitan ng pagpalo ng dalawang patpat na yari sa kahoy. Ang bilang ng teklado ay sang-ayon sa nakagawiang tradisyon ng etnolingguwistikong grupo na tumutugtog nito: mula 3-9 para sa Yakan, 14-24 sa Tausug, at 17 naman para sa Palawan. Ang kaayusan ng tono ng mga teklado ay nakabatay sa eskalang septatonic o pitong tono. Ginagamit ang gabbang bilang panimulang musika sa awitan kung ito ay tinutugtog nang walang kasaliw. Sa Tausug, ang gabbang ay tinutugtog ng kababaihan bilang saliw sa mga sekular na awit na tinatawag na liyangkit at sindil. Ito ay ginagawa bilang libangan sa kasalan at pagdiriwang ng anibersaryo. Ang melodiya ay nahahati sa ina (mataas na tono) at anak (mababang tono). Mahalaga itong kasaliw ng biyola. Ang Yakan ay may maliit na bersiyon ng gabbang. Mayroon lamang itong limang teklado na maaaring tugtugin ng isa (ngwintang) o dalawang tao (neruwe o kajali). Kung dalawa ang tumutugtog dito, ang isa ay tumutugtog ng kombinasyon ng mga tono sa tatlong teklado; ang isa naman ay bumubuo ng regular na ritmo sa natitirang dalawa pang teklado. Mga lalaki rin ang tumutugtog ng gabbang ng Samal bilang saliw sa mga awit na may temang pag-ibig. Ang gabbang ng Magindanaw, ang tamlang, ay gumagamit ng mas makapal na kawayan para sa teklado at nakapatong ang mga ito sa mas mabigat na kuwadro. Ginagamit itong sanayan sa pagtugtog ng kulintang ng mga bata at matanda. Ang iba pang pangalan ng gabbang ay agung gabbang ng Yakan, gambang ng Samal, kwintangan batakan ng Yakan, at tamlang ng Magindanaw. (RCN) (ed GSZ)

Gabinéte Sa isang presidensiyal na sistemang kagaya ng umiiral sa Filipinas, ang Gabinéte (Cabinet) ang kapulungan ng mga pinunò ng iba’t ibang mahalagang kagawaran ng gobyerno at mga ahensiyang direktang pinamamahalaan ng Opisina ng Pangulo. Ang mga kasapi ng Gabinéte ay tinatawag na kalíhim o sekretaryo at nananagot lámang sa nakaluklok na Pangulo na siyáng nagtalaga sa kanila. May kapangyarihan ang Pangulo ng Filipinas na pumilì ng sinumang naisin niya na manungkulan sa Gabinéte. Subalit kailangang pagtibayin ng Komisyon ng Paghirang ng Kongreso ng Filipinas ang nominasyon ng isang naitalagang kalihim upang maging opisyal ang kaniyang panunungkulan. Ang prinsipyo ng pagbubuo ng Gabinéte ay pinasimulan sa Inglatera noong hulíng bahagi ng ika-16 siglo. Nagsisilbi itong impormal na lupon ng tagapayo ng hari. Nang maitatag ang modernong parlamentaryong demokrasya, pormal na ginamit ang konsepto ng gobyerno ng Gabinéte upang magsilbing komiteng tagapagpaganap ng parlamento. Dahil dito, ang mga kasapi ng Gabinéte ay kasapi rin ng parlamento. Malaki ang pinagkaiba ng Gabinéte sa isang presidensiyal na sistema. Sa gobyernong presidensiyal, walang nagsasariling kapangyarihan ang Gabinéte at ang mga kagawad nitó ay hindi halal ng mamamayan. Nagsisilbi ang Gabinéte bilang tagapagpaganap ng mga opisyal na patakaran at gumaganap lámang ng mga administratibong tungkulin upang mas epektibong makapamunò ang Pangulo. Ganito ang modelo ng sistemang Gabinéte na sinusunod ng gobyerno ng Filipinas. Mayaman ang praktika ng Filipinas sa pagbubuo ng Gabinéte. Noong panahon ng himagsikan laban sa mga Espanyol, nag-organisa na ang Katipunan ng isang pormal na Gabinéte na tumayông lihim na rebolusyonaryong gobyerno. Nagtalaga rin si Emilio Aguinaldo ng kaniyang Gabinéte upang pangasiwaan ang iba’t ibang tungkuling panggobyerno noong Republikang Malolos. Hanggang sa kasalukuyan, ang sistemang Gabinéte pa rin ang pangunahing instrumento ng Pangulo ng Filipinas upang mas mahusay na mapamahalaan at maipatupad ang mga tungkulin ng gobyerno. (SMP) (ed VSA)

Gaddanan Si Gaddanan umano ang mandirigmang pinuno ng tribung Gaddang na nagtanggol sa kaniyang nasasakupan at siyang pinagmulan ng pangalan ng bayang Angadanan bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan. Ang Gaddáng ay pangkating etniko na matatagpuan sa pusod ng Cagayan Valley at Silangang bahagi ng Cordillera. Sa sinaunang panahon, umakyat umano ang tribung Gaddang sa mga bulubundukin sa hilaga sa pamamagitan ng pamamaybay sa bunganga ng Ilog Cagayan. Marunong na umano silá ng pagkakaingin, subalit ang engkuwentro nilá sa mga Ifugaw ang nagturo sa kanila ng pagtatanim sa mga payaw. May barangay rin sa bayan ng San Mateo sa lalawigan ng Isabela na matatagpuan din sa Cagayan Valley. (ECS) ed VSA

gadyá Ang gadyá ay ang pinakamalaki at pinakamabigat na nabubuhay pang hayop sa lupa. Mayroon itong napakahabàng ilong, malalaking tainga, at dalawang tila sungay na ngiping nakausling palabas ng bibig. Mas kilala ito sa tawag na elepánte. Tatlo lang ang uri ng gadyang kinikilala sa kasalukuyan: ang African Bush Elephant (Loxodonta Africana) at African Forest Elephant (Loxodonta cyclotis) na parehong matatagpuan sa Aprika; at ang Asian Elephant (Elephas maximus) na nabubuhay lámang sa katimugang bahagi ng Asia– mula sa India hanggang Borneo. Gayunman, mayroong mga pag-aaral na nagsasabing may isa pang hiwalay na uri ng gadya na matatagpuan naman sa kanlurang Aprika. Sa Asia, tanyag na simbolo ng karunungan ang mga gadya. Kinikilala ang mga ito dahil sa umano’y taglay na talas ng memorya at talino ng mga ito na itinutumbas sa antas ng kaisipan ng mga lumba-lumbá at ibang primate. Bagaman walang natural na predator ang malalaki nang gadya, nanganganib pa ring malipol ang mga ito. Bukod sa unti-unting pagkaubos ng mga gubat na tirahan, mabilis ang pagbaba ng populasyon ng mga gadya dahil sa ilegal na panghuhuli at pagpaslang. Ibinebenta kasi ang garing mula sa mga nakausling pangil ng elepante. Dito sa Filipinas ay nabuhay rin ang mga sinaunang uri ng gadya. Sa Lambak Cagayan sa Hilagang Luzon, halimbawa, ay may nahukay na fossilized molars o bagang ng Elephas sp. at Stegodon. Ayon sa mga pagaaral, ang mga ito ay umiral 750,000 taon na ang nakararaan o sa panahon pa ng Pleistocene. Ang mga elephas lalo na ang stegodon ay may mas malalaking bungo at mas mahahabàng pangil na mistulang sungay kaysa mga kasalukuyang uri ng gadya. (BVN) (ed GSZ)

mula sa Aklat Adarna

gagambá Ang gagambá (order Araneae) ay alinman sa mga hayop na karaniwang may kakayahang magsapot at may walong galamay. Mayroon itong dalawang malalaki at makamandag na pangil na ginagamit sa pagsakmal at pagkain. Ang Araneae ay itinuturing na pinakamalaki sa lahat ng orden ng mga araknid at ikapitó sa pinakamaraming bilang ng mga organismo sa mundo. Matatagpuan ito sa halos lahat ng kontinente maliban sa Antartika at namumuhay sa halos lahat ng habitat maliban sa himpapawid at karagatan. Sa kasalukuyan, naitalâng mayroong humigit-kumulang na 43,000 species at 109 pamilya ang mga gagamba. May tatlong suborders ang mga gagamba: ang Mesothelae na pinakamatanda sa lahat at may mga pangil na nakaturo pababâ; ang Mygalomorphae na kinabibilangan ng mga malalaking gagamba, gaya ng tarantula na mayroong malalaking chelicerae at pangil; at ang Araeomorphae na pinakamarami ang species at kilala sa paggawa ng magagandang sapot. Itinuturing ang gagamba na chelicerate at arthropod. Bilang arthropod, mayroon itong segmentadong katawan at ulo at hugpong-hugpong na mga galamay na nababalot ng chitin at protina. Bilang chelicerate, binubuo ang katawan nitó ng dalawang bahagi: ang una ay ang cephalothorax o prosoma na binubuo ng ulo at dibdib at ang opisthosoma o ang tiyan. Pinagdudugtong ang cephalothorax at opisthosoma ng isang seksiyong maliit at silindriko na tinatawag na pedicel at nagpapahintulot sa gagamba ng malayang paggalaw ng tiyan kapag naglalabas ng sapot mula sa mga glandula nitó. Karaniwang may apat na pares ng matá ito na nagkakaiba ng ayos depende sa species. Ang pangunahing matá ay nakabubuo ng mga imahen habang ang iba pang matá ay tumutukoy naman ng pinanggagalingan ng ilaw. Nakasalalay sa mga matá nitó ang pagtukoy ng direksiyon at pagkilala sa paligid dahil wala itong pampabilis at pambalanseng sensor. Popular ang mga gagamba bilang libangan sa mga Filipino lalo sa mga musmos. Karaniwang Sa larong tinatawag na sapót, pinaglalaban ang dalawang gagamba sa tingting. May alamat din tungkol sa isang batàng mahusay maghabi ngunit naging mayabang kayâ pinarusahan ng mga diwata at naging gagamba. Ang komiks naman na pinamagatang Gagamba ng magkapatid na Nestor at Virgilio Redondo ay sumikat pagkatapos itong lumabas sa Tagalog Klasiks noong 1962. Ang iba pang katawagan sa gagamba ay alalawa, anlalawa, aranya, bakaw, babagwa, damang, ganggang, genggeng, gigang, hawa, lalawa, lawa-lawa, lawwa-lawwa, at tambayawan. (KLL) edVSA

galadgád Ang galadgád ay isang kasangkapang pangisda na may lambat na hugis kono o apa na gawa sa dalawa, apat, o higit pang panel na hinahatak ng isa o dalawang bangka sa ilalim o gitna ng dagat. Ang dulo na hugis kono ay may bag at doon naiipon ang isda o hipong nahuhúli. Hábang ang lambat ay binabatak, pinananatili ang pahalang na bukasan sa pamamagitan ng balangkas na yari sa bakal o kayâ ay sa pagitan ng dalawang bangkang bumabatak. Iba’t iba ang bilis ng paghatak at ito ay ayon sa klase ng galadgad at isdang tinatarget hulihin. May iba’t ibang aparato na nagbibigay ng puwersa para ang lambat ay mapanatiling nakabukás nang pahalang at patayô. Ito ay ang pampalutang at pampabigat. Ang laki ng matá ng lambat sa dulo ay ginagamit upang kontrolin ang laki at espesye ng isda na nahuhúli. Ang prinsipyo ng paghúli ay ang pagsalà ng tubig. Tinatawag na trawl sa Ingles, may dalawang klase ng galadgád: maliliit (hindi hihigit sa 3 tonelada ang bangka) na ginagamit ng mga maliliit na mangingisda at ang malalaki (higit sa 3 tonelada ang bangka) na ginagamit ng mga komersiyal na mangingisda. Ang galadagad na ginagamit sa gitna ng dagat ay nakakahúli ng mga isdang karaniwan ay nagsasáma-sáma tulad ng dilis, sardinas, alumahan, at hipon. Ang madalas mahúli naman ng galadgad na nása ilalim ng dagat ay sapsap, isdang lapad, bisugo at mga isda sa tangrib. Sa kasalukuyan ang galadgad ay ginagamit sa halos lahat ng karagatan sa buong mundo. Pero sa Filipinas ang paggamit nitó ay nagsimula noong 1945-1946. Simula nang gamitin ang galadgad, marami nang naiulat tungkol sa hindi magandang dulot nitó, lalo na kapag ginagamit sa may baybayin. Ang dahilan ay hindi ito namimilì ng laki at espesye ng isdang hinuhúli. Lahat ng lamang-dagat na madaanan ng galadgad ay hinuhúli nitó, kahit maliit o malaki, maibebenta o hindi. Sa Filipinas, ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng galadgad sa tubig na nasasakupan ng isang munisipyo o hanggang 15 kilometro. (MA) ed VSA

galunggóng Ang galunggóng ay nabibílang sa pamilya Carangidae at ang pinakamaraming uri ay nása grupo ng Decapterus. Matatagpuan ang isdang ito sa kanluran ng Indo-Pasipiko at sa silangang bahagi ng Pasipiko at Aprika. Nagsasáma-sámang nananahan malapit sa ilalim ng dagat ang mga galunggóng at nanginginain ang mga ito sa ibabaw ng bahura at sa mga mabuhanging lugar. Payat at medyo pabilog na tila hugis tabako ang katawan ng galunggóng. Malaberde o kumikinang na asul ang kulay ng likod nitó, samantalang kulay pilak o maputî ang tiyan. Malimit na may maliliit at itim na batik ang talukap ng hasang, may mga tinik ang palikpik sa likod at puwit, at kadalasang may dilaw na linya sa katawan mula ulo hanggang buntot. Kapag nása tamang gulang para magparami, maaari itong mangitlog pagkalipas ng 10-12 buwan. Nangingitlog ito sa buong taon at ang mga itlog ay nagpapalutang-lutang bago mapisa. Maraming uri ng galunggóng at ang isa sa mga kilalá at ginagamit sa komersiyo ay ang Decapterus macrosoma. May karaniwang habà na 25 sentimetro ang ganitong uri ng galunggóng at ang pinakamalaking naitalâ ay umaabot ng 35 sentimetro. Nakalukong palikod ang hulihan ng ibabaw ng panga nitó at may nakausling pabilog. Mas payat ito kompara sa ibang uri ng galunggóng. Hinuhúli ito sa pamamagitan ng basnig, pangulong, pante, galadgad, at bundak. Sa Filipinas, ang mga tradisyonal na lugar para manghúli ng galunggóng ay sa mga dagat at look ng Sulu, Kabisayaan, Sibuyan, Lamon, Ragay, at Babuyan. Kadalasan itong ibinebenta nang sariwa o ginagawang daeng at tinapa. Ginagamit din itong pain para sa malalaking isda. (MA) (ed VSA)

Félix Galúra (21 Pebrero 1866-21 Hulyo 1919) Si Félix Galúra ay isang kalahok sa Himagsikang Filipino at isang bantog na manunulat sa Pampanga. Isa siyá sa mga pinakamahusay na produkto ng panitikang Kapampangan. Kilalá siyá bilang isa sa mga pangunahing mandudula ng Gitnang Luzon at “Ama ng Balarilang Kapampangan.” Isinilang siyá noong 21 Pebrero 1866 sa Bacolor, Pampanga. Noong 4 Hunyo 1898, sa Escuela de Artes y Oficios de Bacolor, pinamunuan niya kasáma sina Paulino Lirag at Alvaro Panopio ang Voluntarios Locales de Bacolor laban sa pamahalaang kolonyal. Sinunog nilá ang kapitolyo ng lalawigan, ang Casa Real, at pinaslang ang mga Espanyol, kazadores at taga-Macabebe na panig sa mga mananakop. Pinakawalan din nilá ang mga bilanggo. Itinuturing ito na “Unang Sigaw ng Himagsikan sa Pampanga,” at maaaring siyáng batayan ng pinakamahusay na dula ng Kapampangang mandudula na si Mariano Proceso Byron, ang “Apat Ya Ing Junio.” Bilang manunulat, ginamit niya ang sagisag-panulat na ”Flauxgialer.” Si Galura ang isa sa tatlong pangunahing dramatista ng Bacolor; kasama niya sina Byron at Juan Crisostomo Soto (kilala bilang ”Crissot”). Pinasimulan nilá, kasáma ang iba pang tanyag na Kapampangang manunulat tulad ni Aurelio Tolentino, ang itinuturing na ”Gintong Panahon ng Panitikang Kapampangan.” Bago sa tatlo, ang mga dulang itinatanghal sa Pampanga ay mga moro-moro at komedya na walang musika at awit. Noong 1900, pinasimulan ng tatlo ang Kapampangang sarsuwela, at daan-daan ang itinanghal sa sumunod na tatlong dekada. Maituturing na pusod nitó ang Teatro Sabina, isa sa pangunahing tanghalan noon sa lalawigan, at nakalagay ang pangalan ni Galura sa arko ng proscenium nitó bilang pagkilóla sa kaniyang mga ambag. Noong 1906, sumulat siyá ng isang nobenang dasal, ang “Pamagsiam King Ikarangal Ning Ginu Tang Virgin Karin Lourdes.” Noong 1915, sinulat niya ang “Ing Kabiguan” (Ang Kabiguan) na tungkol sa isang pag-aaklas laban sa mga Espanyol. Itinatag niya ang Ing Alipatpat, isang lingguhang publikasyon sa Pampanga. Noong 1916, sumulat siyá ng aklat tungkol sa balarila, ang Sanayan o Malaguang Pipagaralan qng Amanung Castila Agpang qng Gramatica (Mga Pagsasanay sa Madaling Paraan ng Pag-aaral ng Wikang Español Gamit ang Balarila). Dahil sa akdang ito, kinikilala siyá bilang “Ama ng Kapampangang Balarila.” Ilan sa iba pa niyang obra ay

ang Ing Babaying Panguingera (Ang Babaeng Pangginggera), Ing Mora (Ang Babaeng Muslim), at Ing Singsing a Bacal (Bakal na Singsing), isang pagsasaling ginawa kasáma si Soto. Pumanaw siyá noong 21 Hulyo 1919. (PKJ)

