Ka Ang Ka ang tawag o titulong ikinakabit sa isang pangalan upang magbigay ng paggálang sa isang nakatatanda o malayòng kamag-anak. Sa isang pamayanan, ginagamit din ito sa sinumang iginagálang o kaisa sa pananalig. Walang kinikilálang kasarian ang tawag na ito at madalas na ikinakabit ito sa palayaw o unang pangalan ng tao. Halimbawa, “Ka Teban” o “Ka Petra.” Isang magandang katibayan ito sa pantay na katutubong pagtingin sa kasarian ng mga Filipino. Ang naturang pantawag, kung tutuusin, ay pangalan din sa titik na K at ipinambubuo sa mga karaniwang katangiang pangkomunidad at pangmaramihan. Mahihiwatigan dito ang malabis na paggamit sa K ng Katipunan bilang isang kapatiran ng sambayanan. (MJCT) ed VSA

Pio Kabahar (11 Oktubre 1892-? ) Si Pio Kabahar (Pi·yó Ka·ba·hár), kilala rin bilang Piux Kabahar, ay isang mandudula at direktor na Sebwano. Naging mahalaga siyá sa pagpapaunlad ng sining ng dula at musikang Sebwano. Isinilang siyá noong 11 Oktubre 1892 sa San Nicolas, Cebu kina Justo Kabahar at Margarita Abelgas. Pinakasalan niya si Perfecta Ocana, isang guro, at nagkaroon silá ng anim na anak. Nakuha niya ang kaniyang hilig sa sining mula sa kaniyang ama na isang musikero. Naging biyolonista siyá sa Mauricia Gahuman’s dancing hall, at nang makapag-ipon ng sapat na pera, ay pinag-aral niya ang sarili sa Cebu Provincial High School. Nang makapagtapos, nagturo siyá sa Recoleto Central School nang apat na taón. Kalaunan ay naging direktor at nagsulat siyá ng mga dula. Naging kalihim siya ng Lungsod Cebu mula 1932 hanggang 1962. Naging editor siyá ng seksiyong Bisaya sa La Revolucion, La Solidaridad, El Espectador, at ng The Advertiser. Naging punòng patnugot siya ng Ang Bandila, Ang Buhat, Ang Sidlakan, at Freeman. Naglathala din siyá ng mga diyaryong Ang Katarungan, Juan de la Cruz, El Espectador, Nasud, The Freeman, at Ang Tigmantala. Sumulat siyá ng maraming sarsuwela at dula. Ang ilan sa mga naisulat niyang sarsuwela ay Nagun-uba sa Langit (1917), Ang Ismirismis (1919), Hm! (1919), Alaut (1919), Fe, Esperanza, Caridad (1920), Fifi (1929), Gugma sa Inahan (1933), Mr ug Mrs (1940). Sinulat naman niya ang mga dula, Limbong ni Tintay (1916), Miss Dolying (1920), Kasingkasing (1921), Aling Pulana (1923), Santo Papa (1931), Sinakit (1933), at Tulo Ka Adlaw sa Langit (1933). Ang ilan sa mga lumikha ng musika para sa kaniyang sarsuwela ay sina Manuel Velez, Jose Estella, Pidong Villaflor, at siyá mismo. Bukod sa pagsulat ng dula, direktor din siyá ng mga isinulat niya gayundin ng iba pang mandudulang gaya nina Buenaventura Rodriguez, Jacinto Alcor, at Fernando Alfon. Tumutugtog siyá ng mga instrumentong gaya ng biyolin, mandolin, gitara, cello, baho, banjo, cymbals, kettle drum, bandurya, at subing. Noong 1935 kasama sina Fernando Alfon at Vicente Castillo, itinatag niya ang Cebu Musical-Dramatic Art Studio, isang organisasyong naglalayong mulong din siyáng magtatag ng unang sound recording company sa Cebu mapaunlad ang sining ng Cebu. Siyá ang sumulat at naging direktor ng noong 1939. Pinarangalan siyá ng Rizal Pro Patria Award noong ika-19 ng unang moving picture sa Visayas, ang Bertoldo Balodoy, noong 1939. Tu- Hunyo 1961. (KLL)

kabalyéro Kabalyéro (Delonix regia) ang tawag sa isang malaking punongkahoy na may dahong bahagyang mabalahibo, maliliit at pares-pares sa isang tangkay, malalaki ang bulaklak na kaakit-akit at kulay pula o pula at dilaw. Ang punòng ito ay katutubo sa Madagascar at ipinasok sa Filipinas noong panahon ng Espanyol. Kilala rin ang punòng ito sa mga pangalang arbol del fuego, fire tree, flame tree, flamboyant tree, o royal ponciana. Ang kabalyéro (Cesalpinia pulcherrima) ay isa ring masangang palumpong na may dahong maliliit at pares-pares sa mga tangkay na nakakabit sa payat na sanga, at may bulaklak na pula o dilaw. Katutubo ito sa Tropikong Amerika at ipinasok sa Filipinas noong panahon ng Espanyol. Ang kabalyero ay karaniwang may taas na taas na 1.5-5 metro. Ang mga sanga nito ay may kaunting kalat-kalat na mga tinik. Dilaw, pula, at dalandan ang karaniwang kulay nito. Ang dahon ay maayos na nakahanay sa magkabilang gilid, 20-40 sentimetro ang haba. Ang prutas ay isang pod o bayna na may habàng 6-12 sentimetro. Kompara sa iba pa nitong uri, ang kabalyero ang siyang pinakakaraniwan sapagkat madali itong lumago kaya ginagamit din ito bilang pambakod sa ibang maliliit na halaman. Ngunit sa kabila ng kagandahan ng halamang ito, kilala rin ang kabalyero bilang isang uri ng halamang nakapaglalaglag ng sanggol sa sinapupunan. Sa katunayan, gamit ang apat na gramo ng ugat nito, naisasagawa na ang aborsiyon sa mga unang tatlong buwan ng pagdadalantao. (ACAL) (ed GSZ)

kabasi Ang isdang kabasì ay kabilang sa pamilya Clupeidae. Karamihan ay nása tropikal na lugar mula 70 ° Hilaga hanggang sa 60 ° Timog. Ito ay matatagpuan sa Kanlurang Indo Pasipiko, mula Persian Gulf hanggang India, dagat ng Andaman, Thailand, Indonesia, Vietnam, Filipinas, timog ng dagat Tsina, timog at hilagang Australia, mga isla ng Caroline at New Caledonia. May apat na kilaláng espesye ng kabasi at ang karaniwan ay ang Anodontostoma chacunda at Nematolosa nasus. Ang katawan ng Anodontostoma chacunda ay pabilog at bahagyang sapad. Ang katawan ay lumalalim hábang ito ay lumalaki, 40-70 porsiyento ng habà ng katawan sa mga isdang mahigit 10 sentimetro. May ngipin sa mga gilid ng kaliskis at ang ngipin ay mas payat kaysa patlang sa pagitan ng mga ito. May panggitnang serye ng kaliskis sa likod. May isang malaking itim na batik sa likod ng bukana ng hasang. Ito ay may karaniwang habà na 14 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 22 sentimetro. Ang katawan ng Nematolosa nasus ay maitim na bughaw sa likod at kulay pilak sa may ibabâ. May isang maitim na batik sa bukana ng hasang. Ang matigas na ibabâng panga ay nakalabas. Ang hulihang gilid ng kaliskis ay may ngipin. Ito ay may karaniwang habà na 15 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 22 sentimetro. Kalimitan ay nása dagat at baybay ang kabasì ngunit umaakyat din sa mga ilog at estuwaryo. Kumakain ito ng maliliit na organismong tulad ng diatom, molusko, kopepod, at krustaseo. Nangingitlog ito mula Nobyembre hanggang Pebrero. Ito ay ibinebenta nang sariwa, tuyo, o pinakuluan, at ginagawa ring pisbol. (MA) ed VSA

kabáyo Ang kabáyo ( Equus caballus), mula sa Espanyol na caballo, ay hayop sa order Perissodactyla at pamilyang Equidae. Binubuo ang pamilya ng tatlong grupo, ang mga zebra mulang Afrika, ang mga asno na mulang Asia, at ang mga kabayo. Tinatayang lmitaw ang unang kabayo sa kaparangan ng Afrika apat na milyong taón na ang nakararaan. Posibleng inalagaan ito ng mga nomad na Asyano 4,000 taón na ang nakalilipas at naging mahalaga sa tao sa maraming paraan hanggang sa pag-unlad ng motor. May iisang species lámang ng domestikadong kabayo ngunit umaabot sa 400 ang mga lahi na may tanging gamit mula sa paghatak ng kariton hanggang karera. Lahat ng kabayo ay kumakain ng damo. Ang tinatawag na Przewalski ang nag-iisang kabayo na hindi napaamo ang ninuno. Ang hulíng ilahas na Przewalski ay nakita sa Mongolia noong 1968. Ang sibilisasyong Romano ang unang nagpakita sa maraming gamit ng kabayo, mula pang-araro, panghatak ng kariton at bagon, sasakyan sa paglalakbay, sasakyang pandigma, sasakyang pangkarera, hanggang sasakyang pamparada, at pagkaing karne. Dinanas ng kabayo ang naturang mga gawain at tungkulin sa Filipinas. Maraming banggit sa kabayo sa mga alamat at kasaysayan, mula sa paboritong kabayo ng bayani, kabayong nagligtas sa prinsisipe o prinsesa, kabayong handog ng diyos, makapangyarihang kabayo, hanggang kabayong lumilipad. Sa kuwentong Samal, sumakay sina Manik Buangsi at Tuan Putli sa isang putîng kabayo paakyat sa langit. Sa mga Tiboli, isang bantog na laro sa pagdiriwang, at dinadayo ngayon ng mga turista, ang sabong ng mga kabayo. May maliit na kabayong Asyano nang sinasakyan ang mga pinunò sa Mindanao bago dumating ang mga Espanyol. Ang higit na malaking lahi ay ipinasok ng mga Espanyol at karaniwang gamit sa paglalakbay, sasakyan man ng opisyal o nakasingkaw sa karwahe. Hanggang ngayon may mga pook na gumagamit ng kalesa at hinihila ng kabayo bilang transportasyong publiko. May ganitong sasakyang panturista sa Intramuros at Binondo, Maynila. Samantala, popular noong karerahan ng kabayo ang mga racetrack sa Sta Ana at San Lazaro. (VSA)

kabeséra Kabeséra (cabesera) ang tawag sa sentrong bayan o lungsod ng isang lalawigan. Ito ang tinatawag na capital sa Ingles. Dito matatagpuan ang kapitólyo o ang pangunahing gusali ng pamahalaang panlalawigan at ang mga mahalagang sangay ng pambansang gobyerno. Nagsisilbi itong sentro ng pamamahala, kalakalan edukasyon, kultura, at relihiyon. Dahil sa kabeséra umiinog ang pampolitika at pang-ekonomiyang búhay ng lalawigan, kadalasang mataas rin ang antas ng pag-unlad at pamumuhay dito. Dahil ang Kongreso lámang ng Filipinas ang may kapangyarihang lumikha ng bagong lalawigan, ito rin ang nagtatakda ng magiging kabeséra. Bago dumating ang mga Espanyol, ang mga katutubong Filipino ay naninirahan sa maliliit, hiwa-hiwalay, at nagsasariling pamayanang barangay. Nang sakupin ng Espanya ang Filipinas, nagpatupad ang mga kolonyalista ng patakarang reduccion upang mapadalî ang pananakop at pamamahala sa mga katutubo. Layunin ng patakarang ito na magtatag ng mga pueblo na ang bawat isa ay tumitipon sa kalat-kalat na mga pamayanan. Kalaunan, itinatag ng mga misyonero ang mga kabeséra upang maging lunsaran ng misyon tungo sa pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa mga pook sa paligid. Kabeséra rin ang tawag sa puwesto sa hapag-kainan na karaniwang inilalaan sa pinakamatanda sa pamilya o sa mahalagang táong panauhin kapag kumakain. Sa parihabâng mesa, ito ang puwestong nása magkabilâng dulo. Magandang balikan ang pag-aagawan ng mga fraile sa kabeséra ng hapag-kainan ni Kapitan Tiago sa Noli me tangere. (SMP) (ed VSA)

kabisóte Ang kabisóte (Lanius cristatus lucionensis) ay isang subspecies ng Lanius cristatus o Brown Shrike, mga ibong umaawit mula sa pamilyang Laniidae na matatagpuan sa Asia. Ang Laniidae na pangalan ng pamilya nitó ay mula sa salitang Latin na lanius na nangangahulugang “mangangatay” dahil sa paraan ng pagkain ng ilang naturang ibon. Kayumanggi ang plumahe at bilugan ang buntot nitó; mayroong itim na tila maskara sa may bandang matá; katamtaman ang laki; maiksi ang makapal na tuka; at matinis ang nililikhang tunog. Kilala ang mga shrike sa ugali ng pagdagit ng mga insekto at malilit na hayop na itinutusok muna sa mga matitinik na halaman upang unti-unting manghinà. Sa ganitong paraan, madalî nitóng nahahati ang laman sa maliliit na bahagi at nagsisilbi ring taguan o imbakan ng pagkain upang may mabalikan ito sa mga susunod na araw. Ang ganitong kilos ay sinasabing naging adaptasyon nitó sa nakalalasong tipaklong (Romalea guttata). Matapos itusok sa mga tinik, naghihintay ang ibon nang isa hanggang dalawang araw para mawala ang lason ng tipaklong bago ito kainin. Ang mga naturang ibon ay likás na teritoryal. Pinipilì nitóng tumuntong sa mga lantad at madalîng nakikitang lugar at gumagawa ng kapansin-pansing postura. Ngunit ang mga tuntungang ito ay ginagamit upang magmasid ng maaaring mabiktima at ipaalam sa ibang karibal na pagmamay-ari nitó ang naturang teritoryo. Inaakit ng lalaking kabisote ang babaeng kabisote sa pamamagitan ng pagsasabit nitó ng mga insekto at maliliit na hayop at paglalagay ng mga makukulay na bagay sa teritoryo nitó. Nililigawan nitó ang babae sa pamamagitan ng isang ritwal na sayaw na isang paggaya nitó sa pagdagit ng mga biktima at ipapakain sa babae. Gumagawa ito ng isang simple at hugis kopang pugad na gawa sa maliliit na sanga at damo sa mga palumpong o mababàng sanga ng punongkahoy. (KLL) ed VSA

kabkáb Ang kabkáb ay isang palaka na matabà at malaki na endemiko sa Filipinas. Ang pangalang siyentipiko nitó ay Rana magna at kabilang sa pamilyang Ranidae. Ang karaniwan nitóng tirahan ay ang tropiko at sub-tropikong kagubatan at latian, o sa mga kaparangan na madalas na nauulanan, gayundin sa ilog, taniman, mga sapà, at iba pang dinadaluyan ng tubig. Ang kabkáb ay nása talaan ng mga hayop na may panganib na mawalan ng tirahan dahil karaniwan ngang ituring na salót sa mga pananim. Samantala, isang popular na tongue twister ang gumagamit ng kabkáb: “Palakang Kabkab, kumakalabukab, kaka-kalabukab pa lamang, kumakalabukab na naman.” (ECS) ed VSA

Sharif Kabungsuwan Kinikilálang tagapagtag ng sultanatong Magindanaw si Sharif Kabungsuwan (Syá·rif Ka·bung·sú·an). Ayon sa isang tarsila, ama niya ang Arabeng si Sharif Ali Zein ul-Abidin at ina ang isang prinsesa sa Johore, Malaysia. Sharif Muhammad Kabungsuwan ang buong pangalan niya. May salaysay na nang sakupin ng mga Portuges ang Malacca ay iniwan niya ang Johore, kasáma ang maraming tauhan. Sakay ng mga paraw, nagdaan silá sa Brunei, at napadpad sa baybayin ng ngayo’y Malabang, Lanao del Sur noong bandáng 1515. Ayon sa isang tarsila, dumaong si Kabungsuwan sa Natubakan, bunganga ng Ilog Pulangi at sinalubong nina Tabunaway at Mamalu. Niyayà ni Tabunaway si Kabungsuwan na pumasok sa Magindanaw. Pumayag lámang si Kabungsuwan pagkatapos maging Muslim sina Tabunaway at Mamalu. Nag-iwan siyá ng ilang tauhan sa Malabang at ginalugad ang Matampay, Slangan, Simway, Katitwan, at ibang mga pook sa paligid ng Ilog Pulangi. Pinakasalan niya ang anak ng pinunò ng mga Iranum at iyon ang simula ng angkan na humawak sa sultanatong Magindanaw. Isa siyáng masugid na tagapagpalaganap ng Islam. Bahagi ng kaniyang pamamahala ang pangangaral upang maging Muslim ang pangkating Magindanaw. Matigas naman ang trato niya sa mga ayaw sa Islam. Itinaboy niya sa kabundukan ang mga ayaw sumampalataya, at gayon ang naging kapalaran ng mga pangkating Tiruray at Manobo sa silangang kabundukan ngayon ng Cotabato. Gayunman, maaaring gayon kagaan ang pagpapalaganap ni Sharif Kabungsuwan sa Islam at sa sultanato dahil may nauna sa kaniya. Ayon kay Cesar Adib Majul (1973), may tarsila na nag-uulat sa pagdating ng isang Sharif Awliya sa Magindanaw, nag-asawa, nagkaroon ng anak na babae, at umalis. Tinawag na “Paramisuli” ang anak kayâ nagpapahiwatig na iginagálang siyá o anak ng maharlika. Pagkaraan, dalawang magkapatid mulang Johore, sina Sharif Hasan at Sharif Maraja, ang dumating. Isa ang tumira sa Sulu at isa ang tumahan sa Slangan, isang bahagi ng Pulangi, at napangasawa ang anak ni Sharif Awliya. Sakâ dumating si Sharif Kabungsuwan. (VSA)

Guhit ni Vicente Zalameda Ganir

Kabunyián Si Kabunyián, maaari ring Kabunyán, ay bahagi ng katutubong pananampalataya sa rehiyon ng Cordillera sa Hilagang Luzon. Siyá ang pinakadakilang bathala para sa mga Ifugaw, Kalinga, at Tinggian. Para sa mga taga-Bakun, Benguet, si Kabunyian ay naninirahan sa bundok na may gayunding pangalan samantalang para sa mga Ibaloi at Kalanguya, siyá ay naninirahan sa bundok ng Pulag sa pagitan ng Benguet at Ifugao. Sa isang bersiyon ng mitolohiyang Ifugaw, bumabâ si Kabunyian mula sa langit at nagpakasal sa isang babaeng tagalupa na may pangalang Bángan. Nagkaroon silá ng tatlong anak. Pagkapanganak sa kanilang ikatlo, kinailangan nang bumalik ni Kabunyian sa langit dahil ang kaniyang pagiging diyos ay hadlang sa kaniyang pananatili sa mundo. Napagkasunduan nilá ni Bangan na paghatian ang kanilang mga anak. Si Kabigat, ang panganay na lalaki, ay maninirahan sa lupa kasáma ang kaniyang ina. Si Daungen, ang anak na babae, ay maninirahan sa langit kasáma ang kaniyang ama. Dahil hindi nilá maipasiya kung kanino mapupunta ang pangatlong anak, hinati ni Kabunyian ang katawan ng bunso at ginawang buo ang bawat kalahati. Napunta kay Bangan ang kalahating naging babae at tinawag siyang Bugan. Kasáma ang kanyang kapatid na si Kabigat, silá ang nagparami sa lahi ng tao sa lupa. Napunta kay Kabunyian ang kalahating naging lalaki at tinawag siyáng Lumawig. Sina Lumawig at Daungen ay naging diyos at diyosa sa langit. Minsang napagpapalit bilang pinakamataas na bathala sina Kabunyian at Lumáwig. Para sa mga Bontok, si Lumáwig ang itinuturing na pinakamataas na diyos. (CID) ed VSA

kabuté ang kabuté ay isang uri ng halamang singaw o fungus, tinatawag sa Ingles na mushroom, at malimit na kahawig ng isang nakabukás na payong. Maraming uri ito at may iba’t ibang hugis. Karaniwang tinatawag na kabute ang may hasang na funggus (uring Basidiomycota at Agaricomycetes), may tagdan, at may sunong o putong. Pinakakaraniwan namang inaalagaang komersiyal ang funggus na tila butones (Agaricus bisporus) at kilala sa Ingles na button mushroom. Marami ding uri ng kabute na nakalalason. Sa alamat na Kanluranin, may tinatawag na toadstool (“upuan ng palaka”) at malimit ilarawang silungan ng duwende o upuan ng palakang nanghuhúli ng langaw. Sa Filipinas, kawikaan nang “sumipot na parang kabuté” para sa tao o anumang biglang lumitaw at walang nakababatid kung saan nanggaling. Mula ito sa karaniwang pangyayari na maraming tumutubòng kabuteng bukid (Agaricus campestris) pagkatapos ng makidlat na ulan. Ang kabuteng bukid ay itinuturing na nakakain. Itinuturing ding mataas ang uring kabuteng nakakain ang kabuteng saging (kabuteng tumutubò sa binulok na punò ng saging) at kabuteng dayami (kabuteng tumutubò sa binulok na dayami ng palay). Ang pangunahing lawas ng kabute ay Agaricales, kasáma na rito ang mga nabanggit na nakakaing kabute at ang shiitake, enoki, oyster mushroom, at fly agaric. May sandwits na burger mushroom na itinitinda ngayon at may pangunahing sangay sa Lungsod Tagaytay. Makabuluhang titigan ang poster sa dingding ng naturang restoran hinggil sa ilang uri ng kabuté. (VSA)

kabyáw, kabyáwan Kabyáw ang tawag sa proseso at kasangkapang ginagamit sa paggiling ng tubó para gawing asukal. Tinatawag ding kabyáwan ang kasangkapan at ang lugar na gilingan ng mga tubó. Nang dumating ang mga Espanyol sa Filipinas, pinalaganap nila ang pagtatanim ng tubó na ginagawang asukal. Dumami ang aning tubó sa iba’t ibang panig ng Filipinas lalo na sa Negros, kayâ nagsimula nang magangkat sa iba’t ibang panig ng mundo. Nang dumating ang mga Amerikano, muscovado ang iniaangkat ng Filipinas sa pandaigdig na pamilihan. Ngunit dahil mas mabili ang repinadong asukal, nagtatag ang mga Amerikano ng mga kabyawan. Hindi bababa sa 38 ang bilang ng kabyawan sa buong Filipinas ngayon. Ilan dito ay panahon pa ng mga Amerikano. Ang Central Azucarera de Don Pedro sa Nasugbu, Batangas ang pinakaunang itinayo sa Filipinas at ang Manaoag Sugar Central ng Hind Sugar Company sa Manaoag, Pangasinan ang pinakaunang makabagong kabyawan na itinatag ng mga Amerikano. Sa panahon din ng mga Amerikano naitatag ang Philippine Sugar Association (Philippine Sugar Millers Association ngayon) noong 1922, isang organisasyon ng mga prodyuser ng asukal. Pangunahing gawain nila ang magsaliksik sa pagpapaunlad ng industriya ng asukal sa bansa at sila rin ang nakikipag-uganay sa Estados Unidos hinggil sa pagluluwas ng asukal mula sa Filipinas. (EGN) (ed VSA)

kadangyán Ang kadangyán ay tumutukoy sa uring mariwasa sa tradisyonal na lipunan ng mga Ifugaw. Ang kayamanan ng kadangyan ay nakabatay sa pag-aari ng malalawak na taniman ng palay, ginto, mga hayop na tulad ng kalabaw, mga antigong gusi, at iba pang palatandaan ng tradisyonal na yaman. Kinikilala at iginagalang nang husto ang mga kadangyan, bagama’t walang pormal na kodigo na nagtatakda ng kanilang awtoridad. Gayunman, alinsunod sa dikta ng tradisyon, kinakailangang magdaos ang mga kadangyan ng malalaking pista upang mapanatili nito ang kanilang prestihiyo. Sa ilang lugar, may pag-uuri sa loob ng uring kadangyan. Ang pinakamataas ang ranggo at prestihiyo ay ang himmagabi, ang mga pamilyang nakapagdaos ng ritwal ng hagabi, ang pinakamarangya at pinakamagastos sa lahat ng pagpipista. Madaling matukoy kung sino sa ili ang himmagabi. Makikita sa kanilang bakuran ang isang napakalaking bangko o himlayang kahoy na tinatawag ding hagabi. Sumusunod sa ranggo ang unmuy-ya-uy. Gayon ang tawag sapagkat nakapagdaos na ng uyauy, ang marangyang pista sa kasal. Maaaring may iba pang mayayamang angkan sa ili, ngunit hindi sila ituturing na kadangyan hangga’t hindi sila nakapagdadaos ng malalaking pistang makapagbibigay sa kanila ng prestihiyo at awtoridad. (DLT) (ed GSZ)

kadéna de amór Ang kadéna de amór (cadena de amor sa Espanyol) ay gumagapang paakyat na baging, bahagyang may tigas, salit-salit ang dahong hugis puso, lungtian, at tila nilagare ang gilid, at may kumpol-kumpol na bulaklak na putî o mapusyaw na pink. Katutubo ito sa Mexico bagaman laganap ngayon sa buong Filipinas. Dalawa sa pangalang siyentipiko nitó ang Antigonon leptopus Hook & Am. at A. cinerascens M. Martens & Galleotti. Tinatawag naman itong bride’s tears, coral vine, Chinese love vine, queen’s wreath sa Ingles. Ginagamit itong palamuti, lalo na ang tila tanikalang bulaklak na ipinampapaganda sa bouquet o korona ng bulaklak. Sa ilang pook sa Filipinas, ginagamit na pantapal sa sugat ang dahon. Nakakain ang bulaklak, at idinudulot na salad sa isang restoran sa Bohol.(VSA)

kagwáng Ang kagwáng ((Cynocephalus volans) ay isa sa dalawang species ng flying lemur. Kilalá ito sa tawag na Philippine Flying Lemur sa wikang Ingles. Nása ilalim ito ng orden Dermoptera at ang nagiisang miyembro ng genus na Cynocephalus. Sa Filipinas lámang ito matatagpuan, lalo na sa Bohol at rehiyon ng Mindanao. Kahit na tinatawag na flying lemur, hindi ito nakakalipad at hindi ito isang lemur. Ang lemur ay isang uri ng unggoy na endemic o matatagpuan lámang sa Madagascar at Comoro. Tumitimbang ang kagwáng ng 1.0-1.7 kilo at may 14-17 pulgada ang habà. Malapad ang ulo nitó, maliliit ang tainga, at malalaki ang mga matá. Mahahabà ang kuko nitó at malalapad ang talampakan kayâ mabilis nakaaakyat sa mga punongkahoy. Halos isang piye ang habà ng buntot na nakakabit sa unahang mga paa sa pamamagitan ng isang lamad (membrane) na tinatawag na patagium. Gamit ng kagwáng ang lamad na ito upang makausad nang malayò, mga 100 metro o higit pa, sa paghahanap ng pagkain at sa pag-iwas sa mga maninilà. Matatalas ang ngipin ng kagwáng subalit ang pagkain nitó ay prutas, bulaklak, at maliliit na dahon. Nokturnal ito. Tumitigil ito sa mga guwang ng punongkahoy o nakakapit sa mayayabong na sanga kung araw. Ang babaeng kagwang ay isa lamang kung manganak at dalawang buwan ang tagal ng pagbubuntis. Alagain at laging nakadikit ang sanggol na kagwang sa dakong tiyan ng ina nitó na may bahaging parang bulsa. Itinuturing na salot ito dahil kumakain ng prutas at mga bulaklak kayâ hinahanting ng tao. Kinakain ang karne ng kagwáng at itinuturing na isang espesyal na pagkain. Nagdeklara ang International Union for Conservation of Nature (IUCN) na nanganganib itong species dahil sa pagkasira ng tirahan sa kagubatan. (SSC) (ed VSA)

kaimitò Ang kaimitò o kaymitò (Chrysophyllulm cainito Linn. sa pamilyang Sapotaceae) ay punongkahoy na di-gaanong kataasan, umaabot sa 15 metro ang taas, at inaalagaan dahil sa bunga nitó. Mula ang pangalan sa Espanyol na caimito at tinatawag na star apple sa Ingles. Marami itong sanga na payat at kulay pilak ang dulo. Ang mga dahon ay habilog, tila-katad, 7-513 sentimetro ang habà, matulis ang dulo, at kulay ginintuang-kayumanggi ang pang-ilalim na rabaw. Ang prutas ng kaimitò ay malaki at bilugan, 6-10 sentimetro ang diyametro, makintab at mapusyaw na lungtian o biyoleta ang kulay ng balát. Ang loob ay may lamukot na maputî o bahagyang biyoleta ang kulay na bumabálot sa sapad na butong itim. Ang lamukot ay may mala-gatas na katas at matamis sa panlasa. Antioksidant din ang laman ng prutas. May panahon ang pamumunga ng kaimitò kayâ hindi palagiang may tinda ng prutas nitó sa palengke. (VSA)

kaingín Kaingín ang tawag sa pagsasaka nang walang patubig sa mataas na lupain. Malimit ito ngayong mangyari sa kabundukan at nagiging sanhi ng malawakang pagputol at pagsunog ng mga punngkahoy sa kagubatan. Kaingin din ang tawag sa gilid ng bundok o bahagi ng bukid na hinawan at sinunog bago tamnan. Sa pagkakaingin, karaniwang pinatutuyo ang pinutol na mga punongkahoy bago sunugin ang mga ito. Nagsisilbing pataba sa lupa ang abó ng sinunog. Pagsapit ng tag-ulan, karaniwang tinatamnan ang hinawang gubat. Bukod sa pagpapataba ng lupa, mainam din ang kaingin sa pagpaparami ng uri ng halamang maaaring itanim sa isang bukid. May mga halaman at punòng mas naihahasik ang mga buto sa sinunog na lupain. Ngunit hindi laging madalîng tamnan ang mga kinainging gubat. Kung minsan, matagal ang paghihintay bago ito matamnan. Sa ganitong pangyayari, napipilitang lumipat ang mga magsasaka sa iba pang bahagi ng bundok o kagubatan upang ulitin ang proseso. Ito ang isa sa mga sanhi ng pagkakalbo ng maraming kagubatan sa Filipinas. Bunga nitó, naging masamâ ang pakahulugan ng mga Filipino sa kaingin. Noong dekada 80, sinimulan sa pamumunò ni Pangulong Ferdinand Marcos ang ilang programa laban sa pagkawasak ng kagubatan. Isa sa mga programang ito ang kondisyon na pagtanimin ang mga kaingero at magtotroso sa bawat pagputol nila ng mga punongkahoy. Ngunit hindi matagumpay ang pagsasakatuparan ng mga unang programang ito. Sa ilalim naman ng administrasyong Aquino, naibunsod ang programang pagtatanim ng 100,000 ektarya ng mga bagong punò taon-taon. Subalit hindi rin naipatupad ang mga programang ito. Noong 1991, tinatayang mahigit limang milyong ektarya ng kagubatan ang nakalbo bunga ng kaingin at pagtotroso. (DRN) (ed VSA)

kakanín Pangkalahatang tawag ang kakanín sa mga pagkaing gawa sa bigas, gatâ ng niyog, at iba pang sangkap upang maging meryenda. Ilang halimbawa nitó ang púto, bibingká, súman, at kalámay. Bawat bayan yata sa Filipinas ay may tanging tindahan ng kakanín o may pansiteryang nagdidispley ng sari-saring púto at panghimagas na minatamis. O may maglalakò na sumisigaw ng “Púto! Kutsintâ!” at sunong ang bilao o pasan ang pinggang may mga sisidlan ng kakanín. Kung wala, pumunta sa palengke at naroon ang puwestong naghahandog ng ipinagmamalaking kakanín ng bayan. Púto ang itinuturing na pinakamatanda at pinakakaraniwang kakanín. Gawa ito sa giniling at pinasingawang bigas, kung minsan may lahok na bagong kudkod na niyog, mantekilya, at ibang pampalasa. Ang karaniwang púto, sa larawan ni Fray Juan j. Delgado noong 1751 ay “tortas grandes y amasadas, muy esponjadas y blancas” at masarap isawsaw sa tsokolate. Pútong putî ang inilarawan ng butihing Heswita. Ngunit ang púto ay maaaring sapín-sapín, bibingká, sumán, kalámay, pítsipítsi, espasól, putoséko, at bíko. May saping dahon ng saging ang pútong manápla para sa batsoy ng Negros. May luya’t pandan ang púto dáyon ng Leyte. Binilog na parihaba ang púto bumbóng at kulay granate dahil sa pirurútong. Hinubog sa suwít (munting tasa sa alak ng mga Tsino) ang kutsintâ. May budbod na butil ng mais at kulay dilaw ang máha blángka sa San Miguel, Bulacan. Binabálot sa linga at pinong kinudkod na niyog ang palitáw. May púto na gawa sa kamoteng-kahoy, ube, at ibang halamang-ugat. Tila mga munting bola ang púto biñan. Malinamnam na meryenda mulang Iloilo ang piyáya. Ipinalalamán sa tinapay ang matamís-sa-báo. Ang saging ay ginagawang turón o tinutuhog na banana-Q. (LJS)(ed VSA)

kakáw Ang kakáw (Theobroma cacao) ay isang uri ng punongkahoy na ang butó ng bunga ay nagiging sangkap sa paggawa ng kokwa at tsokolate. Nagmula ito sa kagubatang tropiko ng Amerika. Karaniwang tumataas ito ng 15 metro subalit ang pinamumungang punò ay sadyang pinuputulan upang madali ang pamimitas ng bunga. Ang dahon nito ay makinis na kulay berde at hugis biluhaba, samantalang ang bagong dahon ay nagkukulay pula. Kilala ang punòng kakaw sa pagkakaroon ng butóng ipinoproseso upang gawing tsokolate. Ang bunga nito ay hugis biluhaba na karaniwang may sukat na ay 15-30 sentimetro ang habà at nagkukulay dilaw na kahel kapag ito ay nahinog. Ang isang bunga ay maaaring magkaroon ng 20-60 butó na binabalutan ng puting sapal na siyang pinagmumulan ng pulbos na tsokolate. Nagagamit din ang sapal nito sa paggawa ng inumin. Ayon sa kasaysayan, ang unang Europeo na nakatagpo sa punò ng kakaw ay si Cristobal Colon noong taóng 1502. Kasama ang ibang manlalayag, namangha sila sa punò na noong una ay inakalang punò ng almond. Ang kaalaman tungkol sa paggawa ng tsokolate mula sa punò ng kakaw ay nagmula sa mga Espanyol. Sa wikang Griyego, ang salitâng theobroma ay nangangahulugang “pagkain ng mga diyos.” (ACAL) (ed GSZ)

kakawáte Ang kakawáte ay isang punò na kalimitang nabubuhay sa gubat. Lumalaki ito ng lima hanggang sampung metro ang taas. Madaling paramihin ang kakawate dahil nabubuhay ito sa kahit anong uri ng lupa. Malimit itong itinatanim ng mga magsasaka upang gamiting lilim ng iba nilang tanim na gaya ng kakaw, kape, at tsaa. Naglalagas ang dahon nito tuwing buwan ng Disyembre at namumulaklak ito tuwing buwan ng Pebrero at Marso. Sa ibang lugar, napakaraming mamulaklak ng kakawate at maihahambing sa sakura sa Japan. Ang bulaklak nito ay kalimitang kulay rosas, puti o lavender. Dahil sa matibay ang ugat ng mga punò ng kakawate, ginagamit ito upang mabawasan ang pagguho ng mga nakahilig na lupa. Ang pagtatanim ng kakawate ay mahalaga rin upang manumbalik ang pagiging mabunga ng lupang tinatamnan. Ang kahoy ng kakawate ay maaari ding gamiting panggatong. Napakikinabangan din itong pain sa mga dagâ at pambugaw ng mga insekto. Ang mga dahon naman nito ay nagagamit na pataba sa mga pananim. Napatunayan ding ang kakawate ay magaling na pakain sa mga baka. Tinatawag itong kakaoati sa Bontok; kakauati, kakawate, madrecacao, madrecaco, madre kakau, marikadau, at marikakaw sa Tagalog; at mandiri-kakau sa Sulu. (ACAL) (ed GSZ)

kalabása Ang kalabása (genus Cucurbita), halamang baging na may malapad na dahon at bungang kinakain bilang gulay na mayaman sa bitamina at mineral. Ang halamang ito ay gumagapang pataas at may habang apat na metro. Ang dahon nito ay pabilog, 15-30 sentimetro, at hugis puso. Ang bulaklak nito ay hugis kampanilya at kulay dilaw. Ang bunga ng kalabasa ay malaki, malamán, at kulay dilaw. Ang buto naman nito ay hugis itlog na sapad. Ang kalabasa ay mayaman sa bitamina A at B. Ang mga usbong at bulaklak nito ay nagtataglay ng iron, calcium, at phosphorus. Ayon sa pag-aaral, ang bulaklak ng kalabasa ay may lutein na pumipigil sa pagkakaroon ng katarata. Ayon sa isa pang pag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, ang bulaklak ng kalabasa ay may sangkap ng spinasterol. Pinipigil nito nang 55% ang pagkakaroon ng tumor sa balát. Ayon naman sa Philippine National Kidney and Transplant Institute, ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa phosphorus, gaya ng kalabasa, ay maaaring maging sanhi ng pangangati ng balat at paghina ng paggana ng bato ng isang tao. Ang buto ng kalabasa naman ay mataas sa fatty acids. Nagtataglay rin ito ng saponin na nagpapababa ng kolesterol at nagpapabagal sa pagtubo ng cancer cells. Ang langis na nakukuha sa buto nito ay nagsisilbing pampalakas ng ugat. Maaaring dikdikin ang buto nito para makuha ang langis nito. Sa Filipinas, itinatanim ang kalabasa sa buong taon. Upang makakuha ng magandang bunga nito, kinakailangang ang butong itatanim ay de-kalidad. Nabubuhay ang kalabasa sa pantropikong klima. Hindi ito maselan sa pagaalaga at maliit lamang ang kailangang kapital para sa pagpaparami nito. Ang kalabasa ay tinatawag ding kabasi sa Sulu, karabasa sa Iloko, kumbasa sa Bontok at kalabasang-bilog at kalabasang-pula sa Tagalog. (ACAL) (ed GSZ)

kalabáw Ang kalabáw (Bubalus bubalis carabanesis o minsan Bubalus carabanesis) ay ang Pambansang Hayop ng Filipinas. Ito ay isang domestikado o pinaamong uri ng kalabaw na pantubig. Iniuugnay ang kalabaw sa mga magbubukid dahil ito ang hayop para sa pag-aararo at para sa paghila ng kariton na ginagamit ng mga magbubukid. Likás ang mga kalabaw sa Filipinas at anuwáng ang katutubong pangalan. Buháy pa ang pangalang ito sa Aklanon, bagaman naputol at naging nuwáng na lamang sa Iluko. Karaniwang nabubuhay ang mga kalabaw nang 18 hanggang 20 taon at maaaring umabot ang timbang sa 800 kilo. Parehong may sungay ang babae’t lalaking kalabaw. Itim naman ang karaniwang kulay ng balát nito sa buong katawan hábang mabuhok ang kanilang ulo at ang dulo ng kanilang buntot. Tinatawag na albino ang may kulay na pink. Kadalasang makikitang nagpapalamig ang mga kalabaw sa mga putikan, dahil wala itong tinatawag na sweat glands na ginagamit ng maraming hayop upang maglabas ng init mula sa katawan. Damo, pulut, at iba pang halamang ligaw ang pagkain ng kalabaw. Mahalaga din ang mga kalabaw dahil sa gatas at karne. Kinakain ang karne ng kalabaw. Tinatawag itong carabeef sa Ingles. Sa mga pista, nagkakaroon noon ng karera ng mga kalabaw. Sa parada, may paligsahan hinggil sa pinakamakisig at pinakamalusog na kalabaw. Sa Pulilan, ipinagmamalaki kung pista ang mga kalabaw na tinuruang iluhod ang unahang mga paa. (SSC) (ed VSA)

kaládo Ang kaládo (mula sa Espanyol na calado) ay disenyong ornamental na binubuo ng inayos na mga bútas sa kahoy, metal, bató, at iba pa. Sa arkitektura ng mga bahay noong panahon ng Espanyol, ang disenyong ito ay nagsisilbing daluyan ng hangin. Tinutukoy rin nito ang tela na may katulad na disenyo. Ginamit ang kalado bilang isa sa paraan ng pagboborda ng panyuwelo, kamisa de tsiino, barong tagalog, at iba pa. Sa pagboborda ng kalado, isinasagawa ang tinatawag na bakbak o paghihila ng mga sinulid sa partikular bahagi hábang pinagtitibay ang iba pang bahagi at pagtatahi ng dalawa upang makagawa ng masalimuot na disenyong engkahe. Dahil sa mahirap na gawain, ang sining ng bordang kalado ay higit na nagpapamahal sa presyo ng barong tagalong, terno, o belo. Bantog si Araceli Limcaco Dans sa kaniyang pinturang kalado at nagtatanghal sa masalimuot at realistikong pagdedetalye ng naturang borda sa damit at belo. May mga kritiko na tinitingan ang obra ni Dans nang higit kaysa still life. Para sa kanila, isang ekspresyong nasyonalista ito at paghahanap ng diwaing makabayan sa modernistang sining. (KLL)

kalág-luksâ Ang kalág-luksâ ay bahagi ng kaugalian hinggil sa pagluluksâ o pagalaala sa isang namatay na miyembro ng pamilya o mahal sa búhay. Nagaganap ang pagluluksâ sa loob ng isang taón. Sa panahong ito, may kaugalian noon na nagsusuot ng damit na itim ang malapit na kamag-anak ng namatay. Ngayon, may nagsusuot na lámang ng itim na lasò sa dibdib o sa manggas ng damit, at kung babae, nagbabalabal ng itim. May mag-anak namang nagsusuot lámang ng itim na damit sa isang maikling panahon. Pagkatapos, dumadaan sa panahong blanco y negro, o pagsusuot ng putî at itim na damit. Sa gayon, ang kalág-luksâ ay ang araw pagkatapos ng santaóng pagluluksâ, na idinaos sa pamamagitan ng pagtitipon ng magkakamag-anak, pagpapamisa o pagpapadasal, at handaan. Ang handaan ay palatandaan na nangilin sa gayong gawain ng pamilya sa panahon ng pagluluksâ. Tinatawag din itong babâng-luksâ o ibis-luksâ dahil maaari nang magsuot ng may kulay na damit ang kamag-anak ng namatay. Kahit kasi sa mga hindi estrikto sa pagsusuot ng itim na damit sa panahon ng pagluluksa ay ipinagbabawal ang pagsusuot nng damit na matingkad ang kulay. Ngunit pagkatapos ng kalág-luksâ ay may pahintulot nang magsuot ng kulay pulá, dilaw, o anumang kulay. Sa pagtitipon kung kalág-luksâ ay inaasahan ang pagkukuwentuhan o pag-uusap hinggil sa namatay. (GCA)(ed VSA)

Guhit ni Ang Kiukok

Kálakaláng Galeón Ang monopolyong kalakalang ipinatupad ng pamahalaang Espanyol sa Maynila at sa Acapulco ay tinawag na Kálakaláng Galeón. Noong 1565, si Andres de Urdaneta ay naglayag mula Cebu papuntang Acapulco at dito niya natuklasan ang ruta mula sa Karagatang Pasipiko papuntang Mexico. Ipinangalan ang kalakalang ito sa malalaking barkong galeón na karamihan ay ipinagagawa ng pamahalaang Espanyol sa lalawigan ng Cavite at sa iba pang bahagi ng Filipinas sa pamamagitan ng sapilitang pagtatrabaho ng libo-libong katutubong Filipino. Bago pa dumating ang mga mananakop na Espanyol, ang mga Filipino ay mayroon nang pakikipagkalakalan sa mga bansang Tsina, Hapon, Siam, India, Cambodia, Borneo, at Moluccas. Ipinagpatuloy ng pamahalaang Espanyol ang relasyong pangkalakalan sa mga bansang ito, kung kayâ’t ang Maynila ay naging sentro ng komersiyo sa Silangan. Isinara ng mga Espanyol ang mga pantalan ng Maynila papunta sa ibang bansa maliban sa bansang Mexico. Dito nagsimula ang kalakalan ng Maynila at ng Acapulco, na tinawag na Kalakalang Galeon. Ang kalakalang ito ang naging pangunahing pinagmulan ng malaking kíta ng kolonyalistang Espanyol sa bansa. Umabot sa 110 galeon ang naglayag sa loob ng 250 taon (1565-1815). Hanggang 1593, mahigit tatlong barko ang naglalayag mula at patungo sa mga pantalan ng Maynila at ng Acapulco. Ang kalakalang ito ay naging kapaki-pakinabang at naging dahilan upang magpetisyon kay Haring Felipe II ang mga mangangalakal sa Sevilla sa Espanya na protektahan ang monopolyo ng “Casa de Contratacion” na nakabase sa Sevilla. Dahil dito nagpalabas ng kautusan noong 1593 na nagtatalaga nang dalawang galeon lámang ang maaaring maglayag kada taon mula sa dalawang pantalan. Ang isa ay naglalayag mula Acapulco papuntang Maynila na may 500,000 pisong halaga ng mga kalakal, at ang ikalawa naman ay naglalayag mula Maynila papuntang Acapulco na may kargadang produktong nagkakahalaga ng 250,000 piso. Sa ganitong limitasyon, kinailangan ang paggawa ng pinakamalalaking galeon na gawa sa pinakamatitibay na kahoy sa Filipinas at makapagsasakay ng mabigat na kargamento at mga pasahero. Naging sanhi din ito ng talamak na korupsiyon sa gobyerno. Napabayaan din lalo ang mga probinsiya dahil ninais ng mga opisyal na lumahok sa

Bahagi ng guhit ni Don Alfredo Carmelo

kalakalan. Ang Kalakalang Galeon ay nagtapos noong 1815, ilang taon bago lumaya ang bansang Mexico mula sa pananakop ng Espanya noong 1821. (AMP) (ed VSA)

kalamansî Ang kalamansî (citrofortella microcarpa) ay isang punò na lumalaki ng 3-5 metro ang taas. Dito sa Filipinas, ito ay tinatawag ding kalamondin o kalamonding, limonsito, sintonis, at aldonisis. Sinasabing ang kalamansi ay nagmula sa bansang Tsina at kumalat na ito sa Silangan gaya ng Filipinas at Indonesia. Ang kalamansi ay namumulaklak ng kulay putî o kung minsan ay mapusyaw na lila. Bilog ang mga prutas nitó na kulay berde kung hilaw at kulay dilaw kapag ito’y hinayaang mahinog sa punò. Manipis at makinis ang balát ng prutas ng kalamansi. Tumutubò ito sa maaraming uri ng lupa, mula sa luad hanggang sa batong apo, hanggang sa buhangin, subalit pinakamaganda ang tubò nitò sa mabuhanging lupa o luad na hindi tinitigilan ng tubig, maraming patabâng organiko, may pH na 5.5-7.0. Marami rin ang nagtatanim nitó sa kapatagan. Maraming gamit ang kalamansi sa Filipinas. Kinukuha ang katas nitó at ipinoproseso upang gawing inumin na tulad ng ginagawa sa iba pang maasim at matamis na prutas. Ginagawa din itong marmelada na ipinapalaman sa tinapay. Ang katas nitó ay ginagamit na pang-alis ng mantsa sa damit, pang-alis ng amoy at dumi sa katawan ng tao, pampaputî ng balát, at siyampu. Ginagamit din itong panggamot sa pangangati ng balát, gamot sa ubo, pang-alis ng pamamagâ, pampurga, at kapag inihalò na sa paminta ay pampalabas ng plema. Ang mga ugat ng kalamansi ay isang sinaunang gamot sa bagong panganak, at ang dinalisay na langis mula sa dahon ay gamot sa kabag. Maaari din itong ilagay sa pasô at gawing pandekorasyon sa hardin. (ACAL)

kalámay Ang kalámay na nagangahulugang asukal ay isang matamis na kakaning Filipino na pangkaraniwang gawa mula sa gata ng niyog, asukal, pinulbos na mais at malagkit na bigas. Maaari rin itong lagyan ng mantekilya, peanut butter o banilya para mas sumarap ang lasa. Mayroong iba’t ibang uri ng kalamay na maaaring ikategorya sa dalawa. Ang una ay ang mala-arnibal na uri na karaniwang ginagamit na pampatamis sa ibang pagkaing tulad ng suman at bukayo. Ginagamit din itong pampalasa sa mga inumin tulad ng kape, gatas, at tsokolate. Ang ikalawa naman ay ang maligat at malagkit na uri na karaniwang kinakain nang mag-isa. Karaniwan itong ipinapampasalubong. Ang paggawa ng kalamay ay nagsisimula sa paggagata ng niyog nang dalawang beses. Ang unang gata ng niyog ay inihahalò sa malagkit na bigas na giniling hanggang maging napakapino ng testura nitó. Ang ikalawang gata ng niyog naman ay inihahalò sa asukal at ito ay pakukuluan nang ilang oras upang makagawa ng latik. Ang dalawang grupo ng sangkap ay siyá namang paghahaluin hanggang maging malagkit ang tekstura nitó. Kailangang maging tuloy-tuloy ang paghalò sa loob ng mga apatnapu’t limang minuto hanggang isang oras upang maging pantay ang tekstura nitó. Kapag nakuha na ang nais na lagkit ng kalamay, maaari na itong ihanda at kainin. Maaari rin itong palamigin muna bago ihanda upang mas mabilis itong kainin. (MJ) ed VSA

kalán Katutubong tawag sa pinaglulutuan ang kalán. Karaniwang yari ito sa pinatigas na luad, may hukay sa gitna na nilalagyan ng panggatong, at naliligid ng tatlong tungko na salalayan ng sisidlan ng iniluluto. Marahil, pinakasinaunang kalán ang tatlong pinagtungkong piraso ng bato. Kahoy o balát at bao ng niyog ang karaniwang panggatong noon. Palayok at kawali ang karaniwang sisidlan ng iniluluto. Isang popular na bugtong hinggil sa sinaunang kalan ang:

Tatlong magkakaibigan Sa apoy nagbubulungan.