Magdaléna Gamáyo Mahigit pitóng dekada nang naghahabi ng tela si Magdaléna Gamáyo ng Pinili, Ilocos Norte, nanlalabo na ang kaniyang paningin, ngunit itinuturing pa rin siyáng pinakanatatanging manghahabi sa abel ngayon. Dahil dito, ibinigay sa kaniya nitóng 2012 ang Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA). Labing-anim na taóng gulang si Madalena nang magsimulang mag-aral maghabi sa tulong ng kaniyang tiya. Hindi siyá pormal na nag-aral ng naturang tradisyonal na sining. Sa halip, nagmasid-masid lámang siyá sa paggawa ng tiya at sakâ paggaya sa mga padron ng hábi nitó. Ibinili siyá ng kaniyang ama ng abel na gawa sa matigas na sággat noong 19 taóng gulang siyá, at ito ang kaniyang naging habihan sa loob ng 30 taón. Naging dalubhasa si Magdalena sa mga tradisyonal na padron ng binakól, inuritan, at kusikos. Ngunit higit siyáng kahanga-hanga sa padron ng inuban nga sabong. Hinangaan ang kaniyang mga inabel dahil sa maselang mga padron at makinis na hábi. Ngayon at sa gulang na 88 taón, may dalawa siyáng estudyante, ang manugang ng kaniyang pinsan at ang kaniyang sariling manugang na babae. Itinuro muna niya sa dalawa ang payak na binakol. Pagkatapos humusay sa naturang padron ay ipinagawa niya ang ibang mga disenyo. Nitóng 8 Nobyembre 2012, sa isang seremonya sa Malacañang ay ibinigay kay Magdalena ang Gawad Manlilikha ng Bayan. Inaasahang darami pa ang kaniyang magagabayan hábang nabubúhay. (VSA)

Patrocinio Gamboa (30 Abril 1865-24 Nobyembre 1953) Tinawag na “Bayani ng Jaro,” ipinanganak si Patrocinio Gamboa (Pat·ro·sín·yo Gam·bó·a) sa Jaro, Iloilo noong 30 Abril 1865 kina Fermin Gamboa at Leonila Villareal. Dahil anak na babae ng isang mariwasang pamilya, nag-aral siyá sa mga pribadong guro, kinikilálang relihiyosa ngunit may malayang pag-iisip. “Tiya Patron” ang palayaw sa kaniya. Sinundan niya ang mga sinusulat ng mga Propagandista at binása ang mga nobela ni Rizal. Nang sumiklab ang Himagsikang 1896 ay 31 taóng gulang na siyá. Sumáma si Tiya Patron sa mga lider manghihimagsik sa kaniyang lalawigan. Naging aktibo siyá sa Comite Conspirador na itinatag sa Molo, Iloilo noong Marso 1898 at pinalaki bílang Comite Central Revolucionario de Visayas sa pamumunò ni Roque Lopez. Si Tiya Patron at ilang kababaihan ang tumahi ng watawat ng Filipinas na iwinagayway sa pasinaya ng pamahalaang rebolusyonaryo sa Visayas noong 17 Nobyembre 1898. Isinunod niya ang mga simbolo ng watawat sa tinahi ni Marcela Agoncillo. Bukod sa mapanganib na pagdadalá ng watawat mulang Molo hanggang Santa Barbara, tinupad ni Tiya Patron ang maraming tungkulin bílang espiya at tagahatid mensahe ng rebolusyon. Malaking tulong ang kaniyang reputasyon bílang anak mayaman. Nangolekta din siyá ng salapi, pagkain, gamot, at armas. Alam ng mga lider rebolusyonaryo ang mga naturang serbisyo. Kayâ noong 1901, pagkatapos ng digma, may resolusyong bigyan siyá ng pensiyon ng gobyerno ngunit magalang niyang tinanggihan. “Naglingkod ako,” wika niya, “dahil mahal ko ang aking bayan. Hindi ako naghihintay ng kabayaran sa aking paglilingkod.” Hitik sa mga memorabilyang Filipino ang kaniyang bahay. Kapag Araw ni Rizal, Araw ng Kasarinlan, at iba pang makabayang pista, siyá ang unang nagtatanghal ng watawat sa kaniyang harap ng bahay. Namatay siyáng soltera noong 24 Nobyembre 1953. (GVS)

gamugamó Ang gamugamo (o moth sa Ingles) ay isang uri ng insekto na maaaring maiugnay sa mga paruparo sapagkat kapuwa kabilang sa order Lepidoptera. Karamihan sa mga uri ng insekto na nasa order Lepidoptera ay mga gamugamo. Pinaniniwalaang may mahigit sa 160,000 uri ng gamugamo; sampung beses ang dami sa uri ng paruparo. Karamihan sa mga gamugamo ay nocturnal, isang katangian ng mga hayop na gisíng sa gabi at tulóg sa araw. Ang salitang Heteronacera ay ginagamit ding pantukoy sa mga gamugamo samantalang ang salitang Rhopalocera ay ginagamit naman sa mga paruparo upang magkaroon ng pagkakaiba. Ang mga gamugamo ay kinakain ng mga kapuwa hayop, tulad ng paniki, kuwago, ibon, butiki, pusa, aso, daga, at ilang oso. Ang pinakamalaking gamugamo sa buong mundo ay ang Atlas moth. Isang popular na anekdota tungkol kay Rizal ang kaniyang pagmamasid sa gamugamo na tila nagsasayaw paikot-ikot sa lampara isang gabing binabasáhan siyá ng kuwento ng kaniyang inang si Teodora Alonzo. Bakit ba ito naaakit lumapit sa ningas ng ilaw upang masúnog at mamatay? Nang itanong niya ito sa ina ay pinayuhan siyá ng ina na huwag tumulad sa gamugamo. Waring tumiim sa kaniyang kalooban ang mahiwagang ugali ng gamugamo. Alam natin ngayon ang siyentipikong dahilan kung bakit naaakit ang gamugamong dumikit sa ningas ng ilaw. Ngunit sa anekdota, may nagsasabing naging sagisag ito kay Rizal ng panganib sa paghahanap ng katotohanan (ang simbolo ng liwanag). At pinatutunayan ng kasaysayan na hindi niya sinunod ang payo ng magulang sa bagay na ito. Namatay din siyá, tulad ng gamugamo, sa pagsisikap maabot ang liwanag para sa kaniyang bayan. (IPC)

gandíngan Ang gandíngan ay makitid na gong at may mababaw ang umbok sa gitna. Ito ay apat na gong na nakasabit sa isang estanteng kuwadrado at kasáma sa pagtugtog ng pangkat ng kulintang ng Magindanaw. Kapag ginamit sa set ng instrumento, sumasaliw ito bilang ikalawang instrumentong melodiko sa kulintang na pangunahing instrumento. Karaniwang ang gong na may mababàng tono ay nása kaliwang bahagi hábang ang may mataas na tono ay nása kanang bahagi ng manunugtog. Tradisyonal na ginagamit ang bronse sa paggawa ng gandingan, ngunit mas karaniwang ginagamit ang brass at iron. Maaari itong magsilbing komunikasyon ng Magindanaw sa pagpapadala ng mensahe o babala sa malalayòng lugar. Nakatayô sa likod ng gandingan ang manunugtog nitó. Hawak niya ang dalawang balu na may bálot na goma sa dulo at ipupukpok ito sa umbok sa gitna ng gandingan. Mayroong iba’t ibang paraan ng pagtugtog ng gandingan. Sa mga pormal na presentasyon, ginagamit ang apat na gong hábang sa mga impormal na okasyon, ginagamit ang tatlong gong na matataas ang tono. Sa mga paligsahan ng pagtugtog ng gandingan, mayroong dalawang katulong na magpapanatili ng gong sa lugar hábang walang humpay na hinahampas ito ng manunugtog upang ipakita ang kanilang husay sa instrumento. Hindi tiyak ang pinagmulan ng salitang “gandingan” ngunit lumabas ito sa mga epikong-bayan at kuwentbong-bayan ng Magindanaw. Sa isang kuwento, ang Malailai Gandingan ay lugar ng makapangyarihang sultan. Sa isang epikong-bayan, ang Raha sa Madaya, Gandingan ang pangalan ng lugar tinitirahan ng mga palabang datu na nagtangkang dukutin ang prinsesa ng Madaya. Lumabas din ito bilang instrumento sa epikongbayang Diwatakasalipan. Sa epiko, ginamit ng prinsesang si Tintingan na Bulawan ang gandingan upang ipaalam sa kapatid na si Initulon na Gambal ang tungkol sa bayaning prinsipe na si Diwatakasalipan na naghahanap ng asawa. Dahil dito, napaghandaan ni Initulon na Gambal ang pag-aliw sa bayaning prinsipe gamit ang kulintang. (KLL)

gángsa Ang gángsa ay instrumento na gong ng mga katutubong kultura sa Cordillera Administrative Region (CAR). Ang gangsa ay gawa sa bakal, copper brass, o bronse kung sinaunang gamit. Pangunahing instrumento ang gangsa sa mga sayaw at ritwal ng mga Igorot. Ito ay may iba’t ibang sukat ng bílog na nagbibigay ng iba’t ibang tunog, tayming at ritmo depende sa nagsasayaw sa partikular na layunin ng ritwal. Umiikot ang mga sumasayaw na lalaki hábang tinutugtog ang gangsa. Kapag pinatugtog ang gangsa, pinaniniwalaang kailangang sabayan ng pagpatay ng mga hayop na gagamitin sa ritwal na kanyaw upang bumabâ at makiritwal ang mga kaluluwa ng mga patay at mga ninuno ng komunidad. Ang gangsa ng Kalinga at Kankanaey ay tinatawag na gangha sa Ifugaw at kalsa naman sa Ibaloy. (PGD)

Ganito Kami Noon…Paano Kayo Ngayon? Idinirihe ng Pambansang Alagad sa Sining sa Pelikulang si Eddie Romero ang pelikulang Ganito Kami Noon….Paano Kayo Ngayon? (1976) at sa panulat nina Eddie Romero at Roy C. Iglesias. Ilan sa gumanap sa pelikula sina Christopher de Leon, Gloria Diaz, Eddie Garcia, Rosemarie Gil, Jaime Fabregas, Dranreb Belleza, E.A. Rocha, Leopoldo Salcedo, at Tsing Tong Tsai. Umiinog ang kuwento kay Kulas, isang probinsiyanong may simpleng pangarap sa buhay—ang maglakbay. Kasabay ng kaniyang pakikipagsapalaran ang pagsalubong ng mga Filipino sa siglo 20, panahon ng rebolusyong Filipino laban sa mga Espanyol. Pahapyaw ding itinampok ng pelikula ang pakikipaglaban ng ilang Filipino sa mga Amerikanong pumalit sa mga Espanyol bilang mananakop. Nagsimula ang kakaibang pakikipagsapalaran ni Kulas nang masangkot siya sa isang di-pagkakaunawaan kasama ang isang paring Espanyol. Pinakiusapan siyá ng pari na hanapin ang nawawala nitóng anak. Sa pagtugon ni Kulas sa hiling ng fraile, nakilála niya si Diding, isang sarsuwelista. Sa pagkahulog ng loob niya sa dalaga, tuluyang naiba ang kaniyang landas. Bukod sa kantahan, katatawanan, romansa, at digmaan, itinatampok sa pelikula ang suliranin ng mga Filipino sa pagtuklas at pagkamit ng sariling kaakuhan. Makikita rin dito ang iba’t ibang mukha ng mga Filipino noong panahong iyon: mandirigma, manlalakbay, tulisan, artista, amo, alipin, preso, pobre, at iba pa. Kinilala ang Ganito Kami Noon….Paano Kayo Ngayon? bilang isa sa pinakamahusay na pelikula ng dekada 70. Tumanggap ito ng mga parangal tulad ng Best Direction, Best Picture, Best Screenplay, at Best Production Design sa Gawad Urian Awards; Best Actor, Best Music, at Best Supporting Actor sa FAMAS Awards; Best Director, Best Art Direction, Best Film, Best Screenplay, Best Music, at Best Actor sa Metro Manila Film Festival. (RPB) (ed VSA)

Carlos P. Garcia (4 Nobyembre 1896-14 Hunyo 1971) Pumalit na pangulo ng Republika ng Filipinas si Carlos P. Garcia (Kár·los Pi Gar·sí·ya) noong 1953 at biglang mamatay si Pangulong Magsaysay. Nagpatuloy siyáng pangulo nang magwagi sa pambansang eleksiyon noong 1957. Pangunahing tatak ng kaniyang administrasyon ang patakarang “Filipino Muna” (Filipino First) sa kabuhayan at ang kaniyang programa sa pagtitipid na “Austerity Program.” Gayunman, nabatikos siyá sa malimit na pangingibang-bansa, paggamit ng mamahaling yate’t eroplano, at sa mga nabulgar na nakawan sa People’s Homesite and Housing Corporation (PHHC) at Government Service Insurance System (GSIS). Malinaw itong sanhi ng pagkatálo niya sa eleksiyong 1961. Isinilang si Garcia noong 4 Nobyembre 1896 sa Talibon, Bohol kina Policronio Garcia at Ambrosia Polistico. Dahil sa matinding hilig magaral ay pumunta siya ng Cebu para sa mataas na paaralan, sa Silliman University sa Dumaguete, at Sa Philippine Law School sa Maynila. Nagturo muna siyá sa mataas na paaralan sa Bohol pumasok sa politika. Mahilig din siyáng tumula at isang kinikilalang mambibigkas sa wikang Boholano. Naging asawa niya si Leonila Dimataga ng Cebu. Noong 1925, nagwagi siyáng kinatawan sa Asamblea at humawak ng gayong tungkuling hanggang1931. Naging gobernador siyá ng Bohol noong 1931-1940. Noong 1941 nagwagi siyang senador at nakasáma sa Senado sina Claro M. Recto, Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Jose Yulo, at Quintin Paredes. Naggerilya siyá noong panahon ng Pananakop ng mga Hapones. Noong 1946, kabilang siyá sa mga kasapi ng Partido Nacionalista na nagwaging senador. Siyá ang napiling kandidatong pangalawang-pangulo at katiket ni Magsaysay sa halalang 1953. Nang manalo, naglingkod siyáng kalihim ng suliraning panlabas. Nasa isang pulong siyá sa Australia nang mamatay sa aksidente si Pangulong Magsaysay. Nagwagi siyáng pangulo sa eleksiyong 1957 ngunit natálo sa eleksiyong 1961. Hulíng aktibidad niyang politikal ang pagkandidatong delegado sa 1971 Kumbensiyong Konstitusyonal. Nagwagi siyáng kintawan ng Bohol at nahalal pang pangulo ng kumbensiyon. Ngunit tatlong araw matapos manumpang pangulo ay inatake siyá sa puso at namatay noong 14 Hunyo 1971. (VSA)

Ceferino Garcia (26 Agosto 1906-1 Enero 1981) Si Ceferino Garcia (Ce·fe·rí·no Gar·sí·ya) ang kaisa-isang Filipinong naging kampeong pandaigdig sa middleweight at kinikilálang imbentor ng “bolo punch.” Isinilang siyá noong 26 Agosto 1906 sa Naval, Biliran at panganay na anim na anak nina Fortunato Garcia at Pascuala Pieras. “Cipriano Garcia” ang tunay niyang pangalan. Tipiko siyáng anak mahirap, hindi nakapag-aral, umalis ng bayan upang makipagsapalaran, at pinalad sa pagboboksing. Kinatatakutan na si Predo, palayaw niya, sa boksing nang umalis ng Naval at naghanap ng trabaho sa Lungsod Cebu. Ipinakilála siyá ng isang panadero sa isang promoter ng boksing. Nagsimula siyáng sumikat na boksingero noong 1936 sa Cebu, lumipat sa Maynila, at naglakbay sa Estados Unidos. Nakuha niya ang korona sa pandaigdigang middleweight noong 2 Oktubre 1939 at tatlong ulit itong ipinagtanggol bago natalo kay Ken Overlin sa puntos. Sa buong karera niya, natalo lámang siyá sa 28 ng kaniyang 142 laban at umiskor ng 67 knockout. Isa siyá sa itinuturing na pinakamalakas sumuntok na boksingero. Kinikilala siyang manlilikha ng tinawag na “suntok bolo” (“bolo punch”), bagaman may nagsasabing una itong ginamit ng isang Filipinong boksingero, si Macario Flores, noong 1924. Ang suntok bolo ay isang mabilis na uppercut. Nang tanungin kung paano niya natututuhan ang suntok bolo, sinabi ni Predo na bunga iyon ng pagtabas niya ng tubó noong kabataan sa Filipinas. Namatay si Predo noong 1 Enero 1981 sa San Diego, California. Bago ito, nahirang siyá sa Ring Boxing Hall of Fame noong 1977. Noong 1989, ibinilang siyá sa World Boxing Hall of Fame. (VSA)

Teofilo Garcia Si Teofilo Garcia (Te·o·fi·ló Gar·sí·ya) ang kinikilálang pangunahing manlilikha ng tabúngaw sa Abra at dahil dito’y binigyan ng Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA) nitóng 2012. Si Teofilo ay isang magsasaka at ito ang ibinuhay niya sa pamilya hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, kapag nakatapos sa mga gawain sa bukid, inaasikaso niya ang pagtatanim ng tabúngaw, isang uri ng úpo na pabilog ang hugis, at ang paglikha ng pútong na tinatawag ding tabúngaw ng mga Ilokano. Natutuhan niya sa kaniyang ingkong noong labinlimang taóng gulang pa lámang siyá ang sining ng paglála ng basket at paglikha ng tabungaw. Ngunit sa paglipas ng panahon ay napabantog ang pútong ni Teofilo. Sa lahat ng mga manggagawa ng tabungaw sa bayan ng San Quintin, Abra ay itinuturing na pinakamakinis at pinakamatibay ang gawa niya. Waring ipinagmamalaki naman niya ang bagay na ito. Siyá mismo ang modelo sa paggamit ng tabungaw. Lagi siyáng may suot na tabungaw paglabas ng bahay at lalo na kapag may kailangang gawin sa poblasyon ng San Quintin. Kumalat sa ibang bayan ang kaniyang reputasyon at ngayon ay hindi nagkukulang sa 100 piraso ng kasuotang pang-ulo ang kailangan niyang gawin taon-taon. Hindi naman siyá naghihinto sa pag-iisip ng pagbabago sa kaniyang likha. Halimbawa, nag-umpisa siyá sa paggamit ng nitò bilang dekorasyon sa gilid ng tabungaw. Nang mamatay ang kaniyang pinsan sa Cagayan at humirap ang suplay ng nitò ay nagpasiya siyáng mag-eksperimento sa nilapát na kawayan. Nakaimbento pa siyá ng gadyet para sa pantay at makinis na paghimay sa kawayan, alinsunod sa kaniyang pangangailangan. May ibaiba rin siyang disenyo para sa nilálang panloob na bahagi ng tabungaw. Nitóng 8 Nobyembre 2012, sa isang seremonya sa Malacañang ay iginawad kay Teofilo ang Gawad Manlilikha ng Bayan. (VSA)

Vicente Garcia (5 Abril 1817-12 Oktubre 1899) Isang makabayang pari si Padre Vicente Garcia (Vi·sén·te Gar·sí·ya), at nakilála dahil sa kaniyang inilathala at magiting na pagtatanggol sa Noli me tangere ni Rizal laban sa akusasyon ng mga fraile. Ipinanganak si Padre Garcia noong 5 Abril 1817 sa baryo Maugat (na sakop noon ng Rosario, Batangas) kina Don Jose Garcia at Donya Andrea Teodoro. Mariwasa ang kaniyang pamilya at may dugong Espanyol, mga sanhi kung bakit bakit nakapasok siyá sa pagpapari noong panahong iyon. Gayunman, dumanas pa rin siyá ng pang-aapi dahil may dugong Indio. Nominado siyáng canonigo magistral ngunit ipinagkait ang posisyong ito sa kaniya ng kaniyang mga superyor na Espanyol. Mahusay siyá sa Espanyol at Latin at nagsalin ng mga akda mula sa naturang mga wika. Isa sa naging popular ang salin niya ng Imitacion de Cristo. Ngunit umiral ang kaniyang pagiging Filipino nang batikusin si Rizal dahil sa nobelang Noli me tangere. Isang masigasig na kritiko ni Rizal ay si Fray Rodriguez, isang Agustino, at ipinahayag nitóng “erehe” at laban sa relihiyon at Espanya ang nobelista. Bagaman pari, kauna-unahang nagtanggol kay Rizal si Padre Garcia. Isang liham ng pagtatanggol ang ipinadalá niya’t nalathala sa La Solidaridad noong 15 marso 1896 sa ilalim ng alyas na “V. Caraig.” Sinuri niya ang nobela upang itanghal ang kabaligtaran ng mga akusasyon ni Fray Rodriguez. Umuwi si Padre Garcia sa Rosario noong 1899 at namatay ng Hulyo sa gulang na 82 taón. Noong 12 Hulyo 1999, ang labí niya ay hinukay at muling inilibing sa simbahan ng Santo Rosario sa poblasyon ng bayang ipinangalan sa kaniya. Ang kaniyang baryo Maugat at iba pang barangay sa tinatawag na Lumang Bayan ng Rosario ay inihiwalay sa Rosario at tinatawag ngayong Padre Garcia. (GVS)

garúda Ang garúda ay isang mitikong dambuhalang ibon na kumakain ng tao sang-ayon sa kuwentong-bayan ng mga Mëranaw. Sa kuwentong “Ang Dakilang Tataro,” dinagit ang tataro o higad, ng garúda at nang malapit na itong kainin ng hulí, umawit ang tataro nang napakaganda kayâ’t pinakawalan ng garúda. Maaaring nag-ugat ang garúda sa mitolohiyang Hindu, na tumutukoy rin sa garúda bilang mitikong ibon o mala-ibong nilaláng. Ito umano ang sinasakyan ni Vishnu, ang pinakadakilang diyos ng Hinduismo. Nagmula ang garúda sa salitang Sanskrit na nangangahulugang agila. Maaaring ito rin ang pinagmulan ng salitang Kapampangan para sa agila na galúra. Sa epikong-bayan Bidasari na nagmula sa Mindanao at hinango umano sa isang romansang Malay, ang kaharian ng Kembayat ay nililigalig ng garúda bilang dambuhalang ibon na mapaminsala sa mga pananim at maging sa búhay ng mga tao. Ang pagtatakbuhan ng mga tao sa tuwing dumarating ang garúda ang pagsisimulan ng kuwento ni Bidasari na isinilang ng sultana sa tabi ng isang ilog subalit naiwan doon dahil sa tákot at pagkalitong dulot ng garúda. (ECS) ed VSA

gatâ Ang gatâ ay katas mula sa ikalawang pigâ ng kinudkod na laman ng magulang na niyog at ginagamit bilang sangkap sa iba’t ibang pagkaing Filipino. Kákanggatâ ang tawag sa katas ng unang pigâ niyog. Manomano ang pagpiga sa kinudkod na laman ng niyog pagkatapos haluan ng kaunting tubig na mainit. Ang gatâ ay ang malapot na katas na isang pangunahing sangkap sa pagluluto. Ginataan ang tawag sa anumang putahe- ulam man o meryendang hinahaluan ng gata tulad ng ginataang kalabasa, sitaw, langka, pakbet, tilapya at ng minatamis na ginataang bilo-bilo. Ang mga putaheng mula sa Bikol tulad ng bicol express, pinangat, binagoongan, at laing ay tanyag hindi lamang sa anghang kundi dahil rin sa natatanging paraan ng paggagatâ sa rehiyong ito. Maaari ring lagyan ng gata ang iba pang mga tradisyonal na pagkaing Filipino tulad ng dinuguan, adobo at kaldereta. Samantala may gata ang mga panghimagas na tulad ng maha blangka, sapin-sapin, at iba’t ibang suman. Kung ang kakanggata ay pinaglangis, nabubuo naman ang latík na siyang ginagamit bilang pambudbod sa mga kakanin tulad ng biko. Maraming benepisyong pangkalusugan ang gata dahil sa mga bitamina (bitamina C, E, B1, B6, B5) at mga nutrisyon (protina, fat, sugar, folate, iron, calcium, sodium, magnesium atbp.) na taglay nitó. Kayâ nakatutulong ang gata sa pagpapalakas ng buto, pagpapalakas ng dugo, at pagkontrol ng timbang. Dahil walang gluten at soya, maaari ring inumin ang gata ng mga táong hindi maaaring uminom ng gatas mula sa báka. Dagdag pa, ginagamit rin ang gata na pampalusog ng buhok. Samantala, ang langis naman na nakakatas mula sa pag-iinit ng gata ang siyang pinagmumulan ng langis ng niyog. (WFF) ed VSA

Gáwad Manlilikhâ ng Báyan Itinuturing na katumbas ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining, ang Gáwad Manlilikhâ ng Báyan o National Living Treasures Award ay ipinagkakaloob sa mga indibidwal o pangkat na nagpapamalas ng mataas na antas ng teknikal at artistikong kahusayan sa sining na taal na Filipino. Pinagtibay ng pamahalaan noong 5 Pebrero 1992 sa pamamagitan ng Batas Republika Blg. 7355, ang Gawad Manlilikha ng Bayan o Gamaba ay halaw sa National Folk Artist Award na iginawad ng Rotary Club of Makati-Ayala noong 1998. Layunin ng gawad na: kilalanin ang kahalagahan ng mga tradisyonal na manlilikhang-bayan; muling payabungin ang katutubong sining ng mga komunidad pangkultura; magtakda ng mga mekanismo sa pagkilala at pagtulong sa mga kalipikadong manlilikhang-bayan upang maituro nila ang kanilang kaalaman sa komunidad; at lumikha ng mga oportunidad upang makilala ang kanilang mga likha sa loob at labas ng bansa. Kabilang sa mga sining na kinikilala sa gawad na ito ay ang katutubong arkitektura, paglalayag, paghahabi, paglililok, pagtatanghal, panitikan, grapiko at plastik na sining, paggawa ng mga palamuti, paghabi ng tela, pagpapalayok, at iba pa. Ang pagpili sa mga Manlilikha ng Bayan ay ipinatutupad ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA), ang pangunahing tagapag-ugnay ng lahat ng mga ahensiyang pangkultura at pansining ng bansa. Bago ito ipagkaloob, ipinaaalam muna sa indibidwal o pangkat ang kanilang mga tungkulin at karapatan. Kabílang sa kanilang tungkulin ang: isalin ang kanilang kasanayan sa mga nakababatàng kasapi ng komunidad; itaguyod at palaganapin ang kanilang sining; at magkaloob sa Pambansang Museo ng mga halimbawa, kopya, o dokumentasyon ng kanilang likha. Ang mga nagawaran ay pinagkakalooban ng plake o medalya, inisyal na pondo, at buwanang salapi habang sila ay nabubuhay upang maisakatuparan ang kanilang tungkulin. Ang pagkilalang ito ay iginagawad ng Pangulo ng Filipinas sa isang pampublikong seremonya. (GB) (ed GSZ)

Gáwad Pambansâng Alagád ng Aghám Ang Gawad Pambansang Alagad ng Agham o National Scientist ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng pamahalaan ng Filipinas sa natatanging siyentistang Filipino. Ipinagkakaloob ang karangalang ito sa isang dalubhasang Filipino na nagpakita ng katangi-tanging husay at nagbigay ng makabuluhang ambag sa larangan ng matematika, pisikal na agham, inhenyeriya, biyolohiya, agham pang-agrikultura, agham panlipunan, o agham pangkalusugan. Ang pangkalahatang kapulungan ng National Academy of Science and Technology (NAST), na binubuo ng mga Pambansang Siyentista at Akademisyan, ang may katungkulang magrekomenda sa Pangulo ng Filipinas ng di-hihigit sa 10 indibidwal na karapat-dapat kilalanin bilang Pambansang Alagad ng Agham. Upang maendoso sa Pangulo, ang isang nominado ay kailangang makakuha ng 60 porsiyentong boto ng buong kapulungan ng Pambansang Akademya. Pormal na ipagkakaloob sa isang nominado ang Gawad matapos pagtibayin ng Pangulo ang proklamasyon ng paghirang at pagkilala. Ang Gawad Pambansang Alagad ng Agham ay pinagtibay sa bisà ng Presidential Decree 1003-A (Creating the National Academy of Science and Technology) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 16 Disyembre 1976. Sa bisà ng Executive Order No. 236 (Establishing the Honors Code of the Philippines to Create an Order of Precedence of Honors Conferred and for Other Purposes) na nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 19 Setyembre 2003, ang Gawad Pambansang Alagad ng Agham ay binigyan ng halaga at prestihiyong katulad ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining (National Artist) at Gawad Manlilikha ng Bayan (GAMABA). Ang mapabilang sa Orden ng Pambansang Alagad ng Agham ay nakatatanggap ng gantimpalang pinansiyal, medalyon, at parangal. Pinagkakalooban siyá ng mga prebilihiyong katulad sa tinatamasa ng Pambansang Alagad ng Sining. Kabilang sa mga prebilihiyong ito ang buwanang pensiyon mula sa gobyerno, benepisyong medikal, tulong pangkalusugan, at iba pang benepisyong maaaring itakda. Binibigyan din siyá ng kaukulang karangalan at pagkilála sa mga mahalagang pagtitipong pang-estado. Ang mga yumaong Pambansang Alagad ng Agham ay pinararangalan ng estado sa pamamagitan ng isang opisyal na libing. Mula 1978 hanggang 2011, mayroon nang 37 Pambansang Alagad ng Agham sa Filipinas. (SMP) (ed VSA)

Gáwad Pambansâng Alagád ng Síning Ang Gáwad Pambansâng Alagád ng Síning (National Artist Award) ay sumasagisag sa tugatog na naabot ng Filipino sa larang ng sining at panitikan. Isa itong pinakamataas na pagkilala sa mga natatanging ambag sa sayaw, musika, teatro, sining biswal, literatura, pelikula, sining brodkast, arkitektura, disenyo, at iba pang kaugnay na sining. Ang sining at panitikan ay makabuluhang bukal ng pag-unlad ng kultura at pagkabansa. Ang gawad ay isang tugon sa tungkulin na hikayatin at linangin ang mga pagsisikap para dito. Itinatag sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1001 na may petsang 27 Abril 1972, ang kategoryang Pambansang Alagad ng Sining ay “pambansang pagpapahayag ng utang-na-loob at pagkilala.” Idineklarang isang Ordeng Pangkultura ng Kautusang Tagapagpaganap Blg 236 na may petsang 19 Setyembre 2003, “pang-apat sa banghay ng mga orden at dekorasyong bumubuo sa mga Karangalan sa Filipinas, at kapantay ng Orden ng mga Pambansang Siyentista, Orden ng mga Pambansang Alagad ng Agham Panlipunan at Gawad Manlilikha ng Bayan.” Ang Pambansang Komisyon Para sa Kultura at mga Sining (NCCA) at Sentrong Pangkultura ng Filipinas ang naatasang tagapangasiwa sa gawad at sa Orden. Sang-ayon sa batas ay opisyal na idedeklara ng Pangulo ng Republika ng Filipinas ang nahirang na Pambansang Alagad ng Sining. Ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay ipinagkakaloob sa: (1) Nabubuhay na mga alagad ng sining na may sampung taon nang mamamayang Filipino bago ang nominasyon pati na yaong yumao makaraang maitatag ang gawad noong 1972 ngunit mga mamamayang Filipino sa panahon ng kanilang pagpanaw; (2) Mga alagad ng sining na nakapag-ambag sa pamamagitan ng nilalaman at anyo ng kanilang mga obra, sa pagbubuo ng kamalayang makabansa ng mga Filipino; (3) Mga alagad ng sining na nagpapakilala sa isang anyo ng malikhaing pagpapahayag o estilo na naging natatangi at naging impluho sa mga susunod na henerasyon ng mga alagad ng sining; (4) Mga alagad ng sining na nakalikha ng kainaman at makabuluhang katipunan ng mga obra at/o palagiang nagpapakita ng kahusayan sa paglikha ng anyong-sining na nagpayaman sa artistikong pagpapahayag at estilo; at (5) Mga alagad ng sining na may malawak na pagtanggap sa pamamagitan ng: (a) bukod tanging pagkilalang pambansa at/o pandaigdigan; (b) mapanuring pagtanggap at/o rebyu ng kanilang mga obra; (c) paggalang at pagtingin ng mga kasamahan.

Kabilang sa mga pribilehiyo na ipinagkakaloob sa mga nagawaran ay ang ranggo at titulo ng Pambansang Alagad ng Sining, ang medalyon at pagkilala, panghabambuhay na mga kaloob na materyal, pinansiyal, at iba pang mga benepisyong pangkalusugan, na katumbas ng tinatanggap ng pinakamataas na pinuno ng bansa, luklukang pandangal ayon sa ayos ng protokol sa mga pambansang pagtitipon ng estado, pagkilala sa mga gawaing kultural, at libing na pang-estado. (RVR) (ed GSZ)

Gáwad Ramón Magsaysáy Ang Gáwad Ramón Magsaysáy (Ramon Magsaysay Award sa Ingles) ay isang prestihiyosong taunang gawad at itinuturing na Asyanong bersiyon ng Gawad Nobel (Nobel Prize). Iginagawad ito sa mga Asyanong indibidwal at organisasyon na may malalaking ambag sa lipunan at nagpamalas ng natatangi at panghabàng-buhay na husay sa mga sumusunod na larang: • • • •

Paglilingkod sa pamahalaan Paglilingkod sa publiko Pamumunò ng komunidad Peryodismo, panitikan, at mga sining ng malikhaing komunikasyon • Kapayapaan at internasyonal na pagkakaunawaan • Sumisibol na pamumunò (emergent leadership) Itinatag ang gawad noong 1957 ng mga trustee ng Rockefeller Brothers Fund ng Lungsod New York, Estados Unidos, sa pagsang-ayon ng Republika ng Filipinas. Ginugunita nitó ang mga ipinakitang birtud ng dating pangulong Ramon Magsaysay na integridad sa pamamahala, matapang na paglilingkod sa sambayanan, at pragmatikong idealismo sa loob ng isang demokratikong lipunan. Una itong iginawad noong 1958 kina Chiang Mon Lin (Taiwan), Vinoba Bhave (India), Robert Dick (Britanya, naninirahan sa Filipinas), Mochtar Lubis (Indonesia), Mary Rutnam (Sri Lanka), at Operation Brotherhood (Filipinas). Hindi isinasalang-alang ang lahi, paniniwala, at kasarian ng mga ginagawaran ng pagkilála. Mula 1958, mayroon nang mahigit-kumulang 300 katao at samahan mula sa mahigit 20 bansa ang nakatanggap ng Gawad Ramon Magsaysay. (PKJ) ed VSA

gayúma Ang gayúma ay kapuwa tumutukoy sa kapangyarihang mang-akit o magpaibig sa isang tao at sa anumang bagay na ginagamit para makapagpaibig. Pinaniniwalaang nakakamit ang kapangyarihang ito sa pamamagitan ng mga inumin o pagkaing hinaluan ng mga yerba o iba pang bahagi ng halaman, punongkahoy, at maging hayop, na pinaiinom o pinakakain sa táong nais na akitin. Bukod dito, nakapanggagayuma rin ang pagsasagawa ng ritwal at orasyon gamit ang isang retrato ng taong nais na akitin. Dahil sa ang gayuma ay kinasasangkutan ng kapangyarihang nakatuon sa ibang tao, marami ang naniniwalang isa itong anyo ng pangkukulam, kung hindi ma’y kathang-isip lamang. Ayon sa mga siyentista, ang inaakalang bisa ng gayuma ay maipapaliwanag sa pamamagitan ng mga susing sangkap nito. Napatunayan nang may mga naidudulot na pagbabagong kemikal sa katawan ng tao na dulot ng partikular na pheromone o amoy gaya ng sa pawis ng tao o kayâ naman ay sanhi ng tiyak na elemento sa pagkaing gaya ng tsokolate, talaba, at paminta. Masamâ man o mabuti, maaaring ituring ang gayuma bilang anyo ng pagpapahalaga ng mga Filipino sa pag-ibig at pakikipag-ugnayan sa kapuwa tao. Tinatawag din itong lumáy sa Sebwano, panagáyat at diká sa Pangasinan, salindúgok sa Hiligaynon, lémay sa Maranaw, at amáyat sa Ibanag. (GAC) (ed GSZ)

gerílya Ang gerílya, mula sa Espanyol na guerrilla, ay isang kawal na dalubhasa sa pamumundok at biglaang pagsalakay. Sumusunod ang mga gerilya sa isang paraan ng pakikidigma na umiiwas sa nakamihasnan at lantarang labanan ng mga hukbo. Kadalasan, ginagamit ang taktikang gerilya ng higit na maliit at mahinàng panig sa isang digmaan, tulad ng mga nagaaklas o kayâ naman ay pagtatanggol laban sa dayuhang mananakop. Sa Filipinas, maaaring ipantukoy ang gerilya sa mga mandirigmang lumaban sa iba’t ibang yugto ng ating kasaysayan. Bilang halimbawa, gumamit ng taktikang gerilya ang mga Filipino noong Himagsikang 1896 at sa sumunod na Digmaang Filipino-Amerikano. Sa kontemporaneong panahon, maituturing din na gerilya ang mga makakaliwang insurekto laban sa pamahalaan. Ngunit mas tumitingkad ang imahen ng gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kung kailan daan-daang libong Filipino at Amerikano ang nagpatuloy ng pagtatanggol laban sa hukbong imperyal ng mga Hapon sa loob ng apat na taon nitóng pananakop ng bansa. Lalaki at babae, tigulang at matanda, kawal at sibilyan, Kristiyano at Moro at Lumad, marami sa mga Filipinong káyang magbuhat ng baril ang sumapi sa isa sa mahigit 200 samahang gerilya na nagpatuloy ng laban para sa kalayaan pagkatapos ang Labanan sa Bataan at Corregidor at pagsuko ng USAFFE. Naging mabisà ang pagtatanggol ng mga gerilya; lubos niláng pinahirapan ang mga mananakop na Hapon at lubos ring pinadalî ang pagsalakay ng mga bumabalik na Amerikano noong “liberasyon” ng Filipinas. Ilan sa mga malalaking organisasyong gerilya ay ang grupo ni Macario Peralta sa Panay, Salvador Abcede sa Negros, Wendell Fertig sa Mindanao, Russell Volckmann sa Hilagang Luzon, ang Hunters ROTC sa timog Luzon, at ang Hukbalahap (Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon) ni Luis Taruc. Pagkatapos ng digmaan, hindi timigil ang mga Huk sa kanilang pagkilos para sa mga pinaniniwalaan hanggang nag-alsa laban sa pamahalaan ng Republika ng Filipinas. (PKJ) ed VSA