May kalán na ipá ang panggatong. Dahil sa pagtitipid sa panggatong, may mga inimbentong kalán na nilamukos na papel o damo ang maigagatong. Modernong kalán ang kusinílya (mula sa Espanyol na cosinilla), munting kaláng de-gaas at binobomba, at ang mga kaláng de-koryente. Hurno o oven ang kalán para sa pagluluto ng tinapay, cake, at katulad. Inirereklamo ng iba ang de-gaas dahil lumalasa daw ang kerosina sa sabaw. Mas gusto ng ibang magluto ng sinigang sa kaláng luad dahil mas malinamnam. At ikinalulungkot ng mga tradisyonal na kusinera ang nawawalang dapugang maabo. Bakit? Dahil abo ang napakabisàng pantanggal ng uling sa kaldero, abo ang panlinis ng hitò, at abo ang napakahusay na pang-alis ng lansa ng bituka para sa dinuguán. (YA)(ed VSA)

guhit ni Fernando Amorsolo

kalapáti Marami sa mga kalapáti ngayon nanggáling sa domestikadong poltri na dinalá sa Amerika ng mga unang Europeo na nanirahan doon. Matagal nang kasalamuha ng tao ang kalapati. May mga pigura ng kalapati na nakaadorno sa templo ni Astarte, isang diyosa ng pertilidad, noon pa mang 5000-2000 B.C. Mahilig mag-alaga ng ibong ito ang mga Ehipsiyo, Griyego, at Romano. Pinaniniwalaang ang kasalukuyang mga lahi ng kalapati ay nagmula sa tiatawag na rock dove (Columba livia) ng Hilagang Africa at Europa, ngunit madalî itong nakikipaglahian sa mga species dito sa Asia (C. leuconota at C. intermedia). Ang maiilap na kalapati ay may mga patong na asul ang kulay at maitim ang mga bagwis. Walang gaanong ipinag-iba ang babae sa lalaki sa kulay ng balahibo, medyo maputla lámang ang disenyo ng balahibo ng babaeng kalapati. Kapag naglalakad, nakataas ang buntot ng babae at may ugaling umampang-ampang (waddle). Mayabang at agresibo ang lalaki kung lumakad. Iba’t iba ang mga lahi ng kalapati. Marami dito ay inaalagaan na sa Filipinas. May mga lahi na ginagamit para sa produksiyon ng pitson (squab) o mga batàng kalapati para sa karne, tulad ng White Kings, Red Carneau, French Mondaine at Giant Homers. May mga lahi para sa eksibisyon o pagandahan tulad ng Fantails, Modenas, Frills Trumpeters, Jacobins, Tumblers at Pouters. Ang pinakapopular ngayon ay ang pag-aalaga ng mga lahing ginagamit sa karera, tulad ng Racing Homer at Roller Pigeon. Ang mga lahing ito ay may kakayahang makabalik sa pinanggalingan kahit na lubhang malayò ang lalakbayin. Sa pangkalahatan, ang kalapati ay monogamous. Kapag ang dalawang kalapati ay nagkapareha na, mananatili siláng magkapareha habangbuhay. Kapag namatay ang isa, ang natitirang buháy ay kadalasang nagpapakamatay sa pamamagitan ng boluntaryong hindi pagkain o hindi pag-inom ng tubig. Hindi nakakapagtaka na kinikilala ang kalapati hindi lamang isang simbolo ng kapayapaan, kundi isang simbolo ng matrimonyo o pag-iisang dibdib. (SSC) (ed VSA)

kalapyáw Isang katutubong balabal laban sa ulan ang kalapyáw. Sa panahong walang kapote, pinagtatagni-tagni ng sinaunang Filipino ang pinatuyong mga dahon ng anahaw at ibinabalabal sa mga balikat at likod ng magsasaka kapag kailangang lumabas ng bahay at magtrabaho sa bukid kahit malakas ang ulan. May sintas ang pang-itaas na “leeg” ng kalapyáw at ibinubuhol ito sa harap ng leeg ng maysuot upang hindi malaglag ang balabal kapag kumilos siyá o kahit malakas ang hangin. Karaniwang katerno nitó ang salakót o sombrerong bulé bilang proteksiyon sa ulo’t mukha ng may kalapyáw. Isang kasabihan din noon ang nagtitiwala sa idinudulot na proteksiyon ng kalapyáw:



Kahit punit ang kalapyáw Hindi tatablan ng ulan.

Nahahawig sa kalapyáw ang vakúl ng mga Ivatan. Ang kaibhan, isang balabal ang vakúl mula ulo hanggang baywang at gawa sa masinsing pinagtagning mga himaymay ng halamang voyavoy. Ginagamit din ang vakúl na pananggalang laban sa init at sa ulan. (DRN)(ed VSA)

guhit ni Jose Lozano

kalaso Ang isdang kalaso ay kabilang sa pamilya Synodontidae. Matatagpuan ito sa mga karagatang Atlantiko, Indian, at Pasipiko, mula Red Sea at silangang bahagi ng Aprika (maliban sa Kenya), kasáma ang Madagaskar hanggang Persian Gulf, dagat ng Arabia, hanggang sa silangan at timogsilangang Asia at Australia. Kalimitan ay nása dagat ito, at madalang sa tubig na bahagya ang alat. Maliliit at hugis silindro ang katawan. Ang palikpik ay walang tinik at ang malaking bibig ay punô ng payat at matalas na ngipin, maging sa may dila. Ang kalaso ay naglalagi sa mapuputik na bahagi ng dagat, sa may lalim na 10-60 metro. Kumakain ito ng isdang tulad ng dilis at banak, krustaseo, at pusit. Maraming uri ng kalaso at 13 espesye ang naitalâ sa Filipinas. Ang karaniwang uri ay Saurida tumbil. Ang katawan ay hugis sigarilyo, pabilog, at medyo siksik. Ang ulo ay patulis at pikpik at ang nguso ay mas malapad kaysa habà nitó. Kulay kayumanggi sa itaas ng katawan at pilak sa ibabâ at ang likod ay may maputlang mga linya. Ang dulo ng palikpik sa likod at pektoral at ilalim ng palipk sa buntot ay kulay itim. Ang pinakamalaking naitalâ ay 60 sentimetro. Ang isa pang espesye ng kalaso ay Saurida undosquamis na matatagpuan sa silangang bahagi ng dagat ng India, peninsula ng Malay at timog ng Filipinas, hilaga ng Java, at kalahati ng hilaga at timog-kanluran ng Australia. Ang nguso ay pabilog. Ang kulay ay mala-abong kayumanggi sa itaas at kulay-gatas sa ilalim na may 8 hanggang 10 maitim na marka sa gitna ng tagiliran. Ito ay may karaniwang habà na 30 sentimetro at ang pinakamalaking naitalâ ay 50 sentimetro. Ito ay nangingitlog mula Abril hanggang Mayo sa Japan. (MA) ed VSA

kalatsútsi Ang kalatsútsi (Plumeria acuminata Air.) ay isang punò na 3-7 metro ang taas. Ang itsura ng mga sanga ng kalatsutsi ay liku-liko, makapal, at may mga makinis at makintab na tangkay. Sa mga tangkay nitó namumuo ang kumpol-kumpol na mga putî at mabangong bulaklak. Ang dahon nitó ay biluhaba, kulay berde, parehong matulis ang mga dulo, at nakaayos nang paikot sa mga dulo ng sanga. Ang mga sanga din nitó ay nagtataglay ng madikit at kulay putîng dagta. Ang bulaklak ng kalatsútsi ay malaki na may habàng 5-6 sentimetro. Kulay putî o lila ang labas nitó at mapusyaw na dilaw naman ang loob. Kumpol-kumpol kung mamulaklak ang kalatsutsi at ito ay nangyayari kung nanlalagas na ang mga dahon. Ang kalatsutsi ay pinayayabong sa Filipinas dahil ito ay ginagamit na pandekorasyon sa mga hardin o sa mga okasyon na nangangailangan ng mga putîng bulaklak. Sa panahon ng Mayo, nangunguha ang mga batà ng mga bulaklak nitó upang ialay sa simbahan. Sinasabi din na ang kalatsutsi ang pinanggagalingan ng pabango na kilalang “Frangipani.” Sa kultura ng mga Filipino, ang kalatsutsi din ang bulaklak na iniaalay sa mga patay. Ang kalatsútsi ay dinala ng mga Espanyol gáling sa Mexico. (ACAL)

kálaw Ang kálaw o Rufous Hornbill (Buceros hydrocorax) ay isang malaking uri ng hornbill. Kilalá rin ito sa pangalang Philippine Hornbill. Sa Filipinas lámang ito matatagpuan, lalo na sa Luzon at Marinduque (lahing hydrocorax), Samar, Leyte, Bohol, Panaon, Biliran, Calicoan at Buad (lahing semigaleatus), Dinagat, Siargao, at Mindanao (lahing mindanensis). Madalî itong makita sa bundok ng Sierra Madre sa Luzon, subalit patuloy na nanganganib dahil sa patuloy na paghahanting at malawakang pagkawala o pagkasira ng tirahan o habitat. Ang tuka ng karaniwang kalaw ay purong pulá, samantalang ang mga subspecies tulad ng semigaleatus at mindanensis ay may maputlang dilaw ang kalahati ng tuka. Mga hornbill lámang ang ibon na magkadikit ang unang dalawang vertebrae sa leeg (ang axis at atlas), nagbibigay ito ng mas matatag na posisyon para madalá nang balanse ang malalaking mga tuka. Kadalasan, nasa itaas ng punongkahoy ang kalaw, ngunit sa umaga ay bumababâ upang tumuka ng mga larva ng insekto, alupihan. at tipaklong. Kumakain rin ito ng mga prutas. Kung minsan, tinatawag na “orasan ng kabundukan” ang ibong ito dahil sa paghuni nitó tuwing katanghalian. Ang kalaw ay isang species na monogamous. Gumagawa ito ng pugad sa mga guwang ng punongkahoy. Mga babaeng kalaw lámang ang lumilimlim sa mga itlog. Kapag nakapangitlog na, ang butas ng pugad ay sinasarahan ng putik maliban sa makitid at bertikal na puwang para sa pagdadalá ng pagkain ng lalaking kalaw. Tungkulin ng lalaking kalaw ang pagpapakain sa lahat ng nása loob ng pugad. (SSC) (ed VSA)

Teodoro M. Kalaw (31 Marso 1884-4 Disyembre 1940) Si Teodoro Manguiat Kalaw (Te·o·dó·ro Mang·gí·at Ká·law) ay isang nasyonalistang iskolar, mambabatas, mamamahayag, historyador, at isa sa iilang mahusay na manunulat ng Filipinas sa tatlong wika (Espanyol, Ingles, Filipino). Bilang manunulat, ilan sa mga kinatha ni Kalaw ang Mi Pagina Diaria, La Campaña de Kuomintang, Reformas en La Enseñanza del Derecho, La Constitucion de Malolos, Teorias Constitucionales (1912), The Constitutional Plan of the Philippine Revolution (1914), at La Revolucion Filipina. Noong 1903, nagsimula siyáng magsulat para sa El Renacimiento, isang nangungunang pahayagan na kritikal sa mga abusadong opisyal sa pamahalaang Amerikano. Noong 1907, siyá ang naging pinakabatàng patnugot nitó. Noong 1908, sinakdal siyá sa kasong libelo ng Kalihim Panloob na si Dean Worcester para sa pagpapalimbag ng editoryal na “Aves de Rapiña.” Nagsilbi lámang itong dagdag sa katanyagan ni Kalaw, lalo sa hanay ng mga nasyonalistang Filipino. Sa dami at husay ng kaniyang mga isinulat mula 1900 hanggang 1940, binansagan ang mga taóng ito ng historyador na si Teodoro Agoncillo bilang “Panahon ni Kalaw.” Bilang mambabatas, nahalal si Kalaw na assemblyman (1909-1912). Noong 1920, itinalaga siyáng Kalihim Panloob (Secretary of the Interior). Hinirang siyáng direktor ng Pambansang Aklatan, isang katungkulang hinawakan niya hanggang sa kaniyang kamatayan. Isinilang siyá noong 31 Marso 1884 sa Lipa, Batangas kina Valerio Kalaw, ang huling capitan municipal ng bayan sa panahon ng Espanyol at unang presidente municipal sa panahon ng Amerikano, at Maria Manguiat. Nagaral siyá sa Escuela Pia sa Lipa, pagkaraan ay sa Maynila, at sa Lipa muli sa Instituto Rizal. Nagtapos siyá ng Batsilyer sa Arte (na may mataas na karangalan) sa Liceo de Manila. Nakuha niya ang kaniyang Batsilyer sa Abogasya noong 1905 sa Escuela de Derecho, ang pinakaunang paaralan ng abogasya sa Filipinas. Nanguna siyá sa bar exam nang may grado na 100 porsiyento sa batas sibil. Nagkaroon siyá ng apat na anak kay Purificacion Garcia Villanueva, ang unang Manila Carnival Queen noong 1908. Pumanaw siyá noong 18 Abril 1928 hábang nása katungkulan. Ipinangalan sa kaniya ang dating Calle San Luis na bumabaybay sa isang panig ng Liwasang Rizal (Luneta) at kinatitirikan ngayon ng Pambansang Aklatan. (PKJ)

Kalayaan Ang Kalayaan ang pahayagan ng Katipunan na pinamatnugutan ni Emilio Jacinto. Taglay ng pamagat ang pangunahing diwa ng Himagsikang 1896. Nailabas ito dahil sa donasyong salapi nina Candido Iban at Francisco del Castillo, dalawang patriyotang Aklanon. Nagwagi sina Iban sa loterya ng isang libong piso. Ipinambili nilá ng mákináng pang-imprenta ang P400 at itinago ang mákiná sa bahay ni Bonifacio. Dalawang mahusay sa limbagan, sina Ulpiano Fernandez at Faustino Duque, ang nangalaga sa makina. Nagnakaw din silá ng tipo at titik sa ibang imprenta upang mahusto ang gamit. Hindi matiyak kung kailan lumabas ang unang isyu ng Kalayaan. Bunga ito ng isinagawang panlilinlang upang hindi matunton ang limbagan nitó. Pinalabas nina Jacinto na inilimbag ang Kalayaan sa Yokohama, may petsang 1 Enero 1896, at si Marcelo H. del Pilar ang editor. Ayon kay Pio Valenzuela, lumabas ito noong Marso 1896, walong pahina, at may 2,000 kopya. Inilipat-lipat din ito ng lokasyon upang makaiwas sa mga espiya. Ang unang isyu ay naglalaman ng editoryal na sinulat kunwa ni M.H. del Pilar, ng kuwentong “Pahayag” ni Jacinto sa alyas na Dimasilaw, ng tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ni Bonifacio sa alyas na Agapito Bagumbayan, ang artikulong “Catuiran?” ni Valenzuela sa alyas na Madlang Away, at ilang munting balita. Inihahanda na ang ikalawang isyu ngunit natuklasan ang Katipunan. Sa gayon, sinira nina Fernandez at Duque ang nakakaha nang isyu at ang mákiná bago tumalilis. Isang labas lámang ang Kalayaan ngunit isa itong maituturing na napakaepektibong sandata ng Himagsikang 1896. Sa ulat din ni Valenzuela, umaabot lámang sa 300 ang aktibong kasapi ng Katipunan noong Enero 1896. Ngunit pagkalabas ng Kalayaan ay dumagsa ang mga nais sumapi mula sa mga karatig probinsiya. Nang matuklasan ang Katipunan ay mahigit 30,000 na ang miyembrong lumahok sa himagsikan laban sa kolonyalismong Espanyol. (VSA)

mula sa Aklat Adarna

kalderéta Kapag nagtalâ ng pagkain sa dambana ng kusinang Filipino, kalderéta ang isa sa pinakatanyag. Laging nakikita, mapahandaan man o karinderya, ang putaheng ito ay kadalasang gawa sa karne ng kambing, báka, o baboy, at sinasahugan ng liver spread, kamatis at sarsang gawa dito, patatas, karot, sili, oliba, at iba pang gulay. Ginagamit din kung minsan ang karne ng manok, at tupa. Maaari itong magtaglay ng mataas o katamtamang anghang, depende sa dami ng sili na gagamitin. Tinatawag din itong spicy meat stew sa labas ng bansa. Nanggaling ito sa Espanyol na caldereta, o maliit na kaldero, at inangkin natin mula sa kanilang orihinal na putahe. Hindi naman ito gaano kahirap ihanda, kaya hindi nawawala sa mga kainan sa tabi-tabi. Makulay sa paningin, masarap sa panlasa, at maaari kang tuluan ng pawis kapag todo ang anghang—tunay ngang putaheng Pinoy ang kaldereta! (PKJ)

kalendáryo Ang kalendáryo (mula sa Espanyol na calendario) ay sistema ng pagtiyak sa simula, habà, at paghahati-hati ng panahon. Pinangangalanan nitó ang mga araw, linggo, buwan, at taon. Ang buwan at taon ng kalendaryo ay nakabatay sa galaw ng mga lawas pangkalawakan: ng buwan, araw, at mundo. Sinasabing mula ito sa salitâng Latin na kalendae na katawagan sa unang araw ng bawat buwan. Mayroong sariling kalendaryo ang mga sinaunang sibilisasyon ng mundo. Sa sibilisasyong Summer, 12 ang buwan at may 29 o 30 araw bawat buwan. Ang sibilisasyong Maya naman ay may dalawang uri ng taon—ang tinatawag na Sacred Round ang taóng may 260 araw at ang Vague Year na may 365 araw. Gumamit ng kalendaryong lunisolar ang sibilisasyong Griyego—isa itong kalendaryong may 364 araw na nakabatay sa siklo ng araw at ng buwan at may leap month tuwing dalawang taon. Ang kalendaryong Romano naman ay mayroong 304 araw at 10 buwan bawat taon, binibilang nilá ang taon batay sa pagkakatatag ng Roma o kayâ sa pamamahala ng isang konsul. Noong Edad Medya, naging laganap ang sistemang Anno Domini o batay sa kapanganakan ni Hesus. Ang kalendaryong Gregoryano ang kinikilála at ginagamit sa modernong panahon. Ipinakilála ito ni Papa Gregorio XIII sa pamamagitan ng bulang Inter gravissimas noong 24 Pebrero 1582. Lumabas ang unang kalendaryong Filipino sa Dimasalang Kalendariong Tagalog (1920) na isinulat ni Don Honorio Lopez. Isa itong kalendaryong may hula batay sa kanluraning astrolohiya at pananaw ng Tagalog. May kinalaman ito sa pagtukoy ng siklo ng panahon gaya ng kabilugan ng buwan, tag-ulan, tag-araw, at iba pa na dapat isaalang-alang sa pagsasaka, paghahayupan, at iba pang kabuhayan. Mayroon ding kalakip na payo hinggil sa pag-ibig, pagpapamilya, at paghahanapbuhay at talâ ng bawat araw tungkol sa pagdiriwang ng partikular na santong patron o araw ng kapanganakan at kamatayan ng mahalagang tao sa kasaysayan, panitikan, at politika ng Filipinas. (KLL)

kalésa Ang kalésa (mula sa Espanyol na calesa ) ay isang sasakyang may gulong at hinihila ng kabayo. Isa itong uri ng pampublikong transportasyong ipinakilala ng mga Espanyol sa Filipinas noong ika-18 siglo, at naging popular lalo sa mga mariwasa, táong may katungkulan, at mangangalakal. Sa kasalukuyan, naungusan na ang kalesa ng mga dyipni, taxi, traysikel, at iba pang makabagong uri ng sasakyang panlupa, at bihira na itong magamit, maliban sa ilang lalawigan at mga pook panturismong tulad ng Intramuros at Vigan Heritage Village. Ang ordinaryong kalesa ay isang kótse (mula coche) na maaaring magsakay ng dalawang pasahero. Isang sasakyan itong nakabukás ang harapan, may maluwang na bintana ang tatlong gilid, may malaking dalawang gulóng (kayâ mainam sa bahâ), at may dalawang baras para pagsingkawan ng kabayo. May tinatawag na karitéla na may dalawang hanay ng upuan at nakapagsasakay ng apat o mahigit na pasahero. Nakaupô sa harapan ng kotse ang kutséro (cochero), ang nagmamaneho ng kabayo. Maituturing na isang imbensiyong Filipino ang kalesa mula sa orihinal na disenyo ng mga karwahe (carruaje) na dinalá dito ng mga mananakop. Sapagkat para sa malamig na klima, ang karwaheng Europeo ay higit na sarado, makapal ang dingding, malaki, at sa gayon ay higit na mabigat. Kabilang sa mga kahawig ng kalesa ang mga sasakyang calash (o caleche), barouche, chaise, at victoria sa Europa. Ang nakagugulat, marami pa ring kalesa sa Binondo, Maynila. (PKJ) (ed VSA)

kaliwàan Ang kaliwàan sa literal na kahulugan ay “trabaho o aksiyon ng mga kaliwa o kaliwete.” Maaari din itong mangahulugan ng “sagupaan na ginagamit ang kaliwang kamay.” Ngunit isang katawagan itong pangnegosyo at nangangahulugan ng direkta o tahas na pagpapalitan ng biniling produkto at ng pambayad. Sa nayon, sinasalungat ng kaliwaan ang bisyong utang o “lista muna” at kahit ang “hulugan.” Hindi magaganap ang anumang transaksiyon kung hindi nakahanda ang binili at ang kaukulang pambayad ng magkabilâng panig. Sa modernong transaksiyon, ito ang Cash on Delivery o kayâ Collect on Delivery (COD). Nagaganap ang COD kapag ang isang kompanya ay mayroong sariling transportasyon o ahente para sa paghahatid ng produkto. Ngunit kailangang nakahanda ang perang pambayad sa oras na dumating ang delivery. Mabilis ang ganitong negosyo dahil mabilis ang paghahatid ng produkto at mabilis din ang pagkolekta ng bayad. Tiyak din at walang lugi ang kompanya. Kasáma sa binabayaran pati ang halaga ng paghahatid ng produkto. Lumilipas na ang COD dahil sa elektronikong transaksiyon at pag-unlad ng teknolohiya. Gayunman, ginagamit pa rin ang ganitong klase ng transaksiyon tuwing ang order ay madalîng nagagawa at malapit sa pagdadalhan, gaya ng sa sistema ng home order sa fastfood. (KLL)

Guhit ni Anita Magsaysay Ho

kalumpít Isang malaki at matigas na punongkahoy ang kalumpít (Terminalia edulis Blanco), at tinawag ding anagep at kalantit sa Iluko, kalumagon sa Bikol, kalumanog sa Bisaya, at alupi sa Ibanag. Tumataas ito ng 25 metro at isang metro ang diyametro ng punò. Ang mga dahon ay mahabà at matulis sa magkabilaâng dulo. May maliliit itong putîng manilaw-nilaw na bulaklak at maliliit na bilóg na bungang nagiging mapulá kapag hinog. Malaganap ang kalumpit sa buong kapuluan. Ang balát ay may tannin. Ang mga dahon ay pampatabâ ng báka. Nakakain ang hinog na bunga nitó. Ginagamit din ang bunga bilang pampatamis sa pinagugulang na lambanog. May bayan ng Kalumpit sa Bulacan. Inspirasyon ang tigas nitó bilang punongkahoy sa gumawa ng salawikain upang uyamin ang matanda na nagpipilit magmukhang kabataan: Nagmumurang kalumpit Nagmamatandang kulit. Kabaligtaran naman ang kabataan, na sinasagisag ng malambot na palumpong na kulit, na nagsisikap maituring na matanda na. (VSA)

kalutang Ang kalutang ay dalawang patpat ng kahoy na ipinapalò sa isa’t isa upang makalikha ng iba’t ibang tunog. Ginagamit ito ng mga Tagalog sa Marinduque at Hanunuo at Batangan Mangyan sa Mindoro. Maaring yarì ito sa mga kahoy tulad ng kamagong, bayug, danglug, at tan-ag. Karaniwang may habà itong 35 sm at diyametro na apat na sentimetro. Ginagamit ito ng mga Hanunuo sa isang pangkatang pagtugtog hábang umaakyat ng bundok o sa pagtawag sa mga tao para sa pagpupulong, pagsalubong, at iba pa. Ginagamit naman ito sa Marinduque tuwing semana santa sa pagdiriwang ng Moriones. (KLL)

kályos Ang kályos (mula sa Espanyol na callos) ay putaheng Filipino na nilahukan ng lamanloob ng báka at baboy, at minsan, tupa. Tinatawag din itong “stewed tripe” o “spicy tripe casserole” sa Ingles. Hindi ito nawawala sa mga handaan at pista. Tulad ng mababanaagan sa pangalan nitó, ang mga Espanyol ang nagpakilala ng kalyos sa Filipinas. Ilang dantaon na itong iniluluto sa mga taberna at tahanan sa Espanya, at isa sa mga paboritong putahe sa panahon ng taglamig. Bukod sa lamanloob, maaari ding lahukan ng paa at buntot ng báka ang kalyos. Karaniwan din itong sinasahugan ng garbansos, tsoriso de bilbao, kamatis, bawang, sibuyas, at oliba. Isang tingin lámang sa matingkad na kulay kahel na sabaw ng putaheng ito, matatakam na ang kakain! (PKJ)

kamag-ának Sa mahigpit na pakahulugan, ang kamag-ának ay tao na kabilang sa ugnayan ng isang mag-ának, na binubuo ng ubod na ama, ina, at mga anak o magkapatid. Lumalaki ang mag-ának kapag nag-asawa at nagkaanak ang anak o mga anak sa ubod na mag-ának. Ang ibig sabihin, nadadagdag na kamag-ának ang asawa ng anak sa ubod na mag-anak; tinatawag na manúgang ng magulang sa ubod, tinatawag ng kapatid na hípag kung babae at bayáw kung lalaki. Ang anak ng nag-asawa ang tinatawag namang apó ng magulang. Ngunit sa maluwag na pakahulugan, ang kamag-ának ay lumalawak pa kapag nag-asawa ang isang anak sa ubod na mag-anak. Ang magulang ng napangasawa ay tinatawag na biyenán ng nag-asawa at baláe ng magulang sa ubod. Ang mga kapatid ng napangasawa ay ituturing ding hípag o bayáw ng nag-asawa. Sa gayon, bawat pag-aasawa mula sa ubod na mag-anak ay nangangahulugan ng isang dagdag na pamilya ng kamag-anak. Idinadagdag ding kamag-ának ang pínsan o mga pínsan ng magulang sa ubod na mag-anak. Tinutukoy nitó ang kaugnay ng magulang sa kanikanilang pinagmulang mag-ának, ang kanila mismong mga magulang at mga kapatid, gayundin ang pamangkín o anak ng kanilang kapatid. Lumalawak pa ito kapag itinuring ang tinatawag na pínsang makalawá at pínsang makaitló, na siyáng nagaganap kapag magkakalapitbahay ang lahat sa isang nayon. Isa ring katotohanan na nagdadagdag sa magkamag-ának ang sistemang nínong at nínang (mula sa Espanyol na padríno o madrino). Kapag totoong matalik ang ugnayan ng mga magkumpare o magkumare at mag-inaanak ay nagiging bahagi ng kani-kanilang pamilya ang lahat. Sa gayon, bawat pag-aanak sa binyag, kumpil, o kasal ay maaaring magpalaki sa ugnayang kamag-ának. Sinasabi nga na malimit ay iisang angkán o magkakamagának ang lahat ng tao sa isang nayon sa Filipinas. At ang bagay na ito ay nagagamit sa mabuti at sa masamâng paraan. (EGN) (ed VSA)

Pamilya Quiazon

kamagóng Ang kamagóng (genus Diospyros) ay isang namumungang punongkahoy na sa Filipinas lang matatagpuan. Ang punò nito ay makapal, matigas at natatangi sa maitim nitong kulay. Tinatawag din itong iron-wood dahil sa tibay nito. Ang punò nito ay tinatawag na kamagong at ang prutas naman nito at tinatawag na mabulo. Ang dahon nito ay parang balat, hugis itlog, at may habàng 20 sentimetro. Ang punò ng kamagong ay lumalaki ng hanggang 33 metro ang taas. Nabubuhay ito sa iba’t ibang klase ng lupa ngunit nangangailangan ito ng sapat na ulan sa buong taon. Ang butong itinanim mula dito ay mamumunga sa loob ng anim hanggang pitong taon. Ang balat ng prutas ng kamagong ay kulay pula hanggang kulay lupa, pino, at makinis. Mayroon itong mga buhok na dapat alisin bago kainin upang maiwasan ang pangangati ng bibig at lalamunan. Dahil sa mga buhok nito, tinawag itong “mabulo” na ang ibig sabihin ay mabuhok. Ang laman nito na nakakain ay malambot, makrema, at kulay rosas. Ang amoy ng prutas nito ay masangsang na maihahalintulad sa amoy ng nabubulok na keso o dumi ng pusa. Nagmumula ito sa balat nito. Mayaman ito sa calcium, iron, at bitamina B. Ang pinaglagaan ng dahon at balat ng punò ng kamagong ay mabisàng lunas sa mga sakit sa balat. Maaari itong inumin o isama sa tubig na pampaligo. Ang pinaglagaan din ng balat ng kahoy ay ginagamit na lunas ng mga táong may ubo. Ang kamagong ay itinuturing na nanganganib nang mawala kayâ pinoprotektahan na ito ng batas ng Filipinas. Kakailanganin ang permiso ng Kawanihan ng Paggugubat at Kagawaran ng Kaligiran at Likas na Yaman kapag maglalabas ng punò nitó sa Filipinas. (ACAL) (ed GSZ)

kamálig Ang kamálig ay tradisyonal na estrukturang ginagamit na imbakan o lagakan ng mga ani ng mga magbubukid, katulad ng palay, mais, at tabako. Ang karaniwang itsura nitó ay may bubong na puwedeng yari sa nipa o yero, maliit na pinto, at may apat na mabababàng poste. Kawayan o tabla ang dingding, at kaiba sa ibang bahay dahil sa matatag na pagkakayari. Wika nga, narito ang yaman ng pamilya. May maliit na bintana ito na binubuksan lámang kung kailangan. Matibong at hugis letrang “A” ang disenyo ng bubong para sa mainam na sirkulasyon ng hangin sa loob, lalo na’t para sa patuloy na pagpapatuyo ng inimbak na ani. Katutubo ang kamalig at bunga ng pangangailangang itago at ingatan ang labis na ani ng isang komunidad ng magsasaka. Isang katunayan ang katutubong katawagan para dito sa maraming pangkating pangkultura sa Filipinas. Matatagpuan sa UP Diksiyonaryong Filipino ang sumusunod na singkahulugan: agamang (Igo), kurob (War), sarusar (Ilk), taklob (Bik, Hil, Seb, Tag, War), arang (Ifu), tambobong (Bik, ST), alang (Isn), bangan (Kap, Tag), dapa (Seb), ulobo (ST). May mga kamalig na kongkreto ang dingding at tisa ang bubong sa gilid o likod ng mga bahay-na-bato. Maituturing ding pamanang pangkultura ang ganitong kamalig. Samantala, lumiliit ang tingin dito ng modernong Filipino dahil higit niláng napagpapakuan ng pansin ang dambuhalang bodéga at warehouse at naiimbakan ng higit na samot-saring produkto ng malalaking kompanya’t pabrika. (PGD)

kamantigì Ang kamantigì ay yerbang makatas, salit-salit ang mga dahon, kulay pink ang mga bulaklak, at mahibla at hugis itlog ang mga bunga. Nakakain ang mga dahon nitó at ginagamit na pantinà ang mga bulaklak. Ang pangalang siyentipiko nito ay Impatiens balsamina, at kabilang sa pamilya ng mga halamang Balsaminaceae. Mayroon itong taas na 20-75 sentimetro, at mataba bagaman malambot ang mga tangkay. Ang mga dahon nitó ay may habang 2.5-9 sentimetro at may lapad na isa hanggang 2.5 sentimetro. Maaari rin itong mamulaklak ng kulay pulá, lila, o puîi, na may diyametrong 2.5-5 sentimetro. Madalas itong itinatanim bilang halamang ornamental o bilang palamuti sa bakuran ng mga tahanan. Ginagamit din ang kamantigì sa paggawa ng tsaa. Nagagamit naman ang iba’t ibang bahagi ng halaman upang gamutin ang ilang karamdaman at mga sakit sa balát. Nakakain ang dahon, buto at tangkay nitó kapag niluto. Ang katas mula sa mga dahon nitó’y nagpapagalíng ng kulugo at kagat ng ahas, samantalang nakapagpapalamig ng napasòng balát ang mga bulaklak nitó. Sa iba’t ibang panig ng Asia, matagal nang ginagamit ang kamantigi bilang katutubong gamot sa rayuma, balì, at pamamagâ ng mga kuko. Ang hinog na bunga nitó’y sumasabog kapag nahawakan kayâ tinatawag din ito sa Ingles na “touch me not.” (ECS) ed VSA

kamanyáng Ang kamanyáng ay mabangong balsamo na mula sa balát ng punongkahoy (Liquidambar orientalis) na gayundin ang pangalan. Tinatawag itong storax sa Ingles mula sa styrax ng Latin. Inihahalò itong pampabango sa insénso (mula sa Espanyol na incienso) na ipinansusuob sa dambana at sa maysakít. Sa ngayon, naituturing na iisa ang kamanyáng at ang insénso. Isang banal na bahagi ng misang Katoliko ang pagsusuob ng kamanyáng. Dagdag na simbolo ng kabanalan nitó ang pangyayari na isa ito sa tatlong alay ng Tatlong Hari sa sanggol na si Hesus. Ang tatlong alay ay gintô na simbolo ng yamang materyal, míra na simbolo ng pagpapakasákit, at kamanyáng na simbolo ng kabanalan. Sinasabi ngayon bilang tayutay na may “alay na kamanyáng” para sa hari o sa musa ng pagdiriwang na nais parangalan. Gayunman, ginagamit pa rin sa kanayunan bilang pansuob sa maysakít ang kamanyáng upang gumaan ang paghinga. (YA)(ed VSA)

kamátis Ang kamátis (Lycopersicum esculentum) ay yerbang karaniwang lumalaki ng 1-3 metro ang taas at may mga sangang lumalago paitaas. May pinongpinong balahibo ang punò at malalambot na sanga. May bulaklak itong dilaw at bungang bilugan ngunit iba-iba ang hugis at laki. Ang karaniwang inaalagaang kamatis ay may bungang 4-10 sentimetrong laki, mapulá kapag hinog, makinis, malaman, makatas, at maraming buto. May 7,500 varayti ng kamátis sa buong mundo. Noong 2009, umaabot sa 150 milyong tonelada ang produksiyon nitó. Pinamalaking prodyuser ang Tsina. Malaganap ito sa Filipinas, may varayting ilahas ngunit marami na ang itinatanim bilang pagkaing gulay, sahog sa ilang putahe, at sawsawan. Ang berde pa ay ginagamit sa atsara. Paboritong sawsawan ng pritong longganisa at tosino ang hiniwang kamatis na may hiniwang itlog na pulá. May ibinababaw ito sa iniin-in na kanin bago pigain sa asin o patis bilang sawsawan. Ang kamátis ay mayaman sa bitamina C at isang malakas na antioksidant. Mainaman din itong kuhanan ng ayron at posporus. May lycopene din ito at cholorogenic acid na maaaring makapagpababà sa mga panganib ng kanser. (VSA)

kamatsilé Ang kamatsilé (Pithecellobium dulce) ay isang punongkahoy na umaabot sa 18 metro ang taas, may malalabay na sanga na may maikli ngunit matalim na mga tinik. Namumulaklak ito, putî, at isang sentimetro ang diyametro. Ang bunga, na tila nakabaluktot na patani ang anyo, ay 10-16 sentimetro ang habà at isang sentimetro ang lapad. May bunga ay 6-8 buto at nababólot ng lamukot na maputî-putî at nakakain. Ang kamatsilé ay kamunsil sa Bisaya, damortis sa Iluko at monkey pod sa Ingles. Kung minsan, tinatawag itong manila tamarind dahil sa kahugis ng sampalok ang bunga. May tannin ang balát ng punò ng kamatsilé. Ang balát at ang dahon ay ginagamit ding astringent at gamot laban sa diyabetes. Ang buto ay iniulat na naglalaman ng isteroyd, saponin, phospolipid, glycoside, at polysaccharide. Mat kakatwang paniwala na nakapagdudulot ng kupal o dumi sa ari ng batàng lalaki ang pagkain ng labis na kamatsilé. (VSA)

kambíng May siyentipikong pangalan na capraaegagrushircus, ang kambíng ay inaalagaang hayop na may apat na paa, may sungay at pinong balahibo sa buong katawan. Mayroon itong parang balbas sa babà at kumakain ng sariwang damo. Ang mga domestikadong kambing ay mula sa mabangis na kambing ng timog-kanlurang Asia at silangang Europa. Ang itinuturing na katutubong kambing ay maliit at tumitimbang ng 20-30 kilo. May mga dayuhang ngayon, ngunit maituturing na pinakahiyáng sa Filipinas ang lahing Anglo-Nubian na malaki, tumitimbang ng 120 kilo, at nakapagbibigay ng 2-3 litrong gatas araw-araw, at ang lahing Saanane na karaniwang kulay putî at walang balbas, tinatawag na “reyna ng gatasang kambing” dahil nagbibigay ang inahin ng 3 litrong gatas araw-araw. Paboritong pagkain sa Kailokohan, ang karne ng kambing ay may iba’t ibang lutong putahe. Ang pinakapopular ay ang kaldereta at kilawen. Paborito ring pinagkukunan ng masarap at masustansiyang gatas ang domestikadong kambing. Pati na ang buhok at katad ay nagagawang mga damit at palamuti. Karaniwan ding inaalagaan ito sa bakuran dahil maliliit lámang ang kailangang puhunan. Hindi ito nangangailangan ng mamahaling gamit at kulungan. Matibay ang katawan ng kambing at nabubúhay sa halaman o pagkaing hindi gusto ng ibang hayop. (PGD)

kamikáze Tumutukoy ang kamikáze sa eroplanong kargado ng mga bomba at kusang pinababagsak sa isang tiyak na target, o kayâ sa piloto ng naturang eroplano. Isa itong uri ng ”suicide attack” at nangangahulugang ”banal na hangin” sa wikang Hapones. Sinimulan ito at malimit gamitin ng mga Hapones bago magsara ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa panahon ng napipintong ang pagkatalo ng kanilang Hukbong Imperyal sa mga Alyadong puwersa. Nakaugat ito sa kanilang tradisyon ng búhay samurai at kodigong Bushido: kamatayan bago ang pagsuko, pagkadakip, at kahihiyan. Napagplanuhan at ginawang isang opisyal na taktika ang kamikaze sa Filipinas, sa isang pulong ng mga opisyal na Hapones sa Clark Air Base sa Pampanga noong 19 Oktubre 1944. Kakasimula noon ng Labanang Golpong Leyte, at napagtanto ng mga Hapones ang malaking bentahe ng mga Amerikano sa bilang ng barko at eroplano. Nagpasiya si Bise Admiral Takijiro Onishi na bumuo ng isang pangkat ng mga pilotong kamikaze. Sinasabing sinambit niyang, ”Sa tingin ko, walang ibang tiyak na paraan upang itaguyod ang operasyon [na ipagtanggol ang Filipinas] kundi ang maglagay ng 250 kilogramong bomba sa isang Zero (Mitsubishi Zero, ang pangunahing fighter plane ng Japan) at ibagsak ito sa isang carrier ng Amerika, nang sa gayon ay hindi ito magamit nang isang linggo.” Ilan sa mga unang kamikaze ay naganap sa Filipinas o sa mga dagat nitó, tulad sa Labanang Golpong Leyte noong Oktubre 1944 (pagbabalik ng hukbong Amerikano sa bansa), at Labanang Golpong Lingayen noong Enero 1945 (paglusob ng hukbong Amerikano sa Luzon). Sa kabuuan ng Kampanya sa Karagatang Pasipiko ng digmaan, mahigit-kumulang 50 sasakyang-dagat ang pinalubog ng mga kamikaze. Tatlo dito ay malalaking aircraft carrier, kabilang ang USS St. Lo, na lumubog sa Golpong Leyte at siyang unang pangunahing barkong pandigma na pinalubog ng kamikaze. Halos 4,000 pilotong kamikaze naman ang nagbuwis ng búhay. (PKJ)