Licerio Geronimo (27 Agosto 1855-16 Enero 1924) Si Licerio Geronimo (Li·sér·yo He·ró·ni·mó) ay isang heneral na rebolusiyonaryo at bayani ng Labanang San Mateo sa Rizal noong Digmaang Filipino-Amerikano. Sa naturang labanan, napatay ng kaniyang pangkat na Tiradores de la Muerte si Heneral Henry Lawton ng puwersang Amerikano. Tubòng-Sampaloc, Maynila, lumipat ang kaniyang pamilya sa Montalban, Rizal. Tinulungan niya ang kaniyang biyudang ina na magbenta ng panggatong at ilang produktong kahoy para sa kanilang kabuhayan. Hindi siyá nagkaroon ng pormal na pag-aaral at mag-isang natutong magbasá at magsulat. Sinasabing ipinakilála siyá ng kaniyang lolo kay Andres Bonifacio. Naging kasapi siyá ng Katipunan at itinalagang pinunò sa Wawa, Montalban. Humanap siyá ng mga bagong kasapi ng organisasyon sa San Mateo at Marikina, Rizal. Noong Agosto 30, 1896, kasama siya sa grupong umatake sa imbakan ng pulbura sa San Juan del Monte. Binuo niya ang kaniyang puwersa sa Montalban, San Mateo, at Marikina at nagsilbi sa ilalim ni Heneral Francisco Makabulos sa San Rafael, Bulacan at pagkatapos ay kay Heneral Mariano Llanera sa mga operasyong militar sa bayan ng San Miguel de Mayumo, Bulacan at Cabanatuan, Nueva Ecija. Kasama din siyá sa Labanang Bundok Purog noong 1897 at tumalo sa malaking puwersang Espanyol. Nang mamatay si Bonifacio noong 1897, ginawa siyáng heneral ng dibisyon ng mga rebolusyonaryo ng Rizal. Noong Digmaang Filipino-Amerikano, itinalaga siyá ni Heneral Antonio Luna bilang komandante heneral ng ikatlong sonang militar ng Maynila. Sa Labanang San Mateo noong 19 Disyembre 1899, napatay ng grupo niya si Heneral Henry W. Lawton at 13 pang opisyal na Amerikano. Noong 12 Hulyo 1900, kinilala siyá ni Heneral Mariano Trias bilang hepe superyor ng pinagsanib na ikalawa at ikatlong mga sona ng Maynila. Matapos ang isang buwan, naging pinunòng militar siyá ng distrito ng Morong.

kasama ang kaniyang grupo ng pagkilála sa Estados Unidos. Nagtrabaho siyá pagkaraan sa ilalim ng Estados Unidos bilang inspektor sa Philippine Constabulary. Bahagi rin siyá ng grupong tumalo kay Heneral Luciano San Miguel.

Nang madakip ng mga Amerikano si Aguinaldo noong 1901, sumuko kay Ipinangalan sa kaniya ang isang barangay at paaralang sekundarya sa Col. J Milton Thompson at sa 42nd Regiment of Infantry si Heneral Geronimo Rodriguez, Rizal at isang paaralang elementarya at kalye sa Sampaloc, kasama ang anim na opisyal at 40 sundalo sa San Mateo. Sumumpa siyá Maynila. (KLL) ed VSA

Gimokúdan Para sa mga katutubong Bagobo ng Mindanao, isang mundo sa ilalim ng lupa ang Gimokúdan. Itinuturing itong tirahan ng kaluluwa ng mga yumao. Matatagpuan daw rito ang isang mahiwagang punò ng dayap na ang bawat pagyugyog ay katumbas ng isang táong mamamatay sa lupa at patutungo sa Gimokudan. Dito umano nananahan si Mebuyan, ang diwatang nagtataglay ng napakaraming súso sa buo niyang katawan. Pinasusúso niya ang kaluluwa ng mga sanggol at batàng namatay bago pa man maawat sa gatas hanggang sa marating nila ang edad na maaari na silang kumain ng kanin. Sa gayon ay maililipat na sila sa bahagi ng Gimokudan kung saan nila makakapiling ang kaluluwa ng kanilang mga yumaong kaanak. May mga talâng nagsasabing nahahati sa dalawang rehiyon ang Gimokudan: ang puti at ang pula. Sa putîng rehiyon daw karaniwang napupunta ang espiritu ng halos lahat ng mamamayan. Samantala, ang kaluluwa ng mga mandirigmang namatay dahil sa giyera ay napupunta naman sa rehiyong pula. Ayon sa mga kuwento, ang mga kaluluwa raw rito ay nagpapahinga sa umaga at naglilibot naman tuwing gabi. Pinatutunayan ng Gimokudan na may konsepto na ng ilalim ng lupa ang mga katutubong Filipino bago pa man masakop ng mga Espanyol ang Filipinas. Malaki ang kaibahan nito sa Kristiyanong pananaw na nagsasabing ang ilalim ng lupa o impiyerno ay lunan ng walang hanggang kaparusahan para sa mga kaluluwang makasalanan. Kayâ naman kaiba sa kanluraning nosyon ng ilalim ng lupa na iniiwasan at kinatatakutan, ang Gimokudan ay tinitingnan bílang isa na namang yugto ng panibagong pag-iral pagkatapos ng kamatayan. Sa dimensiyong ito, nagpapatuloy ang buhay ng kaluluwa nang hindi na nakatali sa katawang idinisenyo para sa ibabaw ng lupa. (BVN) (ed GSZ)

Likha ni Agnes Arellano (1995)

ginamós Ang ginamós ay isang uri ng pagkaing kilalá sa mga probinsiya sa Kabisayaan at Mindanao. Ito ay gawa sa maliliit na isda at asin na pinaghalò at inimbak sa loob ng maraming araw. Ang ginamos ay ginagawang ulam, sawsawan ng nilagang saging, mangga, at iba pang pagkain, o kayâ ay inihahalò sa mga ulam bilang pampalasa. May pagkakatulad ang ginamos sa karaniwang bagoong na isda ng mga taga-Luzon. Katulad ng bagoong na isda, ang ginamos ay maalat din. Kadalasan ay dilis ang ginagamit sa paggawa ng ginamos ngunit may gumagamit ng iba pang uri ng maliliit na isda. Ang dami or proporsiyon ng asin at isda sa kombinasyon ay kadalasang nakadepende sa tagagawa nitó. Ang pinaghalòng asin at isda ay tinatakpan sa loob ng sisidlan upang mabulok o dumaan sa permentasyon. Paminsan-minsan itong hinahalò para masigurong pantay na maikalat ang asin. Kapag sapat na ang panahon ng pag-iimbak, na kadalasan ay inaabot ng isang buwan at higit pa, nagiging kulay abo o mas maitim pa ang produkto. Para sa mga hindi pamilyar sa amoy ng ginamos, maaari itong hindi kanais-nais at naihahalintulad sa nabubulok na isda. Sa palengke, inilalakò ang ginamos na nakalagay sa bote o tinatakal mula sa malalaking timba. (MJ) edVSA

gínang, ginoó, binibíni Ang gínang, ginoó, o binibíni ay mga tradisyonal na titulo ng paggálang o paghanga na ginagamit sa pagtawag o pagtukoy sa isang iginagálang o hinahangaang tao. Ang ginoó ay ginagamit sa isang lalaki. Ang ginang ay ipinantutukoy sa isang babae at may-asawa. Ang binibiní ay titulo para sa isang dalaga. Gayunman, kung hindi tiyak ang katayuang sibil ng babae, tinatawag siyáng binibiní, lalo na sa sitwasyong publiko. Malimit na inuumpisahan ang isang pormal na talumpati sa isang pagbatì ng “Mga mahal na ginoo, ginang, at binibini.” May nakaisip ng “giníng” upang sakupin ang ginang at binibini sa isang salita, gaya ng ladies sa Ingles. Gayunman,hindi pa ito popular. Dinadaglat ng G. ang ginoo, Gng. ang ginang, at Bb. ang binibini at ginagamit kakabit ng pangalan ng táong tinutukoy. Halimbawa, “G. Victor de Leon,” “Gng. Alicia de Leon,” at Bb. Diana de Leon.” Naging tradisyon ding tawaging “Unang Ginang” ang asawa ng Pangulo ng Filipinas.Kamakailan, dahil babae ang naging Pangulo ng bansa ay may nagsimulang tumawag na “Unang Ginoo” at katumbas ng First Gentleman sa kaniyang tao. (MJCT) ed VSA

ginataán Ang ginataán, nangangahulugang “may gatâ ng niyog,” ay anumang pagkain na hinaluan ng gatâ ng niyog. Kung minsan, tinatawag lámang itong ginatán at maaaring isilbi nang malamig o mainit bilang himagas o meryenda. Sa pangyayaring ito, malimit na himagas o meryenda ang ginatang munggo, ginatang mais, at ginatang saging. Ang meryendang may langka at bilo-bilo ay tinatawag ding biló-biló, paralusdós, at alpahór. Ginataan din ang putaheng iniluluto at may gatâ. Pangunahin dito ang ginataang kalabasa na may hipon, ginataang talong, ginataang manok, ginataang gulay, at ginataang isda. Sa paghahanda ng meryenda, magsimula sa ginadgad na niyog at pagkuha ng “malapot” na gata nitó. Dalawang tasa ng tubig ang inihahalo sa ginadgad na niyog at sakâ muling kinakatas ang gata. Magapapara itong “manipis” na gatas. Idinadagdag sa “manipis” na gatas ang ikinuwadradong kamote, hiniwang gabe at ube, hiniwang saging na sabá, at mga piraso ng langka, at mga butil ng tapyoka. Isinasalang apoy ang pinaghalo-halo, paminsanminsang hinahalo, hanggang kumukulo. Bago hanguin sa apoy, ibuhos ang “malapot” na gata. (VSA)

Gínaw Bílog Ipinagkaloob kay Gínaw Bílog at sa mga makata ng ambahan ng Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong taóng 1993 para sa masigasig na pagtataguyod ng eleganteng sining ng surat Mangyan at ng ambahan. Ang ambahan ang tula ng mga Hanunuo Mangyan na binubuo ng pipituhing pantig, at nagtataglay ng mga imahen at metapora. Kabilang sa mga paksa nito ang panliligaw, pagbibigay ng payo sa kabataan, pagtatanong ng matutuluyan, pamamaalam ng isang kaibigan, at iba pa. Ang mga tulang ito ay inuukit sa kawayan. Surat Mangyan naman ang tawag sa paraan ng pagsulat ng ambahan na gumagamit ng sinauna at timog-silanganing iskrip. Ayon kay Ginaw Bilog, ang ambahan ang susi upang makilala ang kaakuhan ng mga Mangyan. Dahil dito, itinago niya ang mga naitalang halimbawa ng mga ambahan, hindi lamang ang mga nakaukit sa kawayan kundi pati na rin ang mga nakasulat sa mga naninilaw na pahina ng kuwadernong ibinigay sa kaniya ng mga kaibigan. Pinakaiingat-ingatan niya sa koleksiyong ito ang mga minana pa niya sa kaniyang ama at lolo, ang mga itinuturing niyang batis ng inspirasyon at patnubay para sa kaniyang malikhaing pagpupunyagi. Bukod dito, masugid rin niyang ibinabahagi ang mga tula, lalong-lalo na sa mga kapuwa Mangyan, sa lahat ng pagkakataon. Pumanaw si Ginaw Bilog noong taóng 2003. (GB) (ed GSZ)

gindaya Ang gindaya ay isang tulang inaawit sa ginem/gin-em/ginum, ang pinakadakila sa mga seremonya ng mga Bagobo. Ang mga Bagobo ay isang pangkat-etniko sa timog Mindanao, at naninirahan sa baybayin ng Golpo ng Davao hanggang sa Bundok Apo. Idinadaos ang ginem tatlo o apat na buwan matapos lumantad ang konstelasyon ng pitóng bituin, ang Balatik, at kapag bago o kabilulgan ang buwan. Tumutukoy ang ginem sa seremonyal na pag-inom ng alak mula sa tubó. Sumasagisag ito sa pag-inom ng mga bathala ng inaalay na dugo ng mga Bagobo. Noong mga sinaunang pagdaraos ng ginem, pumapaslang ang mga Bagobo ng tao bilang alay sa mga diyos. Pinaghahatian ang katawan at iniuuwi sa paniniwalang gagawaran silá ng tapang ni Mandarangan, ang panginoon ng digmaan. Sa pagdaan ng panahon, napalitan na ng hayop ang táong inaaalay. Idinadaos tuwing Nobyembre o Disyembre ang ginem sa bahay ng datu, na siyáng pinakamalaki sa komunidad. Hitik ang gabi sa sayawan at kantahan, at isa na rito ang gindaya. Ayon sa aklat na A Study of Bagobo Ceremonial, Magic and Myth ni L.W. Benedict, ang gindaya ay inaawit lámang ng mga lalaki, samantalang ang kababaihan naman ang umaawit ng ibang uri ng imno o berso. Nagbigay si Celedonio G. Aguilar ng halimbawa ng gindaya sa aklat na Readings in Philippine Literature (isinalin dito sa Filipino): Panginoon, ang Protektor, Duma Tungo, Ang Panginoong nangangalaga sa mga tao, Ang may-alam ng lahat, Bumabâ at sabihin sa aming Nanggaling ka na roon… Ayon kay Aguilar, salitâng inaawit ang gindaya ng dalawang koro. Ayon naman sa pag-aaral ni Pieter Jan Raats (A Structural Study of Bagobo Myths and Rites), noong unang panahon ay inaawit din ang gindaya sa labas ng ginem, tuwing pumapaslang ng tao ang mga Bagobo. Ang imno ay papuri sa tunggalian at bumabanggit ng unahan sa pagtakbo at pakikipaglaban. Maaaring tumukoy ang unahan sa pagtakbo sa karera ng mga kabayo, na idinadaos din sa ginem. (PKJ) Isang kabataang bagobo

Ginintûang Tára ng Agúsan Ang Ginintûang Tára ng Agúsan ay isang gintong estatwang may taas na pitóng pulgada. Ito ay imahen ng diyosang si Tara sa paniniwalang Budismo. Ang gintong imahen ay natagpuan noong 1917 sa baybayin ng Ilog Wawa malapit sa Esperanza, Agusan del Sur sa Mindanao. Ayon kay Henry Otley Beyer, isa sa mga nangungunang antropologo sa Filipinas, ang estatwa ay mula pa sa panahong 900-950. Sa pananaliksik, ebidensiya ang imahen ng posibiblidad na naging impluwensiya ang Hindi-Buddhistang paniniwala sa mga tao sa Mindanao. Sa panahong ito ng ikapito hanggang ikalabintatlong siglo, may dibersidad ng relihiyon at paniniwala sa Filipinas. Dahil representasyon si Tara ng kalayaan at tagumpay ng kababaihan, sinasabi na ang pagkakaroon ng kaniyang imahen sa Mindanao ay pagpapakita ng pagpapahalaga ng bansa sa kababaihan. Maaari ring nangangahulugang ito na matriyarkal ang lipunan ng Filipinas bago dumating ang mga Espanyol. Sa Buddhismong Tibetan, kilala din si Tara bilang Jetsun Dolma. Sa Buddhismong Mahayana, isa siyáng babaeng Bodhisattva na nangangahulugang may napakataas siyáng kaalaman at pagkaunawa. Sa Buddhismong Vajrayana naman, may anyo siyáng babaeng Buddha. Pangatlo, ang nakitang estatwa ay patunay ng malawak na pakikipagkalakalan ng mga Filipino sa mga dayuhang dumating sa bansa mula sa Timog Silangang Asia. Dagdag pa dito, maraming nahukay na ginto at iba pang labíng arkeolohiko sa bahaging iyon ng Mindanao. Sa kasalukukyan, makikita ang Ginintuang Tara ng Agusan sa Field Museum of Natural History sa Chicago, Illinois. Naroon na ito mula pa 1922. (CID) ed VSA

Gintông Kandít at Sinturón ng Butuan Ang kandít ay sinaunang paha na ikinakabit nang paikot sa baywang na tulad ng sinturon. Bahagi ngayon ng koleksiyong ginto ng Bangko Sentral ng Pilipinas at nakatanghal sa Metropolitan Museum of Manila sa Malate, Maynila ang mga kandít at sinturon na gawa sa ginto. Nahukay ang mga ito sa Butuan, Surigao at tinatayàng ginawa noong ika-10 hanggang ika13 siglo. Isa sa kandít ang may súkat na 150.00 x 2.70 x 2.40 sentimetro at may timbang na 3,860.00 gramo. Ang isang sinturon ay 68.20 x 4.90 sentimentro at tumitmbang nang 575.10 gramo. Katangi-tangi din ang mga piyesang ito dahil sa marikit na disenyong hindi pa nakikita sa ibang piraso ng ginintuang artifact sa Asia. Itinuturing ng mga arkeologo na mahalaga ang Gintông Kandít at Sinturón ng Butuan dahil nagpapatunay ang mga ito sa dalawang bagay. Una, na may sinauna’t masiglang industriya ng ginto sa Filipinas; ikalawa, na sentro ang Butuan ng aktibong kalakalang rehiyonal. Ginto ang isang pangunahing kalakal ng mga Filipino at dindayo ng mga manlalakbay na Tsino noong ika-10 siglo. Sinasabing ang pinunò ng Butuan noong ika-11 na si Kiling ay nakipagkasundo ng direktang kalakalan sa korteng imperyal ng Tsina. Ang koleksiyong ginto ng Bangko Sentral ay may iba pang sinaunang hiyas at ornamentong ginto. Kabílang dito ang gintong hebilya mulang Hilagang Silangang Mindanao. May mala-korona ding pútong ng babae, hikaw, kuwintas, mga pulseras sa bisig at binti, balaraw, at puluhan ng kampilan. (VSA)

Anastacia Giron-Tupas (24 Agosto 1890- 28 Setyembre 1972) Si Anastacia Giron-Tupas (A·nas·tás·ya Hi·rón Tú·pas) ang unang Filipinong punòng nars at superintendente sa Philippine General Hospital School of Nursing. Sa kaniyang inisyatiba nabuo ang mga pamantayan para sa mga paaralang narsing at naitaas ang kalidad ng mga gradweyt ng narsing. Ipinanganak siyá sa Laoag, Ilocos Norte noong 24 Agosto 1890 at nagtapos sa PGH School of Nursing noong 1912. Nagtungo siyá sa University of Pennsylvania at tumanggap ng sertipiko sa pampublikong narsing. Paglipas ng panahon, tinanggap niya sa UP ang mga digri na batsilyer at masterado sa edukasyon at MA sa narsing. Noong 1917, nahirang siyáng unang Filipinong punòng nars at superintendente sa PGH. Hinawakan niya ang tungkuling ito hanggang 1923. Sa panahong ito, nangampanya siyá para sa pagtataas ng istandard sa narsing bilang propesyon. Isang panukalang-batas ang inihanda ng kaniyang grupo para sa sistematisasyon ng edukasyon para sa mga nars at pinagtibay ito ng Lehislatura noong 1919. Napangasawa niya ang bantog ding pedyatrisyan na si Dr. Alberto Tupas at nagkaroon sila ng apat na anak. Isa ang piyanista at ginawaran ng TOYM na si Benjamin Tupas. Noong 1919, nagsimula siyáng magsilbing sekretarya-tesorera ng Board of Examiners for Nursing. Noong 1929, hinirang siyáng direktor ng UP School of Public Health Nursing. Sa pagsisikap niya, ang UPSPNH ay naging pangunahing paaralan sa narsing sa buong bansa at nakabuo ng unang kurikulum para sa BS Nursing. Nagtapos noong 1947 ang unang klase ng naturang kurikulum. Itinatag niya ang Philippine Nurses Association noong 1922 at siyá ang unang pangulo. Nagsulat din siyá ng mga artikulo hinggil sa narsing at noong 1959 ay nagkamit ng medal of merit mula sa pangulo ng Filipinas. Bilang parangal sa kaniya, ang Outstanding Achievement Award ng Philippine Nursing Association ay ginawang “Anastacia Giron-Tupas Award” bukod sa tinawag siyáng “dean of nursing” sa Filipinas. Namatay siyá noong 28 Setyembre 1972 at isang marker ang inaalay para sa kaniya sa harap ng kapitolyo ng Laoag noong 1985. (ABSM)

gisá Ang gisá ay paraan ng pagluluto ng karne, isda, o gulay sa kaunting mantika, sibuyas, at bawang. Nanggáling ito sa salitâng Espanyol na guisar, at ang mga pagkaing niluto sa ganitong paraan ay tinatawag na ”ginisa” o ”gisado.” Tinatawag itong stir fry sa Ingles. Napakaraming uri ng pagkaing puwedeng igisa. Mabilis ito, madalîng gawin, at nagbibigay kaagad ng kakaibang sarap sa nilulutong pagkain. Isa rito ang sinangág (o sangag), na tumutukoy sa bahaw na kanin na iginisa at karaniwang inihahain sa almusal. Sinasabing lagpas sa kalahati ng mga putaheng Filipino ang ginagamitan ng gisa, mula sa mga bunga ng halaman tulad ng tokwa at ampalaya, hanggang sa maraming sahog tulad ng apritada, menudo, at pinakbet. Sa mga mas komplikadong putahe, ang paggisa ang isa sa mga unang hakbang sa pagluluto. Sa kulturang Filipino, laging nagagamit, lalo sa midya, ang salitâng ”gisá” sa konteksto ng masusing paglitis. Hindi dayuhan sa atin ang pariralang ”ginisa sa sariling mantika” na tumutukoy sa biktima ng pagsasamantala ng ibang tao. (PKJ)

Ginisang Ampalaya ni Altair May Y. Baylas

gitára Ang modernong gitára ay may anim na kuwerdas na kinakalabit o ginamitan ng puwa o pick. Ang mga kuwerdas nito ay maaaring gawa sa naylon o asero. Ang tradisyon ng pagtugtog ng gitara ay dala ng mga Espanyol sa Filipinas kung kayâ mahihiwatigan ang orihinal na pangalang Espanyol sa mga katawagan sa iba’t ibang wika sa Filipinas: gitara ng Tagalog, gitada ng Aeta, at gi’taha ng Dumagat (Casiguran). Sa taguring cinco-cinco na isang katutubong gitara sa Bisaya, makikita pa rin ang impluwensiyang Espanyol sa pangalan nito. May mga katutubong bersiyon din ang gitara: kutibeng (sa Ilocos), sista (Samar at Leyte), kabungbung (sa Negrito ng Bataan at Zambales), at buktot nga sista (Iloilo). Noon pa mang panahon ng Espanyol ay may mga komentaryo na ang mga mananakop tungkol sa katutubong bersiyon ng instrumento at sa pagtugtog ng mga Filipino. May komentaryo si Padre Diego de Bobadilla tungkol sa alpa at gitara. Aniya, “ang kuwerdas na ginagamit ng katutubo ay gawa sa pinulupot na sutla. Ang tunog nito ay nakawiwili katulad ng sa atin ngunit naiiba ang kalidad.” Ayon naman kay Antonio de Morga, sa kaniyang Sucesos de las islas Filipinas (1609), tinuruan ng mga fraile na tumugtog ng mga instrumento ang mga katutubo. Kabilang sa mga instrumentong ito ang alpa, gitara at iba pa. Mahusay na natuto ang mga katutubo sa mga ito. At banggit ni Ramon Lala sa kaniyang aklat na The Philippine Islands (1898), patungkol sa mga Filipino, “lahat sila ay ipinanganak na musiko; maging ang maliliit na bata na may edad na lima at anim na taon ay nakatutugtog ng alpa, gitara at/o piyano na tila likas sa kanila ang kakayahang ito.” Maituturing na ang gitara ay ang pinakaabot-káyang instrumento para sa maraming Filipino. Sa gayon, marami ang nakatutugtog nitó at naging bahagi ng maraming gawain ng mga Filipino: sa harana, saliw sa pag-awit, sayawan, paglilibang, at pagtugtog ng rondalya, ng modernong bánda, at ng klasikong pagtatanghal sa pormal na entablado. (RCN) (ed GSZ)

gitgít Ang gitgít ay isang instrumentong pangmusika ng mga Mangyan. May tatlo itong kuwerdas at tinutugtog na parang biyolin. Ang katawan ng gitgit ay gawa sa isang uri ng kahoy habang ng mga kuwerdas ay karaniwang gawa sa buhok ng tao. Ang gitgit at iba pang instrumentong de-kuwerdas tulad ng gitara, kutyapi, at kudlung ay karaniwang tinutugtog lamang na kalalakihan. Maraming gamit ang gitgit. Kabilang na rito ang pansaliw sa pag-awit ng mga ambahan. Tinutugtog din ang gitgit, kasáma ng gitara, upang ipabatid sa mga nililigawan na dumating na ang manliligaw kasáma ng kaniyang mga lalaking kaibigan. Ang instrumento ding ito ang karaniwang ginagamit na pansaliw sa kanta ng panliligaw. (MJ) ed VSA

gobernadór Gobernadór o governor ang tawag sa kasalukuyang pinunòng tagapagpaganap ng isang lalawigan sa Filipinas. Katungkulan niyang siguruhin na mayroong mahusay at epektibong pamamahala sa kaniyang nasasakupan, ipatupad ang mga ordenansa na binalangkas ng Sangguniang Panlalawigan, at pamunuan ang lahat ng programa, serbisyo, at proyekto ng panlalawigang pamahalaan. Ang isang gobernadór ay direktang halal ng mga mamamayan. Magsisilbi siya ng tatlong taon at maaaring mahalal muli ng hanggang tatlong termino. Isa sa pinakamahalagang tungkulin ng gobernador ang pagbuo ng komprehensibong programang panggobyerno at planong pangkaunlaran para sa lalawigan. Kailangan niyang pulungin at makipagtulungan sa Panlalawigang Lupong Pangkaunlaran upang mabigyang pansin ang mga pangangailangan at kahilingan ng iba’t ibang sektor. Ang mga programang panggobyerno ay kailangang ilahad ng gobernador sa unang pagpupulong ng Sangguniang Panlalawigan. Matapos pagtibayin ng Sanggunian ang mga panukala, responsabilidad ng gobernador na direktang pamunuan ang pagpapatupad sa mga ito. Sa kasaysayan ng pamahalaang lokal, sinimulang tawaging gobernadór ang punòng panlalawigan noong panahon ng Amerikano. Noong panahon ng Espanyol, alkálde mayór (alcalde mayor) ang tawag sa namamahala ng probinsiya. May dalawang uri ng probinsiya noon, alinsunod sa estado ng pamamahala. Ang mapayapang probinsiya ay tinatawag na alcaldia at nása ilalim ng alkálde mayór; ang magulong probinsiya ay nakapailalim sa isang pamahalaang militar. Tinatawag noong gobernadorsílyo o munting gobernadór ang pinunò ng munisipalidad. Samantala, ang buong pamahalaang kolonyal ay nása ilalim ng kapangyarihan ng gobernadórhenerál na ipinadadalá ng Hari ng Espanya. (SMP) (ed VSA)

Kapitolyo ng Camarines Sur

gobernadór-henerál Tanatawag na gobernadór-henerál ang pinakamataas na opisyal sa Filipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Nagtataglay siyá ng tatlong titulo: gobernador-heneral, presidente, at kapitan-heneral. Bilang kapitán-henerál, siyá ang pinunò ng hukbong katihan at hukbong-dagat. Siyá rin ang presidénte ng audiencia, ang kataas-taasang hukuman noon. Gayunman, sa kaniyang kapasidad bilang presidente, tanging pagdalo lámang sa mga deliberasyon bílang kinatawan ng hari ang kaniyang maaaring gawin. Wala siyáng kapangyarihang makisali sa mga diskusyon at impluwensiyahan ang desisyon ng mga oidores—ang mga miyembro o tagadinig ng mga kaso sa audiencia. Bukod sa mga nabanggit, may kapangyarihan din siyá bilang vice-real patron na magtalaga ng mga misyonero o fraile sa simbahan. Sa teorya, ang gobernador-heneral ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng viceroy ng Mexico, ngunit sa praktika, ang kaniyang pananagutan ay direkta sa hari ng Espanya at sa Consejo de las Indias, isang tanggapan na nangangasiwa at katuwang ng hari sa pamamahala ng kaniyang mga kolonya. Ilan sa kaniyang mga tungkulin ay ang pangangasiwa sa pagbebenta ng mga lupaing publiko at distribusyon ng residensiyal na lupain; pagsasagawa ng sensus at tiyaking sapat ang pagkain at ibang mga probisyon; pamahalaan ang gawaing-pambayan; panatilihin ang kapayapaan at kaayusan; at tingnan ang gawain ng mga mas mababàng opisyal. Kapalit ng kaniyang mga serbisyo, tumatanggap siyá ng suweldo, na may panahong umaabot sa 40,000 piso santaon. Si Miguel Lopez de Legazpi ang unang nanungkulang gobernador-heneral. Gobernador-heneral din (governor-general sa Ingles) ang tawag sa pinakamataas na pinunò ng pamahalaang Amerikano sa Filipinas simulang 6 Pebrero 1905. Bago ito, nagdaan ang Filipinas sa isang pamahalaang militar sa ilalim ng isang gobernador militar. Nanungkulang gobernador militar sina Hen. Wesley Merritt, Hen. Elwell Otis, at Hen. Arthur MacArthur hanggang 1901 nang itatag ang gobyernong sibil. Si William H. Taft ang unang gobernador sibil. Si Luke Edward Wright ang unang gobernador-heneral na Amerikano. Hawak ng gobernador-heneral ang pinakamataas na kapangyarihang ehekutibo at lehislatibo. Napunta ang kapangyarihang lehislatibo sa Philippine Assembly, na binubuo ng mga inihalal na delegadong Filipino, nang itatag ito noong 16 Oktubre 1907. Samantala, nawala ang gobernador-heneral nang itatag ang Komonwelt noong 15 Nobyembre 1935. (LN) (ed VSA)

Miguel Lopez de Legazpi

gobernadorsílyo Ang gobernadorsílyo ang katumbas ngayon ng posisyon ng alkalde ng isang bayan o lungsod. Ito ang pinakamataas na katungkulang maaaring makamit ng isang Filipino noong panahon ng mga Espanyol. Nagmumula ang gobernadorsilyo sa uring principalia at karaniwang isa siya sa mga nakaupong cabeza de barangay ng kaniyang bayan. Tungkulin ng gobernadorsilyo na magpatunay sa kapanganakan ng isang mamamayan, magsilbing hukom sa mga kasong sibil na hindi tataas sa P44, panatilihing maayos ang kondisyon ng bilangguan, at tiyaking sapat ang tauhan at kagamitan sa casa tribunal. Katuwang niya ang mga cabeza de barangay sa pagkolekta ng tributo at pagkuha ng mga polistang magtatrabaho sa proyekto ng pamahalaan at cura parroco. Bagama’t mababà ang kaniyang suweldo, hindi naman kailangang magbayad ng tributo ang kaniyang pamilya o manilbihan ang mga ito bílang polista. Higit pa dito, ang kaniyang posisyon ay nagbibigay sa kaniya ng pagkakataóng magpayaman. Dahil dito, inaasahan din siyang magsumite ng ulat ng kaniyang mga gawain sa panahon ng kaniyang panunungkulan. (MBL) (ed GSZ)

Goldilocks Ang Goldilocks Bakeshop, o mas kilalá bilang Goldilocks (gól•di•láks) ay isang popular na kompanya ng mga restoran at bilihan ng mga keyk at tinapay sa Filipinas. Nagsimula bilang isang munting panaderya noong 1966, mayroon nang mahigit-kumulang 200 tindahan at kainan ang Goldilocks sa buong bansa at iba’t ibang bansa, tulad ng Estados Unidos, Canada, Singapore, Hong Kong, at Thailand. Maituturing ang Goldilocks bilang bahagi ng kulturang Filipino at kinatawan ng panlasa at pagkaing Pinoy sa mga bansang mayroon nitó. Nagsisilbi ring tulay ang mga sangay ng Goldilocks ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) at mga Fil-Am sa bayan ng kanilang lahi. Sinimulan ng magkapatid na Milagros Leelin Yee at Clarita Leelin Go ang unang tindahan ng Goldilocks sa Kalyeng Pasong Tamo, Lungsod Makati, noong 1966. Ginamit nilá ang salitang “Goldilocks,” hango sa tauhan ng kuwentong Goldilocks and the Three Bears, sa paniniwalang maaari itong maghatid ito ng suwerte. Pumatok kaagad ang alok niláng brazo de mercedes, sansrival, at iba pang uri ng keyk. Sa kasalukuyan, bukod sa pagtitinda ng mga keyk, tinapay, at matatamis na panghimagas, maraming branch ng Goldilocks ay mga restorang fast food na tumangkilik ng pagkain at inuming Pinoy tulad ng palabok, kare-kare, batsoy, lumpiya, bistek, haluhalo, at sago’t gulaman. (PKJ) ed VSA

gólpo Ang gólpo ay isang malaking look, o tubigang hindi ganap na naliligiran ng dagat at may bungad na pinapasukan o nilalabasan ng tubig buhat sa katabing karagatan. Karaniwang matatagpuan sa baybayin ng isang golpo ang mga pantalan. Bilang kapuluang may mahabàng baybayin, ang Filipinas ay may ilang pangunahing golpo:Golpong Albay, sa rehiyong Bikol; pangunahing pantalan sa Lungsod Legazpi; Golpong Davao, sa rehiyong Davao; pangunahing pantalan sa Lungsod Davao; Golpong Lagonoy, sa rehiyong Bikol; Golpong Leyte, sa rehiyong Silangang Kabisayaan; pangunahing pantalan sa Lungsod Tacloban; Golpong Lingayen, sa rehiyong Ilocos; mga pangunahing pantalan sa mga lungsod ng Dagupan at San Fernando; Golpong Moro, sa kanlurang Mindanao; mga pangunahing pantalan sa mga lungsod ng Zamboanga at Cotabato; Golpong Panay, sa rehiyong Kanlurang Kabisayaan; pangunahing pantalan sa Lungsod Iloilo; at Golpong Ragay, sa gitna ng Tangway Bondoc at Tangway Bicol. Hindi naman maituturing na golpo ang may mas maliliit na bungad, tulad ng Look Maynila at Look Subic. Dahil sa mga pantalan at baybaying mainam daungan ng barko, hindi nakapagtatakang mahalaga ang mga ito sa panahon ng digmaan. Halimbawa nito ang pagdaong ng mga puwersang mapagpalaya ng Amerikano sa mga golpo ng Leyte at Lingayan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (PKJ)