Mga pilotong kamikaze

kamísa de tsíno Maituturing na isa sa mga pambansang kasuotan ang kamísa de tsíno– isang pangitaas na kasuotan o kamiseta na walang kuwelyo at may mahahabàng manggas. Malinaw sa pangalan nitó na isang impluwensiya ito ng mga Tsino sa Filipinas ngunit maaaring gawa mula sa lokal o inangkat na materyales. Payak ito, may iisang kulay na kadalasan ay putî at walang disenyo. Minsan, ito ay may nakatahing bulsa sa kaliwang dibdib nito. Ang kamisa de tsino ay kadalasang itineterno sa mala-padyama na pang-ibabâng kasuotan na may kulay berde o pulá para sa mga impormal na gamit at pang-Europeo na pantalon para sa mga pormal na okasyon. Ginagamit ito ng mga Filipino bilang kasuotang pang-araw araw noong panahon ng Espanyol. Ginagamit ang kamisa de tsino bilang kasuotan sa iba’t ibang sayaw sa Filipinas, katulad ng hota, polka, habanera, kumakaret na isang sayaw para sa panliligaw, at sayaw ed tapew na bangko mula Lingayen na nagpapakita ng kariktan at liksi. Bukod sa pagiging kasuotan sa iba’t ibang sayaw, ginagamit din ang kamisa de tsino bilang panloob sa barong tagalog. (JGP)

kamóte Ang kamóte (family Convolvulaceae, genus Ipomoea) ay isang halamangugat na may lamang matamis at may talbos na iginugulay. Ang dahon nito’y hugis-puso o hugis-palad at mayroon din itong di-kalakihang bulaklak. Ang laman naman nito ay pahabâ o pabilog, may makinis na balat, at iba’t iba ang kulay gaya ng pula, lila, puti, o kulay-lupa. Ang kulay naman ng laman nito ay maaaring dilaw, kahel o lila, depende sa uri ng kamote. Ang mahabâ-habâng tangkay nito ay nagkakaroon ng ugat kapag napalapat sa lupa. Ang isang halaman nito ay maaaring magbunga ng maraming tuber. Iba’t iba ang laki, hugis, at kulay ng mga tuber ng kamote. Karaniwan itong kinakain bilang panghalili sa kanin lalo na sa probinsiya. Bukod sa madali itong tumubò, mas mura ito kaysa bigas. Dahil sa madali itong paramihin, karaniwan din itong makikita sa mga kanal o pilapil. Nangangailangan ng sapat na tubig ang kamote para ito’y mabuhay. Ang mga ligaw na kamote naman ay karaniwang ipinakakain sa mga baboy. Halos lahat ng parte ng kamote ay nakakain. Ang ugat nito ay inilalaga at isinasawsaw sa asukal o arnibal. Ang talbos nito ay ginagawang ensalada o iniluluto sa sukà at toyo na parang adobo. Ang dahon nito ay isinasáma sa mga may sabaw ng ulam gaya ng sinigang. Ang laman nito ay inilalagà o ipiniprito nang may asukal. Popular na rin ngayon ang mga tinapay na gawa sa harinang gawa sa kamote. Tinatawag din itong lapni sa Ifugao, pangg-bagun sa Sulu, tigsi sa Bisaya, at tugi sa Bontok. (ACAL) (ed GSZ)

kamóteng-káhoy Isang tuwid at mataas na halaman ang kamóteng-káhoy (Manihot esculenta Crantz sa pamilyang Europhorbiaceae), umaabot sa tatlong metro ang taas, bahagyang kahoy ang punò, may dahong 10-20 sentimetro ang habà at nahahati sa 3-7 maninipis na bahagi, at namumulaklak. Popular na tinatawag din itong kasabá (cassava) at balinghoy at inuring tapioca plant sa Ingles. Inaalagaan ito dahil sa malaki at malamang bungang-ugat at nagdudulot ng gawgaw (starch). Alternatibong pangunahing pagkaing may carbohydrates sa maraming lugar sa Asia, Afrika, at Timog Amerika ang kamoteng-kahoy. Ipinagbibili ito sa anyong arina. May cassava chips na rin ngayon na pangmeryenda. May ulat noong 2002 na umaabot sa 184 tonelada ang produksiyong pandaigdig ng kamoteng-kahoy. Maraming ilahas na varayti nitó hanggang ngayon sa kagubatan ng Timog Amerika. Ang unang pinatubò sa Filipinas ay mula sa Mexico at dinalá dito sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Madalîng patubuin ang kamoteng-kahoy. Hindi nitó kailangan ang matabâng lupa o patabâ at tumutubò kahit nakabilad sa init. Mahigpit na ipinagbibilin ang paghuhugas mabuti sa bungang-ugat upang maalis ang nakalalason nitóng katas sa balát. Hugasan muli matapos mabalatan. Sa mga nayon ng Filipinas, karaniwang inilalaga ang bungang-ugat o ginagayat at ipiniprito. (VSA)

Kampanà ng Balangíga Ang mga Kampanà ng Balangíga ay tumutukoy sa tatlong kampanang mula sa simbahan ng bayan ng Balangiga na inangkin ng mga sundalong Amerikano bílang tropeo matapos nilang tupdin ang tagubilin ni Hen. Jacob H. Smith na gawing isang “wilderness” o ilang ang Samar. Ganti ito sa halos paglipol ng mga gerilyang Filipino at residente ng nasabing bayan sa isang pangkat ng mga sundalong Amerikano na nakaestasyon sa Balangiga noong umaga ng 28 Setyembre 1901. Ang pangyayaring ito ay tinawag na “Masaker sa Balangiga.” Nang maláman ni Pangulong Theodore Roosevelt ng Estados Unidos ang nangyari sa Samar ay agad niyang iniutos ang “pagpayapa” sa probinsiya at si Hen. Smith ang naatasang gawin ito. Sa kasamaang-palad, naging malupit ang utos ng Heneral sa kaniyang mga sundalo: “Ayoko ng mga bilanggo. Gusto kong patayin ninyong lahat ang mga tao at sunugin ang buong Samar. Kung mas marami kayong mapapatay at masusunog, lalo akong masisiyahan!” May mga historyador na pinasisinungalingan ang pananaw na umatake ang mga Filipino sa grupo ng mga Amerikano sa Balangiga nang walang dahilan. Ang ugat ng kanilang galit ay ang kautusan ni Kapitan Thomas Connell na sapilitang linisin ang paligid gamit ang lahat ng mahahagilap na kalalakihan, ang pagkulong sa mga tagalinis, ang pagkumpiska sa mga pagkain ng mga Balangigenyo at ang pagbawal sa paglabas ng mga residente sa bayan nang walang pahintulot mula sa mga Amerikano. Ang masamâ pa dito, ipinakulong ni Connell ang mga naging trabahador nang ilang araw nang walang sapat na pagkain at tubig. Naging salik din ang pagkumpiska at pagsunog ng mga Amerikano sa mga bigas at pagkain ng mga residente. Sa kasalukuyan, ang dalawa sa tatlong kampana ay nakalagay sa isang trophy park sa base militar sa Cheyenne, Wyoming sa Estados Unidos. Ang pangatlong kampana ay nása Camp Red Cloud, isang base militar ng mga Amerikano sa South Korea. Simula noong kalagitnaan ng dekada 1990, kumilos ang mga Filipinong mambabatas, pinunò ng simbahan, ilang opisyal ng pamahalaan at pribadong mamamayan para maibalik ang mga kampana sa orihinal nitóng pinagmulan. Ngunit hanggang ngayon, bigo ang lahat ng mga pagsisikap na ito. (MBL) (ed GSZ)

Kampanà ng Simbáhang Panáy Ang Kampanà ng Simbáhang Panáy, o kilalá bilang ”Dakong Lingganay” (”malaking kampana”) ang pinakamalaking batingaw sa buong Filipinas at Asia. Matatagpuan ito sa tore ng Simbahang Panay (o Panay) sa bayan ng Panay, lalawigan ng Capiz, rehiyong Kanlurang Visayas. Kilalá din ang simbahan bilang Simbahan ng Parokya ng Santa Monica, na siyáng isa sa pinakamatandang simbahan sa isla ng Panay. Ang kasalukuyang gusali ay itinayô noong 1884, ngunit itinayô ang unang simbahan noong 1774. Noong 1878, sinasabing ikinomisyon ng kura paroko ng simbahan, si Fray Jose Beloso, ang isang Don Juan Reina upang magpagawa ng isang kampana, na nabuo mula sa nilusaw na pitumpung sako ng barya na ibinigay ng taumbayan. May lapad itong pitóng talampakan, taas na limang talampakan, at bigat na 10.4 tonelada. Kasiyang-kasiya ang isang tao sa bunganga at loob ng kampana. Kasama nitó sa tore ang ilan pang mas maliliit na batingaw, at isang replika ang nakadispley sa munting parke sa labas ng simbahan. Ito ang nililok na mga salita sa mukha ng kampana: SOY LA VOZ DE DIOS QUE LLEVARE Y ENSALAZARE DES DE EL PRINCIPIO HASTA EL FIN DE ESTE PUEBLO DE PANAY PARAQUE LOS FIELES DE JESUCRISTO VENGAN A ESTA CASA DE DIOS A RECIBIR LAS GRACIAS CELESTIALES Noong 1997, ipinahayag ng National Historical Institute ang simbahan bilang Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan (National Historical Landmark). Noong 2011, ipinahayag Pambansang Museo ang simbahan bilang Pambansang Yamang Pangkalinangan (National Cultural Treasure). (PKJ) Ed VSA

kuha ni Phillip Kimpo, Jr.

kampílan Isang sinaunang mahabàng patalim ang kampílan. May habà itong 89-102 sentimetro at tradisyonal na sandata ng mga Muslim na Magindanaw at Mëranaw. Makitid sa punò at lumalapad sa dulo ang talim nitó, bukod sa pahilis ang dulong talim. May kaakibat na sining ang paggawa ng sundi o puluhan ng kampílan. Pinasimpleng sundi ang yari sa kahoy na banati at may pabitin sa dulo na balahibo ng hayop. May sundi na yari sa matibay na naga o mulawin at hugis bunganga ng buwaya ang dulo. Ang hugis buwaya ay ipinaliliwanag sa pangyayaring ang karamihan sa mga datu ng Maginadanaw ay mula sa Buayan (na “dakilang buwaya” ang ibig sabihin). Karaniwang dalawang kamay ang ginagamit sa paghawak ng sandatang ito. May paniwala na mutya ng mga sandata ang kampílan at nagbibigay ito ng magandang kapalaran sa may-aring mandirigma. May paniwala na ipinakilála ang kampilan ng Propetang si Muhammad kay Sharif Kabungsuan, ang kinikilálang tagapagtatag ng sultanatong Magindanaw. Kapag sinuri din ang de-kahong larawan ni Lapulapu, isang kampílan ang pumatay kay Magallanes sa Mactan. Sa mga dakilang pinunò ng Magindanaw, laging inilalarawan si Sultan Kudarat na may hawak na kampiílan. (GCA)(ed VSA)

Kámpo Aguinaldo Ang Kampo Aguinaldo (a•gi•nál•do, Camp Aguinaldo sa Ingles) ang pambansang headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na matatagpuan sa Epifanio de los Santos Avenue, Lungsod Quezon, Metro Manila. Katapat nito ang Kampo Aguinaldo, ang pambansang headquarters ng Philippine National Police (PNP). Ipinangalan ito kay Heneral at Pangulong Emilio Aguinaldo. Noong 1935, bumili ang pamahalaan ng Filipinas ng lupa sa New Manila Heights (na magiging bahagi ng Lungsod Quezon sa hinaharap), at pagkaraan ng ilang taon ay naging tahanan ito ng mga gusali at pasilidad ng mga sangay ng hukbong sandatahan ng Filipinas. Tinawag itong Camp Murphy bilang pagkilala sa unang Amerikanong high commissioner na si Frank Murphy. May lawak na 178.78 ektarya ang kampo; 152.52 ektarya nito ang binili ng pamahalaan samantalang 26.26 ektarya ang ibinigay ng Ortigas and Co. Partnership Ltd. Ang Philippine Constabulary General Service Battalion ang unang gumamit ng kampo noong 1935. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hinati ang Camp Murphy sa dalawa, ang Kampo Aguinaldo at ang Kampo Crame. Ang ilang runway ng paliparang Zablan Field ng dating Camp Murphy ang pinaglatagan ng White Plains Avenue at bahagi ng Katipunan Avenue. Sa kasalukyan, matatagpuan malapit sa isang geyt ng kampo ang People Power Monument. Naging saksi ang Kampo Aguinaldo at ang kakambal nitong Kampo Crame sa People Power Revolution (EDSA I), kung kailan bumaliktad sina Heneral Fidel V. Ramos, Ministro Juan Ponce Enrile, at mga naghimagsik na sundalo laban sa rehimeng Marcos. Noong 1989 sa panunungkulan ni Pangulong Corazon Aquino, nakubkob ng mga nagkukudetang sundalo ang bahagi ng kampo, na siya ring binomba ng mga helicopter at eroplanong pandigma. (PKJ)

Kámpo Crame Ang Kampo Crame (krá•me, Camp Crame sa Ingles) ang pambansang headquarters ng Philippine National Police (PNP) na matatagpuan sa Epifanio de los Santos Avenue, Lungsod Quezon, Metro Manila. Dati itong luklukan ng Philippine Constabulary at bahagi ng dating Kampo Murphy bago ito hinati sa dalawa—ang Crame at katapat nitong Kampo Aguinaldo, ang pambansang headquarters ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ipinangalan ito kay Heneral Rafael Crame, ang unang Filipino na namuno ng kapulisan ng bansa. Noong 1935, bumili ang pamahalaan ng Filipinas ng lupa sa New Manila Heights (na magiging bahagi ng Lungsod Quezon sa hinaharap), at pagkaraan ng ilang taon ay naging tahanan ito ng mga gusali at pasilidad ng mga sangay ng hukbong sandatahan ng Filipinas. Isa sa mga sangay nito ang dating Philippine Constabulary. Ang lupain ang nagsilbing pook ng kasalukuyang Kampo Aguinaldo (dating Kampo Murphy) at Kampo Crame. May lawak itong mahigit-kumulang apat na ektarya. Naging mahalaga ang kampo noong People Power Revolution (EDSA I) nang maging tanggulan nina Heneral Fidel V. Ramos at mga naghihimagsik na sundalo na tinalikdan ang rehimeng Marcos. Noong 2011, ipinahayag ang Kampo Crame bilang isang makasaysayang pook ng National Historical Commission. (PKJ)

kamuníng Ang kamuníng (Murraya paniculata) ay isang punongkahoy na may matigas at dilaw na kahoy at lumalaki nang mula tatlo hanggang walong metro ang taas. Ang dahon nito ay hugis peras, kulay berde, makintab, at may habàng 8-15 sentimetro. Namumulaklak ito sa buong taon ng mga puti at mahalimuyak na bulaklak. May bunga rin ito, malamán, hugis itlog o patulis, at may habàng 1-1.5 sentimetro. Ang kamuning ay nangangailangan ng sapat na araw at mamasâ-masâng lupa para mabuhay ito nang maayos. Dahil mabilis itong lumaki, kailangan itong palaging gupitan upang mapanatili ang magandang anyo nito. May dalawang paraan ng pagpaparami ng kamuning. Una, ang paggamit ng buto na daraan sa tatlong proseso: paghahanda ng buto, pagpapasibol ng buto, at paglilipat nito sa lupa. Pangalawa, ang paggamit ng pinutol na sanga (stem cutting) ng kamuning. Ang isang bahagi ng pinutol na sanga ay kukulubin upang mapabilis ang pagpaparami ng ugat nito bago ito itanim. Ang kamuning ay tinatawag ding banasik o banaasi (Iloko), banaot (Sambali), banasi (Bikol, Ibanag), banati (Cebu Bisaya, Bukidnon, Maguindanao, Manobo) at kamuning (Tagalog, Bikol, Pampango). (ACAL) (ed GSZ)

kámya Halamang namumulaklak ang kámya (Hedychium coronarium Koenig sa pamilyang Zingiberaceae), tumutubò sa matubig na pook sa tabi ng kanal o batis, at inaalagaan dahil sa mahalimuyak na putîng bulaklak. Tinatawag din itong gandasuli sa mga pook Muslim, banay at katkatan sa Bisaya at ginger lily sa Ingles. Katutubo ito sa India ngunit matagal nang pumasok sa Mindanao. Ang kámya ay isang tuwid na palumpong, umaabot sa 1.5 metro ang taas, makinis at mahabà ang dahon na tumutulis sa dulo, at may mga lungtiang tila-tangkay (bract) na sinusuplingan ng kumpol na 2-3 bulaklak. Ang mga palukong na talulot ng bulaklak ay putî na manilaw-nilaw sa gitna, 4-5 sentimetro ang habà, at napakabango lalo na sa gabi. Ginagawa itong bahagi ng pumpong pang-alay o korona para sa patay. Mapapansin din ngayong ipinapalit ito sa ilang-ilang na palawit ng itinitindang mga kuwintas ng sampagita. (VSA)

kamyás Ang kamyás (Averrhoa bilimbi L.) ay isang maliit na punò na may taas na 5-12 metro. Maliliit ang mga dahon nitó na nása dalawang gilid ng mga tangkay. Ang dahon ay pahabâ at may sukat na 5-10 sentimetro. Ang mga mabalahibong bulaklak ng kamyas ay lumalabas sa punò at sa mga malaking sanga ay may habàng 1.5 sentimetro at may mahalimuyak na amoy. Ang bunga naman nitó ay kulay berde, malambot, at maasim sa panlasa. Sa Filipinas, kalimitan itong nakikita sa bakuran ng mga bahay. Ang bunga ay ginagamit na pampalasa sa mga lutuin na nangangailangan ng maasim na lasa. Ang maasim na prutas ay ginagamit din sa mga sopas at sa pagluluto ng isda na kung tawagin ay pinangat— iniaayos ang mga isda sa ibabaw ng kamyas at nilalagyan ng kaunting tubig at asin, at lulutuin hanggang sa matuyo. Maaari din itong maging panghimagas sa pamamagitan ng pagpapatuyo ng prutas nitó sa ilalim ng araw at sakâ lulutuin sa asukal. Ginagamit din itong pang-alis ng mga mantsa sa damit pati na ng mga kalawang sa mga talim na gawa sa metal. Ang kamyás ay isang tropikong punò. Maganda ang tubò nitó sa mga matatabâ at tuyong lupa. Nabubuhay ito sa lugar na may kalat-kalat na pag-ulan ngunit may 2-3 buwang tag-init. Sa ibang parte ng Filipinas tinatawag ang kamyas na iba, kolonanas, kalamyas, kalingiwa, kiling-iba, piyas, at puwis. (ACAL)

kanaway Ang kanawáy ay migratoryong ibon mula sa magkalapit na family na Laridae (gull) at Sternidae (tern). Parehong polyphyletic ang dalawang family, ibig sabihin, iba’t ibang genus ang bumubuo sa mga ito. Nagpupunta sa Filipinas ang mga migratoryong ibon na ito upang magpainit at umiwas sa napakalamig na panahon sa Antartika, Europa, at ibang bahagi ng mundo. Ang mga Laridae ay madalas na kulay puti o abo at nagtataglay ng itim na marka sa kanilang ulo o pakpak. Mayroon itong mahabàng tuka at may lamad sa pagitan ng mga daliri sa paa. Binubuo nitó ang pugad sa mabababàng lugar. Sama-samang naninirahan ang mga ito sa mga baybayin at kinakain ang ilang lamáng-dagat, tulad ng maliliit na isda at mga alimango. Ang mga Sternidae naman ay madalas na may kulay putî o abuhing pakpak at nagtataglay ng itim na marka sa ulo. Mayroon itong mahabàng tuka at may lamad sa pagitan ng mga daliri sa paa. Mas magaan ito, may mas mahabang buntot, at mas maninipis na pakpak kompara sa mga Laridae. Ang mga nása genus Sterna ay may mas kapansin-pansing nagsangang buntot kaysa mga Chlidonias at Larosterna na bahagya lámang nagsasanga ang buntot; hábang ang genera Anous, Procelsterna, at Gygis o ang mga noddy ay may tila ginatgat na buntot. Karamihan sa mga kanaway ay sumisisid ng kakaining isda hábang ang ilan ay tumutuka ng insekto sa ibabaw ng tubig tabáng. Sama-sama din itong naninirahan sa mga baybayin. Ang mga uri ng kanaway na matatagpuan sa bansa ay ang Chroicocephalus ridibundus (black-headed gull), Larus argentatus (herring gull), Chlidonias leucoptera (white-winged black tern), Chlidonias hybridus (whiskered tern), Gelochelidon nilotica (gull-billed tern), Hydroprogne caspia (Caspian tern), Sternula albifrons (little tern), Sterna sumatrana (blacknaped tern), Sterna hirundo (black billed common tern), Sterna dougallii (roseate tern), Sterna fuscata (sooty tern), Sterna anaethetus (brownwinged tern), Sterna bergii (crested tern), Sterna zimmermanni (chinese crested tern), Anous minutus (black noddy), at Anous stolidus (brown noddy). (KLL)

kandulì Ang kandulì ay isda na kabílang sa pamilya Ariidae. Matatagpuan ang isdang ito sa tropiko at mga lugar na maiinit at sa tubig alat at tabang. Maraming uri ng kandulì pero pinakamarami ang nása grupo ng Arius. Sa katunayan, katutubo sa Filipinas ang Arius manillensis. Makinis ang kalasag sa ulo sa harapan ng kandulì samantalang may maliliit na hanay ng butil at makunot naman sa hulihan. May malaking itim na batik ang mataba nitóng palikpik at may hibla sa dulo ang tinik sa likod. May mga kandulì rin na makamandag ang matigas na tinik sa likod at dibdib. Nagsisilbi itong proteksiyon laban sa mga kaaway. May karaniwang habàng 30 sentimetro ang isang kandulì at ang pinakamalaking naitalâ ay umabot sa 80 sentimetro. Makikita ang isdang ito sa mga lugar ng kanlurang Indo-Pasipiko, mula India hanggang sa mga karatig bansa ng Pakistan, Bangladesh, at Myanmar, at dagat sa timog bahagi ng Tsina. Naglalagi ang kandulì sa mga baybayin, estuwaryo, ilog, at maalat-alat na tubig. Hinuhúli ang kandulì sa pamamagitan ng basnig, bingwit, at bitag. Ipinagbibili ang isdang ito nang sariwa at kinahihiligang kainin dahil sa malasa nitóng laman. Sa Filipinas, kilalá ang Lawang Laguna na tirahan ng iba’t ibang uri ng kandulì. Subalit sa nakalipas na mga taon, unti-unting lumiliit ang populasyon nitó dahil sa pagbabâ ng kalidad ng tubig at malawakang paggamit ng pukot. (MA) (ed VSA)

kandurô Ang kandurô (Gallinago gallinago) o common snipe ay ibon na kabilang sa angkan ng may mahahabàng tuka. Katamtaman ang laki nitó, humahabà ang katawan nang 25-27 sentimetro at ang pakpak nang 44-47 sentimetro. Mayroong itong maiikli, kulay abuhing lungting binti at may mahabàng itim na tuka. Ang katawan ay kulay kayumanggi, may manila-nilaw na guhit sa likod, at putî ang tiyan. Itim ang guhit sa matá na may mga putîng guhit sa ibabaw at itaas nitó. May papatulis itong mga pakpak. Mapagkubli at mahiyain, madalas itong nagtatago sa mga patag na lugar. Kapag natakot, lumilikha ito ng matinis na tunog at lumilipad palayo nang pazigzag upang lituhin ang kalaban. Naghahanap ito ng pagkain sa mga putikan. Karaniwang kumakain ng insekto, bulate, at ilang halaman. Nanliligaw ang lalaking ibon sa pamamagitan nang mataas na paglipad at pag-ikot sa hangin, at mabababàng bulusok na lumilikha ng tila tambol na tunog mula sa mga balahibo sa buntot nitó. Ang pugad nitó ay mahusay na nakatago sa isang patag na lugar. Ang itlog ay matingkad na olibo ang kulay na mayroong batik na kayumanggi, pinaiinitan ng babae nang 18 hanggang 21 araw. Ang bagong pisâng kanduro ay mamulá-mulá at mayroong marka ng itim, putî, at mapusyaw na dilaw. Katutubo ito sa mga rehiyon ng Aprika, Asia, at Europa. Nagpaparami ito sa mga latian, tundra, at basâng parang sa hilagang Europa at hilagang Asia at dumarayo tuwing taglamig sa timog at kanlurang Europa at Aprika at timog-silangang Asia. (KLL)

kangkóng Ang kangkóng (Ipomoea aquatic) ay isang halaman na puwedeng pantubig at pangkatihan. Itinatanim ito para sa mga dahon at sanga. Kilalá ito sa wikang Ingles sa pangalang Water Spinach, Water Morning Glory, Water Convolvulus, o sa hindi maliwanag na pangalang “Chinese spinach” at “swamp cabbage.” Sa ibang wika, may iba’t ibang tawag sa halamang ito, tulad ng Phak bung sa Thailand. Matatagpuan ito sa lahat ng tropiko at subtropikong rehiyon sa mundo. Hindi malinaw kung saan ito nagmula. May sukat na 2-3 metro (7-10 piye) o higit pa ang katawan nitó, hungkag, at maaaring lumutang sa tubig. Ang mga dahon nitó ay hugis palaso, 5-15 sentimetro (2-6 pulgada) ang habà at 2-8 sentimetro (0.8-3 pulgada) ang lapad. Ang mga bulaklak ay nagbibigay ng buto na maaaring gamiting pantanim. Dahil madalî itong dumami sa mga daanan ng tubig at dahil hindi ito nangangailangan ng maselang atensiyon at pangangalaga, ekstensibo o malawak ang paggamit ng halamang ito sa lutuin. Karaniwang iginigisa ang kangkóng sa mantika, bawang at sibuyas, at nilalagyan ng sukà at toyo. Tinatawag to na “adobong kangkóng.” Karaniwan ding ginagamit ang kangkong bilang pansahog sa luto ng isda o karne sa sinigang. Mayroong pampaganang pagkain na kung tawagin ay “crispy kangkong,” ang kangkóng ay iniluluto sa mantekilya o margarina hanggang maging malutong at magkulay ginintuang kayumanggi. (SSC) (ed VSA)

kanyáw Ang kanyáw ay salitang Ilokano na ginagamit ngayon upang tukuyin ang malaking pista o pagdiriwang na idinaraos sa iba’t ibang okasyon ng mga katutubo sa rehiyong Cordillera, tulad ng mga Ibaloy, Kankana-ey, at Bontok. Hindi ito ang orihinal na kahulugan ng salita. Noong panahong Espanyol, kanyaw ang tawag sa mga kaugalian ng mga grupong diKristiyano sa kalahatan. Sa pagdaraan ng panahon, kumitid ang kahulugan nito hanggang sa maging katawagan sa mga tradisyonal na pagdiriwang na tinatampukan ng mga katutubong sayaw, musika, at ritwal sa rehiyong bulubundukin ng Hilagang Luzon. Ang kanyaw ay karaniwang tumutukoy sa malalaking pista lamang na dinadaluhan ng maraming tao. Sa mga pistang ito, nagkakatay ng mga baboy, manok, baka o kalabaw. Inilalaga ang mga ito at inihahain kasama ang nilagang kamote at gabe. Hindi nawawala sa mga kanyaw ang tapuy, ang katutubong alak na gawa sa bigas. Nagkakantahan at nagsasayawan ang mga bisita. Marami sa kanila ang nakasuot ng katutubong damit. Ang mga ritwal na isinasagawa sa kanyaw ay depende sa okasyon. Maaaring ritwal ito ng pasasalamat, tulad ng sa kanyaw pagkatapos ng anihan. Kung kanyaw sa kasal, ritwal upang magkaroon ng maalwang buhay ang bagong-kasal. Kung kanyaw naman pagkatapos ng libing, ritwal para sa espiritu ng yumao. Maaaring tumagal ang kanyaw nang isang araw hanggang isang linggo batay sa kahalagahan ng pagdiriwang. Ang pinakamahaba at pinakamarangyang kanyaw, tulad ng peshit ng Ibaloy at pechen ng Bontok, ay yaong idinaraos ng mga pinakamariwasang angkan para mapanatili’t mapatatag nila ang kanilang prestihiyo at awtoridad sa kanilang lugar. Sa kasalukuyan, kanyaw din ang tawag sa mga selebrasyong nagtatampok sa katutubong kultura ng Cordillera na idinaraos ng mga ahensiya ng gobyerno para sa mga turista. Sa ibang bansa, kapag may tradisyonal na pagdiriwang ang mga taga-Cordillera, sinasabi rin nilang sila ay nagkakanyaw. (DLT) (ed GSZ)

káong Isang uri ng palma ang káong (arenga pinnata), sugar palm sa Ingles, at nag-iisa ang punò kung tumubò. Matagpuan ang ilahas na káong sa mga pook na tropikal mulang India hanggang Filipinas. Natural na tumutubò ito sa tabing-ilog. Ang bilugang bunga nitó na káong din ang tawag ay ginagawang minatamis at popular na halò sa haluhalo. Ang katas ng lalaking bulaklak ay nagiging tubâ. Ang himaymay ng punò ay ginagamit na sapin o kutson. Ang itim na himaymay, na tinatawag na kabonegro at yumót, ay ginagawang lubid. Kapag ang punò ay mahigit 30 taóng gulang na o malapit nang mamatay, pinupulak ito at kinukuha ang sagó, ang panloob na bahagi ng punò. Bawat punó ay nakukunan ng 100-150 kilogramo ng sago. Dahil sa naturang mga produkto, magandang magpataniman ng káong. Ang isang problema, matagal bago ito maging produktibo. Sinasabing 10-16 taón ang kailangan bago ito pakinabangan. Bukod pa, maikli ang panahon ng pamumulaklak at pamumunga nitó (30 taón). Kulang din sa impormasyon kung paano ito alagaan at pagkakitahan. (VSA)

kapatágan Ang kapatágan ay isang malawak na lupaing-pátag (flatland). Tinatawag itong plain sa Ingles at tulad ng lambak o valley na isa ring lupaing-pátag. Naiiba ito sa lambak dahil hindi naliligid ng bundok. Matabâ ang lupa dito kayâ angkop ito sa pagsasaka at pagtatanim ng palay, tubó, punòng nagbibigay ng prutas, at iba pang halamang-gulay. Madalî ding magtayô ng tahanan at manirahan sa kapatágan kaysa ibang lugar, madalîng latagan ng lansangan at ibang impraestruktura, at higit na mabilis ang komunikasyon at transporasyon. Kayâ karaniwang matatagpuan dito ang malaking bilang populasyon at mga lungsod. Ang kapatágan sa Rehiyon III na mas kilala bilang Gitnang Luzon ang itinuturing na pinakamalaking kapatagan sa Filipinas. Sa katunayan, ang Gitnang Luzon ay tinatawag din na “Rice Bowl of the Philippines” sapagkat dito nanggagaling ang malaking porsiyento ng produksiyon ng palay sa buong bansa. Ang Rehiyon III ay kinabibilangan ng mga probinsiya ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales. May kapatágan din sa loob ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon. Bukod sa palay, narito ang malalawak na taniman ng niyog, kape, pinya, dalandan, at mais. Sagana naman sa abaka, papaya, mangga, tubó, at gulay ang ibang kapatágan sa Negros, Cotabato, Davao, Cebu, at Iloilo. (IPC)

kapé Punongkahoy (Caffea spp.) na tumataas nang 3.5 metro, biluhabâ ang mga berdeng dahon na makintab at patulís ang dulo. Putî ang bulaklak nitó at halos bilóg ang bunga na kulay pula kapag hinog na. Kapé din ang tawag sa bunga na ginigiling at ginagawang inumin. May iba’t ibang uri ang kapé sa bansa, gaya ng C. arabica, C. robusta, C. excelsa, C. liberica, C. amphora, at C. ugandae. Sa mga ito, pinakamabango ang arabica. Ang mga butil ng hinog na kapé ay pinatutuyo, ibinubusa, ginigiling, at inilalaga upang inumin. Popular ang Batangas sa liberica na tinatawag na “kapéng baráko.” Ngunit kakompetensiya na ngayon ang kapeng arabica mula Cordillera. Nakakatuwa ang bunga ng komersiyalismo sa kapé. May mumurahin at nakapaketeng instant coffee para sa nagmamadalî: ang kapé sa ordinaryong kapeterya ng masa. Ngunit may mamahaling brewed coffee o banyagang blended coffee sa pamburges na coffee shop. Dinalá mulang Mexico noong 1749 ng isang Pransiskano ang kapé sa Lipa, Batangas. Hindi nagluwat ay nagkaroon ng malaking pataniman ng kapé sa Lipa at karatig pook. Gayunman, sinira ng pesteng bagombong ang mga punò ng kapé nitóng magtatapos ang ika-19 siglo. Ang robusta ang lumitaw na pinakamatibay laban sa peste. Sa ulat noong 2005-2006, robusta ang 71% ng produksiyon sa buong bansa, 20% ang arabica, 8% amg excelsa, at 1% ang liberica. (EGN) (VSA)

kapís Ang kapís ay panlabas na takupis o matigas na balát ng talaba na kapís (placuna placenta) din ang karaniwang tawag sa wikang Kapampangan, Hiligaynon, Iloko, Tagalog, at Waray. May tumatawag ding “kalantipay.” Natatagpuan ang kapís na nakakalat sa mga tubigan sa gilid ng baybayin sa buong Filipinas. Gayunman, sinasabing sagana nito ang baybayin ng Capiz, Panay kayâ naging gayon ang pangalan ng lalawigan. (May bersiyon na ang kabaligtaran ang naganap; ang talaba ang isinunod sa pangalan ng pook.) Sa Ingles, tinatawag itong windowpane oyster dahil ginagamit na vidrio ng bintana kapalit ng salamin. Ang vidrio ay nakakuwadrong mga partisyon ng bintana. Salamin ang ginagamit sa Kanluran upang makapagdulot ng liwanag sa loob ng silid kahit nakapinid ang bintana. Naging paboritong kapalit ng salamin ang kapís dahil mabisà nitóng napaglalagos ang liwanag mula sa labas samantalang hindi naman masisilip ang nása likod ng bintana mula sa labas. Hinuhubog ang kapís sa mga kuwadradong piraso, iniipit sa kuwadrong kahoy, at ginamit na partisyon ng bintana sa mga bahay-nabato at kumbento noong panahon ng Espanyol. Ngayon, bukod sa vidrio ay hinuhubog din ang kapís upang maging takip ng lampara, pabitin ng kandelabra, at iba pang pandekorasyon. (GCA)(ed VSA)

Kapisánan ng mga Brodkáster ng Pilipínas Organisasyon na binubuo ng mga may-ari at opereytor ng mga estasyon ng radyo at telebisyon ang Kapisánan ng mga Brodkáster ng Pilipinas (KBP). Layon nitó na maitaas ang mga pamantayang propesyonal at etikal ng brodkasting sa Filipinas, isulong ang responsabilidad sa lipunan ng brodkasting, tumulong sa pagpapaunlad ng industriya ng brodkasting, at pangalagaan ang mga karapatan at interes ng mga brodkaster sa pamamagitan ng mga seminar, kumperensiya, at katulad. Nagpapatupad ang KBP ng mga programa at proyektong tulad ng ipinaiiral nitóng Code of Conduct ng mga estasyon ng radyo at telebisyon, saliksik sa radyo, pakikipag-ugnayan sa mga tanggapan ng gobyerno at sa iba pang mga organisasyon, at pagkakaloob ng gantimpala upang maitaas ang mga pamantayang teknikal sa brodkast, mapahusay ang serbisyo publiko, at maparangalan ang mahuhusay na anawnser at programa. Binabantayan nitó ang mga miyembrong estasyon ng radyo at telebisyon at tinitiyak na tinutupad ng mga ito ang tuntunin ng responsableng brodkasting. Halimbawa, kaugnay ng hostage crisis sa Maynila noong Agosto 2010, pinagmulta ng KBP ang mga estasyon ng radyo at telebisyon na napatunayang lumabag sa mga pamantayang itinakda ng organisasyon. (AEB) (ed VSA)

Kapisanang Ilaw at Panitik Ang Kapisánang Ilaw at Panítik ay isang samahang pampanitikan na naitatag noong bungad ng siglo 20. Ang “ilaw” sa pangalan ay sagisag ng pananalig sa sarili at katutubong kakayahan hábang ang “panitik” ay nakabatay sa paniwalang makabuluhan ang pagsulat para sa tao at sa bayan. Tulad ng mga kasabay na samahan, aktibo ang Kapisanang Ilaw at Panitik sa pulong tuwing linggo at nag-aambag sa pagpapalusog ng takbo ng pagsusulat noong panahong iyon. Mahalaga din ang naging papel ng samahan sa pagsusulong ng Tagalog bilang wikang pambansa. Naging mahigpit itong katunggali ng isa pang naunang samahan, Aklatang Bayan, na binubuo ng nakatatanda at sikat na mga manunulat. Naging popular ang Kapisanang Ilaw at Panitik dahil mga kasapi nitó ang binansagang Cuarteto na binubuo nina Jose Corazon de Jesus, Cirio H. Panganiban, Deogracias A. Rosario, at Teo E. Gener. Si D.A.Rosario ay editor ng diyaryo at bantog na kuwentista. Itinuturing siyá ngayong “Ama ng Makabagong Maikling Kuwentong Tagalog.” Sina J.C. de Jesus at C.H. Panganiban ay mga tinitingalang makata ng bansa. Napakapopular ng kolum na patula, ang “Buhay Maynila,” ni J.C. de Jesus at itinanghal siyáng unang hari ng Balagtasan. May naniniwalang siyá ang pinakadakilang makata ng unang hati ng ika-20 siglo. T.E. Gener ay isang peryodista at editor. Sumulat siyá ng isang aklat hinggil sa mga tuntunin ng tugma at sukat. Hinahangaan ang mga manunulat sa panahong ito dahil sa kanilang makabayan at kontra-kolonyalistang simulain sa pagsulat. (KLL)

Sa isang piknik ng samahan

Kapisánang Panitikán Isang rebeldeng kapisanan ng kabataang manunulat noong panahon ng Amerikano ang Kapisánang Panitikán laban sa patuloy na pananaig ng mga establisado’t nakatatandang manunulat na humahawak sa mga publikasyon. Itinatag ito noong 1935 sa tahanan sa Santa Cruz, Maynila ni Alejandro G. Abadilla, ang itinuturing na “Ama ng Modernistang pagtula sa Tagalog.” Nahalal na pangulong tagapagtatag si Clodualdo del Mundo. Kasáma niláng tagapagtatag sina Teodoro Agoncillo, Brigido Batungbakal, Epifanio Matute, Salvador Barros, at iba pang kabataan noon. Nadagdag si Genoveva Edroza na naging asawa ni E. Matute. Patuloy nitóng naakit hanggang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang mga tulad nina Manuel Principe Bautista, Manuel Car. Santiago, at Anacleto I. Dizon. Ipinagmalaki itong samahang “sakdalista at aristokrata” ni Salvador Barros upang ibandila ang mapanghimagsik na adhikang pampanitikan ng mga Panitikero (tawag sa kasapi). Bukod sa ginawang kontrobersiyal na pamimilì ni A.G. Abadilla ng mga natatanging tula at kuwento sa Talaang Ginto ay naglabas mismo ang mga Panitikero ng mga akdang eksperimental, lalo na sa pamamagitan ni Barros na editor noon ng seksiyong pampanitikan sa isang malaking pahayagan. Nag-umpisa din silá ng isang serye ng panayam pampanitikan at tinuligsa ang mga akda ng katandaan, gaya ng Banaag at Sikat ni Lope K. Santos. Noong 2 Marso 1940, nagdaos silá ng “Sunog sa Moriones,” ang unang demostrasyong pampanitikan sa Filipinas. Sa pamamagitan ng isang sigâ sa Plaza Moriones, Tundo, Maynila ay “sinunog” nilá ang simbolikong mga kopya ng mga akda’t librong sinulat ng katandaang manunulat. Ang mga kabataang manunulat noon ay produkto na ng edukasyong napapatnubayan ng Amerikanisasyon. Sa gayon, hindi na silá nasisiyahan sa ipinalalagay niláng bilangguan ng tugma’t súkat at tradisyon sang-ayon sa diwa ng “Balagtasísmo” (tingnan sa Aklátang Báyan) at higit na nais niláng sumunod sa makabagong modelo ng pagsulat mulang Kanluran. Ang halimbawa ng diwang mapanghimagsik ni A.G. Abadilla at mga Panitikero ang sinundan at nagdulot ng malaking pagbabago sa panitikang Filipino nitóng dekada 60. (VSA)

kapitólyo Mula sa Espanyol na capitollo, maaaring tumukoy ang kapitólyo sa (1) pinakamahalagang bayan o lungsod sa bansa o rehiyon, na siyang karaniwang sentrong pampamahalaan at pangkalakal, at tinatawag ding kabesera; o (2) ang gusaling panlalawigan. Ilang halimbawa ng unang depinisyon ang Maynila bilang kabesera ng bansang Filipinas, Dumaguete bilang kabesera ng lalawigan ng Negros Oriental, at Marawi bilang kabesera ng Lanao del Sur. Sa ikalawang depinisyon, madalas nagtutugma ang lokasyon ng gusaling kapitolyo ng isang lalawigan sa pook na sentrong pampolitika at pangkabuhayan. Sa kasaysayan ng Filipinas, unang naging kapitolyo ng bansa ang Intramuros dahil dito namalagi si Miguel Lopez de Legazpi bilang administrador o unang gobernador-heneral ng kolonya ng Espanya sa dakong ito ng mundo. Nang lumaon, ang Malacañang ang naging tahanan ng mga gobernador-heneral na Espanyol, na ipinagpatuloy ng mga mananakop na Amerikano, at ipinamana sa mga pangulo ng Republika ng Filipinas. Halos natural samakatwid na ituring ang Maynila bilang ulong lungsod at kapitolyo ng Filipinas. Samantala, nabuo ang mga kapitolyo sa mga kabesera ng unang probinsiya sa panahon ng Espanyol. Tinawag na alkaldíya (alcaldia) ang pangangasiwa ng mga lalawigan at alkálde-mayór ang mga hinirang na gobernador. Sa panahon ng Amerikano tinawag na governor o gobernador ang mga tagapangasiwa ng probinsiya. Nakatira ang administrador sa kapitolyo na isang gusali o mga gusaling kinalalagyan ng mga opisina ng pamahalaan. Malimit ding nása isang tampok na pook ang kapitolyo bukod sa magiging sentro ng nabuong mga kabeserang lungsod sa mga lalawigan. May mga kapitolyo ngayong itinatatag sa isang pook na nása labas ng masikip at magulong kabesera. (PKJ) ed VSA

kuha ni Phillip Kimpo, Jr.

kápok Isang mataas na punongkahoy ang kápok (Ceiba pentandra Linn.) at tinatawag ding búlak, buboy, at balyos sa Katagalugan, daldol sa Bisaya, kulak sa Iluko. White silk cotton tree ang tawag sa Ingles. Tumataas ito ng 150 talampakan at tila tore sa piling ng ibang mga punongkahoy sa kagubatan. Ang tuwid na punò ay silindriko, makinis, abuhin ang kulay, at umaabot sa siyam na talampakan ang diyametro. May malalaking tinik ito upang protektahan ang punò sa anumang pinsala at may mga plangkang nagsisilbing tukod sa punongkahoy. Ang mga sanga ay anda-andanang lumalabay nang orisontal. May bulaklak itong naglalaro ang kulay sa putî at pink na sinusulputan ng bungang tila kaluban (pod) at kulay lungtian. Nása loob ng kaluban ang mga butong may malambot na balahibo, tila cotton, at karaniwang ginagamit na palaman sa unan o kutson. Ang kápok ay mahalaga sa sistemang ekolohiko ng kagubatan. Tahanan ito ng maraming kulisap, ibon, at hayop. Ito ay drought deciduous, ibig sabihin, nanlalagas ang mga dahon kapag tag-init. Pagkatapos manlagas ang dahon, bumubukás ang mga kalubang bunga nitó at nagpapawala ng tila lumilipad na mga piraso ng bulak sa himpapawid. Ang punò ng kápok ay ginagawa noong bangka at mainam na tabla. Ang buto ay ginagamit sa manupaktura ng sabon. (VSA)

kápre Ang kápre ay isang maalamat na higanteng nananabako at karaniwang matatagpuang nakaupo sa itaas ng punongkahoy. Umaatungal ito o humuhuning parang ibon. May kakayahan din itong magbago ng laki o itsura na kadalasa’y tulad ng kabayo. May nagsasabing nagmula sa mga mangangalakal na Arabe ang paniniwala sa mga kapre. Ang katawagan ay maaaring mula sa salitang Persiyano na Kafir, isang táong hindi naniniwala sa Islam, o kafari, multo ng isang pinatay na Negro. Ang kuwentong ito ay kumalat sa Europa hanggang sa tawaging capre sa Espanya. Nang makarating sa Filipinas, tinawag itong kapre. Karaniwang nagsisilbing panakot ng matatanda sa mga batàng ayaw matulog tuwing tanghali ang kapre. Kayâ nang lumaon ang naging paglalarawan ng kapre ay isang higanteng batà na nakalampin at malimit na mapanghi. Ang sinumang batàng ayaw sumunod sa magulang o sa kaniyang yaya ay kukunin daw ng mga kapre at dadalhin sa kanilang daigdig. (JCN) (ed GSZ)

Guhit ni John Philip Felipe

kapuluán Ang kapuluán ay tawag sa pangkat ng mga pulô o tanikala ng mga pulô. Inimbento ito mula sa salitâng “pulô” at upang itapat sa archipelago (ar·ki·pé·la·gó) ng Ingles at archipielago (ar·tsi·pyé·la·gó) ng Espanyol. Matatagpuan ang mga kapuluán sa loob ng isang lawas na tubigan o malapit sa isang malaking masa ng lupa. Halimbawa, ang Scotland ay may 700 pulô na nakapaligid sa pangunahing lupain nitó at bumubuo sa isang kapuluan. Ang mga kapuluan sa karagatan ay karaniwang likha ng mga pangyayaring bulkaniko. Ang limang pinakamalaking modernong bansang archipelago ay Indonesia, Japan, Filipinas, New Zealand, at United Kingdom. Ang pinakamalaking arkipelahikong estado sa mundo sa pamamagitan ng sakop na lupain at ng populasyon ay Indonesia. Ang Filipinas ay isang kapuluan na may mahigit 7,100 pulô. Mas marami ang bilang ng isla kapag kati at mas kaunti kapag táog. Ang una nitóng pangalan ay Archipielago de San Lazaro, isang pangalang ibininyag ni Hernando Magallanes noong 1521 dahil natanaw niya ang mga pulô ng Samar sa Araw ni San Lazaro. Tinawag itong Felipinas ni Ruy Lopez de Villalobos nang makarating si Mindanao noong 1543 bilang parangal sa noon ay Prinsipe Felipe at naging Haring Felipe II ng Espanya. May tatlong pangunahing grupo ng pulô ang Filipinas: ang Luzon, Kabisayaan, at Mindanao. Pinakadulong pangkat ng pulo ang Batanes sa hilaga at ang Tawi-Tawi sa timog. (VSA)

kapuwâ Kung mag-anak ang ubod ng ugnayang pantao, namumulat ang anak sa katatsulok na ama at ina. Dagdag niyang kasáma ang kapatíd. Lumalaki pa ang mundo ng batà (anak) sa kamag-anak, kapitbahay, kanayon, kababayan. Sa silokohiyang Filipino, ang lahat ng tao na iba sa sarili niya ang kapuwâ at ang ugnayan niya sa mga ito ang naiiralan ng pakikipagkapuwâ. Sa aspektong pangwika, pansinin ang makabuluhang gamit ng unlaping ka- sa lahat ng inuugnayan ng batà hábang lumalaki. Gaya ng kapuwâ (ka+puwa), natututuhan niyang ituring na bahagi ng kaniyang sarili ang ka+patid, ka+mag-anak, ka+lapitbahay, ka+nayon, ka+babayan dahil bahagi ng kaniyang lumalaking sariling daigdig. Pinakamalapit ang kapatid dahil pinutol o pinatíd silá sa iisang inunan ng ina. Ganoon din ang kamag-anak, na mula sa iisang ninunong nanganak. Ang sumunod na mga ugnayan ay naiiralan ng pook na sinilangan o lupang tinubuan. Isang batayang konsepto sa sikolohiyang Filipino ang kapuwâ dahil pinapatnubayan nitó ang kabuuang ugali at hálagáhan ng tao sa loob ng kaniyang lipunan. Ang praktika nitó, ang pakikipagkapuwâ (o pakikipagkapuwâ-tao), ay isang kodigong moral ng mga kailangang sabihin at ikilos ng tao sa sinilangang lipunan. Sa kabuuan, ginagabayan nitó ang tao tungo sa mabisà at makatuturang pakikipag-ugnayan sa iba, batay sa pagsisikap na maitatag ang kapayapaan at kapanatagan sa kaniyang daigdig. Kasangkapan tungo sa mahusay na pakikipagkapuwâ ang mga tradisyonal na hálagáhang gaya ng pakikisáma, hiya, delikadésa, bayaníhan, at iba pa na natututuhan ng batà sa tahanan at unang kaligiran. (EGN) (ed VSA)

kara’ y krus Ang kára’y krus (mula sa Espanyol na cara y cruz, literal na “mukha at krus”) ay isang laro ng paghula kung ano ang mukhang lilitaw pagbagsak ng inihagis na barya. Ang isang mukha ng barya noon ay may nakaukit na tao (ang kara) at ang kabilâng mukha ay may nakaukit na ibon (ang krus). Kaya tinatawag din itong “tao o ibon” sa pook Katagalugan. Sa Ingles, tinatawag namang “head or tail,” ang head ang tao at ang tail ang ibon. Malimit ngayong “kara krus” na lang bigkas. Sa toss coin, nilalaro ito ng dalawang tao at isang barya lámang ang kailangan. Isa ang maghahagis ng barya at sasaluhin ito at tutukupin sa palad. Ang kalaro ang huhula kung tao o ibon ang lalantad na mukha ng barya kapag ibinukás ang palad. Sa isang maramihang laro ng kara’y krus, kailangan ang dalawang barya. Isa ang bangka o tagahagis at may mga tagapusta. Kailangan ng tagahagis ang dalawang kara o tao pagbagsak ng inihagis niyang mga barya para manalo. Kapag dalawang krus o ibon ang lumantad, talo siyá at panalo ang mga tagapusta. Kung isang kara at isang krus ang lumitaw at tabla at uulitin ang paghahagis. Laro ito kapag katuwaan lámang. Ngunit ang kara’y krus ay sugal kapag salapi na ang ginagamit na pusta. May mga propesyonal na manunugal ng kara’y krus. May paraan din ng pandaraya, gaya ng paggawa ng barya na tao ang magkabilâng mukha. (VSA)

karagatán Ang karagatán ang pinakamalaking lawas ng tubigang maalat sa mundo. Tinatawag itong ocean sa Ingles at mula sa isang sinaunang salitâng Griyego. Tinatayang 72 porsiyento ng rabaw ng planetang Lupa ay tubigang maalat at binubuo ng pangunahing karagatán at maliliit na dágat. Ang limang pangunahing karagatán ng daigdig ay ang Pasipiko, Atlantiko, Indian, Antartiko, at Arktiko. Karaniwang napagpapalit ang gamit ng mga salitâng “karagatán” at “dágat” (sea), ngunit ang dagat ay maliit at malimit na dumadaloy sa isang karagatán. Tahanan ang karagatán para sa 230,000 kilalá nang species ngunit malaking bahagi pa ng kalaliman nitó ang hindi nagagalugad. Ang pinakamalalim na pook sa karagatan ay ang Mariana Trench, na nasa Karagatang Pasipiko malapit sa mga pulông Marianas at may lalim na 10,971 metro. Isang hanggahan ng Filipinas ang Karagatáng Pasipikó. Ito ang pinakamalawak na karagatán sa mundo at may lawak na 165.25 milyong kilometro kuwadrado. Katumbas ng 46 porsiyento ng rabaw ng planetang Lupa. Ang pangalan nitó ay ibininyag ng Portuges na si Hernando Magallanes noong pamunuan niya ang isang ekspedisyong Espanyol at nagwakas sa pag-ikot sa mundo sa pamamagitan ng paglalakbay-dagat noong 1521. Sinasabing nakaengkuwentro siyá ng magandang simoy pagbungad sa karagatan mula sa Timog Amerika kayâ tinawag niya itong Mar Pacifico (Tahimik na Dagat). Hindi pa niya batid na maglalakbay siyá sa isang higit na malawak na tubigan. Samantala, malaking tulong sa pagsakop ng Espanya sa Filipinas ang pagkatuklas ni Fray Andres de Urdaneta noong 1565 sa “biyaheng pabalik” o daan mula sa Filipinas pabalik sa Mexico. (VSA)

Karagatang Pasipiko

karakóa Ang karakóa, binabaybay ding karakówa, ay isang katutubong malaki at mabilis na sasakyang-dagat na ginagamit sa katimugang Filipinas noon. Mabisà itong sasakyan sa pandarambong dahil maraming naisasakay na mandirigma. Walang dagdag na impormasyon hinggil sa sinaunang sasakyang ito. Gayunman, batay sa dalawang ilustrasyon, isa itong malaking sasakyangdagat na may dalawang (o maaaring tatlong) palapag. Nása pinakailalim na palapag ang mga tagagaod. Nása pang-itaas na kubyerta ang mga pinunò at mandirigma. Sa isang ilustrasyon, may nakabukáas itong pangitaas na kubyerta at doon nakatayô ang aabot sa 50 mandirigmang armado ng mga sibat at pana. Sa isa pang ilustrasyon, may ekstensiyon ang mga katig at may nakaupô doong karagdagangmga tauhan (mga mandirigma o mga tagagaod). May nakatikwas na unahan at hulihan ang sasakyan. Hugis ulo ng halimaw (naga o dragon) ang dulo ng unahan at hugis nakapulupot na buntot ang hulihan. May tao ding may hawak na timon sa hulihan. May malapad na layag ang karakóa sa isang ilustrasyon. (VSA)

karapatán Ang mga karapatán ay mga kapangyarihang demokratiko ng isang mamamayan sa ilalim ng batas. Alinsunod sa mga bats ng Filipinas, may dalawang uri ito: ang karapatang sibil at ang karapatang politikal. Sa kabuuan, nagbibigay ito ng mga pagkakataon sa isang mamamayan na makilahok sa sibil at politikal na aspekto ng isang lipunan nang walang diskriminasyon o panunupil. Ito rin ang nagsisilbing proteksiyon sa mga indibidwal o grupo ng indibiduwal laban sa panghihimasok ng pamahalaan, pribadong organisasyon, at mga katulad. Binubuo ng mga karapatang sibil at politikal ang unang bahagi ng 1948 Universal Declaration of Human Rights (Pandaigdigang Deklarasyon hinggil sa mga Karapatang Pantao) hábang ang karapatang ekonomiko, sosyal, at kultural naman ang nása ikalawang bahagi. Noong 1976 ipinatupad ang International Covenant on Civil and Political Rights, isang kasunduang multilateral na nagbubuklod sa mga kasaping bansa na manindigan at kilalanin ang mga karapatang sibil at politikal. Ang karapatáng sibíl ay mga demokratikong karapatan at kalayaan ng mamamamayan. Nabibilang sa karapatang ito ang pagtitiyak sa pisikal at mental na integridad, buhay, at kaligtasan ng isang tao; proteksiyon laban sa diskriminasyong nakabatay sa pisikal o mental na kakulangan, kasarian, relihiyon, lahi, edad, kasarian, at iba pa; karapatan sa pagiging pribado; karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, pananalita, relihiyon, pagtitipon, at iba pa. Ang karapatáng politikál ay mga karapatan ng mga mamamayan na nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang lumahok, direkta o hindi direkta, sa pagtatatag o pangangasiwa ng gobyerno. Ang ilan sa mga karapatang politikal ay karapatan sa pagkamamamayan, karapatang bumoto, karapatan sa pagtitipon, karapatang ipagtanggol ang sarili, at karapatan sa isang makatarungang paglilitis. Inilatag ng Batas Tydings-McDuffie at Batas Jones ang paglalagay ng Bill of Rights sa 1935 Konstitusyon. Malaking bahagi ng batas hinggil sa karapatan ang hango sa Konstitusyon ng Estados Unidos. Ang Artikulo III Bill of Rights ng 1987 Konstitusyon ng Filipinas ang nagsasaad ng mga karapatang sibil at politikal ng isang Filipino. (KLL)

Guhit ni Leonilo Doloricon

kardenál Ang kardenál ang nakatatanda at nakatataas na opisyal eklesyastiko at may titulong “Prinsipe ng Simbahang Katoliko Romano.” Tungkulin ng kardenál na dumalo ng mga pulong ng Kolehiyo ng mga Kardenal, maghalal ng bagong Papa, magbigay ng payo sa Papa kung kinakailangan nitó, magpatakbo ng departamento ng Roman Curia, at humawak ng parokya. Ang Kolehiyo ng mga Kardenal ang institusyong naghahalal ng bagong Papa. Noong Edad Medya, nailipat sa mga kardenal ang kapangyarihang maghalal ng Papa sa pamamagitan ng bulang In Nomine Domini ni Papa Nicolas II noong ika-11 siglo. Nilimitahan ni Papa Sixtus V ang bilang ng kardenal sa 70; hinigitan ang takdang bilang na ito ni Papa John XXIII at ng mga sumunod sa kaniya; noong 1971, nilimita ni Papa Paul VI sa edad na 80 pababâ ang mga kardenal na maaaring bumoto ng bagong Papa. Mayroong titulus ang bawat kardenal o mga simbahan sa Roma na nakatalaga sa kanila. Nagkaroon ng pitóng kardenal sa Filipinas mula nang panahon ni Papa John XXIII noong 1958. May basbas at pagkilála ni Papa John XXIII si Rufino Jiao Santos (titulus: Santa Maria dei Monti) noong 1960; ni Papa Paul VI sina Julio Rasales y Ras (titulus: Sacro Cuore di Gesù a Vitinia) noong 1969 at Jaime Lachica Sin (titulus: Santa Maria dei Monti) noong 1976; ni Papa John Paul II kina Ricardo Jamin Vidal (titulus: Santi Pietro e Paolo a Via Ostiense) noong 1985 at Jose Tomas Sanchez (titulus: San Pio V a Villa Carpegna) noong 1991; at ni Papa Benedict XVI si Gaudencio Borbon Rosales (titulus: Santissimo Nome di Maria in Via Latina) noong 2006. Ikapitong kardenal si Luis Antonio Tagle na kinilála ni Pope Benedict XVI sa taóng 2012. (KLL)

Kardenal Rufino Jiao Santos

karé-karé Ipaglalaban pa ng mga Filipino ang pag-aari sa lutuing karé-karé. Ayon sa diksiyonaryo ng Oxford, nagmula ito sa Tamil na kari (maanghang na salsa). Ang salsang ito ay tila mga malapot na sabaw ng nilagà na may mga munting piraso ng karne at iniuulam sa kanin. Ang orihinal na kari ay may paminta lámang na pampaanghang. Ngunit nadagdagan ito ng dinidikdik na sili, cumin, at buto ng mustasa sa paglipas ng panahon at paglaganap nitó sa ibang bansa. Naging curry ito sa Ingles. Ang espesyal na karé-karé ay may nilagàng buntot ng báka at mga sangkap na kamatis, puso ng saging, talong, sitaw, petsay. Ngunit hindi maanghang ang malapot na salsa. Sa halip, pinalapot ang salsa sa dinikdik na tinostang bigas at manî (puwede ring peanut butter). Paboritong kakombinasyon nitó ang ginisang bagoong na alamang. Ang karé-karé ay tampok na putahe sa handaang pampamilya. Hindi ito isang mumurahin at simpleng lutuin. Kayâ mahirap paniwalaan ang alamat na Filipino ito at mula sa pinaikling pagkaing “kari-karinderya.” Bukod pa, hindi katutubo ang karinderya kundi may ugat sa carinderia ng mga Espanyol. (EGN) (ed VSA)

karéta Ang karéta ay nagmula sa Espanyol na carreta at tumutukoy sa sasakyang panghakot na hinihila at walang gulong. Karaniwan itong hila ng kalabaw at ginagamit sa pagsasáka at iba pang gawaing pang-agrikultura. Sa paghila ng kalabaw sa kareta, may dalawang piraso ng kahoy na nakakabit dito na ang dulo ay nakatali sa saklay. Matigas na ubod naman ng kakawate ang karaniwang ginagamit na tulete o apat na poste ng kareta. Ginagamit ang karéta bilang sisidlan ng mga hinahakot na gamit o bungang inani, tulad ng mga sinungkit na niyog. Higit na nainam itong gamitin sa bukid kapag tag-ulan kaysa kariton dahil hindi nababalaho sa putikan at higit na magaang hilahin ng kalabaw. Higit itong mabilis imanyubra sa kagubatan. Maaari ding sakyan ng mga tao ang karéta sa halip na maglakad. Kapag hindi ginagamit ay madalas na tinatanggal ang karéta sa kalabaw upang itago sa silong ng bahay. (ECS) ed VSA

karílyo Ang karílyo (mula sa Espanyol na carillo) ay sining ng pagpapagalaw ng mga anino ng mga pira-pirasong kartong hugis tao o hayop sa likod ng isang kumot na putî na may ilaw. Mula ito sa salitâng Espanyol na nangangahulugang “maliit na karo.” Isang munting teatro ito, karaniwang pambatà, at pinalaganap sa panahon ng mga Espanyol. Kilalá rin ito bilang potei, kikimut, at titire sa Pampanga. Sa pamamagitan ng pantomimikong kilos, at diyalogong binibigkas ng mga nagpapagalaw ng karton, ipinakikita sa karilyo mga popular na kuwento mula sa mga kuwentong-bayan o kayâ mula sa awit at korido, buhay ng mga santo, at pakikipagsapalaran ng mga kabalyero. Sinasabing nása kalye Magdalena sa San Jose de Trozo na distrito ngayon ng Santa Cruz ang pinakapopular na teatro ng karilyo na pinatatakbo ni Navarro de Peralta. Kasáma sa mga ipinalalabas ang Don Juan Tenorio, Ibong Adarna, Siete Infantes de Lara, La Tia Norica, at Los sudores del Rey Momo. Ang mga bayad sa palabas ay 2-4 quartos para sa mga walang upuan, kalahating real para sa bangkô, at isang real para sa solong upuan. Libre naman ang carillo de sombras ni Vicente Letran na ipinalalabas niya sa bintana ng kaniyang bahay; at ang karilyo ni Natalio Pascual sa Dilao (Paco ngayon) na ipinalalabas nang tatlong linggo mula alas-otso hanggang alas-onse tuwing gabi; at ang karilyo ni Gabriel Mercado, isang manggagawa, na pinatatakbo ng mga batàng lalaki. (KLL)

karinderyá Ang karinderyá ay maliit na tindahan ng mga lutong pagkain. Kilala rin ito bilang turò-turò dahil itinuturo ng mga mamimili ang kanilang napiling pagkain sa mga nakahanay na putahe. Isa pang katawagan sa karinderya ang karíhan mula sa “karí,” ang iba’t ibang pagkaing Filipino na iniluluto sa bahay o tindahan upang ipagbilí sa alinmang pook na matao. Sinasabing nagsimula ang mga karinderya bilang hintuan ng mga debotong nagugutom at nauuhaw noong siglo 19. Bago nagkaroon ng tren sa bansa noong mga taóng 1900, ang lugar ng Cainta ang pinagbababaan ng mga deboto patungong Antipolo tuwing Mayo matapos siláng mamangka. Pag-akyat ng bundok ay inililipat silá sa mga kabayo o duyan. Dahil dito, tinubuan ng mga karinderya at tindahan ang hintuan sa Cainta. Nang maging malimit ang biyahe ng tren, ang Taytay ang naging simula ng paglalakbay. Dumami rin ang mga tindahan ng pagkain sa mga daanan at hintuan ng mga deboto sa naturang lugar. Ang mga tindahang ito ay gawa sa kawayan at mayroong iba’t ibang klase ng putaheng gaya ng adobo, eskabetse, inun-on, sinigang, nilaga, ginamos, uga, tinola, inihaw na manok. Ang ganitong maliit na tindahan ng pagkain ang patuloy na nagsisilbi ng múrang putahe sa mga sulok at gilid ng lansangan sa lungsod para sa mga ordinaryong mamamayan. Sa maraming bayan sa lalawigan, ito na ang itinuturing na restoran at hintuan ng mga bus at trak. Malimit na sa ganitong karinderya matatagpuan ang ipinagmamalaking lutuin sa isang pook. (KLL) Guhit ni Jose Lozano

karinyósa Isang sayaw ng lambingan ang karinyósa (carinosa) na nagmula sa isla ng Panay sa Kabisayaan. Ang ikinatatangi ng sayaw na ito ay ang paglalangkap ng larong taguan. Ang ibang bersiyon naman ay may suklayan at lagayan ng polbo sa mukha ng magkapareha, katulad sa karinyosa ng San Joaquin, Iloilo. Gamit ang panyo o pamaypay, ang magkaparehang lalaki at babae ay nagagawang magtaguan at magdungawan sa nakaekis na panyo sa kanilang pagitan. Ang karinyosa pandanggiyado na mula sa Albay ay gumagamit naman ng pamaypay sa larong taguan ng sayaw sa halip na panyo. Ang bersiyon ding ito ay sinisingitan ng hakbang na tinatawag na binanog. Gaya ng ipinahihiwatig ng salita, ang karinyosa ay isang impluwensiyang Espanyol. Karaniwang nása estilong balintawak ang suot ng kababaihan. Maaari ring patadyong at kamisa. Mayroon ding nakasabit na pamaypay sa kanang baywang nila. Barong tagalog naman ang suot ng kalalakihan at may nakatagong panyo sa kanilang bulsa. Nása batayang sukat na 3/4 ang musika at karaniwan itong tinutugtog ng rondalya. (RCN) (ed GSZ)

karitón Ang karitón (mula sa Espanyol na carreton) ay isang sasakyang panghakot, may gulong, at hinihila ng kalabaw, báka, o kabayo kung malaki, itinutulak o hinihila ng tao kung maliit. Karaniwang gawa sa kahoy ang kariton. Bago nagkaroon ng mas mekanisado at matutuling anyo ng transportasyon sa Filipinas, ang kariton ang pangunahing paraan upang dalhin ang mga kagamitan at ani sa pagsasaka. Higit na marami itong karga kaysa karéta, at mas mabilis kapag may mahusay na daan. Sa kasalukuyan, may dalawang pista na may iisang ngalan ang gumugunita sa ganitong silbi ng kariton: ang Pistang Kariton sa Tupi, South Cotabato, at sa Licab, Nueva Ecija. Pinapahiyasan ang mga kariton ng makukulay na katutubong materyales at ipinaparada. Nakatampok din ang kariton bilang sasakyan sa kuwentong ”How My Brother Leon Brought Home a Wife” ni Manuel Arguilla. Sinundo sa pangunahing lansangan ang mag-asawang mula Maynila sa pamamagitan ng karitong hinihila ng kalabaw at sinubok ang ugali ng tagasiyudad na maybahay sa pamamagitan ng pagdaraan sa bako-bakong landas papunta sa bahay nina Leon. Ibang-iba ang naturang tradisyonal na kariton sa makabagong gamit ng itinutulak na kariton o pushcart sa kalungsuran. Ang de-tulak na kariton ay karaniwang ginagamit ng mga (1) bumibili ng lumang bote at diyaryo at nagdadala nitó sa junkshop, (2) naglalako ng prutas sa daan, tulad ng buko, (3) tindero sa palengke, at (4) namumulot ng basurang maaari pang may paggamitan. Hindi rin pambihira na makakita ng mga dukhang pamilya— minsan ay kasáma pa ang mga alagang aso—na ginagawang bahay ang kariton at palipat-lipat ng kalye, bangketa, o abandonadong lote. Nitong nakaraang dekada, nagkaroon ng bagong pagtingin sa kariton bilang behikulo ng pagbabago, dahil sa ”kariton klasrum” ng Dynamic Team Company (DTC). Sa pamumunò ni Efren Peñaflorida, ginagamit ng mga boluntaryo ng DTC ang mga kariton upang makapagturo sa daan-daang batà sa mahihirap na lugar. Dahil dito, noong 2009 ay ginawaran si Peñaflorida ng premyong CNN Hero of the Year mula sa Cable News Network, isa sa pangunahing estasyon ng balita sa telebisyon sa buong mundo. Mula sa Cavite, ginagamit na ang mga kariton klasrum sa iba’t ibang bahagi ng Kagawaran ng Edukasyon ang kariton klasrum bilang plataporma ng AlFilipinas at kahit sa ibang bansa. Isang pangkat ang nagtayô ng kariton ternative Learning System nitó, at pinalawig na programa bilang ”K4” klasrum sa bansang Kenya sa Africa. Noong Enero 2012, inaprubahan ng (kariton, klasrum, klinik, at kantin). (PKJ)

karósa Ang karósa ay isang sasakyang may entablado. Ginagayakan ng makukulay na dekorasyon, inaadornuhan ng mga sariwang bulaklak, at pinagliliwanag ng malamlam na kulay dilaw o puting ilaw ang karosa. Ang sakay na santo ay binibihisan ng mariringal na damit at pinuputungan ng magagandang korona na kung minsan ay may kahalong ginto. Sa mahahalagang pagdiriwang gaya ng pista at Mahal na Araw karaniwang nakikita ang karosa sa Filipinas. Sa tuwing kapistahan ng isang bayan, sa karosa inilalagay ang patron ng bayan upang ilibot sa buong komunidad. Samantala, Miyerkoles Santo, Biyernes Santo, at Linggo ng Pagkabuhay ang mga araw sa panahon ng Semana Santa ang itinakda ng mga Katoliko sa pagpuprusisyon ng mga santo na nakasakay sa karosa. Ang bilang ng mga karosang ipinuprusisyon sa mga panahong iyon ay nag-iiba-iba. Madalas na mas marami ang mga karosa tuwing Biyernes Santo. Kinagawian na sa pakikilahok sa prusisyon, ang mga tao ay pumipili ng santong sakay ng karosa na kanilang sasamahan. Marami rin ang mga táong nag-aabang sa daraanang kalye upang makita ang mga karosa. Impluwensiya ng mga Espanyol ang karosa. Dahil sa magarbong gayak ng mga karosa, sa pag-aari o pag-iingat ng sinlaki ng tao na santo, at sa mga táong abalang binabayaran sa paggagayak sa karosa, karamihan sa may-ari nito ay mayaman. Sa ilang bayan sa Filipinas tulad ng Marikina, ipinamamana ng mga may-ari sa kanilang mga anak ang mga karosa (at santo) upang magpatuloy ang tradisyon ng prusisyon lalo na sa panahon ng Mahal na Araw. Masugid na tagatangkilik din ng simbahan at ng mga ritwal nito ang pamilyang nagmamay-ari ng karosa. Itinuturing na karangalan ang pagmamay-ari ng santo at karosa. (CLS) (ed VSA)

kárpa Ang kárpa ay kabilang sa pamilya Cyprinidae. Ito ay matatagpuan sa Hilaga ng Amerika (mula Canada hanggang timog ng Mexico), Aprika, at Eurasia. Maraming uri ng karpa at ang pinakakaraniwan ay ang Cyprinus carpio na matatagpuan sa tubig tabang sa sub-tropiko na ang temperatura ay nása pagitan ng 3-35 sentigrado. Ito ay matatagpuan mula Europa hanggang Asia. Ito rin ay dinalá na sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang likás na tirahan nitó ay mga ilog. Ang tinik sa palikpik sa likod ay 3-4 samantalang ang palikpik sa puwit ay may 2-3 tinik. May 2 pares na barbel, at ang palikpik sa likod ay may 15-20.5 na nakasangang rayos. Ang mga ngipin sa lalaugan ay malaki. Ang kaliskis ay malaki at makapal. Ang karpa na nása likás na tirahan ay bahagyang pandak at ang taas ay 1:3.2-4.8 ang karaniwang habà. Magkakaiba ang sukat, proporsiyon, at pagtubò ng palikpik at kulay. Ang palikpik sa likod ay may 3 tinik. Ang katawan ay kulay abo at tanso. Ang tigulang na kárpa ay tumitira sa maiinit, malalalim at may mabagal na agos ng tubig, tulad ng ilog at lawa. May kakayahan din itong mamalagi sa tubig na iba’t iba ang kondisyon at maputik. Kadalasang aktibo ito kapag dapithapon at madaling-araw. Kumakain ito ng maliliit na organismo at halaman. Nangingitlog ito sa baybay. Ang larva ay maaari lang mabuhay sa maiinit na tubig na may nakalubog na mga halaman. Ang karpa ay inaalagaan din sa akwaryum. (MA) ed VSA

karpintéro Ang karpintéro (Dryocopusmartius) ay isang uri ng ibon na may habâng pangangatawan (40 hanggang 46 sentimetro). May kahabaan din ang mga pakpak ng karpintero. Naninirahan ito sa mga kagubatan. Lumalawak ang teritoryo nitó sa Eurasia. Ang mga karpintero ay mga ibong hindi palipatlipat ng lugar.. Kasinlaki ito ng isang uwak at may maitim na mga balahibo. Makikilala ito sa isang puláng korona. Maitim ang kabuuanng korona ng mga lalaking karpintero, samantalang ang korona ng mga babae ay mapula lamang ang likurang bahagi ng korona. Tuwid kung limipad ang ibong karpintero. Karaniwang kumakain ito ng mga insekto katulad ng mga langgam o minsan naman ay mga maliit na prutas ng punongkahoy na pinupugaran. Isang butas sa punongkahoy ang pugad nito. Nangingitlog ito ng apat o higit pa. Maririnig sa kanila ang mga huning “kuk” o “kyuk”, “kew”, “kew-yow”. (ACAL) ed VSA

kartílya Mula sa salitâng Espanyol na cartilla, na nangangahulugang “unang aklat sa pagbasa,” kartílya ang tawag sa maliit na librong ginamit sa paaralang primarya noong panahon ng Espanyol. Ito ang unang libro ng batà sa pagbása at unang aklat dasalan na rin. May mga leksiyon ito sa pagkilála ng mga letra ng alpabeto at mga panimulang pantig sa pagbása ng mga payak at maikling salitâ. May bahagi ito ng mga nakalimbag na dasal, tulad ng “Ama Namin,” “Aba Ginoong Maria,” at iba pang salin ng mga panalanging Kristiyano. Dahil ginamit ito ng mga misyonerong Espanyol sa iba’t ibang lugar sa bansa, nasusulat ito sa iba’t ibang wikang katutubo ng Filipinas. Ito rin ang naging huwaran sa pagtuturo ng Abakada sa mga paaralang binuksan nitóng ika-20 siglo. Mula sa orihinal na ibig sabihin, naging kahulugan din ng kartílya ang batayang tuntuning dapat sundin sa isang samahan o lipunan. Kayâ ang “Mga Aral ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan” na sinulat ni Emilio Jacinto upang maging gabay ng mga Katipunero ay higit na popular sa tawag na “Kartílya ng Katipunan.” (AEB) (ed VSA)

guhit ni Carlos V. Francisco

“Kartilya ng Katipunan” “Kartílya ng Katipúnan” ang popular na tawag sa akda ni Emilio Jacinto na naglatag ng mga batas at prinsipyo ng Katipunan at nagsilbing gabay para sa mga kasapi nitó. May katulad ding akda si Andres Bonifacio na pinamagatan namang “Katungkulang Gagawin ng mga Z.Ll.B.” ngunit ipinasiya niyang ang isinulat ni Jacinto ang ikabit sa sinusumpaang kasulatan ng magiging kasapi ng Katipunan. Ang orihinal na pamagat ng “Kartilya ng Katpunan” ay “Mga Aral ng Katipunan Ng Mga Anak ng Bayan” at hinahangaan noon ar ngayon dahil sa matalinghaga ngunit eksaktong pormulasyon ng mga tuntunin sa buhay na dapat sundin ng isang Katipunero. Ang unang pangungusap nitó: “Ang kabuhayang hindi ginugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim kundi man damong makamandag” ay tila isang kredo hinggil sa paglilingkod sa bayan at sa kapuwa tao. Mapapansin sa “Kartilya ng Katipunan” ang tuntuning moral at etiko na nais pairalin sa Katipunan bilang tunay na kapatirang Filipino. Idinidiin nitó ang pag-ibig sa kapuwa at pagtutulungan, ang paniniwala sa katwiran, at ang pag-iingat sa dangal at puri bilang tao. Gayunman, taglay din nitó ang pangunahing mga simulaing demokratiko, gaya ng pagkakapantay ng tao anuman ang kulay ng balát, antas ng kabuhayan, at pinag-aralan. Ipinangangaral din nitó ang mataas na pagtingin sa kababaihan at ang mabigat na tungkulin ng lalaki na alagaan ang asawa at anak. Sa dulo, iginiit ang pag-ibig sa kalayaan at ang kahandaan ng kasapi na ihandog ang sarili para sa bayan. Wika nga ni Jacinto, ang “kamahalan ng tao” ay tinitimbang alinsunod sa “magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri” at lalo na”y “di napaaapi’t di nakikiapi,” at “marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” (KLL)

kasamá Ang kasamá ay tagapagsaka ng lupa o magsasaka ng bukid na pag-aari ng iba. Tinatawag din itong ingkilíno (inquilino), na magpapahiwatig sa pinagmula nitóng relasyon sa sakahan noong panahon ng Espanyol. Noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol, ipinatupad ang sistemang encomienda na nagbibigay ng malawak na lupain sa Filipinas sa mga conquistador, fraile, at makapangyarihang katutubo kapalit ng kanilang serbisyo sa Monarka ng Espanya. Gayundin, mayroong kapangyarihan ang encomendero na kolektahin ang mga buwis at ani ng mga nasasakupan niya bilang kabayaran ng kaniyang pagbibigay ng proteksiyon sa kanila laban sa mga mananakop, tulisan, at iba pa. Ang tawag na “kasamá” sa tagapagsaka ng bukid ay nagpapahiwatig ng isang magandang layunin. Itinuturing ang tagapagsaka na kalahok o kasapi sa isang gawain. Sa orihinal na kahulugan, singkahulugan nitó ang kasosyo sa isang negosyo. Gayunman, inabuso ang ugnayan sa engkomyenda ng mga panginoong-maylupa at nagwakas sa lubhang paghihirap ng mga tagapagsaka. Sa gayon, ang kasamá ay malimit na dukha at mangmang, nakabaón sa utang, at ipinamamana ang gayong kahirapan sa kaniyang anak. Ang pagpapalaya sa mga magsasakang kasamá mula sa kahirapan ang isang mabigat na suliranin ng pamahalaan nitóng ika-20 siglo. Unang naipatupad ang Act No. 4054 sa ilalim ni Manuel Quezon na ginawang legal ang 50-50 hatian sa ani ng may-lupa at ng kasamá. Sa administrasyon ni Manuel Roxas, ginawa naman itong 30-70 pabor sa mga kasamá. Ipinatupad naman ng pamahalaan sa ilalim ni Ramon Magsaysay ang Republic Act No 1160 upang mas mapabilis ang paggagawad ng mga lupain sa mga kasamá at nais tugunan partikular ang mga kilusang Hukbalahap; ang Republic Act No 1199 na lumikha ng Court of Agrarian Relations na siyang nangangasiwa ng relasyon ng may-lupa at kasamá; ang Republic Act No. 1400 na naglalayong mapainam pa ang distribusyon ng lupain. Nabuo naman sa administrasyon ni Diosdado Macapagal ang Agricultural Land Reform Code sa bisa ng Republic Act No. 3844 na naglalayong ibigay sa kasamá ang titulo ng lupang kaniyang sinasaka, itinatag ang isang sistema ng paglilitis para sa mga kasong agrariyo, itinatag ang Land Authority, at iba pa. Sa pamamagitan ng Republic Act No 6389 na ipinatupad ni Ferdinand Marcos, napalitan ang dating Land Authority ng Department of Agrarian Reform na may kapangyarihang mangasiwa at magpatupad ng mga repormang agrariyo. Naging pangunahing programa naman ng administrasyon ni Corazon Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP na isang malawakang reporma sa lupa. (KLL)

guhit ni Manuel S. Rodriguez Sr.

Kasanàan Ang Kasanàan ay pook na tirahan ng mga demonyo at ng masasamâng kaluluwang nagdurusa dahil sa kasalanan alinsunod sa paniniwala ng mga sinaunang Tagalog. Katumbas ito ng Karanakáan ng mga Mëranaw, o ng impiyerno sa tradisyong Kristiyano. Kataliwas naman nitó ang Máka na pinupuntahan ng mabubuting kaluluwa. Itinuturing ang Kasanàan na lupain ng pagdurusa at karamdaman, at mas lunan ng lumbay kaysa sakit, dahil halos hindi makagulapay ang mga kaluluwa. Walang pagdudulot ng malubhang sakit sa katawan sa Kasanaan. Sa halip ay naroon ang kawalan ng gana, ang kawalan ng sigla, na siyá umanong katangian ng pamumuhay sa mundo. Pinamumunuan ang Kasanáan ni Sitan, na tinutulungan naman ng mga mortal nitóng sugo, tulad ng manggagaway, manisilat, mangkukulam, hukluban, at iba pa. Isa sa mga inmortal na sugo ni Sitan si Silangan na tungkuling tuksuhin ang mga tao na kainin ang atay ng lahat ng mga nagsusuot ng putîng damit sa pagluluksa at sakâ dalhin ang kaluluwa ng mga ito sa kailaliman ng Kasanaan. Ito umano ang dahilan kayâ nagsusuot ng makukulay na damit ang mga sinaunang Tagalog. (ECS) ed VSA

kasikè Ang orihinal na baybay ng kasikè ay cacique, isang salitâ mulang Haiti at nangangahulugang “pinunò.” Dinalá dito ng mga Espanyol ang salitâ ngunit ginamit upang tukuyin ang isang mayaman at makapangyarihang lalaki sa isang bayan. Tinatawag din ngayong “pamilyang kasikè” ang pamilya ng isang makapangyarihang lalaki sa isang bayan. Sa panahon ng Espanyol, karaniwang tinatawag na kasikè ang asendero (haciendero) na humahawak ng malawak na bukirin, nangangasiwa sa maraming pamilyang magsasaka sa loob ng kaniyang lupain, at may malaking impluwensiya sa takbo ng politika sa bayan. Siya ang takbuhan ng nangangailangan, nag-aabuloy sa mga pista at misa, at mistulang hari na nakapagdidikta sa kapalaran ng lahat ng nasasakupan. Higit pa siyáng malakas kaysa mga halal o hinirang na pinunò ng gobyerno sa barangay at munisipyo. Gayunman, dahil sa abuso sa paggamit ng yaman at kapangyarihan ay naging masamâ ang kahulugan ng taguring kasikè. Sa makabagong panahon, naging larawan ito ng pagsasamantala sa maliit na magbubukid at ganap na pagkontrol sa politika’t negosyo ng kaniyang bayan. Isang pag-aaral ng lipunang Filipino ang nagsasabing umiiral ang “kasikismo” hanggang kasalukuyan at katunayan nitó ang pangyayari na dominado ng iilang mariwasang pamilya ang pamahalaang pambayan at panlalawigan. Ang totoo, sinasabi ring ang politikang pambansa ay pinaglalabanan lámang ng ilang pamilyang kasikè o ng mga hinirang na kinatawan at alagad ng mga ito. (VSA)

Guhit ni Pablo Baens Santos

Lucresia R. Kasilag (31 Agosto 1918-16 Agosto 2008) Itinuturing na “Grand Lady of Philippine Music” si Lucresia R. Kasilag (Luk·rés·ya Ar Ka·sí·lag) dahil sa kaniyang malaking ambag sa paglinang sa musika sa Filipinas. Kilalá rin sa tawag na Tita King, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Musika noong 1989. Bilang kompositor, nag-eksperimento siya sa musikang isinasanib ang mga katutubong instrumentong pangmusika sa pagtatanghal ng isang orchestra. Bantog dito ang premyadong “Tocatta for Percussions and Winds,” “Divertissement and Concertante,” at ang mga musika para sa “Filiasiana,” “Misang Filipino” at “De Profundis.” Lumikha siyá ng mahigit 250 komposisyon, mga areglo ng mga katutubong awit, awit sining, mga piyesang pansolo at instrumental, at mga chamber at orchestral na mga akda. Bilang tagapagtaguyod ng musika, binigyan niya ng karampatang pagpapahalaga ang mga artista, kompositor, at manunulat. Hinikayat at ginabayan niya ang mga kabataang talento sa larangan ng musika. Isinagawa niya ang mga ito sa pamamagitan ng pagiging presidente at artistic director ng Sentrong Pangkultura ng Filipinas mula 1969-89, at sa pamamagitan ng mga kilalang organisasyon sa musika. Ilan sa mga natamo niyang karangalan ang: Presidential Award of Merit as Woman Composer (1956); Republic Cultural Heritage Award para sa kaniyang “Toccata for percussions and winds” (1960) at “Misang Pilipino” (1966); Patnubay ng Sining at Kalinangan Award ng Lungsod Maynila (1954 at 1973). Isinilang noong 31 Agosto 1918 sa San Fernando, La Union, si Kasilag ay ikatlo sa anim na supling nina Marcial Kasilag Sr., naging direktor ng Bureau of Public Works at dating manager sa National Power Corporation (Napocor), at Asuncion Roces na isang guro ng biyolin at solfeggio. Nagtapos siyáng balediktoryan sa Paco Elementary School at sa Philippine Women’s University (PWU) High School. Sa PWU din siyá nagtapos na cum laude ng Batsilyer sa Sining sa Ingles. Nakamit niya ang diploma bilang guro sa musika sa St. Scholastica’s College of Music at ng Master of Music noong 1950 sa University of Rochester, New York. (RVR) (ed GSZ)

kasíli Ang kasíli (Tagalog) o sili-sili (Sebwano), Anhinga melanogaster, ay isang ibon na laganap sa mga lawa at iba pang tubigang-tabang sa Timog Asia at Timog-Silangang Asia. Kilala ito sa Ingles bilang Oriental darter at Indian darter. May mahabà itong leeg na nababaluktot at parang sibat lalo na sa panghuhúli ng mga isda. Patulis at tuwid naman ang tuka nitó, tulad ng ibong korbehon (cormorant). Karaniwan namang kulay itim ang balahibo nitó sa katawan, may halòng kulay pilak sa ilang bahagi ng pakpak, itim at kayumanggi mula sa leeg hanggang ulo, may pagkadilaw ang mga tuka, at kulay abo ang mga paa. Kapag nanghuhúli ng isda, inilulubog ng kasili ang katawan nitó sa tubig at nakikita lamang ang mahaba nitóng leeg, kayâ tinagurian din ito bilang snakebird o ibong-ahas. Biglaan nitóng sinisibat ang isda, ihahagis, sakâ lululunin. Karaniwang nangingitlog ng mga tatlo hanggang anim ang mga kasili tuwing tag-ulan. Kumakain ang mga inakay na kasili sa pamamagitan ng pagpasok ng kanilang mga ulo sa lalamunan ng magulang upang dukwangin ang naroong pagkain. Maingay ang mga inakay na kasili lalo na kapag naghahanap ng pagkain. Pagkatapos ng panahon ng pangingitlog, nawawalan ng balahibong ginagamit sa paglipad ang mga tigulang na kasili kayâ nagkakaroon ng maikling panahong hindi nakalilipad. Sa kasalukuyan, nanganganib ang mga kasili dahil sa polusyon, pagtatápon ng maduduming bagay sa mga tirahan , panghuhúli, lalo na dahil sa mga balahibo sa bandang balikat na ginagawang palamuti sa mga sombrero), at pangongolekta sa mga itlog. (MJCT) ed VSA

kásko Isang uri ng sasakyang pang-ilog ang kásko. Isang payak na bangka ito, malimit na inuka mula sa malaking punongkahoy at walang katig. Dahil sa kawalan ng katig, hindi maaaring ilakbay ang kasko sa karagatan dahil tiyak na tataob ito. Mayroong silungan ang kasko sa magkabilâng dulo ng sasakyan. Ang silungan ay maaaring gamiting lagayan ng mga produktong ibinibiyahe o kayâ’y maging silid-tulugan ng mangingisda. Napaaandar ang kasko sa pamamagitan ng paggamit ng tikin—mahabàng posteng kawayang na itinatarak sa ilog ng piloto at gumagabay sa pagsulong ng sasakyan sa tubig. Magkakahawig ang mga kaskong matatagpuan sa mga lumang larawan ng Ilog Pasig at sa mga sasakyang pang-ilog na matatagpuan sa Timog Silangang Asia. Ang ganitong uri ng bangkang pang-ilog ay nagpapakita ng malakas na impluwensiya Tsina sa kulturang Filipino. (SJ)