Gólpong Léyte Ang Gólpong Léyte ay isang lawas ng tubig sa silangang bahagi ng isla ng Leyte sa rehiyong Silangang Kabisayaan. Karugtong nitó ang Dagat Filipinas ng Karagatang Pasipiko. Pinaliligiran ito ng isla ng Samar at Kipot San Juanico sa hilaga, at isla ng Mindanao at Kipot Surigao sa timog. Pinaliligiran din ito ng isla ng Dinagat sa timog-silangan, samantalang matatagpuan ang mga pulo ng Homonhon at Suluan sa silangang bukana nitó. Ang Lungsod Tacloban ang pangunahing pantalan sa golpo. Dahil sa mga pantalan at baybaying mainam daungan ng barko, hindi nakapagtatakáng mahalaga ang mga ito sa panahon ng digmaan. Halimbawa, naging saksi ang Golpong Leyte sa pinakamalaking labanan sa tubig noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at isa sa pinakamalaking labanan sa tubig sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Sa tinaguriang Labanang Golpong Leyte ( Battle of Leyte Gulf), lubos na napinsala ang hukbong pandagat ng mga Hapon na naging mitsa sa tuloy-tuloy nang pagbagsak ng imperyo nitó sa Timog-Silangang Asia. Naging saksi ang golpo sa unang organisadong paggamit ng mga Hapon ng kamikaze, o ang kusang pagpapabagsak ng isang piloto sa kaniyang eroplanong may kargang mga bomba sa isang tiyak na target. Sa Golpong Leyte dumaong ang mga puwersang mapagpalaya ng mga Amerikano, at pagkatapos ay ginawang base ng mga eroplanong B-29 Superfortress na ginamit upang bombahin ang bansang Hapon noong 1945. (PKJ) ed VSA

Gólpong Lingayen Ang Gólpong Lingayen (Líng·ga·yén) ay isang lawas ng tubig sa kanlurang bahagi ng isla ng Luzon, sa rehiyong Ilocos. Karugtong nitó ang Dagat Kanlurang Filipinas (Dagat Timog Tsina) at may habang 56 km. Pinaliligiran ito ng mga lalawigan ng Pangasinan at La Union, at ng mga bulubunduking Cordillera at Zambales. Dito bumubuhos ang Ilog Agno, ang isa sa pinakamalaking ilog sa bansa. Matatagpuan sa golpo ang maraming pulo, at ang pinakatanyag sa mga ito ay ang tinatawag na Hundred Islands sa kanlurang Pangasinan. Marami sa mga pulong ito ay maliliit ngunit may iilan ding malaki, tulad ng Cabarruyan at Santiago. Kilalá din ang golpo para sa ilang bahagi ng dalampasigan nitóng mababaw ang tubig, tulad ng sa bayan ng Bolinao. Ang Lungsod Dagupan sa Pangasinan at Lungsod San Fernando sa La Union ang mga pangunahing pantalan sa golpo, at dito rin matatagpuan ang kabisera ng Pangasinan, ang bayan ng Lingayen. Malaking bahagi ng kabuhayan ng mga pamayanan sa golpo ay pangingisda at paggawa ng asin; sa katunayan, sa asin hinango ang pangalan ng Pangasinan at nanatiling tatak ng identidad ng lalawigan. Matatagpuan din sa pampang ng golpo ang Sual Power Station, ang pinakamalaking planta ng coal sa Filipinas. Dahil sa mga pantalan at baybaying mainam daungan ng barko, hindi nakapagtatakang mahalaga ang mga ito sa panahon ng digmaan. Halimbawa, naging saksi ang Golpong Lingayen sa paglusob ng mga puwersang Amerikano, Australyano, at Filipino sa mga bayan ng Lingayen at San Fabian. Pagkatapos ng masusing tagumpay at pagpapalaya ng golpo mula sa mga mananakop na Hapon, ginawang supply depot ang golpo bilang suporta sa Labanang Luzon. (PKJ) ed VSA

Gombúrza Ang Gombúrza ay daglat para sa pangalan ng talong paring Filipino—sina Mariano Gómez, José Burgos, at Jacinto Zamora—na binitay pagkatapos idawit ng pamahalaang kolonyal at mga prayle sa nabigong Pag-aalsa sa Cavite noong 1872. Ang kanilang pagkamartir ay nakapagpaalab sa nasyonalismo ng mga Filipino at magdudulot, sa huli, ng Himagsikang 1896. Noong 20 Enero 1872, umaabot sa 200 sundalo at obrero sa arsenal sa Cavite ang nag-alsa. Madaliang nasugpo ng mga Espanyol ang pag-aalsa ngunit ginamit itong dahilan upang supilin ang mga Filipinong makabayan at humihingi ng reporma sa pamahalaan. Ginamit itong dahilan ng pamahalaang kolonyal at mga prayleng Espanyol upang idawit ang tatlong paring tinagurian ngayon bilang Gomburza. Tunay nilang pakay si Burgos, isang prominente at mestisong pari. Matagal na siyáng pinag-iinitan ng mga Espanyol dahil sa liberal na pananaw, pagsusulong ng sekularisasyon ng kaparian, at pagtatanggol ng karapatan ng mga Filipinong pari. Malapit kay Burgos sina Gomez at Zamora, at magkakasáma ang tatlo sa hangaring mapalaganap ang sekularisasyon para sa mga kababayang pari. Kahit mahinà ang ebidensiyang mag-uugnay sa tatlo sa Pag-aalsa sa Cavite, hinatulan silá ng kamatayan pagkatapos ng maigsi at kahinahinalang paglilitis. Noong 17 Pebrero 1872, binitay sa pamamagitan ng garote ang tatlong pari sa harap ng publiko sa Bagumbayan (ngayon ay Liwasang Rizal). Pagkatapos bitayin, inilagak ang mga labí ng tatlong pari sa isang walangngalang libingan, bilang mga ”kalaban ng estado,” sa Sementeryong Paco. Tumanggi ang Arsobispo ng Maynila na tanggalin ang pagkapari ng tatlo sapagkat hindi daw silá lumabag ng kahit anong batas ng Simbahan. Isa sa apektado ng martiryo ng Gomburza si Jose Rizal, na inalay ang kaniyang ikalawang nobelang El filibusterismo sa tatlong pari. Malapit na kaibigan ni Burgos ang nakatatandang kapatid at guro ni Rizal na si Paciano. Sa kasalukuyan, matatagpuan ang isang palatandaan kung saan binitay ang Gomburza sa Liwasang Rizal (Luneta), at isang palatandaan kung saan sila inilibing sa Sementeryong Paco, pawang sa Lungsod Maynila. Ipinangalan sa kaniya ang ilang bayan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, La Union, Pangasinan, Quezon, Surigao del Norte, at Timog Leyte. (PKJ)

gong Ang gong ay isang tila bilóg at malaking tambol na metal. Pinupukpok ito ng kamay o piraso ng makapal na kahoy upang tumunog. Laganap ito hindi lamang sa Filipinas kundi sa ibang bansa sa Silangan at TimogSilangang Asia at may iba’t ibang gamit, tulad ng pansaliw sa mga awitin, ritwal at sayaw, at pagbabala sa simula o wakas ng isang gawain. May dalawang pangunahing uri ng gong sa Filipinas. Sa hilagang bahagi ng kapuluan makikita ang mga gong na patag lamang at manipis ang gilid o rim. Isang halimbawa nitó ang gángsa, na karaniwang may iba’t ibang laki upang makabuo ng isang ensemble. Kamay ang ginagamit upang patunugin ang gangsa. Sa katimugang bahagi naman ng kapuluan makikita ang mga gong na may umbok sa gitna at mas malapad na gilid. Ang mga ito ay maaaring nakabitin o nakahilera sa isang lalagyan. Isang halimbawa ng ensemble ng mga gong sa Mindanao ay ang ahong na binubuo ng sampung gong na nakabitin. Sa gong ensemble naman ng mga Magindanaon, nariyan ang kulintang na binubuo ng walong may magkakaiba ng laking gong na nakahilera sa isang lalagyan; gandingan na may manipis na rim, nakabitin at may iba’it ibang laki; agung na siyáng pinakamalaking gong, may pinakamalapad na rim at may pinakamababàng tunog na nalilikha; at ang babandil na maliit din at may manipis na rim. Ang lahat ng gong ng mga Manguindanaon ay pinupokpok ng kahoy. (MJCT) ed VSA

Joaquin Gonzalez (22 Hulyo 1853-21 Setyembre 1900) Mahusay na doctor at rektor ng Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas, ang unang pamantasan ng estado sa Filipinas, isinilang si Joaquin Gonzalez (Hwa·kín Gon·zá·lez) noong 22 Hulyo 1853 sa Baliuag, Bulacan kina Fausto Gonzalez, anak ng isang opisyal na Espanyol, at Maria Amparo Angeles, isa ring anak mayaman. Pagkatapos ng batsilyer sa Colegio de San Juan de Letran noong 1872, nag-aral siyá ng medisina sa Espanya. Nakuha niya ang lisensiyado sa Universidad de Valladolid at ang doktorado sa Universidad Central de Madrid. Naglakbay siyá sa Europa bago umuwi at nagbukás ng klinika sa Binondo, Maynila at sa Baliuag. Sa edad na 30 taón, pinakasalan niya si Florencia Sioco, anak nina Jose Sioco ng Bocaue, Bulacan at Matea Rodriguez ng Bacolor, Pampanga. Hindi nagtagal, lumipat siláng magasawa sa Sulipan, Apalit, Pampanga at naging huwes doon noong 1896. Nang itatag ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas noong 19 Oktubre 1898, hinirang siyá ni Pangulong Aguinaldo na rektor nitó. Nagturo din siyá sa unibersidad ng medisinang legal. Sa Kongresong Malolos, nahalal siyáng isa sa dalawang delegado ng Pampanga. Kung tutuusin, pinalitan ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas noong 1908 ng University of the Philippines bilang pamantasan ng estado. Naging ikaanim na pangulo ng UP ang anak niyang si Bienvenido at naging rehente nitó ang apó niyang si Gonzalo. Sa ilalim ng mga Amerikano, hinirang siyáng tagapangulo ng lupon sa serbisyo sibil kasáma ang dalawang Amerikano. Ngunit hindi siyá nakapaglingkod dahil sa biglang pagkamatay sa apendisitis noong 21 Setyembre 1900. Isang marker ang itinayô ng National Historical Institute para sa kaniyang alaala sa Baliuag. (GVS)

N.V.M. Gonzáles (8 Setyembre 1915-28 Nobyembre 1999) Si Nestor Vicente Madali Gonzales o mas kilalang N.V.M Gonzáles ay isa sa mga pinagpipitaganang prolipikong awtor ng panitikan sa wikang Ingles, propesor, at peryodista. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong 1993. Ang kaniyang mga akdang nobela, maikling kuwento, at sanaysay ay naghayag, sumalamin, at nag-ambag sa paghubog ng kultura at sensibilidad ng ating bansa sa paraang hindi madali dahil sa hiniram na dayuhang wika ang kaniyang naging kasangkapan at sa de-kalibreng estilo ng prosa na bihira at kaniya lámang. Ang kaniyang mga nailimbag na pamana sa bayan ay ang mga nobela: The Winds of April (1941); The Bamboo Dancers (1957); A Season of Grace (1974); mga kalipunan ng maikling kuwento: Seven Hills Away (1947); Children of the Ash-Covered Loam and Other Stories (1954); Look, Stranger, on this Island Now (1963); Selected Stories (1964); Mindoro and Beyond: Twenty-One Stories (1989); Bread of Salt and Other Stories (1993); at mga sanaysay: Work on the Mountain (1991); at The Novel of Justice: Selected Essays (1996). Itinanghal niya ang saysay at salaysay ng kaniyang Mindoro, ang migrante sa kaniyang pakikipagsapalaran at sakripisyo, at, ang pangarap-pagpupunyagi-at-pag-asa sa kalikasan ng ikid ng pagsilang at pagpanaw. Kinilala ang kaniyang galíng sa maraming parangal gaya ng Commonwealth Literary Award (1941); Republic Award of Merit para sa Literatura (1954); Republic Cultural Heritage Award (1960); Jose Rizal Pro Patria Award (1961); Gawad Sentrong Pangkultura ng Pilipinas para sa Sining sa Literatura (1990); Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ng UMPIL (1991); at Gawad Diwa ng Lahi ng Lungsod Maynila (1996). Isinilang siyá sa Romblon, Romblon noong 8 Setyembre 1915. Ang kaniyang amang si Vicente Gonzales ay superbisor ng paaralan at ang ina niyang si Pastora Madali ay guro. Mula Romblon ay lumipat siláng maganak sa Wasig, Mindoro nang siyá ay lima taóng gulang. Napangasawa niya si Narita Manuel at may apat siláng supling, sina Nestor Ibarra, Selma, Michael, at Lakshmi. Nag-aral siya sa Mindoro mula 1927 hanggang 1930, at sa National University noong 1933, ngunit hindi siyá nagkaroon ng digri sa kolehiyo. Gayunman, nagawa niyang makapagturo sa Unibersidad ng Santo Tomas, Philippine Women’s University, at sa loob ng 18 taon sa

Unibersidad ng Pilipinas. Nagturo din siya sa Estados Unidos at nagkamit ng mga writing at travel grants. Mula sa kanayunan ng Mindoro ay narating niya ang rurok ng katanyagan sa panitikang Filipino bago sumakabilangbuhay noong 28 Nobyembre 1999. (RVR) (ed GSZ)s

Gota de Leche Ang Gota de Leche (Gó•ta de Lét•se) ang gusaling pagmamay-ari ng La Proteccion de la Infancia, Inc., (LPI) ang unang non-governmental organization (NGO) na naitatag noong 1905 sa pangunguna ng pilantropong si Teodoro Yangco at ng Associacion Feminista Filipina. Layon ng LPI ang tugunan ang problema ng kalusugan, partikular ang malnutrisyon sa mga ina at batà. Dahil sa paglawak ng operasyon ng LPI, kinailangang ilipat ito ng lugar mula sa Quiapo papunta sa loteng pagmamay-ari ni Yangco sa Sampaloc. Napunta sa magkapatid na arkitektong sina Arcadio at Juan Arellano ang paggawa ng bagong gusali nitó. Sinimulan ang proyekto ng pagpapatayô noong 1914. Hinango ng makapatid na Arellano ang disenyo mula sa isang bahay-ampunan na mayroong arkitekturang Renaissance—ang Ospedale degli Innocenti o Hospital of the Innocents na gawa ni Filippo Brunelleschi sa Ferenzi, Italya. Natapos ito noong 1917 ng mga Arellano at tinawag na Gota de Leche o “Patak ng Gatas.” Ito ang nagging sentro na nagpapainom ng gatas sa mga batà mula sa mahihirap na pamilya. Noong 2002, sumailalim sa isang rekonstruksyon ang Gota de Leche. At noong 2003, ginawaran ito ng UNESCO Asia Pacific ng Heritage Award for Culture Heritage Conservation. (KLL)

góto Ang góto ay lugaw na may halòng lamanloob ng báka, baboy, o kalabaw. “Góto” rin ang nakagawiang tawag sa lamanloob (trepilya, o tripe) na ginagamit sa lutuin. Tinatawag din itong “Filipino beef congee” sa labas ng bansa. Isa ito sa mga paboritong meryenda ng mga Pinoy. Kapatid ito ng aroskaldo, na lugaw na may halòng karne ng manok. Bukod sa lamanloob, mga sangkap sa goto ang kanin, sibuyas, bawang, at nilagang itlog. Dagdag-pampalasa naman ang asin at paminta. May mga táong mahilig din itong sarsahan ng patis o katas ng kalamansi. Pinakamasarap ang goto kapag kinain kaagad nang mainit-init pa. Bukod sa pagiging meryenda, hinahanap-hanap din ang goto sa gabi—sa panahon ng tag-ulan at Disyembre, o kayâ ay pampagising pagkatapos makainom ng alak. Hindi mabilang ang mga gotohan sa mga lansangan ng bansa, at kadalasang kasáma nitó sa menu ang lugaw, aroskaldo, lomi, tokwa’t baboy, at pares. (PKJ)

granáda Ang granáda ay isang masustansiyang prutas na sinasabing nagmula sa Iran at itinatanim na noong sinaunang panahon pa. Ito ay may nakakaing buto na napapaligiran ng makinis na puláng laman na tinatawag na arils. Sa ngayon, malaking bahagi ng produksiyon nitó ay nagmumula sa rehiyon ng Mediterranean sa Timog Europa, Gitnang Silangan, Hilagang Aprika, India at ilang tuyong bahagi ng Timog-Silangang Asia. Isa sa pangkaraniwang gamit ng granada ay bilang isang kasangkapan sa pagluluto. Ang pinatuyong arils ay ginagamit bilang pampalasa sa mga lutuing Indian at Pakistani. Ang arils na binalutan naman ng tsokolate ay ginagamit ding sangkap sa pagluluto ng mga panghimagas. Maaari din itong gamiting topping sa salad, yogurt o sorbetes. Ang katas ay popular na inumin sa mga lutuing Persian at Armenian. Inihahalò din ito sa paggawa ng mga nakakalasing na inumin. Ginagamit din ang granada bilang tradisyonal na medisina. Ang laman at ang balat ng kahoy nito ay ginagamit bilang tradisyonal na lunas sa pagtatae. Ang buto at katas naman nito ay nakatutulong sa pagpapalakas ng puso at lalamunan. Ang granáda o grenade sa Ingles ay isa namang maliit na pampasabog na karaniwang inihahagis sa pamamagitan ng kamay. Ang unang bersiyon ng granada ay mula sa Italya noong 1427 at gawa sa luad na hinulma at nilagyan ng pulbura. Maaaring magbuga ng apoy, usok, liwanag, o mga kemikal ang isang granada kapag sumabog. Ginagamit ang mga granada upang lusubin ang kalaban nang malapitan. May iba’t ibang gamit ang mga uri ng granada, ngunit ang karaniwang sumasabog na granada ay upang sirain ang depensa ng kalaban. Ang mga nagbubuga ng apoy ay ginagamit naman upang pasilabin ang mga armas at iba pang kagamitan ng kalaban. Ang mga nagbubuga ng usok ay para sa identipikasyon o pagbibigay ng hudyat. (MJCT) ed VSA

Fernando Maria Guerrero (30 Mayo 1873-12 Hunyo 1929) Si Fernando Maria Guerrero (Fer·nán·do Ma·rí·ya Ge·ré·ro) ay kilala rin sa mga sagisag-panulat na Artistipo, Augusto, Belisario, Rosas, Belliken, Efrain, Erasmo, Ferdy, Flavio Graco, Florestain, Florisel, Fluvio Gil, Gil Rosas, Hector, Isagani, Kiko Kuku, Lakan-Dula, Luciano, O’Fredann, Oscar, Othello, Radames, Romeo, Tristan, at Virgilio. Siyá ay isang makata, mananaysay, abogado at poligloto na naging mahalagang bahagi ng ginintuang panahon ng panitikang Espanyol sa Filipinas mula 1890 hanggang 1940. Isinilang noong 30 Mayo 1873 kina Lorenzo Guerrero, isang pintor at guro sa sining, at Clemencia Ramirez, kapatid niya si Manuel Guerrero na naglathala ng koleksiyon ng sanaysay at kuwento, pamangkin ng makatang si Corinta Ramirez, tiyo ng mandudulang si Wilfrido Ma. Guerrero at mananaysay at kuwentistang si Leon Ma. Guerrero III at Carmen Guerrero-Nakpil. Napangasawa niya si Carmen Estrada at nagkaroon silá ng dalawang anak; kalaunan, pinakasalan naman niya si Remedios Entrala at nagkaroon silá ng siyam na anak, kasáma ang mga makatang sina Evangelina Guerrero-Zacarias at Nilda Guerrero-Barranco. Nagtapos siyá ng bachiller en artes at perito mercantil sa Ateneo Municipal at ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nakipaglaban siyá para sa kalayaan sa pamamagitan ng pagiging bahagi niya ng pahayagang rebolusyonaryo na La Independencia; sa pagiging kapitan ng hukbong rebolusyonaryo sa ilalim ni Heneral Antonio Luna; at sa pagiging kinatawan sa Kongresong Malolos. Naging representante siyá ng distrito ng timog Maynila sa unang Pambansang Asemblea; konsehal ng Maynila; kalihim ng Philippine Independence Mission at ng Senado sa ilalim ni Manuel L. Quezon. Naging editor siyá ng El Renacimiento at isa sa mga tagapagtatag ng La Vanguardia. Naging miyembro din siyá ng Spanish Royal Academy sa Madrid. Tinagurian siyang Prince of Philippine Lyric Poetry. Ang pagkakataóng mabigkas ang kaniyang tulang “Mi Patria” (1899) ay itinuturing nang isang karangalan. Siyá ang El Maestro sa henerasyong iyon ng mga makatang Filipino na tumugon sa kolonyalismong Amerikano sa pagsulat ng mga nasyonalistikong tula sa wikang Espanyol. Kahit dalubhasa sa wikang Espanyol, naniniwala siyá na ang panitikang Filipino ay maisusulat lámang sa wikang pambansa. Ito ang tinalakay niya sa kaniyang sanaysay na La formacion de una poesia tipicamente Filipina na nailathala sa El Debate noong 1924.