Kasunduang Paris ng 1898 Ang Kasundúang Páris ng 1898 ay pormal na tratadong nilagdaan ng Espanya at ng Estados Unidos sa Paris noong 10 Disyembre 1898. Sa kasunduang ito, isinuko ng Espanya ang Cuba, Puerto Rico, ilang bahagi ng West Indies, Guam, at Filipinas sa Estados Unidos kapalit ng $20 milyon. Nilagdaan ito noong 10 Disyembre 1898 at naipatupad noong 11 Abril 1899. Ito ang naging wakas ng imperyo ng Espanya sa Amerika at sa Pasipiko at simula naman ng imperyalismong Amerikano. Dumating sa Paris ang mga kinatawan ng Amerika sa pangunguna ni William Day noong 26 Setyembre 1898. Sa unang pulong, ninais ng Espanya na mabalik sa kanila ang Maynila ngunit hindi pumayag ang Amerika. Si Felipe Agoncillo ang kinatawan ng Filipinas sa naturang pulong ngunit hindi siyá pinakinggan ng mga kinatawan ng dalawang nag-uusap na bansa Pinag-usapan din sa kasunduan ang magiging kahihinatnan ng bansang Cuba, Guam, at Puerto Rico. Sa muling pinag-usapan ang Filipinas, umasa ang mga kinatawan ng Espanya na kukuhanin lámang ng Amerika at Mindanao at Sulu. Sa simula, nais lamang din ng grupo ng Amerika na makuha ang Luzon. Ngunit iniutos ni PresidenteWilliam McKinley na dapat makuha ng Amerika ang buong kapuluan ng Filipinas. Dalawang araw matapos ang paglagda ng Kasunduan, nangatwiran si Agoncillo sa Estados Unidos sa kaniyang Memorial to the Senate na kilalanin ng Amerika ang kasarinlan ng Filipinas dahil walang kapangyarihan ang Espanya na ilipat ang Filipinas sa kamay ng Estados Unidos dahil hindi na hawak ng Espanya ang bansa nang lagdaan ang Kasunduan. Maraming Amerikano ang tútol na gawing kolonya ang Filipinas. Ngunit noong 4 Pebrero 1899, matapos sumiklab ang Digmaang Filipino-Amerikano, pinagtibay sa Estados Unidos ang naturang kasunduan. (KLL)

Kasunduang Laurel-Langley Ang Kasunduang Laurel-Langley ay kasunduang pangkalakalan ng Filipinas at ng Estados Unidos na nilagdaan noong 15 Disyembre 1954 at nagtapos ang bisà noong 1974. Isinunod ito sa pangalan ng dalawang pangunahing nagsagawa ng negosasyon kaugnay rito: sina Jose P. Laurel at James M. Langley. Pinalitan nitó ang Bell Trade Act ng 1946 na naunang nagtalaga ng mga kondisyong ekonomiko sa Filipinas kaugnay ng pagkakamit nitó ng kalayaan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Subalit dahil sa matinding pagtutol sa Bell Trade Act ng maraming nasyonalistang Filipino, piniling palitan ito ng Washington ng Kasunduang Laurel-Langley. Isa sa mga binago ng Kasunduang Laurel-Langley ang naunang probisyon na nagtatakda ng halaga ng piso sa dolyar, at ang pagbabawal sa pagtatalaga ng Filipinas ng taripa para sa eksportasyon. Pinaboran din ng pagbabago ang produktong Filipino, bukod pa sa pagbibigay ng karapatan sa mga Filipinong mamuhunan sa Estados Unidos. Gayunman, isang mahalagang probisyon ang idinagdag sa Kasunduang Laurel-Langley bilang bagong Artikulo VII na nagpapalawig ng proteksiyong ibinibigay sa interes ng mga negosyo sa Filipinas na nagmula sa Estados Unidos. Binibigyan dito ng pantay na karapatan ang mga Filipino at Amerikanong mamumuhunan sa lahat ng larang ng ekonomiya, at hindi lang sa mga likás na yaman at kapakinabangang pampubliko. Ito ang tinatawag na parity right at isang tampok na isyu laban sa kasunduan. Binatikos ni Senador Claro M. Recto si dating Pangulong Ramon Magsaysay sa pagpirma sa kasunduang ito na nagtali umano sa ekonomiya ng Filipinas sa ekonomikong interes ng Estados Unidos. (ECS) ed VSA

kasuótan Kasuótan ang ginagamit bilang pantakip o proteksiyon sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng tao. Maaari itong yari sa iba’t ibang materyales gaya ng bulak, lana, katad, polyester, at iba pa. Bahagi rin ng gayak o kasuotan ang mga alahas o iba pang aksesoryang inilalagay sa katawan. Nag-iiba-iba ang uri ng pananamit o kasuotan ng mga tao ayon sa kultura at klimang taglay ng lipunang kinabibilangan nila. Impluwensiyal din sa uri ng pananamit ang pagkakaroon ng kaugnayan sa mga dayuhang kultura bunsod ng pakikipagkalakalan sa mga kalapit-bansa sa Asia o pagdating ng mga dayuhang mananakop. May pangkat ng mga mamamayan gaya ng mga Aeta, Mangyan, at iba pa na namumuhay nang sadyang kakaunti ang saplot sa katawan. May mga pangkating etniko naman na pawang may kani-kaniyang uri ng pananamit na nakabatay sa tradisyon, paniniwala, at kaligiran. Nagkaroon ng imposisyon sa uri ng kasuotan ng mga Filipino nang mapailalim sa kapangyarihan ng mga kolonyalistang Espanyol ang Filipinas. Isang halimbawa, ang pagpapasusuot ng mahabang damit na natatakpan ang buong katawan kahit hindi na ito akma sa klima ng bansa. Sa pagbabago ng kasuotan, hindi lamang ang pananamit ang nasakop, kundi maging ang katawan at kamalayan ng nasasakupan. Samantala, nagiging batayan din ng pagtukoy sa kasarian (“pambabae” kung blusa at palda, “panlalaki” kung kamiseta at pantalon) at estadong panlipunan (“pangmayaman” at “pangmahirap”) ang klase ng gayak ng mga mamamayan. Madalas ding nakikisabay ang tipo ng pananamit ng mga tao sa kung ano ang uso sa isang tiyak na yugto ng kasaysayan at sa itinatakda ng kulturang popular. (SABP) (ed GSZ)

Makulay na Kayamanan Tanaw sa Sampayan ng mga Pangarap ni Dexter Fernandez

kasúy Ang kasúy (Anacardium occidentale Linn.) ay isang uri ng punngkahoy at tawag din sa bunga nitó. Kahugis ng peras ang bunga nitó na kulay naranhang-dilaw kung mahinog. Tumutubò sa labas ng prutas na ito ang buto, na napagkukunan naman ng mga makakaing manî. Ang punò ng kasúy ay lumalaki ng hanggang 12 metro ang taas at may mga baluktot na sanga. Ang dahon ng kasuy ay makinis at pabilog na may 7-12 sentimetro ang lapad. Ang bulaklak ay maliit at kumpol-kumpol sa dulo ng mga sanga. Ang malamang prutas ng kasuy ay ginagawang alak, kendi, at inumin samantalang ang umuusbong na buto nitó ay iniihaw at sakâ kinakain o kung minsan naman ay inilulutong may asukal at ginagawang meryenda. Ang buto ay mayaman sa langis at may kakaibang lasa kayâ ginagamit itong sangkap sa iba’t ibang klaseng lutuin. Bukod sa napakahalaga ang prutas nitó, pinararami din ang kasúy dahil ang punò nitó ay ginagamit sa paggawa ng mga bangka, malalaking kahon na ginagamit sa mga bapor, at ginagawa ding uling. Nabubuhay ang kasuy sa iba’t ibang parte ng Filipinas lalo na sa mga lugar na matabâ ang lupa at mataas ang halumigmig. May iba’t ibang tawag sa kasúy sa Filipinas: balogo at sambalduke sa Iloko, balúbad sa Kapampangan at Tagalog, kasul sa Sulu, at kosing sa Igorot. (ACAL)

Kátaás-taásang Hukúman Ang Kátaás-taásang Hukúman o Kórte Supréma ang pinakamataas na hukuman sa bansa na nilikha ayon sa Saligang Batas ng Filipinas. Pangunahing katungkulan nito na ipaliwanag ang mga batas at magpasiya higgil sa wastong interpretasyon ng pagpapairal ng mga ito. Tungkulin ng Kátaás-taásang Hukuman na litisin ang mga kaso ng paglabag sa konstitusyon, suriin ang batayang legal ng pagpapataw ng buwis, repasuhin ang mga inapelang kaso mula sa mababàng hukuman, at magbigay ng pangwakas na desisyon sa mga kasong may parusang habambuhay na pagkabilanggo. Ang Kátaás-taásang Hukuman din ang nangangasiwa sa lahat ng hukuman sa Filipinas. Noong panahon ng kolonyalismong Espanyol, ang Audiencia Real ang nagsilbing pinakamataas na hukuman sa Filipinas. Nang sakupin ng Estados Unidos ang bansa, itinatag ng mga Amerikano ang unang Kátaástaásang Hukuman sa pangalang Ingles nitó, ang Supreme Court, noong 11 Hunyo 1901 at pinagtibay ng Philippine Bill ng 1902. Si Cayetano Arellano ang nahirang na unang Punòng Mahistrado. Mula 1901 hanggang 1935, ang kalakhan ng mga mahistrado ng Kátaás-taásang Hukuman ay mga Amerikano, bagaman Filipino ang palaging itinatalagang Punòng Mahistrado. Nakamit lámang ang lubos na Filipinisasyon ng mataas na hukuman nang itatag ang pamahalaang Komonwelt noong 1935. Sa kasalukuyan, ang Kátaás-taásang Hukuman ay binubuo ng isang Punòng Mahistrado at 14 kasangguning mahistrado. Ang bawat magiging kasapi ng mataas na hukuman, kabilang na ang Punòng Mahistrado, ay pinipilì ng Pangulo ng Filipinas mula sa listahan ng tatlong nominado na rekemondado ng Judicial Bar Council. Ang pagtatalaga sa isang mahistrado ay hindi na kailangang pagtibayin ng Kongreso ng Filipinas. Kabilang sa mga naging Mahistrado sina Cayetano Arellano (Hun. 11, 1901-Abr. 1, 1920), Victorino Mapa (Hul. 1, 1920-Okt. 31, 1921), Manuel Araullo (Nob. 1, 1921-Hul. 26, 1924), Ramon Avanceña (Abr. 1, 1925Dis. 24, 1941), Jose Abad Santos (Dis. 24, 1941-Mayo 7, 1942), Jose Yulo (Peb. 5, 1942-Hul. 9, 1945), Manuel Moran (Hul. 9, 1945-Mar. 20, 1951), Ricardo Paras (Abr. 2, 1951-Peb. 17, 1961), Cesar Bengson (Abr. 28, 1961-Mayo 29, 1966), Roberto Concepcion (Hun. 17, 1966-Abr. 18, 1973), Querube Makalintal (Okt. 21, 1973-Dis. 22, 1975), Fred Ruiz Castro (Ene. 5, 1976-Abr. 19, 1979), Enrique Fernando (Hul. 2, 1979Hul. 24, 1985), Felix Makasiar (Hul. 25, 1985-Nob. 19, 1985), Ramon

Aquino (Nob. 20, 1985-Mar. 6, 1986), Claudio Teehankee (Abr. 2, 1986Abr. 18, 1988), Pedro Yap (Abr. 18-Hul. 1, 1988), Marcelo Fernan (Hul. 1, 1988-Dis. 6, 1991), Andres Narvasa (Dis. 8, 1991-Nob. 30, 1998), Hilario Davide, Jr. (Nob. 30, 1998-Dis. 20, 2005), Artemio Panganiban (Dis. 20, 2005-Dis. 7, 2006), Reynato Puno (Dis. 8, 2006-Mayo 17, 2010), Renato Corona (Mayo 17, 2010-Mayo 29, 2012). (SMP) (ed VSA)

káta-káta Ang káta-káta ay isang uri ng mahabàng awit na pasalaysay ng mga Sáma Diláut. Itinuturing itong mahiwaga’t relihiyosong awit sa panggagamot ng maraming Sáma Dilaut. Gayunman, may mga Sáma na nakatahan sa lupa na itinuturing lámang itong karaniwang bahagi ng kanilang panitikangbayan. Ang káta-káta bilang awit sa panggagamot ay itinuturing na banal at malimit na isinasagawa lámang ng isang djin o tagapamagitan sa panggagamot. Tinatawag ang djin ng kamag-anakan ng may malubhang karamdamang ipinalalagay na dulot ng masamâng espiritu. Sa gabi ng panggagamot, isinagawa ng djin ang mga kaukulang pag-aalay at seremonya. Kailangan ang ganap na katahimikan. Ang pag-awit ng kata-kata ay itinuturing na napakabanal. Hindi dapat magkamali ang djin sa pag-awit. Kapag nagkamali o may nakalimutan, maaaring magálit ang espiritu ng mga ninuno. Isa o dalawang oras ang bawat salaysay at humihinto ang djin upang mamahinga o uminom. Ipinagpapatuloy ang pag-awit alinsunod sa pakiramdam ng djin. Kung hindi gumalíng ang maysakit, inuulit ang seremonya at pag-awit ng kata-taka sa susunod na gabi at susunod pang gabi kung kailangan. Ang káta-káta ay malimit na hinggil sa pakikipagsapalaran ng mga maalamat na bayani sa malalayòng lupain at ang engkuwentro nilá sa mga kakaiba at engkantadong nilaláng. Nagtataglay ang mga istorya ng aral hinggil sa mga paniwala, kaugalian, at pamahiin ng pangkating Sama. Isang halimbawa ang pakikipagsapalaran ni Datu Amilebangsa upang hanapin ang engkantadong lupain ng Bailan-Asaha. Sa paglalakbay, marami siyáng nakatagpong engkantadang babae na nangangarap mapangasawa niya. May mga nakatunggali din siyáng mga engkantadong mandirigma. Sa dulo, nakatagpo niya si Maajarat-Tornorka at iniuwi ito upang pakasalan. Nabuntis ang babae ngunit namatay sa panganganak. Sa ikalawang yugto ng istorya, hinanap si Maajarat-Tornorka ng kaniyang sanggol na anak sa kabilângbúhay. Nakita naman ng batà ang ina ngunit hindi nagtagumpay maibalik sa mundo. (VSA)

Sama Dilaut

kataká-taká Isang halamang-gamot, ang kataká-taká (bryophylllum pinnatum) ay isang tuwid na damo, umaabot sa 1.4 metro ang taas at may mga dahong eliptiko, mga 10 sentimetro ang habà, ay may alon-along gilid. Tinutubuan ng bagong mga supling ang mga singit ng gilid ng dahon at lumalaking bagong damo, isang pangyayaring pinagmulan ng pangalan nitó at kayâ tinatawag ding miracle plant sa Ingles. Tinatawag itong abisrana sa Iluko at karitana sa Bisaya. May mga bulaklak itong silindriko, maliit, at mamulámulá ang ilang bahagi ng talulot. Katutubo ito sa Filipinas at matatagpuang ilahas sa maraming lugar. Naipangagamot ang buong halaman. Ang dinikdik na kataka-taka ay ipinantatapal sa pilay, eksema, impeksiyon, pasò, at iba pang sugat. Para sa pigsa, ang buong dahon ay pinipiga-piga hanggang lumabas ang katas. Pagkaraan, binubutasan ang gitna ng dahon at sakâ ipinapatong sa matá ng pigsa. Sa hikà, inilalaga ang dahon nang ilang minuto, pinipiga upang kunin ang katas na ipinaiinom sa maysakit. (VSA)

katarúngan Ang salitang katarúngan ay likhang salita nitóng ika-20 siglo upang itapat sa hustísya (justicia) ng Espanyol. Nilikha ito mula sa salitang Sebwano na taróng na katumbas ng tuwid o ng pantay na pagtingin sa bagay-bagay. Ang salitang-ugat mulang Sebwano ay nilagyan ng mga panlaping ka- at –an upang katawanin ang mga dalumat kaugnay ng tuwid at pantay na pagtingin sa lahat ng mamamayan sa ilalim ng batas. Sa kasalukuyang pamahalaan, may sistema ng mga hukuman na lumilitis at nagpapasiya sa mga kaso at isyung idinudulog ng mga mamamayan, kapisanan, at institusyon. Dinidinig at binibigyan ng desisyon ang anumang kaso alinsunod sa mga tuntunin at batas ng bansa. May nakatalagang hukuman para sa mga bayan at lungsod, may tanging hukuman para sa mga tanging kaso, may hukumang unang dulugan, at may Kataas-taasang Hukuman o Korte Suprema para sa pangwakas na pagdinig at hatol. Ang Kataas-taasang Hukuman din ang nangangasiwa sa sistema ng mga hukuman sa buong bansa. Higit sa lahat, ang Kataas-taasang Hukuman ang nagpapasiya hinggil sa konstitusyonalidad o sa pag-alinsunod o hindi ng anumang batas ng Kongreso o aksiyon ng Pangulo sa Konstitusyon. Ang Kagawaran ng Katarungan (DOJ) ay ang sangay ehekutibo ng pamahalaan ng Filipinas na may layuning pagtibayin at ipagtanggol ang paghahari ng batas sa bansa. Ito ang pangunahing ahensiyang pambatas at nagsisilbing tagapayong legal at tagasakdal ng gobyerno. Pinamumunuan ito ng Kalihim ng Katarungan na itinatalaga ng Pangulo ng Filipinas at Komisyon sa Paghirang (COA) at nabibilang sa Gabinete. Kinikilalang simula ng DOJ ang Rebolusyonaryong Pulong sa Naic, Cavite noong 17 Abril 1897. Ang departamentong pinamunuan ni Severino de las Alas ay may tungkuling itatag at palaganapin ang sistema ng batas sa pamahalaang mapanghimagsik. Hindi naisama ang kagawaran sa Gabinete yarihan sa lahat ng courts of first instance at iba pang mababàng korte sa ng Biyak-na-Bato ni Emilio Aguinaldo noong Nobyembre 1897. Nang bansa. ideklara ang kalayaan noong 12 Hulyo 1898, binuhay ni Aguinaldo ang kagawaran sa pamamagitan ng isang dekreto noong 26 Setyembre 1898. Sa kasalukuyan, nása ilalim ng DOJ ang Kawanihan ng mga Bilangguan Ngunit muli itong nawala sa Gabinete nang itatag ang Unang Republika (BuCor), Kawanihan ng Imigrasyon (BI), Land Registration Authornoong 1899. Nang sakupin ng mga Amerikano ang Filipinas, itinatag ng ity (LRA), Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (NBI), Office of the pamahalaang militar ang Office of the Attorney of the Supreme Court na Government Corporate Counsel (OGCC), Tanggapan ng Tagausig Panlanaging Office of the Attorney General noong 11 Hunyo 1901 at Depart- hat (OSG), Pangasiwaan ng Parol at Probasyon (PPA), Presidential Comment of Finance and Justice noong 1 Setyembre 1901. Nakapagsarili ang mission on Good Government (PCGG), at Public Attorney’s Office (PAO). DOJ noong 1916 sa pamamagitan ng Jones Law at binigyan ng kapang- (KLL) Ed VSA

katedrál Ang katedrál ay tumutukoy sa malaking simbahan ng mga Katoliko (Romano at Orthodox), Anglikano, Lutheran, at Methodist na nagsisilbing sentro ng iba pang simbahan o ng diyosesis. Ito ay karaniwang pinamumunuan ng isang obispo o kung minsan ng isang arsobispo. Maluwag na ginagamit din ang salitang katedrál sa pagtukoy sa anumang malaking simbahan kahit hindi naman sentral o kinaluluklukan ng isang obispo. Nagmula sa Latin na cathedra o upuan o luklukan, nagsimula talaga itong tumukoy sa gusaling simbahan na kinaroonan ng upuan ng obispo o arsobispo. Sa Filipinas, mahalagang sagisag ng Katolisismo ang mga katedral. Karaniwang ito ang malaki, pinakaluma, may magandang disenyo, at nása sentro ng mga bayan. Dahil ito ang sentro, dito rin nagpupulong ang mga pinunò ng mga simbahang nása ilalim ng mga diyosesis. Inaasahan ding maraming mga parokyano ang nagsisimba rito kayâ mas marami itong ipinagdidiriwang na misa kaysa mga nasasakupang simbahan. Isa sa pinakatanyag na katedral sa Filipinas ay ang Katedral ng Maynila na kilala ring Minor Basilica de la Inmaculada Concepcion at makikita ito sa loob ng Intramuros, Maynila. Itinayô ang Katedral ng Maynila noong 1581, sa simula ng pananakop ng mga Espanyol sa Filipinas. Ang kasalukuyang estruktura ng Katedral ng Maynila ay hulíng inayos noong 1954 pagkatapos ng ilang insidente ng pagkasira dahil sa lindol, bagyo, at súnog. (MJCT) ed VSA

Katedrál ng Maynilà Ang Manila Metropolitan Cathedral-Basilica, na may opisyal na pangalan na Cathedral-Basilica of the Immaculate Conception, at mas kilala bilang Katedrál ng Maynilà (Manila Cathedral) ay isang makasaysayang simbahan sa Intramuros, Lungsod Maynila. �������������������������������� Ito ay isang basilika na humihirang kay Birheng Maria bilang Ating Ina ng Inmaculada Concepcion, na itinuturing na pangunahing patron ng bansa. Ang katedral ang nagsisilbing pinakamataas na luklukan ng Romano Katolikong Arkidiyosesis ng Maynila, na siyáng pangunahing diyosesis ng Filipinas at pinakamakapangyarihang diyosesis sa Asia. Ang Arsobispo ng Maynila ang nagsisilbing punòng pari ng katedral. Nagkamit na ito ng tatlong endoso at dalawang bisita apostoliko mula kina Papa Gregorio XIII, Papa Pablo VI, at Papa Juan Pablo II. Mula sa pagkakatatag nitó noong 1571, ilang beses nang nagiba at itinayông-muli ang katedral dahil sa apoy, lindol, at digmaan. Ang Espanyol na conquistador na si Miguel Lopez de Legazpi ang mismong pumilì ng lokasyon ng simbahan. Si Santa Potenciana ang unang patron nitó, at si Padre Juan de Villanueva ang unang kura paroko. Itinayô ang kasalukuyang at ikawalong bersiyon ng katedral noong 1954-58 sa termino ni Kardinal Rufino Jiao Santos. Ang tanyag na arkitektong si Fernando H. Ocampo ang nangasiwa sa paggawa. Mula sa munting gusali na yari sa nipa, kahoy, at kawayan noong 1571, ang kasalukuyang katedral ay gawa sa adobe at semento at may estilong Neo-Romanesque. Ang pangunahing harapan ng simbahan ay kopya ng orihinal na harapan ng naunang gusali. Ang mga estatwa ng mga santo at ni Birheng Maria, kasáma ang iba pang likhang sining, ay gawa ng mga Italyanong eskultor na sina Enzo Assenza, Angelo Fattinanzi, Livia Papini, Alcide Tico, Publio Morbiducci, at Marcelo Mazzoli. Ang 134 stained glass na bintana ay mga obra naman ng Filipinong si Galo Ocampo. Ang mga kasalukuyang kampana ng katedral ang mga pinakamalaki na aktibong ginagamit sa Filipinas. yon para sa mga turistang dayuhan o Filipino na bumibisita sa antigong lungsod ng Intramuros. Idinaos din sa katedral ang burol ng dalawang Noong 2012, pansamantalang isinara ang katedral para sa mga renobasyon pangulo ng Filipinas, si Carlos P. Garcia, ang unang táong hindi Arsobispo at pagpapatatag ng gusali. Ang simbahan ang isa sa paboritong gamitin ng ng Maynila na ginawaran ng ganitong parangal, at si Corazon Aquino, ang mga magpapakasal, lalo ng mga mariwasa. Isa ito sa pangunahing atraksi- unang babaeng kinilála sa ganitong pamamaraan. (PKJ) ed VSA

katesísmo Ang katekísmo o katesísmo ay ang paliwanag o buod ng isang doktrina ng mga Kristiyano na ginagamit sa katekesis o ang pagtuturo sa mga kasapi ng simbahan, lalo na sa mga baguhan, batà man o matanda. Karaniwang nása isang dokumento ang katekismo at nása anyong tanong-sagot (na pinasikat ni Martin Luther noong 1529 sa kaniyang publikasyong Der Kleine Katechismus). Ang mga paksang tradisyonal na isinasáma sa katekismo ay ang “Kredo”, mga sakramento, ang sampung utos, at ang mga panalanging “Aman Namin,” “Aba Ginoong Marya,” at “Luwalhati sa Ama, Anak at Espiritu Santo”. Katekísta ang tawag sa isang nagtuturo ng katekismo. Sa Filipinas, ang batayang dokumento ng katekismo ng mga Katoliko Romano ay ang Catechism for Filipino Catholics (CFC). Ito ay batay sa pangkalahatang turo ng Katoliko Romano sa Roma ngunit binago ang konteksto upang tumugon sa karanasan ng mga Filipino. Inihanda ito ng tanggapan ng Episcopal Commission in Catechesis and Catholic Education sa ilalim ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Sinasabing nag-ugat pa ang dokumentong ito sa Doctrina Cristiana, ang sinasabing unang aklat na inilimbag sa Filipinas at isinulat sa Espanyol at Tagalog. (MJCT) ed VSA

Katipúnan Katipúnan ang mas maikli at mas nakilalang pangalan ng samahang Kataas-taasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Isang lihim na samahan ito na itinatag nina Andres Bonifacio, Valentin Diaz, Teodoro Plata, Ladislao Diwa, Deodato Arellano, at iba pa sa isang bahay sa Kalye Azcarraga (ngayo’y C.M. Recto), Maynila. Nabuo ito noong Hulyo 7, 1892, mismong araw na ipinatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan. Kabilang sa mga layunin ng Katipunan ang, una, makamtan ng Filipinas ang kalayaan sa Espanya sa pamamagitan ng paghihimagsik; ikalawa, maipalagananap ang kagandaang-loob, kabutihang asal, katapatan, katapangan at ang paglaban sa bulag na pagsunod sa relihiyon; at, ikatlo, tulungan at ipagtanggol ang mahihirap at inaapi. Ang Katipunan ang natatanging samahan na nakapaglunsad ng isang organisado at malawakang paghihimagsik laban sa pamahalaang Espanyol. Tatlong lupon ang namamahala sa Katipunan—ang Kataas-taasang Sanggunian na pinamumunuan ng Pangulo; ang Sangguniang Bayan at Balangay na kumakatawan sa mga lalawigan at bayang may presensiya ang samahan; at ang Sangguniang Hukuman na lumilitis sa mga kasaping naakusahang lumalabag sa mga patakaran ng Katipunan. Nang lumaki ang samahan kasunod ng paglalathala ng pahayagang Kalayaan, nagkaroon ng tatlong antas ng kasapi ang samahan: Bayani na siyang pinakamataas na antas, Kawal, at Katipon. Ang Katipon ay maaaring maging Kawal kapag nakapagdala siya ng bagong kasapi sa samahan; ang Kawal ay nagiging Bayani kapag nahalal sa pamunuan ng Katipunan. Bago maging kasapi, nagdadaan sa pagsubok ang isang tao at kapag nakapasa, kailangan niyang hiwain ang sariling bisig upang ipirma ang pangalan sa sariling dugo. Nang madiskubre ang Katipunan ng mga Espanyol, sinasabing may mga kasapi itong 30,000 hanggang 100,000 sa Maynila at mga karatig lalawigan. Mga balangay ng Katipunan ang nagsimula ng Himagsikang 1896 na kumalat mula sa Maynila hanggang hilaga at timog ng Luzon at hanggang Kabisayaan at Mindanao. (MBL) (ed GSZ)

katmón Isang laging-lungti at hindi kataasang punongkahoy ang katmón (Dillenia philippinensis) , katutubo sa Filipinas, at tumutubò nang ilahas sa mga kagubatan. Umaabot ito sa taas na 10-14 metro, nagkakasanga sa kalagitnaan ng punò, makinis ang balát na may mabababaw na lamat. Ang mga dahon ay makintab, mala-katad, eliptiko, 12-25 sentimentro ang habà at bahagyang magaspang ang gilid. May malaki ito at putîng bulaklak, at bunga na bilugan, lungtian ang balát, at maasim kapag kinain.Tinatawag din itong biskan, palali, at kalambog sa ibang mga wika ng Filipinas. Ang balát ng punò ng katmón ay nakukunan ng katas na pangkulay (dye). Ang prutas, kahit maasim, ay masarap na himagas kapag nása gubat. Minamatamis din ito o ipinansisigang sa isda. Ang katas ng katmon na hinaluan ng asukal ay gamot sa ubo. (VSA)

katón Mula sa Espanyol na caton, ang katón ay panimulang aklat sa pagbása na ginamit noong panahon ng mga Espanyol. Nakasulat ito sa wikang Espanyol at mas malaki at mas maraming pahina kaysa kartílya. Ginagamit ito kapag natutuhan na ng batà ang kartilya at nakahanda na sa higit na mataas na mga leksiyon. Bukod sa leksiyon sa pagbása at pagbilang, may mga papataas na itong leksiyon sa pagbása ng mga parirala at maikling pangungusap. Kung minsan, may mga larawan sa katón upang tumulong sa pagkilála ng mga salitâ at magpayaman ng bokabularyo. Ang paraan ng pagtuturo ng wika sa katón ay patuloy na ginamit sa pagtuturo ng pagbása sa mga paaralan hanggang nitóng ika-20 siglo. (AEB) (ed VSA)

katúray Ang katúray (Sesbania grandiflora (Linn.) Pers.) ay isang malaking punò na umaabot sa 12 metro ang taas. May mga dahon ito sa tagiliran ng mga maliliit nitóng mga tangkay at namumulaklak ito ng kulay putî na 7-9 sentimetro ang habà. Matibay ang punò ng katúray dahil nabubuhay ito kahit sa tigang na lupa. Isa sa mga lugar na maraming katuray ay ang rehiyon ng Ilocos. Isa sa mga importanteng sangkap sa pagluluto ng mga Ilokano ang katuray dahil sa taglay nitóng mapait na lasa. Mapait at hindi maganda ang lasa ng bulaklak ng katuray kung kakainin ito nang hilaw. Bago magamit ang katuray sa iba’t ibang putahe, kailangan munang alisin ang panlabas na kabuuan ng dahon ng bulaklak, ang mga butil na nagtataglay ng polen at matatagpuan sa loob ng envelop ng bulaklak, at ang bahagi sa gitna ng bulaklak na may mga buto. Maaari itong pakuluan sa tubig para maalis ang pait nitó. May iba’t ibang gamit din ito sa panggagamot. Sa Filipinas, ginagamit ito sa paggamot sa mga táong umuubo na may kasámang dugo. Ang katuray ay mayaman din sa kalsiyum, bitamina B, at iron. Ang katúray ay tinatawag din na gauai-gauai sa Bisaya, kambang-turi sa Sulu, katuday sa Iloko at Ibanag, at katuray sa Pangasinense. (ACAL)

kawalì Kasangkapang panluto ang kawalì at karaniwang gamit sa pagsasangag, pagpiprito, at paggigisa. Ito’y bilóg, gawa sa pundidong bakal, at may hawakáng hugis embudo. Tinatawag din itong karaháy. Malalim ang tiyan nitó at karaniwang ilarawan na makintab at malangis ang loob samantalang maitim at mauling ang labas dahil sa matagal na paggamit. Wika nga sa isang sinaunang bugtong tungkol sa alimango:



Bahay ni Ka Tale Bubong ay kawali Haligi’y balî-balî Loob ay pusali.

May hawig ito sa wok ng mga Tsino at sinasabing isa sa mga inangkat na produktong Tsino mula noong 1609. Ang yerong molde na ginagamit sa paggawa nitó noong ika-18 dantaon ay mula sa minahan ng Angat at San Miguel de Mayumo sa Bulacan. Ang mas malaking bersiyon na may hawakáng tila dalawang tainga ay tinatawag na talyasì. Pangmalaking handaan ang káwa. Ginagamit naman ang tansong tatsó para manatili ang sariwang kulay at maging malutong ang binurong pipino at minatamis na kondol. May kaugalian na bilhin ito ng bagong kasal o regaluhan silá bago silá lumipat sa kanilang bagong bahay. Para bigyan silá ng suwerte at masaganang pagkain araw-araw. Ang matibay na kawalì ay ipinamamána sa panganay na anak. (GCA)(ed VSA)

kawáyan Ang kawáyan (Bambusa blumeana) ay alinman sa mga damong tropiko na animo’y punongkahoy, matibay, karaniwang may hungkag na uhay, patulis na dahon, at namumulaklak pagkaraan ng mahabàng taon ng pagtubò. Maraming pakinabang ang kawayan. Dahil matibay, madalas itong gamitin sa konstruksiyon, halimbawa, ng bahay-kubo. Ginagamit din ito sa paggawa ng mga kasangkapan sa bahay gaya ng mesa, bangko, papag, aparador, at marami pang iba. Ginagamit din ang kawayan sa paggawa ng papel. Katunayan, noong 1860 ginamit ng Bataan Pulp and Paper Mills Inc. (BPPMI) ang kawayan sa paggawa ng de-kalidad na mga papel. Ang murang usbong ng kawayan, tinatawag na labong, ay kalimitang ginagawang atsara. May iba namang iniluluto ito bilang gulay. Mabilis lumaki ang kawayan. Ang paglaki at pagtubò ng kawayan ay depende sa makukuha nitóng tubig, sikat ng araw, nutrisyon at iba pang pangangailangan nito sa paglaki. Ang karaniwang taas ng kawayan ay umaabot ng 15-40 talampakan, depende sa uri nito. Nabubuhay ito sa maiinit na lugar. Madalang lang kung mamulaklak ang halos lahat ng klase ng kawayan. Sa katunayan, marami sa mga ito ay namumulaklak lamang pagkaraan ng 65 hanggang 120 taon. Espesyal na kawayan ang buhò dahil napakanipis ng balat nito at nilalála bilang sawali, gayundin ang bukawe na makapal naman ang balat at nilalapát bilang pantali ng binigkis na palay. Sa Filipinas, ang kawayan ay malaking bahagi ng kultura dahil kaugnay ito ng iba’t ibang tradisyon, pagdiriwang, at paniniwala. Halimbawa, sa panitikan, ayon sa alamat, ang unang lalaki at unang babae ay nagmula sa isang pirasong kawayan. Sa sayaw, ang bantog na tinikling, singkil at subli ay isinasayaw gamit ang kawayan. Sa musika, ginagamit din ang kawayan sa paggawa ng iba’t ibang klase ng instrumentong pangmusika. Maging ang mga katutubong laro gaya ng luksong kawayan at palosebo ay gumagamit ng damong tropikong ito. Ang kawayan ay tinatawag ding aonoo, dugian, kabugawan, marurugi, rugian, kawayan at kawayan-totoo (Bikol), batakan, pawa at kaaono (Bisaya), baugin (Pampango), kawayan at kawayan-gid (Panay Bisaya), kawayan (Bontok at Cebu Bisaya), kawayan, kawayan-ng-bayog at kawayan-ng-sitan (Iloko), kawayan at kawayan-tinik (Tagalog), kawayan-potog (Sambali), lamnuan (Isinai), at pasingan (Ibanag). (ACAL) (ed GSZ)

kayumanggí Tinutukoy ng kayumanggí ang kulay ng balat ng nakararaming Filipino kung kayâ’t ginagamit din ang salitâng ito para tukuyin ang mismong mga katutubong Filipino. Nalalapit sa kulay ng kape, lupa, o hindi kayâ’y mani ang kulay na kayumanggi. Sa ibang mga wika sa Filipinas, tinatawag itong búlew (Tiboli), ilóm (Hiligaynon), itúmon (Waray), kapéga (Mëranaw), kawsún (Tausug), at tabunón (Sebwano at Hiligaynon). Tinatawag naman itong moréna/moréno o avellana sa wikang Espanyol. Ilan sa mga katutubong mito ang nagpapaliwanag ng pinagmulan ng kulay ng balat ng liping Filipino. Sa alamat sa Kabisayaan na kinatatampukan ni Pandaguan, isa sa mga anak ng unang babae at lalaki sa mundo, ipinapaliwanag ang mga pagkakaiba ng kulay ng balat ng tao sa pamamagitan ng migrasyon: Ang mga nagtungo sa hilaga ng mundo ay nanatiling maputi (gaya ni Arion na anak ni Pandaguan); naging kayumanggi naman ang balat ng mga nagtungo sa timog dahil sa init ng sikat ng araw roon (gaya nina Libo at Saman na kapuwa kapatid ni Pandaguan); at, naging dilaw naman ang kulay ng mga nagtungo sa silangan, sapagkat napilitan silang kumain ng dilaw na luad dahil sa gutom. Naipamamalas naman sa isa pang alamat ang pagpapahalaga ng mga Filipino sa sariling kulay. Diumano’y noong nililikha pa lamang ni Bathala ang mundo at mga nilaláng, hulí niyang nilikha ang mga kayumanggi kung kayâ’t hindi kapos at hindi sobra sa kulay ang mga ito, hindi tulad ng mga nauna niyang nilikhang tao na kulang sa kulay tulad ng mga puti, o labis ang kulay na tulad ng mga itim. (GAC) (ed GSZ)

Kénkoy Ang Ang mga Kabalbalan ni Kenkoy ay ang unang kartung isinerye sa Filipinas. Nagsimula ito noong 1929. Si Romualdo Ramos ang tumulong na umisip at unang nagsulat ng serye hanggang noong mamatay siya noong 1932. Pagkaraan, mag-isang sinulat at iginuhit ni Tony Velasquez ang Kénkoy. Linggo-linggo, nagtatampok sa kartung ito ng kuwento tungkol kay Kenkoy at sa pakikihalubilo niya sa kaniyang mga kababayan. Si Kenkoy ay isang karakter na laging sunod sa uso, at sa gayo’y nakaAmerikana siya. Kilala siya sa ayos ng buhok na plantsado sa pomada at sa suot niyang maluwang na pantalon. Ngunit ang panlabas na anyo lang ang naisusunod niya sa panahon. Marunong siya ng Espanyol, Tagalog, at Ingles, ngunit namimilipit siya sa pagsasalita nito. Ang serye pala ay isang nakakatawang komentaryo tungkol sa isang táong nahihirapang umangkop sa nagbabagong kultura ng mga Filipino. Kasama rin sa serye si Rosing, ang babaeng sinusuyo ni Kenkoy. Lagi siyang nakabaro’t saya. Siya ay makaluma at masunuring anak, isang ideal na asawa. Ang kaniyang ina ay si Aling Hule na may gusto kay Kenkoy. Karibal naman ni Kenkoy kay Rosing si Tirso. Ang mga karakter na nilikha ni Velasquez ay naglalarawan ng unang yugto ng panahon ng Amerikano lalo na ang pagtatagpo at pagsasalungatan ng luma at bago, ng katutubo at dayuhang kultura. Naging napakapopular na komiks ng Kenkoy. Naisalin ito sa mga wikang Iloko, Hiligaynon, at Bikol at tumagal nang 60 taon. Ang salitang “kenkoy,” kapag binaybay sa maliit na titik, ay naging bahagi na ng pang-araw-araw na diskurso ng taumbayan at naging singkahulugan ng táong mapagpatawa. (GSZ)

késong putî Uri ito ng malambot na késo na gawa sa sariwang gatas ng kalabaw at hinaluan ng sukà at asin. Pinagsasáma ang gatas, sukà, at asin, pinakukuluan, at hinahalò hanggang lumapot at mabuo. Ang namuong késong putî ay hinihiwa nang pira-piraso at ibinabálot sa dahon ng saging. Madalî itong masira at maaari lámang imbakin nang isa o dalawang araw sa loob ng repridyereytor. Ang mainam na késong putî ay dapat na putî ang kulay, walang amoy, at may sariwang lasa na hindi gaanong maalat at hindi gaanong matubig. Karaniwan itong palamán sa pandesal bagaman ipinapahid ngayon sa wheat bread at French bread. Kapag tinosta ang tinapay, humuhulas ang keso at katakam-takam na tila mozzarella. Ang sandwits na may késong putî ay masarap na agahan kasabay ng malamig at sariwang gatas. Pinakapopular ngayon ang késong putî mulang Laguna bagaman may industriya nitó sa ilang pook sa Bulacan, Samar, at Cebu. Nagtatagal ang uring komersiyal at nakapaketeng cottage cheese sa groseri. Hugis kuwadrado/rektanggulo ang prodyus sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. (YA) (ed VSA)

khútbah Ang khútbah o hútbah ang sermon ng Islam o talumpating panrelihiyon na karaniwang isinasagawa tuwing Biyernes sa masjid. Nagmula ito sa gawi ng propetang si Muhammad na nagtatalumpati ng pangaral, panuto, at utos sa mga pulong sa kaniyang bahay sa Medina. Matapos masakop ang Mecca, idineklara ni Muhammad ang sarili bilang khatib o tagabigay ng sermon sa lugar noong 630 AD. Nagsesermon din ang mga rashidun na sina Abu Bakr, Umar, Uthman and Ali at mga kalipang Ummayad tungkol sa mga isyung pampamahalaan. Sa ilalim ng mga Abbasid, inilipat ang pagsesermon sa mga qadi o hukom. Ibinalik ng mga Abbasid ang relihiyosong aspekto ng sermon mula sa dating sekular na pangaral ng mga Umayyad. Sa pagsisimula ng khutbah, isinasagawa ng muezzin ang adhan o panawagan para manalangin hábang nanatiling nakaupô ang khatib o tagasermon. Ibibigay naman ang iqama o ikalawang panawagan para maghanda ang mga Muslim hábang bumababâ ang khatib. Mayroong dalawang bahagi ang sermon na binibigkas ng khatib. Sa sermon, kinakailangang mabigkas ang mga sumusunod: hamdala o papuri kay Allah; salawaat o imbokasyon ng kapayapaan at biyaya kay Muhammad; bahagi ng Koran; payo sa kabanalan; at dua o panalangin sa ngalan ng mga nananampalataya. Kinakailangang nása estado ng kadalisayan ang isang khatib at alinsunod sa pananamit na Islam ang kaniyang kasuotan. Kailangan ding nása pulpito o isang mataas na lugar ang tagasermon, magbigay gálang sa kongregasyon kapag kinausap silá, manatiling nakaupô hábang binibigkas ang adhan, at gawing maikli ang kaniyang sermon. Noong Edad Medya ng Islam, ipinahahayag ang sermon sa wika na Arabeng klasiko. Dahil dito, kinailangan ng mahigpit na pagsasanay ng mga khatib. Nagbunga ang kahingiang lingguwistiko na ito ng pag-unlad ng uri ng panitikan na naglalaman ng mga sermon tulad ng mga gawa ni ibn Nubata. Lumaganap kalaunan ang pagsesermon sa kolokyal na lengguwahe na may halòng ekspresyong Arabe. (KLL)

León Kilát (Pantaleon Villegas) (27 Hulyo 1873-8 Abril 1898) Si León Kilát ang maalamat na pinunò ng paghihimagsik sa Cebu noong 1898. Walang gaanong ulat hinggil sa kaniyang búhay. Pantaleon Villegas ang kaniyang tunay na pangalan ngunit binansagan siyáng “Leon Kilat” (ibig sabihin ay “mabangis at mabilis” bilang leon at kidlat) dahil sa kaniyang katapangan. Sinasabing may anting-anting siyá kayâ hindi maaaring mamatay sa labanan. Isinilang siya sa isang angkang magsasaka noong 27 Hulyo 1873 sa Bacong, Negros Oriental kina Policarpio Villegas at Ursula Soldi. Naging empleado siyá ng isang botika sa Cebu bago mapabilang sa isang sirkus na pag-aari ng isang Katipunerong Tagalog. Hindi nagtagal ay napabilang na rin siyá sa lihim na samahan. Naging mahalaga ang kaniyang tungkulin sa paglusob ng mga manghihimagsik sa Lungsod Cebu noong Abril 1898. Noon pa mang Pebrero ng taóng iyon ay nagtatag na ng kilusang rebolusyonaryo ang mga Sebwano kaugnay ng Himagsikang Filipino. Nag-umpisa ang pagaalsa noong 1 Abril 1898, araw ng Biyernes, nang salakayin ng mga manghihimagsik ang garisong Espanyol sa bayan ng Talisay. Pagdating ng Abril 3, araw ng Linggo at simula ng Mahal na Araw, nása paligid na ng Lungsod Cebu ang mga manghihimagsik sa ilalim ng tinatawag nilang “Heneral Leon Kilat.” Samantala, ang mga Espanyol sa ilalim ni Heneral Adolfo Montero ay nakahanda at nakahingi ng tulong sa Iloilo at Maynila. Inihudyat ni Kilat ang paglusob sa hápon ng Abril 3. Bago dumilim ay napaatras nila ang mga Espanyol patungo sa kuta ng San Felipe. Pagsapit ng Abril 6 ay unti-unti nang nakapasok ang mga manghihimagsik sa lungsod bagama’t naghihirap lusubin ang kuta. Noong Abril 7 ay dumating ang mga bapor pandigma mula sa Iloilo at Maynila. Matapos ang madugong labanan, umurong ang hukbo ni Kilat. Nagtago ang mga rebolusyonaryo sa kabundukan at naglunsad ng kilusang gerilya hanggang sa dumating ang mga Amerikano sa pulo. Namatay si Kilat noong 8 Abril 1898, araw ng Biyernes Santo, sa kamay ng isang nagtaksil na katuwang. Noong 2008, isang panandang pangkasaysayan ang inialay sa kaniya sa kaniyang tinubuang bayan ng Bacong. (PKJ) (ed VSA)

kiniláw Kiniláw marahil ang pinakamatandang paraan ng pagluluto. Sa pamamagitan nitó’y mabilisang naihahanda at nakakain ang sariwang ani mulang dagat. Pinapatakan o ibinababad sa sukà o katas ng dayap at kalamansi ang lamáng-dagat. Maingat upang hindi “masyadong maluto” at maglaho ang natural na kulay at kutis ng lamán ng tanige, pampano, tuna, talaba, tipay, hipon, alimango, o tulya. Pandagdag sa lasa ang sawsawang may luya, sibuyas, siling labuyo, o gatâ ng niyog. May pihikan na ang gusto’y dayap lámang ang ipiniga sa tipay o talaba. May natuto sa istrok ng mga Pranses at pinalalamig muna sa yelo ang talaba bago kainin. May hindi sanay kumain ng hilaw at ipinahahalabos muna ang ulang. Siyempre, masarap na ihanda itong may kasámang kamatis, hilaw na papaya, pipino, mangga, milon, at ibang prutas na pampaalis ng lansa. Sa Ilocos, ang kinilaw na kambing ay tigib sa lasa ng papáit at ibang sangkap. Natikman mo na ba ang kinilaw na puso ng saging? Hinihimay nang maliit ang puso ng saging at ibinababad sa tubig hábang pinipiga-piga. Pagkatapos, pinatutuyô itong mabuti at sakâ inihahaing may inihalòng gatâ ng niyog, katas ng dayap, sibuyas tagalog, siling labuyo, at asin. (DRN) (ed VSA)

kintsáy Ang kíntsáy (Apium graveolens) o celery ay Tsinong apyo na ginagamit na pampalasa sa pagkain. Isa itong tuwid na yerba na hindi lumalaki nang higit sa 30 sentimetro. Ang mga dahon ay nakaayos na tila mga pakpak ng ibon sa isang mahabáng tangkay. Ang mga tangkay ng bulaklak ay maikli, hindi hihigit sa habàng 1 sentimetro, katapat ng mga dahon, at nakausbong sa iisang lugar; maliliit at kulay putîng berde ang mga bulaklak. Maliliit ang mga prutas na mayroong kulay na manilaw-nilaw hanggang kayumanggi. Nililinang na itong matagal sa Europa at hilagang Asia. Ipinakilala naman ito sa Filipinas at mayroong dalawang uri nitó sa bansa: una, ang kintsay na tulad ng malawakang nililinang sa Tsina; at pangalawa, ang kintsay sa Baguio na mayroong mas makapal at malalaking tangkay, maputla ang kulay, at mas maliliit sa mga kintsay mula sa lugar na tropikal. Ang tangkay at dahon ay ginagamit na sahog sa maraming putahe, gaya ng pansit, tsapsuy, batsoy, at iba pa. Mapagkukunan ng calcium, iron, at bitamina A, B, at C, ang juice na gawa dito ay maaaring inuming pampagana o pampatunaw. Ang pinakuluang kintsay ay pinapaniwalaang nakapagpapaihi, nakapagpaparegla, at nakapagpapagalíng ng bato, at nakaaalis ng lasong nása katawan. Ang pagtatapal ay mainam sa pamamaga, lagnat, at sakit sa tiyan. Ang pagsinghot sa dinurog na buto ay pangontra sa hika. Ang ugat ay sinasabing pampataas ng libido. Ang langis naman ay nagagamit sa paggawa ng pabango. (KLL) ed VSA

kípot Ang kípot ay isang makitid at mahabàng lawas ng tubigan na nása pagitan ng dalawang masa ng lupa at nag-uugnay sa dalawang malaking lawas ng tubigan. Strait ang karaniwang tawag dito sa Ingles bagaman maaari din itong tumukoy sa tsanel (channel) na nadadaanan ng sasakyang-dagat. Maaaring maging mahalaga ang kípot dahil ruta ito ng mga paglalakbaydagat at marami nang giyera ang naganap para sa pag-aari at pagkontrol ng mga ganitong kípot. Isang halimbawa ang Kípot Gibraltar, na nag-uugnay sa Karagatáng Atlantiko at Dágat Mediteraneo at nása pagitan ng mga kontinente ng Europa at Aprika. Sa kakiputan ng Kipot Gibraltar ay maaaring matawid ang dalawang nabanggit na kontinente sa pamamagitan ng lantsa sa loob ng 35 minuto. Mahalaga rin sa nabegasyon at komersiyo ang Kípot Dover sa pagitan ng England at France, ang Kípot Hormuz sa pagitan ng Gulpong Persian at Gulpong Oman na dinadaan ng mga tangker ng langis, ang Kípot Malacca sa pagitan ng peninsulang Malaysia at Sumatra at naguugnay sa Karagatang Indian at Dagat Tsina kayâ isa sa pinakaabaláng pook pangnabegasyon sa mundo. Ang Kípot San Juanico ang pinakamakitid na kípot sa Filipinas at nása pagitan ng Samar at Leyte. May súkat itong dalawang kilometro at may nagtuturing na pinakamakipot sa buong mundo. Ipinatayô dito ang Tulay San Juanico noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, at ang tulay ay itinuturing namang pinakamahabàng tulay sa Filipinas. (VSA)

Kipot San Juanico

kíssa Ang kíssa ay maikling salaysay na inaawit ng mga Muslim kapag may espesyal na okasyon. Maaaring kuwento itong kinuha sa Koran, gaya ng pag-aalay ni Abraham sa kaniyang anak upang maitayô ang templo ng Panginoon. Maaari namang kuwento ito ng búhat at pag-ibig ng mga datu at bantog na tao. Ang matatandang kissa ay ginagamit ng mga Tausug upang bakasín ang kanilang ninuno at angkan. Nilalaman din nitó ang kanilang malalim na pangarap at lunggati. Wika nga ni Gerard Rixhon, “Gaya ng sinasabi sa atin ng ilang kissa, pinagsisikapang bigyan ng kahulugan ng mga Tausug ang papel ng karahasan sa kanilang sistema ng hálagáhang panrelihiyon. May mga istorya, gayunman, na nagpapahayag ng lunggati tungo sa magagandang ugnayan, mga mapayapang kasunduan, at malaking espasyo para sa katuwaan.” (VSA)

guhit ni Abdulmari Imao

kítang Ang isdang kítang ay kabilang sa pamilya Scatophagidae. Ito ay matatagpuan sa Indo Pasipiko. Ang katawan ay pipí at ang bibig ay hindi nakausli. May malalim na kutab sa palikpik ng likod. Ang unang tinik sa palikpik sa likod ay nakahilig sa harapan. May apat na tinik sa palikpik sa puwit. Kadalasan ay inaalagaan sa akwaryum. Maraming uri ng kítang at ang pinakakaraniwan ay ang Scatophagus argus. Ang kabuoang tinik sa palikpik sa likod ay 10-11. Maberde ang kulay. Ang batà ay may ilang malalaking bilog na batik na kasinlaki ng matá, o mayroon ding 5-6 na malalapad at maitim na linyang nakatayô. Ang mga batik sa tigulang ay medyo kulay-maputla at kadalasan ay nása tagilirang likod. Ang katawan ng kitang ay hugis kuwadranggulo at labis na siksik. Ang likod ng ulo ay malalim. Bahagyang malaki ang matá na ang sukat ay mas maliit kaysa habà ng nguso. Pabilog ang nguso. Maliit at pahalang ang bibig. Ang mga ngipin ay nakahilera sa panga. Ang pangkaraniwang habà ay 20 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 38 sentimetro. Kadalasang naglalagi sa lalim na 1-4 metro. Ito ay tumitira sa mga piyer, estuwaryo, lawa, at mga bakawan. Kumakain ng uod, krustaseo, insekto at halaman. Pinaniniwalaan ng mga mangingisda sa Filipinas na ang palikpik sa likod, puwit at pelbik ay may lason at maaaring makasugat. Ang kitang ay ginagamit ng mga Tsino na medisina. (MA) ed VSA

kiyapò Ang kiyapò, tinatawag ding kuyapó, ay kabilang sa maliit na pamilya ng halamang-tubig o akwatiko sa pamilyang Nymphaeaceae. Water lily ang karaniwang tawag sa Ingles. Sinasabing may 70 uri ng water lily sa buong mundo. Tulad ng ibang water lily, ang kiyapò ay may makintab, bilugan at nakalutang sa tubig na mga dahon at nakaugpong sa isang mahabang uhay na may lamang maraming hangin. May makapal itong tangkay na nakalubog sa tubig at nakabaón sa putik. May hubog tasa naman itong bulaklak na may nakapaikot na mga talulot. Ang malaking mga dahon nitó ay nakapagdudulot ng lilim sa mga isda sa ilalim. Gayunman, ang labis na pagdami nitó ay nakapagdudulot ng polusyon sa tubig at sagabal sa nabegasyon. Ipinangalan sa kiyapò ang popular na distrito ng Quiapo sa Maynila samantalang ipinangalan sa kuyapó ang bayan ng Kuyapo sa Nueva Ecija. (VSA)

koléhiyó Ang koléhiyó (mula sa Espanyol na colegio) ay isang institusyon ng mas mataas na edukasyon at pananaliksik na nagkakaloob ng mga sertipikong akademiko sa iba’t ibang larangan. Naglalaan din ito ng edukasyon para sa mga di-gradwado at gradwadong pag-aaral. Subalit sa panahon ng kolonyalismong Espanyol ang tinatawag na koléhiyó ay katumbas lamang ng mataas na paaralan o high school ngayon. Nagsimula bilang Colegio de Nuestra Señora del Santisimo bago naging Colegio de Santo Tomas, ang kasalukuyang Unibersidad de Santo Tomas ang tinuturing na pinakamatandang kolehiyo sa buong Filipinas at maging sa buong Asia. Ito ay itinatag noong 1611 sa ilalim ng mga Dominiko. Samantala, ang Colegio de Santa Potenciana na itinatag ng mga paring Pransiskano noong 1589 ang itinuturing naman na pinakamatandang kolehiyo para sa kababaihan. Isa sa pinakamatandang kolehiyo ang Colegio de San Juan de Letran. Samantala, naging bantog ang Ateneo Municipal de Manila ng mga Heswita bilang isang higit na liberal na paaralan dahil dito nagtapos ng batsilyer si Rizal bago nagpunta sa UST para kumuha ng medisina. (MJCT) ed VSA

kolombigá Ang kolombigá, binabaybay ding “kalumbigá,” ay sinaunang hiyas na isinusuot sa bisig. Malimit na yari ito sa ginto, pilak, o ibang metal at sagisag ng kabuhayan ng maysuot. Maraming patunay na mahilig magsuot ng mga hiyas sa daliri, leeg, binti, pulsuhan, at bisig ang mga sinaunang Filipino. Sa Kabisayaan, tinatawag noong kasika ang kabuuan at alinman sa naturang mga hiyas. Ang kolombigá ay isinusuot sa kalamnan ng pang-itaas na bahagi ng bisig. Tila ito pulseras ngunit hinubog upang maging lapat na lapat sa pang-itaas na bisig ng may-ari. Sa kasaysayang pandaigdig, karaniwang hiyas itong panlalaki. Gayunman, may katibayan na isinusuot ito ng nobya bilang agimat laban sa kamalasan. May mga ilustrasyon sa panahon ng Espanyol na nagpapakita sa tambalang lalaki at babae na kapuwa nahihiyasan ang mga daliri, binti, pulsuhan, bisig, at leeg. (VSA)

kolórum Ang kolórum ay popular na tawag sa isang walang legal na permiso o hindi nakarehistrong negosyo. Sa malaking titik, tawag ito sa kultong Rizalista na nag-alsa sa Surigao noong 1924 at halaw ang pangalan sa dasal sa Latin na “in saecula saecolorum” na nangangahulugang “magpasawalang hanggan.” Noong simula ng siglo 20, nagkaroon ng tensiyon ang mga pangkating Katoliko, Aglipayano, at Kolorum sa Surigao at Agusan. Noong 1910 hanggang 1920, nabago ang kalagayang panrelihiyon ng isla ng Siargao at Bucas Grande nang magpadalá ng sugo si Laureano Solamo, ang supremo ng Kolorum sa Kabisayaan, sa paniwalang mainam na panahon iyon upang hikayatin ang mga dáting Katoliko na sumapi sa Kolorum. Dumating din ang halens o imigranteng Kolorum na mula sa Bohol, Leyte, Samar, at Cebu sa mga naturang lugar. Si Felix Bernales o mas kilalá bilang Lantayug ang namunò sa Kolorum ng Mindanao. Naniniwala ang Kolorum sa egalitaryanismo, o pagkakapantay-pantay kayâ hindi silá maaaring magkaroon ng sariling ari-arian, at asetismo kayâ iwinaksi nilá ang mga luho gaya ng pag-inom ng alak, pagsusugal, gawaing seksuwal, at iba pa. Ang kanilang kredo ay may impluwensiya ng Cofradia de San Jose ni Apolinario de la Cruz noong 1840 at sinimulang sambahin si Jose Rizal noong 1896. Ayon sa lider na si Lantayug, magkakaroon ng apokalipsis, magiging tagapaghukom si Rizal, at maililigtas ang bayan ng Socorro. Dahil dito, nagkaroon ng sapilitang pagpapalit ng relihiyon ang mga mamamayan sa hilagang silangang Mindanao. Nagsuspetsa at nagmasid ang mga awtoridad sa biglaang pagdami ng kasapi ng naturang kulto. Nagsimula namang humawak ng armas ang Kolorum. Idineklara ni Lantayug ang taóng 1924 bilang taon ng Banal na Paghihiganti at noong Enero 1924, nagsagawa silá ng mga pag-aalsa laban sa grupo ni Captain Valentin Juan, isang konstabularyong nangangasiwa sa lugar. Nang mapatay sa engkuwentro si Juan, hinawakan ni Col. C. H. Bowers ang rebelyon at napatigil ito noong Pebrero 1924. Samantala, ang kolorum na sasakyan ay ipinagbabawal ng Republic Act No 4136 o Land Transportation and Traffic Code. Ito ang batas na nagtatakda ng kontrol sa pagpaparehistro at operasyon ng mga sasakyan at pagbibigay ng lisensiya sa may-ari, negosyante, konduktor, at drayber. Ito

ang nagbibigay ng kapangyarihan sa Land Transportation Office (LTO) ng pagrerehistro ng mga sasakyan, pagbibigay ng lisensiya, at pagkumpiska, pagsuspinde, at pagkansela ang mga ito. Ang multa sa mga kolorum ay mula 500 hanggang 5,000 piso, tatlong buwang kumpiskasyon ng plaka at lisensiya hanggang kanselasyon ng prangkisa at lisensiya. (KLL)

komédya Mula sa salitâng Espanyol na comedia, tinatawag na komédya ang naturalisado at unang pambansang dulà sa Filipinas na naging popular noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Unang napaulat na pagtatanghal nitó ang isinagawa sa Cebu noong 1598 kaugnay ng pagdalaw ni Obispo Pedro de Agurto. Sinundan pa ito ng mga ulat ng ibang pagtatanghal para sa mga pistang panrelihiyon at pagdiriwang na pampamahalaan. Gayunman, naging popular ito sa naging anyo nitóng naturalisado at nása mga wikang katutubo noong ika-18 hanggang ika-19 siglo. Ipinalalagay ng mga iskolar na nakasunod ito sa uri ng dula na pinasikat ni Lope de Vega sa Espanya noong ika-16 siglo at nagtataglay ng balangkas na tatlong yugto, patula ang diyalogo, at hinggil sa búhay ng mga banal na Kristiyano at sa pakikipagsapalaran ng mga prinsipe’t prinsesa sa malalayòng kaharian. Tinawag din itong móro-móro dahil sa popular na anyo nitóng nagtatampok sa hidwaang Kristiyano at Muslim. “Móro” ang nakamihasnang tawag ng mga Espanyol sa mga Muslim dahil sinakop ng mga Moro mulang Aprika ang Espanya sa matagal na panahon. Isang ganitong tipo ng pagtatanghal ang komédya na itinanghal noong 15 Hulyo 1637 bilang parangal sa tagumpay ni Gobernador-Heneral Sebastian Hurtado de Corcuera laban sa mga Muslim sa Mindanao. Napanood diumano ng sumulat ng dula, si Padre Heironimo Perez, ang kunwang espadahan ng mga batàng nagkatuwaan dahil sa pagwawagi ng mga Espanyol laban sa mga Muslim, at ipinakita ito sa kaniyang dula. Ang batálya (mula Espanyol na batalla) o pasayaw na labanan sa entablado ang isang kinagigiliwang tagpo sa móro-móro. Malinaw namang kasangkapan ang laging pananaig ng mga tauhang Kristiyano sa dula tungo sa pagtatanim ng superyoridad ng relihiyong Kristiyano sa ibang pagsampalataya. Tinatawag itong linambáy sa Cebu at arákyo sa Nueva Ecija. Mga sanga nitó ang ibang dulang panrelihiyon na gaya ng senakuló at tibág. Kinagiliwan din ng madla sa komédya ang makukulay na kasuotan, ang mahahabà’t magarbong diyalogong patula, ang madamdaming tagpo ng pagsisintahan, at ang mga pagpapatawa ng púsong o lukayo. Nanghinà ito bilang teatro sa Maynila dahil sa mga bagong aliwan na gaya ng zarzuela sa ikalawang hati ng ika-10 siglo ngunit nagpatuloy bilang proyekto ng komunidad sa ilang pook (gaya sa Baler, Lungsod Iligan, Ilocos, Nueva Ecija, Panay) hanggang sa kasalukuyan. Sa Parañaque nagmula ang maituturing na modernisadong pagtatanghal ng komédya. (VSA)

guhit ni Danilo Dalena

kómiks Mula sa Ingles na comics, tumutukoy ang kómiks sa mga nakalarawang salaysay sa loob ng mga nakahanay na kuwadro sa limbag na pahina. Isa ito sa panitikang biswal na naging popular nitóng ika-20 siglo sa bansa. Mauugat ang pagguhit ng komiks noong 1885, nang iguhit ni Jose Rizal sa anyong cartoon ang tanyag na pabulang Ang Pagong at ang Matsing sa album ni Paz Pardo de Tavera na nililigawan pa noon ni Juan Luna sa Paris. Inihiudyat naman ang pagiging industriya ng komiks nang likhain at ilathala ni Tony Velasquez ang nakatatawang búhay ni Kenkoy noong 1929. Naging bahagi ito ng lingguhang magasing Liwayway na naisalin din sa iba pang mga rehiyonal na magasing gaya ng Bannawag, Hiligaynon, Bisaya, at Bikolnon. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nagsimulang maging pangunahing babasahing Filipino ang komiks na hinalaw sa comic book ng mga Amerikano. Nailathala ang Halakhak Komiks noong 1946, ang kaunaha-unahang lingguhang serye ng komiks na nailimbag sa Filipinas. Sinundan ito ng Pilipino Komiks, Hiwaga Komiks, Espesyal Komiks, at Tagalog Klasiks ng Ace Publications sa pamamahala ni Tony Velasquez at sinundan pa ng ibang publikasyon. Noong mga dekada 1970-1980, umabot sa tatlong milyon kada linggo ang nailalathala at malaki ang ambag sa pagpapalaganap ng pambansang wika at pagbása para sa mas nakararaming mamamayang walang kakayahang bumili ng mga libro. Subalit, nanghinà ito sa pagbubukás ng dekada 90 dahil nagsawà diumano ang mambabasá sa hindi nagbabago bukod sa sumasamâng uri ng kuwento’t guhit—ang palatandaan ng sobrang komersiyalisasyon. (JGP) (ed VSA)

komisyón Ang komisyón, mula sa Espanyol na comision, ay isang uri ng pamamahala sa pamamagitan ng isang kalupunán o pangkat ng tagapamahala na nalikha ng batas para sa isang espesyal o espesipikong tungkulin. Noong panahon ng Amerikano, nagkaroon ng mga komisyon para sa mga tanging gawain sa gobyerno, gaya ng mga komisyong ipinadalá sa Filipinas upang magsiyasat sa tunay na kalagayan sa Filipinas at ng mga komisyon namang ipinadalá ng Filipinas sa Estados Unidos upang maglakad para sa interes ng mga Filipino. Sa kasalukuyang kairalan, ang komisyón ay maaaring binuo at pangmatagalan dahil itinadhana ng konstitusyon, gaya ng Comission on Elections, o binuo para sa isang napapanahong pangangailangan, gaya ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na naatasang tumugaygay sa mga nakatagong yamang dulot ng korupsiyon. May iba pang komisyon na kailangang malaya sa anumang malaking sangay ng gobyerno upang mangalaga sa katarungan, demokrasya, at kalinisan, gaya ng Komisyon sa Serbisyo Sibil at Komisyon sa Awdit, at Komisyon para sa mga Karapatang Pantao. May mga espesyal na komisyon para sa mga gawaing hindi nasasaklaw ng mga kagawaran sa sangay na ehekutibo, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino, Komisyon sa para sa Kultura at mga Sining. Nilikha ang mga naturang komisyon ng mga bukod na lehislasyon. (MJCT) ed VSA

Komisyón sa Wikàng Filipíno Ang Komisyón sa Wikàng Filipíno ang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na may katungkulang magsagawa ng mga pananaliksik, paglilinang, pagpapalaganap, at pagpapaunlad ng Filipino at iba pang wika sa bansa. Nilikha ito bilang pagtupad sa tadhana ng Konstitusyong 1987 at alinsunod sa Batas Republika Blg. 7104 na nilagdaan ni Pangulong Corazon Aquino noong 14 Agosto 1991. Ang Komisyon ay binubuo ng labing-isang (11) komisyoner na kumakatawan sa mga pangunahing wika at mga kaugnay na larang ng pag-aaral sa Filipinas, at pinangungunahan ng isang punòng komisyoner. Ang KWF ay may sekretaryat at mga empleado na nása ilalim ng pangangasiwa ng isang Direktor Heneral. Ang KWF ay isa sa mga kaanib na ahensiya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining. Nagsimula ang kasaysayan ng KWF sa naging adhika ng Konstitusyong 1935 na magkaroon ng isang Wikang Pambansa batay sa isang katutubong wika ng Filipinas. Itinatag sa bisà ng Batas Komonwelt Blg. 184 s. 1936 ang National Language Institute upang sundin ang tadhanang pangwika ng saligang-batas. Ang naturang ahensiya ay nabuo noong 1937 at naging popular sa tawag na Surian ng Wikang Pambansa (Institute of National Language). Ipinahayag nitó noong 30 Disyembre 1937 ang Tagalog bilang wikang batayan ng Wikang Pambansa. Noong 1959, ipinatawag na “Pilipino” ang Wikang Pambansa sa isang kautusang pangkagawaran ni Kalihim Jose B. Romero, na naging “Filipino” sang-ayon sa Konstitusyong 1973. Pinagtibay ang naturang pangalan sa Konstitusyong 1987 bukod sa ibang dagdag na tadhana hinggil sa implementasyon nitó. Samantala, binago ang estruktura ng SWP sa pamamagitan ng atas ni Pangulong Aquino noong 30 Enero 1987 na lumilikha sa Linangan ng mga Wika ng Filipinas. Ang Linangan ang pinalitan ng kasalukuyang Komisyón sa Wikang Filipino. Mahalagang layunin ng KWF na pandayin ang wikang Filipino upang magamit ito sa pambansang pag-unlad at pagkakaisa. Tungkulin rin nito na panatilihin ang pagyabong ng iba pang katutubo at rehiyonal na wika sa Filipinas. Kaugnay nitó, tungkulin ng KWF ang pagbalangkas ng mga patakaran at kaukulang mga programa at saliksik upang mapayabong ang Filipino at mapalaganap itong wika ng komunikasyon at edukasyon sa buong bansa. (SMP) (ed VSA)

Komiténg Blue Ribbon Ang Komiténg Blue Ribbon (Blu Rí•bon), isa sa mga komite sa Senado, ay kilala rin bílang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations. Nasasaklaw ng kapangyarihan nitó ang imbestigasyon sa mga bagay na may kinalaman sa pangungurakot, pag-abuso, at pagpapabaya sa katungkulan ng mga opisyal at empleado ng pamahalaan. Ito rin ang nagpapatupad ng probisyon ng saligang-batas hinggil sa nepotismo at nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga bagay na may kinalaman sa pampublikong interes sa pamamagitan ng sarili nitóng inisyatiba o sa inisyatiba ng miyembro ng Senado. (KLL)

Mga miyembro ng Komiteng Blue Ribbon sa isang pagdinig sa Senado (retrato ni Joseph Muego)

Komónwelt ng Filipínas Pagkatapos masunod ang lahat ng probisyong itinakda ng Batas Tydings-McDuffie, pinasinayaan ang Komónwelt ng Filipínas noong 15 Nobyembre 1935, ang pansamantalang pamahalaan ng Filipinas na hahawakan ng mga Filipino hanggang sa itinakdang pagbibigay ng ganap na kasarinlan. Umupô si Manuel L. Quezon bilang pangulo at si Sergio Osmeña bilang pangalawang pangulo. Binibigyan ng nasabing batas ang Filipinas ng sampung taon simula 1935 hanggang 1945 upang maghanda sa pamamahala at pamamalakad ng sarili nitong gobyerno para sa napipintong pagbibigay ng kalayaan sa 1946. Gayunman, sa loob ng panahong ito, ang ugnayang panlabas ng bansa ay pamamahalaan ng presidente ng Amerika sa pamamagitan ng kaniyang high commissioner. Itinatakda din sa nasabing batas ang pagrebisa ng gobyernong Amerikano at Komonwelt sa usapin ng independensiya pagkalipas ng tatlong taon matapos ang inagurasyon nitó. Maraming rekisitos ang kailangang tugunan sa pagtatayô ng nasabing Komonwelt. Una, kinakailangang maghalal ang mga Filipino ng mga delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal upang bumalangkas ng konstitusyon. Pagkapos, ipadadala ito sa presidente ng Amerika upang aprubahan. Kaugnay nitó, magkakaroon ng plebisito sa Filipinas upang magdesisyon ang mga Filipino kung tatanggapin o ibabasura ang nasabing konstitusyon. Anumang pagbabago dito ay dapat isangguni sa pangulo ng Amerika. Kung tatanggapin ito ng sambayanan, magkakaroon muli ng eleksiyon upang maghalal ng mga opisyal ng gobyernong Komonwelt. Noong 10 Hunyo 1934 idinaos ang eleksiyon para sa mga delegado sa kumbensiyon. Makalipas halos ang isang taon ng pagbalangkas ng konstitusyon, inaprubahan ng humigit-kumulang na isang milyon at dalawang daang libong boto ng mga Filipino ang nasabing konstitusyon noong 14 Mayo 1935. Makasaysayan din ang naturang plebisito dahil ito ang unang pagkakataon na bumoto ang kababaihan. Kasunod nitó, idinaos ang halalan para sa mga opisyal ng Komonwelt noong Setyembre 17. Tumakbo sa pagkapangulo sina Quezon, Emilio Aguinaldo, Gregorio Aglipay, at Pascual Racuyal samantalang sina Osmeña, Raymundo Melliza, at Norberto Nabong naman para sa pagkapangalawang pangulo. Nanalo ng landslide sina Quezon at Osmeña na may mga botong 695,000 at 811, 000. Noong Oktubre 12, niratipikahan ng Pambansang Asamblea ang resulta ng eleksiyon na nagtalaga kina Quezon at Osmeña bilang pangulo at pangalawang pangulo ng Komonwelt ng Filipinas. (LN) (ed VSA)

kompóso Mula sa salitâng Espanyol na composo, ang kompóso ay isang anyo ng awit na nagkukuwento ng isang pangyayari. Tinatayang nanggaling ito sa ng mga Mehikano at nakilála sa Kanlurang Kabisayaan. May paulit-ulit itong himig at kinakanta nang walang pagtangka na baguhin o lagyan ng pagbabago ang pagkanta. Kadalasang kinakanta ito ng isang soloista na may kasaliw na gitara. Malumanay ang pagkanta, at nagsisimula sa isang paanyaya na makinig o humingi ng pahintulot na kumanta at magkuwento. Halimbawa:

O mga senyores pamatii ninyo Akun iga-asoy ini nga composo

Isinasalaysay ng kompóso ang isang pangyayari sa isang lugar, na binabanggit din sa kanta, at kadalasan ang pangyayari ay malungkot, kasindaksindak o kamangha-mangha. Madalas din na kapupulutan ito ng aral, kayâ sa pagtatapos ng kanta ay binabanggit din ng manugkomposo o mangaawit ang isang babala o ang aral na mapupulot sa kuwentong kakakanta lámng. Ang komposo ay nahahati sa mga saknong na may tig-aapat (4) o tiglilimang (5) taludtod at ang bawat linya ay may pantig na hindi bababâ sa labindalawa (12) at hindi hihigit sa labingwalo (18). Mayroon hindi bababâ sa lima (5) at hindi hihigit sa labinlimang (15) saknong ang mga naitalâng komposo. Halos lahat ng komposong naitalâ ay walang pamagat. Ang mga komposo ay nagkukuwento ng mga kasaysayan tungkol sa pagibig, pagkasawi, pagkamatay, kadakilaan, at iba pang mga tema tungkol sa pamumuhay ng mga tao sa isang pamayanan. (MLM)

guhit ni Angeli Marie Narvaez

Komunísta Ang Komunísta ay isang tao o pangkat na nagtataguyod ng komunismo, na maaaring tumukoy sa: (1) teorya ng panlipunan at pang-ekonomiyang organisasyon, pangunahing isinulong ni Karl Marx, at nagtataguyod na maging pag-aari ng madla ang buong sistema ng produksiyon, ng pantay na pagbabahagi ng mga bunga ng paggawá, at ng pagtatatag ng isang lipunang walang tunggalian ng mga uri; at (2) rebolusyonaryong kilusang pampolitika na nagtataguyod sa teoryang ito at naglalayong magtatag ng isang pandaigdigang lipunan na walang mga uri, at pag-aari ng madla ang mga yamang produktibo na ginagamit para sa pakinabang ng lahat. Noong 7 Nobyembre 1930, itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas na tinatawag ngayong PKP-1930 upang ibukod ito sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na itinatag naman ni Jose Maria Sison sa Alaminos, Pangasinan noong 26 Disyembre 1968. Naunang idineklarang ilegal ng kolonyalismong Amerikano ang PKP-30 bago ito nanguna sa kilusang mapaghimagsik laban sa mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang tagapanguna ng Hukbalaháp o Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon. Subalit nagbalik sa pagiging gerilya ang mga Huk matapos ang digmaan nang hindi silá hinayaang humawak ng puwesto sa gobyerno. Sang-ayon naman sa kanilang saligang-batas, ang Partido Komunista ng Pilipinas ni Sison ay isang rebolusyonaryong partidong proletaryo na humahango umano ng aral mula sa lahat ng nakaraang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Filipino at mula sa mga dakilang aral nina Marx, Engels, Stalin, at Mao Tsetung. Umaagapay ito sa pagsulong ng teorya at praktika sa pandaigdigang rebolusyong proletaryo na pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Nakikilahok ito sa “digmaang bayan” sa pamamagitan ng armadong sangay nitó, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) o New People’s Army (NPA) na itinatag noong 29 Marso 1969. (ECS) ed VSA

Konstantíno Ang Konstantíno ay isang pangunahing tauhan sa prusisyon ng santakrúsan. Ito ang konsorte ng Reyna Elena kayâ bahagi ng pangwakas at tampok na bahagi ng prusisyon. Kinakatawan ng Konstantíno si Constantino na dakilang emperador ng Roma (306-337) at naging unang Kristiyanong emperador sa daigdig at tagapagtatag ng Constantinople bilang kabesera ng Imperyong Romano. Ayon sa mga salaysay, nanaginip si Constantino sa gabi bago ang araw ng kaniyang pakikipaglaban kay Maxentius (ang kaniyang karibal sa Italya). Nagpakita raw sa kaniyang panaginip si Hesus at sinabi nitóng lagyan ng mga titik na XP, ang unang dalawang titik ng ΧΡΙSΤΟS (Christos), ang mga kalasag ng kaniyang mga kawal. Sa araw ng laban, nakakita siyá ng simbolo ng krus na nakapatong sa araw at may mga salitang in hoc signo vinces o “sa simbolong ito, ikaw ay magwawagi”. Natalo nga niya si Maxentius at dahil doon ay naniwala siyáng si Hesus ang magdadalá sa kaniya ng tagumpay.Nagpabinyag siyá na maging Kristiyano. Inilabas din niya ang kautusan na payagan ang Kristiyanismo sa imperyo. Dahil sa nangyari kay Constantino, naisip ng kaniyang inang si Reyna Elena na maglakbay sa Banal na Lugar upang hanapin ang Banal na Krus. Nagtagumpay siyá diumano at kayâ nagkaroon ng pagdiriwang sa kaniyang pagbalik. Sa panitikan ng Filipinas, ang komedyang tibág ang pagsasadula sa pakikipagsapalaran ng hukbo ni Reyna Elena sa paghahanap ng Banal na Krus. Ang santakrusan ang karugtong na pagdiriwang sa pagkatuklas ng krus. Dalá-dalá ni Reyna Elena ang isang maliit na krus na kumakatawan sa Banal na Krus. Kaagapay niya ang Konstantino bilang anak at makisig na konsorte sa prusisyon. (MJCT) ed VSA

konsumerísmo Ang konsumerísmo ay isang konsepto hinggil sa pagtaas ng konsumo— ang paggamit o pag-ubos ng suplay—ng mga produkto. Sang-ayon sa kapitalistang mukha ng konseptong ito, ang malayang pagkonsumo ng mga mamamayan sa mga produkto ay mabuti para sa ekonomiya ng bansa. Ngunit tumutukoy din ito sa isang modernong kilusan para sa proteksiyon ng mga mámimíli o konsumerista laban sa walang-kuwenta at mapanganib na produkto, hindi makatarungang pagtatakda ng presyo, nakalilinlang na patalastas, at iba pa. Nang magkaroon ng Rebolusyong Industriyal sa Kanluran, nagkaroon din ng malawakan at maramihang produksiyon na nása múrang halaga kayâ nagkaroon ng pagkakataón ang mga tao na kumonsumo nang marami. Nangangahulugan din ito ng pagsasamantala sa panig ng mga kapitalista at namamahala sa produksiyon. Bukod sa abuso sa mga manggagawa, umiisip din ng mga panlilinlang upang higit na lumaki ang tubò sa pagbebenta ng produkto. Ang makabagong konsumerismo ay isa ring kilusang protesta laban sa panlilinlang at pansasamantala ng mga negosyante. Ang Consumers International (CI) ang nangungunang kilusan ng mga konsumerista sa mundo. Una itong itinatag bilang International Organisation of Consumers Union (IOCU) noong 1960 ng limang unyon ng mga konsumerista mula sa Estados Unidos, United Kingdom, Netherlands, Belgium, at Australia. Nilalayon nitóng palaganapin ang isang global na kooperasyon sa pagsusuri ng mga produkto at serbisyo pati na rin ang impormasyon, edukasyon, at proteksiyon para sa lahat ng mámimíli. Nagsimula ang kilusan ng konsumerismo sa Filipinas noong simula ng dekada 50 nang itatag ni Ambassador Rafaelita Soriano ang Consumers’ Association. Nabuwag din ito dahil sa kakulangan sa pondo at miyembro. Nag-usbungan pa ang iba’t ibang organisasyon at kilusan: mga grupo ng konsumerista sa pangunguna ng National Federation of Women’s Clubs noong 1950, Consumers Federated Group of the Philippines noong dekada 60, at noong dekada 70, Consumers Union of the Philippines, Kilusan ng mga Mamimili sa Pilipinas, Ink., Church-Based Consumer Movement, at Citizens’ Alliance for Consumer Protection, at marami pa. Noong 1992 ipinatupad ang Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines na naglalayong protektahan ang interes ng mamimili, itaguyod ang kaniyang kapakanan, at magtakda ng pamantayan para sa pagsasagawa ng kalakalan at industriya sa bansa (KLL)

guhit ni Bladimer Usi

kontrabída Ang kontrabída ay ang pangunahing tauhan na kasalungat ng bida sa nobela, pelikula, at iba pang katha. Nagmula ito sa pagtatambal ng mga salitang “kontra” at “bida,” na nagmula sa mga Espanyol na contra (laban) at vida (buhay). Kinakatha ang kontrabida upang magsilbing sagabal, hámon, o balà sa pagkakamit ng bida ng buhay na matiwasay o maligaya. Kayâ naman, madalas na binibigyan ang kontrabida ng katangiang itinuturing na salungat sa halagahan ng lipunan; kung itinuturing na may ginintuang puso ang bida, madalas na maitim ang budhi ng kontrabida. Sa mga sinaunang epikong-bayan, kontrabida ang kalaban ng bayaning epiko o epic hero. Madalas siyáng nagmula sa ibang lupain o tribung katunggali ng pinagmulan ng bida. Si Saragnayan ang kontrabida sa buhay ni Labaw Donggon, sapagkat asawa ng babaeng ibig pakasalan ni Labaw, si Nagmalitong Yawa Sinagmaling Diwata. Si Pumbakhayon naman ang kontrabida sa buhay ni Aliguyon, sapagkat nagmula sa tribung Daligdigan na kalaban ng tribu niláng Hannanga. Pagdating ng Kristiyanismo, lalo pa’t dulot ng paglaganap ng Pasyon, si Hudas ang naging larawan ng kontrabida sa kamalayang Katoliko laban sa larawan ng bagong bayaning si Hesus. Sa mga kuwentong-bayan na nagtatampok ng bidang nagmula sa uring karaniwan, madalas na kontrabida ang mga nagmumula sa uring maharlika, tulad ng hari, prinsipe at datu. Sa mga kuwentong ito, ginagawang katawatawa at ipinakikilala bilang hindi nag-iisip ang mga kontrabida. Palaging nagagapi sa huli ang kontrabida sa bisa ng siste ng bayaning bayan o folk hero. Sa kulturang popular, pangunahing tampok ang mga kontrabida sa nobelang komiks, sa pelikulang bakbakan at drama, at sa soap opera sa telebisyon. Noong 1954, sinimulang iserye sa Pilipino Komiks ang nobelang kinatha’t iginuhit ni Francisco V. Coching, ang Kontra-Bida, na ayon sa unang labas ng komiks ay “kasaysayan ng magkaibigan” na pagpapasiyahan ng mambabasá kung “sino sa magkaibigan ang bida, at kontrabida.” Nang isalin ito sa pelikula nang taon ding iyon, ginampanan nina Fred Montilla at Luis Gonzales ang papel ng magkaibigang Arnel at Luis.