Ang kaniyang mga tula ay inilathala sa dalawang koleksiyon: Crisalidas noong 1914 at ang postumong Aves y flores noong 1971. Ang ilan pa sa kaniyang mga kilalang tula ay “La bandera,” “A Filipinas,” “Kundiman,” “Ilang-Ilang,” “A su majestad,” “La Reina Quimera,” “A la Virgen Maria,” “Sin Dogma,” “Pesimismo,” “A media noche,” “Mi musa,” “Mariposas negras,” at “Marcha funebre de Chopin.” Namatay siyá noong 12 Hunyo 1929. (KLL)

Wilfrido Ma. O. Guerrero (22 Enero 1911-28 Abril 1995) Isang batikang mandudula, aktor, at direktor sa teatro si Wilfrido Ma. O. Guerrero (Wil·frí·do Mar·yá O Ge·ré·ro). Nagsilbi siyáng katuwang na propesor sa drama sa Unibersidad ng Pilipinas (1947) dahil sa natatanging husay niya sa larangan kahit na hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Ang Teatrong Wilfrido Ma. Guerrero ng UP Diliman ay ipinangalan sa kaniya habang siyá ay nabubuhay pa. Postumong iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro noong 1997. Ang UP Mobile Theater na binuo at idinirihe niya mula noong 1962 ay nakapagtala ng mahigit 2000 pagtatanghal sa iba’t ibang dako ng Filipinas. Nailantad ang bansa sa de-kalibreng dulaan at nagpasulpot ng mga artista, direktor, at mga alagad ng entablado at puting-tábing na tatangan ng papel bilang mahalagang bahagi ng ubod ng teatro at pelikulang Filipino. Nagsimula siyáng magsulat ng dula sa wikang Ingles noong 1934 hábang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang “Half an Hour in a Convent” ang kaniyang unang dulang Ingles. Mahigit sa 100 dula ang naisulat ni Guerrero, kabilang ang: “Women are Extraordinary” (1937), “Hate Begins” (1938), “Romance in B. Minor” (1939), “Movie Artists” (1940), “Forever” (1941), “Condemned” (1944), “Frustrations” (1944), “Wow These Americans” (1946), “Perhaps” (1947), “Three Rats” (1948), “Deep in My Heart” (1951), “In Unity” (1953), at “Our Strange Ways” (1953). Ginawaran siya ng Gawad Rizal Pro-Patria (1961), Gawad Araw ng Maynila (1969), at ng Republic Cultural Heritage Award (1972). Nagmula sa angkang Guererro na prominente sa kultura sa Filipinas, ipinanganak siya noong 22 Enero 1911 kina Dr. Manuel S. Guerrero at Eliza Ocampo. Ang kaniyang ama ay doktor ng mayayamang pamilya sa Maynila at isa sa mahuhusay na manunulat ng sanaysay. Tiyuhin niya ang makatang si Fernando Ma. Guerrero na itinuturing na prinsipe ng lirikong tula sa Espanyol. Pinsan niya sina Leon Ma. Guererro III, ang magkapatid na makatang sina Nilda Guerrero-Barranco at Evangelina GuerreroZacarias, at manunulat na si Carmen Guerrero-Nakpil. Namatay siyáng retirado sa isang bahay sa UP Diliman noong 28 Abril 1995. (RVR)(ed GSZ)

Antonino M. Guevara (namatay sk 1898) Mariwasang may-ari ng lupain ngunit nakatikim ng panggigipit ng mga Espanyol, si Antonino M. Guevara (An·to·ní·no eM Ge·vá·ra) ay aktibong organisador ng Katipunan sa Laguna hanggang sa Digmaang Filipino-Amerikano. Isinilang si Antonino sa San Pedro Tunasan, ang unang pueblo sa lalawigan ng Laguna at nagkaroon ng lupain doon. Dahil sa panggigipit ng mga Espanyol, iniwan niya ang lupain noong 1897 para matahimik sa Muntinlupa. Ngunit inakusahan naman siyáng nagbabasá ng Noli me tangere at tagapagtaguyod ng La Solidaridad ng fraileng si Padre Jose Rodriguez. Totoo namang sumapi na sa Katipunan noong 7 Agosto 1896, sa tulong ni Mariano Crisostomo. Nang matuklasan ang Katipunan, nása pulong siyá sa Trozo, Maynila at noong 25 Agosto ay lumahok sa engkuwentro sa Pasong Tamo. Nakatakas siyá at ikinalat ang balita para sa sabay-sabay na pag-aalsa sa 29 Agosto mulang Pasig hanggang Laguna. Itinatag niya ang sangay na “Katipunang Matatag” at naging alys ang “Matatag.” Nang malamang dadakpin siyá, at mabalitaan ang tagumpay sa Cavite, pumunta siyá sa kampo si Aguinaldo. Noong Disyembre 1896, siyá at mga alagad niya ay kinatulong ni Heneral Crispulo Aguinaldo sa paghukay ng mga trintsera sa pagitan ng Muntinlupa at San Pedro Tunasan. Noong 1897, naglingkod siyá sa kampo ni Bonifacio sa Indang, Kavite at naging tagahatid liham ng Supremo. Kasáma siyá ni Bonifacio nang dakpin ito at noong 3 Mayo 1897 iniliham niya kay Emilio Jacinto ang naganap na mga kataksilan laban sa Supremo pati ang kaniyang pasiya na maglingkod kay Heneral Paciano Rizal sa halip na sa mga Magdalo. Marami siyáng ginawang mapanganib na misyon para sa Himagsikan. Noong 22 Mayo 1898, isa na siyáng koronel at kasáma siyá ni Paciano sa pangkalahatang miting sa Biñan upang sakalakayin ang mga bayan sa paligid. Bago matapos ang buwan, bumagsak ang Biñan, Sta. Cruz, Cabuyao, at Calamba. Sinalakay nilá ang Lipa, Batangas at nagtagumpay noong 18 Hunyo 1898. Napalaya nilá ang maraming lugar bago iproklama ang kalayaan sa Kawit. Nadestino si Koronel Guevara kay Heneral Lucban at ipinadalá sa Nueva Caceres. Naglingkod siyá sa kagawarang pampananalapi sa Ambos Camarines. Walang malinaw na ulat hinggil sa kaniyang kamatayan. (GVS)

Laureano Guevara (4 Hulyo 1851-30 Disyembre 1891) Si Laureano Guevara (Law·re·á·no Ge·vá·ra), kilala bilang Kapitan Moy, ay isang negosyanteng Filipino na nagtatag ng Marikina Shoe Industry at nagpasikat ng sapatusan ng naturang bayan sa Filipinas at sa ibang bansa. Kinikilala siyáng Ama ng Industriya ng Sapatos sa Filipinas. Isinilang siyá sa Marikina noong 4 Hulyo 1851 kina Jose Emiterio Guevara at Timotea Marquita San Andres. Natuto siyáng bumása at sumulat sa kaniyang mga magulang. Nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila ngunit hindi nakapagtapos dahil pinilì niyang tulungan ang ama sa kanilang mga negosyo sa sariling tindahang La Industrial sa Escolta, Maynila. Ikinasal siyá kay Eusebia Mendoza. Isa sa walo niyang anak ang tanging nabuhay. Sinasabing nag-alala siyá sa mga kabataan ng kaniyang bayan na hindi nakaaalam ng mainam na pagkakakitahan. Napansin din niya na tanging mayayaman lamang ang may kakayahang bumili ng mga sapatos kayâ naisip niyang gumawa ng mga sapatos na káyang bilhin ng karaniwang mamamayan. Ang mga magsasapatos ng Maynila ay nag-alinlangang turuan siyá ng paraan ng paggawa ng sapatos. Sinubukan niyang baklasin at pag-aralan ang isang pares ng sapatos sa tulong ng isang magsasapatos na si Tiburcio Eustaquio. Ibinenta niya ang unang pares na nagawa sa paroko ng Marikina na si Padre Jose Zamora na nagbayad ng dalawang piso at singkuwenta sentimos para dito. Nagbukás siyá ng sariling tindahan ng sapatos noong 1881 at ipinakilala ang paggawa ng sapatos sa Marikina. Ginamit niya ang kanang bahagi ng entresuwelo ng bahay bilang pagawaan sandalyas, botitos, media-entrada, at tuscamas. Nagsimula din siyá ng negosyo sa pagboborda sa kabilang bahagi naman ng entresuwelo. Sa tulong ni Padre Zamora na siyáng gumagawa ng disenyo, tinipon niya ang kababaihan upang magborda sa kanilang libreng oras. Nang yumabong ang kaniyang negosyo, ang mga manggagawa niyang gaya nina Tiburcio Eustaquio at Tiburcio Santa Ines ay nagtayô rin ng sarili niláng sapatusan. Bukod sa pagiging negosyante, naglingkod din siyá bilang capitan municipal ng Marikina. Nang ásiyá ay pumanaw, mayroon nang 15 sapatusan sa Marikina. Ipinagtayô siya ng monumento ng Marika Shoes Producers Association, Inc. noong 1954. Isa namang pananda ang itinayô sa kaniyang lugar ng kapanganakan bilang pagpaparangal sa kaniyang pagiging pangunahing manggagawa ng sapatos sa Marikina. (KLL) ed VSA

Gúhit-Bató ng Angóno Ang kauna-unahang natagpuang gúhit-bató o petroglyph (pé·tro·glíf) sa Filipinas ay nása isang yungib sa Angono, lalawigan ng Rizal. Tinatayàng may 127 guhit ng tao ang makikita sa pader ng mababaw na kuweba. Natuklasan at pinag-aralan ito ng mga kinatawan ng Pambansang Museo ng Filipinas noong 1965. Batay sa arkeolohikong pag-aaral, iginuhit ng mga katutubong Filipino ang mga ito sa kuweba sa magkakaibang pagkakataón sa loob ng mahabàng panahon. Wala ring patunay na may kaugnayan ang mga guhit sa isa’t isa, manapa’y posibleng umuukit ng bagong likha ang mga tao kung saan may libreng espasyo. Ang mga guhit ay inukit sa pader ng kuweba gamit ang piraso ng bato. Iba’t iba ang kalagayan ng mga ito: may mga ukit na may lalim na 10 sm at mayroon din namang mababaw at malabò na. Gayunman, makikita na ang dominanteng disenyo ng mga katutubong Filipino ay ang bilugang ulo na mayroon o walang leeg at nakapatong sa katawan na parihaba o “V”. Kadalasang iginuguhit ang braso at binti na nakabaluktot. Bukod dito, nakaukit din ang iba’t ibang hugis katulad ng tatsulok, parihaba, at bilog. Ang sining sa bato ay iniugnay sa paniniwala ng isang natatanging grupo ng tao. Ito ay simbolo na maaaring may kinakatawan o mas malalim na kahulugan kaysa simpleng dekorasyon lamang. Napaulat na may petroglyph din sa kuweba ng Peñablanca sa Cagayan; sa mga nakausling bato sa Alab, Bontoc sa Mt. Province; at sa kuweba sa Singnapan sa Ransang, Palawan. Bagama’t iilan pa lamang ang natutuklasang ganitong mga likha, patunay ito ng sinaunang kamalayan sa sining ng katutubong Filipino. (JM) (ed VSA)

Guhò ng Simbáhang Guíob Ang Guhò ng Simbáhang Guíob (Guiob Church Ruins sa Ingles) ay labí ng isang lumang simbahan sa Barangay Bonbon, bayan ng Catarman, islang lalawigan ng Camiguin, na giniba ng pagputok ng Bundok Vulcan noong 1871. Ginawa ang simbahan mula sa mga batong tangrib noong ika16 siglo, at sa ngayon ang kampanaryo, bahagi ng kumbento, at mga pader na lámang ang natitira sa gusali. Sinasabing pumutok ang bulkan noong takipsilim ng 13 Mayo 1871, at ang dáting kabisera ng Camiguin, ang Cotta Bato, ay tuluyang nagiba. Daandaang tao ang namatay. Ang nalalabing ilang tipak ng bato ng simbahan, kung gayon, ang nalalabi na ring gunita ng buong bayan. Bilang isa sa mga natatangi at pinakamatandang gusali sa isla, nagsisilbi ang guho bilang atraksiyong panturista. Pinangangasiwaan ito ng lokal na pamahalaan. Walang bayad ang pagpasok at hinikayat lámang ang mga bisita na magbigay ng donasyon. May baluti ng lumot ang mga bato at inangkin na ng lungti ang itim at kulay-abong edipisyo. Isang kapilya ang itinayô sa loob ng guho at patuloy pa ring nagdaraos ng mga misa dito. (PKJ)

guláman Ang guláman, sa lutuing Filipino, ay tumutukoy sa mga bára ng halamangdagat, isang talampakan ang habà ng bawat piraso, at ginagamit sa paggawa ng jelly at ibang minatamis. Pinakakaraniwang iprosesong halamang-dagat ang agar-ágar (Gelidium corneum) at karaniwang kinukulayan ng berde o pula ang mga pinatuyông bára. Ang jelly ng guláman ay ginagamit sa pampalamig na guláman at sago, búko pandan, at sa halùhalò, bukod sa mga salad. Ang guláman at helatína o gelatine ay ginagamit na magsingkahulugan sa Filipinas bagaman magkaibang produkto ang mga ito. Ang helatina ay protina samantalang, tulad ng nabanggit na, ang guláman ay karbohaydeyt mulang halamang-dagat. Mahalaga ang pagkakaibang ito para sa mga tao na hindi maaaring kumain ng helatina bunga ng dahilang panrelihiyon o pangkultura, gaya ng mga Muslim. Nalulusaw ang helatina sa mainit na tubig ngunit kailangan ng guláman ang kumukulong tubig para malusaw. Ang guláman ay nagiging matigas at madulas kapag ginamit sa pampalamig at halúhalò. (YA) (ed VSA)

gúlay Ang salitâng gúlay (Ingles: vegetable; Espanyol: verdura) ay karaniwan nang tumutukoy sa nakakaing halaman o sa mga bahagi nitó bukod sa matamis na bunga o matamis na buto. Nangangahulugan ito ng mga dahon, katawan, sanga, at ugat ng isang halaman. Ngunit hindi siyentipiko ang salitâ, at ang kahulugan sa pangkalahatan ay nakabatay lámang sa tradisyong pangkultura at sa mga bagay na may kinalaman sa pagluluto. Dahil dito, dapat maging maingat sa paggamit ng salitâng “gúlay” upang maging tama o tiyak ang kahulugan nito. Halimbawa, para sa ibang tao, ang kabute ay itinuturing na gúlay kahit sa katotohanan ay hindi naman ito isang tunay na halaman. Sa pang-araw-araw na búhay, sa pamilihang bayan o maging sa mga usapang pagluluto, ang mga salitâng “prutas” at “gúlay” ay magkahiwalay at talagang magkaiba. Ang mga bagay na nása klasipikasyong prutas ay hindi maaaring isáma sa grupo ng gulay, at ganoon din sa kabilâng panig. Para sa mga siyentista, ang salitâng “prutas” ay may tiyak na botanikong kahulugan—isang bahagi na nagmula sa obaryo ng isang halamang nagbubulaklak—na lubhang kakaiba sa karaniwang kahulugan ng salitâng ito. Dahil dito, maraming produkto na karaniwan nang tinatawag na gulay —tulad ng talong, capsicum (bell pepper) at kamatis–ay prutas palá sa deskripsiyong teknikal. Lahat naman ng mga butil ay maaaring ituring na gulay o prutas, kasáma na rin ang mga pampalasa tulad ng paminta at sili. Ang ibang halaman tulad ng mais at kadyos ay maaaring ituring na gulay kapag hilaw pa. Gayunman, gúlay ang tawag (at mahirap nang iwasto) sa petsay, letsugas, mustasa, labanos, sitaw, kalabasa, patola, atbpang nása awit na “Bahay Kubo.” Mahalaga namang pagkain ang mga ito dahil sa idinudulot na sustansiyang pampalusog sa katawan. Ipinapayo din itong lagi ng mga doktor upang makaiwas sa mga sakít na dulot ng sobrang karne sa mesa. (SSC) (ed VSA)