Paquito Diaz

ganap ni Cherie Gil bilang kontrabida sa pelikulang Bituing Walang Ningning lalo nang sinabuyan niya ng red wine si Sharon Cuneta matapos bitiwan ang klasiko na ngayong linya ng kontrabidang mapang-api: “You’re nothing but a second-rate, trying hard, copy cat!” Samantala, nakilála sina Gladys Reyes, Jean Garcia, at Princess Punzalan bilang mga pangunahing Dalawa sa mga sikat na kontrabida ng pelikulang Filipino sina Max Alva- kontrabida sa telebisyon nang ginampanan nilá ang mga karakter bilang rado at Paquito Diaz, na nakilála sa bagsik, yabang, at pagiging manyakis Clara (Mara Clara), Madam Claudia (Pangako Sa ‘Yo) at Selena (Mula sa ng mga papel na kanilang ginampanan. Hindi naman malilimutan ang pag- Puso). (ECS) ed VSA

kooperatíba Ang kooperatíba ay sosyohan o maramihang pagmamay-ari ng isang pinagkikitahang produksiyon o serbisyo na pinamamahalaan ng mga mámimíli para sa kani-kanilang pakinabang. Nagsimula ang kooperatiba sa Europa noong ika-19 na siglo. Dahil sa Rebolusyong Industriyal at mekanisasyon, nanganib ang kabuhayan ng mga manggagawa kayâ naging mahalaga ang pagbubuklod nilá upang protektahan ang kanilang interes. Naitatag ang Fenwick Weavers’ Society, ang unang kooperatiba noong 1769. Noong 1844, itinakda ng Rochdale Society of Equitable Pioneers ang Rochdale Principles na pamantayan sa pagpapatakbo sa kanilang kooperatiba. Ito ang naging batayan ng modernong kooperatiba. Si Robert Owen ang itinuturing na Ama ng Kooperatiba. Naniwala siyáng mahalagang bigyan ng maayos na kaligiran at edukasyon ang mga obrero upang makaahon ang mga ito sa kahirapan at makapagsarili. Naging mahalaga sa kasaysayan ng kooperatiba sa Filipinas ang mga Filipino na nakapag-aral sa Europa at nakita ang mga bagong kilusang ekonomiko doon noong ika-19 siglo. Noong 1892, humingi ng permiso si Dr. Jose Rizal kay Gobernador Despujol na payagan siyá at ang kaniyang mga kamag-anak at kaibigan na lumipat sa Borneo upang mamuhay doon sa ilalim ng planong kooperatiba ni Robert Owen. Nang ipatápon siyá sa Dapitan, itinayô niya ang eskuwelahan para sa mahihirap at itinatag niya ang La Sociedad de los Abacaleros na nakabatay sa kooperatiba. Noong 1914, ipinatupad ang Rural Credit Law na ibinatay ni Teodoro Sandiko sa kooperatibang Raiffeisen. Layon nitá na protektahan at paunlarin ang agrikultural na interes ng bansa. Itinuring si Sandiko na Ama ng Kooperatiba sa bansa. Nagkaroon pa ng ibang batas hinggil sa kooperatiba, gaya ng Cooperative Marketing Law noong 1927 at Agricultural Credit and Cooperative Financing Administration noong 1952 na naglalayong tulungan ang kooperatiba ng mga magsasaka. Noong 1990 naitatag ang Cooperative Development Authority sa bisà ng Republic Act No 6939 na naglalayong paunlarin at payabungin ang kooperatiba sa bansa bilang instrumento ng katarungan, hustisya, at kaunlarang ekonomiko. (KLL) retrato ni Teodoro Sandiko

kópra Pinatuyong laman ng niyog ang kópra na pinagmumulan ng iba’t ibang produkto sa Filipinas. Pangunahin dito ang langis ng niyog na ginagamit sa paggawa ng gamot, sabon, gomang sintetiko, at margarina. Tinatayang nása 90 porsiyento ng produksiyon ng niyog sa Filipinas ay mula sa kopra at langis ng niyog. Mula rin sa kopra ang coconut cake na ginagamit na pataba sa lupa at pagkain ng hayop. Pangunahing mula sa Filipinas ang tinatayang 500,000 tonelada ng kopra na iniaangkat ng Kanluraning Europa. Isa sa pinakaunang paraan ng paggawa ng kopra ang pagbibilad ng hinating niyog. Putîng kopra ang bunga ng ganitong paraan ng pagpapatuyo. Bagaman may mga magkokoprang gumagamit pa rin ng proseso ng pagbibilad, mas karaniwan na ngayon ang pagamit ng pugon. Bukod sa ligtas ang kopra sa ulan at iba pang elemento, mas mabilis ang prosesong ito. Isa pang paraan ng paggawa ng kopra ay ang pagamit ng makinang may mainit na hangin. Tinatawag ang prosesong ito na hot-air drying at nagbubunga ng mas de-kalidad na putîng kopra. Ayon sa mga eksperto, mainam ang pagpapatuyo sa kopra kung nása 4 hanggang 5 porsiyento ang tubig nitó at may 60 hanggang 70 porsiyento ang langis. Nag-ugat ang kopra sa terminong Hindi na khopra na nangangahulugang “niyog.” Ito ay kalibkíb at lukád sa Tagalog, kúpag sa Iloko, at língkad sa Aklanon. (DRN) (ed VSA)

Kóran Ang Kóran (o Qurán, Alcorán) ang pangunahing aklat ng pananampalatayang Islam at itinuturing ng mga Muslim na totoong salin ng mga salitâ ni Allah kay Muhammad sa pamamagitan ng anghel na si Jibril (Gabriel). Itinuturing din itong pinakamarikit na piraso ng panitikan sa wikang Arabe. Nahahati ito sa 114 na kabanata, tinatawag ang bawat isa na súrah, at pinaniniwalaang sinulat ni Muhammad sa loob ng 23 taón mula noong 610 at hanggang mamatay siyá noong 632. Pinaniniwalaang nagmula ang Kóran sa salitâng Arabe na qara’a na nangangahulugang bigkasin o ang pagbigkas. Matalik na kaugnay ito ng ibang salitâ sa libro, gaya ng kitáb (aklat), áyah (palatandaan), at súrah (kasulatan). Ang dalawang hulíng nabanggit ay nangangahulugan din, sa malawakang pagbása, ng rebelasyon o ang ipinababâng pahayag ni Allah. May tradisyonal na paniwalang nagsimula ang rebelasyon hábang nagmumuni si Muhammad sa Yungib Hira. Nagpatuloy ito at naging malimit nang lumíkas siyá sa Medina. Ipinasaulo niya at ipinabigkas ang mga rebelasyon sa mga alagad upang sundin ng komunidad na Muslim. Pagkamatay ni Muhammad, ipinatipon ang Kóran ng unang Kalipa Abu Bakr at sa mungkahi ng kaniyang kasunod na Kalípa Umar. Nang mamatay si Umar, ipinamána ang teksto ng Kóran kay Hafsa, biyuda ni Muhammad at anak ni Umar. Napansin ng ikatlong Kalípa Uthman ang mga munting pagkakaiba sa diyalektong Arabe at humingi siyá ng pahintulot na ialinsunod ang lahat sa diyalektong tinatawag ngayong Fus’ha (Makabagong istandard na Arabe). Tinatanggap ng mga iskolar na ang kasalukuyang anyo ng Kóran ay ang orihinal na tinipon ni Abu Bakr. Itinuturing ang Kóran na pangunahing himala ni Muhammad, ang katibayan ng kaniyang pagiging Propeta, at ang katapusan ng mga kalatas mula sa langit na nagsimula sa mga kalatas kay Adan, ang unang propeta, at nagpatuloy hanggang sa ebanghelyo ni Hesus. Ipinapaloob at ipinapaliwanag sa Kóran ang maraming pangyayari sa mga kasulatang Hebrew at Kristiyano. (EGN) (ed VSA)

koreó Ang koreó ay nagmula sa Espanyol na correo at tumutukoy sa pahatiran ng sulat at pakete o palingkurang postal. Itinatag ang unang koreo sa Filipinas sa Lungsod Maynila noong 1767, na isinailalim sa bagong distritong postal ng Espanya. Muli itong itinatag bilang distritong sumasaklaw sa buong bansa noong 5 Disyembre 1837 at nakilála bilang pangunahing sentrong pangkoreo sa Asia noon. Noong panahon ng Rebolusyon, iniatas ni Emilio Aguinaldo ang pagtatatag ng koreo para sa pahatirang-sulat ng mga Filipino. Kinilala ito noong 1902 sa ilalim ng Kagawaran ng Kalakal sa bisà ng Act No. 426 na ipinasá ng Philippine Commission. Sumapi ang Filipinas sa Universal Postal Union noong 1 Enero 1922. Itinayô naman ang gusali ng Central Post Office sa Maynila noong 1926 subalit nawasak ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at muling itinayô noong 1946. Sa ilalim ng administrasyon ng Pangulong Corazon Aquino, pinangalanang Postal Service Office (PSO) ang dating Bureau of Posts sa ilalim ng Executive Order No. 125 na nilagdaan noong 13 Abril 1987. Dahil din dito kayâ napasailalim ng DOTC o Department of Transportation and Communications ang koreo sa bansa. Noong 2 Abril 1992, sa bisà ng Republic Act No. 7354, naging ang kasalukuyang PhilPost o Philippine Postal Corporation ang dating PSO. Binigyan din ng karapatan ng batas na magbukás ng Philippine Postal Savings Bank ang PhilPost na naganap noong 21 Hulyo 1994 sa ilalim ng pangulong Fidel V. Ramos. (ECS) ed VSA

Manila Central Post Office

korído Ang korído ay isa sa nagsangang tulang pasalaysay hango sa mga metriko romanse na dinala ng mga Espanyol sa Filipinas at naging popular na babasahin nitong ika-19 siglo. Ang isa pang sanga ay tinatawag na awit. Nagkakaiba ang awit at korido sa sukat ng taludtod. Wawaluhin ang sukat ng korido samantalang lalabindalawahin ang awit. Pinakamagandang halimbawa ngayon ng korido ang Ibong Adarna at obra maestra naman sa awit ang Florante at Laura ni Balagtas. May dalawang paliwanag tungkol sa pinagmulan ng salitâng korido. Maaaring distorsiyon ito ng salitâng Espanyol na occurido na nangangahulugang “pangyayari.” Sa diksiyonaryo naman, ang corrido ay may kahulugang balada, isang masayang kanta sa saliw ng gitara, sa estilong fandango. Sa Bikol at Pampanga, ang terminong korido ay parehong ginagamit na katumbas ng korido at awit sa Tagalog. Sa mga karaniwang mamamayan ng Pampanga, laganap din ang paggamit ng kuriru. Sa Iloko, ginagamit naman ang panagbiag na ang kahulugan ay “buhay.” Hindi matiyak kung kailan at kung paano talaga nakarating sa Filipinas ang mga metriko romanse. Ngunit may hinuha si Vicente Barrantes, na ipinahayag niya sa kaniyang El Teatro Tagalo, na dinala ng mga sundalo ni Legaspi ang mga tulang pasalaysay na ito mula sa Mexico. Sa simula, maaaring lumaganap ito sa paraang pasalita, at nang mas panatag na ang sitwasyon sa mga nasakop na lugar ay kumalat na rin ang mga limbag na anyo ng ganitong uri ng akda. Ipinapalagay din na unang nailimbag ang mga awit at korido bago matapos ang siglo 18 kung ibabatay sa kasaysayan ng pagsulat ng mga kilalang mangangathang tulad nina Jose de la Cruz, Francisco Baltazar at Ananias Zorilla. Ang mga naging popular na awit at korido ay itinanghal din bilang mga komedya. (GSZ)

koronasyón Ang koronasyón ay ang seremonya ng paggawad ng titulo o kapangyarihan sa isang monarko. Karaniwang laging binibigyan ng korona ang gagawaran, kasabay ng presentasyon ng iba pang gamit na magsisimbolo sa kaniyang titulo o kapangyarihan. Karaniwan ding may seremonyal na talumpati at ritwal ang isinasagawa ng naggagawad at ng ginagawaran. Madalas na politikal ang seremonya ng koronasyon, tulad ng paggagawad sa susunod na hari o reynang mamumunò, ngunit ginagamit din ito sa seremonyang panrelihiyon, tulad ng koronasyon ng bagong pinunò ng simbahan. Sa Filipinas, koronasyón ay isang maringal na seremonya ngunit nauukol sa pagpuputong ng korona sa isang musa o reyna ng pagdiriwang. Malimit na ito ang lundo ng isang timpalak pangkagandahan na idinaos sa loob ng isang pistang bayan o pagdiriwang. sa konteksto ng paggagawad ng nanalo sa isang pageant. Ang itinanghal na musa o reyna ay pinararangalan sa entablado pagkatapos ng kaukulang parada. Subalit ang pinakatampok na bilang ng koronasyon ay ang pagpupugay sa musa o reyna ng isang makata bago iputong sa musa o reyna ang korona. Bumibigkas ang makata ng isang mahabàng tula na nagpaparangal sa kagandahan at ibang katangian ng musa o reyna. Nása husay manalinghaga o magpatawa ng makata ang tagumpay ng koronasyon. Ang pagtula ng makata ang mismong koronasyon. (MJCT) ed VSA

kris Ang kris ay uri ng mahabàng patalim na alon-alon ang magkabilâng talim. Nagmula ito sa Timog-Silangang Asia, at ginagamit mula sinaunang panahon sa Filipinas, Indonesia, Malaysia, Brunei, at Thailand. Sa Filipinas, tinatawag din itong kalís at mahalagang bahagi ng kultura ng mga Magindanaw, Mëranaw, at Tausug sa Mindanao. Bukod sa pagiging sandata, itinuturing din ito bilang palamuti, banal na pamana ng lahi, at sagisag ng katapangan at kabayanihan. Maituturing ang kris bilang likhang-sining dahil mabusising inuukitan ng disenyo, at yari sa iba’t ibang materyales na tulad ng bakal, mahahalagang uri kahoy, mahahalagang bato, ginto, at garing. Maaari itong hatiin sa tatlong bahagi: ang mismong patalim (blade), ang puluhan (hilt), at ang kaluban (scabbard/sheath). May kris na alon-alon ang magkabilâng talim (ang bersiyon na laging nailalarawan), may alonalon ang isang talim at tuwid ang kabilâ, at may tuwid ang magkabilâng talim. May bahagya ding pagkakaiba ang kris mula Indonesia at kalís ng Mindanao. Ang huli’y tuwid mula sa dulo at nagiging alon-alon sa gitna paakyat sa puluhan. May maliliit na bersiyon ang kris, tulad ng gúnong at punyál, na pawang tinatawag na ”kris knife” ng mga dayuhan. Masasabing isang patunay kung gaano kahalaga ang isang bagay para sa isang kultura ay ang pagkakaroon ng iba’t ibang ngalan para sa mga bahagi ng bagay na ito. Hindi ito naiiba sa kris. Halimbawa, tinatawag ang patalim bilang tungo sa Magindanaw, sampir sa Mëranaw, at tiuwang sa Tausug; at ang hawakan bilang ulu-ulu, sooang, at puhan sa nasabing tatlong wika. Sa Mindanao, isang tanyag na halimbawa ng maalamat na kris ay ang Juru Pakal, ang mahiwagang espada ni Haring Indarapatra na ibinigay niya sa kapatid na mandirigma na si Sulayman. Matatagpuan ito sa epikong-bayan ng mga Maguindanao, ang Indarapatra at Sulayman. Tila may sariling isip ang kris na ito, sapagkat káya nitóng lumusob sa kalaban nang mag-isa, tulad ng pagsunggab nitó sa mga halimaw na sina Kurita at Pah. (PKJ)

Kristiyáno Nagmula ang salitâng Kristiyáno sa Espanyol na Christiano na ang ibig sabihin ay tagasunod sa yapak ni Kristo. Dahil nakaugnay sa Kristiyanismo ang Kristiyano, ang pagsunod sa yapak ni Hesus ay katumbas din ng “lahat ng mabuti” at “may dignidad”. May kaakibat na responsabilidad sa kapuwa at sa sambayanan ang maging Kristiyano. Nagsimula noong ikaapat na siglo AD ang paglawak ng impluwensiya ng Kristyanismo iba’t ibang bansa sa Europa at karatig lupain. Nang lumaon, nagkaroon ng tatlong uri ng Kristiyano: ang Kristiyano ng simbahang Katoliko Romano, ng simbahang Eastern Orthodox, at ng mga simbahang Protestante. Bagama’t nagkaroon ng pagkakaiba-iba ang tatlong ito, ang tanging hindi nabubuwag na paniniwala ay pagsamba sa iisang Diyos na kinakatawan ng talong persona: Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Ang kaligtasan ng sanlibutan ay pinaniniwalaang nakasalalay kay Hesukristo na Tagapagligtas. May pitong sakramentong mahalaga sa Kristiyano- ang Binyag, Kumpil, Pagbabasbas sa Maysakit, Banal na Eukaristiya, Kumpisal, Ordinasyon, at Kasal. Abril 1521 noong unang binyagan bilang mga Kristiyano ang mga katutubo ng Cebu. Ito ang simula ng pagdami ng Kristiyano sa Filipinas. Gaya ng ibang Kristiyano, ang mga Kristiyano sa Filipinas ay ay tumangkilik din sa konsepto ng langit at impiyerno sapagkat ito ang itinurong basehan ng paggawa ng mabuti o masamâ habang nabubuhay pa. Malaking mayorya ang mga Kristiyano sa Filipinas. Labingwalong porsiyento naman ng populasyon sa buong mundo ay Kristiyano. (CLS) (ed VSA)

guhit ni Joanne de Leon

Krus ni Magallánes Ang Krus ni Magallánes (Magellan’s Cross) ang pinaniniwalaang unang krus na itinirik sa bansa. Sinasabing inilagay ito sa utos ni Ferdinand Magellan, isang eksplorador na Portuges na naglayag para sa Espanya at unang nakarating sa Filipinas para sa mga Europeo. Itinayô ang orihinal na krus sa pagdating ng mga Europeo sa Cebu noong Abril 1521. Ayon sa palatandaan na nakapaskil sa paanan ng krus, ang krus na kasalukuyang nakatanghal sa publiko at gawa sa kahoy ng tindalo ay naglalaman ng mga labí ng orihinal na krus na itinirik nina Magellan noong 1521 bilang paggunita sa pagbinyag sa Katolisismo kina Raha Humabon ng Cebu, kaniyang asawa, mga anak, at marami sa kanilang mga alagad. Matatagpuan ang krus sa loob ng isang munti at pabilog na pabelyon sa tabi ng Basilica Minore del Santo Niño sa Kalye Magallanes sa poblasyon ng Lungsod Cebu. Ang simbahan ang isa sa pinakamatanda sa bansa. Maituturing ang krus at munting gusaling kanlungan nitó bilang pinakamahalagang makasaysayang palatandaan at dambana ng Cebu. Makikita sa kisame ng gusali ang isang miyural na naglalarawan sa unang Misa na ginanap sa bansa at ang pagbibinyag ng mga unang Kristiyanong Filipino. (PKJ)

kubíng Matatagpuan sa buong Filipinas, ang kubíng ay instrumentong gawa sa kawayan o tanso. Ang kawayan o tanso ay may hugis na pahaba at manipis at may puwang sa gitnang bahagi na kinalalagyan ng dila nito. Ang malayang panginginig ng dilang ito at ang hungkag na hugis ng bibig ng tumutugtog nito ang nagbibigay ng mainam na tunog sa kubing. Ang iba’t ibang posisyon ng dila ng tumutugtog ang nagdedetermina ng tonong nagagawa sa instrumento. Ang kubing na gawa sa kawayan ay maaari lamang ipuwesto sa pagitan ng mga labì ng tagatugtog, samantalang ang metal na kubing ay maaaaring nakadikit sa mga ngipin. Ang kubing na gawa sa kawayan ay maaaring makilala sa iba’t iba nitong pangalan: aribaw at kuribaw (Ibanag); kulibaw (Tinggian/Itneg); olibaw (Kalingga); abilao (Bontok); pulibaw (Ilonggot); kulibaw (Dumagat, Ayta Magkunana), subing (Abyan/Bihug), barimbaw (Tagalog), kinaban (Buhid, Hanunoo), subing (Ilonggo, Batak, Subanon), aroding (Tagbanua, Palawan), kubing (Mëranaw, Magindanaw, Tiruray, Bilaan, Tiboli, Tagakaolo, Ata, Bagobo, Manobo Cotabato, Mansaka, Manobo Agusan, Bukidnon, Mamanua), kulaing (Yakan, Samal), at suding (Mandaya). Ang metal nitong bersiyon ay kilala sa mga pangalang afiw, olat, onnat at giwong ng Kalingga; abiteng at awideng ng Bontok; at, bi-ong at biqqung naman ng Ifugaw. Maaaring gamitin sa pag-uusap o pagliligawan ang kubing sa gitna ng tahimik na gabi. (RCN) (ed GSZ)

kubyértos Ang kubyértos ay kagamitang ginagamit sa paghahanda, paghahain, at pagkain ng mga putahe. Mula ito sa cubiertos ng mga Espanyol na mayroong katulad na kahulugan. Ang tradisyunal na paggawa nito ay gumagamit ng pilak at sa kasalukuyang panahon naman ay stainless steel. Ang tatlong pangunahing kubyértos na kutsilyo, kutsara, at tenedor ay mayroong iba’t ibang uri para sa iba’t ibang paggagamitan. May iba-ibang kutsilyo para sa gulay, karne, isda, tinapay, keso, at mantekilya. Bawat uri ng kutsilyo ay may kapares na tenedor. Kayâ may mga tenedor para sa gulay, karne, isda, prutas, panghimagas, at iba pa. Mayroon ding mga kutsara para sa sopas, kape, tea, panghimagas, sarsa, asukal, at iba pa. Sa mga pormal na kainan, mayroong sinusunod na pagkakaayos ang mga kubyertos o ang tinatawag na table setting. Isinasaayos ang mga ito batay sa gamit. Sa kulturang Kanluranin, karaniwang ang tenedor, platito, kutsilyo para sa mantekilya, at napkin ay inilalagay sa kaliwa ng plato hábang ang kutsilyo, kutsara, mga inuman, at platito ay nása kanan. Ilang mga kagamitang pangkusina ang nakuha ng mga arkeologo sa lumubog na barkong San Diego. Bago pa man maging barkong pandigma ang San Diego, isa itong barkong pangkalakal kayâ iba’t ibang klase ng kagamitan ang natagpuan sa kinalubugan nitó. Mayroong mga porselana mula sa Tsina tulad ng plato, mangkok, banga, botelya, at iba pa na may disenyong bughaw-putî na popular noong 13 hanggang 17 siglo sa dinastiyang Yuan at Ming. Mayroon ding mga kasangkapang Europeo tulad ng mga kubyertos, kristal, kandelero, at iba pa. Ipinapalagay na ang mga ito ay ginagamit ng mahahalagang pasahero sa barko, gaya ng almirante. (KLL)

Kudaman Isa ang Kudaman sa umaabot sa 60 tultul o epikong-bayan ng pangkating Palawan na nakolekta ni Nicole Revel-Macdonald pagkatapos ng 20 taóng saliksik mulang 1970. Ang saliksik ni Revel-Macdonald ay patunay sa napakayamang panitikang-bayan ng Filipinas. Ang bayaning si Kudaman ay datu ng Kapatagan, may putong na kalapati at may tahanang naliligid ng liwanag. May sasakyan siyáng malaki’t mahiwagang ibon, si Linggisan, na isang kulay lilang bakaw, na nagdadalá sa kaniya sa iba’t ibang lupain at pakikipagsapalaran. Tuwing aalis siyá, iniiwan niya sa mga asawa ang isang bulaklak ng balanoy na kapag nalanta ay sagisag ng kaniyang kasawian. Ang kasalukuyang Kudaman ay inawit ni Usuy, isang babaylang Palawan, at ilang gabi niya itong inawit. Isinalin sa Filipino ni Edgar B. Maranan ang tultul nang ilathala noong 1991. Nagsisimula ito sa istorya kung paano napangasawa ni Kudaman si Tuwan Putli, at pagkaraan, ang tatlo pang asawa na nagturingang magkakapatid at nagsáma-sáma sa isang tahanan. Sinundan ito ng pagdalo sa isang pagdiriwang ng mga Ilanun upang manggulo. Ilang taóng naglaban si Kudaman at ang pinunòng Ilanun at sa ganitong labanan ay nagwawagi sa dulo ang bayani upang kaibiganin ang nakalaban. Anupa’t malimit magtapos ang mga bahagi ng tultul sa malaking inuman ng tabad, ang alak ng Palawan, at pagkonsumo ng mahigit sandaang tapayan ng alak. Dili kayâ’y nagsisimula ito sa malaking inuman na nauuwi sa labanan kapag nalasing ang mga panauhin. Sa dulo ng mga nairekord na tultul, sampu na ang asawa ni Kudaman na nakatagpo sa iba’t ibang abentura. Gayunman, mapapansin diumano ang taglay na hinahon at paghahangad ng kapayapaan ni Kudaman. Maraming tagpo ng sigalot na tinatapos sa kasunduang pangkapayapaan at pagpapasiya alinsunod sa tradisyong Palawan. Nakapalaman din sa tultul ang mga kapaniwalaan ng Palawan at ang konsepto nilá ng sandaigdigan. (VSA)

guhit nina Erika Sevilla at Jean Estella

Kudarát (Sirka 1590-1671) Magiting at mailap na pinunòng Muslim si Kudarát na hindi kailanman sumuko sa mga Espanyol. “Corralat” ang nakaulat na tawag sa kaniya ng mga Espanyol. Kinikilála siyá ngayong Sultan Kudarat (Qudarat kung minsan ang baybay) at ipinangalan sa kaniya ang bagong lalawigan mula sa malaking Cotabato. Ipinanganak siyá noong hulíng dekada ng ika-16 siglo at anak ni Datu Buisan, na isang Iranun, at ni Ambang. Naging sultan siyang Magindanaw nang mamatay ang ama at hinawakan ang posisyong ito mula 1619 hanggang 1671. Sa kaniyang pamumunò, nakalikha siyá ng pagkakaisa sa mga pangkating nakatira sa Lanao, Cotabato, Davao, at Zamboanga kayâ matagumpay na napigil ang pagtatangka ng mga Espanyol na palaganapin ang Kristiyanismo sa naturang mga pook. Sinikap din niyang makipagkaibigan sa mga Olandes sa Ternate upang ipansangga sa mga Espanyol. Noong 1637, isang malaking kampanya ang inilunsad upang gapiin siyá at pinamunuan mismo ng Gobernador-Heneral Sebastian Hurtado de Corcuera. Noong 13 Marso 1637, nilusob ni Corcuera ang Lamitan, itinuturing na kapitolyo noon ni Qudarat, at winasak ang mga kuta at sasakyang-dagat doon. Noong 16 Marso sinimulan ang salakay sa Ilihan na pinagkukutaan ni Kudarat at 2,000 tauhan. Sa ikalawang araw ng malaking labanan, nasakop ng mga Espanyol ang kuta ni Kudarat ngunit hindi siyá nadakip. Ang pangyayaring ito ay naging paksa ng bantog na komedya na itinanghal sa Maynila bilang parangal kay Corcuera. Ngunit nagpagalíng si Kudarat at naghintay ng pagkakataóng makaganti. Nagtatag siyá ng bagong kuta at tumipon ng mga bagong kapanalig samantalang gumagawa ng mga pagsalakay sa mga himpilan at pook Kristiyano. Muli siyáng sinalakay ng mga Espanyol ngunit umatras lámang siyá sa kabundukan. Sa loob ng mahabàng panahon ay hindi siyá napasuko ng mga mananakop. Ayon kay Cesar Adib Majul (1973), nása tugatog ang kapangyarihan ng sultanatong Magindanaw sa panahon ni Kudarat, ang kauna-unahang nagpatawag sa sarili na “sultan,” at ang kaniyang kamatayan noong 1571 ay naging senyas ng unti-unting paghinà at pagkahati ng sultanato. (VSA)

kúdetá Ang kúdetá (mula sa French na coup d’etat) ay pag-aaklas ng isang maliit na organisadong grupo o seksiyon ng estado upang pabagsakin at palitan ang nakaluklok na gobyerno. Ang ganitong pagkilos ay karaniwang inilulunsad ng militar at itinataguyod nang palihim ng ilang mataas na opisyal ng pamahalaan. Mayroong tatlong uri ng kúdetá: ang presidensiyal na kúdetá, pampalasyong kúdetá, at putsch. Ang presidensiyal na kúdetá ay pinasisimulan ng nakaluklok na pinunò ng gobyerno. Isinususpinde niya ang mga tradisyonal at konstitusyonal na karapatan upang palawakan at patatagin ang kaniyang pampolitikang kapangyarihan. Ang pampalasyong kúdetá ay nagaganap kung ang isang seksiyon ng sibilyan na pamahalaan ay mang-agaw ng kapangyarihan sa pamamaraang labag sa umiiral na konstitusyon at prosesong legal. Ang putsch ay ang marahas at armadong pag-aaklas ng isang grupong militar. Maraming kúdetá na ang naganap sa Filipinas na kadalasa’y pinamumunuan ng mga batàng opisyal ng sandatahang lakas. Karamihan sa mga kúdetá sa bansa ay pagtatangka lámang at hindi nagwagi. Ang deklarasyon ng Batas Militar ni Pangulong Ferdinand Marcos noong Setyembre 1972 ay maituturing na isang matagumpay na presidensiyal na kúdetá. Binuwag ni Marcos ang mga umiiral na institusyong konstitusyonal ng Republika at pinalitan niya ito ng sariling modelo ng pamamahala. Ang kúdetá na inilunsad ng noo’y Kalihim Juan Ponce Enrile at Heneral Fidel V. Ramos noong Pebrero 1986 ay maituturing na pampalasyong kúdetá na may elemento ng putsch at rumurok sa isang popular na pag-aalsa ng mamamayan. Napatalsik ng tinaguriang People Power I ang pamahalaan ni Marcos at nailuklok sa kapangyarihan si Pangulong Corazon Aquino. Hinarap naman ng pamahalaan ni Pangulong C. Aquino ang 10 nabigong kúdetáng may katangiang putsch. Si Pangulong Joseph Estrada ay napatalsik rin sa kapangyarihan noong Enero 2001 sa pamamagitan ng kombinasyong popular na pag-aalsa at pampalasyong kúdetá. Ang pamahalaan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay nakaranas ng tatlo ngunit hindi matagumpay na putsch na inilunsad ng mga batàng opisyal ng Sandatahang Lakas ng Filipinas. (SMP) (ed VSA)

kudkúran Kasangkapang pambahay ang kudkúran at ginagamit sa pagkudkod ng niyog. Karaniwang may “ulo” itong sapád at nakapabílog sa gilid ang mga munting talim na metal, at may kinakabitang “katawan” na munting piraso ng kahoy at may apat na paang dalawang dangkal ang taas. Malimit na sumasakay sa katawan ang nagkukudkód, kayâ tinatawag din itong “kabayo.” Ang katangiang ito ang karaniwang isinasadula sa mga bugtong hinggil sa kudkúran, gaya ng sumusunod na tatlo mulang mga Tagalog, mga Sebwano, at mga Ilokano:



Ang baboy ko sa Sorsogon Kung di sakyan di lalamon.



Kabayo ko sa Cagayan Dili mokaon kun dili sakyan.



Adda bassit a kabalyok Dina kayat ti ruot Ngem gustonat’ sabsabot.

Ang kudkúran ang pinakaepisyenteng paraan ng pagkuha sa laman ng niyog sa anyong tila dinurog na sa maliliit na piraso. Ang ganitong anyo ng laman ng niyog ang ibinubudbod sa kakaning gaya ng bibingka. Sa ganitong anyo din ng laman ng niyog ay higit na madalî itong pigain kapag kailangan ang gata. Ngunit kung tinatamad, puwedeng magpunta ngayon sa palengke. Kasáma ng mga moderno’t de-koryenteng gilingan at blender, maaari nang magpakudkod ng niyog sa pamamagitan ng mga mekanisadong kudkúran. (LJS) (ed VSA)

kudyapî Ang kudyapî ay instrumentong kahalintulad ng pinahabâng gitara. Gawa ito sa kahoy at hungkag ang loob nito upang makalikha ng mainan na tunog. Mayroon din itong dalawang kuwerdas. Tinutugtog ito ng Ata, Magindanaw, Manobo, at Mëranaw. Makikita rin ito sa Palawan. Tinatawag itong kudlong ng mga Ata, Manobo, at Bagobo at hagelong naman ng mga Tiboli. Marami pang ibang pangalang tumutukoy rito tulad ng kudlung, faglung, foglong, hagalong, hagelung, kudyapiq, kudyung, kuglong, ketiyapiq, kusyapiq, piyap, at iba pa. Gayunman, may dalawang pangkalahatang termino na higit na laganap: kudlung para sa Ata, Bagobo, Bilaan, Manobo, Mansaka, Mandaya, at Tiboli; kudyapi naman sa Bukidnon, Hagaonon, Magindanaon, Mëranaw, Manobo ng Agusan, at Subanon. Sa Palawan, ang kudyapi ay may dalawang anyo: malaki at maliit. Ang malaking kudyapi ay maaaring umabot sa dalawang metrong haba at maaaring gamitin sa pagsaliw sa pag-awit ng kulilal o awit ng pag-ibig. Ang mas maliit nito ay ginagamit sa paggagad ng mga tunog na maririnig sa kalikasan. Noong bandáng siglo 16, nagkomentaryo si Padre Diego de Bobadilla tungkol sa kudyapi. Ayon sa kaniya, “may lumang instrumentong tinatawag na cutiape na kasalukuyan pa ring ginagamit ng mga katutubo. Mayroon itong apat na kuwerdas na gawa sa tanso. Tinutugtog nila ito nang may kahusayan, at sa pamamagitan nito ay nasasabi ang anumang nais nilang sabihin. At pinatotohanan na nag-uusap ang bawat isa sa pamamagitan ng instrumentong ito—isang pambihirang katangian ng mga katutubo sa kapuluan.” Ang kudyapi ay iginagalang na instrumento ng mga Magindanaw at Mëranaw. Noon, tinutugtog lamang ito ng mga natatanging musiko para sa mga datu at sultan. Mayroon ding sariling katipunan ng musikang pangkudyapi lamang at walang ibang kasaliw. (RCN) (ed GSZ)

Kulafú Si Kulafú ang pangunahing tauhan sa seryeng komiks na may pamagat ding Kulafu na guhit ni Francisco Reyes at kuwento ni Pedrito Reyes. Ito ang komiks na kauna-unahang nailathala na may kulay sa magasing Liwayway. Ang nasabing komiks ay naisalin na sa iba’t ibang wika ng Filipinas, gaya ng Bikol, Iluko, at Bikol. Naisalin din ang serye sa Espanyol, para sa isang magasin sa Timog Amerika. Lumaki si Kulafu sa kagubutan sa tulong ng mga gorilya. Sanggol pa lámang noon si Kulafu. Habang umaakyat ng bundok ang mga magulang ni Kulafu, dinagit siyá ng isang malaking ibon. Inihulog siyá sa pugad ng malaking ibon para may makain ang mga inakay nitó ngunit aksidenteng napunta sa mga kamay ng gorilya. Mula noon, inalagaan si Kulafu ng malalaking unggoy. Nakipaglaban siyá sa malalaki at mababangis na hayop ng kagubatan gaya ng mga tigre’t dragon. Naging kalaban din niya ang mga siyokoy at iba pang lamanlupa. Nabuo ang pangalan ni Kulafu nang minsang nasagip niya ang isang babaeng kakainin na dapat ng isang táong-gubat. Nang itanong ng babae ang kaniyang pangalan, nabanggit niyang ‘Kulafu, Kulafu.” Sa ngayon, mas kilala ang Kulafu bilang pangalan ng alak na Vino Kulafu ngunit hindi pa rin matatawaran ang kontribusyon nina Francisco Reyes at Pedrito Reyes sa kanilang nagawang akda. (SJ) (ed VSA)

kúlam Isang uri ng itim na kapangyarihan ang kúlam. Ang ibig sabihin, isa itong mahiwagang kapangyarihan na ginagamit upang saktan o pagdusahin ang ibang tao. Tinatawag na mangkukúlam ang tao na may angking ganitong mahiwagang lakas. Karaniwang inilalarawan ang mangkukúlam na isang huklubang babae, mabalasik ang mga matá ngunit umiiwas makipagtitigan sa iba, mahahabà at marusing ang mga buhok at mga kuko, nakatirang magiisa sa isang maruming kubo na naliligid ng nakatatákot na hayop (áso, pusang itim, paniki). Ang larawan ay mahihiwatigang may impluwensiya ng paglalarawan sa brúha (bruja) ng Europa. Ngunit may malaking kaibhan ang mangkukúlam sa brúha. Walang kaldero o palayok na kumukulo ang mangkukúlam. Sa halip, ang ginagamit nitٌóng pangkúlam ay isang manyikang basahan at mga karayom at aspile. Kapag may kukuláming kaaway o biktima, nagiging simbolo ng naturang tao ang manyika, at ang bawat bahagi ng manyika na tusukin ng karayom ay nagdudulot ng kirot at karamdaman sa kinukúlam. Isa ang mangkukúlam sa mga tinatawag na Fray Juan de Plasencia (sirka 1589) na mga “alagad ng diyablo” sa pangunguna ng katalóna na pinaniniwalaan at kinatatakutan ng taumbayan noon. Binanggit din ni Plasencia ang manggagawáy, aswáng, magtatanggál, huklúban, manggagayúma, at sónat na may kani-kaniyang uri ng kapangyarihan. (GCA)(ed VSA)

kulambô May matanda nang kasaysayan ang paggawa ng tent, kortina, lambat, at iba’t ibang proteksiyon laban sa mga insekto kung gabi. Isang pangunahing pangangailangan ito ng mga tao sa lupaing gaya ng Filipinas na maraming lamok, langaw, at ibang pesteng insekto. Isang katangian ng arkitektura ng bahay-kubo ang mga nakabukás na sahig at bintana para sa malayang daloy ng simoy at nagtataboy ng insekto. Ngunit higit na garantiya ang kulambô para makaligtas sa kagat ng lamok. Ang kulambô ay isang parihabang nilambat na tabing at inilaladlad sa ibabaw ng higaan kung gabi. Hinabing sinamáy, isang uri ng matigas ngunit matibay na tela mulang abaka, ang sinaunang kulambô. Yari na sa plastik ang kulambô ngayon. Sa karaniwang bahay noon na walang partisyon, hindi tinitiklop ang kulambô sa araw. Sa halip, inililis ito at nananatiling nakasabit upang wari’y markahan at ibukod ang higaan sa ibang bahagi na maaaring gamiting kainan, kuwentuhan, o laruan ng sungka. Bukod sa proteksiyon laban sa insekto, nagdudulot din ang kulambo ng kapayapaan ng loob. Magkakamag-anak lámang, ang ibig sabihin, ang magulang at mga anak, ang maaaring magsukob sa malaking kulambô. Ang pagsusukob sa kulambô ay sagisag ng matalik na ugnayan at pagmamahalan. Kayâ natutúlog “sa labas ng kulambô” o “outside the kulambô” ang naparusahan sa isang mabigat na kasalanan. (DRN)(ed VSA)

kulasisì Ang kulasisì (Loriculus philippensis) ay isang species ng loro na kabilang sa pamilya ng mga Psittacidae. Kilalá rin ang ibong ito sa tawag na hanging parrot sa Ingles. Katangian ng mga kulasisì ang magpabitin-bitin sa mga sanga ng punongkahoy. Ang katangiang ito ang pinagmulan ng pangalan nitó sa Filipinas. Natatagpuan ito sa mga tropikal na kagubatan at kabundukan. Kasama dito ang 11 subspecies na pawang mga katutubo sa Filipinas. Subalit ang tiyak na taksonomiya ay hindi pa malinaw sa kasalukuyan. Ang malaking bahagi ng balahibo ay kulay berde na may mga lugar na may kulay pulá, dilaw, asul, at kahel depende sa subspecies. Sa lahat ng lahi, maliban lamang sa Loriculus (philippensis) camiguinensis, lalaki lámang ang may kulay puláng balahibo sa ibabâ o sa itaas na dibdib (sexually dimorphic). Maliit lámang ang species na ito. Ang kulasisì ay may sukat na 14  na sentimetro (5.5 pulgada) ang habà, tumitimbang ng 32-40 gramo, at may maiksing pabilog na buntot. Gumagawa ito ng pugad sa mga butas o guwang ng punongkahoy. Ang kulasisì ay namimilì ng panahon sa pagpapalahi. Namumugad ito mula Marso hanggang Mayo. Ang produksiyon ng babaeng kulasisi ay 3 itlog, at pipisain ito sa loob ng 20 araw. Ang mga batàng kulasisi ay mangangailangan ng 35 araw pagkatapos ng pagpisa upang magsimula ng pag-aaral lumipad. Karaniwan nang nakikita ang kulasisi na nag-iisa o may kapareha, bihirang makita na nakagrupo. Malimit itong naghahanap ng pagkain sa mga ibabaw na bahagi ng kagubatan. Kabilang sa pagkain ang nektar ng mga bulaklak at malalambot na prutas. Ang ilang subspecies ay bihira nang makita o nawala na. (SSC) (ed VSA)

kuliglíg Isang uri ng kulisap ang kuliglíg (pamilyang Cicadoidae sa ordeng Hemiptera) at kilalá dahil sa malakas at matinis na ingay na nalilikha nitó. Ang kulisap ay may mga malaking matá at nakahiwalay sa ulo, at manipis at maugat na mga pakpak. May mahigit 2, 500 uri ng kuliglig sa buong mundo. Ang pangalan nitó sa Ingles na cicada ay mula din sa pangalan nitóng Latin at isang onomatopeikong paggagad sa tunog o ingay nitó. Ang tunog ay ginagawa ng lalaking kuliglíg sa pamamagitan ng mga kumikinig na bahagi ng tiyan nitó. May iba’t ibang tunog ang mga kuliglig at may higit na musikal kaysa iba. Ang tunog na ito ay maaaring marinig hanggang isang kilometro ang layò. Pagkapisâ mula sa itlog, ang sanggol na kuliglíg ay bumabaón sa lupa upang sumipsip ng katas mula sa ugat ng halaman. Matagal ito sa gayong pamumuhay, bumibilang ng taón, bago lumitaw na tigulang. Umaabot sa 17 taón ang búhay ng kuliglíg. Dahil sa naiibang búhay, hinahangaan ito ng mga Tsino at tradisyonal na simbolo para sa muling-pagkabuhay. Sa kanayunan, ang labis na ingay ng mga kuliglíg ay itinuturing na hudyat ng darating na dilim. May gayong pahiwatig ang pamagat ni Rolando S. Tinio sa kaniyang aklat ng tulang Sitsit sa Kuliglig (1972). Bagaman maaari ding nais niyang paglaruan ang tunog ng kuliglíg at ipaturing ang tula na tila “tsismis” lámang para sa kuliglig dahil bagaman makabuluhan ay hindi pinakikinggan ng kaniyang panahon.(VSA)

kulintáng Ang kulintáng ay grupo ng walong nakahanay at magkakaibang sukat na gong na nakapatong sa pahabâng kuwadro. Nakatono ang mga ito sa eskalang pentatonic o limang tono. Ang musika ng kulintang ay nakabatay sa tatlong uri ng ritmo: duyug, sinulog, at tidtu. Ang duyug ay ritmong ginagamit sa pagtugtog sa kasal, libangan, at pista. Ang sinulog ay may mas mabagal na ritmo kompara sa duyug. Ang tidtu naman ay binubuo ng di-pantay na kombinasyon ng ritmo, 2:3, at sa ritmong ito makikita ang husay ng manunugtog ng kulintang. Ang sinulog at tidtu ay ginagamit din sa pagtugtog sa paglilibang, sa kasalan, at iba pang mga pagdiriwang. Kulintang din ang tawag sa isang pangkat ng instrumentong pangmusika na binubuo ng kulintang, kasáma ng bebendil (gong na may papaloob na tagiliran), agung (isang pares ng gong na may malapad na papaloob na tagiliran), gandingan (isang pares  ng gong na may makitid na tagiliran), at debakan (tambol). Ang pangalan ng kulintang bilang pangkat ng instrumentong pangmusika sa Magindanaw ay basalen o palabunibunyan. Kilala rin ang kulintang sa tawag na k’lintan, kulintangan, at kwintangan. Ang tradisyon ng pagtugtog ng kulintang sa Filipinas ay nakasentro sa Mindanao at bahagi ng kultura ng mga Subanon, Mëranaw, Jama Mapun, Magindanaw, Tausug, Yakan, Sama, Bilaan, Tiboli, Ata, at Bagobo. Ngunit sinasabing ang tradisyon ng kulintang ay bunga lamang ng kontak ng nasabing mga grupo sa Borneo, Moluccas, at iba pang mga islang karatig ng Mindanao. Noong bandáng 1667, nagkomentaryo si Padre Francisco Combes tungkol sa gamit ng kulintang at iba pang instrumento. Aniya, “nang pumuwesto na ang mga babaylan sa altar na may sakripisyo ay nagsimula na silang sumayaw sa musika ng kulintangan, ang iba sa kanila ay tumutugtog sa guimbaw at agung. Umiikot sila sa altar, nanginginig at dumidighay habang umaawit ng miminsod, at hinihimatay.” (RCN) (ed GSZ)

kulísap Ang kulisap ay anumang maliit na hayop na kabilang sa Class Insecta. Ang pangalang siyentipiko ng uri nitó ay mula sa Latin na insectum at pinaghanguan din ng mga pangalan nitóng Espanyol (insecto) at Ingles (insect). Isang uri ito ng mga invertebrate na may tatlong-bahaging katawan (ulo, dibdib o thorax, at sikmura o abdomen), tatlong pares ng nakaugpong na paa, mga matáng compound, at isang pares ng antenna. Isa ang kulisap sa pinakasari-saring pangkat ng hayop sa lupa, kasama ang mahigit isang milyong nailarawan nang species at kumakatawan sa mahigit kalahati ng kilaláng buháy na organismo. Matatagpuan ang kulisap sa lahat ng uri ng kaligiran, bagaman iilan ang species na nabubuhay sa karagatan, isang habitat na dominado ng pangkat na mga krustaseo. Ilang arthropod panlupa, gaya ng alakdan, gagamba, at alupihan, ang napagkakamalang kulisap dahil nahahawig ang katawan; ngunit kapag sinuri ay hindi dahil unanguna’y walang anim na pares ng paa ang mga ito. Ang siklo ng búhay ng mga kulisap ay nag-iiba, mula isang araw hanggang ilang taón, ngunit nagsisimula ang karamihan sa itlog. Karaniwang kumikilos ang mga ito sa pamamagitan ng paglakad, paglipad, o paglangoy. Itinuturing ng tao na peste ang mga ito kayâ sinisikap puksain sa pamamagitan ng pestisidyo at ibang taktika. Totoo namang sinisira ng ilang insekto ang pananim dahil sa pagkain ng katas, dahon, o prutas at may mga insekto ding nangangagat ng tao at alagang hayop at sa gayo’y may kakayahang maglipat ng mga sakit sa mga tao at mga alaga. Gayunman, may mga kulilsap na kailangan sa polinasyon ng mga namumulaklak na halaman at sa ibang gawaing pangkaligiran. Isang uod, ang silkworm, ang inaalagaan para sa produksiyon ng seda, gayundin ang pukyut para sa pulut. Sa kalahatan, nagdaraan ang búhay ng kulisap sa dalawang uri ng banyuMga anay hay o metamorposis. Sa hemimetabolismo o di-ganap na metamoposis, nagbabago ang insekto sa pamamagitan ng paghuhunos. Halimbawa nitó ang tutubi. Sa halometabolismo o ganap na metamorposis, nagdaraan ang bútas. Ang mga kulisap na sosyal ay nagtatayô ng pugad, nagbabantay ng kulisap sa apat na yugto: ang itlog, isang uod o larva, isang pupa, at isang mga itlog, at buong-panahong nagdudulot ng pagkain sa mga anak. Itinutigulang o imago. Halimbawa nitó ang paruparo. turing na peste o salot ang mga insektong parasitiko (lamok, kuto, surot), nagkakalat ng sakit (lamok, langaw), sumisira ng bahay (anay), at sumisira May mga tinatawag namang kulisap na sosyal, gaya ng langgam, anay, ng pananim (tipaklong, uwang). Gayunman, kailangan ang ganap na ingat bubuyog, at putakti, na sáma-sáma sa isang malaking kapisanan o kolonya sa paggamit ng insektisayd laban sa pesteng kulisap. Isang halimbawa ang at may takdang espasyo at gawain. Kahanga-hanga ang pukyut na naka- DDT na pumuksa rin sa ibang uri ng ilahas na búhay at nagdulot ng karababalik sa kaniyang takdang butás sa isang kolonyang may libo-libong mdaman sa tao. (RRSC)