gumaméla Ang gumaméla ay isang halamang namumulaklak na karaniwang matatagpuan sa Mt. Banahaw dito sa Filipinas at itinuturing ding pambansang bulaklak ng Malaysia. Isa ito sa mga halamang may kompletong bahagi. Kabilang ito sa pamilya ng halamang Malvaceae at may siyentipikong pangalang Hibiscus rosasinensis. Karaniwang may taas itong 1-4 metro. Ang dahon nito ay makintab na berde at may bulaklak na may iba’t ibang kulay tulad ng puti, dilaw, pula, at kahel. Humigit-kumulang sa 300 ang uri ng gumamela na matatagpuan sa buong mundo at tumutubò ang mga ito sa mga lugar na hindi masyadong malamig o mainit. Iba-iba ang tawag sa gumamela sa Filipinas: antolanga o antolangan (Tagalog, Bisaya), tapuranga o tapurang (Bisaya), tarokanga (Bisaya, Pampango), arotangan (Pampango), taukangga (Sulu), gomamela (Tagalog), gumamela (Tagalog, Bisaya, Pampango), kayanga (Iloko, Bikol, Bisaya), saysaya (Bontok), tapolanga (Tagalog, Pampango).   Sa Filipinas, ang gumamela ay pinakikinabangan din bílang halamanggamot. Ang nilagang tuyong ugat ng halaman ay pangontra sa bisà ng lason. Ang nilagang talulot naman nito ay maaari ding ipanggamot sa ubo at lagnat. Sa Tsina, kinikilala rin ang pangmedisinang gamit ng halamang gumamela gaya ng makikita sa Chinese Herbology. (ACAL) (ed GSZ)

gúman Ang gúman ay tawag ng mga Suban-on ng bulubundukin ng Zamboanga sa kanilang epikong-bayan. Ito rin ang pamagat ng epikong-bayan na naitalâ ni Esterlinda Mendoza-Malagar noong 1971 at inawit ni Pilar Talpis. Hábang kinakanta ang Gúman ng Dumalinao, nakatakip ang mukha ni Talpis at nakasara ang mga bintana ng bahay. Nagsimula ang Gúman ng Dumalinao sa pagpapakilala ng naghaharing pamilya sa Bundok Dliyagn, sina Datu Pombnwa, ang kaniyang asawang si Baysalaga, sina Sampliakn at Tinayobo na bahagi rin ng kanilang kabahayan. Isang araw, may dumating na mga mananakop. Kahit na patuloy na tumataas ang tinitirhang bundok ng kaharian ni Pombnwa, naabot din ito ng mga kalaban. Nagkaroon ng digmaan at natálo ang pamilya ni Pombnwa. Isang lalaki ang dumating, si Sakandal, nang maláman ang nangyari sa Dliyagn. Tinulungan niya ang anak ng datu na si Ba-e ri Dliyagn na bumalik ang lakas at nang malakas na ang anak ng datu, pumunta silá sa bahay ni Pombwa at lumakas ang datu at si Sampliakn. Nang magdalaga na ang anak ng datu, binago ang kaniyang pangalan at tinawag na Pailalm ri Bolak. Samantala, nakipaglaban si Sakandal sa kaharian ng Tomanong. Halos mamatay si Sakandal sa pagod sa pakikipaglaban kung kayâ tinulungan siyá ni Bolak na lumakas sa pamamagitan ng mahiwagang pamaypay. Isang araw, nakatanggap ng balita si Pailalim ri Bolak na may parating na mga kalaban. Sinabi ni Sakandal sa mensahero na dalhin ang isang singsing ngunit bago pa man dumating ang mensahero sa lugar, nauna na ang mga kalaban. Natanggal ang pagkakabuhol ng singsing sa panyo at lumabas si Salilayan, na siyáng lumaban sa mga bagong mananakop. Nang matapos ang labanan, tinanong ni Salilayan kung ano pa ang kaniyang mapaglilingkod sa kaniyang among. Sinabi ni Pailalam ri Bolak na ibigay sa kaniya ang kapangyarihan nitó. May gúman na tungkol sa ibang kaharian ngunit katulad din ng nangyari sa Dliyagn ang salaysay. Isang lalaki namang nagngangalang Madlawe ang tumulong sa pamilyang natálo. (JGP) (ed VSA)

Guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

gurò Mula ang gurò sa guru ng wikang Hindi, na nangangahulugang “iginagalang.” Sa relihiyong Hinduismo, ang isang guru ay táong banal at kinikilálang espiritwal na gabay ng komunidad. Ang gurò ay pangkalahatang tawag sa isang tao na ang propesyon ay pagtuturo, anumang antas ng pagaaral ang kaniyang tinuturuan. Gayunman, kadalasang iniuugnay ang terminong ito sa mga nagtuturo sa batayang edukasyon (mababà at mataas na paaralan) samantalang “propesor” naman ang preperensiyang tawag sa mga nagtuturo sa kolehiyo. Noong panahon ng Espanyol at hanggang noong mga unang taón ng pananakop ng mga Amerikano, maestro o maestra ang palasak na tawag ng paggálang sa mga gurò. Maestro/maestra rin ang tawag sa nagbibigay ng di-pormal na edukasyon kaniyang sariling bahay, na katulad ngayon ng mga klaseng tutorial na nagtuturo ng panimulang kaalaman sa pagbása at pagkukuwenta, bago pumasok ang batà sa unang baitang. Ngayon, palasak nang ginagamit ang salitâng titser (mula sa Ingles na teacher) ngunit ang “gurò” ay nananatiling gamitin sa mga aklat at sa mga pormal na talakayan. (AEB) (ed VSA)

Guhit ni Joanne de Leon

guso Ang guso ay isang uri ng halamang-dagat na kabilang sa pamilya Solieriaceae. Ang pinakakilaláng genera ay ang Kappaphychus at Eucheuma. Higit sa dalawang dosenang espesye na kabilang sa mga generang ito ay kilalá sa buong mundo at may ilang makikita sa Filipinas. Ang guso ay likás na matatagpuan sa buong rehiyon ng Indo-Pasipiko mula silangang Aprika hanggang Guam, sa tubig ng Tsina at Japan at karamihan sa mga tangrib ng mga isla sa timog silangang Asia. Bagaman ang Kappaphycus alvarezii and Eucheuma denticulatum ang kadalasang pinapalaki o inaalagaan sa buong mundo, may mga lokal na espesye rin ang inaalagaan sa Indonesia, Malaysia, at Tanzania. Ang katawan ng guso ay masyadong kartilago, malaman at puwedeng nakatayô at binubuo ng hugis silindro at siksik na mga sanga. Ang kulay ay mapusyaw na kayumanggi at berde. Ang dami ng mga sanga ay minsang makapal at minsan namang manipis. Magkakaiba ang morpolohiya ng guso dahil sa pagkakaiba ng lahi, pangkaligirang kadahilanan, at patuloy na pagbabago ng anyo na humahantong sa pananatili ng mga katangian tulad ng pagkakaiba ng mga kulay. Lumalaki itong kasáma ng mga korales at sa unang tingin ay mapagkakamalang isang espeye ng korales. Ang pinakamalaking espesye ay maaaring umabot sa higit na 100 sentimetro ang habà. Ang likás na tumutubò at inaalagaang espesye, tulad ng Kappaphycus alvarezii, Kappaphycus striatum at Eucheuma denticulatum ay pangunahing pinagkukunan ng komersiyal na karageenan. Ang pag-aalaga ng guso ay isa sa pinakamalaki at produktibong paraan ng kabuhayan ng mga mangingisda. May iba’t ibang pamamaraan ng pagpaparami ng guso at isa rito ay ang palutang. Itinatali ang semilya sa plastik na lubid at hinahayaang lumutang sa malalalim at mabababaw na bahagi na bahagya ang daloy ng tubig. Sa nakalipas na mga taon, ang produksiyon ng guso sa Filipinas ay bumabâ dahil sa sakit na kung tawagin ay ice-ice disease o “buhokbuhok.” (MA) ed VSA

guwáno Guwáno ang tawag sa dumi (tae at ihi) ng mga ibong dumadaan sa dagat at mga paniking nakatira sa mga yungib. Mainam na gamitin ang guwano bilang pataba dahil na rin sa mayaman ito sa mga sustansiyang tulad ng posporo at nitroheno. Kompara naman sa iba pang organikong pataba, mas pinipili ang guwano dahil sa wala itong amoy. Bukod sa pagiging pataba, ginagamit din ang guwano sa pagbubuo ng lupang tatanman, fungicide kapag inilagay sa mga dahon ng halaman at nematicide o pampatay sa mga pesteng maliliit na uod. Bukod sa gamit sa agrikultura at paghahalaman, ang nakukuhang mga nitrate mula sa guwano ay mahalaga sa paggawa ng pulbura. Ang salitang guwáno ay ipinakilála ng mga Espanyol sa Filipinas, ngunit mula ito sa salitang Quechua (wika ng isang malaking lahi sa Peru atTimog Amerika) na wanu, na tumutukoy sa dumi ng ibon. Mainam namang mapagkukunan ng guwano ang mga lugar na palagiang tuyo dahil nalulusaw ang guwano kapag naulanan. Nakakaapekto naman sa ibang organismo sa yungib ang pangongolekta ng guwano mula sa mga paniki dahil dito kumukuha ng sustansiya ang mga ito upang mabuhay. Ang proteksiyon ng kaligiran ang pangunahing dahilan sa pagbabawal o limitadong pagkuha ng guwano sa ilang inaalagaang yungib sa Filipinas. (MJCT) ed VSA

guwardíya sibíl Ang guwardíya sibíl (guardia civil) ang katumbas ng pulis ngayon. Miyembro ito ng isang hukbong militar na binuo noong 1869. Ang hukbo ay binuo ng umaabot sa 4,000 Filipino sa ilalim ng mga opisyal na Espanyol. Isinunod ito sa isang hukbong may gayon ding pangalan sa Espanya at may mga tungkuling pampulisya—ang pangangalaga ng kaayusan sa mga bayan, pagbabantay sa mga lansangan, at pagtugis at pagdakip sa mga kriminal. Mahusay sa simula ang hukbo ngunit sinapian ng korupsiyon hanggang maging higit na bantog sa mga pag-abuso sa karaniwang mamamayan at tahasang pagnanakaw. Sa mga nobela ni Rizal ay itinanghal ang mga guwardiya sibil na utos-utusan ng mga opisyal, walang pakundangan sa mahirap na mamamayan, gaya ng ginawa niláng pagdakip kay Sisa, at lubhang mararahas kayâ kinatatakutan ng taumbayan ngunit hindi iginagálang. Malimit din itong tawagin at maipagkamali sa mga “kasadores” (cazadores) na miyembro ng hukbong militar na tinatawag noong tropa ligera, ang pangkat na sinanay sa isahang pagkilos at pakikipaglaban. Bantog ding abusado ang kasadores. Sa isang tula ni Bonifacio, inisa-isa niya ang mga ginagawang pandarambong ng kasadores sa halip na magpanatili ng kaayusan at kapayapaan. Halimbawa diumano:

Buong kabahayan ay sinasaliksik, Pilak na makita sa bulsa ang silid; Gayon ang alahas at piniling damit Katulad ay sisiw sa limbas dinagit.

Sa dulo ng tula, nilaro ni Bonifacio ang pangalan ng mga sundalo. Sa halip na cazadores ay dapat daw tawaging sacadores (“mangungulimbat”) ang mga naturang alagad ng militar. (VSA)

Ang guwardiya sibil at ang bilanggo Mula sa guhit ni Jose Lozano

guyabáno Ang guyabáno ay kasáma sa pamilya ng Anonaceae. Ito ay isang uri ng punò at may bilugang mga bunga. Ang punò ng guyabano ay hindi hihigit sa pitóng metro ang taas. May hugis-itlog itong dahon, makinis, makintab at may sukat na 7-10 sentimetro ang habà. Ang bulaklak naman nitó ay nagdidilaw hanggang berde ang kulay. Ang halamang guyabano ay itinatanim at pinapayabong bilang isang komersiyal na pananim dahil sa prutas nitóng may timbang na aabot sa 2.5-5 kilo ang bawat isa. Angkop itong itanim sa mga lugar na may mataas na halumigmig at relatibong katamtamang lamig ng panahon. Ang prutas ng guyabáno ay malaki, hugis itlog, o kayâ bilugan. Magaspang ngunit manipis ang balát ng prutas ng guyabano na may kalat-kalat na mga malambot na parang tinik. Ang loob ng prutas nitó ay may mga maputî, matamis, at malaman na mga pulpo. May pagkamaasim na matamis ang lasa nitó kapag kinain. Masarap ding gawing inumin ang guyabano. Malalamang hinog na ang prutas ng guyabano kung ito ay malambot na kapag hinawakan at ang kulay ng balát nitó ay mapusyaw na dilaw. Ang prutas na ito ay mataas sa carbohydrate partikular na sa fructose. Ito ay naglalaman din ng mga bitamina C, B1 at B2. Nagkaroon na din ng pagaaral na pinatutunayang ang guyabano ay may kemikal na mas mabisà bilang chemotherapeutic na gamot. Ang guyabano ay nagmula sa Amerika. May iba’t ibang tawag din sa guyabano, gaya ng atti, babana, bayubana, guabana, guiabano, at labanus. (ACAL)

SK 2000 G.pdf

kapalaran sa sinumang magaba. Paalala dahil nagsisilbi itong gabay ng. tao upang huminahon at pag-isipang mabuti ang anumang gagawin, lalo. na't may ...

10MB Sizes 305 Downloads 1191 Views

Recommend Documents

SK 2000 K.pdf
There was a problem loading this page. Retrying... SK 2000 K.pdf. SK 2000 K.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK 2000 K.pdf.

SK 2000 A.pdf
ng Filipinas sa Estados Unidos noong 1919, humawak ng iba pang mga. tungkulin sa pamahalaan gaya ng abogado ng Manila Railroad Company.

SK 2000 K.pdf
biyolin, mandolin, gitara, cello, baho, banjo, cymbals, kettle drum, ban- durya, at subing. Noong 1935 kasama sina Fernando Alfon at Vicente Castillo, itinatag ...

SK 2000 E.pdf
Whoops! There was a problem loading more pages. SK 2000 E.pdf. SK 2000 E.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Details. Comments. General Info. Type.

SK 2000 Z.pdf
Page 1 of 3. Jacinto Zamora. (4 Agosto1835-17 Pebrero1872). Si Jacinto Zamora (Ha·sín·to Za·mó·ra) ay isang Filipinong paring se- kular (paring hindi kabilang ...

SK 2000 H.pdf
There was a problem loading this page. SK 2000 H.pdf. SK 2000 H.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK 2000 H.pdf. Page 1 of 53.

SK 2000 J.pdf
Ipinangalan din sa kaniya ang paliparan ng bayan (Evelio Javier Airport). (PKJ). Page 4 of 16. SK 2000 J.pdf. SK 2000 J.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In.

SK 2000 Z.pdf
EVENT SCHEDULE - TRACK & FIELD. TUESDAY, AUGUST 1. RUNNING EVENT SCHEDULE. TIME EVENT/AGE GROUP RACE. 8:00 AM 1500M Run TF.

SK 2000 E.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK 2000 E.pdf.

SK 2000 Y.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK 2000 Y.pdf.Missing:

SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf
Sekretaris Jendral,. Noffendri Roestam, S. Si., Apt. NA. 29111970010829. Page 2 of 2. SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf. SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf. Open. Extract.

SK Kepengurusan.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item.Missing:

SK Radius.pdf
kepada pihak-pihak yang berperxara daram *ir"yan yrridiksi Peng.adilan Agama Gunungsitori seperti terGoui daram lampiran surat keputusan ini. Bahwa radius ...

sk-radius.pdf
Page 1 of 3. KEPUTUSAN KETUA PENGADILAN AGAMA SIBOLGA. Nomor : W2-A5/ 74 /KU.04.2/I/2015. T E N T A N G. PANJAR BIAYA PERKARA, RADIUS PEMANGGILAN DAN. PEMBERITAHUAN KEPADA PIHAK-PIHAK YANG BERPERKARA. DALAM WILAYAH YURIDIKSI PENGADILAN AGAMA SIBOLGA.

SK-PPG.pdf
Loading… Whoops! There was a problem loading more pages. Whoops! There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK-PPG.pdf. SK-PPG.pdf. Open. Extract. Op

SK PPID.pdf
Lembaran Negara Nomor a$a+l;. 2. Undang-undang Nomor L4 Tahun 2008 tentang Keterbukaan. Informasi Publik (Lembaran Negara Tahun 2008 Nomor 61,.

sk add.pdf
работе. sharp 25an1 инструкция. apexi auto timer for na lt turbo инструкция. мануал для asus m2n x. должностная инструкция заместителя заведующей по ...

SK SPIP.pdf
H. ABRARUDDIN ANWAR. NIP. 19610305 199203 1 005. Tembusan : Yth. Ketua Pengadilan Tinggi Agama Medan. Page 3 of 4. SK SPIP.pdf. SK SPIP.pdf.

SK Monitoring.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK Monitoring.

SK Tentang Mediator.pdf
Page 3 of 3. SK Tentang Mediator.pdf. SK Tentang Mediator.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK Tentang Mediator.pdf. Page 1 of 3.

SK PNJR NEW.PDF
ketentuan untuk menjamin tercapainya pelayanan prima terhadap. masyarakat pencari keadilan; 6. Bahwa dengan. dis.e.suaikannya keputusan Ketua ...

SK ISI OK.pdf
berwenang menerbitkan sertifikasi profesi geomatika'. 2. Anggaran Rumah Tangga lSt Pasal 16 tentang Badan Sertifikasi Asosiasi (BSA-lSl). Memperhatikan: 1.

SK S1 Manajemen.pdf
Page 3 of 3. SK S1 Manajemen.pdf. SK S1 Manajemen.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK S1 Manajemen.pdf. Page 1 of 3.

RAC SK Mondal.pdf
ration. S, IAS. ns. orking as a. -1992, 1994. P)refrigerator+ 1. P)refrigerator. at pump, if. efrigerator + 1. es of 27°C. 0 Wand 10. [GATE. rature lim. heat engin. ion is equa. ter 1. n. S). a heat. 4, 2000]. 1. f same. and –. 000 W,. E-2003]. mi