Kumbensiyóng Tejéros Noong 22 Marso 1897, nagkaroon ng pagpupulong sa Tejeros, isang baryo sa San Francisco de Malabon, Cavite, ang dalawang paksiyon ng Katipunan sa lalawigan—ang Magdíwang na pinamumunuan ni Mariano Alvarez, tiyuhin ni Andres Bonifacio, at ang Magdaló na pinangungunahan ni Baldomero Aguinaldo, pinsan Heneral Emilio Aguinaldo. Ito ang tinatawag ngayong Kumbensiyóng Tejéros (Te·hé·ros). Layunin ng kumbensiyong ito na bumuo ng mga plano at pagkilos upang palakasin ang depensa sa Cavite. Gayunman, sa halip na talakayin ang nasabing dahilan ng pagpupulong, nagdesisyon ang mga lider ng Katipunan sa naturang probinsiya na magtatag ng bagong rebolusyonaryong gobyerno kapalit ng Katipunan at maghalal ng mga opisyal para dito. Tinutulan ni Bonifacio ang inisyatibang ito at ipinuntong may konstitusyon at gobyernong kasalukuyang umiiral—ito ay ang Katipunan. Gayunman, nanaig ang kagustuhan ng mga Kabitenyong Magdalo. Bagama’t atubili, pinanguluhan ni Bonifacio ang eleksiyon sa garantiyang igagalang ng nakararami kung anuman ang maging resulta nitó. Sa halalang ito lumabas sina Emilio Aguinaldo bilang presidente; Mariano Trias, bise-presidente; Artemio Ricarte, kapitan-heneral; Emiliano Riego de Dios, direktor ng digma; at si Andres Bonifacio, bilang direktor ng interyor. Gaya ng pambabalewala sa orihinal na adyenda ng kumbensiyon, ang pagkakahalal kay Bonifacio ay inusisa ni Daniel Tirona at sinabing tanging may pinagaralan lámang ang maaaring mag-okupa sa nasabing posisyon. Bunga ng pambabastos na ito, idineklara ni Bonifacio bilang tagapangulo ng pagpupulong at supremo ng Katipunan na walang bisà ang nasabing halalan. Gayunman, buo na ang loob ng mga Kabitenyong Magdalo at itinuloy ang pagpapairal sa halalan sa Tejeros. Mabilisang pinanumpa si Aguinaldo bilang bagong pinunò. Pagkaraan, itinuring na hadlang si Bonifacio sa bagong gobyernong rebolusyonaryo kayâ ipinadakip bago makalabas ng Cavite, nilitis, at hinatulan ng kamatayan. (LN) (ed VSA)

kumintáng Ang kumintáng ay sinasabing isang sinaunang awit at sayaw pandigma ng mga Tagalog na nagmula sa mga lugar na kung tawagin noon ng mga misyonerong pari ay Kumintang—kilala ngayon bilang Batangas. Gayunman, sari-sari ang ulat at pakahulugan sa salitâng ito. Pagdating ng siglo 19, inilarawan na ito ng mga manlalakbay bilang sayaw at awit ng pag-ibig. Sinasabing isa itong sayawing pantomima na nagtatampok ng pagpapapansin ng lalaki sa babae at pagpapanggap niyang may sakit upang makuha ang atensiyon ng babae. O kayâ naman ang sayaw ng lalaki at babae na may hawak na sisidlan ng tubâ ang hulí. Sa siglo 20, tinawag ng Pambansang Alagad ng Sining Francisca Reyes-Aquino na kumintang ang pagpapaikot ng kamay at galang-galangan. Tinutukoy rin ng kumintang ang isang estilo ng pagtugtog ng gitara na sumasaliw sa pandangguhan at kundiman. (KLL)

Sining Kumintang ng Batangas

kumpít Ang kumpit ay isang bangkang gawa sa kahoy na karaniwang may habàng apatnapu hanggang animnapung pulgada. Maaaring higit nang mahabà ang makabagong kumpít. Ginagamit ito sa paglalayag sa pagitan ng mga pulo sa Sulu at Tawi-Tawi. Sa katunayan, maraming kumpit mula sa sinaunang panahon ang naging transportasyon ng mga tao at produkto sa pagitan ng mga isla sa Kanlurang Dagat Filipinas, Borneo at maging hanggang sa Singapore. Ang disenyo nitó na mababàng draft ay mainam sa paglalayag sa tubigang payapa ang alon at maraming bahura’t tangrib. Maraming pasahero ang maaaring kasiya sa isang kumpit, ngunit karaniwang dalawa o tatlo lamang ang kasiya sa maliliit na bangkang ito. Bantog ang mga residente ng Sibutu, Tawi-Tawi sa paggawa ng masisining na kumpit, ngunit tanyag din ito sa mga kalapit na bansa tulad ng Malaysia, Indonesia, at Brunei. Naging popular ang kumpit nitóng nakaraang siglo at may mahigpit na kampanya laban sa ismagling. Sinasabing hindi umubra ang mga bangkang de-motor ng coast guard sa paghabol sa mabibilis na kumpit, na siyempre pa’y ginagabayan ng mga Tausug o Samal na higit na bihasa sa paligid ng karagatan sa Mindanao, Sulu, Tawi-Tawi. (MJCT) ed VSA

kundíman Ang kundíman ay isang uri ng awit ng pag-ibig ng mga Tagalog. Sinasabing ang termino ay nagmula sa pinaikling pariralang “kung hindi man.” Ang salita ay maaari ring tumukoy sa bilis ng musika, gaya halimbawa ng awit na “Ako’y Isang Ibong Sawi” ni Juan Buencamino na nasa tiyempong kundiman. Bilang awit, karaniwang inuuri ito sa dalawa: awiting makabayan at awit ng pag-ibig. Maaari rin itong likhain sa dalawang tunugan—mayor at menor. Nagsimula ang kundiman bilang isang payak na awit, at tinatawag itong katutubong kundiman. Karaniwang sinasaliwan ito ng gitara, tulad sa harana. May itinuturing na mataas na antas ng kundiman—iyong aral ang estruktura at may manipulasyon sa himig at armonya. Magkatulad ang trato sa mismong awit at saliw na musika na karaniwang piyano. Nagsimulang itaas ang antas ng kundiman nang likhain ang mga klasikong halimbawa nito tulad ng “Anak Dalita” ni Francisco Santiago at “Nasaan Ka Irog” ni Nicanor Abelardo. Ang pinakapopular na kundiman sa kasalukuyang panahon ay ang “Bayan Ko” na may titik na isinulat ni Jose Corazon de Jesus at musikang nilikha ni Constancio de Guzman. Sa di-iilang pagkakataon, ang awit ng pag-ibig na ito ay nagiging awit para sa Inang Bayan. Karaniwan, mababása sa mga titik ng kundiman ang marubdob na paghingi ng pagmamahal ng isang binata sa inaasam nitong mutya. Ang ganitong sitwasyon ay nakakatulad ng paghingi ng lingap at kalinga sa bayan ng mga nakikipaglaban para sa kalayaan ng Filipinas. Ang pagpapahayag ng pagmamahal sa bayan ay maaaring lantad o mapagpahiwatig. Kabilang sa itinuturing na makabayang kundiman ang “Bayan Ko” at “Kundiman” ni Bonifacio Abdon. Maidaragdag dito ang ilang makabagong kundiman gaya ng “Lupang Tinubuan” ni Felipe de Leon at “Lupang Hinirang” ni Restituto Umali. (RCN) (ed GSZ)

kuntáw Ang kuntáw ay isang uri ng sining ng pagtatanggol sa sarili na binuo ng mga pamayanang Tsino sa Timog-Silangang Asia, lalo na sa Indonesia, Malaysia, Singapore, at Filipinas. Literal na nangangahulugan ang salitang kuntaw sa Hokkien na “ang daan ng kamao” at pangunahing gumagamit ng mga kamay at paa sa pakikipaglaban. Sa tagal ng panahon, nabahiran ang kuntaw ng iba’t ibang uri ng martial arts at mga katutubong paraan ng pakikipaglaban. Sinasabing naging mahigpit sa simula ang mga Tsino na ituro sa mga hindi Tsino ang kuntaw, ngunit sa panimula ng ika-20 siglo ay binuksan ito sa mga nais matuto at sa katunayan ay umabot pa ito sa Estados Unidos. Sa Filipinas, ang mga kamay at paa lamang din ang ginagamit sa pakikipaglaban. Sinasabing nagsimula ito sa bansa bago pa man dumating ang mga Espanyol at naging malakas sa kasalukuyan sa katimugang bahagi ng kapuluan. Sa kasaysayan, ipinagbawal ang paglahok o pag-eensayo ng kuntaw sa panahon ng pamamalakad ng mga Espanyol. Sa katunayan, naglabas pa ng batas, ang dekreto ng Cognomen (1849), na nagpaparusa sa mga Filipinong makikilahok sa kuntaw. Muling nabuhay ang komunidad ng mga praktisyoner ng kuntaw nang binuo ni Carlito Lanada noong 1960 ang International Kuntaw Federation upang buklurin ang mga interesado sa kuntaw sa buong daigdig. (MJCT) ed VSA

kurátsa Ang kurátsa (Ranina ranina) ay nabibilang sa pamilya Raninidae na makikita sa buong rehiyon ng Indo-Pasipiko. Ang pangalan nitó ay mula sa Espanyol na cucaracha para sa ipis at marahil ibinatay sa itsura nitó. Natatangi at kapansin-pansin ang sipit sa harapan ng kurátsa at ang mahabà at halos hugis kopitang talukab nitó na kulay makináng na kahel o pulá. May hanay sa talukap nitó na puting batik at tinatakpan ito ng bilugang tinik. Kadalasang may lapad itong 8.5 sentimetro at may bigat na 400 gramo. Maaari ring lumaki ito hanggang 15 sentimetro at bumigat ng 900 gramo. Kapag lumalangoy, nagkakandirit ang isang kurátsa na mistulang palaka. Karaniwang nangingitlog ito sa pagitan ng buwan ng Oktubre at Pebrero at maaaring manganak ang isang malaking babae ng dalawang beses sa tuwing kapanahunan. Ang karaniwang bilang ng itlog ay 120,000 bawat kapanahunan. Maaari nang magparami ang isang babaeng kuratsa sa edad na dalawang taon. Popular ngunit espesyal na pagkain sa Zamboanga ang kurátsa, ngunit malawakang hinuhúli din ang lamang-dagat na ito sa Hawaii, Japan, Seychelles, at sa silangang baybayin ng Australia. Matatagpuan ang mga kurátsa sa layòng 100 metro mula sa baybayin at lalim na 10 hanggang 70 metro. Maaaring mahúli ang mga ito sa pamamagitan ng bitag na may pain at gawa sa magkakabuhol na lambat na nakabitin sa isang patag na kuwadro. (MA) (ed VSA)

kurósan Ang kurósan (tinatawag ding balagbágan) ay isang uri ng pating (Sphyrna zygaena) na malapad ang nguso at may ulong hugis-malyete o martilyo at karaniwang humahabà nang 4.8 metro. Tinatawag itong hammerhead shark sa Ingles. Sa Filipinas, ilan sa mga lugar na may kurosan ay ang lalawigan ng Palawan, Pulo ng Balicasag sa Bohol, Pulo ng Malapascua sa hilagang Cebu, at bayan ng Moalboal sa timog Cebu. Tanyag ang mga lugar na ito sa mga maninisid o scuba diver, at ang kurosan, kasama ang ibang uri ng pating at lamandagat, ang isa sa mga nais masulyapan ng mga maninisid. Sa kasamaang-palad, bumabà na kamakailan ang bilang ng mga kurosan. Maaari itong isisi sa walang-habas na pangingisda, lalo ng malalaking kompanya na may malalaking barko. Nanganganib na ang ilang uri ng hammerhead sa buong daigdig dahil sa shark fin, o palikpik ng pating, na itinuturing na espesyal na pagkain at may mataas na presyo sa merkado. Kadalasan, pagkatapos hiwain at kuhanin ang palikpik ng nahúling pating ay itinatápon ang isda sa dagat. Ginagawa ito ng mga mangingisda upang higit na pakinabangan ang espasyo sa barko. Ang walang-palikpik na pating ay kaawa-awang lulubog sa dagat, upang marahang mamatay na naghihirap o kayâ naman ay walang-labang makain ng ibang isda. Tinatayang 26 hanggang 73 milyong pating, kurosan man o hindi, ang pinapaslang sa ganitong paraan taon-taon. Mahigpit nang ipinagbabawal ng maraming bansa ang naturang gawain. (PKJ)

kutà Tumutukoy ang kutà ngayon sa lugar na pinangangalagaan o binabantayan ng isang pangkat na sandatahan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa loob at sa paligid. Maaaring mangahulugan din ang kuta bilang isang kongkreto at protektadong estruktura, tulad ng moog, kampo, o kastilyo. Sa kuta inilalagay ang sandatahang lakas ng isang lipunan. Sa sinaunang Tagalog ang kutà ay isang pook na tanggulan. Maaaring isa itong mataas na gulod o gubat na may lupa’t batong kanlungan upang hindi kaagad mapasok ng kaaway. Unang nakilála sa kasaysayan ang matandang kuta ni Raha Soliman na may moog na mga kahoy at kawayan upang ipagtanggol ang pamayanan sa Maynila. Sinasabing nagmula sa mga salitang Magindanaw na “kuta wato” ang pangalan ng Cotabato. Tinutukoy nitó ang kuta na gaya ng itinayô ni Sultan Kudarat laban sa pananakop ng mga Espanyol. Sa panahon ng mga Espanyol, nagtatag ang mga Muslim ng mga moog na nagsilbing kuta, gaya ng Kutang Pikit sa Hilagang Cotabato. Nagtayô naman ng mga kuta (o fuerza) ang mga Espanyol upang mapanatili ang pananakop sa mga estratehikong pook sa Filipinas, gaya ng Fuerza Santiago sa Intramuros, Kutang Pilar sa Lungsod Zamboanga, Kutang San Antonio Abad sa Lungsod Cebu. Naging isang mahalagang kuta naman ng maraming armadong grupong Filipino ang bundok, mula pa sa panahon ng paghihimagsik ni Dagohoy hanggang sa mga tinatawag na real ng mga pangkatingKatipunero sa Bulacan, hanggang sa Republikang Tagalog ni Macario Sakay at sa mga kampamento ng gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. (MJ) ed VSA

Kutang San Antonio

Kutàng Bonifacio Maaaring tumukoy ang Kutàng Bonifacio (bo•ni•fás•yo) sa pambansang headquarters ng Philippine Army (na may pormal na ngalan na “Fort Andres Bonifacio”), o sa “Bonifacio Global City” (may palayaw na “BGC” at “The Fort”), isang distritong pang-komersiyo at isa sa mga sentro ng kalakaran ng buong bansa. Matatagpuan ito sa Lungsod Taguig, Metro Manila. Itinatag ng mga Amerikano ang moog noong 1901 at Digmaang FilipinoAmerikano. Pinangalanan itong Fort McKinley bilang pagkilala sa ika-25 pangulo ng Estados Unidos na si William McKinley. Pagkalaya ng Filipinas mula sa Estados Unidos noong 1946, ibinalik sa mga Filipino ang pagmamay-ari ng kampo. Ipinangalan ito kay Gat Andres Bonifacio, Supremo ng Himagsikang Filipino ng 1896. Noong 1995, sinimulan ng Bonifacio Land Development Corporation at Bases Conversion and Development Authority ng pamahalaan ang paglinang sa Fort Bonifacio bilang bagong kabesera ng negosyo sa bansa. Sa kasalukuyan, kinakaribal nito ang Makati Central Business District bilang sentro ng komersiyo. Matatagpuan dito ang ilang embahada, pambansa o rehiyonal na headquarters ng mga multinational corporation, mga naglalakihang mall, mga tahanan at condominium para sa mga mariwasa, at mga internasyonal na paaralan. Matatagpuan din sa Fort Bonifacio ang Libingan ng mga Bayani at ang Manila American Cemetery and Memorial. (PKJ)

Kutàng Píkit Ang Kutàng Píkit ay isang moog sa bayan ng Pikit, lalawigan ng North Cotabato na itinayô ng mga Espanyol noong 1893 bilang bahagi ng ekspedisyon ng pananakop ng pamahalaang kolonyal sa mga Moro ng Mindanao, at bilang pagpapaigting ng kanilang hawak sa Cotabato at Ilog Pulangi. Yari ang tanggulan sa bato, kahoy, bakal, at nipa. Katulad ito sa pagkagawa ng kalapit na Fuerza de Regina Regente sa Dulawan, Cotabato (ngayon ay Datu Piang, Maguindanao). Ayon sa mga historikal na talâ, isang opisyal, 60 sundalo, at anim na tagakanyon ang nakabantay sa moog. Nagkaroon pa ng panukala na magtayô ng isang garison 46 milya pababâ ng Ilog Pulangi, sa pook na tumitigil diumano ang saklaw ng mga Moro at nagsisimula ang kolonisadong lupain ng Montesa de Misamis (Bukidnon ngayon), upang mabigyan ng dagdag-lakas ang Kutàng Pikit. Pagdating ng mga Amerikano, ginamit ng bagong pamahalaang kolonyal ang moog sa pagkubkob ng Mindanao. Sumunod naman itong ginamit ng Konstabularya ng Filipinas sa panahon ng kolonyalismong Amerikano. Namalagi rin dito ang hukbo ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ngunit nabawi ng mga Amerikano sa kanilang pagpapalaya ng silangang Mindanao. ����������������������������������������������� Noong 2012, ipinahayag na Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark) ang Kutàng Pikit. Ginawang pampublikong liwasan ang moog ngunit napabayaan noong dekada sitenta dahil sa kaguluhan sa rehiyon. Isinaayos ito nitóng mga nakaraang taon. Matatagpuan ang moog sa tuktok ng isang burol na kaharap ng pambansang haywey na nagdudugtong sa mga lungsod ng Cotabato at Davao. Matatanaw mula sa burol ang malalawak na kapatagan. (PKJ)

Kutàng Pilár Ang Fort Pilár ay isang moog sa Lungsod Zamboanga na itinayo ng Heswitang paring si Padre Melchor de Vera kasama si Kapitan Juan de Chaves noong 23 Hunyo 1635. Una itong tinawag na Real Fuerza de San José at nagsilbing tanggulan ng mga Kristiyano laban sa pagsalakay ng mga Muslim, Olandes, at Tsino. Noong 1663, iniwan ito ng mga sundalong Espanyol nang magpunta sila sa Maynila upang kalabanin at paalisin ang mga piratang Tsino. Muli itong ipinagawa ng inhenyerong Espanyol na si Juan Sicarra noong 1719 at tinawag na Fuerza de Nuestra Señora del Pilar de Zaragoza na alay sa patrong si Nuestra Señora del Pilar. Ilang pagsalakay ang nalampasan ng Fort Del Pilar. Taóng 1720, sinalakay ito ng hukbo ni Dalasi, Hari ng Bulig kasama ang 3,000 Muslim at noong 1798, binomba naman ito ng mga British. Naging bilangguan din ito ng 70 tao noong 1872, inabandona ng mga Espanyol noong 1898 at inokupa ng mga Amerikano noong 1899 ngunit sinakop ng mga Hapon noong 1942. Noong 4 Hulyo 1946 inilipat sa Filipinas ang pamamahala sa moog. Kinilala ang Fort Pilar bilang Pambansang Yamang Pangkultura noong 1 Agosto 1973 sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 260. Sinimulan ang restorasyon dito noong1980 na pinamahalaan ng Pambansang Museo ng Filipinas. Pagkaraan ng anim na taon, binuksan ang Fort Pilar bilang isang Museo na nagtampok ng mga Kontemporaneong Sining ng Filipinas. Noong 1987, binuksan din ang ikalawang palapag ng Museo na nagtampok ng eksibit ng mga yamang-dagat ng Zamboanga, Basilan, at Sulu. Mahigit 400 species ng yamang-dagat ang ipinakita sa pamamagitan ng mga diyorama. Sa pang-ilalim na palapag ng Fort Pilar ay matatagpuan ang eksibit ng relikya ng barkong Griffin na lumubog noong ika-18 siglo Ang Museong Fort Pilar ngayon ang isa sa paboritong pasyalan sa Lungsod Zamboanga. (EGN) (ed VSA)

Kutàng San Andrés Ang Kutàng San Andrés ( Fort San Andres sa Ingles) ay isang moog sa poblasyon ng bayan ng Romblon, lalawigan ng Romblon na itinayô ng mga Espanyol noong 1573. Nagsilbi itong tanggulan laban sa mga pirata at mangangayaw. Yari ang kuta sa mga batong minina mula sa mga tangrib. Mayroon itong kakambal na moog, ang Kutàng Santiago, na kaunti na lamang ang bakas sa kasalukuyan at tuluyan nang natakpan ng halaman at lupa. Nitóng mga hulíng dekada, ginamit ang kuta bilang obserbatoryo at weather station ng PAGASA. Isang pag-aaral noong 2006 ang nagbunyag na malapit nang tuluyang gumuho ang Kutang San Andres, kung kayâ naman pinangunahan ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA) ang pagsasaayos nitó at ng 205 hakbang paakyat sa moog. Matatanaw mula sa kuta ang kabayanan at pantalan ng Romblon. (PKJ) ed VSA

Kutàng San Antonio Abad Ang Kutàng San Antonio Abad (dating Fuerza de San Antonio Abad) ay isang moog sa distrito ng Malate sa Lungsod Maynila. Itinayô ito noong 1584 ng mga Espanyol upang bantayan ang likuran ng Intramuros—na siyang dating lungsod ng Maynila—at ang rutang Maynila-Cavite. Dáti itong nakatayô sa baybay ng Look Maynila noong hindi pa natatambakan ng lupa ang maraming bahagi ng lungsod. Sa kasalukuyan, matatagpuan ito sa loob ng Central Bank of the Philippines Complex sa Roxas Boulevard, sa gitna ng Manila Metropolitan Museum at mga gusali ng Bangko Sentral. Maaaring hindi ito kasingkilala ng kapatid nitóng Fuerza Santiago, ngunit mahalaga rin ang ginampanan nitó sa kasaysayan ng Filipinas. Nakubkob ang moog ng mga Ingles noong 1762, at ginamit nilá ito sa kanilang pagkanyon at paglusob ng Intramuros. Nang nabawi ng mga Espanyol ang Maynila at Fuerza de San Antonio Abad, ginawa nilá itong imbakan ng pulbura at tinawag na La Polvorista. Noong Agosto 1898, nakuha ito ng mga Amerikano sa Digmaang Espanyol-Amerikano. Dito unang iwinagayway ang watawat ng Estados Unidos. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit ito ng mga Hapones bilang bunker. Naisaayos ang moog nang itinayô ang bagong compound ng Bangko Sentral noong dekada sitenta. Isa nang hardin ang moog sa kasalukuyan, at ginagamit ito sa mga okasyon ng Bangko Sentral o Manila Met. Maaari itong pasyalan ng kahit sino; kailangan lámang munang pumasok sa Bangko Sentral o sa museo. Isang kahoy na imahen ng patron ng moog, si San Antonio, ang matatagpuan sa panlikod na pader. (PKJ)

Kutàng San Pédro Ang Kutàng San Pédro (Fort San Pedro sa Ingles) ay isang moog sa Lungsod Cebu, lalawigan ng Cebu na sinimulang itayô ng mga Espanyol noong 1565, ang unang taon ng pananakop ng mga Espanyol. Natapos lamang ito noong 1738 pagkatapos ng ilang pagbabago sa mga materyales na ginamit sa moog. Ito ang pinakamatanda at pinakamaliit na fuerza ng mga Espanyol sa Filipinas. Ang conquistador mismo na si Miguel Lopez de Legaspi ang nagpatayô sa kuta, bilang tanggulan laban sa mga piratang Moro at mga katunggaling katutubo. Ito rin ang nagsilbing puso ng unang pamayanang Espanyol sa Filipinas. Hango ang pangalan ng moog sa pangunahing barko ni Legazpi, ang San Pedro. Nagsimula ito bilang isang kutang hugis tatsulok at yari sa troso at putik. Nang binanggit ito sa isang ulat kay Haring Felipe II ng Espanya noong 1739, inilarawan ang kuta bilang gawa na sa bato at may tatlong maliliit na tanggulan, ang La Concepcion sa timog-kanluran, Ignacio de Loyola sa timog-silangan, at San Miguel sa hilagang-silangan. Mayroon din daw itong isang balon; isang imbakan ng pulbura at armas; isang malaking gusali, ang Cuerpo de Guardia, na tirahan ng mga bantay; at ang Vivende del Teniente, na tinutulugan ng opisyal na tenyente. May lawak daw itong 2,025 metro kuwadrado, at mga dingding na 20 talampakan ang taas at walong talampakan ang kapal, at mga toreng 30 talampakan ang tayog. Noong Himagsikang Filipino, nagsilbing karsel ng mga rebolusyonaryong Filipino ang kuta. Sa panahon ng mga Amerikano, nagsilbi itong barracks ng mga kawal at paaralan para sa mga Sebwano. Ginamit itong tanggulan at piitan ng mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig bago maging ospital. Pagkatapos ng digmaan, ginawa itong kampo militar. Noong 1950, napunta ito sa Cebu Garden Club na ginawang munting hardin ang kuta hábang ang mga itaas na bahagi ay nagsilbing tanggapan ng pamahalaan. Naging zoo rin ang kuta noong 1957, pagkatapos ang nabigong balak isang museo na nagtatanghal ng ilang kagamitan at dokumento mula sa ng dating alkalde Sergio Osmeña Jr. na gibain ang guho para patayuan ng panahon ng Espanyol, mga likhang sining tulad ng pintura at lilok, mga bagong munisipyo. sandata tulad ng espada at kanyon, at mga piraso ng porselana mula sa kahariang Ming ng Tsina. Sa labas ng mga pader, nakatayô naman ang Nagsimula ang restorasyon ng kuta noong 1968. Sa kasalukuyan, isa ang mga estatwa nina Legazpi at Antonio Pigafetta, ang Italyanong iskolar na Kutang San Pedro sa mga pook panturista ng Cebu. Matatagpuan ito sa kasáma ni Magellan sa kaniyang paglalakbay sa Filipinas noong 1521. Plaza Independencia sa Pier Area ng nasabing lungsod. Tampok dito ang (PKJ) ed VSA

Kutàng Santiago Ang orihinal na pangalan ng Fort Santiago (Fort San·ti·yá·go) ay Fuerza Santiago, isang tanggulang moog na sinimulang itayô noong 1590 at natapos noong 1739 sa dating lugar na kinalalagyan ng matandang Maynilad na matatagpuan sa bunganga ng Ilog Pasig. Bahagi ito ng mga estrukturang bumubuo sa siyudad ng Intramuros, ang itinuturing na “Lungsod Maynila” noong panahon ng mga Espanyol. Pinangalanan ito ni Gobernador Santiago de Vera bilang parangal sa kaniyang patron na si Santiago. Ang pader na nakapalibot dito at nagsisilbing proteksiyon ay may kapal na walong talampakan at taas na dalawampu’t dalawang talampakan. Hindi maikakaila ang kahalagahan nitó sa kasaysayan ng Filipinas. Sa panahon ng kolonisasyon, ito ang nagsilbing pangunahing tanggulang moog ng gobyernong Espanyol. Ginawa din itong bilangguan. Dito ikinulong at ginugol ni Jose Rizal, ang pambansang bayani, ang kaniyang mga hulíng araw bago siyá bitayin noong 30 Disyembre 1896. Mula sa kanyang selda, sinulat niya ang kaniyang hulíng tula na Ultimo Adios. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Fort Santiago ang nagsilbing punòng himpilan ni Heneral Douglas MacArthur at mula dito niya pinamunuan ang hukbong Filipino-Amerikano laban sa mga mananakop na Hapones. Sa panahon ng pananakop ng mga Hapon, ang Fort Santiago ay naging kasingkahulugan ng kamatayan para sa mga Filipino. Dito isinagawa ng mga kempeitai, pulis-militar ng mga Hapon, ang matinding pagpapahirap o parusa sa mga napaghihinalaang miyembro ng gerilya. Maraming Filipinong namatay sa mga selda nitó. Sa liberasyon ng Maynila noong 3 Pebrero 1945, dumanas ng matinding pinsala ang moog sa bombahan ng magkalabang puwersa. Sa kasalukuyan, ang moog at ang mga selda nitó ay isa nang pambansang dambana. Mula sa imahen nito ng pagpapahirap at kamatayan, ito ngayon ay larawan ng kagandahan at kapayapaan para sa mga nais lumaya sa magulong buhay siyudad. (LN) (ed VSA)

kuwago Ang kuwago o owl sa wikang Ingles ay isang uri ng ibon na kabilang sa Order Stigiformes na binubuo ng halos 200 uri ng ibon. Karamihan sa mga kuwago ay namumuhay mag-isa at may katangiang nocturnal— natutúlog sa araw at sa gabi gisíng upang humanap ng pagkain. Ngunit hindi kabilang sa katangiang ito ng kuwago ang tinatawag na Northern Hawk Owl sapagkat ito lámang ang kuwagong gisíng sa araw at natutúlog sa gabi. Maaaring nakasalig sa katangiang ito ng kuwago ang popular na salawikain sa tanagàng: Mabuti pa ang kubo Kung nakatira’y tao Kaysa isang palasyong Nakatira’y kuwago. Ang tahanan ay karaniwang may tao kung gabi, dahil umuuwi ang mga nakatira pagkatapos ng maghápong pagtatrabaho. Sa gayon, nagtitipon sa bahay ang pamilya kung gabi. Ngunit hindi ito mangyayari kung kuwago ang nakatira sa kahit isang palasyo dahil sa gabi umaalis at naghahanap ng pagkain ang ibong ito. Mga insekto at ibang ibon ang kinakain ng mga kuwago ngunit may ilang uri nitó na bihasa sa paghúli ng mga isda. Matatagpuan ang mga kuwago sa halos lahat na rehiyon ng daigdig maliban sa Antartika at ilang bahagi ng Greenland dahil sa malamig na temperatura sa mga lugar na ito. Kilalá ang mga kuwago sa pagkakaroon ng malalaking matá at bútas ng tenga, maliliit na tukâ, at malalapad na ulo. (IPC)

Kuwarésma Itinuturing ng Simbahang Katoliko ang panahon ng Kuwarésma bilang pinakabanal na panahon sa kalendaryo ng Simbahan. Nagmula sa salitâng cuaresma ng wikang Espanyol, ang Kuwaresma ay panahon ng apatnapung araw ng pag-alaala sa Pagpapahirap, Pagkamatay at Muling-Pagkabuhay ni Hesukristo. Nagsisimula ang panahon ng Kuwaresma sa Miyerkoles de Senisa at nagtatapos sa Pasko ng Pagkabuhay. Pangunahing kaugalian ng mga Filipino tuwing Kuwaresma ang pag-aayuno, o kahit paano, ang pagiwas kumain ng karne tuwing Biyernes. Lumalabas sa panahong ito ang iba’t ibang gawaing relihiyoso ng mga Kristiyanong Filipino. Sa Miyerkoles de Senisa, nilalagyan ng pari ang mga noo ng mga mananampalataya ng abo mula sa mga natuyong palaspas na hinaluan ng banal na tubig bilang tanda ng pinagmulan tao at ang mangyayari sa katawan ng tao kapag siyá’y namatay. Sa mga susunod na araw at linggo, magsasagawa ng Via Dolorosa o Daan ng Krus ang mga kapilya at simbahan upang ipaalaala sa mga Katoliko ang dinanas ni Hesukristo sa mga huling araw niya sa mundo bilang tao. Sa simula ng Semana Santa o Mahal na Araw, ginagawa ang pagbebendisyon ng palaspas, tanda ng pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem. Tinatawag itong Domingo de Ramos o Linggo ng Palaspas. Sa mga susunod na araw, naglalagay ang mga komunidad ng mga altar at sari-sariling kapilya upang maging lugar sa pagbabasá ng pasyon. Sa Huwebes Santo, isinasagawa ng mga Filipino ang Visita Iglesia. Nagpupunta silá sa iba’t ibang simbahan upang magdasal ng Via Dolorosa o kaya’y magsindi ng kandila. Sa araw ring ito muli ring isinasabuhay ang Paghuhugas ng mga Paa ng mga Disipulo. Sa Biyernes Santo, maraming nagpepenitensiya sa pamamagitan ng paghampas ng sarili hanggang magdugo ang likod, pagpapakò sa krus, paglalakad nang paluhod, at iba pa. Para sa mga albularyo, ito ang nakatakdang araw upang muling palakasin ang kani-kanilang mga anting-anting at iba pang gamit sa paggamot. Pumupunta silá sa mga bundok at kuweba upang magdasal. Sa dapithapon ng Biyernes Santo, ipinuprusisyon ang Santo Intiyero na sinusundan ng imahen ni Maria, Ina ni Hesus.. Ilan sa mga paniniwala tungkol sa Biyernes Santo ay bawal magkasugat dahil hindi raw ito gagaling agad, bawal maligo pagkatapos ng ika-3 ng hápon, at bawal humawak ng patalim sa buong araw.

Retrato ni Dino Balabo

Sa Sabado de Gloria, isang misa sa gabi ang idinaraos upang bendisyunan ang mga kandila at tubig. Hinihintay ng mga deboto ang Linggo ng Pagkabuhay sa pamamagitan ng isang paglalamay sa simbahan. Sa bukang-liwayway ng Linggo ng Pagkabuhay, isinasagawa ang Salubong, isang pagsasadula ng paghaharap muli ni Kristo at ng kaniyang ina. Isang batang anghel ang magtatanggal ng belong itim sa Birhen sakâ magkakaroon ng masayáng tugtog ng musiko, ang hudyat na muli nang nabuhay si Kristo.(SJ)

Kuwéntong Kutséro Karaniwang ibig sabihin ngayon ng “kuwéntong kutséro” ang isang kuwentong di-kapani-paniwala ngunit nakatatawa. Ang elementong ito ang ginamit sa naging napakapopular na palabas na Kuwéntong Kutséro at nagsimulang dulang panradyo noong dekada 50, naging dulang pantanghalan, isina-TV, isinapelikula, at ang iskrip na panradyo ay tinipon sa isang aklat na inilabas ng UP Press noong 1997. Sinimulan ang Kuwéntong Kutséro ng isang grupo mula sa Ateneo de Manila University bilang isang karaniwang palatuntunang nagpapatawa sa radyo at may iskrip ni Epifanio G. Matute. Nang pangasiwaan ito ni Atty. Narciso Pimentel, ginawa itong satirikal na magaan at nagpapatawa hábang binubulatlat ang mga isyung panlipunan at pampolitika. Umiikot ang programa sa búhay ni Teban Doblecarrera, isang kutsero, at kaniyang pamilya: ang asawa niyang kuripot na si Teria, anak na abogadong si Tony, anak na dalagang guro na si Celia, at bunsong si Junior. Kasáma nilá sa bahay ang ama ni Teban, si Lolo Hugo, na matandang bingi. Labas-masok ang mga kakilála, kapitbahay, at kaibigan, tulad nina Cruz Pasangcruz, gurong Bisaya na nanliligaw kay Celia; Daniel Discurso, isang henyong Ilokano; Propesor Sanlugar, mestisong Espanyol na napakatalino; Mr. Alvarez, na pabaligtad magsalitâ; Busiong Bungisngis, Sensiong Satsat, atbp. Sa mga usapan ng pamilya kasáma ang iba pa, tinalakay ng programa ang mga isyu noon (na isyu pa rin hanggang ngayon), tulad ng matinding trapik, mataas na presyo ngunit masamâng serbisyo ng koryente at tubig, at mga baluktot na hálagáhang Filipino. Ipinahayag ng Kuwéntong Kutséro ang mga daing ng sambayanan kayâ kinagiliwan ito ng maraming nakikinig. Nagtagal ang programa sa radyo hanggang mga unang taon ng Batas Militar. (AEB) (ed VSA)

KZKZ Ang KZKZ ang unang komersiyal na estasyon ng radyo sa Filipinas. Si Henry Herman ang nagtatag ng nasabing estasyon ng radyo na nagsimulang magsahimpapawid noong 1924 mula sa gusali ng Monte de Piedad sa Plaza Sta. Cruz, Maynila bago ito lumipat sa tahanan ni Herman sa Pasay. Nagsimulang mag-eksperimento si Herman sa Pasay sa pamamagitan ng pagsasahimpapawid ng mga nakarekord na tugtugin ng ponograpo at ilang balita noong Hunyo 1922. Sinabayan niya ito ng pagtatayô ng mga transmiter sa Maynila at isang mobile na transmitter. Matapos ang dalawang taon, pinagsáma ni Herman ang kaniyang eksperimento upang buuin ang KZKZ. Nagmula ang pangalan ng estasyon ng radyo buhat sa desisyon ng Estados Unidos na magsimula ang lahat ng mga estasyon ng radyo sa kanlurang bahagi ng Ilog Mississippi. Dahil nása pinaka-kanlurang bahagi ng Estados Unidos ang Filipinas, itinalaga ang ikalawang letra sa Z, kung kayâ ang lahat ng estasyon ng radyo noong panahon ng kolonyalismong Amerikano ay KZ. Nakilála ang estasyon ng KZKZ bilang “Krazy, Krazy” na siyá na ring naging tagline nitó. Matapos ang ilang buwan ng pagsasahimpapawid, inilipat ni Herman ang pagmamay-ari ng kompanyang KZKZ sa Radio Corporation of the Philippines (RCP). Nilayon ng RCP na makapagsahimpapawid sa radyo nang hindi na gumagamit ng wayr. Nagsáma naman ang RCP at ang Far Eastern Radio Inc., ang karibal na estasyon ng RCP. Matapos ang isang taon, binili ng Radio Corporation of Amerika ang RCP. Itinatag nitó ang KZRM, ang estasyon ng radyo na may pinakabagong teknolohiya sa pagsasahimpapawid sa pamamagitan ng radyo. Noong 1927, tuluyan nang huminto sa pagsasahimpapawid ang KZKZ. (SDJ) ed VSA

SK 2000 K.pdf

biyolin, mandolin, gitara, cello, baho, banjo, cymbals, kettle drum, ban- durya, at subing. Noong 1935 kasama sina Fernando Alfon at Vicente Castillo, itinatag ...

23MB Sizes 7 Downloads 1068 Views

Recommend Documents

SK 2000 K.pdf
There was a problem loading this page. Retrying... SK 2000 K.pdf. SK 2000 K.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK 2000 K.pdf.

SK 2000 A.pdf
ng Filipinas sa Estados Unidos noong 1919, humawak ng iba pang mga. tungkulin sa pamahalaan gaya ng abogado ng Manila Railroad Company.

SK 2000 E.pdf
Whoops! There was a problem loading more pages. SK 2000 E.pdf. SK 2000 E.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Details. Comments. General Info. Type.

SK 2000 Z.pdf
Page 1 of 3. Jacinto Zamora. (4 Agosto1835-17 Pebrero1872). Si Jacinto Zamora (Ha·sín·to Za·mó·ra) ay isang Filipinong paring se- kular (paring hindi kabilang ...

SK 2000 H.pdf
There was a problem loading this page. SK 2000 H.pdf. SK 2000 H.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK 2000 H.pdf. Page 1 of 53.

SK 2000 J.pdf
Ipinangalan din sa kaniya ang paliparan ng bayan (Evelio Javier Airport). (PKJ). Page 4 of 16. SK 2000 J.pdf. SK 2000 J.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In.

SK 2000 Z.pdf
EVENT SCHEDULE - TRACK & FIELD. TUESDAY, AUGUST 1. RUNNING EVENT SCHEDULE. TIME EVENT/AGE GROUP RACE. 8:00 AM 1500M Run TF.

SK 2000 G.pdf
kapalaran sa sinumang magaba. Paalala dahil nagsisilbi itong gabay ng. tao upang huminahon at pag-isipang mabuti ang anumang gagawin, lalo. na't may ...

SK 2000 E.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK 2000 E.pdf.

SK 2000 Y.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK 2000 Y.pdf.Missing:

SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf
Sekretaris Jendral,. Noffendri Roestam, S. Si., Apt. NA. 29111970010829. Page 2 of 2. SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf. SK-027 ttg SK PD JATIM.pdf. Open. Extract.

SK Kepengurusan.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item.Missing:

SK Radius.pdf
kepada pihak-pihak yang berperxara daram *ir"yan yrridiksi Peng.adilan Agama Gunungsitori seperti terGoui daram lampiran surat keputusan ini. Bahwa radius ...

sk-radius.pdf
Page 1 of 3. KEPUTUSAN KETUA PENGADILAN AGAMA SIBOLGA. Nomor : W2-A5/ 74 /KU.04.2/I/2015. T E N T A N G. PANJAR BIAYA PERKARA, RADIUS PEMANGGILAN DAN. PEMBERITAHUAN KEPADA PIHAK-PIHAK YANG BERPERKARA. DALAM WILAYAH YURIDIKSI PENGADILAN AGAMA SIBOLGA.

SK-PPG.pdf
Loading… Whoops! There was a problem loading more pages. Whoops! There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK-PPG.pdf. SK-PPG.pdf. Open. Extract. Op

SK PPID.pdf
Lembaran Negara Nomor a$a+l;. 2. Undang-undang Nomor L4 Tahun 2008 tentang Keterbukaan. Informasi Publik (Lembaran Negara Tahun 2008 Nomor 61,.

sk add.pdf
работе. sharp 25an1 инструкция. apexi auto timer for na lt turbo инструкция. мануал для asus m2n x. должностная инструкция заместителя заведующей по ...

SK SPIP.pdf
H. ABRARUDDIN ANWAR. NIP. 19610305 199203 1 005. Tembusan : Yth. Ketua Pengadilan Tinggi Agama Medan. Page 3 of 4. SK SPIP.pdf. SK SPIP.pdf.

SK Monitoring.pdf
There was a problem previewing this document. Retrying... Download. Connect more apps... Try one of the apps below to open or edit this item. SK Monitoring.

SK Tentang Mediator.pdf
Page 3 of 3. SK Tentang Mediator.pdf. SK Tentang Mediator.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK Tentang Mediator.pdf. Page 1 of 3.

SK PNJR NEW.PDF
ketentuan untuk menjamin tercapainya pelayanan prima terhadap. masyarakat pencari keadilan; 6. Bahwa dengan. dis.e.suaikannya keputusan Ketua ...

SK ISI OK.pdf
berwenang menerbitkan sertifikasi profesi geomatika'. 2. Anggaran Rumah Tangga lSt Pasal 16 tentang Badan Sertifikasi Asosiasi (BSA-lSl). Memperhatikan: 1.

SK S1 Manajemen.pdf
Page 3 of 3. SK S1 Manajemen.pdf. SK S1 Manajemen.pdf. Open. Extract. Open with. Sign In. Main menu. Displaying SK S1 Manajemen.pdf. Page 1 of 3.

RAC SK Mondal.pdf
ration. S, IAS. ns. orking as a. -1992, 1994. P)refrigerator+ 1. P)refrigerator. at pump, if. efrigerator + 1. es of 27°C. 0 Wand 10. [GATE. rature lim. heat engin. ion is equa. ter 1. n. S). a heat. 4, 2000]. 1. f same. and –. 000 W,. E-2003]. mi